Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos (Unang Bahagi)

Ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto, na nangangahulugang ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Hindi kabilang sa tatlong yugtong ito ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay ang tatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ang gawain ng paglikha ng mundo ay ang gawain ng paglikha sa buong sangkatauhan. Hindi ito ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at walang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat nang likhain ang mundo, hindi pa nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y hindi kinailangang isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nagsimula lamang noong magawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y nagsimula rin ang pamamahala sa sangkatauhan noon lamang magawa nang tiwali ang sangkatauhan. Sa madaling salita, nagsimula ang pamamahala ng Diyos sa tao bilang resulta ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi nagmula sa gawain ng paglikha ng mundo. Matapos magkaroon ng tiwaling disposisyon ang tao, saka lamang umiral ang gawain ng pamamahala, at sa gayo’y may tatlong bahagi ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, sa halip na apat na yugto, o apat na kapanahunan. Ito lamang ang wastong paraan ng pagtukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Kapag natapos ang huling kapanahunan, ganap nang natapos ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Ang pagtatapos ng gawain ng pamamahala ay nangangahulugan na ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan ay ganap nang natapos, at na natapos na kung gayon ang yugtong ito para sa sangkatauhan. Kung wala ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay hindi iiral, ni hindi rin magkakaroon ng tatlong yugto ng gawain. Dahil ito mismo sa kasamaan ng sangkatauhan, at dahil kailangang-kailangan ng sangkatauhan ng kaligtasan, kaya winakasan ni Jehova ang paglikha ng mundo at sinimulan ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Noon lamang nagsimula ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, na nangangahulugan na noon lamang nagsimula ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang “pamamahala sa sangkatauhan” ay hindi nangangahulugan ng paggabay sa pamumuhay ng sangkatauhan, na bagong-likha, sa lupa (ibig sabihin, ang sangkatauhang hindi pa nagagawang tiwali). Sa halip, ito ang pagliligtas ng isang sangkatauhang nagawa nang tiwali ni Satanas, ibig sabihin, ito ang pagpapabago sa tiwaling sangkatauhang ito. Ito ang kahulugan ng “pamamahala sa sangkatauhan.” Hindi kabilang sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ang paglikha ng mundo, kaya nga hindi rin kasama sa gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay kabilang lamang dito ang tatlong yugto ng gawaing hiwalay sa paglikha ng mundo. Para maunawaan ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, kailangang malaman ang kasaysayan ng tatlong yugto ng gawain—ito ang kailangang malaman ng lahat upang maligtas. Bilang mga nilalang ng Diyos, dapat ninyong kilalanin na ang tao ay nilikha ng Diyos, at dapat ninyong kilalanin ang pinagmulan ng katiwalian ng tao, at, bukod pa roon, ang proseso ng pagliligtas sa tao. Kung ang alam lamang ninyo ay kung paano kumilos ayon sa doktrina sa pagtatangkang makamtan ang pabor ng Diyos, ngunit wala kayong ideya kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, o sa pinagmumulan ng katiwalian ng sangkatauhan, ito ang kulang sa inyo bilang isang nilalang ng Diyos. Hindi ka dapat makuntento sa pag-unawa lamang sa mga katotohanang maaaring isagawa, samantalang nananatili kang mangmang tungkol sa mas malawak na sakop ng gawaing pamamahala ng Diyos—kung magkagayon, masyado kang nakakapit sa doktrina. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kuwento sa loob ng pamamahala ng Diyos sa tao, ang pagdating ng ebanghelyo ng buong mundo, ang pinakamalaking hiwaga sa gitna ng buong sangkatauhan, at ang mga ito rin ang pundasyon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kung magtutuon ka lamang sa pag-unawa sa mga simpleng katotohanang may kaugnayan sa buhay mo, at wala kang alam tungkol dito, ang pinakamalaki sa lahat ng hiwaga at pangitain, hindi ba katulad ng isang produktong may depekto ang buhay mo, walang silbi kundi ang pagmasdan lamang?

Kung pagsasagawa lamang ang pinagtutuunan ng tao, at pumapangalawa lamang sa kanya ang gawain ng Diyos at kung ano ang dapat malaman ng tao, hindi ba siya maingat sa maliliit na bagay pero pabaya sa malalaking bagay? Yaong kailangan mong malaman, kailangan mong malaman; yaong kailangan mong maisagawa, kailangan mong isagawa. Saka ka lamang magiging isang taong nakakaalam kung paano maghangad ng katotohanan. Pagdating ng araw na magpapalaganap ka ng ebanghelyo, kung ang tanging nasasabi mo ay na ang Diyos ay isang dakila at matuwid na Diyos, na Siya ang kataas-taasang Diyos, isang Diyos na hindi kayang pantayan ng sinumang dakilang tao, at na Siya ay isang Diyos na hindi mapapangibabawan ninuman…, kung ang tanging masasabi mo ay ang walang-katuturan at mababaw na mga salitang ito samantalang lubos kang walang kakayahang sumambit ng mga salitang napakahalaga at may katuturan; kung wala kang masabi tungkol sa pagkilala sa Diyos o sa gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo maipaliwanag ang katotohanan, o maibigay ang kulang sa tao, ang isang tulad mo ay walang kakayahang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang pagpapatotoo sa Diyos at pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay hindi simpleng bagay. Kailangan ka munang masangkapan ng katotohanan, at ng mga pangitaing kailangang maunawaan. Kapag malinaw sa iyo ang mga pangitain at katotohanan ng iba’t ibang mga aspeto ng gawain ng Diyos, at nalalaman mo sa iyong puso ang gawain ng Diyos, at anuman ang gawin ng Diyos—maging ito man ay matuwid na paghatol o pagpipino sa tao—taglay mo ang pinakadakilang pangitain bilang iyong pundasyon, at taglay mo ang tamang katotohanang isasagawa, magagawa mong sundin ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Kailangan mong malaman na anuman ang gawaing Kanyang ginagawa, ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi nagbabago, at ang Kanyang kalooban sa tao ay hindi nagbabago. Gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, gaano man kasama ang sitwasyon, ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ay hindi magbabago, at ang Kanyang layuning iligtas ang tao ay hindi magbabago. Basta’t hindi ito ang gawain ng pagbubunyag ng katapusan ng tao o ng hantungan ng tao, at hindi ito ang gawain ng huling yugto, o ang gawain ng pagwawakas sa buong plano ng pamamahala ng Diyos, at basta’t ito ay sa panahong ginagawaan Niya ang tao, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi magbabago. Palagi itong ang pagliligtas sa sangkatauhan. Ito dapat ang pundasyon ng inyong paniniwala sa Diyos. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ay ang kaligtasan ng buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na kaligtasan ng tao mula sa sakop ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan. Kapag alam mo na ang layunin ng tatlong yugtong ito ng gawain, malalaman mo kung paano pahalagahan ang kabuluhan ng bawat yugto ng gawain, at malalaman mo kung paano kumilos upang bigyang-kasiyahan ang naisin ng Diyos. Kung makarating ka sa puntong ito, ito, na siyang pinakadakila sa lahat ng pangitain, ang magiging pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos. Hindi mo dapat hangarin lamang ang madadaling paraan ng pagsasagawa o malalalim na katotohanan, kundi dapat mong samahan ng pagsasagawa ang mga pangitain, upang magkaroon kapwa ng mga katotohanang maaaring isagawa at ng kaalamang batay sa mga pangitain. Saka ka lamang magiging isang taong malawak na naghahangad na matamo ang katotohanan.

Ang tatlong yugto ng gawain ay nasa puso ng buong pamamahala ng Diyos, at sa mga ito ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano Siya. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang matanto kung paano ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ni hindi nila alam ang karunungan ng gawain ng Diyos. Nananatili rin silang mangmang tungkol sa maraming paraan ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang lubos na pagpapahayag ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ay magiging mangmang sa iba’t ibang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at yaong mga kumakapit lamang nang mahigpit sa doktrinang natira mula sa isang yugto ng gawain ay mga taong inililimita ang Diyos sa doktrina, at ang paniniwala sa Diyos ay malabo at alanganin. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap ng pagliligtas ng Diyos kailanman. Ang tatlong yugto lamang ng gawain ng Diyos ang maaaring magpahayag nang lubusan sa kabuuan ng disposisyon ng Diyos at ganap na magpahayag ng hangarin ng Diyos na iligtas ang buong sangkatauhan, at ng buong proseso ng pagliligtas sa sangkatauhan. Patunay ito na natalo na Niya si Satanas at naangkin ang sangkatauhan; patunay ito ng tagumpay ng Diyos, at ito ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. Yaong mga nakakaunawa sa isang yugto lamang ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay bahagi lamang ang alam tungkol sa disposisyon ng Diyos. Sa mga kuru-kuro ng tao, madali para sa iisang yugtong ito ng gawain na maging doktrina, at malamang na magtatag ng mga pirmihang panuntunan ang tao tungkol sa Diyos at gamitin ang iisang bahaging ito ng disposisyon ng Diyos bilang isang paglalarawan ng buong disposisyon ng Diyos. Bukod pa riyan, malaking bahagi ng imahinasyon ng tao ang nakahalo sa loob, sa gayon ay mahigpit na pinipigilan ng tao ang disposisyon, katauhan, at karunungan ng Diyos, gayundin ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, sa loob ng limitadong mga hangganan, naniniwala na kung minsan nang naging ganito ang Diyos, mananatili Siyang ganito habang panahon, at hindi magbabago kailanman. Yaong mga nakakaalam at nagpapahalaga lamang sa tatlong yugto ng gawain ang lubos at tumpak na makakakilala sa Diyos. Kahit paano, hindi nila ilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng mga Israelita, o ng mga Hudyo, at hindi nila Siya ituturing na isang Diyos na ipapako sa krus magpakailanman alang-alang sa tao. Kung makikilala lamang ng isang tao ang Diyos mula sa isang yugto ng Kanyang gawain, ang kanyang kaalaman ay napakaliit, at kasinghalaga lamang ng isang patak na tubig sa karagatan. Kung hindi, bakit ipapako ng marami sa relihiyosong matandang bantay ang Diyos sa krus nang buhay? Hindi ba dahil nililimitahan ng tao ang Diyos sa loob ng ilang hangganan? Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba kinasusuklaman at inaayawan ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila aalisin pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Biblia, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman nila tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang sa gawain ng Banal na Espiritu ang ganoon kawalang-galang na mga tao? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas maraming taong ganito, mas malamang na suwayin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? Ngayon, dapat ninyong maunawaan kung bakit kailangan ninyong malaman ang kahalagahan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang mga salitang sinasabi Ko ay may pakinabang sa inyo, at hindi lamang hungkag na pananalita. Kung babasahin lamang ninyo ang mga ito na parang humahanga kayo sa mga bulaklak habang nakasakay sa kabayo, hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng Aking pinaghirapan? Dapat malaman ng bawat isa sa inyo ang sarili ninyong likas na pagkatao. Karamihan sa inyo ay sanay makipagtalo; ang mga sagot sa teoretikal na mga tanong ay lumalabas sa inyong dila, ngunit wala kayong maisagot sa mga tanong na may kabuluhan. Kahit ngayon, sumasali pa rin kayo sa mga walang-saysay na usapan, wala kayong kakayahang baguhin ang inyong dating mga disposisyon, at karamihan sa inyo ay walang hangaring baguhin ang paraan ng inyong paghahangad na magtamo ng mas mataas na katotohanan, kundi sa halip ay nabubuhay lamang kayo nang walang sigla. Paano makakaya ng gayong mga tao na sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli? Kahit makasunod kayo sa dulo ng landas, ano ang pakinabang nito sa inyo? Mas mabuti pang baguhin ninyo ang inyong mga ideya bago mahuli ang lahat, na tunay na naghahangad, o dili kaya’y maagang umaatras. Habang lumilipas ang panahon magiging palaasang parasitiko lamang kayo—handa ba kayong gampanan ang ganito kababa at hamak na papel?

Ang tatlong yugto ng gawain ay isang tala ng buong gawain ng Diyos; ang mga ito ay isang tala ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi kathang-isip ang mga ito. Kung nais ninyo talagang maghangad ng kaalaman tungkol sa buong disposisyon ng Diyos, kailangan ninyong malaman ang tatlong yugto ng gawaing isinakatuparan ng Diyos, at bukod pa riyan, hindi ninyo dapat laktawan ang anumang yugto. Ito ang pinakamaliit na kailangang makamit ng mga naghahangad na makilala ang Diyos. Hindi kaya ng tao mismo na maggawa-gawa ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang isipin ng tao mismo, ni hindi ito bunga ng espesyal na pabor na ipinagkaloob ng Banal na Espiritu sa iisang tao. Sa halip, ito ay isang kaalamang dumarating matapos maranasan ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ay isang kaalaman tungkol sa Diyos na dumarating lamang matapos maranasan ang mga katunayan ng gawain ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay hindi makakamtan nang basta-basta, at ni hindi ito isang bagay na maaaring ituro. Lubos itong may kaugnayan sa personal na karanasan. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang buod ng tatlong yugtong ito ng gawain, subalit kasama sa loob ng gawain ng pagliligtas ang ilang pamamaraan ng paggawa at ilang kaparaanan ng pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahirap matukoy ng tao, at ito ang mahirap maunawaan ng tao. Ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, mga pagbabago sa gawain ng Diyos, mga pagbabago sa lokasyon ng gawain, mga pagbabago sa mga tatanggap ng gawaing ito, at iba pa—lahat ng ito ay kasama sa tatlong yugto ng gawain. Lalo na, ang pagkakaiba sa paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, gayundin ang mga pagbabago sa disposisyon, anyo, pangalan, pagkakakilanlan, o ang iba pang mga pagbabago ng Diyos, ay bahaging lahat ng tatlong yugto ng gawain. Ang isang yugto ng gawain ay maaari lamang kumatawan sa isang bahagi, at limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw. Hindi kasama rito ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, o mga pagbabago sa gawain ng Diyos, lalo nang hindi kasama ang iba pang mga aspeto. Ito ay isang malinaw na halatang katunayan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang buong gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay mga hungkag na salita lamang, walang iba kundi mabulaklak na pananalita. Ang gayong kaalaman ay hindi makakakumbinsi ni makakalupig sa tao; taliwas ito sa realidad, at hindi ito ang katotohanan. Maaaring napakarami nito at kaiga-igayang pakinggan, ngunit kung taliwas ito sa likas na disposisyon ng Diyos, hindi ka palalampasin ng Diyos. Hindi lamang Niya hindi pupurihin ang iyong kaalaman, kundi gagantihan ka rin Niya sa iyong pagiging isang makasalanan na lumapastangan sa Kanya. Ang mga salita ng pagkakilala sa Diyos ay hindi binibigkas nang basta-basta. Bagama’t maaaring matabil ka at makatang magsalita, at bagama’t napakatuso ng iyong mga salita kaya nakakaya mong mangumbinsi na ang itim ay puti at ang puti ay itim, nahihirapan ka pa ring makaunawa pagdating sa kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos ay hindi isang taong mahuhusgahan mo nang padalus-dalos o mapupuri nang basta-basta, o maliliitin na parang balewala. Pinupuri mo ang kahit sino at lahat, subalit nahihirapan kang hanapin ang tamang mga salita upang ilarawan ang kataas-taasang biyaya ng Diyos—ito ang natatanto ng bawat talunan. Kahit maraming dalubhasa sa wika na may kakayahang ilarawan ang Diyos, ang katumpakan ng kanilang paglalarawan ay ikasandaang bahagi lamang ng katotohanang sinasabi ng mga taong nabibilang sa Diyos, mga taong kahit limitado lamang ang bokabularyo, ay maraming karanasang mapagpupulutan. Sa gayon ay makikita na ang kaalaman tungkol sa Diyos ay nakasalalay sa katumpakan at katunayan, at hindi sa tusong paggamit ng mga salita o mayamang bokabularyo, at ang kaalaman ng taong iyon at ang kaalaman tungkol sa Diyos ay ganap na walang kaugnayan. Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na makakamtan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga naghahangad na makilala ang Diyos, at hindi makakamtan ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos, o kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao upang makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilalang? May iba pa bang nilalang sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay aani pa rin ito ng mga gantimpala. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala sa Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay hindi karapat-dapat sa anuman sa Kanyang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Wala sa tatlong yugto ng gawain ang nakatago, at makakabuti ito sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na kaalaman tungkol sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.