Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 9)
Tungkol kina Noe, Abraham at Job, na nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya, ano ang mga katangian ng kanilang pagkatao? Anong mga katangian ng normal na pagkatao ang mayroon sila na naging dahilan para maging katanggap-tanggap sila sa Diyos? (Sila ay lalong higit na nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran.) Iyon ay ganap na tama. Nabuhay si Job nang napakatagal nang hindi siya kailanman personal na kinakausap ng Diyos at hindi personal na nagpapakita sa kanya ang Diyos, ngunit naiintindihan at nararamdaman ni Job ang lahat ng ginawa ng Diyos. Sa huli, nagbigay siya ng buod tungkol sa kanyang kaalaman sa Diyos: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay: “Si Jehova ay Diyos, Siya ang Lumikha, Siya ang aking Diyos, at kapag Siya ay nagsasalita, kahit na kalahati lamang ng Kanyang sinasabi ang nauunawaan ko, dapat ko itong pakinggan at ganap na sundin.” Naging katanggap-tanggap lamang si Job sa Diyos nang ang kaalaman ni Job tungkol sa Kanya ay umabot na sa antas na ito. Si Job ay nagkaroon ng ganitong mga karanasan at pagkaunawa, at kaya rin niyang tanggapin ang mga pagsubok na ibinigay ng Diyos sa kanya at magpasakop sa mga ito. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nakamit sa batayan ng pagkakaroon niya ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi mahalaga kung nakita niya ang Diyos, kung anuman ang ginawa ng Diyos sa kanya, at kung sinubok siya ng Diyos o kaya ay nagpakita sa kanya, palagi siyang naniniwala: “Si Jehova ang aking Diyos, at dapat akong sumunod sa itinuturo ng Diyos at sa kinalulugdan ng Diyos, naiintindihan ko man ito o hindi; dapat kong sundin ang Kanyang pamamaraan, at dapat akong makinig at magpasakop sa Kanya.” Nakatala sa Aklat ni Job na ang mga anak ni Job ay madalas na magkaroon ng mga piging, at si Job ay hindi kailanman makikibahagi sa kanila, na sa halip ay mananalangin at mag-aalay siya ng mga handog na sinusunog para sa kanila. Ang katotohanan na madalas itong gawin ni Job ay nagpapatunay na alam niya sa kanyang puso na kinasusuklaman ng Diyos ang pagpapakasasa ng tao sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at ang palagiang pagdaraos ng sangkatauhan ng mga piging. Naunawaan ni Job sa kanyang puso na ito ang katotohanan, at kahit na hindi niya direktang narinig na sinabi ito ng Diyos, alam niya sa kanyang puso na ito ang ibig sabihin ng Diyos. Dahil alam ni Job kung ano ang ibig sabihin ng Diyos, nagawa niyang makinig at magpasakop sa Kanya, pinanghawakan niya ito sa lahat ng oras, at hindi siya kailanman nakibahagi sa pagkain, pag-inom, at pagpipista. Naunawaan ba ni Job ang katotohanan? Hindi. Nagawa niya ito dahil mayroon siyang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Bukod sa konsiyensiya at katwiran, ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon niya ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Kinilala niya mula sa kaibuturan ng kanyang puso na ang Diyos ang Lumikha, at ang sinasabi ng Lumikha ay ang kalooban ng Diyos. Sa mga kasalukuyang termino, ito ang katotohanan, ito ang pinakamataas na panuntunan, at ito ang dapat sundin ng tao. Maunawaan man ng tao ang ibig sabihin ng Diyos o hindi, o maunawaan man nila ang ilan sa mga sinabi ng Diyos, dapat itong tanggapin at sundin ng tao. Ito talaga ang katwiran na dapat ay taglay ng tao. Kapag taglay ng tao ang ganitong katwiran, mas madali para sa tao na manatili sa salita ng Diyos, isagawa ang Kanyang salita, at magpasakop sa Kanyang salita. Sa paggawa nito, walang magiging mga paghihirap, walang pagdurusa, at tiyak na walang anumang uri ng mga hadlang. Naunawaan ba ni Job ang malaking bahagi ng katotohanan? Kilala ba niya ang Diyos? May kaalaman ba siya sa mga pag-aari ng Diyos at sa Kanyang pagiging Diyos o sa Kanyang disposisyong diwa? Kung ikukumpara sa mga tao ngayon, hindi niya Siya kilala, at napakakaunti ng naintindihan niya. Gayunpaman, ang taglay ni Job ay ang katangiang isagawa ang lahat ng naunawaan niya. Matapos maunawaan ang isang bagay, siya ay magiging masunurin at matatag. Ito ang pinakamarangal na aspeto ng kanyang pagkatao, at ito din ang pinakaminamaliit ng mga tao. Iniisip ng mga tao, “Hindi ba’t umiwas lang naman si Job sa pagpipiging? Hindi ba’t palagi lang siyang nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa harap ng Diyos? Sa mga termino ngayon, hindi ba’t umiwas lang siya sa pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman?” Ito ay isang mababaw na bagay lamang, ngunit kapag tiningnan mo ang personal na disposisyong diwa at pagkatao ni Job sa likod ng mga kilos na ito, mauunawaan mo na hindi ito isang simpleng bagay, at hindi rin ito madaling makamit. Kung ang isang normal na tao ay iiwas sa pagpipiging upang makatipid, madali lang itong maisasakatuparan. Ngunit si Job ay mayaman noong panahong iyon. Sinong mayaman ang pipiliing hindi magkaroon ng mga piging? Kung gayon, bakit nagawa ni Job na umiwas sa pagpipiging? (Alam niyang kinasusuklaman ito ng Diyos. Nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.) Tunay nga. Sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, ano ang partikular na isinagawa ni Job? Alam niya na ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos ay pawang masama, kaya’t sinunod niya ang salita ng Diyos, at hindi siya gagawa ng anumang kinasusuklaman ng Diyos. Hindi niya gagawin ang mga bagay na ito, anuman ang sabihin ng iba. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bakit nagawa ni Job na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? Paano niya nagawang hindi gawin ang mga masasamang bagay na ito? Mayroon siyang pusong may takot sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos? Nangangahulugan ito na ang kanyang puso ay takot sa Diyos, kayang dakilain ang Diyos, at na may lugar sa kanyang puso para sa Diyos. Hindi siya takot na makikita ito ng Diyos, o na magagalit ang Diyos. Sa halip, sa kanyang puso ay dinakila niya ang Diyos, na handa niyang palugurin ang Diyos, at handa niyang panghawakan ang mga salita ng Diyos. Kaya nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Masasabi na ng lahat ngayon ang katagang “natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” ngunit hindi nila alam kung paano ito nagawa ni Job. Sa katunayan, itinuring ni Job ang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” bilang pinakapangunahin at mahalagang bagay sa paniniwala sa Diyos. Samakatuwid, nagawa niyang panghawakan ang mga salitang ito, na para bang pinanghahawakan niya ang isang utos. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos dahil dinakila niya ang Diyos. Hindi man maging kapansin-pansin ang mga salita ng Diyos sa mga mata ng tao, kahit na mga ordinaryong salita lamang ang mga ito, sa puso ni Job, ang mga salitang ito ay mula sa kataas-taasang Diyos; ang mga ito ang pinakadakila, pinakamahalagang mga salita. Kahit na hinahamak ng mga tao ang mga salitang ito, hangga’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat itong sundin ng mga tao—kahit pa sila ay kinukutya o sinisiraan dahil dito. Kahit makaranas sila ng paghihirap o sila ay inuusig, dapat nilang matatag na panghawakan ang Kanyang mga salita hanggang sa huli; hindi nila maaaring isuko ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Dapat mong matatag na panghawakan ang bawat salitang iniaatas ng Diyos sa tao. Tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos, o sa mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ayos lang kung hindi mo alam ang tungkol sa mga ito, ngunit kung alam mo ang tungkol sa mga ito, kung gayon ay dapat na magagawa mong lubos na iwasang gawin ang mga bagay na iyon. Dapat ay kaya mong magpakatatag, kahit na iwanan ka ng iyong pamilya, kutyain ng mga hindi naniniwala, o insultuhin at pagtawanan ng mga malapit sa iyo. Bakit kailangan mong magpakatatag? Ano ang iyong panimulang punto? Ano ang iyong mga prinsipyo? Ito ay, “Dapat kong matatag na panghawakan ang mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang kalooban. Magiging matatag ako sa paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos, at magiging determinado akong iwanan ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kung hindi ko alam ang kalooban ng Diyos, ayos lang, ngunit kung alam ko at nauunawaan ko ang Kanyang kalooban, kung gayon ay magiging determinado akong makinig at magpasakop sa Kanyang mga salita. Walang makakahadlang sa akin, at hindi ako matitinag kahit pa magwakas na ang mundo.” Ito ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ang paunang kondisyon para makaiwas ang mga tao sa kasamaan ay ang pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos. Paano nabubuo ang isang pusong may takot sa Diyos? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos? Ito ay kapag alam ng isang tao na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang kanyang puso ay may takot sa Diyos. Bilang resulta, nagagamit niya ang mga salita ng Diyos kapag sinusuri ang anumang sitwasyon, at ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pamantayan at batayan. Ito ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso, upang ang puso mo ay manahan sa Diyos, ang hindi kaligtaan ang iyong sarili sa mga bagay na iyong ginagawa, at ang hindi subukang gawin ang mga bagay sa iyong sarili, kundi sa halip ay hayaan ang Diyos na mamahala. Sa lahat ng bagay, iniisip mo, “Naniniwala ako sa Diyos at sumusunod ako sa Diyos. Ako ay isa lamang munting nilalang na pinili ng Diyos. Dapat kong bitiwan ang mga pananaw, rekomendasyon, at desisyon na nagmumula sa sarili kong kalooban, at hayaan ang Diyos na maging Amo ko. Ang Diyos ang aking Panginoon, ang aking bato, at ang maliwanag na ilaw na gumagabay sa aking daan sa lahat ng aking ginagawa. Dapat kong gawin ang mga bagay ayon sa Kanyang mga salita at kalooban, hindi ang unahin ang aking sarili.” Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso. Kapag gusto mong gawin ang isang bagay, huwag kang kumilos nang biglaan o padalus-dalos. Isipin mo muna kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kung masusuklam ang Diyos sa iyong mga kilos, at kung ang iyong mga kilos ay naaayon sa Kanyang kalooban. Sa iyong puso, tanungin mo muna ang iyong sarili, mag-isip ka, at magnilay-nilay; huwag kang padalus-dalos. Ang pagiging padalus-dalos ay pagiging mapusok, at ang maudyukan ng init ng ulo at ng kalooban ng tao. Kung ikaw ay palaging padalus-dalos at mapusok, ipinapakita nito na ang Diyos ay wala sa iyong puso. Kaya kapag sinasabi mong dinadakila mo ang Diyos, hindi ba’t walang saysay ang mga salitang ito? Nasaan ang iyong realidad? Wala kang realidad, at hindi mo kayang dakilain ang Diyos. Kumikilos ka na gaya ng panginoon ng asyenda sa lahat ng bagay, ginagawa kung ano ang maibigan mo sa bawat pagkakataon. Sa ganitong kaso, kung sasabihin mo na mayroon kang isang pusong may takot sa Diyos, hindi ba ito kahangalan? Niloloko mo ang mga tao sa mga salitang ito. Kung ang isang tao ay may pusong may takot sa Diyos, paano ito aktuwal na naipamamalas? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ang kongkretong pagpapakita ng pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos ng lugar sa kanyang puso—ang pangunahing lugar. Sa kanyang puso pinahihintulutan niya ang Diyos na maging kanyang Amo at humawak ng awtoridad. Kapag may nangyayari, mayroon siyang pusong nagpapasakop sa Diyos. Hindi siya padalus-dalos, ni mapusok, at hindi siya kumikilos nang marahas; sa halip, nagagawa niyang harapin ito nang mahinahon, at payapain ang kanyang sarili sa harap ng Diyos upang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ginagawa mo ang mga bagay ayon sa salita ng Diyos o ayon sa sarili mong kalooban, at kung pinahihintulutan mong masunod ang iyong sariling kalooban o ang salita ng Diyos, ay nakadepende sa kung ang Diyos ay nasa iyong puso. Sinasabi mong nasa iyong puso ang Diyos, ngunit kapag may nangyayari, nagbubulag-bulagan ka, hinahayaan mong ang sarili mo ang masunod, at isinasantabi mo ang Diyos. Ito ba ang pagpapamalas ng isang pusong may Diyos? May ilang tao na nagagawang manalangin sa Diyos kapag may nangyayari, ngunit pagkatapos manalangin, patuloy nilang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay, at iniisip, “Sa tingin ko ito ang dapat kong gawin. Sa tingin ko iyon ang dapat kong gawin.” Palagi mong sinusunod ang iyong sariling kalooban, at hindi ka nakikinig sa sinuman kahit paano pa sila nakikipagbahaginan sa iyo. Hindi ba ito ang pagpapamalas ng kawalan ng pusong may takot sa Diyos? Dahil hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kapag sinabi mong dinadakila mo ang Diyos, at ikaw ay may pusong may takot sa Diyos, ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan. Ang mga taong ang puso ay walang Diyos, at hindi kayang dakilain ang Diyos, ay mga taong walang pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong hindi kayang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ay pawang mga taong walang konsiyensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay tunay na may konsiyensiya at katwiran, kapag may nangyari, likas nilang magagawang hanapin ang katotohanan. Dapat muna nilang isipin, “Naniniwala ako sa Diyos. Naparito ako upang hanapin ang kaligtasan ng Diyos. Dahil ako ay may tiwaling disposisyon, palagi kong itinuturing ang aking sarili bilang ang tanging awtoridad sa anumang ginagawa ko; Lagi akong sumasalungat sa kalooban ng Diyos. Dapat akong magsisi. Hindi ako maaaring magpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kailangan kong matutunan kung paano maging mapagpasakop sa Diyos. Kailangan kong hanapin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang mga kaisipan at adhikain na nagmumula sa katwiran ng isang normal na pagkatao. Ito ang mga prinsipyo at saloobin kung paano mo dapat gawin ang mga bagay. Kapag taglay mo ang katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay taglay mo ang saloobing ito; kapag hindi mo taglay ang katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay hindi mo taglay ang ganitong saloobin. Kaya naman ang pagkakaroon ng katwiran ng normal na pagkatao ay kinakailangan at labis na mahalaga. Ito ay direktang nauugnay sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.