Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Unang Bahagi
Nagkaroon na ng malaking epekto sa bawat isa sa inyo ang ating nakaraang ilang pagbabahaginan. Sa ngayon, sa wakas ay talagang nararamdaman na ng mga tao ang tunay na pag-iral ng Diyos at na sa katunayan ay napakalapit ng Diyos sa tao. Bagaman maaaring naniwala na ang mga tao sa Diyos nang maraming taon, hindi nila kailanman tunay na naunawaan ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya gaya nang nauunawaan nila ngayon, ni tunay nilang naranasan ang Kanyang praktikal na mga gawa gaya nang nararanasan nila ngayon. Maging kaalaman man o aktwal na pagsasagawa ito, may bago nang natutuhan ang karamihan sa mga tao at nagkamit na sila ng mas malaking pagkaunawa, at napagtanto na nila ang kamalian sa kanilang sariling mga paghahangad sa nakaraan, napagtanto ang kababawan ng kanilang karanasan at na masyadong marami sa kanilang karanasan ang hindi ayon sa kalooban ng Diyos, at napagtanto na ang pinakakulang sa tao ay ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Isang uri lamang ng kaalaman batay sa pang-unawa ang kaalamang ito sa panig ng tao; kinakailangan ang unti-unting pagpapalalim at pagpapalakas sa pamamagitan ng mga karanasan ng isang tao upang makaabot sa antas ng makatwirang kaalaman. Bago tunay na maunawaan ng tao ang Diyos, maaaring masabi sa pansarili na naniniwala nga sila sa pag-iral ng Diyos sa kanilang mga puso, ngunit wala silang tunay na pagkaunawa sa partikular na mga katanungang gaya ng kung anong uri ng Diyos talaga Siya, kung ano ang kalooban Niya, kung ano ang disposisyon Niya, at kung ano ang tunay Niyang saloobin tungo sa sangkatauhan. Lubos na kinukompromiso nito ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, pinipigilan ang kanilang pananampalataya na makamit ang kadalisayan o pagkaperpekto. Kahit na nakaharap ka nang mukhaan sa salita ng Diyos, o nadarama na nakaharap mo na ang Diyos sa pamamagitan ng mga karanasan mo, hindi pa rin masasabing lubos mo na Siyang nauunawaan. Sapagkat hindi mo nalalaman ang mga kaisipan ng Diyos, o kung ano ang Kanyang iniibig at Kanyang kinamumuhian, kung ano ang ikinagagalit Niya at kung ano ang nagdudulot sa Kanya ng kagalakan, samakatuwid ay wala kang tunay na pagkaunawa sa Kanya. Itinayo ang iyong pananampalataya sa isang saligan ng kalabuan at imahinasyon, batay sa pansarili mong mga pagnanais. Malayo pa rin ito sa isang tunay na paniniwala, at malayo ka pa rin sa pagiging isang tunay na tagasunod. Tinulutan ang mga tao ng mga pagpapaliwanag sa mga halimbawa mula sa mga kuwentong ito sa Bibliya na malaman ang puso ng Diyos, kung ano ang Kanyang iniisip sa bawat hakbang ng Kanyang gawain at kung bakit Niya ginawa ang gawaing ito, kung ano ang Kanyang orihinal na layunin at Kanyang plano nang gawin Niya ito, kung paano Niya nakamit ang Kanyang mga ideya, at kung paano Niya inihanda at binuo ang Kanyang plano. Sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, makakamit natin ang isang detalyado at tiyak na pagkaunawa sa bawat partikular na layunin ng Diyos at bawat tunay na kaisipan sa panahon ng Kanyang anim na libong taon ng gawain ng pamamahala, at sa Kanyang saloobin tungo sa mga tao sa magkakaibang pagkakataon at sa magkakaibang kapanahunan. Kung mauunawaan ng mga tao kung ano ang iniisip ng Diyos noon, kung ano ang Kanyang saloobin noon, at ang disposisyon na Kanyang ibinunyag sa pagharap Niya sa bawat sitwasyon, makatutulong ito sa bawat tao na higit na mapagtanto ang Kanyang tunay na pag-iral, at higit na madama ang Kanyang pagiging praktikal at pagiging tunay. Ang Aking layon sa paglalahad sa mga kuwentong ito ay hindi upang maunawaan ng mga tao ang kasaysayang biblikal, ni upang tulungan silang maging pamilyar sa mga talata ng Bibliya o sa mga tao rito, at lalong hindi upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang nasa likod ng kung ano ang ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan. Sa halip, ito ay upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos, ang Kanyang disposisyon, at ang bawat maliit na bahagi Niya, at makamit ang isang mas tunay at mas tumpak na pagkaunawa at kaalaman sa Diyos. Sa ganitong paraan, magagawa ng puso ng mga tao, nang paunti-unti, na maging bukas sa Diyos, mapalapit sa Diyos, at magagawa nila na mas maunawaan Siya, ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang diwa, at mas makilala ang tunay na Diyos Mismo.
Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga tao ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos at sa kung anong mayroon at ano Siya. Makatutulong ito sa kanila na magkaroon ng higit na pagtitiwala sa Diyos at makatutulong sa kanila na makamit ang tunay na pagsunod at takot sa Kanya. Kung gayon, hindi na sila bulag na susunod o sasamba sa Kanya. Hindi nais ng Diyos ang mga hangal o yaong bulag na sumusunod sa karamihan, kundi sa halip ay ang isang grupo ng mga tao na mayroong malinaw na pagkaunawa at kaalaman sa disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso at maaaring tumayong mga saksi ng Diyos, mga tao na, dahil sa Kanyang pagiging kaibig-ibig, dahil sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon, ay hindi kailanman iiwan ang Diyos. Bilang isang tagasunod ng Diyos, kung mayroon pa ring kakulangan ng kalinawan sa iyong puso, o mayroon pa ring kalabuan o pagkalito tungkol sa tunay na pag-iral ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan, hindi makakamit ng iyong pananampalataya ang papuri ng Diyos. Hindi nais ng Diyos na sumunod sa Kanya ang ganitong uri ng tao, at hindi Niya nais na humarap sa Kanya ang ganitong uri ng tao. Sapagkat hindi nauunawaan ng ganitong uri ng tao ang Diyos, hindi nila kayang ibigay ang kanilang puso sa Diyos—sarado ang kanilang puso sa Kanya, kaya puspos ng karumihan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Matatawag lamang na bulag ang kanilang pagsunod sa Diyos. Makakamit lamang ng mga tao ang tunay na paniniwala at magiging tunay na mga tagasunod kung mayroon silang tunay na pagkaunawa at kaalaman sa Diyos, na nagdudulot sa kanila ng tunay na pagsunod at takot sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang nila maibibigay ang kanilang puso sa Diyos at mabubuksan ito sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, sapagkat ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay makatatagal sa pagsubok ng Diyos at makapagpapatotoo sa Diyos. Lahat ng Aking ipinagbibigay-alam sa inyo tungkol sa disposisyon ng Diyos, o kung anong mayroon at kung ano Siya, o Kanyang kalooban at ang Kanyang mga kaisipan sa lahat ng Kanyang ginagawa, at mula sa alinmang pananaw, mula sa alinmang anggulo Ako nagsasalita tungkol dito, ang lahat ng ito ay upang tulungan kayo na maging mas tiyak tungkol sa tunay na pag-iral ng Diyos, mas tunay na maunawaan at pahalagahan ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, at mas tunay na maunawaan at pahalagahan ang pagmamalasakit ng Diyos para sa mga tao, at ang Kanyang dalisay na pagnanais na pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan.
Sa araw na ito ay una muna nating ibubuod ang mga kaisipan, mga ideya, at ang bawat galaw ng Diyos mula nang likhain Niya ang sangkatauhan. Titingnan natin kung anong gawain ang Kanyang isinakatuparan, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa opisyal na pagsisimula ng Kapanahunan ng Biyaya. Matutuklasan natin pagkatapos kung alin sa mga kaisipan at mga ideya ng Diyos ang hindi batid ng tao, at mabibigyang-linaw natin mula roon ang pagkakasunud-sunod ng plano ng pamamahala ng Diyos, at lubusang mauunawaan ang konteksto kung saan nilikha ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, ang pinagmumulan at ang proseso ng pag-unlad nito, at lubusan din nating mauunawaan kung anong mga resulta ang Kanyang nais mula sa Kanyang gawain ng pamamahala—iyon ay, ang pinakasentro at ang layon ng Kanyang gawain ng pamamahala. Upang maunawaan ang mga bagay na ito, kailangan nating bumalik sa isang malayo, payapa at tahimik na panahon kung kailan wala pa ang mga tao …
Nang bumangon ang Diyos mula sa Kanyang higaan, ito ang una Niyang naisip: ang lumikha ng isang buhay na tao—isang tunay at buhay na tao—isang taong makakapiling at palaging makakasama Niya; maaaring makinig ang taong ito sa Kanya, at maaari Siyang magtiwala at makipag-usap sa kanya. Pagkatapos, sa unang pagkakataon, dumampot ang Diyos ng isang dakot ng lupa at ginamit ito upang likhain ang kauna-unahang buhay na tao ayon sa larawang naisip Niya sa Kanyang isipan, at pagkatapos ay binigyan Niya ng pangalan ang buhay na nilalang na ito—Adan. Sa sandaling nagkaroon ang Diyos ng buhay at humihingang taong ito, ano ang Kanyang nadama? Sa unang pagkakataon, naramdaman Niya ang kagalakan ng pagkakaroon ng isang minamahal, isang makakasama. Naramdaman din Niya sa unang pagkakataon ang pananagutan ng pagiging isang ama at ang pagmamalasakit na kaagapay nito. Nagdulot ng kasiyahan at kagalakan sa Diyos ang buhay at humihingang taong ito; naramdaman Niya ang kaaliwan sa unang pagkakataon. Ito ang kauna-unahang bagay na ginawa ng Diyos na hindi naisakatuparan gamit ang Kanyang mga kaisipan o maging mga salita, bagkus ay nagawa gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Nang ang uri ng nilalang na ito—isang buhay at humihingang tao—ay tumayo sa harap ng Diyos, na gawa sa laman at dugo, na may katawan at anyo, at nagagawang makipag-usap sa Diyos, naranasan Niya ang isang uri ng kagalakan na hindi pa Niya kailanman nadama. Tunay na nadama ng Diyos ang pananagutan Niya, at hindi lamang pumukaw sa Kanyang puso ang buhay na nilalang na ito bagkus ay pinasigla at inantig ang Kanyang puso sa bawat maliit na galaw na ginawa nito. Nang tumayo sa harapan ng Diyos ang buhay na nilalang na ito, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon Siya ng kaisipang magkamit ng mas maraming gayong tao. Ito ang magkakasunod na mga pangyayari na nagsimula sa unang kaisipang ito ng Diyos. Para sa Diyos, nagaganap ang lahat ng pangyayaring ito sa unang pagkakataon, subalit sa unang mga pangyayaring ito, anuman ang nadama Niya sa panahong iyon—kagalakan, pananagutan, pagmamalasakit—wala Siyang mapagbahagiang sinuman. Simula sa sandaling iyon, tunay na nadama ng Diyos ang isang kalumbayan at isang kalungkutang hindi pa Niya kailanman nadama. Nadama Niya na hindi matatanggap o mauunawaan ng tao ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit, o ang Kanyang mga layunin sa tao, kaya nakaramdam pa rin Siya ng kalungkutan at kirot sa Kanyang puso. Bagaman ginawa Niya ang mga bagay na ito para sa tao, hindi ito batid ng tao at hindi naunawaan. Maliban sa kasiyahan, ang kagalakan at kaaliwan na idinulot ng tao sa Kanya ay mabilis ding idinulot na kasama nito ang una Niyang mga damdamin ng kalungkutan at kalumbayan. Ito ang mga kaisipan at mga damdamin ng Diyos sa panahong iyon. Habang ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, sa Kanyang puso ay napunta Siya mula sa kagalakan patungo sa kalungkutan at mula sa kalungkutan patungo sa kirot, at may halong pagkabalisa ang mga damdaming ito. Ang gusto lamang Niyang gawin ay magmadali na tulutan ang taong ito, ang sangkatauhang ito na malaman kung ano ang nasa Kanyang puso at maunawaan ang Kanyang mga layunin sa mas lalong madaling panahon. Pagkatapos, maaari silang maging mga tagasunod Niya at makibahagi sa mga kaisipan Niya at maging kaayon ng kalooban Niya. Hindi na sila makikinig lamang sa pagsasalita ng Diyos at mananatiling walang imik; hindi na sila magiging walang kabatiran sa kung paano makisama sa Diyos sa Kanyang gawain; higit sa lahat, hindi na sila magiging mga taong nagwawalang-bahala sa mga hinihingi ng Diyos. Ang unang mga bagay na ito na ginawa ng Diyos ay lubhang makabuluhan at may malaking kahalagahan para sa Kanyang plano ng pamamahala at para sa mga tao ngayon.
Pagkatapos likhain ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan, hindi nagpahinga ang Diyos. Hindi Siya mapalagay at sabik na isakatuparan ang Kanyang pamamahala, at na makamit ang mga taong pinakamamahal Niya sa sangkatauhan.
Sunod, di-nagtagal pagkatapos likhain ng Diyos ang mga tao, nakikita natin mula sa Bibliya na nagkaroon ng malaking baha sa buong daigdig. Nabanggit si Noe sa tala ng baha, at maaaring sabihin na si Noe ang unang tao na tumanggap sa tawag ng Diyos na gumawang kasama Niya upang maisakatuparan ang isang gawain ng Diyos. Mangyari pa, ito rin ang unang pagkakataon na tumawag ang Diyos ng isang tao sa lupa na gumawa ng isang bagay alinsunod sa Kanyang utos. Sa sandaling natapos ni Noe ang paggawa ng arka, nagpasapit ng baha ang Diyos sa lupa sa unang pagkakataon. Nang gunawin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, iyon ang unang pagkakataon buhat nang likhain ang mga tao na nadama Niyang puspos Siya ng galit sa kanila; ito ang nagtulak sa Diyos upang gawin ang masakit na desisyon na wasakin ang lahing ito ng tao sa pamamagitan ng isang baha. Matapos wasakin ng baha ang mundo, ginawa ng Diyos ang Kanyang unang tipan sa mga tao, isang tipan upang ipakita na hindi na Niya kailanman muling gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng mga pagbaha. Ang bahaghari ang sagisag ng tipang ito. Ito ang unang tipan ng Diyos sa sangkatauhan, kaya ang bahaghari ang unang sagisag ng isang tipan na ibinigay ng Diyos; isang tunay, pisikal na bagay na umiiral ang bahaghari. Ang mismong pag-iral ng bahaghari ang siyang madalas na nagpapadama ng kalungkutan sa Diyos para sa nakaraang lahi ng tao na Kanyang nawala, at nagsisilbing isang tuwinang paalala sa Kanya kung ano ang nangyari sa kanila…. Hindi babagalan ng Diyos ang Kanyang hakbang—hindi Siya mapalagay at sabik na tahakin ang susunod na hakbang sa Kanyang pamamahala. Nang maglaon, pinili ng Diyos si Abraham bilang Kanyang unang pinili para sa Kanyang gawain sa buong Israel. Ito rin ang unang pagkakataon na pumili ang Diyos ng gayong kandidato. Ipinasya ng Diyos na simulan ang pagpapatupad sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng taong ito, at upang ipagpatuloy ang Kanyang gawain sa mga inapo ng taong ito. Nakikita natin sa Bibliya na ito ang ginawa ng Diyos kay Abraham. Pagkatapos ay ginawa ng Diyos ang Israel na unang bayang hinirang, at sinimulan ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na mga tao, ang mga Israelita. At minsan pa sa unang pagkakataon, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang hayag na mga panuntunan at mga kautusang dapat sundin ng sangkatauhan, at ipinaliwanag Niya ang mga ito nang detalyado. Ito ang unang pagkakataon na binigyan ng Diyos ang mga tao ng gayong katiyak, iniayon sa pamantayang mga patakaran kung paano sila dapat magbigay ng mga handog, kung paano sila dapat mabuhay, kung ano ang dapat nilang gawin at hindi dapat gawin, aling mga pagdiriwang at mga araw ang dapat nilang ipagdiwang, at mga prinsipyong dapat sundin sa lahat ng kanilang ginawa. Ito ang unang pagkakataon na binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng gayong kadetalyado, iniayon sa pamantayang mga regulasyon at mga prinsipyo kung paano sila mamumuhay.
Sa bawat sandaling sinasabi Ko ang “sa unang pagkakataon,” tumutukoy ito sa uri ng gawain na hindi pa kailanman naisagawa ng Diyos noon. Tumutukoy ito sa gawain na hindi pa umiral noong una, at bagaman nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lahat ng uri ng mga nilalang at buhay na mga bagay, isang uri ito ng gawain na hindi pa Niya kailanman nagawa noon. Kinasasangkutan ang lahat ng gawaing ito ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan; may kinalaman ang lahat ng ito sa mga tao at sa Kanyang pagliligtas at pamamahala sa kanila. Pagkatapos kay Abraham, muling gumawa ang Diyos ng isa pang una—pinili Niya si Job upang maging siyang namuhay sa ilalim ng kautusan at siyang makapaninindigan sa mga panunukso ni Satanas habang nagpapapatuloy na matakot sa Diyos, lumayo sa kasamaan, at tumayong saksi para sa Diyos. Ito rin ang unang pagkakataon na tinulutan ng Diyos si Satanas na tuksuhin ang isang tao, at unang pagkakataon na nakipagpustahan Siya kay Satanas. Sa katapusan, sa unang pagkakataon ay nakamit Niya ang isang tao na may kakayahang tumayong saksi para sa Kanya at magpatotoo sa Kanya habang kinakaharap si Satanas, at isang tao na ganap na makapanghihiya kay Satanas. Magbuhat nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ito ang unang tao na Kanyang nakamit na nagawang magpatotoo para sa Kanya. Sa sandaling nakamit na Niya ang taong ito, lalo pang nasabik ang Diyos na ipagpatuloy ang Kanyang pamamahala at isakatuparan ang susunod na yugto sa Kanyang gawain, inihahanda ang lugar at ang mga tao na Kanyang pipiliin para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain.
Pagkatapos ng pagbabahagi tungkol sa lahat ng ito, mayroon na ba kayong tunay na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos? Isinasaalang-alang ng Diyos ang pagkakataong ito ng Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, bilang higit na mahalaga kaysa anupaman. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito hindi lang sa Kanyang isip, hindi lang sa Kanyang mga salita, at tiyak na hindi isinasagawa nang basta-basta—ginagawa Niya ang lahat ng bagay na ito nang may plano, nang may mithiin, nang may mga pamantayan, at nang may kalooban Niya. Maliwanag na nagtataglay ng malaking kahalagahan kapwa sa Diyos at sa tao ang gawaing ito na iligtas ang sangkatauhan. Kahit na gaano kahirap ang gawain, gaano man kalaki ang mga hadlang, gaano man kahina ang mga tao, o gaano man kalalim ang pagka-mapanghimagsik ng sangkatauhan, wala sa mga ito ang mahirap para sa Diyos. Pinananatiling abala ng Diyos ang sarili Niya, ginugugol ang Kanyang napakaingat na pagsisikap at pinamamahalaan ang gawain na gusto Niya Mismong isakatuparan. Isinasaayos din Niya ang lahat at ginagamit ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng tao na kung kanino Siya gagawa at sa lahat ng gawaing nais Niyang matapos—wala sa mga ito ang kainlanman ay naisagawa na noon. Ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito at nagbayad ng gayon kalaking halaga para sa malaking proyektong ito ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Habang isinasakatuparan ng Diyos ang gawaing ito, unti-unti Niyang ipinahahayag at inilalabas sa sangkatauhan, nang walang pasubali, ang Kanyang napakaingat na pagsisikap, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat, at ang bawat aspeto ng Kanyang disposisyon. Inilalabas at ipinahahayag Niya ang mga bagay na ito sa paraang hindi pa Niya kailanman ginawa noon. Kaya, sa buong sansinukob, maliban sa mga taong nilalayon ng Diyos na pamahalaan at iligtas, kailanman ay hindi pa nagkaroon ng anumang mga nilalang na napakalapit sa Diyos, na may gayong katalik na kaugnayan sa Kanya. Sa Kanyang puso, ang sangkatauhan na nais Niyang pamahalaan at iligtas, ang pinakamahalaga; pinahahalagahan Niya ang sangkatauhang ito nang higit sa lahat; kahit na nagbayad na Siya ng napakalaking halaga para sa kanila, at kahit na patuloy Siyang sinasaktan at sinusuway ng mga ito, hindi Siya kailanman sumusuko sa kanila at nagpapatuloy nang walang kapaguran sa Kanyang gawain, nang walang mga reklamo o mga pagsisisi. Ito ay dahil nalalaman Niya na sa malao’t madali, magigising ang mga tao sa Kanyang pagtawag at maaantig ng Kanyang mga salita, makikilala na Siya ang Panginoon ng paglikha, at magbabalik sa Kanyang piling …
Matapos marinig ang lahat ng ito ngayong araw, maaaring pakiramdam ninyo ay napakanormal ng lahat ng ginagawa ng Diyos. Tila ba palagi nang naramdaman ng mga tao ang ilan sa mga layunin ng Diyos para sa kanila mula sa Kanyang mga salita at mula sa Kanyang gawain, ngunit palaging mayroong isang partikular na agwat sa pagitan ng kanilang mga damdamin o ng kanilang kaalaman at sa kung ano ang iniisip ng Diyos. Kaya iniisip Ko na kinakailangang ipagbigay-alam sa lahat ng tao ang tungkol sa kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang pangyayari sa likod ng Kanyang pagnanais na makamit ang sangkatauhang Kanyang inasam. Mahalaga na maibahagi ito sa lahat, upang ang lahat ay malinaw sa kanilang puso. Sapagkat ang bawat kaisipan at ideya ng Diyos, at ang bawat yugto at bawat kapanahunan ng Kanyang gawain ay natatali, at may malapit na kaugnayan, sa Kanyang kabuuang gawain ng pamamahala, kaya kapag nauunawaan mo ang mga kaisipan ng Diyos, ang mga ideya, at ang kalooban Niya sa bawat hakbang ng Kanyang gawain, katulad din ito ng pagkaunawa sa kung paano nagsimula ang gawain ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa saligang ito lalalim ang iyong pagkaunawa sa Diyos. Bagaman ang lahat ng ginawa ng Diyos nang una Niyang nilikha ang mundo, na Aking nabanggit noon, ay tila “impormasyon” na lang sa ngayon, at walang kinalaman sa paghahangad ng katotohanan, subalit sa paglipas ng panahon ng iyong karanasan ay darating ang araw na hindi mo iniisip na isang bagay ito na napakasimple gaya ng ilang pirasong impormasyon, ni isa lang itong uri ng hiwaga. Habang sumusulong ang iyong buhay, kapag may kaunting puwang na ang Diyos sa iyong puso, o kapag mas lubos at mas malalim mo nang nauunawaan ang Kanyang kalooban, tunay mong mauunawaan ang kahalagahan at ang pangangailangan ng kung ano ang sinasabi Ko sa araw na ito. Gaano man ninyo tinatanggap ito ngayon, kinakailangan pa rin ninyong maunawaan at malaman ang mga bagay na ito. Kapag gumagawa ang Diyos ng isang bagay, kapag isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain, maging ito man ay sa pamamagitan ng Kanyang mga ideya o ng Kanyang sariling mga kamay, maging ito man ay ginawa Niya sa una o sa huling pagkakataon, sa huli, may plano ang Diyos, at nasa lahat ng ginagawa Niya ang Kanyang mga layon at ang Kanyang mga kaisipan. Kumakatawan sa disposisyon ng Diyos ang mga layon at mga kaisipang ito, at ipinahahayag ng mga ito kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang dalawang bagay na ito—ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya—ay dapat maunawaan ng bawat isang tao. Sa sandaling nauunawaan na ng isang tao ang Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, mauunawaan nila nang unti-unti kung bakit ginagawa ng Diyos ang Kanyang ginagawa at kung bakit sinasabi Niya ang Kanyang sinasabi. Mula roon, magkakaroon na sila ng higit na pananampalataya upang sumunod sa Diyos, upang hangarin ang katotohanan, at ang pagbabago sa kanilang disposisyon. Ibig sabihin, ang pagkaunawa ng tao sa Diyos at ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay hindi mapaghihiwalay.
Kung ang nalalaman at ang nauunawaan ng mga tao ay ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kanilang matatamo ay buhay na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling maisakatuparan na ang buhay na ito sa iyo, lalo pang lalaki nang lalaki ang iyong takot sa Diyos. Isang bunga ito na dumarating nang napakanatural. Kung ayaw mong maunawaan o malaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos o sa Kanyang diwa, kung ayaw mo man lang pagnilayan o pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, masasabi Ko sa iyo nang may katiyakan na ang paraan ng iyong kasalukuyang paghahangad sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi ka kailanman matutulutang matugunan ang Kanyang kalooban o makamit ang Kanyang papuri. Higit pa roon, hindi mo kailanman tunay na matatamo ang kaligtasan—ito ang panghuling mga kahihinatnan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang disposisyon, hindi kailanman magagawang tunay na magbukas sa Kanya ang kanilang mga puso. Sa sandaling maunawaan na nila ang Diyos, magsisimula silang pahalagahan at lasapin kung ano ang nasa Kanyang puso nang may interes at pananampalataya. Kapag pinahahalagahan at nilalasap mo kung ano ang nasa puso ng Diyos, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting, nagbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kasuklam-suklam ang iyong mga pakikitungo sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang walang hanggang mundo, at papasok ka sa isang dako na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa dakong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang sinseridad at katapatan; tanging liwanag at karangalan; tanging pagiging matuwid at kagandahang-loob. Puno ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, puno ng habag at pagpapaubaya, at sa pamamagitan nito ay nararamdaman mo ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ibubunyag sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang walang hanggang mundong ito ay puno ng karunungan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawat aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, kung ano ang nagbibigay sa Kanya ng kagalakan, kung bakit Siya nag-aalala at kung bakit Siya nalulungkot, kung bakit Siya nagagalit…. Ito ang makikita ng bawat isang tao na nagbubukas ng kanilang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga layunin para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kumpara roon, ang mga taong nakapaligid sa iyo, ang mga bagay at mga pangyayari sa iyong buhay, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin. Napakaliit ng mga ito, at napakababa; mararamdaman mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o na may anumang materyal na bagay ang muling makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para rito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpapaubaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, at makikita mo ang Kanyang pagtitiyaga, ang Kanyang pagtitimpi, at ang Kanyang pag-unawa sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang maruming mundo, na ang mga taong nasa tabi mo at ang mga bagay na nangyayari sa iyong buhay, at maging yaong iyong iniibig, ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong minamahal, at ang Diyos lang ang pinakaiingatan mo sa lahat. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na magkakaroon ng ilang tao na nagsasabing: Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at pagiging tunay, at ang lahat ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao. Dapat itong pagsikapan at hangarin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawat tao; isang panghabang-buhay na mithiin na hinahangad ng bawat tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.