Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9 (Ikaapat na Bahagi)
Ituloy natin ang pagbabasa. Sabi ng Diyos: “sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.” Ano ang ibig sabihin ng “mamumuno”? Ang mamuno nang may kamay na bakal, gawing alipin ang mga babae, iyon ba ang ibig sabihin nito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin nito? (Ang alagaan siya at maging responsable para sa kanya.) Ang ideyang ito ng “responsabilidad” ay medyo mas malapit sa kahulugan nito. Ang pamumuno na ito ay kaugnay sa usapin ng pagtukso ng babae sa lalaki na magkasala. Dahil ang babae ang unang lumabag sa mga salita ng Diyos at tinukso siya ng ahas, at pagkatapos ay inakay nito ang lalaki na matukso rin katulad niya, na ipagkanulo ang Diyos, medyo nagalit ang Diyos sa kanya, at dahil dito, pinagbawalan ng Diyos ang babae na manguna, hiningi ng Diyos na sumangguni ang babae sa lalaki sa lahat ng kanyang gagawin; magiging pinakamainam para sa babae na hayaan ang lalaki na maging ang tagapamahala. Kaya, binibigyan ba ng pagkakataon ang mga babae na maging tagapamahala? Maaari silang bigyan ng gayong pagkakataon. Maaaring sumangguni sa kanyang asawa ang isang babae, at maaari ding maging tagapamahala, ngunit pinakamainam para sa kanya na huwag gumawa ng mga desisyon nang mag-isa; kailangan niyang sumangguni sa kanyang asawa, sa kanyang kabiyak. Pinakamainam para sa kanya na sumangguni sa kanyang asawa pagdating sa malalaking usapin. Bilang isang babae, bukod sa kailangan mong samahan ang iyong asawa, kailangan mo ring tulungan ang iyong asawa sa pag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Ang mas mahalaga pa, dapat gampanan ng iyong asawa ang papel bilang tagapamahala sa loob ng inyong pamilya at buhay may-asawa, kaya dapat kang sumangguni sa iyong asawa sa anumang gagawin mo. Dahil sa mga pagkakaiba ng mga kasarian, hindi nakalalamang ang mga babae sa mga lalaki pagdating sa kanilang pag-iisip, pagtitiis, perspektiba, o sa anumang uri ng panlabas na usapin; sa halip, ang mga lalaki ang nakalalamang sa mga babae. Kaya, batay sa mga pagkakaibang ito ng mga kasarian, binigyan ng Diyos ang mga lalaki ng natatanging awtoridad—sa pamilya, ang lalaki ang tagapamahala, at ang babae ang tagasuporta. Kailangang tulungan ng babae ang kanyang asawa, o samahan ang kanyang asawa sa pangangasiwa ng malalaki at maliliit na bagay. Pero nang sinabi ng Diyos na “siya ang mamumuno sa iyo,” hindi Niya ibig sabihin na mas mataas ang katayuan ng mga lalaki kaysa sa mga babae, o na dapat ang mga lalaki ang mangibabaw sa buong lipunan. Hindi iyon ganoon. Sa pagsasabi nito, tinutukoy lamang ng Diyos ang tungkol sa pag-aasawa; tinutukoy lamang Niya ang tungkol sa mga pamilya, at sa maliliit na usapin sa bahay na pinagangasiwaan ng mga lalaki at babae. Pagdating sa maliliit na usapin sa bahay, hindi hinihingi ng Diyos na kontrolin o pilitin ng lalaki ang babae sa lahat ng bagay; sa halip, kailangan ng lalaki na aktibong akuin ang mga pasanin at responsabilidad ng kanyang pamilya, at kasabay nito, kailangan niyang alalayan ang babae, na medyo mahina, at kailangan niyang magbigay ng tamang patnubay. Gaya ng makikita sa puntong ito, binigyan ang mga lalaki ng ilang natatanging responsabilidad. Halimbawa, ang lalaki ay dapat magkusa sa pag-ako ng responsabilidad para sa malalaking usapin ng tama at mali; hindi niya dapat itulak ang babae sa naglalagablab na hukay, ni hayaan ang babae na magdusa ng kawalan ng dignidad, pang-aapi, at pangyuyurak sa lipunan. Ang lalaki ay dapat magkusang akuin ang responsabilidad na ito. Hindi ibig sabihin na dahil sa mga salita ng Diyos na nagsasabing “siya ang mamumuno sa iyo” ay maaari na niyang pasunurin ang babae gamit ang isang pamalo, o maaari na niyang kontrolin ito, o gawin itong alipin na tatratuhin ayon sa kanyang nais. Sa ilalim ng mga pangunahing kondisyon at balangkas ng pag-aasawa, pantay ang lalaki at babae sa harap ng Diyos; sadya lamang na ang lalaki ang mister, at ibinigay ng Diyos sa kanya ang karapatan at responsabilidad na ito. Ito ay isang uri lamang ng responsabilidad, hindi isang natatanging kapangyarihan, at hindi ito dahilan para tratuhin ang isang babae na parang hindi tao. Kayong dalawa ay pantay. Ang lalaki at babae ay parehong nilikha ng Diyos, sadyang may natatangi lang na hinihingi sa lalaki, na sa isang banda, dapat niyang balikatin ang mga pasanin at responsabilidad ng pamilya, at sa isang banda naman, kapag lumitaw ang malalaking bagay, dapat matapang na humakbang pasulong ang lalaki at pasanin ang mga responsabilidad at obligasyong dapat niyang pasanin bilang isang lalaki, bilang isang mister—upang protektahan ang babae, upang gawin ang kanyang makakaya para pigilan ang kanyang asawang babae na gumawa ng mga bagay na hindi dapat gawin ng isang babae, o sa madaling salita, upang hindi maghirap ang babae, upang maiwasan nito ang magdusa, na hindi nararapat sa isang babae. Halimbawa, upang maitaas ang kanilang posisyon, upang mamuhay nang maayos at yumaman, upang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at upang tumaas ang tingin sa kanila ng iba, ibinibigay ng ilang lalaki ang kanilang asawa sa kanilang mga amo para maging kabit ng mga ito, ibinibenta ang laman ng kanilang asawa. Pagkatapos ibenta ang kanilang asawa, kapag natupad na ang kanilang mga layon, hindi na nila pinahahalagahan ang kanilang asawang babae, at ayaw na nila rito. Anong klaseng lalaki ito? Hindi ba’t mayroong gayong mga lalaki? (Mayroon nga.) Hindi ba’t mala-diyablo ang lalaking ito? (Oo.) Ang layon ng pamumuno sa isang babae ay upang matupad mo ang iyong mga responsabilidad at maprotektahan siya. Ito ay dahil, kung ibabatay sa pangangatawan ng mga kasarian, nakalalamang ang mga lalaki kaysa sa mga babae sa iba’t ibang ideya, pananaw, antas, at kabatiran sa mga bagay-bagay; ito ay isang katunayan, na hindi mapapabulaanan ninuman. Kaya, dahil sa ibinigay ng Diyos ang mga babae sa mga lalaki, sinasabing “siya ang mamumuno sa iyo,” ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang lalaki ay ang balikatin ang mga pasanin ng pamilya, o kapag nangyari ang mga seryosong bagay, dapat protektahan at ingatan ng lalaki ang kanyang asawa, makisimpatya rito at unawain ito; hindi ang itulak ito sa tukso, kundi ay pasanin ang mga responsabilidad na nararapat pasanin ng isang mister at ng isang lalaki. Sa ganitong paraan, sa pamilya at sa ilalim ng balangkas ng pag-aasawa, tutuparin mo ang mga responsabilidad at obligasyong nararapat mong tuparin, at ipaparamdam mo sa iyong asawa na karapat-dapat siyang ipagkatiwala sa iyo, na ikaw ang taong makakasama niya sa buhay, na ikaw ay mapagkakatiwalaan, at na ang iyong mga balikat ay masasandalan. Kapag umaasa ang iyong asawa sa iyo, kapag kinakailangan ka niya, ang kanyang mister, na gumawa ng desisyon para harapin ang ilang seryosong usapin, hindi mo nanaising ikaw ay natutulog, nakikipag-inuman, o nagsusugal, o gumagala-gala sa kalsada. Lahat ito ay hindi katanggap-tanggap; ito ay kaduwagan. Hindi ka mabuting lalaki; hindi mo natupad ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin. Kung ikaw, bilang isang lalaki, ay palagi kang nangangailangan sa iyong asawa na humarap sa bawat malaking usapin, at kung itinutulak mo ang iyong asawa, siya na may mas maselang papel kaysa sa lalaki, patungo sa naglalagablab na hukay, itinutulak siya kung saan pinakamalakas ang hangin at alon, itinutulak siya tungo sa alimpuyo ng iba’t ibang masalimuot na bagay, kung gayon, hindi ito isang bagay na dapat gawin ng isang mabuting lalaki, ni hindi dapat ganito umasal ang isang mabuting mister. Ang iyong responsabilidad ay hindi lamang upang mapahinuhod ang kalooban ng iyong asawang babae, upang samahan ka niya, at tulungan kang mamuhay nang maayos; hindi lang iyon ang lahat-lahat, may responsabilidad ka rin na dapat mong akuin. Natupad na ng asawa mo ang kanyang mga responsabilidad sa iyo—natupad mo na ba ang iyong mga responsabilidad sa kanya? Hindi sapat na bigyan siya ng masasarap na pagkain, mga komportableng damit na isusuot, at na gawing panatag ang kanyang puso; ang mas mahalaga ay na sa iba’t ibang malaking usapin at pagtatalo sa kung ano ang tama at mali, dapat magawa mo siyang matulungan nang tumpak, tama, at angkop sa pagharap sa lahat ng bagay, upang hindi siya magkaroon ng mga alalahanin, upang makatanggap siya ng tunay na mga benipisyo mula sa iyo, at upang makita na tinutupad mo ang mga responsabilidad na dapat mong gawin bilang isang mister. Ito ang pinagmumulan ng kaligayahan ng isang babae sa buhay mag-asawa. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Gaano man katamis ang iyong mga salita, o gaano mo man siya inaakit, o gaano kadalas mo man siya sinasamahan, sa malalaking usapin, kung hindi ka maaasahan o mapagkakatiwalaan ng iyong asawa, kung hindi mo pinapasan ang mga responsabilidad na dapat mong pasanin, at sa halip ay hinahayaan mo ang isang bulnerableng babae na humarap at magtiis ng kahihiyan, o magtiis ng anumang pasakit, kung gayon, hindi makakaramdam ng kaligayahan o kasiyahan ang gayong babae, at wala siyang makikitang pag-asa sa iyo. Kaya, ang sinumang babaeng nakapangasawa ng gayong lalaki ay makakaramdam na malas siya sa kanyang buhay may-asawa, at na ang kanyang kinabukasan at buhay ay walang pag-asa at walang liwanag, dahil nag-asawa siya ng isang lalaking hindi maaasahan, isang lalaking hindi tumutupad sa kanyang mga responsabilidad, mahina ang loob, walang kuwenta, at duwag; wala siyang mararamdamang kaligayahan. Kaya, kailangan ng mga lalaki na pasanin ang sarili nilang mga responsabilidad. Sa isang banda, ito ay isang hinihingi sa pagkatao, at sa isang banda naman—kailangan nilang tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ang responsabilidad at obligasyong ibinigay ng Diyos sa bawat lalaki sa buhay may-asawa. Kaya, para sa mga babae: kung nais mong mag-asawa at makahanap ng iyong kabiyak, sa pinakamababa, dapat mong tingnan kung maaasahan ba o hindi ang isang lalaki. Ang kanyang hitsura, tangkad, diploma, kung siya ba ay mayaman, at kung kumikita ba siya ng malaki, ay hindi ang pinakamahalaga. Ang susi ay ang tingnan kung ang taong ito ay mayroong pagkatao at pagpapahalaga sa responsabilidad, kung ang kanyang mga balikat ay malapad at makisig, at kapag sumasandal ka sa kanya, kung siya ba ay matutumba o makakaya ka niyang buhatin, at kung siya ay maaasahan. Sa mas tumpak na salita, kung matutupad ba niya ang mga responsabilidad ng isang mister tulad ng sinabi ng Diyos, kung siya ba ay ganoong uri ng tao; bukod pa sa pagsunod sa daan ng Diyos, sa pinakamababa, dapat siya ay isang taong may pagkatao sa paningin ng Diyos. Kapag magkasamang namumuhay ang dalawang tao, hindi mahalaga kung sila ay mayaman o mahirap, kung ano ang kalidad ng kanilang buhay, kung ano ang nasa kanilang bahay, o kung magkasundo ba ang kanilang ugali o hindi; sa pinakamababa, ang lalaki na iyong pakakasalan ay dapat na tumupad sa kanyang mga obligasyon at responsabilidad sa iyo, dapat mayroon siyang pagpapahalaga sa kanyang responsabilidad sa iyo, at dapat ikaw ay nasa kanyang puso. Nagigiliw man siya sa iyo o umiibig sa iyo, sa pinakamababa, dapat ikaw ay nasa kanyang puso, upang tuparin ang mga responsabilidad at obligasyong dapat niyang tuparin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Sa ganitong paraan, ang iyong buhay ay magiging masaya, ang iyong mga araw ay magiging maligaya, at ang iyong hinaharap na landas ay hindi magiging malabo. Kung ang lalaki na pinakasalan ng isang babae ay palaging hindi maaasahan, at tumatakbo palayo at nagtatago sa sandaling may anumang nangyayari, at nagyayabang at nagmamalaki kapag walang problema, na parang siya ay may mahusay na kasanayan at isang tunay at malakas na lalaki, ngunit nagiging mahina siya kapag may nangyayari, sa palagay mo ba ay sasama ang loob ng babaeng iyon? (Oo.) Magiging masaya ba siya? (Hindi.) Ang isang disente at mabuting babae ay mag-iisip: “Lagi ko siyang inaalagaan at minamahal, handa akong pagdusahan ang anuman, para matupad ang aking mga responsabilidad bilang asawa, pero hindi ko nakikita ang kinabukasan ko kasama ang lalaking ito.” Hindi ba’t puno ng pasakit ang gayong buhay mag-asawa? Hindi ba’t ang pasakit na nararamdaman ng babae ay may kaugnayan sa lalaki, sa kanyang kabiyak? (Ganoon nga.) Responsabilidad ba ito ng lalaki? (Oo.) Ang lalaki ay dapat magnilay-nilay sa kanyang sarili. Hindi pwedeng palagi na lang siyang magreklamo na mabusisi ang babae, na mahilig itong mamuna at mang-usisa. Ang dalawang panig ay kapwa dapat magnilay-nilay kung tinutupad ba nila o hindi ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad, at kung ginagawa ba nila ito ayon sa mga salita ng Diyos pagkatapos marinig ang mga salitang ito. Kung hindi nila tinutupad ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad, kailangan nilang agad na magbago, agad na ituwid ang kanilang sarili at lutasin ang sitwasyon; hindi pa huli ang lahat. Ito ba ay isang mabuting paraan ng pag-asal? (Oo.)
Ituloy natin ang pagbabasa. Pagkatapos nito ay ang isa pang utos ng Diyos kay Adan, ang unang ninuno ng sangkatauhan. Sinabi ng Diyos: “Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi: ‘Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka mula sa mga ito sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi’” (Genesis 3:17–19). Ang siping ito, ay pangunahing utos ng Diyos sa mga lalaki. Anuman ang sitwasyon, dahil binigyan ng Diyos ng utos ang mga lalaki, ang Kanyang utos ang mga obligasyon at gampanin na kinakailangan nilang tuparin sa balangkas ng pag-aasawa at sa pamilya. Hinihingi ng Diyos na itaguyod ng mga lalaki ang kabuhayan ng pamilya pagkatapos mag-asawa, na kailangan ng mga lalaki na magsikap nang husto habambuhay upang mapanatili ang kanilang kabuhayan. Kailangang panatilihin ng mga lalaki ang kanilang kabuhayan, kaya kinakailangan nilang magtrabaho; gamit ang modernong wika, kinakailangan nilang makakuha ng trabaho at magtrabaho para kumita ng pera, o kinakailangan nilang magtanim ng palay, at anihin ito para mapanatili ang kabuhayan ng pamilya. Kinakailangan ng mga lalaki na magsumikap at magtrabaho para suportahan ang buong pamilya, para mapanatili ang kanilang kabuhayan. Ito ang utos ng Diyos sa mga mister, sa mga lalaki; ito ang kanilang responsabilidad. Kaya, sa ilalim ng balangkas ng pag-aasawa, hindi maaaring bigyang-diin ng mga lalaki na: “Mahina ang aking kalusugan!” “Ang hirap humanap ng trabaho sa lipunan ngayon, masyado akong namomroblema!” “Pinalayaw ako ng aking mga magulang sa aking paglaki, hindi ako marunong sa kahit anong trabaho!” Kung wala kang alam na kahit anong trabaho, bakit ka nag-asawa? Kung hindi mo kayang suportahan ang isang pamilya, at wala kang kakayahan na magtrabaho para akuin ang kabuhayan ng buong pamilya, bakit ka nag-asawa? Hindi responsable na sabihin ang ganitong bagay. Sa isang banda, hinihingi ng Diyos na ang mga lalaki ay magsipag sa trabaho, at sa isa pang banda, hinihingi Niya na magtrabaho sila para makaani ng makakain mula sa lupa. Siyempre, sa panahon ngayon, hindi Niya iginigiit na mag-ani ka ng makakain mula sa lupa, ngunit ang pagtatrabaho ay kinakailangan. Kaya ang katawan ng lalaki ay matipuno at malakas, samantalang ang katawan ng babae ay mahina kung ikukumpara; sila ay magkaiba. Lumikha ang Diyos ng magkakaibang pangangatawan para sa mga lalaki at babae. Sa kalikasan, ang lalaki ay dapat magtrabaho at magsumikap upang mapanatili ang kabuhayan ng kanyang pamilya, upang suportahan ang pamilya; iyon ang kanyang papel, siya ang pangunahing lakas ng pamilya. Ang babae, sa kabilang banda, ay hindi inaatasan ng Diyos ng gayong bagay. Kaya pwede bang umani ang babae sa lupang hindi naman siya ang nagtatanim, naghihintay na lamang kumain ng pagkaing nakahanda na, nang wala siyang anumang ginagawa? Hindi rin tama iyon. Bagamat hindi iniutos ng Diyos sa babae na itaguyod ang kabuhayan ng pamilya, hindi pwedeng paupo-upo lang siya nang walang ginagawa. Huwag isipin na dahil hindi inutusan ng Diyos ang mga babae ay maaari na lamang nilang balewalain ang usaping ito. Hindi iyon ganoon. Kailangan ding tuparin ng mga babae ang kanilang mga responsabilidad; dapat nilang tulungan ang kanilang mga mister sa pagpapanatili sa kabuhayan ng pamilya. Ang isang babae ay hindi lamang kailangang maging isang katuwang—kasabay nito, dapat din niyang tulungan ang kanyang asawa na tuparin ang mga responsabilidad at misyon nito sa pamilya. Hindi pwedeng tumayo na lang siya sa isang tabi, pinapanood at pinagtatawanan ang kanyang mister, o maghintay na lamang sa nakahandang pagkain. Dapat nagkakaisa silang dalawa. Sa ganitong paraan, ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat gampanan ng mga lalaki at babae ay matutupad lahat, at magagawa nang maayos.
Ituloy natin ang pagbabasa. Sinabi ng Diyos: “Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang.” Kita mo, dagdag pa sa trabahong ibinigay ng Diyos sa mga tao, may karagdagan pang mga pasanin; hindi sapat na nagtatrabaho ka, tumutubo rin ang mga ligaw na damo sa bukid na kailangan mong bunutin. Ibig sabihin, kung ikaw ay isang magsasaka, may dagdag ka pang trabaho bukod sa pagtatanim. Kailangan mo ring bunutin ang mga ligaw na damo, at hindi pwedeng paupo-upo ka lang nang walang ginagawa; kailangan mong magsikap sa pagtatrabaho upang mapanatili ang kabuhayan ng iyong pamilya, gaya ng sinabi ng Diyos: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang ito? Ito ay nangangahulugang may karagdagang bigat na ibinibigay sa mga tao bukod pa sa kanilang trabaho. Hanggang kailan? “Hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa.” Hanggang sa iyong huling hininga, kapag natapos mo na ang paglalakbay sa buhay; hindi mo na kakailanganin pang kumilos nang ganito, at matutupad na ang iyong mga responsabilidad. Ito ang utos ng Diyos sa mga tao at ito ang Kanyang kautusan sa kanila, pati na rin ang responsabilidad at pasanin na ibinigay Niya sa kanila. Handa ka man o hindi, ito ay inorden ng Diyos, at hindi mo ito matatakasan. Kaya, sa buong lipunan o sa buong sangkatauhan, tinitingnan man ito ng isang tao mula sa isang personal o obhetibong pananaw, mas malaki ang isipin ng mga lalaki sa kanilang pananatiling buhay sa lupa kumpara sa mga babae, na hindi maiiwasan na masasabing resulta ng inorden at pamamatnugot ng Diyos. Sa usaping ito, kailangan ng mga lalaki na tanggapin ito mula sa Diyos at pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat nilang pasanin; sa partikular, ang mga taong nasa balangkas ng pag-aasawa na may pamilya at asawa ay hindi dapat magtangkang tumakas o tumanggi sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad dahil lang sa ang buhay ay mahirap, mapait, o nakapapagod. Kung sasabihin mo na, “Ayaw kong gawin ang responsabilidad na ito, at ayaw kong magtrabaho,” kung gayon, maaari mong piliing umatras sa pag-aasawa o tumanggi sa pag-aasawa. Kaya, bago ka mag-asawa, dapat pag-isipan mo muna ito, isipin at unawain nang malinaw kung ano ang mga responsabilidad na hinihingi ng Diyos na akuin ng isang lalaking may asawa, kung kaya mo bang tuparin ang mga ito o hindi, kung kaya mo bang gawin ang mga ito nang maayos o hindi, kung kaya mo bang gampanan nang wasto ang iyong papel o hindi, ang mga utos ng Diyos sa iyo, at kung kaya mo ba o hindi na tiisin ang mga pasanin ng pamilya na ibibigay sa iyo ng Diyos. Kung sa palagay mo ay wala kang pananalig na gawin ang lahat ng ito nang maayos, o kung wala kang kahandaang gawin ito—kung ayaw mong gawin ito—kung tumatanggi ka sa responsabilidad at obligasyong ito, tumatangging magtiis ng pasanin sa loob ng tahanan at sa balangkas ng pag-aasawa, kung gayon ay hindi ka dapat mag-asawa. Sa kapwa lalaki at babae, ang pag-aasawa ay nangangahulugan ng mga responsabilidad at pasanin; hindi ito isang simpleng bagay lang. Bagamat hindi ito sagrado, sa Aking pagkaunawa, ang pag-aasawa, kahit papaano, ay isang seryosong bagay, at dapat itama ng mga tao ang kanilang mga saloobin tungkol dito. Ang pag-aasawa ay hindi para paglaruan ang mga pagnanasa ng laman, o para tugunan ang mga panandaliang pangangailangan ng damdamin, lalong hindi ito para tugunan ang iyong kuryosidad. Ito ay isang responsabilidad at obligasyon; at siyempre, ang mas higit pa, ito ay isang kumpirmasyon at pagpapatunay kung ang isang lalaki o babae ay may abilidad at pananalig na pumasan sa mga responsabilidad ng pag-aasawa. Kung hindi mo alam kung may abilidad ka ba o wala na pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng pag-aasawa, kung ganap kang walang alam sa mga ito, o kung ayaw mong mag-asawa—o kung nayayamot ka pa nga sa ideya ng pag-aasawa—kung ayaw mong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng buhay pamilya, maging maliliit o malalaking bagay man ang mga ito, at nais mong manatiling walang asawa—“Sinabi ng Diyos na hindi maganda ang mapag-isa, pero sa tingin ko, maganda rin naman ang mapag-isa”—kung gayon ay maaari mong tanggihan ang pag-aasawa, o maging ang iwanan ang iyong buhay may-asawa. Iba-iba ito sa bawat indibidwal, at ang bawat tao ay may kalayaang pumili. Ngunit, kahit ano pa ang sabihin mo, kung titingnan mo kung ano ang nakatala sa Bibliya tungkol sa mga sinasabi at inorden ng Diyos tungkol sa pinakaunang pag-aasawa ng sangkatauhan, makikita mo na ang pag-aasawa ay hindi isang laro, ni hindi rin ito isang simpleng bagay; siyempre, lalong hindi rin ito ang libingan na tulad ng inilalarawan ng mga tao. Ang pag-aasawa ay isinaayos at inorden ng Diyos. Mula pa sa simula ng tao, ito ay inorden at isinaayos na ng Diyos. Kaya ang mga makamundong kasabihang iyon—“Ang pag-aasawa ay isang libingan,” “Ang pag-aasawa ay isang bayan na inaatake,” “Ang pag-aasawa ay isang trahedya,” “Ang pag-aasawa ay isang sakuna,” at iba pa—may katuturan ba ang mga ito? (Wala.) Walang katuturan ang mga ito. Sadyang ito ang pagkaunawa na mayroon ang tiwaling sangkatauhan tungkol sa pag-aasawa pagkatapos nila itong baluktutin, itiwali, at ituring na masama. Pagkatapos baluktutin, itiwali, at ituring na masama ang wastong pag-aasawa, binabatikos din nila ito, nagsasabi ng ilang hindi angkop na mga panlilinlang, nagpapahayag ng mga maladiyablong salita, at bilang resulta, ang mga nananampalataya sa Diyos ay nalilihis din, kaya mayroon din silang mga mali at di-normal na pananaw sa pag-aasawa. Nalihis at natiwali rin ba kayo? (Oo.) Kung gayon, sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan, pagkatapos mong magkaroon ng tumpak at wastong pagkaunawa sa pag-aasawa, kapag may muling nagtanong, “Alam mo ba kung ano ang pag-aasawa?” sasabihin mo pa rin bang, “Ang pag-aasawa ay isang libingan”? (Hindi.) Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Dapat mo bang sabihin iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil ang pag-aasawa ay isinaayos at inorden ng Diyos, dapat itong tratuhin ng mga tao nang tama. Kung ang mga tao ay kikilos nang walang pakundangan at bibigyang-layaw ang kanilang mga pagnanasa, nagpapakasasa sa kalandian at nagdudulot ng masasamang kahihinatnan, sinasabing ang pag-aasawa ay isang libingan, kung gayon, masasabi Ko lang na hinuhukay nila ang kanilang sariling libingan at binibigyan ng problema ang kanilang sarili; hindi sila pwedeng magreklamo. Wala itong kinalaman sa Diyos. Hindi ba’t ito nga ang sitwasyon? Ang pagsasabi na ang pag-aasawa ay isang libingan ay ang pagbabaluktot at pagkokondena ni Satanas sa pag-aasawa at sa isang positibong bagay. Kapag mas positibo ang isang bagay, mas lalo itong binabaluktot ni Satanas at ng tiwaling sangkatauhan tungo sa isang kabuktutan. Hindi ba’t masama ito? Kung ang isang tao ay namumuhay sa kasalanan, nagpapakasasa sa kalandian at nagkakaroon ng kabit, bakit hindi iyon sinasabi ng mga tao? Kung ang isang tao ay nakikiapid, bakit hindi iyon sinasabi ng mga tao? Ang wastong pag-aasawa ay hindi pakikiapid, ni hindi rin ito kalandian, hindi ito ang pagtugon sa mga pagnanasa ng laman, ni hindi rin ito isang simpleng bagay; siyempre, mas lalong hindi ito isang libingan. Ito ay isang positibong bagay. Inorden at isinaayos ng Diyos ang pag-aasawa ng tao, at may mga ipinagkatiwala at kautusan Siya patungkol dito; siyempre, ang mas higit pa, nagbigay Siya ng mga responsabilidad at obligasyon sa pag-aasawa sa magkabilang panig sa pamamagitan ng pag-utos, pati na rin ng Kanyang mga kasabihan tungkol sa kung ano ang bumubuo sa pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay maaari lamang buuin ng isang lalaki at isang babae. Sa Bibliya, lumikha ba ang Diyos ng isang lalaki, tapos ay lumikha ng isa pang lalaki, at pagkatapos ay ikinasal sila? Hindi, walang homoseksuwal na pag-aasawa sa pagitan ng dalawang lalaki o dalawang babae. Mayroon lamang pag-aasawa ng isang lalaki at ng isang babae. Ang pag-aasawa ay binubuo ng isang lalaki at isang babae, na hindi lamang magkatuwang, kundi nagtutulungan din, sinasamahan nila ang isa’t isa, inaalagaan ang isa’t isa, at parehong tinutupad ang kanilang mga responsabilidad, namumuhay nang maayos at sinasamahan ang isa’t isa nang wasto sa mga landas ng kanilang buhay, sinasamahan ang isa’t isa sa bawat mahirap na yugto ng buhay, sa bawat iba’t iba at natatanging yugto; at siyempre, napagdadaanan din nila ang mga ordinaryong panahon. Ito ang responsabilidad na pareho nilang dapat akuin sa pag-aasawa, at ito rin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ano ang ipinagkakatiwala ng Diyos? Ito ang mga prinsipyong dapat panatilihin at isagawa ng mga tao. Kaya, para sa lahat ng nag-aasawa, makabuluhan ang pag-aasawa. Ito ay may karagdagang epekto sa iyong personal na karanasan at kaalaman, pati na rin sa paglago, pagkahinog, at pagpeperpekto ng iyong pagkatao. At sa kabaligtaran, kung wala kang asawa, at namumuhay ka lang kasama ang iyong mga magulang, o namumuhay nang mag-isa sa buong buhay mo, o kung di-normal ang iyong buhay mag-asawa, isang buhay mag-asawa na imoral at hindi inorden ng Diyos, kung gayon, ang iyong mararanasan ay hindi ang karanasan, kaalaman, o mga pagsubok sa buhay, hindi rin ang paglago, pagkahinog, at pagpeperpekto ng iyong pagkatao na iyong matatamo mula sa isang wastong pag-aasawa. Sa pag-aasawa, higit pa sa dalawang taong dumaranas ng pagsasama at pagsuporta ng isa’t isa, siyempre, dumaranas din sila ng mga hindi pagkakasundo, alitan, at kontradiksiyon na nagaganap sa buhay. Kasabay nito, magkasama nilang dinaranas ang pasakit ng panganganak, at ang karanasan ng pagtuturo at pagpapalaki ng mga anak, at pagtutustos sa kanilang mga nakatatanda, nagiging saksi sila sa paglaki ng sunod na henerasyon, nagiging saksi sa pag-aasawa at panganganak ng sunod na henerasyon katulad nila, inuulit ang parehong pinagdaanan nila. Sa ganitong paraan, ang karanasan, kaalaman, o mga pagsubok sa buhay ng mga tao ay medyo sagana at sari-sari, hindi ba? (Oo.) Kung mayroon ka nang gayong karanasan sa buhay bago ka nanampalataya sa Diyos, bago mo tinanggap ang gawain, mga salita, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at dagdag pa, kung magagawa mong sambahin at sundin ang Diyos pagkatapos mong manalig sa Kanya, kung gayon, magiging mas masagana ang buhay mo kumpara sa buhay ng karamihan; ang iyong karanasan at personal na pagkaunawa ay magiging mas malawak. Siyempre, lahat ng sinasabi Kong ito ay batay sa pamantayan na, sa ilalim ng balangkas ng pag-aasawa na tulad ng inorden ng Diyos, dapat taimtim mong isakatuparan ang iyong sariling mga responsabilidad at obligasyon, ang mga responsabilidad at obligasyon ng mga lalaki at babae, at ang mga responsabilidad at obligasyon ng mga mister at misis. Ito ay mga bagay na dapat gawin. Kung hindi mo isinasakatuparan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon, ang iyong pag-aasawa ay magiging magulo, at ito ay mabibigo, at sa huli, masisira ang iyong buhay may-asawa. Daranas ka ng isang sira, bigong pag-aasawa, pati na ng mga problema, gusot, pasakit, at kaguluhan na idudulot sa iyo ng pag-aasawa. Kung ang dalawang partido na pumapasok sa pag-aasawa ay hindi kayang magkusa at personal na isagawa ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon, magtatalo sila at kokontrahin nila ang isa’t isa. Sa paglipas ng panahon, mas lalo silang magtatalo, mas lalalim ang kanilang mga kontradiksyon, at magsisimula nang magkaroon ng lamat sa kanilang buhay mag-asawa; habang mas tumatagal ang lamat na ito, hindi na nila magagawang ayusin ang lamat sa kanilang buhay mag-asawa, at ang gayong buhay mag-asawa ay tiyak na hahantong sa hiwalayan, sa pagkawasak—tiyak na bigo ang gayong buhay mag-asawa. Kaya mula sa iyong perspektiba, ang pag-aasawang inorden ng Diyos ay hindi naaayon sa iyong mga nais, at sa tingin mo ay hindi ito angkop. Bakit ganoon ang iniisip mo? Dahil sa balangkas ng pag-aasawa, wala kang ginagawang anuman na naaayon sa mga hinihingi at iniuutos ng Diyos; makasarili mong hinahangad ang pagtupad sa sarili mong mga hinihingi, ang pagtupad sa sarili mong mga kagustuhan at nais, at ang pagtupad sa iyong imahinasyon. Hindi mo pinipigilan ang iyong sarili o hindi ka nagbabago para sa kapakanan ng iyong katuwang, hindi ka rin nagtitiis ng anumang pasakit; sa halip, binibigyang-diin mo lamang ang iyong sariling mga pagdadahilan, ang iyong sariling pakinabang at mga kagustuhan, at hindi mo iniisip kailanman ang iyong kabiyak. Ano ang mangyayari sa huli? Ang iyong buhay mag-asawa ay masisira. Ang pinagmumulan ng pagkasirang ito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Masyadong makasarili ang mga tao, kaya ang mag-asawa, na dapat sana ay iisa, ay hindi makapagsama nang maayos, hindi nila magawang makisimpatiya, umunawa, magpagaan ng loob at tumanggap sa isa’t isa, o baguhin at isakripisyo ang mga bagay-bagay para sa isa’t isa. Nakikita mo kung gaano naging tiwali ang sangkatauhan. Hindi kayang pigilan ng pag-aasawa ang pag-asal ng mga tao, ni hindi nito mahikayat ang mga tao na isuko ang kanilang mga makasariling hangarin, kaya walang mga moral na prinsipyo o mabubuting kaugalian mula sa lipunan na makakapagpabuti sa mga tao, o makakapagpanatili sa kanilang konsensiya at katwiran. Kaya pagdating sa pag-aasawa, dapat matutunan ito ng mga tao mula sa paraan ng kung paano unang inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa tao. Siyempre, dapat din nilang maunawaan ang usaping ito mula sa Diyos. Ang pag-unawa sa lahat ng ito mula sa perspektiba ng Diyos ay dalisay, at kapag nauunawaan ng mga tao ang lahat ng ito, ang anggulo at pananaw ng pagtingin nila sa pag-aasawa ay magiging tama. Ang dahilan kung bakit kailangang tama ang kanilang anggulo at pananaw sa pag-aasawa ay hindi lamang para malaman nila ang konsepto at tamang depinisyon ng pag-aasawa; ito rin ay upang bigyang-daan ang mga tao na magkaroon ng wasto, tama, tumpak, naaangkop, at makatwirang pamamaraan ng pagsasagawa kapag naharap sila sa pag-aasawa, upang hindi sila mailihis ni Satanas o ng iba’t ibang ideya ng mga buktot na kalakaran ng mundo sa kanilang paraan ng pagtrato sa pag-aasawa. Kapag pinili mo ang pag-aasawa batay sa mga salita ng Diyos, kayong mga babae ay kailangan ninyong malinaw na makita kung ang inyong katuwang ay ang uri ng tao na kayang tumupad sa mga responsabilidad at obligasyon ng isang lalaki gaya ng sinabi ng Diyos, kung karapat-dapat bang ipagkatiwala ang iyong buong buhay sa lalaking iyon. Kayong mga lalaki ay kailangan ninyong malinaw na makita kung ang isang babae ay ang uri ng tao na kayang isantabi ang kanyang sariling pakinabang alang-alang sa buhay pamilya at sa kanyang mister, na baguhin ang kanyang mga pagkukulang at kapintasan. Dapat mong isaalang-alang ang lahat ng bagay na ito at marami pang iba. Huwag umasa sa iyong imahinasyon, o sa mga panandaliang hilig o libangan; lalong huwag kang umasa sa mga maling ideya tungkol sa pag-ibig at romantisismo na itinatanim sa iyo ni Satanas para bulag na piliin ang pag-aasawa. Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, malinaw na ba sa lahat ang mga ideya, pananaw, anggulo, at perspektiba na dapat taglayin ng mga tao sa pag-aasawa, pati na rin ang pagsasagawang dapat nilang piliin at mga prinsipyong dapat nilang panghawakan tungkol sa pag-aasawa? (Oo.)
Ngayong araw, hindi pa natin napag-usapan ang tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa pag-aasawa; nilinaw lang natin ang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa. Hindi ba’t malinaw Kong naipahayag ang tungkol sa paksa? (Oo.) Malinaw Ko itong naipahayag. Mayroon pa rin ba kayong mga reklamo tungkol sa pag-aasawa? (Wala.) At tungkol naman sa taong dati mong naging asawa, iyong iniwan mo, mayroon ka bang anumang galit sa kanya? (Wala.) Umiiral pa rin ba ang inyong mga di-normal, may kinikilingan na pagkaunawa at pananaw sa pag-aasawa, o maging ang inyong mga pambatang pantasya na hindi alinsunod sa mga katunayan? (Hindi na.) Dapat ay mas makatotohanan na kayo ngayon. Ngunit ang pag-aasawa ay hindi isang simpleng bagay ng pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ay may kaugnayan sa buhay ng mga tao na may normal na pagkatao, at sa mga responsabilidad at obligasyon ng mga tao, at higit pa rito, naroon ang mga mas praktikal na pamantayan at prinsipyo na ipinaalala ng Diyos sa mga tao, na hiningi Niya sa kanila, at ipinag-uutos sa kanila. Ito ang mga responsabilidad at obligasyong dapat tapusin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at obligasyong dapat akuin nila mismo. Ito ang kongkretong depinisyon ng pag-aasawa at ang kahalagahan ng kongkretong pag-iral ng pag-aasawa, na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. O sige, dito na tayo magtatapos sa araw na ito. Paalam!
Enero 7, 2023