Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos (Sipi 20)
Ang lahat ng tiwaling tao ay may satanikong kalikasan. Lahat sila ay may satanikong disposisyon at kayang ipagkanulo ang Diyos saanman at kailanman. Ang ilang tao ay nagtatanong, “Nilikha ng Diyos ang mga tao, at sila ay nasa mga kamay ng Diyos. Bakit hindi pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao sa halip na hayaan silang ipagkanulo ang Diyos? Hindi ba’t ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat?” Ito nga ay isang katanungan. Anong mga problema ang makikita mo rito? Ang Diyos ay may panig na makapangyarihan sa lahat at may panig ding praktikal. Kayang ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi sila nagagawang tiwali ni Satanas. Walang sariling kalooban ang mga tao, sa usapin ng kung paano nila dapat sambahin ang Diyos, at kung paano itakwil si Satanas, ang hindi makisama kay Satanas at ang magpasakop sa Diyos. Nasa Diyos ang katotohanan, ang buhay, at ang daan, ang Diyos ay hindi nalalabag… Wala sa kalooban-looban ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi nila talaga nakikita ang mga bagay na nasa kalikasan ni Satanas at sadyang hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya nagagawa nilang ipagkanulo ang Diyos saanman at kailanman. Higit pa rito, pagkatapos na gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, nasa loob nila ang mga bagay ni Satanas, at mas madali para sa kanila na ipagkanulo ang Diyos. Ito ang problema. Kung ang nakikita mo lamang ay ang praktikal na panig ng Diyos at hindi ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, magiging madali para sa iyo na ipagkanulo ang Diyos at makita si Cristo bilang isang ordinaryong tao, at hindi mo malalaman kung paano Niya magagawang ihatid ang napakaraming katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Kung ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat lang ang nakikita mo at hindi ang praktikal na panig ng Diyos, magiging madali rin para sa iyo na labanan ang Diyos. Kung hindi mo nakikita ang alinmang panig, mas malamang pa na labanan mo ang Diyos. Samakatuwid, hindi ba’t ang makilala ang Diyos ang pinakamahirap na bagay sa mundo? Habang mas nakikilala ng mga tao ang Diyos, mas nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at nauunawaan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay may kahulugan. Kung tunay na kilala ng mga tao ang Diyos, makapagkakamit sila ng gayong mga resulta. Bagama’t may praktikal na panig ang Diyos, hindi kailanman lubusang makikilala ng mga tao ang Diyos. Masyadong dakila at kamangha-manghang hindi maarok ang Diyos, at masyadong limitado ang pag-iisip ng mga tao. Bakit sinasabi na ang tao ay isang sanggol sa harap ng Diyos magpakailanman? Ito ang ibig sabihin nito.
Kapag may sinabi o ginawa ang Diyos, lagi itong hindi nauunawaan ng mga tao, “Paano iyon nagawa ng Diyos? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat!” Palaging may sariling kuru-kuro ang mga tao. Patungkol sa pagtikim ng Diyos sa makamundong pagdurusa, iniisip ng ilang tao, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Kailangan ba Niyang matikman ang makamundong pagdurusa? Hindi ba alam ng Diyos kung ano ang pakiramdam ng dumanas ng makamundong pagdurusa?” Ito ang praktikal na panig ng paggawa ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, ipinako sa krus si Jesus para tubusin ang sangkatauhan, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang Diyos at palagi silang nagkikimkim ng ilang kuru-kuro tungkol sa Diyos, sinasabing: “Upang tubusin ang buong sangkatauhan, kailangan lang ng Diyos na sabihin kay Satanas, ‘Ako ay makapangyarihan sa lahat. Nangangahas kang ipagkait sa Akin ang sangkatauhan? Kailangan mo silang ibigay sa Akin.’ Sa ilang salitang ito, ang lahat sana ay nalutas na—wala bang awtoridad ang Diyos? Ang kailangan lang ay sabihin ng Diyos na natubos na ang sangkatauhan at ang kasalanan ng tao ay pinatawad na, kung gayon ay wala nang kasalanan ang tao. Hindi ba kayang mapagpasyahan ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito? Kung ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nalikha sa pamamagitan ng mga salita mula sa Diyos, paanong hindi malulutas ng Diyos ang usaping ito? Bakit kailangang ipako sa krus ang Diyos mismo?” Ang makapangyarihan sa lahat na panig ng Diyos at ang Kanyang praktikal na panig ay parehong gumagana rito. Patungkol naman sa Kanyang praktikal na panig, tiniis ng Diyos na nagkatawang-tao ang maraming pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na pamumuhay sa lupa, at sa huli ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang pinakamatinding pagdurusa. Pagkatapos ay nabuhay Siyang muli mula sa kamatayan, at ang Kanyang muling pagkabuhay ay ang paggana ng aspeto ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Hindi gumawa ng anumang pahiwatig ang Diyos, o nagpadanak ng anumang dugo o nagpaulan at sinabing ito ay isang handog para sa kasalanan. Wala Siyang ginawang anumang ganoon, sa halip Siya mismo ay nagkatawang-tao upang tubusin ang sangkatauhan at ipinako Siya sa krus, upang malaman ng sangkatauhan ang gawang ito. Nang dahil sa gawang ito, nalaman ng sangkatauhan na talagang iniligtas ng Diyos ang tao at ito ay patunay. Alinmang pagkakatawang-tao ang gumaganap ng gawain o kung ang Espiritu man ang tuwirang gumagawa ng gawain, lahat ito ay kinakailangan. Nangangahulugan ito na sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan, ang gawain ay nagagawang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan, at sa pamamagitan lamang ng paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan na maaani ng sangkatauhan ang mga kapakinabangan nito. Ito ay dahil sa ang buong sangkatauhan ang layon ng pamamahala ng Diyos. Nasabi na noon na ito ay upang makipagdigma kay Satanas at ipahiya ito. At sa totoo lang, hindi ba’t sa huli ay mabuti iyon para sa tao? Para sa tao, ito ay isang bagay na dapat gunitain at isang bagay na pinakamahalaga at makabuluhan, dahil ang nais likhain ng Diyos ay mga taong nakaahon mula sa kapighatian nang may pag-unawa sa Diyos, na naperpekto na ng Diyos at nalampasan ang katiwalian ni Satanas. Samakatuwid, ang gawaing ito ay tiyak na kailangang gawin sa ganitong paraan. Ang kapasyahan sa kung aling paraan ang ginagamit ng Diyos sa bawat yugto ng Kanyang gawain ay batay sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay tiyak na hindi ginagawa gamit ang walang ingat na mga pamamaraan. Ngunit ang mga tao ay may pagpipilian at may sariling mga kuru-kuro. Pagdating sa pagpako kay Jesus sa krus, iniisip ng mga tao: “Anong kinalaman sa amin ng pagpako sa Diyos sa krus?” Iniisip nila na walang kaugnayan, ngunit kailangang ipako sa krus ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ang pagpako sa krus ang pinakamatinding pagdurusa noong panahong iyon, naipako kaya sa krus ang Espiritu? Ang Espiritu ay hindi maaaring ipako sa krus at hindi maaaring maging isang paunang indikasyon ng Diyos, lalong hindi maaaring magbuhos ng dugo at mamatay. Tanging ang pagkakatawang-tao lamang ang maaaring ipako sa krus, ito ang patunay ng handog para sa kasalanan. Ang Kanyang katawang-tao ay nagkawangis ng makasalanang laman at pinasan ang pagdurusa para sa sangkatauhan. Ang Espiritu ay hindi maaaring magdusa para sa sangkatauhan, at hindi rin kayang pagbayaran ang mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay ipinako sa krus para sa kapakanan ng sangkatauhan. Ito ang praktikal na panig ng Diyos. Kaya ng Diyos na gawin ito at mahalin ang mga tao sa ganitong paraan, samantalang hindi ito kaya ng mga tao. Ito ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Kalakip sa lahat ng mga ginagawa ng Diyos ang Kanyang bahaging makapangyarihan sa lahat pati na rin ang Kanyang bahaging praktikal. Diwa ng Diyos ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, at ang Kanyang pagiging praktikal ay diwa rin Niya; ang dalawang aspetong ito ay hindi mapaghihiwalay. Ang paggawa ng Diyos ng mga gawa sa isang totoo at praktikal na paraan ay ang paggana ng Kanyang praktikal na aspeto, at ipinapakita rin ng kakayahan Niyang gumawa sa ganitong paraan ang Kanyang aspetong makapangyarihan sa lahat. Hindi mo maaaring sabihin, “Dahil ang Diyos ay gumagawa nang praktikal, Siya kung gayon ay praktikal, mayroon lamang Siyang praktikal na panig at walang aspetong makapangyarihan sa lahat”; kapag sinabi mo iyan, iyan ay magiging isang regulasyon. Ito ang praktikal na aspeto, ngunit mayroon ding aspetong makapangyarihan sa lahat. Ang anumang ginagawa ng Diyos ay nagtataglay ng parehong aspetong ito—ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat at ang Kanyang pagiging praktikal—at ang lahat ay ginagawa batay sa Kanyang diwa; ito ay isang pagpapahayag ng disposisyon Niya at isa ring pagbubunyag ng diwa Niya at kung ano Siya. Iniisip ng mga tao na, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay awa at pag-ibig; ngunit nasa Kanya pa rin ang Kanyang poot at Kanyang paghatol. Ang pagsumpa ng Diyos sa mga Pariseo at sa lahat ng Judio—hindi ba’t ito ang Kanyang poot at pagiging matuwid? Hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay awa at pag-ibig lamang noong Kapanahunan ng Biyaya, na talagang Siya ay walang poot, walang paghatol o pagsumpa—ang sabihin ito ay pagpapakita ng kawalan ng mga tao ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya ay pawang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Ang lahat ng ginawa ng Diyos na nakikita ng tao ay upang patunayan na Siya Mismo ang Diyos at Siya ay makapangyarihan sa lahat, upang patunayan na Siya Mismo ang may diwa ng Diyos. Ang gawain ba ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa kasalukuyang yugtong ito ay nangangahulugan na wala Siyang awa o pag-ibig? Hindi. Kung lalagumin mo ang diwa ng Diyos sa isang pangungusap o isang pahayag lamang, masyado kang mapagmataas at mapagmagaling, hangal at mangmang, at nagpapakita ito na hindi mo kilala ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Sabihin Mo sa amin ang katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos, ipaliwanag mo ito nang malinaw.” Ano ang dapat sabihin ng taong nakakakilala sa Diyos? Sasabihin niya, “Ang usapin ng pagkilala sa Diyos ay napakalalim na hindi ko ito kayang ipaliwanag nang malinaw sa ilang pangungusap lang. Paano ko man ito ipaliwanag, hindi ko ito magawa sa paraang madaling maunawaan. Hangga’t naiintindihan mo ang diwa, iyon ay sapat na. Hindi kailanman makikilala nang lubusan ng tao ang Diyos.” Ang isang mayabang na tao na hindi nakakakilala sa Diyos ay magsasabi, “Alam ko kung anong uri Siya ng Diyos, tunay ko Siyang nauunawaan.” Hindi ba’t ito ay pagyayabang? Ang sinumang magsabi nito ay sukdulan ang kayabangan! May ilang bagay na—kung hindi nararanasan ng mga tao at hindi pa nila nakikita ang ilang katunayan—hindi talaga nila malalaman o mararanasan, kaya pakiramdam nila ay masyadong mahirap unawain ang kaalaman sa Diyos. Ang mga taong hindi nakakaalam ay nakakarinig lamang ng isang uri ng pahayag, naiintindihan nila ang lohika nito, ngunit hindi nila ito alam. Hindi dahil hindi mo ito alam ay nangangahulugan nang hindi ito ang katotohanan. Tila mahirap itong unawain para sa mga walang karanasan, ngunit ito, sa katunayan, ay hindi mahirap unawain. Kung ang isang tao ay talagang may karanasan, magagawa niyang itugma ang mga salita ng Diyos sa angkop na konteksto ng mga ito at mailalapat niya at maisasagawa ang mga ito. Ito ang pagkaunawa sa katotohanan. Mauunawaan mo ba ang katotohanan kung makikinig ka lamang sa mga literal na kahulugan ng salita ng Diyos ngunit wala kang praktikal na pagkaunawa? Kailangan mong isagawa at danasin ang mga ito. Hindi madaling maunawaan ang katotohanan.
Tinubos ng Diyos ang buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, at kasama sa Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat ang lahat ng Kanyang praktikal na gawain. Sa paggawa ng Kanyang gawain upang lupigin ang mga tao, ang lahat ng tao ay bumabagsak sa harap ng Diyos at maaari Siyang tanggapin. Kung nagsasalita ang mga tao tungkol sa pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging praktikal ng Diyos nang hiwalay sa isa’t isa, hindi nila lubos na mauunawaan ang mga ito. Upang makilala ang Diyos, kailangan mong pagsamahin ang iyong kaalaman sa Kanyang dalawang aspeto na pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging praktikal; sa ganito ka lamang makapagkakamit ng mga resulta. Ang kakayahan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain nang aktwal at praktikal, at linisin at lutasin ang katiwalian ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan, pati na ang kakayahan Niyang direktang pamunuan ang mga tao—ipinapakita ng mga ito ang praktikal na panig ng Diyos. Ipinahahayag ng Diyos ang sarili Niyang disposisyon at kung ano Siya, at anumang gawaing hindi magagawa ng tao ay magagawa Niya; makikita rito ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Taglay ng Diyos ang awtoridad na pairalin ang sinasabi Niya, na gawing matatag ang mga utos Niya, at ang sinasabi Niya ay magaganap. Habang bumibigkas ang Diyos, nabubunyag ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, minamaniobra Niya si Satanas upang magserbisyo sa Kanya, isinasaayos ang mga kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at dalisayin at baguhin ang mga disposisyon nila—ang lahat ng ito ay mga pagpapakita ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Ang diwa ng Diyos ay parehong makapangyarihan sa lahat at praktikal, at nababagay sa isa’t isa ang dalawang aspetong ito. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay isang pagpapahayag ng sarili Niyang disposisyon at pagbubunyag ng kung ano Siya. Kabilang sa kung ano Siya ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat, Kanyang katuwiran, at Kanyang kamahalan. Ang gawain ng Diyos mula simula hanggang wakas ay isang paghahayag ng Kanyang sariling diwa at isang pagpapahayag ng kung ano Siya. Ang Kanyang diwa ay may dalawang aspeto: Ang isa ay ang aspeto ng Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, ang isa pa ay ang aspeto ng Kanyang pagiging praktikal. Alinmang yugto ng gawain ng Diyos ang iyong tingnan, naroon ang dalawang aspetong ito, na nasa lahat ng ginagawa ng Diyos. Ito ay isang landas sa pag-unawa sa Diyos.