Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon (Sipi 54)

Anumang uri ng tungkulin ang iyong ginagampanan o propesyon na iyong pinag-aaralan, dapat mas maging bihasa ka habang mas nag-aaral ka, at magsumikap na maging perpekto; pagkatapos ay huhusay nang huhusay ang pagganap mo sa iyong tungkulin. May ilang taong hindi maingat sa pagganap sa anumang tungkulin, at hindi naghahanap ng katotohanan para lutasin ang anumang paghihirap na kanilang kinakaharap. Gusto nila na palagi silang gabayan at alalayan ng iba, hanggang sa punto na hinihiling nila sa iba na turuan sila nang maigi at gawin ang mga bagay para sa kanila, nang hindi nagbibigay ng sarili nilang pagsisikap. Palagi silang nakaasa sa iba at hindi makagawa nang walang tulong ng mga ito. Hindi ba’t mga wala silang kwenta sa paggawa nito? Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong isapuso ang pag-aaral ng mga bagay-bagay. Kung wala kang propesyonal na kaalaman, mag-aral ng propesyonal na kaalaman. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hanapin ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at nakakakuha ka ng propesyonal na kaalaman, magagamit mo ang mga iyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at makakakuha ka ng mga resulta. Ito ang isang taong may tunay na talento at tunay na kaalaman. Kung hindi ka man lang nag-aaral ng anumang propesyonal na kaalaman habang ginagampanan ang iyong tungkulin, at hindi hinahangad ang katotohanan, ang pagtatrabaho mo ay hindi magiging pasado sa pamantayan: kaya paano ka makapagsasalita tungkol sa pagganap sa iyong tungkulin? Para magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat kang mag-aral ng maraming kapaki-pakinabang na kaalaman at sangkapan ang iyong sarili ng maraming katotohanan. Hindi ka dapat tumigil sa pag-aaral, sa paghahanap, at sa pagpapalakas sa iyong mga kahinaan sa pamamagitan ng pagkatuto mula sa iba. Anuman ang mga kalakasan ng ibang mga tao, o sa anumang paraan sila mas malakas kaysa sa iyo, dapat kang matuto mula sa kanila. At mas lalong dapat kang matuto mula sa sinumang nakakaunawa sa katotohanan nang higit kaysa sa iyo. Sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan sa loob ng ilang taon, mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa mga realidad nito, at ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay makakapasa rin sa pamantayan. Magiging isa kang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao, isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Nakakamtan ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Paano mo makakamit ang gayong mga resulta nang hindi gumaganap ng tungkulin? Ito ay pagtataas ng Diyos. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin at kuntento ka na sa pagtatrabaho lang, ano-ano ang mga kahihinatnan? Sa isang aspeto, hindi mo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo. Sa isa pang aspeto, mawawalan ka ng tunay na patotoong batay sa karanasan at hindi mo makakamit ang katotohanan. Kung wala kang anumang maipapakita sa alinman sa mga aspetong ito, makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Magiging imposible iyon. Samakatuwid, hinding-hindi makakamit ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging kuntento sa pagtatrabaho. Ang isipin na magagantimpalaan at makapapasok ka sa kaharian ng langit sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho ay isang pangangarap nang gising! Anong klaseng saloobin iyon? Ang pagnanais na makakamit ng mga pagpapala sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho ay malinaw na pakikipagtawaran sa Diyos, isang pagtatangkang linlangin ang Diyos. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga gayong trabahador. Ano-anong mga disposisyon ang namamahala sa isang tao kapag siya ay pabasta-basta, o kapag nasasangkot siya sa panlilinlang, sa pagganap sa kanyang mga tungkulin? Pagmamataas, pagmamatigas, at hindi pagmamahal sa katotohanan—hindi ba’t pinamamahalaan siya ng mga ito? (Oo.) Mayroon ba kayong mga ganoong pagpapamalas? (Oo.) Madalas, paminsan-minsan, o sa ilang partikular na bagay lamang? (Madalas.) Ang inyong saloobin sa pagkilala sa mga gayong kalagayan ay sadyang taos-puso, at mayroon kayong matatapat na kalooban, pero hindi sapat ang pagkilala lamang sa mga ito; hindi nito mababago ang mga ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin para mabago ang mga ito? Kapag kayo ay pabasta-basta sa pagganap sa inyong mga tungkulin, naglalantad ng mapagmataas na disposisyon, o may walang pakundangang pag-uugali, dapat kayong lumapit kaagad sa harap ng Diyos sa panalangin, pagnilayan ang sarili, at kilalanin kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang inyong ibinubunyag. Bukod dito, dapat ninyong maunawaan kung paano nagkakaroon ng ganoong uri ng disposisyon at kung paano ito maaaring baguhin. Ang layon ng pag-unawa nito ay para magdulot ng pagbabago. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng isang tao para makamit ang pagbabago? Dapat malaman ng isang tao ang diwa ng kanyang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos—kung gaano ito kapangit at kanuknukan nang sama, walang ipinagkaiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas o ng mga diyablo. Saka lang niya magagawang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas; saka lang siya makapaghihimagsik laban sa kanyang sarili at kay Satanas. Sa ganitong paraan maisasagawa ng isang tao ang katotohanan. Kapag determinado ang isang tao na isagawa ang katotohanan, dapat din niyang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at ang Kanyang pagdidisiplina. Pagkatapos ay dapat magkaroon ng elemento ng aktibong pakikipagtulungan mula sa kanya. Paano siya dapat makipagtulungan? Kapag gumaganap ng isang tungkulin, oras na maisip ng isang tao na “ayos na iyan,” dapat niya itong itama agad. Hindi dapat isaalang-alang ng isang tao ang mga gayong kaisipan. Kapag may lumilitaw na mapagmataas na disposisyon, dapat siyang magdasal, kilalanin ang kanyang tiwaling disposisyon, agad na pagnilayan ang kanyang sarili, maghanap ng salita ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang paghatol at pagtutuwid. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng nagsisising puso, at magbabago ang kalagayan ng kalooban niya. Ano ang layon ng paggawa nito? Ang layon ay himukin kang tunay na magbago, at magawang gumanap nang may katapatan, at magpasakop sa at tanggapin ang pagsaway at pagdidisiplina ng Diyos nang walang pasubali. Sa paggawa nito, mababaligtad ang kalagayan mo. Kapag malapit ka nang maging pabasta-basta ulit, at malapit mo nang tratuhin na naman nang walang paggalang ang iyong mga tungkulin, kung kaya mong magbago agad dahil sa pagdidisiplina at pagsaway ng Diyos, hindi ba’t maiiwasan mong gumawa ng isang paglabag? Ito ba ay mabuti o masama para sa iyong paglago sa buhay? Mabuting bagay ito. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan at pinalulugod ang Diyos, ang iyong puso ay magaan, nagagalak, at malaya sa mga pagsisisi. Iyon ang tunay na kapayapaan at kagalakan.

Madali para sa mga tao na maghimagsik laban sa Diyos at labanan Siya kapag mayroon silang mga tiwaling disposisyon, pero hindi ito nangangahulugang wala na silang pag-asang maligtas. Pumarito ang Diyos para gawin ang gawain ng pagliligtas sa mga tao at nagpahayag Siya ng maraming katotohanan; nakasalalay na ito sa kung kayang tanggapin ng mga tao ang mga katotohanang ito. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, matatamo niya ang kaligtasan. Kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan at kaya niyang itanggi at ipagkanulo ang Diyos, talagang wala na siyang pag-asa—maaari na lang niyang hintaying mawasak siya sa gitna ng sakuna. Walang makatatakas sa kapalarang ito. Kailangang harapin ng mga tao ang katunayang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Palagi akong nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at hinding-hindi na ako magbabago. Ano ang dapat kong gawin? Ganito ba talaga ako? Ayaw ba sa akin ng Diyos? Kinasusuklaman ba Niya ako?” Ito ba ang tamang saloobin? Ito ba ang tamang paraan ng pag-iisip? (Hindi.) Kapag may mga tiwaling disposisyon ang isang tao, likas niyang ibubunyag ang mga ito. Hindi niya mapipigilan ang mga ito, kahit na gustuhin niya, at kaya nadarama niyang wala na siyang pag-asa. Sa katunayan, hindi kinakailangang ganito ang sitwasyon. Nakadepende ito kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung kaya niyang umasa sa Diyos at tingalain Siya. Na ang mga tao ay malimit na nagpapakita ng tiwaling disposisyon ay nagpapatunay na ang kanilang buhay ay pinamamahalaan ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at na ang kanilang diwa ay ang diwa ni Satanas. Dapat na kilalanin at tanggapin ng mga tao ang katotohanang ito. Mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kalikasang diwa ng tao at sa diwa ng Diyos. Ano ang dapat nilang gawin matapos kilalanin ang katunayang ito? Kapag nagpapakita ang mga tao ng tiwaling disposisyon; kapag nagpapakasasa sila sa mga pagnanasa ng laman at napapalayo sa Diyos; o kapag gumagawa ang Diyos sa paraang hindi tugma sa sarili nilang mga ideya, at umuusbong ang mga reklamo sa kalooban nila, dapat nilang ipamalay kaagad sa kanilang mga sarili na isa itong problema, at isang tiwaling disposisyon; ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, pagsalungat sa Diyos; hindi ito umaayon sa katotohanan, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Kapag napagtatanto ng mga tao ang mga bagay na ito, hindi sila dapat magreklamo, o maging negatibo at magpakatamad, at lalong hindi sila dapat mabalisa; sa halip, dapat ay magawa nilang kilalanin ang kanilang sarili nang mas malalim. Bukod pa rito, dapat ay magawa nilang maagap na lumapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang pagsaway at pagdidisiplina ng Diyos, at dapat nilang baligtarin kaagad ang kanilang kalagayan, sa gayon ay nakapagsasagawa sila ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at makakikilos ayon sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos, at gayundin ang kalagayan sa kalooban mo. Mas malinaw mong matutukoy ang mga tiwaling disposisyon, ang diwa ng katiwalian, at ang iba’t ibang pangit na kalagayan ni Satanas. Hindi mo na bibigkasin ang gayong mga kahangalan at isip-batang salita tulad ng “si Satanas iyon na nanghihimasok sa akin,” o “isa iyong ideya na ibinigay sa akin ni Satanas.” Sa halip, magkakaroon ka ng tumpak na kaalaman sa mga tiwaling disposisyon, sa diwa ng tao na lumalaban sa Diyos, at sa diwa ni Satanas. Magkakaroon ka ng mas tumpak na paraan ng pagtrato sa mga bagay na ito, at hindi ka pipigilan ng mga bagay na ito. Hindi ka magiging mahina o mawawalan ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang pagliligtas dahil naipakita mo ang kaunti sa iyong tiwaling disposisyon, o lumabag, o nagawa ang iyong tungkulin nang walang sigasig, o dahil malimit mong natatagpuan ang iyong sarili sa isang pasibo at negatibong kalagayan. Hindi ka mamumuhay sa gitna ng mga gayong kalagayan, subalit haharapin mo nang tama ang iyong sariling tiwaling disposisyon. Magkakaroon ka ng kakayahan para sa normal na espirituwal na buhay. Kapag naglantad ng mga tiwaling disposisyon ang isang tao, kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, humarap sa Diyos sa panalangin, hanapin ang katotohanan, at kilatisin at suriin ang diwa ng kanyang mga tiwaling disposisyon, nang sa gayon ay hindi na siya kontrolado at napipigilan ng kanyang mga tiwaling disposisyon, sa halip ay kaya niyang isagawa ang katotohanan, matatahak na niya ang landas patungo sa kaligtasan. Sa ganitong uri ng pagsasagawa at karanasan, maiwawaksi na ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon at makalalaya na siya mula sa impluwensya ni Satanas. Kung gayon, hindi ba’t nakapamuhay na siya sa harap ng Diyos at nagkamit na ng kalayaan at kasarinlan? Ito ang landas ng pagsasagawa at pagkakamit ng katotohanan, pati na ang landas sa kaligtasan. Malalim na nakaugat sa mga tao ang mga tiwaling disposisyon; ang diwa ni Satanas at ang kalikasan nito ay kinokontrol ang mga kaisipan, pag-uugali, at isip ng mga tao. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay walang kabuluhan kung ikukumpara sa katotohanan, sa gawain ng Diyos, at sa pagliligtas ng Diyos; wala itong ipinapakitang mga hadlang. Anumang tiwaling disposisyon ang mayroon ang isang tao, o anumang paghihirap ang kinahaharap niya, o anuman ang pumipigil sa kanya, may isang landas na maaaring tahakin, isang paraan para malutas ang mga ito, at mga kaukulang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t may pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao? Oo, mayroong pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao.