Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos (Sipi 26)
Mayroong iba’t ibang uri ng tao, at sila ay nagkakaiba-iba ayon sa uri ng espiritung mayroon sila. Ang ilang tao ay may espiritu ng tao, at sila ang paunang itinakda at pinili ng Diyos. Ang ilan ay walang espiritu ng tao; sila ay mga demonyong nakapanlinlang upang makapasok. Sila na hindi paunang itinalaga at pinili ng Diyos ay hindi maililigtas kahit pa napasok nila ang sambahayan ng Diyos, at sa huli, sila ay malalantad at matitiwalag. Kung tatanggapin man ng mga tao ang gawain ng Diyos, at, matapos nila itong tanggapin, kung ano mang uri ng landas ang kanilang lalakaran at kung kaya man nilang magbago, lahat ito ay nakasalalay sa espiritu at kalikasan sa kanilang kalooban. Ang ilang tao ay hindi maiwasang lumihis; itinatakda ng kanilang espiritu na maging gayong tao sila, at hindi sila maaaring magbago. Sa ilang tao, hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, sapagkat hindi sila naglalakad sa tamang landas; gayunpaman, kung makapagbabago sila, ang Banal na Espiritu ay maaari pa ring gumawa. Kung hindi sila makapagbabago, matatapos ang lahat para sa kanila. Ang bawat uri ng sitwasyon ay umiiral, ngunit ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat tao. Paano nalalaman at nauunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Natatanggap ng matutuwid ang Kanyang mga pagpapala at ang masasama naman ay isinusumpa Niya. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan Niya ang masasama, at pinagkakalooban Niya ang bawat tao ayon sa mga ginawa nito. Tama ito, pero sa kasalukuyan ay may ilang pangyayaring hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, gaya ng, may ilang nananalig sa Diyos at sumasamba sa Kanya na pinapatay o nakakakuha ng Kanyang mga sumpa, o na hindi kailanman pinagpala ng Diyos o binigyan ng atensyon; gaano man katindi ang pagsamba nila sa Kanya, sila ay hindi Niya pinapansin. Mayroong ilang masamang taong hindi pinagpapala ni pinaparusahan ng Diyos, pero mayayaman sila at marami silang anak, at maganda ang lahat ng nangyayari sa kanila; matagumpay sila sa lahat ng bagay. Ito ba ay pagiging matuwid ng Diyos? May ilang taong nagsasabi na, “Sinasamba namin ang Diyos, pero wala pa kaming natatanggap na mga pagpapala mula sa Kanya, habang ang masasamang taong hindi sumasamba sa Diyos at lumalaban sa Kanya ay mas maganda at masagana ang buhay ng kaysa sa amin. Hindi matuwid ang Diyos!” Ano ang ipinapakita nito sa inyo? Kabibigay Ko lang sa inyo ng dalawang halimbawa. Alin ang naghahayag ng pagiging matuwid ng Diyos? May ilang taong nagsasabi na, “Pareho silang nagpapamalas ng pagiging matuwid ng Diyos!” Bakit nila sinasabi ito? May mga prinsipyo sa likod ng mga pagkilos ng Diyos—hindi lang ito malinaw na nakikita ng mga tao, at dahil hindi nila kayang makita ang mga ito nang malinaw, hindi nila maaaring sabihin na hindi matuwid ang Diyos. Nakikita lamang ng tao kung ano ang nasa panlabas; hindi niya nakikita ang mga bagay-bagay sa kung ano ba talaga ang mga ito. Kaya, anuman ang ginagawa ng Diyos ay matuwid, gaano man ito hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Maraming tao ang laging nagrereklamo na hindi matuwid ang Diyos. Ito ay dahil hindi nila nauunawaan kung ano ba talaga ang sitwasyon. Madali para sa kanilang magkamali kapag lagi nilang tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Umiiral ang kaalaman ng mga tao kasama ng sarili nilang mga kaisipan at opinyon, sa loob ng ideya nila ng mga transaksiyon o sa loob ng mga pananaw nila sa kabutihan at kasamaan, sa tama at mali, o sa lohika. Kapag nakikita ng isang tao ang mga bagay na galing sa ganitong mga pananaw, madali para sa kanya na hindi maintindihan ang Diyos at na magkaroon ng mga kuru-kuro, at lalaban ang taong iyon sa Diyos at magrereklamo tungkol sa Kanya. Mayroong isang mahirap na taong ang pagsamba lamang sa Diyos ang alam niya, pero hindi siya pinansin ng Diyos, at siya ay hindi rin Niya pinagpala. Marahil ay iniisip ninyo, “Kahit na hindi siya pinagpala ng Diyos sa buhay na ito, siguradong pagpapalain siya ng Diyos magpasawalang hanggan at gagantimpalaan siya nang sampung libong beses. Hindi ba’t ginagawa nitong matuwid ang Diyos? Magtatamasa ang isang mayamang tao ng isang daang beses na dami ng mga pagpapala sa buhay na ito, at magpasawalang hanggan siyang mawawasak. Hindi ba’t pagiging matuwid din ito ng Diyos?” Paano dapat maunawaan ng isang tao ang pagiging matuwid ng Diyos? Gamitin nating halimbawa ang pag-unawa sa gawain ng Diyos: Kung winakasan ng Diyos ang Kanyang gawain noong natapos na Niya ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at hindi Niya ginawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, at hindi Niya lubusang niligtas ang sangkatauhan, na nagresulta sa ganap na pagkalipol ng sangkatauhan, maituturing ba natin Siya na mayroong pagmamahal at pagiging matuwid? Kung ang mga sumasamba sa Diyos ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, habang ang mga hindi sumasamba sa Diyos at ni hindi nakakaalam na mayroong Diyos ay hinayaan ng Diyos na mabuhay, ano ang iisipin natin dito? Kapag pinag-uusapan ang konteksto ng doktrina, karaniwan na laging sinasabi ng mga tao na matuwid ang Diyos, pero kung nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, maaaring hindi nila kayang makaunawa nang tama at maaari pa ngang magreklamo sila tungkol sa Diyos at husgahan Siyang hindi matuwid.
Dapat lubos na maunawaan ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos at dapat itong ipaliwanag at maintindihan batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Higit pa riyan, dapat ding pagdaanan ng isang tao ang tunay na karanasan at makamtan ang kaliwanagan ng Diyos para tunay niyang makilala ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos. Ang pagsusuri ng isang tao sa pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos ay hindi dapat ibatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, pinagkakalooban ng kabutihan ang mabubuting tao at pinagkakalooban ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Tila ba ipinapakita nito na, sa lahat ng kaso kung saan hindi masama ang mga tao, dapat silang pagkalooban ng kabutihan; ito lamang ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Pero paano kung bigo silang mapagkalooban ng kabutihan? Sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na gawin ang arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at gawin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa mga tao, gaano man katiwali ang sangkatauhan, basta’t lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan, ibig sabihin nito ay hindi Siya mapagmahal—tama ba sila sa paniniwala rito? Hindi ba’t katawa-tawa ang paniniwalang ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba talaga na hindi Niya minahal ang mga nabuhay at nakatamo ng Kanyang kaligtasan? Buong-pusong minahal ni Pedro ang Diyos at minahal ng Diyos si Pedro—talaga bang masasabi mong hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinapopootan at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at poot, iyan ang katotohanan. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan, na paraan nila ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ang Diyos batay sa saloobin Niya sa tao, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na tukuyin kung anong diwa ang mayroon ang Diyos batay sa panlabas na anyo ng mga bagay na ginagawa at inaasikaso ng Diyos. Napakalalim na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas kay Job at inatake at tinukso si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Ngayon, ang matuwid bang disposisyon ng Diyos ay nasa loob ng mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, may karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at tulutan kang magpatotoo sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman sa ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok kahit na kaya nila ang mga ito o na dapat silang protektahan; hindi ito ang kaso. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at magpatotoo kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinibigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova, at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung noong matapos sumailalim sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya si Satanas ay tumalikod at umalis na si Jehova, hindi siya pinansin, at hindi tumanggap si Job ng mga pagpapala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, lahat ng ito ay naglalaman ng mabuting kalooban ng Diyos. Maaaring ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos. Kahit na napakaraming tao ang nananalig sa Diyos sa mundo ng relihiyon, kakaunti ang kayang malaman ang Kanyang disposisyon. Nang subukan ng ilang tao na ipalaganap ang ebanghelyo sa mga relihiyosong tao at ipabasa sa kanila ang mga salita ng Diyos, hindi lang sila hindi naghanap at nagsaliksik, sinunog pa nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at pinarusahan sila. Ang iba ay naniwala sa mga sabi-sabi, nilapastangan nila ang Diyos at sila ay pinarusahan. Marami nga talaga, hindi na mabilang ang mga halimbawa ng ganitong uri ng bagay na nangyayari. May mga bagong mananampalatayang mapagmataas at mayabang, kaya hindi nila ito tinatanggap kapag naririnig nila ito—nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Nakikita ng Diyos na ikaw ay hangal at mangmang at hindi ka Niya pinapansin, pero darating ang araw na ipapaintindi Niya sa iyo. Kung maraming taon ka nang sumusunod sa Diyos pero ganito ka pa rin umasal, kumakapit ka sa iyong mga kuru-kuro gaano man karami ang mga ito, at hindi mo na nga hinahangad ang katotohanan para lutasin ang mga isyu, ikinakalat mo pa ang iyong mga kuru-kuro sa lahat ng lugar at kinukutya at ginagawa mo pang katatawanan ang sambahayan ng Diyos, dapat kang maharap sa paghihiganti. Sa ilang kaso, maaari kang mapatawad ng Diyos dahil naging hangal at mangmang ka lamang, pero kung mas nauunawaan mo ito at sinasadya mo pa ring umasal nang ganoon, hindi nakikinig gaano man karaming payo ang ibinibigay sa iyo, karapat-dapat lang na parusahan ka ng Diyos. Alam mo lang ang mapagparayang katangian ng Diyos, pero huwag mong kalimutan na mayroon din Siyang katangian na hindi nalalabag, ito ang Kanyang matuwid na disposisyon.