Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao (Ikalawang Bahagi)

Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa upang makinabang ang mga tao. Tungkol lahat iyon sa paghubog sa mga tao; walang gawain na hindi kapaki-pakinabang sa mga tao. Malalim man o mababaw ang katotohanan, at kahit gaano man ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, kapaki-pakinabang iyon sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; kailangan itong ipahayag sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Kanya. Doon lamang matatamo ang mga resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, kapag tuwirang gumagawa ang Banal na Espiritu, wala man lamang iyong bahid-dungis; ngunit kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao, labis iyong nadudungisan at hindi iyon ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, nagbabago ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi natatanggap ng mga alagad ang orihinal na layunin ng Banal na Espiritu kundi ang pinagsamang gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahaging natatanggap ng mga alagad na gawain ng Banal na Espiritu ay tama, samantalang ang karanasan at kaalaman ng tao na natatanggap nila ay iba-iba dahil magkakaiba ang mga manggagawa. Ang mga manggagawang may kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan batay sa kaliwanagan at patnubay na ito. Nakapaloob sa mga karanasang ito ang magkasamang isipan at karanasan ng tao, pati na ang pagkatao ng tao, at pagkatapos, natatamo nila ang kaalaman o kabatirang dapat ay mayroon sila. Ito ang paraan ng pagsasagawa ng tao matapos maranasan ang katotohanan. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi palaging magkakapareho, dahil magkakaiba ang pagdanas ng mga tao at iba-iba ang mga bagay na nararanasan ng mga tao. Sa ganitong paraan, ang ganitong kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa, dahil magkakaiba ang mga taong tumatanggap ng kaliwanagan. Ang ilang tao ay nakakagawa ng maliliit na pagkakamali habang nagsasagawa habang ang ilan naman ay nakakagawa ng malalaking pagkakamali, at ang ilan ay puro mali ang ginagawa. Ito ay dahil magkakaiba ang kakayahang makaunawa ng mga tao at dahil magkakaiba rin ang kanilang likas na mga kakayahan. Ang ilang tao ay may isang uri ng pagkaunawa matapos marinig ang isang mensahe, at ang ilang tao naman ay may ibang pagkaunawa matapos marinig ang isang katotohanan. Lumilihis nang bahagya ang ilang tao, samantalang ni hindi man lamang nauunawaan ng ilan ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Samakatuwid, idinidikta ng pang-unawa ng isang tao kung paano niya pamumunuan ang iba; totoo talaga ito, dahil ang gawain ng isang tao ay isang pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga taong pinamumunuan ng mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit may mga taong nagkakamali sa kanilang pagkaunawa, kakaunti lamang sila, at hindi lahat ay magkakaroon ng mga kamalian. Kung may mga kamalian ang isang tao sa kanyang pagkaunawa sa katotohanan, siguradong magkakamali rin ang mga sumusunod sa kanya, at ang mga taong ito ay magkakamali sa lahat ng posibleng paraan. Ang antas ng pagkaunawa ng mga alagad sa katotohanan ay lubos na nakasalalay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Gayunman, hindi lubos na tama ang mga manggagawa at hindi masasabi na lubos silang maaasahan. Kung ang mga manggagawa ay may napakapraktikal na paraan sa pagsasagawa ng katotohanan, magkakaroon din ang mga alagad ng isang paraan ng pagsasagawa. Kung walang paraan ang mga manggagawa para isagawa ang katotohanan kundi mayroon lamang silang doktrina, hindi magkakaroon ng anumang realidad ang mga alagad. Ang kakayahan at likas na pagkatao ng mga alagad ay natutukoy sa pagsilang at walang kaugnayan sa mga manggagawa, ngunit ang abot ng pang-unawa ng mga alagad sa katotohanan at pagkilala sa Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ganito lamang ito para sa ilang tao). Anuman ang isang manggagawa, magkakagayon din ang mga alagad na kanyang pinamumunuan. Ang ipinahahayag ng isang manggagawa ay ang kanyang sariling pagkatao, nang walang pasubali. Ang mga ipinagagawa niya sa mga sumusunod sa kanya ay yaong handa siya o kaya niyang gawin. Karamihan sa mga manggagawa ay ginagamit ang ginagawa nila mismo bilang batayan ng mga ipinagagawa nila sa kanilang mga alagad, kahit marami dito ang hindi man lamang magawa ng kanilang mga alagad—at yaong hindi magawa ng isang tao ay nagiging isang balakid sa kanyang pagpasok.

Mas kakaunti ang paglihis sa gawain ng mga nagdaan sa pagtatabas, pakikitungo, paghatol at pagkastigo, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay nakakagawa ng medyo malalaking pagkakamali. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay labis na nagpapahayag ng kanilang naturalesa, na nagiging isang malaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din silang magdaan sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol bago nila magawa ang gawain ng tagubilin ng Diyos. Kung hindi pa sila dumaan sa gayong paghatol, ang kanilang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring umayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanilang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa natabasan, napakitunguhan, at nahatulan. Yaong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Yaong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi karapat-dapat na magsagawa ng gawaing tagubilin ng Diyos. Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga alagad kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga alagad ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na alagad. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilinlang. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay. Napakaraming naturalesa sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto; napakarami nitong kahalong kagustuhan ng tao. Ang kanilang pagkatao ay naturalesa—ang kanilang likas na pagkatao nang isilang. Hindi iyon buhay matapos mapakitunguhan o realidad matapos mabago. Paano masusuportahan ng gayong tao ang mga nagsisikap sa buhay? Ang buhay na orihinal na taglay ng tao ay ang kanyang likas na talino o talento. Ang ganitong uri ng talino o talento ay medyo malayo sa eksaktong mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa natatabas o napapakitunguhan ang kanyang tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Bukod pa rito, paano man siya gumagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layunin at walang katotohanang angkop para sa pagpasok ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga pato sila na pinadadapo sa mga sanga. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga palagay ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na hilig na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang hilig na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang taong nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya nga ang malabo at di-totoong mga bagay sa kanyang gawain ay unti-unting nababawasan, nababawasan ang mga pagkahalo ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na sa realidad ng katotohanan at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Mayaman ang imahinasyon at makatwirang lohika ng tao, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga kaganapan. Kung ang mga aspetong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagtatabas at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatuwid, hindi maisasagawa ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, pamumunuan niya ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng isang tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na tao. Lahat ng makapagsasabuhay ng katotohanang realidad ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang tao ay may mga prinsipyo ng tao sa paggawa, at lahat ng tao ay may iba’t ibang karanasan at iba-iba ang mga kundisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa katauhan ng tao at hindi kumakatawan sa katauhan ng Diyos o sa kalooban ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ang ganap na kalooban ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling bumagsak sa mga panuntunan, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan ang saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang daan. Karamihan sa mga alagad ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin ang saklaw. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, sa huli, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga panuntunan; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga panuntunan sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay pinawalan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya mahahati sa maliliit na bahagi ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong nangyayari, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t-ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo mahihiwatigan ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga panuntunan ang mga alagad ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Yaon lamang mga sumusunod at humahabol sa Kanya nang may tapat na puso ang maaaring mabago ang kanilang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi sumasailalim sa anumang mga panuntunan o napipigilan ng anumang mga relihiyosong kuru-kuro. Ang gawain ng tao ay maraming hinihiling sa mga tao batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang maaari niya mismong makamtan. Ang pamantayan ng ganitong mga kinakailangan ay limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga alagad na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga panuntunan at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang alagad ay magiging relihiyoso at eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatuwid, kung may isang karapat-dapat na pinuno, maaaring nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Yaong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at hindi-totoong mga bagay lamang ang ipinapahayag. Sa paglipas ng panahon, aakayin nila ang mga tao tungo sa malabo at higit-sa-karaniwang mga panuntunan. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi umaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga saloobin ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi maisasagawa ng isang taong hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger