Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Unang Bahagi

Una, umawit tayo ng isang himno: Awit ng Kaharian (I) Ang Kaharian ay Bumaba sa Mundo.

Pagsasaliw: Ipinagbubunyi Ako ng mga tao, pinupuri Ako ng mga tao; lahat ng bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng mga tao.

1 Ipinagbubunyi Ako ng mga tao, pinupuri Ako ng mga tao; lahat ng bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos, lahat ng tao ay tumitingala upang masdan ang Aking mga gawa. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng mga tao, ang Aking persona ay mayaman at sagana. Sino ang hindi magagalak dito? Sino ang hindi sasayaw sa galak? O, Sion! Itaas ang iyong matagumpay na bandila upang ipagbunyi Ako! Awitin ang iyong awit ng tagumpay upang ipalaganap ang Aking banal na pangalan!

2 Lahat ng nilikha hanggang sa mga dulo ng daigdig! Magmadaling linisin ang inyong sarili na magagawa kayong mga alay sa Akin! Mga konstelasyon ng kalangitan! Magmadaling bumalik sa inyong lugar upang ipakita ang Aking dakilang kapangyarihan sa kalawakan! Ako ay nakikinig sa tinig ng mga tao sa lupa, na ibinubuhos ang kanilang walang-hanggang pagmamahal at pagpipitagan sa Akin sa awit! Sa araw na ito, kung kailan lahat ng nilikha ay muling nabubuhay, Ako ay bumababa sa mundo ng mga tao. Sa sandaling ito, sa sandaling ito mismo, lahat ng bulaklak ay mag-uunahang mamukadkad, lahat ng ibon ay sabay-sabay na aawit, lahat ng bagay ay manginginig sa galak! Sa tunog ng pagpupugay ng kaharian, bumabagsak ang kaharian ni Satanas, nawasak sa dagundong ng awit ng kaharian, hindi na babangong muli kailanman!

3 Sino sa lupa ang nangangahas na bumangon at lumaban? Habang Ako ay bumababa sa lupa, dala Ko ay pagsunog, dala Ko ay poot, dala Ko ay lahat ng klaseng kapahamakan. Ang mga kaharian sa lupa ay Akin nang kaharian ngayon! Sa kalangitan, gumugulong at umaalon ang mga ulap; sa ilalim ng langit, ang mga lawa at mga ilog ay rumaragasa at kumakatha ng isang nakaaantig na himig. Naglalabasan ang nagpapahingang mga hayop mula sa kanilang lungga, at lahat ng tao ay ginigising Ko mula sa kanilang pagtulog. Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay ng napakaraming tao! Inaalay nila ang pinakamagagandang awit sa Akin!

Ano ang iniisip ninyo tuwing kinakanta ninyo ang awit na ito? (Tuwang-tuwa at masayang-masaya, at iniisip namin kung gaano kaluwalhati ang kagandahan ng kaharian, kung paano magkakasama ang sangkatauhan at ang Diyos magpakailanman.) May nakaisip na ba tungkol sa anyong kailangan taglayin ng tao para makasama ng Diyos? Sa inyong imahinasyon, paano dapat ang isang tao para makasama ang Diyos at matamasa ang maluwalhating pamumuhay na magiging kasunod sa kaharian? (Dapat mabago ang kanilang mga disposisyon.) Dapat mabago ang kanilang mga disposisyon, ngunit hanggang saan? Ano ang kauuwian nila pagkatapos magbago ang kanilang mga disposisyon? (Magiging banal sila.) Ano ang pamantayan para sa kabanalan? (Dapat ay nakatugma kay Cristo ang lahat ng saloobin at iniisip ng isang tao.) Paano ipinapamalas ang pagkakatugmang ito? (Hindi nilalabanan o ipinagkakanulo ng isang tao ang Diyos, nagpapasakop nang lubusan sa Kanya, at mayroon siyang takot na pagpipitagan sa Diyos sa kanyang puso.) Nasa tamang daan ang ilan sa inyong mga sagot. Buksan ninyo ang inyong puso, lahat kayo, at sabihin ang nais ninyong sabihin. (Dapat magawa ng mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos sa kaharian ang kanilang tungkulin—nang may katapatan—sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at hindi nagpapapigil sa sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Sa gayon ay nagiging posible sa kanila ang makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman, iakma ang kanilang puso sa Diyos, at matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan.) (Maaaring umayon sa Diyos ang aming pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, at maaari kaming makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman. Kahit paano, makakarating kami sa kung saan hindi na kami makakasangkapan ni Satanas, at kung saan maitatakwil namin ang anumang tiwaling disposisyon, at makakapagpasakop kami sa Diyos. Naniniwala kami na mahalagang makaalpas ang mga tao mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang mga taong hindi makaalpas sa impluwensya ng kadiliman at makatakas sa mga gapos ni Satanas ay hindi pa nagtatamo ng pagliligtas ng Diyos.) (Para makatugon sa pamantayan para magawang perpekto ng Diyos, kailangang makiisa ang puso at isipan ng mga tao sa Kanya, at hindi na nila Siya labanan. Kailangan nilang makilala ang kanilang sarili, isagawa ang katotohanan, maunawaan ang Diyos, mahalin ang Diyos, at makaayon sa Diyos. Iyan lamang ang kailangan.)

Gaano Kabigat ang Timbang ng Kahihinatnan ng mga Tao sa Kanilang Puso

Mukhang mayroon kayong ilang ideya tungkol sa daan na dapat ninyong sundan, at nakabuo na kayo ng kaunting pagkaunawa o pagpapahalaga rito. Gayunman, kung lumabas mang hungkag o totoo ang mga salitang inyong nabigkas, depende iyon sa inyong pinagtutuunan sa inyong pang-araw-araw na pagsasagawa. Sa paglipas ng mga taon, nakaani kayong lahat ng ilang bunga mula sa bawat aspeto ng katotohanan, kapwa patungkol sa doktrina at patungkol sa tunay na nilalaman ng katotohanan. Nagpapatunay ito na lubhang binibigyang-diin ng mga tao sa panahong ito ang pagsusumikap para sa katotohanan, at dahil dito, siguradong nag-ugat na ang bawat aspeto at bagay ng katotohanan sa puso ng ilang tao. Gayunman, ano ang labis Kong kinatatakutan? Iyon ay na sa kabila ng katunayan na nag-ugat na sa puso ninyo ang mga paksang ito ng katotohanan at ang mga teoryang ito, napakaliit ng halaga ng tunay na nilalaman ng mga ito. Kapag nagkakaroon kayo ng mga problema at nahaharap sa mga pagsubok at pagpapasya, gaano kapraktikal ang pakinabang ng realidad ng mga katotohanang ito sa inyo? Matutulungan ba kayo nitong malagpasan ang inyong mga paghihirap at makalabas mula sa inyong mga pagsubok, upang mapalugod ang kalooban ng Diyos? Maninindigan ba kayo sa gitna ng inyong mga pagsubok at magpapatotoo nang malakas para sa Diyos? Nag-alala na ba kayo tungkol sa mga bagay na ito? Tinatanong Ko kayo: Sa inyong puso, at sa lahat ng inyong pang-araw-araw na iniisip at pinagmumuni-muni, ano ang pinakamahalaga sa inyo? Nagkaroon na ba kayo ng konklusyon tungkol dito? Ano sa inyong paniniwala ang pinakamahalaga sa inyo? Sabi ng ilang tao, “Iyon ay ang isagawa ang katotohanan, siyempre pa,” samantalang ang sabi ng iba, “Siyempre, ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw.” Sabi ng ilang tao, “Iyon ay ang pagharap sa Diyos at pagdarasal sa Kanya araw-araw, siyempre,” at mayroon pang nagsasabi na, “Siyempre, ang gawin nang maayos ang aking tungkulin araw-araw.” Mayroon pang ilang nagsasabi na ang iniisip lamang nila ay palugurin ang Diyos, paano Siya susundin sa lahat ng bagay, at paano kumilos nang naaayon sa Kanyang kalooban. Tama ba iyon? Ito lamang ba? Halimbawa, sinasabi ng ilan, “Gusto ko lang magpasakop sa Diyos, ngunit tuwing nagkakaroon ako ng problema, hindi ko iyon magawa.” Sabi ng ilan, “Gusto ko lamang palugurin ang Diyos, at ayos lang iyon kahit minsan ko lamang Siya mapalugod—ngunit hindi ko Siya mapalugod kailanman.” Sabi ng ilan, “Gusto ko lamang magpasakop sa Diyos. Sa mga oras ng pagsubok gusto ko lamang magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, nang walang anumang mga reklamo o kahilingan. Subalit halos palagi akong nabibigong magpasakop.” Sinasabi pa ng iba, “Kapag nahaharap ako sa mga desisyon, hindi ko mapipiling isagawa ang katotohanan kailanman. Gusto ko palaging bigyang-kasiyahan ang laman at gusto kong tuparin ang sarili kong personal at makasariling mga pagnanasa.” Ano ang dahilan para dito? Bago dumating ang pagsubok ng Diyos, hinamon na ba ninyo ang inyong sarili nang maraming beses, na sinusubukan at pinatutunayan ang inyong sarili nang paulit-ulit? Tingnan kung tunay kayong makakapagpasakop sa Diyos at talagang mapapalugod Siya, at kung magagarantiyahan ninyo na hindi ninyo Siya ipagkakanulo; tingnan kung kaya ninyong hindi bigyang-kasiyahan ang inyong sarili at hindi isakatuparan ang inyong makasariling mga pagnanasa, at sa halip ay palugurin lamang ang Diyos, nang hindi gumagawa ng anumang sariling mga pagpili. Ginagawa ba ito ng sinuman? Sa totoo lang, mayroong kaisa-isang katunayan na inilagay sa harapan mismo ng inyong mga mata, at dito pinakainteresado ang bawat isa sa inyo at ito ang pinakagusto ninyong malaman—ang tungkol sa kahihinatnan at kahahantungan ng lahat. Maaaring hindi ninyo ito natatanto, ngunit ito ay isang bagay na hindi maikakaila ninuman. Pagdating sa katotohanan ng kahihinatnan ng mga tao, ang pangako ng Diyos sa sangkatauhan, at kung anong uri ng hantungan ang layon ng Diyos na pagdalhan sa mga tao, alam Ko na ilang beses nang napag-aralan ng ilan ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga paksang ito. At may mga taong paulit-ulit na hinahanap ang sagot at pinagninilayan ito sa kanilang isipan, subalit wala pa rin silang napapala, o marahil ay nakakabuo sila ng ilang malalabong konklusyon sa huli. Sa huli, hindi pa rin nila tiyak kung anong uri ng kahihinatnan ang naghihintay sa kanila. Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nais malaman ng karamihan sa mga tao ang malilinaw na sagot sa sumusunod na mga tanong: “Ano ang kahihinatnan ko? Maaari ko bang tahakin ang landas na ito hanggang sa dulo nito? Ano ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan?” Nag-aalala pa ang ilang tao nang ganito: “Noon, may nagawa akong ilang bagay, at may nasabi akong ilang bagay; naging masuwayin ako sa Diyos, mayroon akong mga kilos na nagkanulo sa Diyos, at, sa ilang pagkakataon, nabigo akong palugurin ang Diyos, sinaktan ko ang Kanyang damdamin, at nabigo ko Siya at napagalit ko Siya at kinasuklaman Niya ako. Marahil, kung gayon, walang nakakaalam sa aking kahihinatnan.” Makatarungang sabihin na karamihan sa mga tao ay nababalisa tungkol sa sarili nilang kahihinatnan. Walang nangangahas na magsabing: “Pakiramdam ko, nang may siyento-por-siyentong katiyakan, na makakaligtas ako; siyento-por-siyentong nakatitiyak ako na mapapalugod ko ang kalooban ng Diyos. Ako ay isang tao na kaayon ng puso ng Diyos; ako ay isang tao na pinupuri ng Diyos.” Iniisip ng ilang tao na talagang mahirap sundan ang daan ng Diyos, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamahirap gawin sa lahat. Dahil dito, kumbinsido ang mga taong iyon na wala nang makakatulong sa kanila, at hindi sila nangangahas na umasa pang magkaroon ng mabuting kahihinatnan; o, marahil, naniniwala sila na hindi nila mapapalugod ang kalooban ng Diyos at sa gayon ay hindi sila maaaring makaligtas. Dahil dito, sinasabi nila na wala silang kahihinatnan at hindi sila magtatamo ng magandang hantungan. Paano man mag-isip talaga ang mga tao, napag-isip-isip nila nang maraming beses ang kanilang kahihinatnan. Sa mga tanong tungkol sa kanilang hinaharap at kung ano ang makukuha nila kapag natapos ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi silang nagkakalkula at nagpaplano. Doble ang isinasakripisyo ng ilan; inaabandona ng ilan ang kanilang pamilya at trabaho; iniiwan ng ilan ang kanilang asawa; nagbibitiw ang ilan sa trabaho para gugulin ang kanilang sarili para sa kapakanan ng Diyos; iniiwan ng ilan ang kanilang tahanan para tuparin ang kanilang mga tungkulin; pinipili ng ilan na mahirapan, at nagsisimulang tanggapin ang pinakamasasaklap at nakakapagod na mga gawain; pinipili ng ilan na ilaan ang kanilang kayamanan at iukol ang lahat-lahat nila; at ang iba naman ay pinipili pa ring hanapin ang katotohanan at sikaping makilala ang Diyos. Paano man ninyo pinipiling magsagawa, mahalaga ba ang paraan ng inyong pagsasagawa o hindi? (Hindi.) Kung gayon ay paano natin ipaliliwanag itong “kawalang-halaga”? Kung hindi mahalaga ang pamamaraan ng pagsasagawa, ano ang mahalaga? (Ang ipinapakitang mabuting pag-uugali ay hindi kumakatawan sa pagsasagawa ng katotohanan.) (Hindi mahalaga ang mga iniisip ng bawat indibiduwal; ang mahalaga rito ay kung naisagawa natin ang katotohanan o hindi, at kung mahal natin ang Diyos o hindi.) (Ang pagbagsak ng mga anticristo at ng mga huwad na lider ay naipapaunawa sa atin na hindi ang ipinapakitang pag-uugali ang pinakamahalagang bagay. Sa tingin, tila marami silang natalikuran at tila handa silang magsakripisyo, ngunit kapag sinuri nang mas mabuti, makikita natin na talagang hindi sila nagpipitagan sa Diyos, kundi sa halip ay kinokontra nila Siya sa lahat ng aspeto. Sa mga kritikal na sandali, lagi silang pumapanig kay Satanas at nanghihimasok sa gawain ng Diyos. Sa gayon, ang mga pangunahing konsiderasyon dito ay kung kanino tayo nakapanig pagdating ng oras, at kung ano ang ating mga pananaw sa mga bagay-bagay.) Lahat kayo ay mahusay magsalita, at tila mayroon na kayong pangunahing pagkaunawa at pamantayang susundin pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan, mga layunin ng Diyos, at ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Lubhang nakakaantig na nagagawa ninyong magsalita nang ganito. Bagama’t hindi gaanong tumpak ang ilan sa sinasabi ninyo, malapit nang mapasainyo ang wastong paliwanag tungkol sa katotohanan—at nagpapatunay ito na napaunlad na ninyo ang inyong sariling tunay na pag-unawa sa mga tao, pangyayari, at bagay sa inyong paligid, sa lahat ng nasa inyong kapaligiran ayon sa isinaayos ng Diyos, at lahat ng bagay na nakikita ninyo. Ito ay isang pagkaunawang malapit sa katotohanan. Kahit hindi gaanong kumpleto ang sinabi ninyo, at hindi gaanong angkop ang ilan sa inyong mga salita, ang inyong pagkaunawa ay papalapit na sa realidad ng katotohanan. Ang marinig kayong magsalita sa ganitong paraan ay nagpapaganda na sa Aking pakiramdam.

Hindi Mapapalitan ng mga Paniniwala ng mga Tao ang Katotohanan

Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na napapalugod ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang realidad ng katotohanan—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas malinlang ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay magsalita tungkol sa mga titik at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang diwa ng pagkatao ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos. Ano ang nagiging dahilan para maniwala sila sa gayong bagay? Ano ang diwa ng isyung ito? Ano ang mga bungang kahahantungan nito? Talakayin muna natin ang diwa nito.

Ang mahalaga, ang mga isyung ito tungkol sa mga pananaw ng mga tao, ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, aling mga prinsipyo ng pagsasagawa ang pinipili nilang gamitin, at ano ang gusto nilang pagtuunan ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Nakatutok man ang mga tao sa mabababaw na usapin o malalalim na isyu, o sa mga titik at doktrina o realidad, hindi sila sumusunod doon sa pinaka-nararapat nilang sundin, ni hindi nila alam yaong bagay na pinaka-nararapat nilang malaman. Ito ay dahil sa ni ayaw man lamang ng mga tao sa katotohanan; sa gayon, ayaw nilang gumugol ng panahon at pagsisikap sa paghahanap at pagsasagawa ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na matatagpuan sa mga pagbigkas ng Diyos. Sa halip, mas gusto nilang gumamit ng mas madaling paraan, na ibinubuod ang nauunawaan at nalalaman nilang mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali; ang buod na ito kung gayon ang nagiging sarili nilang mithiing pagsisikapang matupad, na itinuturing nilang katotohanang isasagawa. Ang tuwirang resulta nito ay na gumagamit ang mga tao ng mabuting pag-uugali bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan, na tumutupad din sa hangarin nilang makahingi ng pabor sa Diyos. Binibigyan sila nito ng puhunang magagamit para labanan ang katotohanan, na ginagamit din nila para mangatwiran at makipaglaban sa Diyos. Kasabay nito, walang-takot na isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at ipinapalit sa lugar Niya ang mga idolong hinahangaan nila. Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan.

Maraming Opinyon Tungkol sa Pamantayan ng Diyos sa Pagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao

Balikan natin ang paksang ito at patuloy nating talakayin ang tungkol sa kahihinatnan.

Dahil nag-aalala ang bawat tao sa sarili nilang kahihinatnan, alam ba ninyo kung paano pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnang iyan? Sa anong kaparaanan tinutukoy ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Bukod pa riyan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang mapagpasyahan ito? Kapag kailangan pang pagpasyahan ang kahihinatnan ng tao, ano ang ginagawa ng Diyos para ihayag iyon? Mayroon bang nakakaalam? Tulad ng sinabi Ko kanina, may ilan na napakatagal nang nagsasaliksik sa mga salita ng Diyos sa pagsisikap na makahanap ng mga tanda tungkol sa mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga kategorya kung saan hinati-hati ang mga kahihinatnang ito, at tungkol sa sari-saring mga kahihinatnan na naghihintay sa iba’t ibang klase ng mga tao. Umaasa rin silang malaman kung paano ipinapataw ng salita ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya, at kung paano Niya talaga ipinapasya ang kahihinatnan ng isang tao. Gayunman, sa huli, hindi nahanap ng mga taong ito ang anumang mga sagot kailanman. Sa totoo lang, napaka-kaunti ng nasabi tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos. Bakit nagkagayon? Hangga’t hindi pa inihahayag ang mga kahihinatnan ng mga tao, ayaw sabihin ng Diyos kaninuman ang mangyayari sa huli, ni ayaw Niyang ipaalam nang maaga kaninuman ang kanilang hantungan—dahil ang paggawa niyon ay walang anumang pakinabang sa sangkatauhan. Ngayon mismo, nais Ko lamang sabihin sa inyo ang tungkol sa paraan kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga prinsipyong ginagamit Niya sa Kanyang gawain sa pagpapasya at pagpapamalas ng mga kahihinatnang ito, at tungkol sa pamantayang ginagamit Niya sa pagpapasya kung makakaligtas ba ang isang tao o hindi. Hindi ba ito ang mga tanong na labis ninyong ipinag-aalala? Kung gayon, paano naniniwala ang tao na ang Diyos ang nagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? Binanggit ninyo ang ilang bahagi nito ngayon lamang: Sinabi ng ilan sa inyo na may kinalaman ito sa tapat na pagganap ng isang tao sa tungkulin at paggugol para sa Diyos; sinabi ng ilan na tungkol ito sa pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos; sinabi ng ilan na ang isang dahilan ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos; at sinabi ng ilan na ang mahalaga ay magpakumbaba…. Kapag isinagawa ninyo ang mga katotohanang ito, at kapag nagsasagawa kayo alinsunod sa mga prinsipyo na pinaniniwalaan ninyong tama, alam ba ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos? Napag-isip-isip na ba ninyo kung ang patuloy na pamumuhay nang ganito ay nagpapalugod sa Kanyang kalooban? Tumutugon ba ito sa Kanyang pamantayan? Nagsisilbi ba ito sa Kanyang mga hinihingi? Naniniwala Ako na hindi talaga pinag-iisipan nang husto ng karamihan sa mga tao ang mga tanong na ito. Ginagamit lamang nila nang wala sa loob ang isang bahagi ng salita ng Diyos, o isang bahagi ng mga sermon, o mga pamantayan ng ilang espirituwal na taong iniidolo nila, na pinipilit ang kanilang sarili na gawin ang kung anu-ano. Naniniwala sila na ito ang tamang paraan, kaya palagi nilang sinusunod ito at ginagawa ito, anuman ang mangyari sa bandang huli. Iniisip ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nanampalataya; ganito na ako magsagawa noon pa man. Pakiramdam ko talagang napalugod ko ang Diyos, at pakiramdam ko marami rin akong napala mula rito. Ito ay dahil naunawaan ko na ang maraming katotohanan sa panahong ito, gayundin ang maraming bagay na hindi ko naunawaan dati. Lalo na, marami nang nagbago sa aking mga ideya at pananaw, malaki na ang ipinagbago ng mga pinahahalagahan ko sa buong buhay ko, at medyo may maganda na akong pagkaunawa sa mundong ito.” Naniniwala ang gayong mga tao na ito ay isang pag-aani, at na ito ang huling resulta ng gawain ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa inyong opinyon, sa mga pamantayang ito at sa lahat ng pagsasagawa ninyo kapag pinagsama-sama, pinalulugod ba ninyo ang kalooban ng Diyos? Sasabihin ng ilan sa inyo nang may lubos na katiyakan, “Siyempre! Nagsasagawa kami ayon sa salita ng Diyos; nagsasagawa kami ayon sa ipinangaral at ibinahagi ng nasa Itaas. Lagi naming ginagawa ang aming mga tungkulin at palagi naming sinusunod ang Diyos, at hindi namin Siya iniwan kailanman. Samakatuwid ay masasabi natin nang may ganap na tiwala na napapalugod namin ang Diyos. Gaano man namin nauunawaan ang Kanyang mga layunin, at gaano man namin nauunawaan ang Kanyang salita, lagi kaming nasa landas ng paghahangad na maging kaayon ng Diyos. Basta’t kumikilos kami nang tama, at nagsasagawa nang tama, malamang na makamtan namin ang tamang resulta.” Ano ang palagay ninyo sa pananaw na ito? Tama ba ito? Maaaring mayroon ding ilang nagsasabi, “Hindi ko naisip kailanman ang tungkol sa mga bagay na ito dati. Iniisip ko lamang na basta’t patuloy akong tumutupad sa aking tungkulin at kumikilos ayon sa mga hinihingi ng mga pagbigkas ng Diyos, maaari akong maligtas. Hindi ko naisaalang-alang kailanman ang tanong kung mapapalugod ko ang puso ng Diyos, ni hindi ko naisip kailanman kung natutugunan ko ang pamantayang Kanyang naitakda. Yamang walang nasabi o naibigay na anumang malilinaw na tagubilin sa akin ang Diyos, naniniwala ako na basta’t patuloy akong gumagawa at hindi ako tumitigil, malulugod ang Diyos at hindi Siya dapat gumawa ng anumang karagdagang mga hinihingi sa akin.” Tama ba ang mga paniniwalang ito? Para sa Akin, ang paraang ito ng pagsasagawa, ang paraang ito ng pag-iisip, at ang mga pananaw na ito ay pawang may kasamang mga kathang-isip, gayundin ng kaunting pagkabulag. Marahil ay medyo nasisiraan ng loob ang ilan sa inyo dahil sa sinasabi Kong ito, at iniisip ninyo, “Pagkabulag? Kung ito ay pagkabulag, napakaliit at walang katiyakan ang pag-asa naming maligtas at manatiling buhay, hindi ba? Sa ganitong paraan, hindi Mo ba kami binubuhusan ng malamig na tubig?” Anuman ang inyong pinaniniwalaan, ang mga bagay na Aking sinasabi at ginagawa ay hindi para iparamdam sa inyo na parang binuhusan kayo ng malamig na tubig. Sa halip, ito ay para mapahusay ang inyong pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos at mapag-ibayo ang pagkaintindi ninyo sa Kanyang iniisip, sa Kanyang nais na isakatuparan, anong klaseng mga tao ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, ano ang Kanyang kinamumuhian, anong uri ng tao ang nais Niyang matamo, at anong uri ng tao ang Kanyang tinatanggihan. Ang mga ito ay para bigyan ng linaw ang inyong isipan at bigyan kayo ng malinaw na pang-unawa kung gaano na napalayo ang mga kilos at kaisipan ng bawat isa sa inyo mula sa pamantayang hinihingi ng Diyos. Kailangan bang talakayin ang mga paksang ito? Dahil alam Kong matagal na kayong nananampalataya, at nakinig sa napakaraming pangangaral, ngunit ito mismo ang mga bagay na kulang na kulang sa inyo. Bagama’t naitala ninyo ang bawat katotohanan sa inyong mga kuwaderno, at naisaulo at naiukit sa inyong mga puso ang ilan sa mga bagay na personal na pinaniniwalaan ninyong mahalaga, at bagama’t plano ninyong gamitin ang mga bagay na ito para palugurin ang Diyos sa inyong pagsasagawa, na gamitin ang mga ito kapag nangangailangan kayo, na gamitin ang mga ito upang malagpasan ang mahihirap na panahon na naghihintay sa inyo, o basta hayaan ang mga bagay na ito na samahan kayo habang nabubuhay kayo, para sa Akin, paano man ninyo ito ginagawa, kung ginagawa lamang ninyo ito, hindi ito gaanong mahalaga. Ano, kung gayon, ang napakahalaga? Iyon ay na habang ikaw ay nagsasagawa, kailangan mong malaman sa iyong kaibuturan, nang may lubos na katiyakan, kung lahat ng iyong ginagawa—bawat gawa—ay nakaayon sa nais ng Diyos o hindi, at kung ang lahat ng kilos ninyo, lahat ng iniisip ninyo, at ang mga resulta at layuning nais ninyong matupad ay talagang nagpapalugod sa kalooban ng Diyos at nagsisilbi sa Kanyang mga hinihingi, gayundin kung Kanyang sinasang-ayunan ang mga ito o hindi. Ito ang napakahalaga.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger