Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao (Ikatlong Bahagi)

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbabago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno. May nahihiwatigan ka bang anumang mga batas sa anim na libong taon ng gawain ng Diyos? Maraming panuntunan at pagbabawal sa gawaing ginagawa ng tao, at masyadong dogmatiko ang utak ng tao. Sa gayon, ang ipinapahayag ng tao ay kaalaman at pagkatanto na nasa loob ng saklaw ng kanyang mga karanasan. Hindi magawang ipahayag ng tao ang anuman bukod dito. Ang mga karanasan at kaalaman ng tao ay hindi nanggagaling sa kanyang likas na mga kaloob o kanyang likas na ugali; lumalabas ang mga ito dahil sa patnubay at tuwirang pag-akay ng Diyos. Mayroon lamang kakayahan ang tao na tanggapin ang pag-akay na ito at walang kakayahan na maaaring tuwirang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos. Hindi kaya ng tao na maging bukal; maaari lamang siyang maging isang sisidlan na tumatanggap ng tubig mula sa bukal. Ito ang likas na ugali ng tao, ang kakayahang dapat taglayin ng isang tao bilang tao. Kung mawala sa isang tao ang kakayahang tumatanggap sa salita ng Diyos at mawala ang likas na ugali ng tao, mawawala rin sa taong iyon ang pinakamahalaga, at mawawala ang tungkulin ng taong nilikha. Kung ang isang tao ay walang kaalaman o karanasan sa salita ng Diyos o sa Kanyang gawain, mawawala sa taong iyon ang kanyang tungkulin, ang tungkuling dapat niyang gampanan bilang isang nilikha, at mawawala ang dangal ng isang nilikha. Likas na ugali ng Diyos na ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, ipinapahayag man ito sa katawang-tao o nang tuwiran sa pamamagitan ng Espiritu; ito ang ministeryo ng Diyos. Ipinapahayag ng tao ang kanyang sariling mga karanasan o kaalaman (ibig sabihin, ipinapahayag niya kung ano siya) sa panahon ng gawain ng Diyos o pagkatapos; ito ang likas na ugali at tungkulin ng tao, ito ang dapat isagawa ng tao. Bagama’t ang pagpapahayag ng tao ay malayung-malayo sa ipinapahayag ng Diyos, at bagama’t saklaw ng maraming panuntunan ang pagpapahayag ng tao, kailangang gampanan ng tao ang tungkuling dapat niyang gampanan at gawin ang kailangan niyang gawin. Dapat gawin ng tao ang lahat ng posibleng gawin ng tao upang magampanan ang kanyang tungkulin, at dapat ay wala siya ni katiting na pag-aatubili.

Matapos gumawa sa loob ng maraming taon, ibubuod ng tao ang karanasan ng maraming taon ng kanyang gawain, gayundin ang karunungan at mga panuntunang naipon niya. Alam ng isang taong nakagawa sa loob ng mahabang panahon kung paano pakiramdaman ang galaw ng gawain ng Banal na Espiritu; alam niya kung kailan gumagawa ang Banal na Espiritu at kung kailan hindi; alam niya kung paano makibahagi habang may pasanin; alam niya ang normal na kalagayan ng gawain ng Banal na Espiritu at ang normal na kalagayan ng paglago ng mga tao sa buhay. Siya ay isang taong gumawa na sa loob ng maraming taon at nalalaman ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga nakagawa sa mahabang panahon ay nagsasalita nang may katiyakan at hindi nagmamadali; kahit wala silang sasabihin, mahinahon sila. Sa kanilang kalooban, maaari silang patuloy na manalangin upang hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu. May karanasan sila sa paggawa. Ang isang taong nakagawa na sa loob ng mahabang panahon, na maraming karanasan at maraming aral na natutuhan, ay maraming taglay sa kalooban na humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu; ito ay isang depekto sa kanyang pangmatagalang gawain. Ang isang taong kasisimula pa lamang gumawa ay walang kahalong mga aral o karanasan ng tao at nalilito lalo na kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Gayunman, sa pag-usad ng gawain, unti-unti siyang natututong maramdaman kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu at nagkakaroon ng kamalayan kung ano ang gagawin upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, ano ang gagawin upang tirahin mismo ang mga kahinaan ng iba, at iba pang gayong karaniwang kaalaman na dapat taglayin ng mga taong gumagawa. Sa paglipas ng panahon, nalalaman niya nang detalyado ang gayong karunungan at karaniwang kaalaman tungkol sa paggawa, at tila madali niyang ginagamit ito habang gumagawa. Gayunman, kapag binabago ng Banal na Espiritu ang paraan ng Kanyang paggawa, nakakapit pa rin siya sa dati niyang kaalaman sa paggawa at mga lumang panuntunan sa paggawa at kakaunti ang alam niya tungkol sa bagong paglago ng gawain. Ang mga taon ng paggawa at pagiging puspos ng presensya at patnubay ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa kanya ng mas maraming aral sa paggawa at mas maraming karanasan. Ang gayong mga bagay ay pinupuspos siya ng tiwala sa sarili na hindi kayabangan. Sa madaling salita, medyo nasisiyahan siya sa kanyang sariling gawain at kuntento sa karaniwang kaalamang nakamit niya tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Partikular na, ang gayong mga bagay na hindi nakamit o natanto ng ibang mga tao ay nagbibigay sa kanya nang higit pang tiwala sa sarili niya; tila ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob niya ay hindi kailanman maglalaho, samantalang hindi karapat-dapat ang iba sa ganitong natatanging pagtrato. Tanging ang mga uri ng taong tulad niya na gumawa sa maraming taon at may mahalagang paggagamitan ang karapat-dapat na magtamasa rito. Ang ganitong mga bagay ay nagiging malaking hadlang sa kanyang pagtanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Kahit kaya niyang tanggapin ang bagong gawain, hindi iyon magagawa sa loob ng magdamag. Siguradong daraan siya sa maraming kumplikado at masalimuot na bagay bago tanggapin iyon. Ang sitwasyong ito ay maaari lamang baligtarin nang paunti-unti, pagkatapos mapakitunguhan ang dati niyang mga kuru-kuro at mahatulan ang dati niyang disposisyon. Kapag hindi siya nagdaan sa mga hakbang na ito, hindi siya sumusuko at madaling tumatanggap ng mga bagong turo at gawain na hindi naaayon sa dati niyang mga kuru-kuro. Ito ang pinakamahirap pakitunguhan sa tao, at hindi ito madaling baguhin. Kung, bilang isang manggagawa, nagagawa niyang magkamit kaagad ng pagkaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu at ibuod ang mga paglago nito, at kung hindi siya mahigpitan ng kanyang mga karanasan sa paggawa at matatanggap niya ang bagong gawain dahil sa dating gawain, isa siyang matalinong tao at karapat-dapat na manggagawa. Kadalasan ay ganito ang mga tao: Gumagawa sila sa loob ng ilang taon nang hindi naibubuod ang kanilang karanasan sa paggawa, o, matapos ibuod ang kanilang karanasan at karunungan tungkol sa gawain, hinahadlangan sila mula sa pagtanggap ng bagong gawain at hindi nila mauunawaan nang maayos o matrato nang tama ang dati at bagong gawain. Talagang mahirap pamahalaan ang mga tao! Ganito ang karamihan sa inyo. Ang mga nakaranas na ng gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng maraming taon ay nahihirapang tanggapin ang bagong gawain, at lagi silang puno ng mga kuru-kuro na hindi nila maisantabi, habang ang isang taong kasisimula pa lamang gumawa ay walang karaniwang kaalaman tungkol sa paggawa at hindi man lamang alam kung paano pangasiwaan ang ilan sa pinakamadadaling usapin. Talagang matigas ang ulo ninyong mga tao! Yaong mga may kaunting karanasan sa tungkulin ay napakayabang at hambog kaya nalimutan na nila ang kanilang pinanggalingan. Lagi nilang minamaliit ang mga nakababata, subalit hindi nila matanggap ang bagong gawain at maisuko ang mga kuru-kuro na natipon nila at naingatan sa paglipas ng mga taon. Bagama’t nagagawang tanggapin nang kaunti ng mga kabataang iyon na walang alam ang bagong gawain ng Banal na Espiritu at medyo masigasig sila, lagi silang nalilito at hindi nila alam kung ano ang gagawin kapag nagkakaroon ng mga problema. Masigasig sila ngunit walang alam. Kakaunti lamang ang alam nila tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu at hindi nila magamit ito sa kanilang buhay; walang silbing doktrina lamang ito. Napakaraming taong katulad ninyo; ilan ang akmang gamitin? Ilan ang maaaring sumunod sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu at makakayang umayon sa kalooban ng Diyos? Tila kayong naging mga tagasunod na hanggang ngayon ay naging masyadong masunurin, ngunit, ang totoo, hindi pa ninyo natatalikuran ang inyong mga kuru-kuro, naghahanap pa rin kayo sa Bibliya, na naniniwala sa kalabuan, o paiba-iba ng mga kuru-kuro. Walang sinuman na sumusuring mabuti sa tunay na gawain ngayon o mas inuunawa ito. Tinatanggap ninyo ang daan ngayon kasama ang inyong mga dating kuru-kuro. Ano ang mapapala ninyo sa gayong paniniwala? Masasabi na nakatago sa inyo ang maraming kuru-kuro na hindi pa naibubunyag, at na ginagawa lamang ninyo ang lahat para maitago ang mga iyon, nang hindi ibinubunyag ang mga iyon nang madali. Hindi ninyo tinatanggap ang bagong gawain nang taos-puso, at wala kayong planong isuko ang inyong mga dating kuru-kuro; napakarami ninyong pilosopiya sa pamumuhay, at napakahalaga ng mga iyon. Hindi ninyo isinusuko ang dati ninyong mga kuru-kuro at atubili kayong pakitunguhan ang bagong gawain. Napakasama ng puso ninyo, at hindi ninyo talaga sineseryoso ang mga hakbang ng bagong gawain. Magagawa ba ng mga waldas na katulad ninyo ang gawaing ipalaganap ang ebanghelyo? Magagawa ba ninyo ang gawaing ipalaganap ito sa buong sansinukob? Pinipigilan kayo ng mga gawi ninyong ito na baguhin ang inyong disposisyon at kilalanin ang Diyos. Kung magpapatuloy kayo nang ganito, nakatakda kayong maalis.

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya sa pamumuhay), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagkakakilanlan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay upang ihayag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo. Mula sa Kanyang gawain, hindi masasabi ng tao kung anong klase Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang isang nilalang batay sa Kanyang gawain. Hindi rin Siya maaaring ituring na isang nilalang dahil sa Kanyang pagiging Diyos. Maaari lamang Siyang ituring ng tao na hindi isang tao, ngunit hindi niya alam kung saang kategorya Siya ilalagay, kaya napipilitan ang tao na ilagay Siya sa kategorya ng Diyos. Hindi kawalan ng katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat napakaraming nagawang gawain ng Diyos sa mga tao na hindi kayang gawin ng tao.

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga panuntunan at hindi sakop ng panahon o mga limitasyon ng heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya kahit kailan, kahit saan. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kundisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kung walang gawaing ginawa ang Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng tao ay mataas, higit sa kakayahan ng iba pa; ang tono ng kanilang pagsasalita, kanilang mga prinsipyo sa pamamahala sa mga bagay-bagay, at kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi kayang abutin ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na malaki ang kakayahan at mataas ang kaalaman, ngunit hindi ninyo nakikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay normal at tunay subalit hindi rin masukat ng mga mortal, kaya nga nakadarama ang mga tao ng pagpipitagan para sa Kanya. Marahil ay partikular na maunlad ang karanasan ng isang tao sa kanyang gawain, o partikular na maunlad ang kanyang imahinasyon at pangangatwiran, at ang kanyang pagkatao ay partikular na mabuti; ang gayong mga katangian ay maaari lamang magkamit ng paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ang kanilang pangingimi at takot. Hinahangaan ng lahat ng tao yaong mga kayang gumawa nang mahusay, na may partikular na malalim na karanasan, at maaaring magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi kaya ng gayong mga tao kailanman na pumukaw ng pangingimi, kundi paghanga lamang at inggit. Ngunit ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos; sa halip, pakiramdam nila ay hindi maaabot at maaarok ng tao ang Kanyang gawain, at ito ay bago at kamangha-mangha. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang kaalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, matalino, at kamangha-mangha, at hindi nila namamalayan na nagpipitagan sila sa Kanya at nadarama nila ang hiwaga ng gawaing Kanyang ginagawa, na hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga kinakailangan, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hangarin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay hindi abot ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at naparito upang dalhin ang tao sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o ang ibig Kong sabihin, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay pangingimi at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakatalino, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang walang-hanggang kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsan-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang pagiging maharlika at na wala Siyang pinalalagpas na pagkakasala. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na nagpipitagan sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging sumasalungat sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya; sa halip, dapat silang magkaroon ng tunay na pagpipitagan at tunay na pagpapasakop. Sa karamihan ng Kanyang gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nakadarama ng pagpipitagan sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay buong-puso silang nagpipitagan sa Kanya. Ang Diyos ay nararapat pagpitaganan at sundin, dahil ang Kanyang katauhan at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilalang at mas mataas sa mga nilalang. Ang Diyos ay umiiral nang mag-isa at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat na pagpitaganan at sundin; hindi karapat-dapat ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nakakaramdam ng pagpipitagan sa Kanya. Gayunman, yaong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—yaong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay walang pagpipitagan sa Kanya, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na masuwaying mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilalang ay magkaroon ng pusong nagpipitagan sa Lumikha, sumasamba sa Kanya, at nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung lahat ng taong nakaranas na ng gayong gawain ay hindi nagpipitagan sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagsuway ay hindi man lamang nagbabago, siguradong aalisin sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang pusong nagmamahal sa Diyos, at wala sa taong iyon ang mga kalagayan para magawang perpekto. Kung hindi natamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi pa nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahanap ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magpitagan sa Diyos. Ito ay mga taong hindi mababago ang likas na pagkatao at napakasama ng mga disposisyon. Lahat ng hindi nagpipitagan sa Diyos ay aalisin, upang maging mga pakay ng kaparusahan, at maparusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, upang magdusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng masasamang bagay.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger