Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos (Ikalawang Bahagi)

Ang gawain ng Diyos Mismo ay ang pangitaing kailangang malaman ng tao, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magawa ng tao, at hindi taglay ng tao. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kabuuan ng pamamahala ng Diyos, at wala nang mas dakilang pangitain na dapat malaman ng tao. Kung hindi alam ng tao ang makapangyarihang pangitaing ito, hindi madaling makilala ang Diyos, hindi madaling maunawaan ang kalooban ng Diyos, at, bukod pa riyan, ang landas na tinatahak ng tao ay lalong magiging mahirap. Kung walang mga pangitain, hindi sana nakaya ng tao na makaabot nang ganito kalayo. Ang mga pangitain ang nangangalaga sa tao hanggang ngayon, at nagbigay ng pinakamalaking proteksyon sa tao. Sa hinaharap, kailangang lumalim ang inyong kaalaman, at kailangan ninyong malaman ang kabuuan ng Kanyang kalooban at ang kakanyahan ng Kanyang matalinong gawain sa loob ng tatlong yugto ng gawain. Ito lamang ang inyong tunay na tayog. Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang iisang yugto ng tatlong yugto ang maaaring ipakita bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi inihahayag ang mga ito sa tao sa simula pa lamang, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, kaya nga ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi matatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa antas ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalatag sa tatlong yugtong ito, at bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. Dapat malaman ng tao ang buong disposisyon ng Diyos na ipinapahayag sa tatlong yugtong ito. Lahat ng tungkol sa katauhan ng Diyos ay napakahalaga sa buong sangkatauhan, at kung wala ang kaalamang ito sa mga tao kapag sumasamba sila sa Diyos, wala silang ipinagkaiba sa mga sumasamba kay Buddha. Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli. Bawat yugto ng gawain ay nagpapatuloy mula sa pundasyon ng huli, na hindi tinanggal. Sa ganitong paraan, sa Kanyang gawain na laging bago at hindi kailanman luma, patuloy na ipinapahayag ng Diyos ang mga aspeto ng Kanyang disposisyon na hindi pa naipahayag sa tao kailanman, at palaging inihahayag sa tao ang Kanyang bagong gawain at Kanyang bagong katauhan, at kahit ginagawa ng matatagal nang miyembro ng relihiyon ang lahat para labanan ito, at hayagan itong kinokontra, laging gumagawa ang Diyos ng bagong gawain na layon Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay laging nagbabago, at dahil dito, lagi itong kinokontra ng tao. Kaya lagi ring nagbabago ang Kanyang disposisyon, gayundin ang kapanahunan at mga tumatanggap ng Kanyang gawain. Bukod pa riyan, lagi Siyang gumagawa ng gawaing hindi pa kailanman nagawa dati, nagsasagawa rin ng gawain na sa tingin ng tao ay mukhang salungat sa gawaing ginawa dati, na laban dito. Nagagawa lamang tanggapin ng tao ang isang uri ng gawain, o isang paraan ng pagsasagawa, at mahirap para sa tao ang tanggapin ang gawain, o mga paraan ng pagsasagawa, na taliwas, o mas mataas, kaysa sa kanila. Ngunit ang Banal na Espiritu ay laging gumagawa ng bagong gawain, kaya nga may lumilitaw na sunud-sunod na grupo ng mga eksperto sa relihiyon na kumokontra sa bagong gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay naging mga eksperto dahil mismo sa ang tao ay walang kaalaman kung paanong ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at walang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at, higit pa riyan, walang kaalaman sa maraming paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang tao. Dahil dito, hindi lubos na masabi ng tao kung ito ay gawaing nagmumula sa Banal na Espiritu, at kung ito ang gawain ng Diyos Mismo. Maraming tao ang nakakapit sa isang pag-uugali na, kung ang isang bagay ay umaayon sa mga salitang nauna, tinatanggap nila ito, at kung may mga pagkakaiba sa gawain noong araw, kinokontra at tinatanggihan nila ito. Ngayon, hindi ba kayo sumusunod na lahat sa gayong mga prinsipyo? Ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ay hindi pa nagkaroon ng malaking epekto sa inyo, at may mga naniniwala na ang naunang dalawang yugto ng gawain ay isang pasanin na talagang hindi nila kailangang malaman. Iniisip nila na ang mga yugtong ito ay hindi dapat ipahayag sa masa at dapat bawiin sa lalong madaling panahon, upang hindi matakot ang mga tao sa naunang dalawang yugto ng tatlong yugto ng gawain. Naniniwala ang karamihan na hindi na kailangan pang ipaalam ang naunang dalawang yugto ng gawain, at hindi ito nakakatulong sa pagkilala sa Diyos—iyan ang akala ninyo. Ngayon, naniniwala kayong lahat na tamang kumilos sa ganitong paraan, ngunit darating ang araw na matatanto ninyo ang kahalagahan ng Aking gawain: Dapat ninyong malaman na wala Akong ginagawang anumang gawain na walang kabuluhan. Dahil ipinapahayag Ko ang tatlong yugto ng gawain sa inyo, kailangang maging kapaki-pakinabang ang mga ito sa inyo; dahil ang tatlong yugtong ito ng gawain ay nasa sentro ng buong pamamahala ng Diyos, kailangang magtuon dito ang lahat sa buong sansinukob. Balang araw, matatanto ninyong lahat ang kahalagahan ng gawaing ito. Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw na itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

Kapag isinantabi mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi kinakailangang maging katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nawari ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman ay wala na sa uso sa lumang kapanahunan at pinigilan ang tao sa pagpasok sa bagong gawain, ang gayong kaalaman ay isa ring kuru-kuro. Kung nagagawang unawain nang tama ng tao ang gayong kaalaman at maaaring makilala ang Diyos mula sa ilang iba’t ibang aspeto, na pinagsasama ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay nagiging isang tulong sa tao, at nagiging batayan ng pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan. Sa aral sa pagkilala sa Diyos, kinakailangan mong magpakadalubhasa sa maraming prinsipyo: paano pumasok tungo sa landas ng pagkilala sa Diyos, aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan upang makilala ang Diyos, at paano mo aalisin ang iyong mga kuru-kuro at dating mga disposisyon upang makapagpasakop ka sa lahat ng mga plano ng bagong gawain ng Diyos. Kung ginagamit mo ang mga prinsipyong ito bilang pundasyon para mapakasok sa aral ng pagkilala sa Diyos, mas lalalim nang lalalim ang iyong kaalaman. Kung malinaw ang iyong kaalaman tungkol sa tatlong yugto ng gawain—na ibig sabihin, sa buong plano ng pamamahala ng Diyos—at kung kaya mong lubusang iugnay ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang yugto, at makikita na ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, magkakaroon ka ng isang walang kasintatag na pundasyon. Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ay maaaring nagawa lamang ng Diyos Mismo, at walang taong maaaring makagawa ng gayong gawain para sa Kanya—na ibig sabihin ay ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitain, ito ang pinakadakilang pangitaing dapat malaman ng tao, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag. Ngayon, ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng iba-ibang relihiyon at denominasyon ay na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makita ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng hindi gawain ng Banal na Espiritu—dahil dito, hindi nila masabi kung ang yugto ng gawaing ito, tulad ng huling dalawang yugto ng gawain, ay ginawa rin ng Diyos na Jehova. Bagama’t sinusunod ng mga tao ang Diyos, karamihan ay hindi pa rin masabi kung ito ang tamang daan. Nag-aalala ang tao kung ang daang ito ang daan na personal na pinangunahan ng Diyos Mismo, at kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay totoo, at karamihan sa mga tao ay wala pa ring ideya kung paano mahihiwatigan ang gayong mga bagay. Yaong mga sumusunod sa Diyos ay hindi matukoy ang daan, kaya nga ang mga mensaheng binibigkas ay babahagya ang epekto sa mga taong ito, at hindi kayang maging lubos na epektibo, kaya nga ito ay nakakaapekto sa pagpasok sa buhay ng gayong mga tao. Kung nakikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkaibang panahon, sa magkaibang lugar, at sa iba’t ibang tao; kung nakikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng isang Diyos—kung tiyakang masasabi ng tao na gawain ito ng isang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Dahil malabo ang mga pangitain ng tao, at dahil kilala lamang ng tao si Jehova bilang Diyos, at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip sila tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon, maraming tao ang nananatiling tapat sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng ngayon, karamihan ng mga tao ay laging nagdududa, at hindi sineseryoso ang gawain ng ngayon. Walang mga kuru-kuro ang tao sa huling dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyan ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng huling dalawang yugto ng gawain, at hindi nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita ayon sa iniisip ng tao ayon sa gusto niya; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtutuwid dito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang pag-uugali, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon; walang mga katunayang magpapatotoo sa kanyang mga imahinasyon, kaya nga ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” may katunayan ang mga iyon o wala. Sa gayon ay naniniwala ang tao sa sarili niyang Diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahanap ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang realidad ng gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro tungo sa paisa-isang hakbang ng gawaing ito ng marami sa mga nakasunod sa Diyos hanggang ngayon ay mas lalo pang tumindi, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkapoot sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng kapootang ito ay nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawaing taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Nangyari ito dahil mismo sa mga katunayang hindi nagtulot sa tao na bigyang-laya ang kanyang imahinasyon, at, bukod pa riyan, hindi ito madaling pabulaanan ng tao, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi isinaalang-alang ang pag-iral ng mga katunayan, at, bukod pa riyan, dahil hindi iniisip ng tao ang pagiging tama at pagiging totoo ng mga katunayan, at desidido lamang siyang bigyang-laya ang kanyang mga kuru-kuro at gamitin ang kanyang sariling imahinasyon. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos. Maaaring wariin ng tao ang anumang nais niya, ngunit hindi niya maaaring tutulan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi masisira ng tao. Maaari mong bigyang-laya ang iyong imahinasyon, at ipunin pa ang magagandang kuwento tungkol sa gawain nina Jehova at Jesus, ngunit hindi mo maaaring pabulaanan ang katunayan ng bawat yugto ng gawain nina Jehova at Jesus; ito ay isang prinsipyo, at isa rin itong atas administratibo, at dapat ninyong maunawaan ang kahalagahan ng mga isyung ito. Naniniwala ang tao na ang yugtong ito ng gawain ay hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, at na hindi ganito ang naunang dalawang yugto ng gawain. Sa kanyang imahinasyon, naniniwala ang tao na ang gawain ng naunang dalawang yugto ay siguradong hindi katulad ng gawain ng ngayon—ngunit naisip na ba ninyo na lahat ng prinsipyo ng gawain ng Diyos ay pare-pareho, na ang Kanyang gawain ay laging praktikal, at na, anuman ang kapanahunan, laging dadagsa ang mga taong lumalaban at kumokontra sa katunayan ng Kanyang gawain? Lahat ng lumalaban at kumokontra ngayon sa yugtong ito ng gawain ay walang-dudang kumontra na rin sa Diyos noong araw, sapagkat ang gayong mga tao ay laging magiging mga kaaway ng Diyos. Ituturing ng mga taong nakakaalam sa katunayan ng gawain ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain bilang gawain ng isang Diyos, at kalilimutan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Ito ang mga taong kilala ang Diyos, at ang gayong mga tao ay yaong mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lupain ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at hindi ka karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang inyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilalang ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilalang ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.

Bakit patuloy ang pagtukoy na ito sa tatlong yugto ng gawain? Ang paglipas ng mga kapanahunan, pag-unlad ng lipunan, at pagpapalit ng anyo ng kalikasan ay sumusunod na lahat sa mga pagbabago sa tatlong yugto ng gawain. Nagbabago ang sangkatauhan sa paglipas ng panahon kasabay ng gawain ng Diyos, at hindi umuunlad mag-isa. Binabanggit ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos upang dalhin ang lahat ng nilalang, at lahat ng tao ng bawat relihiyon at denominasyon, sa ilalim ng kapamahalaan ng isang Diyos. Saanmang relihiyon kayo nabibilang, sa huli ay magpapasakop kayong lahat sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ang Diyos lamang Mismo ang maaaring magsagawa ng gawaing ito; hindi ito magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga pinuno o lider ng relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilalang sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang pinuno lamang, at hindi makakapantay sa Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilalang ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang ibukod ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod ang bawat isa ayon sa uri, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, na ibinubukod ang lahat ng bagay ayon sa uri—ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinuman maliban sa Diyos. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at tinutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isipan, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Lahat ng masamang relihiyon ay hindi nakaayon sa Diyos, at dahil hindi sila nakaayon sa Diyos, mga kaaway sila ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon—ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain. Bilang isang nilalang ng Diyos, kung nais mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos at nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa mga nilalang, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi karapat-dapat na nilalang ng Diyos! Bilang isang nilalang ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi mo nauunawaan kung sino ang nag-uutos sa buong sangkatauhan, wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa hindi na Niya siya iniwan. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi iniwan kailanman ang sangkatauhan. Ngunit hindi natatanto ng sangkatauhan na may isang Diyos, lalo nang hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilalang ng Diyos? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, subalit hindi mo nauunawaan ang iyong sariling kasaysayan, at hindi mo namamalayan kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, nalilimutan mo ang mga gawaing ginagawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ngayon, hindi ka magiging karapat-dapat kailanman na magpatotoo sa Diyos. Ngayon, minsan pang personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at hinahayaang mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—samakatuwid ay hindi ba ikaw ang hindi tatanggap ng kaligtasan? Yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga nabibilang sa Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat ng nakakatanto at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at magpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong aalisin. Yaong mga hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi magagawang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong magpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang kaalaman tungkol sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa kabuuan, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos at maisasagawa nila ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas. Yaong mga maaaring magpatotoo sa Diyos ay makatatanggap ng pangako at pagpapala ng Diyos, at magiging grupong mananatili sa pinakahuli, ang grupong nagtataglay ng awtoridad ng Diyos at nagpapatotoo sa Diyos. Marahil ay maaaring maging miyembrong lahat ng grupong ito yaong mga kasama ninyo, o marahil ay kalahati lamang, o ilan lamang—depende iyon sa gusto ninyo at hinahangad ninyo.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger