Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili (Sipi 48)
Sa mga nananalig sa Diyos, anong uri ng tao ang may pinakamaliit na tsansang maligtas, at ano ang uri ng kalikasan ang may pinakamalaking tsansang humantong sa pagkawasak? Malinaw ba ninyo itong nakikita? Isa mang lider o tagasunod ang isang tao, ano ang karaniwang kalikasan ng tao? Ang karaniwang elemento sa loob ng kalikasan ng tao ay ang pagkakanulo sa Diyos; may kakayahan ang bawat isang tao na ipagkanulo ang Diyos. Ano ang pagkakanulo sa Diyos? Ano ang mga pagpapamalas nito? Ang mga tumigil lang bang manalig sa Diyos ang nagkakanulo sa Kanya? Dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao, at maarok ang ugat nito. Ang mga pag-aalburoto mo, mga kapintasan, mga masamang gawi, o ang maling pagpapalaki sa iyo ay pawang mabababaw na aspekto. Kung palagi mong kinakapitan ang mga walang saysay na bagay na ito, walang ingat na nagpapatupad ng mga regulasyon at nabibigong arukin kung ano ang mahalaga, iniiwan ang mga bagay na likas sa iyong kalikasan at ang iyong tiwaling disposisyon na hindi nalulutas, sa huli ay malilihis ka pa rin at mauuwing lumalaban sa Diyos. Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan—ito ay isang seryosong problema. Marahil sa isang sandali, puwedeng may kaunti kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, masigasig na ginugugol ang sarili mo, at tinutupad ang mga tungkulin mo nang may kaunting katapatan; o puwedeng mayroon kang ganap na normal na katwiran at konsensiya sa panahong ito, pero ang mga tao ay hindi matatag at salawahan, may kakayahang lumaban at magkanulo sa Diyos kahit kailan at kahit saan dahil sa iisang pangyayari. Halimbawa, puwedeng ang isang tao ay nagtataglay ng ganap na normal na katwiran, may gawain ng Banal na Espiritu, praktikal na karanasan, isang pasanin, at katapatan sa pagganap sa kanyang tungkulin, pero kung kailan partikular na malakas ang kanyang pananampalataya, pinatalsik ng sambahayan ng Diyos ang isang anticristo na sinasamba niya, at nagsimula siyang magkaroon ng mga kuru-kuro. Agad siyang naging negatibo, nawala ang sigasig sa kanyang gawain, pabasta-bastang tinutupad ang tungkulin niya, hindi na gustong manalangin, at nagrereklamo, “Bakit pa magdarasal? Kung ang isang taong ganyan kabuti ay puwedeng mapatalsik, sino ang maliligtas? Hindi dapat ganito ang pagtrato ng Diyos sa mga tao!” Ano ang kalikasan ng mga salita niya? Isang insidente lang na hindi umaayon sa mga pagnanais niya at hinusgahan na niya ang Diyos. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Maaaring lumihis ang mga tao sa Diyos kahit kailan at kahit saan; sa pagdanas nila ng ilang sitwasyon, maaaring bumuo sila ng mga kuru-kuro at husgahan at kondenahin ang Diyos—hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Malaking bagay ito. Puwedeng iniisip mo ngayon na wala kang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos at kaya mong magpasakop sa Kanya, pero kung may gagawin kang mali at bigla kang haharap sa matinding pagpupungos, magagawa mo pa rin bang magpasakop? Hahanapin mo ba ang katotohanan para sa isang resolusyon? Kung hindi mo kayang magpasakop o maghanap ng katotohanan para lutasin ang problema ng iyong pagrerebelde, may tsansa pa ring puwede mong ipagkanulo ang Diyos. Maaaring hindi mo aktuwal na sinabing “Hindi na ako nananalig sa Diyos,” pero ipinagkanulo na Siya ng puso mo sa sandaling iyon. Dapat malinaw mong makita kung ano talaga ang kalikasan ng tao. Ang diwa ba ng kalikasang ito ay pagkakanulo? Napakakaunti lang ng malinaw na nakakakita ng kalikasang diwa ng tao. Siyempre, may ilang taong may kaunting konsensiya at kahit papaano ay may mabuting pagkatao, habang ang iba ay walang pagkatao, pero mabuti man o masama ang pagkatao ng isang tao, o mabuti man o mahina ang kanyang kakayahan, ang pagkakapareho ay kaya nilang lahat na ipagkanulo ang Diyos. Ang kalikasan ng tao ay talagang ang pagkakanulo sa Diyos. Dati inisip ninyo, “Dahil ang Diyos ay ipinagkanulo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas sa kalikasan, wala akong magagawa tungkol dito kundi unti-unting magbago.” Ganito pa rin ba kayo mag-isip ngayon? Kaya sabihin ninyo sa Akin, puwede bang ipagkanulo ng isang tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali? Puwede pa ring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali. Noong nilikha ng Diyos ang tao pinagkalooban Niya sila ng kalayaang pumili. Ang mga tao ay partikular na marupok; wala silang taglay na likas na pagnanais na lumapit sa Diyos at sabihing, “Ang Diyos ang Lumikha sa amin, at kami ay mga nilalang.” Walang ganitong konsepto sa mga tao. Likas silang walang taglay na katotohanan, o anumang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos sa loob nila. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaang pumili, na nagpapahintulot sa kanilang mag-isip, pero hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hindi talaga kilala ang Diyos, at hindi nauunawaan kung paano magpasakop at sumamba sa Kanya. Hindi umiiral ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya kahit na hindi ginagawang tiwali maaari mo pa ring ipagkanulo ang Diyos. Bakit sinasabing kaya mong ipagkanulo ang Diyos? Kapag dumarating si Satanas para tuksuhin ka, sinusunod mo si Satanas at ipinagkakanulo mo ang Diyos. Nilikha ka ng Diyos pero hindi mo Siya sinusunod, sa halip ay sinusunod si Satanas—hindi ba’t ginagawa ka nitong isang traydor? Ang isang traydor sa pakahulugan ay isang taong nagkakanulo. Nauunawaan mo ba nang lubos ang diwa nito? Samakatuwid, maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Hindi na lamang ipagkakanulo ng mga tao ang Diyos kapag sila ay ganap na nananahan sa kaharian ng Diyos at sa Kanyang liwanag, kapag nawasak na ang lahat ng kay Satanas, at kapag wala nang anumang bagay na makakatukso o makakaakit sa kanila sa kasalanan. Kung mayroon pa ring bagay na nakakaakit sa mga tao para magkasala, magagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga tao, samakatuwid, ay mga bagay na walang halaga. Puwedeng iniisip mo na dahil lang kaya mong maglabas ng ilang salita at doktrina na nauunawaan mo ang ilang katotohanan at hindi mo na ipagkakanulo ang Diyos, na kahit papaano ay dapat kang isaalang-alang—kung hindi bilang ginto o pilak—bilang tanso o bakal, na mas mahalaga kaysa sa mga gawa sa luwad, pero masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo. Alam mo ba kung ano talaga ang mga tao? Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan, wala silang halaga kahit isang sentimo; gaya ng sinabi ng Diyos: Ang mga tao ay mga hayop, mga walang kwentang sawing-palad. Pero sa puso nila, hindi ganito mag-isip ang mga tao. Iniisip nila, “Sa palagay ko ay hindi ako isang walang kwentang sawing-palad! Bakit hindi ko makita nang malinaw ang usaping ito? Paanong hindi ko ito naranasan? Tunay ang pananalig ko sa Diyos; may pananampalataya ako, kaya hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay katotohanan lahat, pero hindi ko lang maunawaan ang pariralang, ‘Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan.’ Nakita ko na ang pagmamahal ng Diyos; hindi ko Siya kailanman kayang ipagkanulo kahit kailan.” Ito ang talagang iniisip ng mga tao sa puso nila, pero ang mga salita ng Diyos ay mga katunayan, hindi binigkas ang mga ito mula sa kung saan. Bawat bagay ay ginawang maliwanag sa inyo, kinukumbinsi kayo nang buong-puso; sa ganitong paraan lamang ninyo makikilala ang inyong katiwalian at malulutas ang problema ng pagkakanulo. Sa kaharian, wala nang pagkakanulo; kapag namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at hindi sa ilalim ng kontrol ni Satanas, sila ay tunay na malaya. Sa panahong iyon, hindi na kailangang mag-alala tungkol sa pagkakanulo sa Diyos; ang ganitong alalahanin ay hindi na kailangan, ito ay kalabisan. Sa hinaharap, maaaring ideklara na wala nang anumang bagay sa inyo ang magkakanulo sa Diyos, pero ngayon, hindi ito ang kaso. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Hindi ito na ang presensya ng mga partikular na pangyayari ay humahantong sa pagkakanulo, at kung walang mga partikular na pangyayari o pamimilit hindi mo ipagkakanulo ang Diyos—kahit na walang pamimilit, maaari mo pa rin Siyang ipagkanulo. Ito ay isang problema ng tiwaling diwa ng tao, isang problema ng kalikasan ng tao. Kahit na wala kang iniisip o ginagawang anuman ngayon, ang realidad ng iyong kalikasan ay tunay na umiiral, at hindi mapupuksa ng sinuman. Dahil may kalikasan ka ng pagkakanulo sa Diyos sa loob mo; wala Siya sa puso mo; sa kaibuturan ng puso mo, walang anumang lugar para sa Diyos at walang presensya ng katotohanan; kaya, maaari mong ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Iba ang mga anghel; kahit wala silang disposisyon o diwa ng Diyos, nagagawa pa rin nilang ganap na magpasakop sa Diyos dahil sila ay nilikha Niya partikular para sa paglilingkod sa Kanya, para tuparin ang mga utos Niya sa lahat ng lugar. Sila ay nabibilang nang buong-buo sa Diyos. Pagdating sa mga tao, nilayon ng Diyos para sa kanila na mabuhay sa mundo, hindi sila pinagkakalooban ng kakayahang sambahin Siya. Kaya, kayang ipagkanulo at labanan ng mga tao ang Diyos. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay maaaring magamit at kalabanin ng sinuman; wala silang anumang sarili nilang kataas-taasang kapangyarihan. Ang mga tao ay mga ganitong nilalang, sadyang walang dignidad at walang halaga!
Isinisiwalat ng Diyos ang kalikasang nagkakanulo ng tao para magkaroon ng tunay na pang-unawa ang mga tao tungkol sa usaping ito at sa mga sarili nila. Ang mga tao ay puwedeng magsimulang magbago at sumubok na humanap ng mga landas ng pagsasagawa mula sa aspektong ito, inuunawa kung sa aling mga bagay nila maipagkakanulo ang Diyos at kung anong mga tiwaling disposisyong taglay nila ang maaaring humantong sa pagkakanulo sa Diyos. Kapag umabot ka na sa punto kung saan hindi ka nagrerebelde laban sa Diyos sa maraming aspekto, at hindi mo Siya ipinagkakanulo sa karamihang aspekto, kapag umabot ka sa dulo ng paglalakbay mo sa buhay, sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos, hindi mo na kakailanganing mag-alala kung ipagkakanulo mo ang Diyos sa hinaharap. Bakit Ko ito sinasabi? Bago ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos kapag inakit ni Satanas. Kapag nawasak si Satanas, hindi ba’t titigil ang mga taong ipagkanulo ang Diyos? Hindi pa dumating ang panahong iyan. Taglay pa rin ng mga tao ang tiwaling disposisyon ni Satanas sa loob nila, magagawang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kapag naranasan mo na ang buhay sa isang partikular na yugto, kung saan inalis mo na ang lahat ng maling pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon tungkol sa paglaban at pagkakanulo sa Diyos; naunawaan mo ang katotohanan, nang may maraming positibong bagay sa puso mo; kaya mo nang kontrolin ang sarili mo at pasunurin ang mga sarili mong kilos; at hindi mo ipinagkakanulo ang Diyos sa karamihang sitwasyon, pagkatapos kapag nawasak na si Satanas, ganap ka nang mababago. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay para lutasin ang pagkakanulo at pagrerebelde ng tao. Hindi ipagkakanulo ng sangkatauhan sa hinaharap ang Diyos dahil magagapi na si Satanas. Wala nang usapin tungkol kay Satanas na inililihis at ginagawang tiwali ang sangkatauhan; ang usaping ito pagkatapos ay magiging wala nang kaugnayan sa sangkatauhan. Ngayon, ipinapaunawa sa mga tao ang kalikasang nagkakanulo ng tao, na isang isyu na lubos na mahalaga. Dito kayo dapat magsimula. Ano ang nabibilang sa kalikasan ng pagkakanulo sa Diyos? Ano ang kalakip ng mga pagbubunyag ng pagkakanulo? Paano dapat magnilay at umunawa ang mga tao? Paano sila dapat magsagawa at pumasok? Ang lahat ng ito ay dapat maunawaan at makita nang malinaw. Hangga’t umiiral pa rin ang kalikasan ng pagkakanulo sa isang tao, maaari niyang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kahit na hindi niya lantarang itinatanggi o ipinagpapalit ang Diyos, kaya pa rin niyang gawin ang maraming bagay na hindi ituturing ng mga tao na pagkakanulo, pero sa diwa ay ganoon. Ibig sabihin nito na walang awtonomiya ang mga tao; nauna si Satanas na okupahin sila. Kung kaya mong ipagkanulo ang Diyos nang hindi ginagawang tiwali, gaano pa kaya ang magagawa mo ngayong ikaw ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Hindi ba’t lalo ka pang mas may kakayahang ipagkanulo ang Diyos kahit saan at kahit kailan? Ang kasalukuyang gawain ay upang alisin ang mga tiwaling disposisyong iyon, binabawasan ang mga bagay na nagdudulot sa iyong ipagkanulo ang Diyos, binibigyan ka ng maraming pagkakataon para maging perpekto at matanggap ng Diyos sa Kanyang presensya. Habang lalo mong nararanasan ang gawain ng Diyos sa iba’t ibang usapin, magagawa mong magkamit ng ilang katotohanan at magawang perpekto kahit papaano. Kung darating pa rin si Satanas at ang mga demonyo para tuksuhin ka, o darating ang mga masamang espiritu para ilihis at gambalain ka, magagawa mong gumamit ng kaunting pagkilatis, at sa gayon ay mababawasan ang pagkilos sa mga paraang nagkakanulo sa Diyos. Ito ay isang bagay na nabubuo sa loob ng mga tao sa paglipas ng panahon. Noong unang nilikha ang mga tao, hindi nila alam kung paano sumamba o magpasakop sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang pagkakanulo sa Kanya. Noong dumating si Satanas para akitin sila, sumunod sila rito at ipinagkanulo nila ang Diyos, naging mga traydor, dahil hindi nila kayang kilalanin ang mabuti at masama, at walang kakayahang sumamba sa Diyos—lalong mas kaunti ang pagkaunawa nila na ang Diyos ang Lumikha sa sangkatauhan, at kung paano nila Siya dapat sambahin. Ngayon, inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila ng mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Kanya—kasama ang Kanyang diwa, disposisyon, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, praktikalidad, at marami pa—para maging buhay nila ang mga ito, binibigyan sila ng awtonomiya at ng kakayahang mamuhay ayon sa katotohanan. Habang nararanasan mo nang mas malalim ang mga salita ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng mga ito, mas malalim mong mauunawaan ang sarili mong tiwaling disposisyon, at bibigyan ka nito ng pagpapasiyang magpasakop, magmahal, at magbigay-kasiyahan sa Diyos. Habang lalo mong nakikilala ang Diyos, lalo mong maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon mo, at sa loob mo magkakaroon ng mas kaunting bagay na nagkakanulo sa Diyos, at mas maraming bagay na kaayon sa Kanya, kaya lubos na nananaig at nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa katotohanan, nakakamit ng mga tao ang awtonomiya at hindi na nalilihis o napipigil ni Satanas, nabubuhay ng tunay na buhay ng tao. May ilang taong nagtatanong: “Kung may tiwaling kalikasan ang tao sa loob nila at kayang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan, paano pa rin nasasabi ng Diyos na ginawa Niyang ganap ang tao?” Ang pagiging ganap ay nangangahulugan na sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos, nakikilala ng mga tao ang Diyos at ang sarili nilang kalikasan, nauunawaan kung paano sumamba sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Nakikilala nila ang gawain ng Diyos at ang gawain ng tao, nakikilala ang kaibahan ng gawain ng Banal na Espiritu at ang gawain ng masasamang espiritu, at nauunawaan kung paano lumalaban sa Diyos si Satanas at ang mga demonyo, kung paano lumalaban ang sangkatauhan sa Diyos, kung ano ang isang nilikha, at kung sino ang Lumikha. Ang lahat ng ito ay idinagdag sa mga tao sa pamamagitan ng gawain ng Diyos pagkatapos silang likhain. Kaya, ang mga huling tao na ginawang ganap ay mas matibay at mas mahalaga kaysa sa mga hindi naging tiwali sa umpisa, dahil may idinagdag ang Diyos sa kanila, may ginawang isang bagay sa loob nila. Kaya, ang mga huling tao na ginawang ganap ay mas maraming taglay na awtonomiya kaysa sa taglay nina Adan at Eba, may mas mabuting pagkaunawa ng katotohanan tungkol sa pagsamba at pagpapasakop sa Diyos, at kung paano sila dapat kumilos. Hindi alam nina Adan at Eba ang mga bagay na ito. Noong tinukso ng ahas, kinain nila ang prutas mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama, at pagkatapos napagtanto nila ang kanilang kahihiyan, pero hindi pa rin alam kung paano sumamba sa Diyos. Mula noon, lalong tumindi ang katiwalian ng sangkatauhan hanggang ngayon. Ito ay isang usaping lubos na malalim; walang kayang makaunawa nito nang malinaw. Dahil sa mga likas na katangian ng laman ng tao, maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan, pero sa huli, gagawing ganap ng Diyos ang tao at dadalhin Niya sila sa susunod na kapanahunan. Ito ay isang bagay na mahirap unawain para sa mga tao; maaari lang itong dahan-dahang maranasan. Sa sandaling maunawaan ang katotohanan, natural itong magiging malinaw.
Bakit kinakailangan ng mga taong makilala ang Diyos? Ito ay dahil kung hindi nila kilala ang Diyos, lalabanan Siya ng mga tao. Kung may isang taong hindi nakakaunawa ng katotohanan, malamang na mailihis at magamit siya ni Satanas at ng masasamang espiritu. Hindi niya magagawang makatakas sa impluwensiya ni Satanas, kaya nabibigong makamit ang kaligtasan. Pero kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, magagawang tunay na magpasakop sa Kanya, magpatotoo sa Kanya, at makamit Niya. Ang ganitong tao ay hindi maililihis o masasamantala ni Satanas, kahit na gustuhin pa nito; ito ang ibig sabihin ng maging ganap na malaya sa impluwensiya ni Satanas at ang makamit ang kaligtasan, at ito ang kahalagahan ng hinihingi ng Diyos na makilala Siya ng mga tao. Kung kilala mo ang Diyos, maaari ka Niyang maligtas; kung hindi mo kilala ang Diyos, hindi mo makakamit ang kaligtasan. Kung may isang taong hindi nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos at hindi talaga naghahangad ng katotohanan, sa halip ay nabubuhay sa kanyang satanikong disposisyon, at hindi nagsasagawa ng katotohanan kahit na nauunawaan niya ang ilan sa mga ito, sinasadya pa ring magkasala, siya ay talagang hindi na matutubos. Nasa aling kalagayan kayo ngayon? Hangga’t may kaunti pa kayong pag-asa ngayon, naaalala man ng Diyos o hindi ang mga pagsalangsang ninyo sa nakaraan, anong kaisipan ang dapat ninyong panatilihin? “Dapat akong maghangad ng pagbabago sa aking disposisyon, maghangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, na hindi na muling maloko ni Satanas, at hindi na muling gumawa ng anumang bagay na magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos.” Ang mga tao ngayon ay ginawang tiwali nang napakalalim at walang anumang halaga. Anong mga pangunahing larangan ang nagtatakda kung sila ay maaaring maligtas at kung sila ay mayroong anumang pag-asa? Ang susi ay, pagkatapos makinig sa isang sermon, kung nauunawaan mo ang katotohanan o hindi, kung kaya mong isagawa ang katotohanan o hindi, at kung kaya mong magbago o hindi. Ito ang mga pangunahing larangan. Kung ikaw ay nakakaramdam lang ng pagsisisi, at kapag dumarating ang panahon para gumawa ng mga bagay ay ginagawa mo lang kung ano ang gusto mo, sa parehong mga dating paraan, hindi lang sa hindi hinahanap ang katotohanan, kumakapit pa rin sa mga dating pananaw, pamamaraan, at regulasyon, at hindi lang sa hindi pinagninilayan at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, pero sa halip ay sumasama pa nang sumasama, at ipinipilit pa ring lakaran ang dati mong landas, ikaw ay magiging walang pag-asa, at dapat kalimutan. Sa mas malawak na kaalaman tungkol sa Diyos at mas malalim na kaalaman tungkol sa sarili mo, mas magiging kaya mong pigilan ang sarili mo sa paggawa ng masama at sa pagkakasala. Kapag mas lubusan ang kaalaman mo tungkol sa iyong kalikasan, mas mabuti mong mapoprotektahan ang iyong sarili, at pagkatapos ibuod ang mga karanasan at natutunan mo, hindi ka na muling mabibigo. Sa aktuwal na katunayan, lahat ng tao ay may ilang kapintasan; hindi lamang sila pinapanagot ng Diyos para sa mga ito. Lahat ng tao ay mayroon ng mga ito, ito ay usapin lamang ng antas; may ilang puwedeng sabihin, may ibang hindi. Ang ilang tao ay gumagawa ng mga bagay na alam ng iba, habang may ilang taong gumagawa ng mga bagay nang walang nakakaalam tungkol dito. Lahat ng tao ay may mga kasalanan at kapintasan sa kanila, at lahat sila ay nagbubunyag ng mga partikular na tiwaling disposisyon, gaya ng pagmamataas o pagmamagaling; lahat sila ay may ilang paglihis sa kanilang gawain o paminsan-minsang naging mapaghimagsik. Madaling unawain ang lahat ng ito; hindi maiiwasan ang mga ito ng tiwaling sangkatauhan. Pero sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, dapat kaya nila itong iwasan at hindi na muling sumalangsang; hindi na sila kailangan pang maligalig ng mga nakaraang pagsalangsang. Ang susi ay kung nagsisisi ang mga tao, kung sila ay tunay na nagbago. Ang mga taong nagsisisi at nagbabago ay ang mga taong ligtas, habang ang mga nananatiling hindi nagsisisi at hindi nagbabago sa kabuuan ay dapat itiwalag. Kung, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, sinasadya pa rin ng mga taong sumalangsang, kung matatag silang hindi nagsisisi, lubusang hindi nagbago, paano man sila pinungusan o binalaan, ang mga ganitong tao ay hindi na maililigtas.