Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 7)

Gumagawa ng malaking pagkakamali ang ilang taong nangangaral ng ebanghelyo, nagpapalaganap at nagbibigay ng patotoo sa gawain ng Diyos—tinatanggal nila bilang tugon ang mga salita ng Diyos na pinakamalamang ay makabubuo ng kuru-kuro sa mga relihiyosong tao, na nagbibigay sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ng pinaigsi at pinasimpleng bersyon ng mga salita ng Diyos. Katwiran nila, ginagawa nila ito upang mapigilan ang mga taong bumuo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, ngunit tama ba ito? Katotohanan ang lahat ng salita ng Diyos. Magkaroon man ng mga kuru-kuro ang mga tao at tanggapin o mahalin man nila ang mga salitang ito, ang katotohanan ay katotohanan; ang mga tatanggap dito ang siyang maliligtas, habang mapapahamak naman ang mga hindi tatanggap. Sinumang tumanggi sa katotohanan ay karapat-dapat mamatay at mawasak. Ano ang kinalaman nito sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Dapat hayaan ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao na basahin ang mga orihinal na salita ng Diyos sa halip na paigsiin ang mga ito dahil sa takot na baka magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao. Kapag sinisiyasat ng mga tao ang tunay na daan, gusto nilang malaman kung paano sinabi ang mga orihinal na salita ng Diyos, kung anong uri ng nilalaman ang nakapaloob sa mga ito, at kung ano ang mga pinakaorihinal na pahayag ng Diyos patungkol sa ilang partikular na mga bagay. Gustong malaman ng mga tao: “Sinasabi ninyong ang Diyos ang Lumikha, kung ganoon, ano ang mga salitang ipinapahayag Niya? Ano ang estilo Niya ng pagpapahayag?” Pinipilit ninyong baguhin ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, tulad ng kapag ipinapaliwanag ng mga relihiyosong tao ang Bibliya, ang lahat ng sinasabi nila ay alinsunod sa mga kuru-kuro ng tao; pinipilit ninyong ipakita sa mga tao ang isang bersyon ng mga salita ng Diyos na binago na at hindi ninyo sila hinahayaang makita ang Kanyang mga salita sa orihinal na anyo ng mga ito. Tungkol saan ba ang lahat ng ito? May mga kuru-kuro din ba kayo tungkol sa mga salitang ito ng Diyos? Gaya ng mga relihiyosong tao, naniniwala ba kayong hindi katotohanan ang mga salita Niyang hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na ang katotohanan ay tanging ang mga salitang akma sa mga kuru-kuro ng tao? Kung gayon, pagkakamali iyon ng tao. Paano man ipahayag ang mga salita ng Diyos at naaayon man ang mga ito sa mga kuru-kuro ng tao o hindi, ang mga ito ay katotohanan. Nakabubuo lamang ang mga tiwaling tao ng mga kuru-kuro patungkol sa mga salita ng Diyos dahil hindi nila taglay at hindi nila alam ang katotohanan—ito ang kahangalan at kamangmangan ng tao. Nabigo kayong makita nang malinaw na higit na praktikal at kongkreto ang mga salita ng Diyos para sa isang partikular na epekto, at mas lalo pa ngang hindi ninyo alam kung gaano kababa ang kakayahan ng tao, at kung gaano kahirap para sa mga tao ang maunawaan ang mga salita ng Diyos kung masyado itong maigsi at teoretikal. Alalahanin ninyo na noong nagpakita ang Panginoong Jesus upang gumawa ng gawain, maraming disipulo ang hindi makaunawa sa Kanyang mga salita at kinailangan nilang hilingin na magbigay Siya ng mga halimbawa at magsabi ng mga talinghaga upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Hindi ba’t tama iyon? Ngayon, kapag nagsalita Ako nang may masyadong maraming detalye at partikularidad, nagrereklamo kayo na masyado itong mahaba. Kapag nagsasalita Ako nang malalim, hindi ninyo nauunawaan, ngunit kapag ginagawa Ko itong pangkalahatan at teorya, tinatanggap ninyo ito bilang doktrina. Mahirap intindihin ang mga tao sa ganitong paraan. Sa mga salita ng Diyos, mayroon nang banal na wika pati na rin wikang pantao, taglay ang pagiging simple at pagiging partikular, at may napakaraming halimbawang naglalantad ng iba’t ibang kalagayan ng mga tao. May ilang salitang tila masyadong detalyado para sa mga nakauunawa na ng katotohanan, ngunit tama lang para sa mga bagong mananampalataya, at mahirap makakita ng resulta kung hindi ganito ang antas ng detalye at partikularidad. Para lang itong mga magulang na nagpapalaki ng mga anak; kapag bata pa ang mga anak, maraming detalyadong mga bagay ang kailangang gawin ng mga magulang, ngunit pwede na nila itong ihinto kapag nasa tamang katinuan na ang mga bata at kaya na nilang alagaan ang kanilang mga sarili. Nauunawaan ito ng mga tao, kaya bakit hindi nila maunawaan ang patungkol sa gawain ng Diyos? Dapat mabasa ng mga bagong mananampalataya ang mga salitang mas mabababaw at suportado ng mga halimbawa, mga salitang mas detalyado at metikuloso. Iyon namang mga ilang taon nang nananampalataya sa Diyos at nakakaunawa na ng ilang katotohanan ay dapat magbasa ng mga salitang mas malalalim na naiintindihan nila. Paano man nangungusap ang Diyos, naglalayon ang lahat ng ito na bigyang-daan ang mga tao upang maunawaan ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at makapasok sa katotohanang realidad. Nangungusap Siya upang makamit ang ganitong mga resulta. Malalim man o mababaw ang Kanyang mga salita, naaarok man ito ng mga tao o hindi, hindi madaling maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Huwag kang magkakamaling isipin na dahil lamang may mahusay kang kakayahan at nakauunawa ng malalalim na katotohanan ay taglay mo na ang mga mabababaw na katotohanan at taglay ang realidad. Ganoon ba iyon? Kahit ang katotohanan lamang tungkol sa pagiging isang tapat na tao ay sapat na para sa buong buhay na karanasan. Gaano man kababaw ang mga salita ng Diyos, gaano man karaming halimbawa ang ibinibigay Niya, maaari kang hindi makapasok sa realidad kahit na pagkatapos ng sampu o walong taon ng karanasan. Dahil dito, kapag nakahaharap ang mga salita ng Diyos, mali na tingnan ang lalim ng mga ito. Hindi tama ang pananaw na ito. Pinakamainam para sa isang tao na lubos na bigyang-pansin ang realidad; hindi dahil lamang may kakayahan kang makaintindi at kaya mong maunawaan ang katotohanan ay tinataglay mo na ang realidad. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, kahit na ang pinakamahusay na pagkaintindi ay magiging mga walang katuturang doktrina para sa iyo. Dapat mong isagawa ang katotohanan, may karanasan at kaalaman ka dapat—sa ganitong paraan lamang magiging praktikal ang pagkaintindi mo. Ang sinumang nagrereklamo na masyadong detalyado o mababaw ang mga salita ng Diyos ay mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba at hindi nagtataglay ng anumang katotohanang realidad. Kaya bang maarok ng tao ang karunungan sa mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga kaisipan? Maraming tao ang masyadong mayabang at ignorante sa kanilang saloobin hinggil sa mga salita ng Diyos, kumikilos na parang malaki ang taglay nilang katotohanang realidad, ngunit ang totoo ay hindi nila isinasagawa ang katotohanan at hindi nila kayang magpahayag ng anumang tunay na patotoo. Kaya lamang nilang magpahayag ng mga walang kabuluhang salita ng teorya; mga teoriko sila at manloloko. Paano dapat basahin ng mga tunay na naghahangad ng katotohanan ang mga salita ng Diyos? Dapat nilang hangarin ang katotohanan. Maraming bagay ang saklaw at bahagi ng paghahangad ng katotohanan, kaya pwede ba itong pag-usapan nang walang detalye? May makakamit bang resulta kung hindi partikular at kumpleto ang paraan ng pagpapahayag? Tunay bang makauunawa ang mga tao kung walang suporta ng maraming halimbawa? Iniisip ng maraming tao na masyadong mababaw ang ilan sa mga salita ng Diyos—kung ganoon, gaano karami na sa mga mabababaw na salitang ito ang napasok mo? Anong patotoong batay sa karanasan ang maibabahagi mo? Kung hindi ka pa nga nakakapasok sa mabababaw na salitang ito, maiintindihan mo ba ang malalalim? Mauunawaan mo ba talaga ang mga ito? Huwag mong ituring na matalino ang iyong sarili, huwag kang mayabang at mapagmagaling!

Bumalik tayo sa usapin ng pakikialam sa mga salita ng Diyos. Inilathala na ng sambahayan ng Diyos ang batayang bersyon ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at walang sinumang pinapayagang gumawa ng mga pinakabahagyang pagbabago. Walang batayang bersyon ng mga salita ng Diyos ang maaaring baguhin ng sinuman, at kung may sinumang magbabago ng mga ito, ituturing itong pakikialam sa Kanyang mga salita. Ang mga taong pinakikialaman ang Kanyang mga salita ay wala ni katiting na pagkaunawa sa pag-aasam ng lahat ng nananabik sa katotohanan at umaasang mabasa ang mga salita ng Diyos. Gustong mabasa ng mga taong ito ang tama at batayang bersyon ng Kanyang mga salita, na siyang mga orihinal na salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng orihinal Niyang ibig sabihin at hangarin. Ganito lahat ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang orihinal na hangarin, layunin, at ibig sabihin ng pagsasagawa ng lahat ng gawaing ito at pagpapahayag ng lahat ng salitang ito, ni kung bakit Siya nagsasalita nang ganoon kadetalyado. Hindi nauunawaan ng mga tao, ngunit nag-aanalisa at nagbubuod sila sa kanilang mga isipan, at nauuwi ito sa pakikialam nila sa mga orihinal na salita ng Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kurong pantao. Dahil dito, kapag nabasa na ng iba ang mga salita ng Diyos na napakialaman na, mahirap para sa kanilang maunawaan ang orihinal Niyang ibig sabihin. Hindi ba nito naiimpluwensiyahan ang pagkaunawa nila sa katotohanan at sa pagpasok nila sa buhay? Ano ang problema rito? Ang mga tao na binabago ang mga salita ng Diyos ay hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang pamamaraan nila ay gaya ng sa isang taong hindi mananampalataya; sa sandaling kumilos sila, inilalantad ng kanilang satanikong disposisyon ang sarili nito. Lagi silang may ilang opinyon at ideya tungkol sa ginawa at sinabi ng Diyos, at lagi nilang gustong pangasiwaan at iproseso ang mga bagay na ito, gamitin ang maiitim at maladiyablo nilang kuko at baguhin ang mga salita ng Diyos at gawing sarili nilang mga kasabihan. Ito ang likas na katangian ni Satanas—kayabangan. Kapag nagpahayag ang Diyos ng ilang totoong salita, ilang pang-araw-araw na pananalitang malapit sa sangkatauhan, hinahamak at minamaliit ang mga ito ng mga tao, wala silang pakundangan sa mga ito. Lagi nilang gustong gamitin ang kaalaman at imahinasyon ng tao upang gumawa ng ilang pagbabago at palitan ang estilo. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Oo.) Hindi dapat ninyo ito ginagawa sa anumang paraan. Dapat kayong kumilos nang naaayon sa inyong tungkulin. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos, at paano man Siya nangungusap, dapat nilang panatilihin ang orihinal na anyo ng mga ito at huwag baguhin. Ang mga live na sermon lamang ang maaaring bahagyang organisahing muli, basta’t bahagyang pagpapabuti lang ito at hindi nito nababago ang orihinal na kahulugan. Ang orihinal na kahulugan ay talagang hindi dapat mabago. Kung hindi mo taglay ang katotohanan, huwag mo itong baguhin; ang sinumang babago nito ay kailangang managot. Nagtatalaga ang sambahayan ng Diyos ng ilang tao na mag-oorganisa ng mga sermon at pagbabahaginan, ngunit dapat nilang organisahin ang mga ito alinsunod sa mga prinsipyo, at hindi nila dapat pakialaman ang anumang bagay. Hindi dapat makialam ang mga walang espirituwal na pang-unawa at hindi nakauunawa sa katotohanan, upang hindi sila maparusahan. Dahil isa ka sa mga taong hinirang ng Diyos, dapat ay matiyaga mong basahin ang Kanyang mga salita, pagtuunan ng pansin ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad, at huwag pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan. Higit sa lahat, huwag mong gamitin ang iyong isipan at kaalaman para himay-himayin ang mga salita ng Diyos. Hindi maganda ang palagiang pakikilahok sa mga masasamang gawain; kapag sinalungat mo ang disposisyon ng Diyos, magiging mahirap ito para sa iyo. May ibang taong nakauunawa ng kaunting biblikal na kaalaman; nag-aaral sila ng teolohiya nang ilang araw at nagbabasa ng ilang libro, at pagkatapos ay tingin nila, nauunawaan na nila ang katotohanan, alam na nila ang ginagawa nila, at kaya na nila. Ngunit anong silbi ng kaunti mong kakayahan? Kaya mo bang magpatotoo sa Diyos? Taglay mo ba ang katotohanang realidad? Kaya mo bang akayin ang mga tao sa presensya ng Diyos? Ang kakaunti mong teorya at pinag-aralan ay hindi kumakatawan sa katotohanan ni katiting. Ang Diyos, sa Kanyang pagkatao, ay nagpapahayag ng ilang salitang nagbibigay-daan para maunawaan ng mga tao ang kahulugan nito, ilang salitang mas madaling maunawaan ng sangkatauhan, ngunit laging hindi nakukumbinsi ang mga tao at gusto nilang baguhin ang Kanyang mga salita. Gusto nilang baguhin ang Kanyang mga salita upang umayon sa kanilang mga kuru-kuro, upang maging akma sa kanilang mga panlasa at kagustuhan, upang maging masarap pakinggan ang mga ito at hindi masakit sa mga mata at puso. Anong klaseng disposisyon ito? Isa itong mayabang na disposisyon. Ang paggawa ng mga bagay nang walang anumang katotohanang prinsipyo at pagkilos alinsunod sa mga paraan ni Satanas ay madaling makagagambala at makaaabala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Lubos na mapanganib ang bagay na ito! Kapag nasalungat mo ang disposisyon ng Diyos, magiging medyo mahirap ito, at may panganib ng pagkatiwalag.

May ibang taong tumututol kapag nakikita nilang nagpapahayag ang mga salita ng Diyos ng napakaraming detalye tungkol sa landas ng pagsasagawa para sa buhay pagpasok. Sa ganoong sitwasyon, kung nakita nila ang lahat ng batas, atas, at kautusang ipinatupad ng Diyos sa Lumang Tipan, hindi ba’t makakaramdam sila ng higit na pagtutol? At kung babasahin pa nila ang mas detalyado pang mga salita sa mga orihinal na kautusan sa Bibliya, hindi ba sila makabubuo ng mga kuru-kuro? Iisipin nila: “Masyadong walang kwenta ang mga salitang ito. Ang masasabi nang malinaw sa isang pangungusap ay pinahaba sa tatlo o apat. Mas simple at direkta dapat sila upang makita agad ng mga tao ang lahat sa isang sulyap at maunawaan ito sa pakikinig lamang sa isang pangungusap. Ang ganda siguro kung hindi masyadong mahaba ang mga ito, kundi simple, madaling maunawaan, at madaling isagawa. Hindi ba’t mas mabisa itong makapagpapatotoo at makaluluwalhati sa Diyos?” Tila tama ang kaisipang ito, ngunit sa tingin mo ba ay dapat maging katulad ng pagbabasa ng nobela ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, kung saan mas mainam kapag mas madaling basahin? Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan; kailangang pagnilayan ang mga ito, at dapat isagawa at maranasan ng isang tao ang mga ito upang maunawaan at makamit ang katotohanan. Kapag mas hindi naaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kurong pantao, higit na katotohanan ang taglay ng mga ito. Sa katunayan, walang aspekto ng katotohanan ang naaayon sa mga kuru-kurong pantao; hindi ito mga bagay na dating nakita o naranasan ng mga tao kundi mga bagong-bagong salita. Gayunpaman, matapos mabasa at maranasan ang mga ito nang ilang taon, malalaman mong ang lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan. May mga taong palaging may kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos. Saan nag-uugat ang problemang ito? Saan sila nagkakamali? Ipinapakita ng problemang ito na hindi alam ng mga tao ang gawain ng Diyos o ang Kanyang disposisyon. Ang bawat pangungusap na sinasabi Niya ay praktikal at totoo, gumagamit ng pang-araw-araw na wika ng mga tao nang hindi nauuwi sa paggamit ng teoretikal o pang may kaalamang wika. Pinakamakatutulong ito para sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan. Walang sinumang malinaw na makauunawa sa bagay na ito—tanging ang gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita ang pinakapraktikal at makatotohanan. Pasalitang kinikilala ng mga tao: “Tama ang lahat ng salita ng Diyos. Nakatutulong sa mga tao ang Kanyang mga salita, ngunit hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Siya ang pinakanakakaalam kung ano ang mga pangangailangan ng mga tao, at alam Niya kung paano magsalita upang maunawaan ng mga tao. Mas madaling tanggapin ang paraan Niya ng pagpapaalala at pagsasabi sa mga tao. Alam ng Diyos ang kalooban ng mga tao at kung anong uri ng mga kaisipan at kuru-kuro ang mayroon sila, at mas alam Niya pa kung ano ang pinakakailangan ng mga tao, habang ang mga tao mismo ay walang ideya.” Ngunit kapag tiningnan mo ang mga salita ng Diyos, gusto mong gawing simple at baguhin ang mga ito upang umayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao. Kung gayon, maaari pa rin bang maging katotohanan ang mga salita ng Diyos? Maaari pa ba itong maging mga salita Niya? Hindi ba’t magiging mga salita na ng mga tao ang mga ito? Hindi ba’t masyadong mayabang at mapagmagaling ang ganitong uri ng pag-iisip? Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, akma man ang mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao o hindi. Gaano man karaming salita ang sabihin Niya at gaano man kadetalyado ang mga ito, hindi ipinapahayag ang mga salita ng Diyos nang walang kabuluhan. Kung magdaragdag Siya ng isang pangungusap, ito ay upang tulungan ang mga taong makaunawa nang mas maigi, na makatutulong sa kanila. Kung may isang pangungusap na hindi Niya isasama, hindi ito mauunawaan nang mabuti ng mga tao, at magiging mas madali para kay Satanas na samantalahin ang sitwasyong ito. Karamihan sa mga tao ay mahina ang kakayahan, at hindi nila maintindihan ang mga salita maliban na lamang kung ipapaliwanag ito ng Diyos at detalyadong magsasalita. Lahat ng tao ay manhid at mahina ang pang-unawa, kaya wala ni isang pangungusap na dapat alisin; kung may isang aspektong hindi lubos na mapag-uusapan, hindi mauunawaan ng mga tao ang aspektong iyon—maaaring maunawaan mo ito, ngunit may ibang hindi; maaaring may isang grupo sa inyo na makaunawa rito, ngunit hindi ang isa pang grupo. Palaging may mga taong hindi makakaunawa. Hindi lang sa iyo nangungusap ang Diyos; nangungusap Siya sa buong sangkatauhan, sa lahat ng may mga tainga at nakauunawa sa sinasabi ng Diyos. Masyado bang makitid ang iyong pananaw? Nakikita lang ng mga tao kung ano ang nasa harapan nila, iniisip na: “Nauunawaan ko ang pangungusap na ito; bakit kailangan pa itong ipaliwanag ng Diyos nang may napakaraming detalye?” Kung masyado itong simple, mauunawaan ito ng mga may mahuhusay na kakayahan, ngunit hindi ng mga may katamtamang kakayahan lang; kung palalawigin ng Diyos ang ilang pangungusap para sa mga taong may katamtamang kakayahan, hindi mo isinasali ang iyong sarili. Ibig sabihin ba noon ay isa kang taong tumatanggap sa katotohanan? Saan nanggagaling itong mga pagtutol mo? Hindi ba’t ito ang mapagmataas na disposisyon ni Satanas? Kapag may ginagawa ang Diyos na taliwas nang kaunti sa iyong mga kuru-kuro, kapag bahagya Niyang ipinapakita ang lahat ng taglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos—pinahahalagahan, inuunawa, inaalagaan, inaalala, at pinapatnubayan ang mga tao—iniisip mo na nakakaumay ang Diyos, na ang dami Niyang sinasabi, na nag-aaksaya lang Siya ng oras sa mga walang kabuluhang bagay, na hindi Niya dapat gawin iyon; ganito ka mismo naniniwala sa iyong mga kuru-kuro. Ito ang impresyon mo sa Diyos, ang pagkakakilala mo sa Kanya, ganito mo Siya nakikita. Kung gayon, doktrina lang ba ang paniniwala mong “tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, ang Diyos ang pinakanakakakilala sa tao”? Para sa iyo, naging doktrina na ito; ang pagkakakilala mo sa Diyos ay hindi tumutugma sa ipinakikita Niya, walang kaugnayan. Higit pa rito, hindi ka ganyan kumilos sa harapan ng Diyos; tinatrato mo ang Kanyang mga salita at gawain ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ayon sa mapagmataas mong disposisyon. Isa ka bang taong tumatanggap sa katotohanan? Hindi ka isang taong tumatanggap sa katotohanan, ni hindi ka isang taong nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Sa harap ng mga salita at gawa ng Diyos, nagagawa mong manghusga, magreklamo, gumawa ng espekulasyon, magduda, tumanggi, lumaban, at magkaroon ng mga opsyon. Tunay ka bang mananampalataya ng Diyos? Kung hindi mo kayang magpasakop sa gawain ng Diyos, matatamo mo ba ang katotohanan? Kung ganito mo tratuhin ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, ang katotohanan, ang lahat ng tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos, at ang lahat ng nagmumula sa Kanya, makakamit mo ba ang Kanyang pagliligtas? Kung hindi mo matatamo ang katotohanan, mapapasailalim ka sa kaparusahan.

Sa pag-aaral mo ng mga salita ng Diyos, huwag mong analisahin o himay-himayin ang mga ito, huwag kang maging tuso, huwag kang magduda, at huwag mo itong pag-isipan nang husto. Itrato mo ang mga ito gaya ng pagtrato mo sa katotohanan—ito ang pinakamatalinong paraan. Anuman ang gawin mo, huwag mong sabihin sa iyong sarili na: “Isa akong makabagong tao, matalino ako at may pinag-aralan, maalam ako sa gramatika, pinag-aralan ko ang ganito at ganyang kurso, mahusay ako sa isang partikular na kasanayan o propesyon, nakauunawa at nakaiintindi ako. Hindi ito nalalaman ng Diyos. Bagama’t nauunawaan ng Diyos ang buong sangkatauhan, wala na Siyang ibang taglay maliban sa katotohanan, hindi Niya nauunawaan ang mga usaping pampropesyonal, hindi Siya magaling sa anumang bagay, ang alam lamang Niya ay kung paano ipahayag ang katotohanan.” Tama iyon. Kaya lamang ipahayag ng Diyos ang katotohanan, at nakikita Niya ang lahat ng bagay dahil Siya ang katotohanan. Hawak Niya ang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, at Siya ang may kontrol sa iyong tadhana. Walang makaiiwas sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ano dapat ang saloobin ng mga tao sa mga salita ng Diyos? Dapat ito ay ang makinig, magpasakop, tumanggap, at magsagawa nang may sukdulang pagsunod—ito dapat ang saloobin ng mga tao. Anuman ang gawin mo, huwag kang mambusisi. Marami na Akong sinabi sa inyo, ngunit kaunting bahagi lamang nito ang kaya ninyong tanggapin. Hindi ninyo tinatanggap ang anumang salitang hindi naaayon sa mga kuro-kuro ng tao—nilalabanan at itinatatwa pa nga ninyo ang mga ito sa inyong mga puso. Ang tinatanggap lamang ninyo ay mga salitang naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at tinatanggihan ang mga hindi. Matatamo ba ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi ba talaga katotohanan ang mga salitang hindi umaakma sa mga kuru-kuro ng tao? Nangangahas ka bang makasiguro tungkol dito? Kung gayon ay dapat kitang tanungin, gaano kalaking bahagi ng katotohanan ang nauunawaan mo? Anong mga katotohanan ang taglay mo? Kung gayon, magbahagi ka ng patotoo ng lahat ng katotohanang nauunawaan mo, at hayaan mong magpasya ang lahat kung katotohanan ang mga ito o hindi. Kung maaamin mong hindi mo taglay ang katotohanan, ibig sabihin noon ay may katwiran ka. Kung may katwiran ka talaga, mangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi katotohanan ang mga salitang hindi akma sa mga kuru-kuro ng tao? Mangangahas ka pa rin bang makipagpustahan sa Diyos? Bilang isang nilikhang nilalang, huwag kang maging masyadong mayabang at mapagmagaling, huwag masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Talagang hindi mo nalalaman ang katotohanan; hindi mo magagawang ganap na maranasan ang kahit na isang pangungusap sa mga salita ng Diyos sa buong buhay mo, ni hindi mo mauunawaan o maisasabuhay ang mga iyon habambuhay. Kung may isang bahaging nauunawaan mo at naisasagawa mo ang mga ito, hindi na iyon masama. Naghihikahos at kaawa-awa ang mga tao—ito ang katotohanan sa usaping ito. Dahil talagang naghihikahos at kaawa-awa sila, bakit napakayabang din nila at mapagmagaling? Dahil dito, sila ay kaawa-awa at kamuhi-muhi. Pinapayuhan Ko ang mga tao na basahin ang mga salita ng Diyos sa isang masunuring paraan, na bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro sa sandaling magkaroon sila nito, at ituring ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang pag-isipan ang mga ito, at pagkatapos ay maranasan ang mga ito; baka sa ganitong paraan, mauunawaan na nila kung ano ang katotohanan. Huwag mo nang pakialaman kung gaano man kadetalyado o kahaba ang mga salita ng Diyos. Kung magagawa mong maunawaan at maranasan ang mga ito, at pagkatapos ay magpatotoo para sa mga ito, sa puntong iyon ka lang maituturing na may kakayahan. Katulad ito ng kung paanong palaging mapili ang mga tao patungkol sa kung aling mga uri ng pagkain ang kakainin nila, iniisip na masarap ang iba at ang iba naman ay hindi. At ano ang nagiging resulta nito? Ang mga masasarap na pagkain ay hindi naman masustansya, at ang mga pagkaing ayaw mo ay hindi talaga mas kakaunti ang sustansya; maaari pa ngang mas marami at mas mainam ang sustansyang taglay ng mga ito. Nahihirapan ang mga taong tukuyin kung ano ang katotohanan at ang hindi, kung ano ang mula sa Diyos, at kung ano ang mula sa tao. Matatanto lamang nila ang ilan dito matapos maunawaan ang katotohanan; hindi magagawa ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan na talagang makita ang nasa likod ng anumang bagay. Kung alam mong kulang ka sa kaalaman, dapat ay manatili kang mapagkumbaba, tahimik, at higit mong hanapin ang katotohanan. Ito ang ginagawa ng isang matalinong tao. Kung hindi mo pa nauunawaan ang anumang bagay ngunit nagpapatuloy ka pa rin sa bulag na pagmamataas, nangangahas na husgahan ang lahat ng bagay at pintasan ang sinumang nagsasalita, talagang wala kang katwiran. Hindi ka ba sumasang-ayon na tama ito? Anuman ang gawin ng isang tao, hindi nila dapat ilabas ang kanilang mga pangil sa presensya ng katotohanan. Dapat siyang magpanatili ng may-takot-sa-Diyos na puso at maghangad ng katotohanan sa lahat ng bagay—tanging ito lamang ang tunay na matalino at marunong na tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.