Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos (Sipi 22)

Ang mga nilalaman ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay napakayaman, kinabibilangan ito ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, gayundin ng ilang pahayag na nagpopropesiya, ipinopropesiya ang magiging kalagayan sa mga paparating na kapanahunan. Sa katunayan, ang mga propesiya ay masyadong pangkalahatan, ang karamihan sa mga nilalamang salita ng aklat na ito ay tinatalakay ang pagpasok sa buhay, inilalantad ang kalikasan ng tao, at sinasabi kung paano makikilala ang Diyos at ang Kanyang disposisyon. At tungkol naman sa kung anong kapanahunan ang darating, kung ilang kapanahunan ang mayroon, kung anu-anong uri ng mga pangyayari ang papasukin ng sangkatauhan, hindi ba’t totoo na walang partikular na plano, partikular na pagbabatayan, o kahit man lang partikular na kapanahunan sa aklat na ito? Masasabing hindi na kailangang mag-alala pa ang mga tao sa mga kapanahunang darating, hindi pa nararating ang kapanahunang iyon at napakalayo pa niyon. Kahit na sabihin Ko pa sa inyo ang tungkol sa mga bagay na ito, hindi ninyo ito mauunawaan, at dagdag pa roon, hindi kailangang maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito sa ngayon. Maliit lang ang kaugnayan ng mga bagay na iyon sa pagbabago ng buhay disposisyon ng mga tao. Ang kailangan lang ninyong maunawaan ay ang mga salita na naglalantad sa kalikasan ng tao. Sapat na iyon. Noon, may ilang propesiya ang ipinahayag, kagaya ng ang Milenyong Kaharian, ang magkasamang pagpasok ng Diyos at ng tao sa kapahingahan, at pati na rin ang tungkol sa Kapanahunan ng Salita. Ang mga salitang nagpopropesiya ay may kaugnayang lahat sa mga kapanahunang malapit nang dumating; ang mga hindi nabanggit ay ang mga bagay na napakalayo pa. Hindi ninyo kailangang pag-aralan ang mga bagay na iyon na napakalayo pa; ang hindi ninyo dapat malaman ay hindi sasabihin sa inyo; ang dapat ninyong malaman ay ang buong katotohanan na nagmumula sa Diyos—halimbawa ay ang disposisyon ng Diyos na ipinahahayag sa tao, kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos na inihahayag ng mga salita ng Diyos, at ang paglalantad sa kalikasan ng tao sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, gayundin ang direksyon sa buhay na ibinigay ng Diyos sa mga tao, sapagkat kabilang ang mga bagay na ito sa kaibuturan ng gawaing pagliligtas ng Diyos sa mga tao.

Ang layunin ng Diyos sa pagsasabi sa mga bagay na ito kapag ginagawa ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay pangunahing para lupigin at iligtas ang mga tao, at para baguhin ang disposisyon ng mga tao. Sa kasalukuyan ang Kapanahunan ng Salita ay isang makatotohanang kapanahunan, ang kapanahunan ng katotohanan na lumulupig at nagliligtas sa tao; mas marami pang mga salita kalaunan—napakarami pang hindi nasasabi. Iniisip ng ilang tao na ang mga salitang ito sa kasalukuyan ay ang kabuuan na ng pagpapahayag ng Diyos—ito ay isang labis na maling interpretasyon, sapagkat ang gawain ng Kapanahunan ng Salita ay kasisimula pa lamang sa Tsina, ngunit magkakaroon pa ng mas maraming salita pagkatapos na hayagang magpakita at gumawa ang Diyos sa hinaharap. Kung magiging ano ang Kapanahunan ng Kaharian, kung anong uri ng destinasyon ang papasukin ng sangkatauhan, kung ano ang mangyayari pagkatapos pumasok sa destinasyong iyon, kung paano ang magiging buhay ng sangkatauhan pagkatapos noon, kung anong antas ang maaabot ng likas na gawi ng tao, kung anong uri ng pamumuno at anong uri ng panustos ang kakailanganin, atbp., ang lahat ng ito ay kabilang sa gawain ng Kapanahunan ng Salita. Ang pagsasaklaw ng Diyos sa lahat ay hindi kagaya ng iniisip mo lamang sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Maaari bang kasingsimple lang ng iniisip mo ang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at ang gawain ng Diyos? Ang pagsasaklaw sa lahat, ang pagiging nasa lahat ng dako, ang walang hanggang kapangyarihan, at ang pagiging kataas-taasan ng Diyos ay hindi mga salitang walang laman—kung sinasabi mo na ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay kumakatawan sa lahat ng bagay tungkol sa Diyos, at na winawakasan ng mga salitang ito ang buong pamamahala ng Diyos, masyado mong minamaliit ang Diyos; hindi ba’t muli itong paglalarawan sa Diyos? Dapat mong malaman na ang mga salitang ito ay maliit na bahagi lamang ng Diyos na sumasaklaw sa lahat. Inilalarawan ng lahat ng grupong pangrelihiyon ang Diyos batay sa Bibliya. At ngayon, hindi ba’t inilalarawan din ninyo Siya? Hindi ba ninyo alam na ang paglalarawan sa Diyos ay pagmamaliit sa Diyos? Na ito ay pagkondena at paglapastangan sa Diyos? Sa kasalukuyan, iniisip ng karamihan ng mga tao, “Ang sinabi ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ay naroroong lahat sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, wala nang iba pang salita mula sa Diyos; iyon na lahat ang sinabi ng Diyos,” tama ba? Malaking pagkakamali ang mag-isip nang ganito! Ang mga salitang nakapaloob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay mga pambungad na salita lamang ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, bahagi lamang ng mga salita sa gawaing ito, ang mga salitang ito ay pangunahing may kaugnayan sa mga katotohanan ng mga pangitain. Kalaunan ay magkakaroon din ng mga salitang binibigkas na may kinalaman sa mga detalye ng pagsasagawa. Samakatuwid, ang pagsasapubliko sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay hindi nangangahulugan na nagwawakas na ang isang yugto ng gawain ng Diyos, lalong hindi ito nangangahulugan na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay nakarating na sa katapus-tapusan. Marami pang salita na ipahahayag ang Diyos, at maging pagkatapos mabigkas ang mga salitang ito, hindi pa rin masasabi ninuman na nagtapos na ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos. Kapag natapos na ang gawain ng buong sansinukob, masasabi lamang ng isang tao na natapos na ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos; ngunit sa panahong ito, may mga tao pa kayang umiiral sa sansinukob na ito? Hangga’t umiiral ang buhay, hangga’t umiiral ang sangkatauhan, ang pamamahala ng Diyos ay dapat na nagpapatuloy pa rin. Kapag natapos na ang anim na libong taong plano ng pamamahala, hangga’t umiiral pa rin ang sangkatauhan, ang buhay, at ang sansinukob na ito, pamamahalaan pa rin itong lahat ng Diyos, ngunit hindi na ito tatawaging anim na libong taong plano ng pamamahala. Tatawagin na ito ngayong pamamahala ng Diyos. Marahil ay tatawagin ito sa ibang pangalan sa hinaharap; magiging panibagong buhay iyon para sa sangkatauhan at sa Diyos; hindi maaaring sabihin na gagamitin pa rin ng Diyos ang mga salita sa kasalukuyan para pamunuan ang mga tao, sapagkat ang mga salitang ito ay angkop lamang para sa yugto ng panahong ito. Kaya, huwag ilarawan ang gawain ng Diyos sa anumang pagkakataon. Sinasabi ng ilan, “ang mga salitang ito lamang ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao, at wala nang iba pa; ang mga salitang ito lamang ang maaaring sabihin ng Diyos.” Ito ay paglilimita rin sa Diyos sa isang saklaw. Ito ay kagaya lamang, sa kasalukuyan, sa Kapanahunan ng Kaharian, ng paglalapat sa mga salitang binigkas sa kapanahunan ni Jesus—angkop ba iyon? Ang ilan sa mga salita ay mailalapat, at ang ilan ay kailangang buwagin, kaya hindi mo masasabi na ang mga salita ng Diyos ay hindi kailanman mabubuwag. Kaagad bang inilalarawan ng mga tao ang mga bagay-bagay? Sa ilang dako, inilalarawan nga nila ang Diyos. Marahil isang araw ay babasahin mo ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao kagaya ng pagbabasa ng mga tao sa Bibliya sa kasalukuyan, hindi sumasabay sa mga hakbang ng Diyos. Ngayon ang tamang panahon para basahin ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi natin masasabi kung ilang taon ang dadaan na ang pagbabasa nito ay magiging kagaya lang ng pagbabasa sa isang lumang kalendaryo, sapagkat magkakaroon na ng bagong papalit sa luma sa panahong iyon. Nalilikha at napapaunlad ang mga pangangailangan ng mga tao ayon sa gawain ng Diyos. Sa panahong iyon, ang kalikasan ng tao, at ang mga likas na gawi at mga katangian na dapat taglayin ng mga tao ay medyo nagbago na; pagkatapos magbago ng mundong ito, ang mga pangangailangan ng sangkatauhan ay mag-iiba. Itinatanong ng ilan: “Magsasalita ba ang Diyos kalaunan?” Mauuwi ang ilan sa konklusyon na “Hindi makapagsasalita ang Diyos, sapagkat kapag natapos na ang gawain sa Kapanahunan ng Salita, wala nang iba pang masasabi, at alinmang iba pang salita ay huwad.” Hindi ba’t mali rin ito? Madali para sa sangkatauhan na magawa ang pagkakamaling ilarawan ang Diyos; ang mga tao ay kadalasang kumakapit sa nakaraan at inilalarawan ang Diyos. Malinaw na hindi nila Siya nakikilala, ngunit walang habas pa rin nilang inilalarawan ang Kanyang gawain. Napakayabang ng kalikasan ng mga tao! Palagi nilang gustong kumapit sa mga makalumang kuru-kuro ng nakaraan at panatilihin sa puso nila ang mga bagay-bagay mula sa nakaraan. Ginagawa nila itong puhunan, ang pagiging mayabang at palalo, iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, at may lakas pa ng loob na ilarawan ang gawain ng Diyos. Sa paggawa nito, hindi ba’t hinuhusgahan nila ang Diyos? Bukod pa rito, hindi isinasaalang-alang ng mga tao ang bagong gawain ng Diyos; ipinakikita lamang nito na mahirap para sa kanila na tumanggap ng mga bagong bagay, gayunpaman pikit-mata pa rin nilang inilalarawan ang Diyos. Napakayabang ng mga tao na wala na sila sa katwiran, wala silang pinakikinggan, at ni hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Gayon ang kalikasan ng tao: lubos na mayabang at mapagmagaling, at wala ni kaunti mang pagpapasakop. Ganito ang mga Pariseo nang hatulan nila si Jesus. Inisip nila na “Kahit pa tama Ka, hindi pa rin ako susunod sa Iyo—si Jehova lamang ang tunay na Diyos.” Sa kasalukuyan, may ilan din na nagsasabing: “Siya si Cristo? Hindi ako susunod sa Kanya kahit na Siya pa talaga si Cristo!” May mga nabubuhay bang ganitong klaseng tao? Napakaraming relihiyosong tao ang ganyan. Ipinakikita nito na masyadong tiwali ang disposisyon ng tao, na ang mga tao ay hindi na maliligtas.

Sa mga taong banal sa mga nagdaang kapanahunan, sina Moises at Pedro lamang ang tunay na nakakilala sa Diyos, at sinang-ayunan sila ng Diyos; gayunpaman, kaya ba nilang maarok ang Diyos? Limitado rin ang kanilang nauunawaan. Sila mismo ay hindi nangahas na magsabing kilala nila ang Diyos. Ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos ay hindi Siya inilalarawan, sapagkat natatanto nila na ang Diyos ay hindi makakalkula at hindi masusukat. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ang kadalasang naglalarawan sa Kanya at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Puno sila ng imahinasyon tungkol sa Diyos, madaling nakakalikha ng mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos. Kaya, ang mga naniniwala na nakikilala nila ang Diyos ang pinakapalaban sa Diyos, at sila ang mga tao na pinakananganganib.