Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan (Ikalawang Bahagi)
Anuman ang mangyari sa iyo, kailangan mong tingnan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos at harapin ang mga iyon mula sa perspektiba ng katotohanan. Madaling makita ang mga problema sa ganitong paraan, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, madali mong makikita ang tunay na diwa ng mga bagay-bagay. May ilang tao na palaging tumitingin sa mga bagay batay sa pagkatuto. Palagi nilang pinag-aaralan at sinusuri ang mga bagay gamit ang kanilang mga utak o paningin at pinagmamasdan ang mga bagay gamit ang kanilang makamundong pagtingin. Samakatwid ay hindi nila nakikita ang totoong diwa ng mga problema at palagi silang nalilihis ng landas. Maaari itong magpatuloy sa loob ng ilang dekada—maaari silang mamatay nang hindi nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Halimbawa, kung minsan ay nahaharap ka sa isang karamdaman at iniisip mong isa lang itong pangkaraniwang karamdaman na may mga obhetibong kadahilanan, na hindi ito pagdisiplina ng Diyos at hindi problema, gayong sa katunayan, may malaking problema rito. Kung pino ang iyong pag-iisip sa bagay na ito at kaya mong magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan, kung gayon ay minsan, kapag may ipinararating na kahulugan sa iyo ang Banal na Espiritu, mapagtatanto mo ang ilang pagkukulang sa iyong sarili o mga problema sa iyong disposisyon. Binibigyan ka ng Diyos ng karamdaman para patatagin ka, para pagdusahin ka, para pabalikin ka sa espiritu para sa masusing pagsusuri at pag-iisip, nakikita kung tungkol saan mismo ang karamdamang ito. Kapag bumalik ka sa kaibuturan ng espiritu para suriin ang iyong sarili, mahahanap mo ang ugat ng problema at magkakaroon ka ng kaunting kaalaman tungkol sa sarili mong katiwalian. Kung walang kaunting pagdurusa, palagi mong iisiping dakila ka, at mabibigo kang matuklasan ang katiwaliang ito. Pagkatapos ay hindi mo mauunawaan ang katotohanang kailangan mo. Naranasan na ba ninyo ito? Ginagawa ng Banal na Espiritu ang lahat sa isang napapanahong paraan, ang lahat ay alinsunod sa kung ano ang kailangan ng mga tao at alinsunod sa lahat ng kasalukuyan nilang tayog at kalagayan. Nasabi na noon na ang gawain ng Diyos ay maagap at kalkulado, at labis na napapanahon, nang walang anumang pagkaantala. Nakita mo na ito sa aktuwal mong karanasan. Sa tuwing mahaharap ka sa isang bagay, agad kang inaantig at binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, pero hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Masyado kang manhid. Minsan ay nararamdaman mo kung ano ang nangyayari at pinababayaan mo na iyong ganoon, nang hindi ito sinusubukang maunawaan nang mas malalim. Kuntento ka na sa kaalamang batay lang sa pag-unawa, at sa gayon, inaakala mong nauunawaan mo ito, pero hindi ka talaga humantong sa isang tunay na pagkaunawa. Kailangang maitaas ang iyong kaalamang batay sa pag-unawa sa isang makatwirang pagkaunawa bago ka magkaroon ng daan pasulong. Kung aantigin kang muli ng Banal na Espiritu at babalewalain mo pa rin ito at hindi mo gustong isulat ito sa iyong talaan, mabilis mo itong malilimutan. Hindi mo matatamo ang liwanag na ito, ang praktikal na bagay na ito, at sayang na sayang ito. Isinusulat ng masisipag na tao ang mga bagay-bagay sa kanilang mga talaan at natutuwa sila kapag kalaunan ay muli nilang tinitingnan ang mga talaan nila. Nakapagtatamo sila ng kaunting liwanag sa pundasyong ito. Hindi mararamdaman ng isang taong pabaya at walang espirituwal na pagkaunawa ang liwanag na ito—ni hindi niya alam kung ano ang liwanag. Kumikislap ang liwanag na ito sa loob niya at nawawala na, at kung palagi siyang ganito, hindi gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Sa paghahangad sa katotohanan, kailangang maging sensitibo at pino ang iyong pag-iisip; hindi ka dapat maging tamad. Kailangan mo ring makipagtulungan agad. Kapag nagkaroon ka ng kaalamang batay sa pag-unawa, dapat mo itong sunggaban, magmadali kang pag-isipan ito, at magdasal ka sa Diyos. Paano ka dapat magdasal? Ituon mo ang iyong panalangin sa kaliwanagang iyong natamo. Minsan ay parang mga sarili mong kaisipan ito, at ayos lang iyon. Basta’t nakararamdam ka ng kasiyahan at kalinawan, dapat kang magdasal at maghanap. Ang pinakamahalaga sa lahat ay matukoy ang bagong liwanag na ito at makuha ito nang tama. Kung napakaayos na lumalabas ang mga salita habang nagdarasal ka, at palagay ang pakiramdam mo, muli kang nabibigyang-liwanag, at natatanglawan ang iyong isipan, dapat mong isulat ang bagong liwanag na ito. Ito ay dahil kung minsan, nakaaalala ka kapag nasa mabuti kang kalagayan, pero nakalilimot ka kapag nasa masama kang kalagayan. Nakapagsusulat ang mga tao ng ilang pahina kapag nagsusulat sila ng artikulo, pero hindi sila makapagsulat ng ni isang salita pagdating sa patotoong batay sa karanasan o sa kanilang kaalaman sa Diyos. Kulang pa rin sila sa realidad. Pinagtutuunan ng pansin ng mga taong nagmamahal sa katotohanan ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Hindi pinahahalagahan ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, na nagpapakitang hindi nila nalalaman kung ano ang importante, kung ano ang pangalawa, kung ano ang napakahalaga, o kung ano ang dapat na natatamo nila. Dahil dito, nawawala sa kanila ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Pinakamainam na magdala ka ng maliit na kuwaderno, nang sa gayon, sa tuwing bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu at magtatamo ka ng bagong liwanag, agad mo itong masusunggaban at maisusulat. Gumagawa ang Banal na Espiritu sa anumang oras at sa anumang lugar. Anumang sitwasyon ang kinalalagyan ng isang tao, basta’t pinag-iisipan niya ang mga salita ng Diyos at kaya niyang hanapin ang katotohanan, binibigyang-liwanag siya ng Banal na Espiritu. Kahit na kapag abala ka sa trabaho at pagod na pagod ka, bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu kung maghahanap at magdarasal ka. Binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos o nagbabahagi tungkol sa katotohanan. Binibigyang-liwanag ka Niya kapag pinag-iisipan mo ang mga salita ng Diyos at pinagninilayan mo ang iyong sarili. Kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, isulat mo ito at magpatuloy kang pag-isipan ito, at malilinawan ang puso mo. Kapag tunay mong naunawaan ang katotohanan, ganap kang makalalaya. Kapag naranasan mo nang ganito ang gawain ng Diyos, lalago nang lalago ang aanihin mo. Ang totoo, marami sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang nasisira ninyo. Para kayong mga aksayado, napalalagpas ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa inyo, nawawalan ng napakaraming pagkakataong magawang perpekto ng Diyos! Marami nang nagawa ang Banal na Espiritu, subalit nabibigo kang sunggaban ito. Masasabi mo ba talagang hindi mabuti sa iyo ang Diyos? Ang totoo ay hindi sa hindi ka pinakitaan ng Diyos ng sapat na kabutihan—kundi hindi mo ito natamo.
May sistema ang gawain ng Banal na Espiritu, at kailangang makabuo ng mga konklusyon tungkol dito. Kung pagsisikapan ng isang tao ang pagbuo ng mga konklusyon, magkakaroon siya ng konklusyon sa maraming bagay. Tiyak na mayroong matatamo. Halimbawa na lang, ang panalangin. May mga pagkakataong makapagtatamo ka ng maraming kaliwanagan mula sa panalangin, pero kung wala kang pakialam, hindi ka magkakaroon ng kabatiran. Bagaman maaaring lumabas ang ilang salita ng kaliwanagan mula sa iyong bibig, hindi mo ito mapapansin kung hindi mo bibigyang-pansin. Malalaman mo lang na naging maganda ang panalangin mo, gayong sa katunayan may mga salita sa iyong panalangin na binigyang-liwanag at tinanglawan ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ay pawang bagong liwanag, pero hinayaan mo lang ang mga itong makalagpas. Pinakanakakatulong ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag at pagtatanglaw sa kanila, na nagbibigay-daan sa kanilang maunawaan ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, para magawa nila ang mga bagay ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi sila malihis sa tamang landas. Ano ang layunin ng gawain ng Banal na Espiritu ng pagbibigay-liwanag sa mga tao? Minsan, ang papel nito ay ang ituro ang daan; minsan, nagsisilbi itong paalala, para magkaroon ka ng kaunting katwiran; minsan, tinatanglawan ka nito at tinutulungan kang maunawaan ang katotohanan, at binibigyan ka ng landas para sa pagsasagawa. Kapag nalihis ka sa sarili mong landas, sinusuportahan ka Niya at tinutulungan ka na parang isang saklay, inaakay ka sa tamang landas at ginagabayan ka. Anuman ang liwanag at kaalamang ginagamit ng Banal na Espiritu para bigyang-liwanag ang mga tao, na puwedeng magpaiba-iba dahil sa mga personal na pinagmulan ng mga tao, hindi talaga ito sumasalungat o tumataliwas sa katotohanan. Kung magdaranas ang lahat sa paraang may tunay na paghahanap at pagdarasal, at tunay na pagpapasakop, nang patuloy na gumagawa ang Banal na Espiritu para bigyang-liwanag at gabayan sila, at kung matalas at pino ang kanilang pag-iisip, at nakapagsasagawa sila at nakapapasok sa mga bagay na binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, napakabilis na lalago ang kanilang tayog. Susunggaban na nila ang oportunidad. Ang isang katangian ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang pagiging napakabilis nito. Tapos ito sa isang iglap, hindi katulad ng gawain ng masasamang espiritu na palaging inuudyukan at pinipilit ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay nang sa gayon ay hindi sila makakilos sa anumang iba pang paraan. Kung minsan, gumagawa ang Banal na Espiritu sa pagbibigay sa mga tao ng isang pakiramdam kapag nasa bingit sila ng panganib, kaya hindi sila napapakali at sobra silang nababalisa. Nangyayari ito sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon. Karaniwan, sa tuwing lalapit ang mga tao sa Diyos, at hinahanap ang katotohanan, o kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng pakiramdam, o ng isang pinong kaisipan o ideya. O, maaari Siyang magparating sa iyo ng isang pahayag o mensahe. Para bang mayroong tinig, pero para din itong walang tinig; para itong isang paalala, at mauunawaan mo ang ibig sabihin nito. Kung magpapatuloy ka para tanggapin ang kahulugang iyong naunawaan at ipapahayag ito gamit ang mga angkop na salita, mayroon kang matatamo, at mapapabuti din nito ang iba. Kung palaging ganito ang nararanasan ng mga tao, unti-unti nilang mauunawaan ang maraming katotohanan. Kung palaging nasa tabi ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, at palaging may bagong liwanag na umaakay sa kanila, tiyak na kailanman ay hindi sila lilihis sa tunay na landas. Kahit na walang sinumang nagbabahagi sa iyo, at walang sinumang gumagabay sa iyo, at wala kang mga pagsasaayos ng gawain, kung maglalakad ka sa direksyong itinuturo ng Banal na Espiritu sa iyo, tiyak na hindi ka maliligaw. Nakita ni Pedro ang Panginoong Jesus matapos Siyang muling mabuhay at umakyat sa langit, pero iilang beses lang. Hindi niya nakikita ang Panginoong Jesus nang madalas, gaya ng iniisip ng mga tao, o nakikita ang Panginoon kung kailan niya naisin, ni nakikita ang Panginoon sa tuwing nagdarasal siya tungkol sa anumang bagay na hindi niya nauunawaan. Hindi ito ganito. Ganoon ba kadaling makita ang Diyos? Hindi agad-agad na nagpapakita ang Diyos sa mga tao. Kadalasan, ipinauunawa ng Diyos ang mga bagay-bagay kay Pedro sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. Bakit hindi ninyo magawa ang kaya ni Pedro? Ano ang pinatutunayan nito, pagkatapos maisaalang-alang ang lahat? Pinatutunayan nitong kulang ang inyong kakayahan, na wala kayong kapangyarihan ng pag-unawa, at na hindi ninyo kayang tukuyin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pag-iisip. Anuman ang inyong harapin, kailangan ay lagi ninyo itong isaalang-alang ayon sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Kung palaging namumuhay ang mga tao sa sarili nilang mga kaisipan at utak kapag may mga nangyayari sa kanila, at hinaharap nila ang mga bagay na iyon gamit ang mga pamamaraan ng tao, wala silang matatamo. Ano ang naisip ni Pedro nang may nangyari sa kanya? Isinaalang-alang at pinag-isipan niya ito ayon sa mga salita ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay natukoy niya ang mga layunin ng Diyos. At kalaunan, nang umakyat na ang Panginoong Jesus sa langit, bakit natutukoy pa rin ni Pedro ang mga layunin ng Diyos? Nagagawa pa rin niya iyon sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung hindi niya napakiramdaman ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi nagpakita sa kanya ang Panginoong Jesus pagkatapos ng muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Panginoon, paano niya magagawang unawain ang mga layunin ng Diyos? Hindi gumagawa ang Diyos na nasa katawang-tao gaya ng iniisip ng mga tao, na personal at walang humpay Niyang ginagabayan ang mga tao araw-araw para gawin silang perpekto. Hindi ito ganoon. Naroon ang gawain ng Banal na Espiritu sa pakikipagtulungan. Ang katuwang na gawain ng Espiritu ang gumagawa sa karamihan. Ang laman ang gumagawa ng gawain ng pamumuno, at kapag natapos na ang gawaing iyon, binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang mga tao para maunawaan nila ang natitirang maliliit na problema. Kung hindi ito masusunggaban ng mga tao at maliit na bahagi lang ang matatamo nila, hindi sila makapagtatamo ng karagdagang mga detalye—at kung hindi nila matatamo ang mga iyon, hindi sila magbabago, at hindi sila uunlad.
Hindi madali para doon sa mga hindi nakaranas ng gawain o kaliwanagan ng Banal na Espiritu na maunawaan ang mga bagay na iyon. Ang katunayan, may sistema ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Sa tuwing nababanggit ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, palaging mali ang nagiging pagkaunawa ng mga tao, iniisip nilang kailangan nilang magdusa nang matindi at magbayad ng malaking halaga bago nila matamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Dahil tamad ang mga tao at masyadong manhid ang kanilang mga puso, karaniwan ay hindi nila kailanman pinagtutuunan ang mga damdamin sa kanilang mga espiritu, at kapag may kaunting liwanag at kaliwanagan doon, ipinagwawalang-bahala nila ito. Kung buong araw kang nabubuhay sa iyong mga gampanin, pinanghahawakan ang mga salita at doktrina at mga patakaran, nabubuhay sa laman at sa romantikong pagmamahal, hindi ka mabibigyang-liwanag at magagabayan ng Banal na Espiritu. Imposible Niyang gawin ito. Kailangan mong mas magdasal, hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu, hanapin kung paano uunawain ang gawain ng Banal na Espiritu at huwag itong hayaang makalagpas. Magdasal ka sa Diyos: “O Diyos! Pakiusap, gumawa Ka sa akin, gawin Mo akong perpekto at baguhin Mo ako, pahintulutan Mo akong maunawaan ang Iyong mga layunin sa lahat ng bagay at magpasakop sa Iyong mga pagnanais. Ang dakila Mong pagmamahal at Iyong layunin ay nasa pagliligtas Mo sa akin. Bagaman mapaghimagsik at mapanlaban sa Iyo ang mga tao, bagaman may mapagkanulo silang kalikasan, nauunawaan ko na ngayon ang Iyong layunin sa pagliligtas sa mga tao, at nais kong makipagtulungan sa Iyo. Nawa ay bigyan Mo pa ako ng mas maraming sitwasyon, pagsubok, at paghihirap, na magbibigay-daan para makita ko ang Iyong kamay sa mga paghihirap na ito, at para makita ang Iyong mga gawa, nang sa gayon, maging isa akong tao na nakauunawa sa Iyong mga layunin at nakapagpapasakop sa mga ito. Huwag Mo akong hayaang maging imoral, bagkus ay maging isang tao na napakapraktikal.” Magdasal ka nang ganito, at gawin mo ito nang madalas; hilingin mong laging gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu at akayin ka Niya. Kapag nakikita ng Banal na Espiritu na tinatahak mo ang tamang landas at inaasikaso mo ang dapat mong asikasuhin, bibigyan ka muna Niya ng ilang sitwasyon para subukin ka at ng isang mabigat na pagsubok para makita kung mapagtatagumpayan mo ito. Maaaring hindi ito makakayanan ng ilan. Sasabihin nila, “O Diyos, sobra-sobra naman ang sitwasyong ito—hindi ko ito kayang tiisin!” Pagkatapos ay mabibigo sila sa bagay na ito. Kung pakiramdam mo ay talagang sobra-sobra ang sitwasyong ito para sa iyo, magdasal ka sa Diyos nang ganito: “O Diyos, sobra-sobra naman ang sitwasyong ibinigay Mo sa akin. Hindi ko ito kayang tiisin, pero handa akong magsikap. Pakiusap, tustusan Mo ako ayon sa aking tayog at pahintulutan Mo akong maunawaan ang Iyong mga layunin, matindi man o magaan ang pagdurusang pinagdaraanan ko, nang hindi Ka ipinagkakanulo o nagrereklamo sa Iyo. Idulot Mong ganap akong makapagpasakop, sa gayon ay makapagbigay-lugod ito sa Iyo. Matindi man o magaan ang pagdurusang pinagdaraanan ko, basta’t mga pagnanais Mo ito, handa akong magpasakop sa mga ito, nang walang anumang reklamo. Hindi ko gustong sumalungat sa Iyong mga pagnanais, at gaano man katindi ang maging pagdurusa, hangga’t kaya ko itong tiisin, hinihiling kong ibigay Mo ito sa akin.” Kailangan mong magdasal nang buong-tiwala at buong-tapang. Huwag kang tumakbo palayo o maduwag. Kapag nakikita ng Banal na Espiritu na tinatahak mo ang tamang landas, na labis mong ginagawa kung ano ang dapat mong gawin, na nais mo talagang nasa puso mo ang Diyos, at na hinahangad mo ang katotohanan, maaaring bigyan ka Niya ng mabigat na sitwasyon at matinding lakas para mapagtagumpayan mo ito—at sa gayon ay magtatagumpay ka. Ang mapagtagumpayan mo ang isang napakabigat na sitwasyon ay higit pang mataas kaysa sa pagkaunawa lang sa ilang salita at doktrina. Isa itong usapin ng pagpapatotoo.
Sa pang-araw-araw na buhay, nakatatagpo ang mga tao ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at kung wala sa kanila ang katotohanan at hindi nila pinagdarasal at hinahanap ito, mahihirapan silang iwaksi ang tukso. Halimbawa na lang, ang relasyon ng mga lalaki at babae. Hindi napaglalabanan ng ilang tao ang gayong mga tukso, at nadadapa sila sa sandaling maharap sila sa ganitong uri ng sitwasyon. Hindi ba’t ipinakikita nitong masyadong maliit ang kanilang tayog? Ganito kaawa-awa ang mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi talaga sila nagpapatotoo. Ang ilang tao ay nahuhulog sa tukso kapag nahaharap sa mga sitwasyong may kaugnayan sa pera. Kapag nakakikita sila ng ibang taong may pera, nagrereklamo sila, “Bakit ang dami-dami nilang pera at napakahirap ko? Hindi ito patas!” Nagrereklamo sila kapag nangyayari ito sa kanila, at hindi nila matanggap ito mula sa Diyos o makapagpasakop sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. May ilang tao rin na palaging nakatuon sa katayuan, at kapag naharap sa ganitong uri ng tukso, hindi nila ito napagtatagumpayan. Halimbawa, gusto silang kuhanin ng isang walang pananampalataya para sa isang opisyal na posisyon, binibigyan sila ng maraming pakinabang, at hindi sila makapanindigan. Iniisip nila, “Dapat ko ba itong tanggapin?” Nagdarasal at nag-iisip sila, at pagkatapos: “Oo—kailangan ko itong tanggapin!” Nakapagpasya na sila, at wala nang saysay ang kanilang paghahanap. Malinaw na napagpasyahan na nilang tanggapin ang opisyal na posisyong ito at matamo ang mga benepisyo nito, pero gusto rin nilang bumalik at sumampalataya sa Diyos, sa takot na mawala ang mga pagpapala ng pananampalataya sa Diyos. Kaya nagdarasal sila sa Kanya: “Pakiusap, subukin Mo ako, O Diyos.” Ano pang natitira para subukin sa iyo? Napagpasyahan mo nang tanggapin ang opisyal mong posisyon. Hindi ka nanindigan sa bagay na ito, at nahulog ka na. Kailangan mo pa rin bang masubok? Hindi ka karapat-dapat sa pagsubok ng Diyos. Sa pagkaliit-liit na tayog mo ba ay kakayanin mo ito? May ilan pa ngang kasuklam-suklam na taong nakikipagkompetensiya para sa anumang pakinabang na kanilang nakikita. Nasa tabi lang nila ang Banal na Espiritu, pinanonood sila para makita kung ano ang mga pananaw na kanilang ipinapahayag at kung ano ang saloobin nila at sinisimulan silang subukin. Iniisip ng ilang tao, “Hindi ko ito gusto, kahit pa kabutihan ito ng Diyos sa akin. Mayroon na akong sapat, at labis-labis ang kabutihang ipinakikita ng Diyos sa akin. Hindi mahalaga sa akin ang makakain nang sagana at makapagdamit nang maayos, ang mahalaga lang sa akin ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit sa Diyos. Ang katotohanang natanggap ko ay ibinigay sa akin ng Diyos para sa wala. Hindi ako karapat-dapat sa mga bagay na ito.” Sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang kanilang mga puso at lalo pa silang binibigyang-liwanag, nagbibigay-daan sa kanilang mas makaunawa, at lalong mapasigla, at ginagawang mas malinaw sa kanila ang katotohanan. Gayumpaman, ang mga kasuklam-suklam na taong iyon ay may nakikitang ipinamimigay na benepisyo at naiisip na, “Makikipaglaban ako para dito bago pa ito magawa ng sinuman. Kung ibibigay nila ito sa iba at hindi sa akin, pagagalitan ko sila nang matindi at pahihirapan sila. Ipakikita ko sa kanila kung ano ang kaya ko, at pagkatapos ay makikita natin kung kanino nila ito ibibigay sa susunod!” Nakikita ng Banal na Espiritu na ganitong uri sila at ibinubunyag sila. Nalalantad ang kapangitan nila, at ang ganitong uri ng tao ay dapat maparusahan. Kahit gaano katagal na silang sumasampalataya, wala itong magagawa para sa kanila. Wala silang matatamo! Sa maraming pagkakataon, kapag nagpapakita ang Banal na Espiritu ng kabutihan sa mga tao, natatamo nila ito kung kailan hindi nila ito inaasahan. Kung hindi ka pinakikitaan ng Diyos ng kabutihan, mangyayari din ang iyong kaparusahan kung kailan hindi mo ito inaasahan. Ganito kapanganib ang mga bagay-bagay para doon sa mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan.
Kapag walang kabatiran ang mga tao sa mga bagay na nangyayari sa kanila at hindi nila alam ang angkop na bagay na gagawin, ano ang una nilang dapat gawin? Dapat muna silang magdasal; nauuna ang pagdarasal. Ano ang ipinapakita ng pagdarasal? Na ikaw ay masigasig, na mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso, at na alam mo kung paano hanapin ang Diyos, pinapatunayan na inuuna mo ang Diyos. Kapag nasa puso mo ang Diyos at may lugar Siya roon, at kapag nakakapagpasakop ka sa Diyos, isa ka nang masigasig na Kristiyano. Maraming matatandang mananampalatayang lumuluhod sa pagdarasal sa parehong oras at lugar araw-araw. Lumuluhod sila nang isa o dalawang oras sa bawat pagkakataon, pero kahit gaano karaming taon na silang lumuluhod nang ganito, hindi nito nalulutas ang marami sa mga problema nila sa kasalanan. Isantabi muna natin kung kapaki-pakinabang ba ang ganoong relihiyosong pagdarasal o hindi. Kahit papaano ay medyo masigasig ang matatandang kapatid na ito. Mas mabuti pa sila kaysa sa mga kabataan sa puntong ito. Kung gusto mong mabuhay sa harapan ng Diyos at maranasan ang gawain ng Diyos, ang una mong dapat gawin kapag may nangyayari sa iyo ay ang magdasal. Ang pagdarasal ay hindi lang isang usapin ng wala sa isip na pagbigkas ng mga kabisadong kataga, at wala nang iba; wala kang mararating nang ganito. Kailangan mong magsanay sa pagdarasal nang gamit ang iyong puso. Maaaring nagdarasal ka nang ganito walo o sampung beses nang walang masyadong nakukuhang resulta, pero huwag kang panghinaan ng loob: Dapat kang magpatuloy sa pagsasanay. Magdasal ka muna kapag may nangyayari sa iyo. Magsabi ka muna sa Diyos at ipaubaya mo ito sa Kanya. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos, hayaan mong gabayan ka Niya at ipakita Niya sa iyo ang daan. Patutunayan nito na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso at na inuuna mo ang Diyos. Kapag may nangyayari sa iyo o nahaharap ka sa ilang paghihirap at nagiging negatibo at nagagalit ka, isa itong pagpapamalas na wala ang Diyos sa iyong puso at wala kang takot sa Diyos. Anumang paghihirap ang hinaharap mo sa tunay na buhay, dapat kang humarap sa Diyos. Ang una mong dapat gawin ay lumuhod sa pagdarasal. Ito ang pinakamahalaga. Ipinapakita ng pagdarasal na may puwang ang Diyos sa puso mo. Kapag may problema ka, ipinapakita ng pagtingala sa Diyos at pagdarasal sa Kanya at paghahanap mula sa Kanya na mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso; hindi mo ito gagawin kung wala sa puso mo ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdasal na ako, pero hindi pa rin ako binigyang-liwanag ng Diyos!” Hindi ganoon ang pagtingin dito. Dapat mo munang tingnan kung tama ang layunin sa likod ng panalangin mo. Kung taimtim mong hinahanap ang katotohanan at madalas kang nagdarasal sa Diyos, malamang na magkakaroon ng partikular na bagay kung saan bibigyang-liwanag ka ng Diyos at bibigyang-daan kang makaunawa. Anu’t ano man, ipauunawa ito sa iyo ng Diyos. Kung hindi ka bibigyang-liwanag ng Diyos, hindi mo magagawang maunawaan ito nang ikaw lang. May ilang bagay na hindi maaabot ng kaisipan ng tao, may kapangyarihan ka man ng pang-unawa o wala at anuman ang iyong kakayahan. Kapag naunawaan mo na, galing ba iyon sa pag-iisip mo? Sa mga layunin ng Diyos at sa gawain ng Espiritu, kung hindi ka bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, hindi ka makakahanap ng sinumang nakakaalam. Malalaman mo lang ito kapag ang Diyos Mismo ang magsasabi sa iyo kung ano ang ibig Niyang sabihin. Kaya, ang unang bagay na dapat mong gawin kapag may nangyayari sa iyo ay ang magdasal. Kapag nagdarasal ka, dapat mong ipahayag sa Diyos ang mga iniisip, pananaw, at saloobin mo, at hanapin mo ang katotohanan mula sa Kanya, nang may mentalidad ng pagpapasakop; ito ang dapat isagawa ng mga tao. Hindi ka magkakamit ng anumang resulta kung wala sa loob ang ginagawa mo, at kung ganoon ay hindi ka dapat magreklamo na hindi ka binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Nakakita na Ako ng ilang tao na nakikibahagi lang sa mga relihiyosong seremonya at gumagawa ng mga relihiyosong aktibidad sa pananampalataya nila sa Diyos. Wala talagang puwang sa mga puso nila para sa Kanya; itinatatwa pa nga nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi sila nagdarasal o nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Patuloy lang silang pumupunta sa pagtitipon at wala nang iba. Pananalig ba ito sa Diyos? Ipinagpapatuloy nila ang pananampalataya nila gaya ng dati, subalit walang Diyos sa pananampalataya nila. Wala ang Diyos sa mga puso nila, ayaw na nilang magdasal sa Diyos, at ayaw na nilang magbasa ng mga salita ng Diyos. Kung ganoon ay hindi ba’t naging mga walang pananampalataya na sila? May ilang partikular na lider at manggagawa na madalas na nag-aasikaso ng mga pangkalahatang aktibidad. Hindi sila kailanman tumutuon sa buhay pagpasok sa halip ay itinuturing nilang pangunahing trabaho ang gawain ng pangkalahatang aktibidad. Naging mga tagapangasiwa na lang sila ng gawain at wala silang ni isang ginagawa sa mahahalagang gawain ng mga lider at manggagawa. Dahil dito, pagkatapos sumampalataya sa Diyos nang dalawampu o tatlumpung taon, wala silang nasasabi tungkol sa karanasan nila sa buhay at wala silang tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya lang nilang magsabi ng ilang salita at doktrina. Sa ganoon ay hindi ba’t naging mga huwad na lider na sila? Ito ay dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, hindi nila inaasikaso ang mga tamang tungkulin nila o hinahangad ang katotohanan. Walang anumang malulutas ang pagdepende lang sa pagkaunawa ng isang tao sa ilang salita at doktrina. Nagrereklamo sila sa Diyos sa sandaling masubok sila, masalanta ng sakuna, o magkasakit. Wala silang anumang tunay na pagkilala sa kanilang sarili, at wala talaga silang patotoong batay sa karanasan. Ipinapakita nito na hindi nila hinangad ang katotohanan sa mga taon na sumampalataya sila sa Diyos, na nagpapakaabala lang sila sa mga panlabas na bagay, at dahil dito ay ipinahamak nila ang kanilang sarili. Kahit ilang taon pang sumampalataya ang mga tao sa Diyos, kahit papaano ay dapat silang makaunawa ng ilang katotohanan para masiguro nilang hindi sila madarapa, gagawa ng masama, o matitiwalag. Kahit papaano ay dapat silang masangkapan nang ganito. Ang ilang tao ay walang interes kapag nakikinig sa mga sermon at hindi nila pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit ano pa ang nangyayari sa kanila. Kontento na sila sa pag-unawa lang sa mga salita at doktrina, ipinagpapalagay na nakamit na nila ang katotohanan. Pagkatapos, kapag dumarating ang isang pagsubok, wala talaga silang kaalaman, at puno ang puso nila ng mga hinaing at reklamo na hindi nila pinangangahasang sabihin nang malakas, kahit na gusto nila. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang ganoong mga tao? Maraming tao na palaging pabasta-basta sa paggampan sa kanilang tungkulin. Hindi nila pinagninilayan o sinusubukang maunawaan ang kanilang sarili kapag pinupungusan sila. Palagi silang nangangatwiran, kung kaya’t lumilitaw ang kapangitan nila sa maraming iba’t ibang paraan, at nabubunyag at natitiwalag sila, walang kakayahang kilalanin ang sarili nila hanggang sa huli. Kung ganoon ay ano ang punto ng pag-unawa sa mga doktrinang iyon? Talagang walang punto. Kahit ilang taon pang sumampalataya ang mga tao sa Diyos, walang saysay ang pag-unawa at kakayahan lang na magsalita ng mga doktrina. Hindi nila nakamit ang katotohanan kundi naligaw sila. Kung ganoon, kapag may nangyayari sa iyo at nagdarasal ka sa Diyos, hinahanap ang Kanyang mga layunin, ang susi ay ang maunawaan mo ang katotohanan para malutas ang problema. Ito ang tamang landas, at dapat ay palagi kang magpursige sa ganoong pagsasagawa.
1997