Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 6)

Sa mga huling araw, hayagang sinabi ng Lumikha ang lahat ng salitang ito at ibinunyag ang lahat ng uri ng tao. Ngayon, ang lahat ng uri ng tao ay nahaharap sa katotohanan, sa tunay na daan at sa mga pahayag ng Lumikha, at ang lahat ng uri ng tinig at pananaw ay nabubunyag: Ang ilang kaisipan at pananaw ay baluktot, ang ilan ay mapagmatuwid sa sarili at mapagmataas, ang ilan ay konserbatibo, sumusunod sa tradisyonal na kultura, at bulok, at ang marami ay kahangalan at kamangmangan. May mga tao pa ngang nasusuklam at napopoot sa katotohanan na nagwawala sa galit na parang mga asong baliw, basta-bastang hinuhusgahan at walang ingat na kinokondena ang katotohanan at mga positibong bagay. Walang pakundangan nilang hinuhusgahan at kinokondena ang anumang positibong bagay at pagpapahayag ng katotohanan, at hindi sila nagsusumikap na kilatisin kung tama ba ito o mali, o kung nagtataglay ba ito ng katotohanan. Ang mga taong ito ay mga hayop at diyablo. Kapag ang mga tao ay nahaharap sa katotohanan at sa tunay na daan, marami silang iba’t ibang pananaw na siyang nagbubunyag at naglalantad ng satanikong kapangitan ng kanilang makitid na pag-iisip, katigasan ng ulo, pagmamatigas, at kayabangan. Dapat ninyong matutunang kumilatis, na lawakan ang inyong kaalaman mula rito, habang hinahanap din ang ilan sa katotohanan. Kung ang mga bagay na ito ay mabubunyag sa mga hindi nananalig, at sa mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kayo ba mismo ay nagpapakita ng mga bagay na ito? Minsan, iba ang paraan ninyo ng pagpapakita ng mga ito, at iba ang paraan ninyo ng pagsasabi ng mga ito, pero ang totoo ay pareho ang mga disposisyong ibinubunyag ninyo at ng mga walang pananampalataya. Ito ay natutulad sa kung paanong kapag tinanggap ng ilang tao ang Panginoong Jesus ay naniniwala sila na ang lahat ng hindi tumatanggap sa Panginoong Jesus ay mababang-uri. Naniniwala silang dahil tinanggap nila ang pagliligtas ng Panginoong Jesus sa krus, sila ay mas nakatataas na tao, at mababa ang tingin nila sa lahat. Anong klaseng disposisyon ito? Wala silang kabatiran; masyadong makitid ang kanilang pag-iisip, at masyado silang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Napapansin nilang nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang iba, pero hindi nila napapansin na sila rin ay nagbubunyag ng mga kaparehong tiwaling disposisyon. Kung gayon, nagpapakita ba kayo ng mga ganitong bagay? Tiyak na ginagawa ninyo ito, dahil ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao ay iisa lamang, at dahil lamang sa gawain at pagliligtas ng Diyos, sa mga pangangailangan sa Kanyang gawain, o sa Kanyang predestinasyon kung kaya’t mayroong pagkakaiba sa mga kalikasang diwa, hinahangad, at inaasam ng bawat uri ng tao. Ang ilang tao ay walang puso o espiritu. Sila ay mga patay na tao at mga halimaw na hindi nakakaunawa ng pananampalataya. Ang mga taong ito ang pinakamababa sa buong sangkatauhan at hindi sila maituturing na mga tao. Ang mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay mas higit ang pagkaunawa sa katotohanan, ang kanilang kabatiran at pagkaunawa sa Diyos ay mas malawak, at ang kanilang mga teorya at pananaw ay mas mataas nang isang antas. Kung paanong ang mga nananalig sa Kristiyanismo ay mas malawak ang pagkaunawa sa Diyos at mas maraming kaalaman tungkol sa mga nilikha at gawain ng Lumikha kaysa sa mga masunuring mananampalataya ni Jehova, ang mga tumatanggap sa ikatlong yugto ng gawain ay mas higit ang pagkaunawa sa Diyos kaysa sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo. Dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas mataas kaysa sa huli, nangangahulugan siyempre ito na ang pagkaunawa ng mga tao ay tiyak na mas lalawak rin nang lalawak. Pero kung titingnan mo ito sa ibang anggulo, ang mga tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag pagkatapos ninyong tanggapin ang yugtong ito ng gawain ay pareho sa diwa ng mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga nasa relihiyon. Ang tanging kaibahan lang ay natanggap na ninyo ang yugtong ito ng gawain, nakinig na kayo sa maraming pangaral, nakaunawa na ng maraming katotohanan, at nagkamit na ng tunay na pagkaunawa sa inyong kalikasang diwa, at tunay nang nagbago sa ilang paraan sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan. Kaya kapag muli ninyong tiningnan ang mga pag-uugaling ipinapakita ng mga nasa relihiyon, iniisip ninyong mas tiwali sila kaysa sa inyo. Pero sa totoo lang, kapag itinabi kayo sa kanila, makikita ninyong ang saloobin ng mga tao sa Diyos at sa katotohanan ay pareho; kumikilos kayong lahat ayon sa inyong mga haka-haka at imahinasyon at sa inyong mga kagustuhan, at ang inyong mga tiwaling disposisyon ay magkapareho. Kung tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain, pinakinggan ang mga pangaral na ito, at naunawaan ang mga katotohanang ito, hindi masyadong magkakaroon ng pagkakaiba sa inyo at sa kanila. Anong makikita ninyo sa usaping ito? Makikita ninyong ang katotohanan ay nagdadala ng pagbabago sa mga tao, na ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga sermon na Kanyang ipinapangaral ay kaligtasan para sa buong sangkatauhan, at mga bagay na kailangan ng lahat ng tao. Ang mga ito ay hindi naglalayong mapalugod ang isang partikular na grupo, etnisidad, kategorya, o kulay ng balat lamang. Ang buong sangkatauhan ay ginawa nang tiwali ni Satanas at may mga satanikong disposisyon. Walang malaking pagkakaiba pagdating sa kanilang mga tiwaling diwa; nagkakaiba lamang dahil ang kulay ng kanilang balat, etnisidad, at ang kapaligiran at sistemang panlipunan na kanilang kinalakihan ay hindi magkakapareho, o may kaunting pagkakaiba sa kanilang tradisyonal na kultura, karanasan, at sa edukasyong kanilang natanggap. Ngunit ang mga ito ay mga panlabas lamang na pagpapakita—ang buong sangkatauhan ay ginawang tiwali ng iisang Satanas, at ang kanilang tiwaling kalikasan ay magkakapareho. Samakatuwid, ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos at ang gawaing ito na Kanyang ginagawa ay hindi nakatuon sa mga taong nasa anumang partikular na etnikong grupo o bansa, kundi sa buong sangkatauhan. Kahit na may mga pagkakaiba sa kultura at karanasan ng iba’t ibang etnisidad, o sa edukasyon na kanilang natanggap, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay iisa lamang sa mga mata ng Diyos. Kaya kahit na ginagawa lang muna sa isang lugar ang isang yugto ng Kanyang gawain, bilang isang modelo na ipapalaganap sa ibang mga lugar, naaangkop ito sa buong sangkatauhan, at maililigtas at matutustusan nito ang buong sangkatauhan. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga taga-Europa at mga taong mula sa ibang bansa ay hindi mga inapo ng malaking pulang dragon, kaya hindi ba’t hindi angkop para sa Diyos na sabihing ang buong sangkatauhan ay lubos na nagawang tiwali?” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi tama ang mga ito. Ang buong sangkatauhan ay pare-pareho ang kalikasang diwa na ginawang tiwali ni Satanas.) Tama iyan—“ang mga inapo ng malaking pulang dragon” ay isang tawag lamang para sa mga tao ng isang etnisidad; hindi ito nangangahulugang magkaiba ang diwa ng mga taong tinatawag na ganito at ng mga taong hindi tinatawag na ganito. Sa katunayan, ang kanilang mga diwa ay magkapareho pa rin. Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng kamay ng masama; lahat sila ay ginawang tiwali ni Satanas, at ang kanilang mga tiwaling kalikasang diwa ay parehong-pareho. Ngayon, kapag naririnig ng mga taga-Tsina ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos, nagrerebelde at lumalaban sila; may mga haka-haka at imahinasyon sila; ito ang mga bagay na kanilang ipinapakita. Kapag inuulit ang mga salitang ito sa mga taong mula sa ibang etnisidad, nagpapakita rin sila ng mga imahinasyon, haka-haka, pagrerebelde, pagmamataas, pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at maging paglaban—parehong-pareho ito. Ang buong sangkatauhan, anuman ang etnisidad at kinalakihang kultura, ay nagpapakita ng walang iba kundi pag-uugali ng mga tiwaling tao na inilalantad ng Diyos.

Ang mga tiwaling disposisyon ay karaniwan sa lahat ng sangkatauhan; pare-parehong lahat ang mga ito, na mas marami ang pagkakatulad kaysa mga pagkakaiba, at walang malinaw na mga natatanging katangian. Ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga katotohanang Kanyang ipinapahayag ay hindi lang nagliligtas ng isang etnisidad, isang bansa, o isang grupo ng tao—inililigtas ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan. Anong ipinapakita nito sa inyo? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na hindi dumaan sa katiwalian ni Satanas, at nabibilang sa naiibang kategorya o klase ng tao? Mayroon bang sinuman na hindi tumanggap ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Wala.) Anong ibig sabihin ng mga salitang ito na sinasabi Ko? May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng sangkatauhan, at ang lahat ng sangkatauhan ay nilikha ng iisang Diyos. Anumang etnikong grupo, anumang klase ng tao, o kung gaano man sila kagaling, lahat sila ay nilikha ng Diyos. Sa mata ng tao, may ilang tao na naiiba kaysa sa iba at mas nakakataas, pero sa mata ng Diyos, pare-pareho silang lahat; bawat tao ay pare-pareho sa mga mata ng Diyos. Saan mo ito nakikita? Ang mga pagkakaiba sa kulay ng balat at wika ay panlabas lamang, pero ang mga tiwaling disposisyon ng tao at ang kanilang kalikasang diwa ay pareho; ito ang katotohanan. Para sa lahat ng taong may satanikong tiwaling disposisyon, kayang magkamit ng mga salita ng Diyos ng mga resulta, nakatuon ang Kanyang mga salita sa mga tiwaling disposisyon nila at kayang lutasin ng mga ito ang lahat ng tiwaling disposisyon nila. Ipinapakita nito na katotohanan ang lahat ng mga salita ng Diyos, na kaya ng mga ito na pagkalooban, linisin, at iligtas ang sangkatauhan; hindi ito maipagkakaila. Ngayon, ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos sa mga huling araw ay kumalat na sa lahat ng bansa at etnisidad ng mundo—ito ay isang katotohanan! At ano ang naging reaksyon ng tao? (Nagkaroon ng lahat ng uri ng mga reaksyon.) At ano ang ipinahihiwatig o sinasalamin ng lahat ng uri ng mga reaksyong ito tungkol sa diwa ng tao? Ipinapakita ng mga ito na ang kalikasang diwa ng tao ay pare-pareho, ang kanilang mga reaksyon ay katulad ng sa mga Pariseo at mga Hudyo noong pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa ng gawain: Inaayawan nila ang katotohanan, puno sila ng mga ilusyon at haka-haka tungkol sa Diyos, at ang kanilang paniniwala sa Kanya ay umiiral sa loob ng mga ilusyon at haka-haka. Ang sangkatauhan sa kabuuan ay hindi kilala ang Diyos at nilalabanan Siya. Pagkarinig ng mga salita ng Diyos, ang una nilang reaksyon, o ang mga bagay sa kanilang kalikasang diwa na natural nilang ibinubunyag ay paglaban at pagkapoot sa Diyos; ito ay isang bagay na mayroon silang lahat. Ang lahat ng kanilang negatibong tinig at mga pananaw kapag nahaharap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay nanggagaling sa kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, at kumakatawan sa sangkatauhang ito. Ang kanilang mga haka-haka at ilusyon ay katulad ng mga haka-haka at ilusyon ng mga punong pari, eskriba, at mga Pariseo tungkol sa Diyos noong dumating ang Panginoong Jesus; hindi nagbago ang mga ito. Dalawang libong taon na nagpasan ng krus ang mga nasa relihiyon, pero ganoon pa rin sila, hindi nagbago kahit kaunti. Kapag hindi nakamit ng mga tao ang katotohanan, ito ang mga bagay na natural nilang ipinapakita at likas na lumalabas sa kanila, at ganito ang pag-uugali nila sa Diyos. Kaya kung ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos pero hindi naghahanap ng katotohanan, maaayos ba ang kanyang tiwaling disposisyon? (Hindi, hindi ito maayos.) Gaano man sila katagal na nananampalataya, hindi nila malulutas ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon kung hindi nila hahanapin ang katotohanan. Dalawang libong taon na ang nakalilipas, galit na galit na nilabanan at kinondena ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus, at ipinako Siya sa krus. Ngayon, ang mga pastor, elder, pari, at obispo sa relihiyosong mundo ay galit na galit pa ring nilalabanan at kinokondena ang Diyos na nagkatawang tao, gaya ng ginawa ng mga Pariseo. Kung may isang pupunta sa kanila at magpapatotoo na ang Diyos ay nagkatawang tao, maaari siyang hulihin at patayin, at kung pupunta ang Diyos na nagkatawang tao sa mga lugar ng pagsamba ng bawat pangunahing relihiyon para mangaral, tiyak na ipapako pa rin nila Siya sa krus o ibibigay Siya sa mga nasa kapangyarihan. Siguradong hindi sila maghihinay-hinay sa Kanya, sapagkat ang kalikasang diwa ng mga tao ay pare-pareho. Mayroon ba kayong anumang reaksyon sa inyong kalooban kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito? Sa palagay ninyo, ang mga tao bang nanampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon pero hindi naghanap ng katotohanan sa anumang antas ay talagang nakakatakot? (Medyo.) Lubhang nakakatakot ito! Hawak ang Bibliya at krus, umaasa sa batas, nakasuot ng mga damit ng mga Pariseo o mga damit ng mga pari, at nilalabanan at hayagang kinokondena ang Diyos sa mga templo—hindi ba’t ang lahat ng bagay na ito ay ginagawa ng mga mananampalataya ng Diyos sa katirikan ng araw? Nasaan na ang mga taong kumokondena at lumalaban sa Diyos? Hindi na kailangan pang tumingin sa malayo. Ang sinuman sa Kanyang mga mananampalataya na hindi tumatanggap sa katotohanan at tutol sa katotohanan ay lumalaban sa Diyos, isang anticristo, at isang Pariseo.

Kung hindi naghahanap ng katotohanan ang tao at hindi nila ito makakamit, hindi nila kailanman makikilala ang Diyos. Kapag hindi kilala ng mga tao ang Diyos, lagi silang mananatiling napopoot sa Kanya at hindi posible para sa kanila na maging tugma sa Kanya. Gaano man kalalim ang pagnanais ng iyong puso na mahalin ang Diyos at hindi Siya labanan, wala itong silbi. Walang silbi na magkaroon lang ng pagnanais, o gustuhin lang na pigilan ang iyong sarili, dahil isa itong hindi sinasadyang bagay na dinidisisyunan ng kalikasan ng tao. Kaya, dapat mong hangarin na maging isang tao na may katotohanan, hinahangad ang pagsasagawa ng katotohanan, at iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, pumasok sa mga katotohanang realidad, at makamit ang pagiging tugma sa Diyos; ito ang tamang landas. Dapat ninyong malaman sa inyong puso na ang pinakamahalagang bahagi ng pananampalataya sa Diyos ay ang paghahanap ng katotohanan, at dapat ninyong panghawakan ang ilang praktikalidad tungkol sa kung anong mga aspekto ang dapat ninyong simulan kapag naghahanap ng katotohanan, pati na kung ano ang kailangan ninyong gawin, paano isasagawa ang inyong tungkulin, paano lalapitan ang bawat uri ng tao sa inyong paligid, paano haharapin ang bawat uri ng mga usapin at bagay, ano ang pananaw na dapat ninyong taglayin kapag kinakaharap ang mga ito, at anong pamamaraan ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan o nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at may kakayahan lamang na sumunod sa mga regulasyon at tukuyin ang mga bagay ayon sa mga ito, pati na ayon sa lohika, haka-haka at mga ilusyon, ang iyong paraan ng pagsasagawa ay mali, at pinatutunayan lang nito na sa mga taon ng pananampalataya mo sa Diyos, sumunod ka lamang nang mabuti sa mga regulasyon, pero hindi mo naunawaan ang katotohanan at wala kang realidad. Ang pagsunod sa mga regulasyon at pamumuhay ayon sa mga haka-haka at ilusyon ay nakakapagod at mahirap para sa iyo, pero ang lahat ng ito ay nasayang na pagsusumikap at hindi ka bibigyan ng Diyos ni katiting na pagsang-ayon. Tama lang na mapagod ka! Kung mayroon kang espirituwal na pagkaunawa, at wagas na pagkaintindi kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos o nakikinig ka sa mga sermon at pagbabahagi, mas lalo mong mararanasan, mas lalo mong mauunawaan at makakamit, at ang mga bagay na iyong nauunawaan ay pawang magiging praktikal at ayon sa katotohanan. Pagkatapos, makakamit mo ang katotohanan at ang buhay. Kung ang mga bagay na iyong nakamit at naunawaan matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ay mga bagay pa rin ng doktrina at mga regulasyon, mga haka-haka pa rin at ilusyon, at mga tuntunin at regulasyon na gumagapos sa iyo, wala ka na talagang pag-asa. Pinatutunayan nitong hindi mo nakamit ang katotohanan, at wala kang buhay. Gaano man karami ang taon na nanampalataya ka sa Diyos, at gaano man karaming mga salita at doktrina ang kaya mong ipangaral, isa ka pa ring taong walang kabuluhan at magulo ang isip. Kahit na hindi ito magandang pakinggan, ito ay totoo. Maraming tao ang ilang taon nang nananampalataya sa Diyos, pero hindi nakikita ang katotohanan at na si Cristo ang may hawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, at na ang Banal na Espiritu ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Ang mga ganitong tao ay walang anumang pagkaunawa, at maituturing na bulag. Nakikita ng ilan na hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, ginagawang perpekto ang isang grupo ng tao, pero napakaraming tinitiwalag, kaya naman pinagdududahan nila ang pagmamahal ng Diyos at maging ang Kanyang pagiging matuwid. Ang mga ganito bang tao ay may anumang kakayahang makaarok? Mayroon ba silang kahit anong pagkaunawa? Nararapat lamang na sabihing sila ay mga taong walang kabuluhan na walang anumang kapasidad na makaunawa. Ang mga taong walang kabuluhan ay palaging tumitingin sa mga bagay sa katawa-tawang paraan; tanging ang mga nakakaunawa lamang ng katotohanan ang makakakita ng mga bagay nang tama at alinsunod sa mga katunayan.