Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw (Unang Bahagi)

Ang kabuuan ng gawaing isinagawa sa loob ng anim na libong taon ay unti-unti nang nagbago habang nagdaraan ang iba’t ibang panahon. Ang mga pagbabago sa gawaing ito ay naging batay sa kabuuang sitwasyon ng mundo at sa kalakaran sa pag-unlad ng sangkatauhan sa kabuuan; ang gawain ng pamamahala ay unti-unti lamang nagbago alinsunod dito. Hindi ito nakaplanong lahat mula sa simula ng paglikha. Bago nilikha ang mundo, o matapos itong likhain, hindi pa naiplano ni Jehova ang unang yugto ng gawain, ng kautusan; ang pangalawang yugto ng gawain, ng biyaya; o ang pangatlong yugto ng gawain, ang panlulupig, kung saan magsisimula muna Siya sa ilan sa mga inapo ni Moab, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Niya ang buong sansinukob. Matapos likhain ang mundo, hindi Niya sinambit kailanman ang mga salitang ito, ni hindi Niya sinambit ang mga ito pagkatapos Niya kay Moab; tunay nga, bago kay Lot, hindi Niya binigkas ang mga ito. Lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa nang kusang-loob. Ganito mismo nabuo ang Kanyang buong anim-na-libong-taong gawain ng pamamahala; hindi Niya isinulat ang gayong plano sa anumang paraan, bago nilikha ang mundo, sa hitsura ng isang bagay na katulad ng “Buong Tsart para sa Pag-unlad ng Sangkatauhan.” Sa gawain ng Diyos, tuwiran Niyang ipinapahayag kung ano Siya; hindi Niya pinahihirapan ang utak Niya sa pagbubuo ng isang plano. Mangyari pa, medyo may ilang propetang nagpahayag ng napakaraming propesiya, ngunit hindi pa rin masasabi na ang gawain ng Diyos ay laging may tumpak na pagpaplano; ang mga propesiyang iyon ay ginawa ayon sa gawain ng Diyos noon. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay ang pinaka-aktwal na gawain. Isinasagawa Niya iyon alinsunod sa pag-unlad ng bawat panahon, at ibinabatay iyon sa kung paano nagbabago ang mga bagay-bagay. Para sa Kanya, ang pagsasagawa ng gawain ay tulad ng pag-aakma ng gamot sa karamdaman; habang ginagawa ang Kanyang gawain, Siya ay nagmamasid, at ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang mga namasdan. Sa bawat yugto ng Kanyang gawain, may kakayahan ang Diyos na ipakita ang Kanyang sapat na karunungan at kakayahan; ipinapakita Niya ang Kanyang saganang karunungan at awtoridad ayon sa gawain ng anumang partikular na kapanahunan, at tinutulutan ang lahat ng taong iyon na Kanyang ibinalik sa kapanahunang iyon upang makita ang Kanyang buong disposisyon. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao alinsunod sa gawaing kailangang gawin sa bawat kapanahunan, ginagawa ang anumang gawaing dapat Niyang gawin. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao batay sa antas na nagawa silang tiwali ni Satanas. Katulad ito ng paraan, nang unang likhain ni Jehova sina Adan at Eba, kung paano Niya iyon ginawa upang maipakita nila ang Diyos sa ibabaw ng lupa at upang makapagbahagi sila ng patotoo sa mga nilikha. Gayunman, nagkasala si Eba matapos tuksuhin ng ahas, at gayundin ang ginawa ni Adan; sa halamanan, pareho nilang kinain ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa gayon, nagkaroon ng karagdagang gawain si Jehova na isasagawa sa kanila. Nang makita ang kanilang kahubaran, tinakpan Niya ang kanilang katawan ng damit na yari sa mga balat ng hayop. Pagkatapos nito, sinabi Niya kay Adan, “Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, ‘Huwag kang kakain niyaon;’ sumpain ang lupa dahil sa iyo … hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” Sinabi Niya sa babae, “Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Mula noon, pinalayas Niya sila mula sa Halamanan ng Eden at hinayaan silang mamuhay sa labas nito, tulad ng pamumuhay ngayon ng makabagong tao sa ibabaw ng lupa. Nang likhain ng Diyos ang tao sa pinakasimula, wala Siyang planong hayaan ang tao na tuksuhin ng ahas matapos siyang likhain at pagkatapos ay isumpa ang tao at ang ahas. Wala talaga Siyang ganitong plano; ganoon lamang talaga ang nangyari na nagbigay sa Kanya ng bagong gawaing gagawin sa Kanyang mga nilikha. Matapos maisagawa ni Jehova ang gawaing ito kina Adan at Eba sa ibabaw ng lupa, patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa loob ng ilang libong taon, hanggang sa “nakita ni Jehova na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pag-iisip ng kanilang puso ay pawang masama lamang na parati. At nagsisi si Jehova na Kanyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa Kanyang puso. … Datapuwat si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova.” Sa panahong ito nagkaroon ng mas maraming bagong gawaing gagawin si Jehova, sapagkat ang sangkatauhan na Kanyang nilikha ay naging masyadong makasalanan matapos tuksuhin ng ahas. Dahil sa sitwasyong ito, sa buong sangkatauhan, piniling kaawaan ni Jehova ang pamilya ni Noe, at pagkatapos ay isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng isang baha. Patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan hanggang sa araw na ito mismo, na lalong nagiging tiwali, at pagdating ng panahon na makarating ang pag-unlad ng tao sa rurok nito, mangangahulugan ito ng katapusan ng sangkatauhan. Mula sa pinakasimula hanggang sa katapusan ng mundo, ganito na at lalaging ganito ang katotohanan sa loob ng Kanyang gawain. Kapareho ito ng paraan kung paano igugrupo ang mga tao ayon sa kanilang uri; malayo ito sa nangyari na bawat isang tao ay itinalaga noon pa man na mabilang sa isang tiyak na kategorya; sa halip, lahat ay unti-unting iginugrupo lamang matapos sumailalim sa isang proseso ng pag-unlad. Sa katapusan, sinumang hindi madala sa ganap na kaligtasan ay ibabalik sa kanilang “mga ninuno.” Walang isa man sa gawain ng Diyos sa sangkatauhan ang naihanda na nang likhain ang mundo; sa halip, ang pag-unlad ng mga bagay-bagay ang nagtulot sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa sangkatauhan sa paisa-isang hakbang at sa mas makatotohanan at praktikal na paraan. Halimbawa, hindi nilikha ng Diyos na si Jehova ang ahas upang tuksuhin ang babae; hindi iyon ang partikular Niyang plano, ni hindi iyon isang bagay na sadya Niyang itinalaga. Masasabi ng isang tao na isang pangyayari ito na hindi inaasahan. Sa gayon, ito ang dahilan kaya pinalayas ni Jehova sina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden at isinumpa na hindi na Siya muling lilikha ng tao kailanman. Gayunman, natutuklasan lamang ng mga tao ang karunungan ng Diyos ayon sa pundasyong ito. Katulad lamang ito ng sinabi Ko kanina: “Ginagamit Ko ang Aking karunungan batay sa mga pakana ni Satanas.” Paano man tumitindi ang katiwalian ng sangkatauhan o paano sila tinutukso ng ahas, mayroon pa ring karunungan si Jehova; sa gayon, naging abala na Siya sa bagong gawain mula nang likhain Niya ang mundo, at wala sa mga hakbang ng gawaing ito ang naulit kailanman. Patuloy na ginagawa ni Satanas ang kanyang mga pakana, palagi nang ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at walang tigil na isinasagawa ng Diyos na si Jehova ang Kanyang matalinong gawain. Hindi Siya nabigo kailanman, ni hindi Siya tumigil sa paggawa kailanman, mula nang likhain ang mundo. Matapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, patuloy na Siyang gumagawa sa kanila upang talunin ito, ang kaaway na pinagmulan ng kanilang katiwalian. Ang labanang ito ay nanalanta na sa simula pa lamang, at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo. Sa paggawa ng lahat ng gawaing ito, hindi lamang tinulutan ng Diyos na si Jehova ang mga tao, na nagawang tiwali ni Satanas, na matanggap ang Kanyang dakilang pagliligtas, kundi tinulutan din silang makita ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at awtoridad. Bukod dito, sa huli, hahayaan Niyang makita nila ang Kanyang matuwid na disposisyon—na pinarurusahan ang masasama at ginagantimpalaan ang mabubuti. Nilabanan na Niya si Satanas hanggang sa araw na ito at hindi Siya natalo kailanman. Ito ay dahil Siya ay isang matalinong Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang karunungan batay sa mga pakana ni Satanas. Samakatuwid, hindi lamang ginagawa ng Diyos ang lahat ng nasa langit na magpasakop sa Kanyang awtoridad, kundi napanatili rin Niya ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa sa Kanyang paanan at, partikular na, isinasailalim Niya ang masasama na nanghihimasok at nanggugulo sa sangkatauhan sa Kanyang pagkastigo. Ang mga resulta ng lahat ng gawaing ito ay nakamtan dahil sa Kanyang karunungan. Hindi Niya naipakita kailanman ang Kanyang karunungan bago umiral ang sangkatauhan, sapagkat wala Siyang mga kaaway sa langit, sa ibabaw ng lupa, o saanman sa buong sansinukob, at walang mga puwersa ng kadiliman na nanghihimasok sa anuman sa kalikasan. Matapos Siyang ipagkanulo ng arkanghel, nilikha Niya ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa, at dahil sa sangkatauhan kaya Niya pormal na sinimulan ang Kanyang isang-libong-taong pakikidigma kay Satanas, ang arkanghel—isang digmaang lalong umiigting sa bawat sumunod na yugto. Naroon ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan sa bawat isa sa mga yugtong ito. Saka lamang nasaksihan ng lahat ng nasa langit at nasa ibabaw ng lupa ang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at, lalo na, ang realidad ng Diyos. Isinasagawa pa rin Niya ang gawain sa ganito ring makatotohanang paraan hanggang sa araw na ito; dagdag pa rito, habang isinasagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinapakita rin Niya ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Tinutulutan Niya kayong makita ang katotohanan sa loob ng bawat yugto ng gawain, makita kung paano talaga ipaliwanag ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at, bukod dito, makita ang isang tiyak na paliwanag tungkol sa realidad ng Diyos.

Tungkol sa pagkakanulo ni Hudas kay Jesus, iniisip ng ilang tao: Hindi ba itinakda na ito bago pa nilikha ang mundo? Ang totoo, pinlano ito ng Banal na Espiritu batay sa realidad ng panahon. Nangyari lamang na may isang taong nagngangalang Hudas na palaging naglulustay ng pondo, kaya pinili ang taong ito upang gumanap sa papel na ito at magsilbi sa ganitong paraan. Ito ang tunay na halimbawa ng paggamit ng lokal na mapagkukunan. Walang kaalam-alam si Jesus tungkol dito noong una; nalaman lamang Niya iyon kalaunan, matapos mailantad si Hudas. Kung may iba pa sanang makakaganap sa papel na ito, nagawa sana ito ng taong iyon sa halip na si Hudas. Yaong naitalaga noon pa man, sa katunayan, ay isang bagay na ginawa ng Banal na Espiritu sa sandaling iyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay palaging ginagawa nang kusang-loob; maipaplano Niya ang Kanyang gawain anumang oras, at maisasagawa ito anumang oras. Bakit Ko ba palaging sinasabi na ang gawain ng Banal na Espiritu ay makatotohanan, at na ito ay palaging bago, hindi kailanman luma, at palaging napakasariwa? Ang Kanyang gawain ay hindi pa naiplano bago nilikha ang mundo; hindi talaga ganoon ang nangyari! Bawat hakbang ng gawain ay natatamo ang tamang epekto nito para sa nauukol na panahon, at ang mga hakbang ay hindi nakakagambala sa isa’t isa. Sa maraming pagkakataon, ang mga planong maaaring nasa isip mo ay hindi talaga mapapantayan ang pinakabagong gawain ng Banal na Espiritu. Ang Kanyang gawain ay hindi kasing-simple ng ikinakatwiran ng tao, ni hindi ito kasing-kumplikado ng iniisip ng tao—ito ay binubuo ng pagtustos sa mga tao anumang oras at saanmang lugar alinsunod sa kanilang mga pangangailangan nang panahong iyon. Walang sinumang mas nalilinawan tungkol sa kakanyahan ng mga tao kaysa sa Kanya, at dahil mismo rito kaya walang umaangkop sa makatotohanang mga pangangailangan ng mga tao na katulad ng Kanyang gawain. Samakatuwid, mula sa pananaw ng isang tao, tila napagplanuhan ang Kanyang gawain nang maaga nang ilang libong taon. Habang Siya ay gumagawa sa inyo ngayon, samantalang gumagawa at nagsasalita habang minamasdan ang inyong mga kalagayan, mayroon Siyang tamang mga salitang sasabihin kapag nasagupa Niya ang bawat isang uri ng kalagayan, na sumasambit ng mga salitang kailangan mismo ng mga tao. Kunin ang unang hakbang ng Kanyang gawain: ang panahon ng pagkastigo. Pagkatapos niyan, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa kung ano ang ipinamalas ng mga tao, ang kanilang paghihimagsik, ang mga positibong kalagayan na lumitaw mula sa kanila at ang mga negatibong kalagayan, gayundin ang pinakamababang limitasyon na maaaring kabagsakan ng mga tao kapag umabot sa isang partikular na punto ang mga negatibong kalagayang iyon; at sinamantala Niya ang mga bagay na ito upang magkamit ng mas magandang resulta mula sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, gumagawa Siya ng pantulong na gawain sa mga tao batay sa anumang kasalukuyan nilang kalagayan sa anumang oras; isinasagawa Niya ang bawat hakbang ng Kanyang gawain ayon sa aktwal na mga kalagayan ng mga tao. Lahat ng nilikha ay nasa Kanyang mga kamay; paanong hindi Niya sila makikilala? Isinasagawa ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain na dapat gawin, anumang oras at saanmang lugar, alinsunod sa mga kalagayan ng mga tao. Hindi ipinlano ang gawaing ito sa anumang paraan nang maaga nang libu-libong taon; iyan ay isang kuru-kuro ng tao! Gumagawa Siya habang inoobserbahan ang mga epekto ng Kanyang gawain, at patuloy na lumalalim at umuunlad ang Kanyang gawain; sa bawat pagkakataon, matapos obserbahan ang mga resulta ng Kanyang gawain, ipinatutupad Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Gumagamit Siya ng maraming bagay upang unti-unting lumipat at ipakita sa mga tao ang Kanyang bagong gawain sa paglipas ng panahon. Ang ganitong paraan ng paggawa ay maaaring makatustos sa mga pangangailangan ng mga tao, sapagkat kilalang-kilala ng Diyos ang mga tao. Ganito Niya isinasagawa ang Kanyang gawain mula sa langit. Gayundin, ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain sa parehong paraan, na gumagawa ng mga pagsasaayos at gumagawa sa gitna ng mga tao ayon sa aktwal na mga sitwasyon. Walang isa man sa Kanyang mga gawain ang naiplano bago nilikha ang mundo, ni masusing naiplano nang maaga. Dalawang libong taon matapos likhain ang mundo, nakita ni Jehova na naging labis nang tiwali ang sangkatauhan kaya ginamit Niya ang bibig ng propetang si Isaias upang ibabala iyan, pagkaraang matapos ang Kapanahunan ng Kautusan, isasagawa ni Jehova ang Kanyang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang plano ni Jehova, mangyari pa, ngunit ang planong ito ay ginawa rin ayon sa mga sitwasyong namamasdan Niya noon; siguradong hindi Niya ito inisip kaagad matapos likhain si Adan. Nagpropesiya lamang si Isaias, ngunit hindi gumawa ng maagang mga paghahanda si Jehova para sa gawaing ito noong Kapanahunan ng Kautusan; sa halip, pinasimulan Niya ito sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang sugo sa panaginip ni Jose upang siya ay maliwanagan sa mensahe na ang Diyos ay magiging tao, at saka lamang nagsimula ang Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi nakapaghanda ang Diyos, na tulad ng akala ng iba, para sa Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao matapos lamang likhain ang mundo; napagpasyahan lamang iyon batay sa antas ng pag-unlad ng sangkatauhan at sa kalagayan ng Kanyang pakikibaka kay Satanas.

Kapag nagiging tao ang Diyos, bumababa ang Kanyang Espiritu sa tao; sa madaling salita, binibihisan ng Espiritu ng Diyos ng pisikal na katawan ang Kanyang sarili. Pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain sa ibabaw ng lupa hindi upang magdala Siya ng ilang limitadong hakbang; ang Kanyang gawain ay talagang hindi limitado. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa katawang-tao ay tinutukoy pa rin sa pamamagitan ng mga resulta ng Kanyang gawain, at ginagamit Niya ang gayong mga bagay upang malaman ang haba ng panahon kung kailan gagawin Niya ang gawain habang nasa katawang-tao. Direktang ipinapakita ng Banal na Espiritu ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, na sinusuri ang Kanyang gawain habang Siya ay nagpapatuloy; ang gawaing ito ay hindi lubhang higit-sa-karaniwan para hatakin ang mga limitasyon ng imahinasyon ng tao. Katulad ito ng gawain ni Jehova sa paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay; nagplano Siya at gumawa nang sabay. Inihiwalay Niya ang liwanag mula sa kadiliman, at nagkaroon ng umaga at gabi—inabot ito ng isang araw. Sa ikalawang araw, nilikha Niya ang himpapawid, at inabot din iyan ng isang araw; pagkatapos ay nilikha Niya ang lupa, ang karagatan, at lahat ng nilalang na naninirahan doon, na kinailangan ng isa pang araw. Nagpatuloy ito hanggang sa ikaanim na araw, nang likhain ng Diyos ang tao at hinayaan siyang pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa. Pagkatapos, sa ikapitong araw, matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, Siya ay nagpahinga. Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at itinalaga ito bilang isang banal na araw. Nagpasya lamang Siyang italaga ang banal na araw na ito nang matapos na Siyang likhain ang lahat ng bagay, hindi bago nilikha ang mga ito. Ang gawaing ito ay kusang-loob ding isinagawa; bago nilikha ang lahat ng bagay, hindi pa Siya nakapagpasyang likhain ang mundo sa loob ng anim na araw at pagkatapos ay magpahinga sa ikapito; hindi man lamang ganoon ang totoong nangyari. Wala Siyang sinabing ganoon, ni hindi iyon ang Kanyang plano. Hindi Niya sinabi sa anumang paraan na ang paglikha ng lahat ng bagay ay matatapos sa ikaanim na araw at na Siya ay magpapahinga sa ikapito; sa halip, lumikha Siya ayon sa kung ano ang mabuti sa tingin Niya noon. Nang matapos Niyang likhain ang lahat, ikaanim na araw na. Kung natapos Niyang likhain ang lahat sa ikalimang araw, itatalaga Niyang banal na araw ang ikaanim na araw. Gayunman, talagang natapos Niyang likhain ang lahat sa ikaanim na araw, at sa gayon ay naging banal na araw ang ikapitong araw, na naipasa hanggang sa araw na ito mismo. Samakatuwid, isinasagawa ang Kanyang kasalukuyang gawain sa ganito ring paraan. Nagsasalita Siya at tinutustusan Niya ang lahat ng inyong pangangailangan alinsunod sa inyong sitwasyon. Ibig sabihin, nagsasalita at gumagawa ang Espiritu ayon sa sitwasyon ng mga tao; binabantayan Niya ang lahat at gumagawa Siya anumang oras at saanmang lugar. Yaong Aking ginagawa, sinasabi, inilalagak sa inyo, at ipinagkakaloob sa inyo, nang walang eksepsyon, ay yaong inyong kailangan. Sa gayon, walang isa man sa Aking gawain ang hiwalay sa realidad; totoong lahat ito, sapagkat alam ninyong lahat na “binabantayan ng Espiritu ng Diyos ang lahat.” Kung napagpasyahan na ang lahat ng ito nang maaga, hindi kaya ito masyadong karaniwan at nakakabagot? Iniisip mo na gumawa ng mga plano ang Diyos sa loob ng buong anim na libong taon at itinalaga na ang sangkatauhan noon pa man na maging suwail, palaban, magdaraya at mapanlinlang, at magtaglay ng katiwalian ng laman, isang napakasamang disposisyon, ng pagnanasa ng mga mata, at ng indibiduwal na mga pagpapasasa. Walang isa man dito ang itinalaga noon ng Diyos, kundi sa halip ay nangyaring lahat iyon dahil sa katiwalian ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba hawak din ng Diyos si Satanas? Itinalaga na ng Diyos na gagawing tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan, at pagkatapos niyon, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao.” Itatalaga nga ba ng Diyos si Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan? Sabik na sabik lamang ang Diyos na tulutan ang sangkatauhan na mabuhay nang normal, kaya makikialam ba Siya talaga sa buhay nila? Kung gayon, hindi ba magiging walang saysay ang pagsisikap na talunin si Satanas at iligtas ang sangkatauhan? Paano maaaring naitalaga ang pagkasuwail ng sangkatauhan? Isang bagay ito na nangyari dahil sa panghihimasok ni Satanas, kaya paano ito maaaring naitalaga ng Diyos? Ang Satanas na hawak ng Diyos na inaakala ninyo ay ibang-iba sa Satanas na hawak ng Diyos na binabanggit Ko. Ayon sa inyong mga pahayag na “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay,” hindi Siya maaaring ipagkanulo ni Satanas. Hindi ba sabi mo, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat? Napakahirap unawain ng inyong kaalaman, at malayo sa realidad; hindi kailanman maaarok ng tao ang mga kaisipan ng Diyos, ni hindi maaarok ng tao kailanman ang Kanyang karunungan! Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; ni hindi man lang ito isang kasinungalingan. Ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos dahil paunang binigyan ito ng Diyos ng isang bahagi ng awtoridad. Siyempre, hindi inaasahan ang pangyayaring ito, tulad noong mahulog si Eba sa tukso ng ahas. Gayunman, paano man isagawa ni Satanas ang pagtataksil nito, hindi pa rin ito makapangyarihan sa lahat na katulad ng Diyos. Tulad ng nasabi ninyo, malakas lamang si Satanas; anuman ang gawin nito, lagi itong matatalo ng awtoridad ng Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng kasabihang, “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay.” Samakatuwid, ang pakikidigma kay Satanas ay kailangang isagawa sa paisa-isang hakbang. Bukod pa riyan, ipinaplano ng Diyos ang Kanyang gawain bilang sagot sa mga pandaraya ni Satanas—ibig sabihin, naghahatid Siya ng kaligtasan sa sangkatauhan at ipinapakita Niya ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat sa isang paraan na akma sa kapanahunan. Gayundin, ang gawain sa mga huling araw ay hindi itinalaga noon pa man, bago ang Kapanahunan ng Biyaya; ang mga pagtatalaga noon pa man ay hindi ginagawa sa gayon kaayos na paraang tulad nito: una, pinagbabago ang panlabas na disposisyon ng tao; pangalawa, isinasailalim ang tao sa Kanyang pagkastigo at mga pagsubok; pangatlo, pinagdaranas ang tao ng pagsubok na kamatayan; pang-apat, ipinararanas sa tao ang panahon ng pagmamahal sa Diyos at ipinapahayag ang kapasyahan ng isang nilalang; panglima, tinutulutan ang tao na makita ang kalooban ng Diyos at lubusan Siyang makilala, at sa wakas ay ginagawang ganap ang tao. Hindi Niya ipinlano ang lahat ng bagay na ito noong Kapanahunan ng Biyaya; sa halip, sinimulan Niyang planuhin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Kumikilos si Satanas, gayundin ang Diyos. Ipinapahayag ni Satanas ang tiwaling disposisyon nito, samantalang tuwirang nagsasalita ang Diyos at naghahayag ng ilang mahalagang bagay. Ito ang gawaing ginagawa ngayon, at mayroong parehong uri ng prinsipyo sa paggawa na ginamit noong araw, matapos likhain ang mundo.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger