Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9 (Ikatlong Bahagi)
Dahil pinag-uusapan natin ngayon ang paksa ng pag-aasawa, nararapat lamang na ating alamin kung ano ang tumpak, wastong depinisyon at konsepto ng pag-aasawa. Dahil pinag-uusapan natin ang tungkol sa tumpak, tamang kahulugan at konsepto ng pag-aasawa, kailangan nating hanapin ang kasagutan sa mga salita ng Diyos, para bigyan ng tamang depinisyon at konsepto ang pag-aasawa batay sa lahat ng sinabi at ginawa ng Diyos tungkol sa usaping ito, upang linawin ang tunay na kalagayan ng pag-aasawa, at linawin ang orihinal na layunin sa likod ng paglikha at pag-iral ng pag-aasawa. Kung nais ng isang tao na malinaw na makita ang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa, kailangan muna siyang mag-umpisa sa pagsusuri ng mga ninuno ng sangkatauhan. Bakit kailangang mag-umpisa sa pagsusuri ng mga ninuno ng sangkatauhan? Nagawang umiral ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan dahil sa pag-aasawa ng kanilang mga ninuno; ibig sabihin, ang pag-aasawa ng mga tao na nilikha ng Diyos sa simula ang ugat kung bakit napakaraming tao ngayon. Kaya kung nais ng isang tao na maunawaan ang tamang kahulugan at konsepto ng pag-aasawa, dapat muna siyang magsimula sa pagsusuri sa pag-aasawa ng mga ninuno ng sangkatauhan. Kailan nagsimula ang pag-aasawa ng mga ninuno ng sangkatauhan? Nagsimula ito sa paglikha ng Diyos sa tao. Ito ay nakatala noon pa sa Aklat ng Genesis, kaya kailangan nating buksan ang Bibliya at tingnan kung ano ang sinasabi ng mga talatang ito. Interesado ba ang karamihan sa mga tao sa paksang ito? Maaaring isipin ng mga taong may asawa na wala nang kailangang pag-usapan pa, na ang paksang ito ay napakakaraniwan, ngunit ang mga kabataang wala pang asawa ay talagang interesado sa paksang ito, sapagkat iniisip nila na misteryoso ang pag-aasawa, at na marami silang hindi alam dito. Kaya simulan nating pag-usapan ang pinakaugat. Pakibasa ang Genesis 2:18. (“At sinabi ng Diyos na si Jehova, Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.”) Sunod, Genesis 2:21–24. (“At pinahimbing ng Diyos na si Jehova ang tulog ni Adan, at nakatulog ito: at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito at pinaghilom ang laman sa dakong yaon: At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay Kanyang ginawang isang babae, at ito ay dinala niya sa lalaki. At sinabi ni Adan, ‘Ito nga ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya ay tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha.’ Kaya iiwan ng lalake ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa: at sila ay magiging iisang laman.”) Sunod, Genesis 3:16–19. (“Sinabi Niya sa babae, ‘Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.’ At kay Adan ay sinabi, ‘Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka mula sa mga ito sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.’”) Hihinto tayo riyan. May limang talata sa ikalawang kabanata at apat na talata naman sa ikatlong kabanata, sa kabuuan ay mayroong siyam na talata ng kasulatan. Siyam na talata sa Genesis ang naglalarawan sa iisang bagay, kung paano nagkaroon ng pag-aasawa sa mga ninuno ng sangkatauhan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Nauunawaan mo na ba ngayon? Nauunawaan mo na ba nang mas mabuti ang pangkalahatang kahulugan, at kaya mo bang tandaan ito? Ano ang pangunahing bagay na tinalakay rito? (Kung paano nagkaroon ng pag-aasawa sa mga ninuno ng sangkatauhan.) Kaya paano ba talaga nagkaroon nito? (Inihanda ito ng Diyos.) Tama, iyan ang tunay na pangyayari. Inihanda ito ng Diyos para sa tao. Nilikha ng Diyos si Adan, pagkatapos ay nilikha Niya ang makakatuwang nito, isang asawang tutulungan at sasamahan siya, na mamumuhay kasama niya. Ito ang pinagmulan ng pag-aasawa ng mga ninuno ng sangkatauhan, at ito ang pinagmulan ng pag-aasawa ng tao. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Alam natin ang pinagmulan ng pag-aasawa ng tao: Ito ay inorden ng Diyos. Inihanda ng Diyos ang isang katuwang para sa ninuno ng sangkatauhan, na maaari ding tawaging isang asawa, na siyang tutulong at sasama sa kanya sa buong buhay. Ito ang simula at pinagmulan ng pag-aasawa ng tao. Kaya, dahil nakita na natin ang simula at pinagmulan ng pag-aasawa ng tao, paano natin ito dapat maunawaan nang tama? Sasabihin mo ba na sagrado ang pag-aasawa? (Oo.) Sagrado ba ito? May kinalaman ba ito sa kabanalan? Wala. Hindi mo pwedeng sabihin na ito ay sagrado. Ang pag-aasawa ay isinaayos at inorden ng Diyos. Ang simula at pinagmulan nito ay nasa paglikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang unang tao, na nangailangan ng isang katuwang na tutulong at sasama sa kanya, mamumuhay kasama niya, kaya nilikha ng Diyos ang isang katuwang para sa kanya, at kaya, nagkaroon ng pag-aasawa ng tao. Iyon lang. Ganoon ito kasimple. Ito ang pangunahing pagkaunawa sa pag-aasawa na dapat mong taglayin. Ang pag-aasawa ay galing sa Diyos; ito ay isinaayos at inorden Niya. Kahit papaano, maaari mong sabihing ito ay hindi isang negatibong bagay, kundi isang positibong bagay. Maaari ding tumpak na sabihing ang pag-aasawa ay nararapat, na ito ay isang nararapat na bahagi ng buhay ng tao at ng proseso ng pag-iral ng mga tao. Ito ay hindi buktot, o isang kasangkapan o paraan ng pagtiwali sa sangkatauhan; ito ay nararapat at positibo, sapagkat nilikha at inorden ito ng Diyos, at siyempre, isinaayos Niya ito. Ang pag-aasawa ng tao ay nagmumula sa paglikha ng Diyos, at ito ay isang bagay na Kanyang personal na isinaayos at inorden, kaya kung titingnan ito mula sa anggulong ito, ang tanging perspektiba na dapat mayroon ang tao tungkol sa pag-aasawa ay na ito ay nagmumula sa Diyos, na ito ay isang nararapat at positibong bagay, na ito ay hindi negatibo, buktot, makasarili, o masama. Ito ay hindi galing sa tao, o mula kay Satanas, lalong hindi ito natural na nabubuo sa kalikasan; sa halip, nilikha ito ng Diyos gamit ang Kanyang sariling mga kamay, at personal itong isinaayos, at inorden. Ito ay ganap na tiyak. Ito ang pinaka-orihinal, tumpak na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa.
Ngayong nauunawaan mo na ang tumpak na konsepto at depinisyon ng pag-aasawa na dapat taglayin ng mga tao, suriin natin ang katanungang ito: Ano ang kahulugan sa likod ng pag-oorden at pagsasaayos ng Diyos sa pag-aasawa? Ito ay binanggit sa mga talata sa Bibliyang binasa natin kanina, kagaya ng, kung bakit nag-aasawa ang sangkatauhan, ano ang mga iniisip ng Diyos noon, ano ang sitwasyon at mga sirkumstansiya noong panahong iyon, at sa ilalim ng anong uri ng mga sirkumstansiya ibinigay ng Diyos ang pag-aasawa na ito sa tao. Ganito ang sinabi ng Diyos na si Jehova: “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.” Ang mga salitang ito ay nagsasaad ng dalawang bagay. Una, nakita ng Diyos na sobrang malungkot ang lalaking ito sa kanyang pag-iisa, walang katuwang, walang kausap, o walang kasama na mababahaginan nito ng kaligayahan at ng mga iniisip nito; nakita ng Diyos na ang buhay nito ay walang sigla, walang kulay, at nakakabagot, kaya naisip ng Diyos: Ang isang tao ay medyo malungkot, kaya kailangan kong gumawa ng katuwang niya. Ang katuwang na ito ay magiging kanyang asawa, na sasamahan siya kahit saan at tutulungan siya sa lahat ng bagay; ito ang kanyang magiging katuwang at asawa. Ang silbi ng isang katuwang ay ang samahan siya sa buhay, maglakbay kasama siya sa landas ng kanyang buhay. Sa loob man ng sampu, dalawampu, isang daan, o dalawang daang taon, itong katuwang ang mananatili sa kanyang tabi, ang makakasama niya sa kahit saan, ang makakausap niya, makikibahagi sa kanyang kasiyahan, pasakit, at bawat emosyon, at kasabay nito, sasamahan siya at hindi siya hahayaang maging mag-isa o malungkot. Ang mga kaisipan at ideya na ito na lumilitaw sa isipan ng Diyos ay ang mga sirkumstansiya ng pinagmulan ng pag-aasawa ng tao. Sa ilalim ng mga sirkumstansiyang ito, gumawa ang Diyos ng iba pang bagay. Tingnan natin ang tala sa Bibliya: “At pinahimbing ng Diyos na si Jehova ang tulog ni Adan, at nakatulog ito: at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito at pinaghilom ang laman sa dakong yaon: At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay Kanyang ginawang isang babae, at ito ay dinala niya sa lalaki.” Kumuha ang Diyos ng isang tadyang mula sa lalaki, at kumuha ng putik, at ginamit Niya ang tadyang upang gumawa ng isa pang tao. Ang taong ito ay ginawa mula sa tadyang ng lalaki, nilikha mula sa kanyang tadyang. Sa madaling salita, ang taong ito—ang katuwang ni Adan ay nilikha mula sa laman at buto na kinuha mula sa kanyang katawan, kaya hindi ba’t masasabi na maliban sa katuwang niya ito, ito rin ay bahagi ng kanyang katawan? (Oo.) Sa madaling salita, ito ay nagmula sa kanya. Pagkatapos itong malikha, ano ang itinawag ni Adan dito? “Babae.” Si Adan ay lalaki, ito ay babae; malinaw na magkaiba ang kasarian ng dalawang taong ito. Unang nilikha ng Diyos ang isang tao na may mga pisikal na katangian ng lalaki, pagkatapos ay kumuha Siya ng tadyang mula sa lalaki at nilikha ang isang tao na may mga pisikal na katangian ng babae. Ang dalawang taong ito ay namuhay nang magkasama bilang iisa, na siyang bumubuo sa isang pag-aasawa, kaya nagkaroon ng pag-aasawa. Kaya, ano mang uri ng mga magulang ang nagpalaki sa isang tao, sa huli, kailangan nilang lahat na mag-asawa at makasama ang kanilang asawa sa ilalim ng ordinasyon at mga pagsasaayos ng Diyos, at maglakad hanggang sa dulo ng landas. Ito ang ordinasyon ng Diyos. Sa isang banda, kung obhetibo itong titingnan, kailangan ng mga tao ng katuwang; sa kabilang banda, kung subhetibo itong titingnan, sapagkat ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos, ang asawang lalaki at asawang babae ay dapat na maging iisa, iisang tao na hindi mapaghihiwalay. Ito ay isang katunayan na kapwa obhetibo at subhetibo. Kaya, ang bawat tao ay kailangang iwan ang pamilyang nagsilang sa kanila, pumasok sa pag-aasawa, at itatag ang isang pamilya kasama ang kanilang asawa. Ito ay hindi maiiwasan. Bakit? Dahil ito ay inorden ng Diyos, at ito ay isang bagay na isinaayos Niya mula pa sa simula ng tao. Ano ang itinuturo nito sa mga tao? Hindi mahalaga kung sinuman ang naiisip mong maging asawa mo, kung siya man o hindi ang iyong personal na kailangan at inaasam, at hindi mahalaga kung ano ang kanyang pinagmulan, ang tao na mapapangasawa mo, na siyang makakasama mong magtatag ng pamilya at makakasama mo sa buhay na ito, ay tiyak na siyang isinaayos at inorden na ng Diyos para sa iyo. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.) Ano ang dahilan nito? (Ang ordinasyon ng Diyos.) Ang dahilan ay ang ordinasyon ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa konteksto ng mga dating pamumuhay, o mula sa perspektiba ng Diyos, ang asawang lalaki at asawang babae na pumapasok sa pag-aasawa ay talagang iisa, kaya isinasaayos ng Diyos na mapapangasawa mo at makakasama sa buhay ang taong kaisa mo. Sa madaling salita, ganoon talaga iyon. Ang mapapangasawa mo man ay ang iyong pinapangarap na tao, o kung siya man ang iyong Prince Charming, ang taong iyong inaasahan, kung iniibig mo man siya o iniibig ka niya, kung kayo ay natural na naging mag-asawa dahil sa swerte at pagkakataon o dahil sa iba pang sirkumstansiya, ang tiyak ay ang pag-aasawa ninyo ay inorden ng Diyos. Kayo ang magkatuwang na inorden ng Diyos para sa isa’t isa, ang mga taong inorden ng Diyos upang samahan ang isa’t isa, at ang Kanyang inorden na magkasama sa buhay na ito at maglakbay hanggang dulo nang magkahawak-kamay. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.) Sa palagay ninyo, mapagpanggap o baluktot ba ang pagkaunawang ito? (Hindi.) Ito ay hindi mapagpanggap o baluktot. Sinasabi ng ilang tao: “Maaaring mali ang iyong sinasabi. Kung ang mga pag-aasawang ito ay talagang inorden ng Diyos, bakit may mga pag-aasawa na humahantong pa rin sa diborsiyo?” Ito ay dahil may mga problema ang pagkatao ng mga taong ito, na isang hiwalay na usapin. Ito ay may kaugnayan sa paksa ng paghahangad sa katotohanan, na ating pagbabahaginan sa susunod. Sa ngayon, sa pagtatalakay sa kahulugan, pagkaunawa, at tumpak na konsepto ng pag-aasawa, ang katunayan ay ito nga ang nangyayari. Sinasabi ng ilang tao: “Sapagkat sinasabi Mo na ang asawang babae at asawang lalaki ay iisa, kung gayon, hindi ba’t katulad ito ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, ‘Kung ito ang nakatakdang mangyari, mangyayari ito, at kung hindi ito nakatakda, hindi ito mangyayari,’ at gaya ng sinasabi ng mga tao mula sa ilang bansa,[a] ‘kinakailangan ng daan-daang taon ng mabuting karma upang magkaroon ng pagkakataong makasama ang isang tao sa isang simpleng paglalakbay, at libo-libong taon naman ng mabuting karma upang makasama siya bilang asawa’?” Sa palagay ninyo, ang pag-aasawa ba na tinatalakay natin ngayon, ay may kaugnayan sa mga kasabihang ito? (Wala.) Walang kaugnayan ang mga ito. Ang pag-aasawa ay hindi nilinang upang umiral—ito ay inorden ng Diyos. Kapag inorden ng Diyos na maging mag-asawa ang dalawang tao, na maging katuwang nila ang isa’t isa, hindi na nila kailangang linangin ang kanilang sarili. Ano ang kanilang lilinangin? Integridad? Pagkatao? Hindi na nila kailangang linangin ang kanilang sarili. Ganyan magsalita ang mga Budista, hindi iyan ang katotohanan, at wala iyang kinalaman sa katotohanan. Ang pag-aasawa ng tao ay inorden at isinaayos ng Diyos. Sa anyo man o sa literal, sa depinisyon man o sa konsepto, dapat ganito ang pagkaunawa sa pag-aasawa. Sa pamamagitan ng mga salita na naitala sa Bibliya, sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mayroon ka na bang isang tumpak, naaayon-sa-katotohanan na konsepto at depinisyon ng pag-aasawa? (Mayroon.) Ang konseptong ito, ang depinisyong ito, ay hindi baluktot; hindi ito isang perspektiba na may kinikilingan, lalong hindi ito nauunawaan o nabibigyang-depinisyon sa pamamagitan ng damdamin ng tao. Sa halip, ito ay may batayan; ito ay batay sa mga salita at gawain ng Diyos, at ito ay batay sa Kanyang mga pagsasaayos at ordinasyon. Dahil umabot na tayo sa puntong ito, alam na ba ng lahat ang pagkaunawa at pangunahing depinisyon ng pag-aasawa? (Oo.) Ngayon na naiintindihan na ninyo ito, hindi na kayo magkakaroon ng mga di-obhetibong pantasya tungkol sa pag-aasawa, o mababawasan na ang inyong mga reklamo tungkol sa pag-aasawa, tama ba? Maaaring may ilang nagsasabi na: “Ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos—wala nang kailangan pang pag-usapan tungkol doon—pero nagkakaroon ng hiwalayan. Bakit ganoon?” Maraming dahilan kaya nangyayari ito. Ang tiwaling sangkatauhan ay may mga tiwaling disposisyon, hindi nila nakikita nang malinaw ang diwa ng mga isyu, hinahangad nila ang katugunan sa kanilang sariling mga pagnanasa at kagustuhan, hanggang sa punto ng pagsusulong ng kabuktutan, kaya nagkakaroon ng hiwalayan. Ito ay isang hiwalay na paksa, na hindi na natin higit pang pag-uusapan.
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa pagtulong at pagsama sa isa’t isa sa buhay mag-asawa. Sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya ay ilalalang Ko ng makakatulong niya.” Alam ng mga may asawa na ang pag-aasawa ay nagdadala ng maraming pakinabang sa isang pamilya at sa buhay ng isang tao na hindi nila akalain. Sa una, ang mga tao ay labis na nalulungkot at nalulumbay kapag namumuhay sila nang mag-isa, wala silang mapagsabihan ng niloloob nila, walang makausap, walang makasama; ang buhay ay walang sigla at kaawa-awa. Kapag sila ay nag-asawa na, hindi na nila kailangang magdusa sa kalungkutan at pag-iisa. Mayroon na silang mapagsasabihan ng niloloob nila. Minsan, ibinubuhos nila ang kanilang mga kasawian sa kanilang katuwang, at minsan, ibinabahagi nila ang kanilang mga emosyon at kagalakan, o ibinubulalas pa nga ang kanilang galit. Minsan, ibinubuhos nila ang kanilang mga nararamdaman sa isa’t isa, at ang buhay ay tila puno ng galak at saya. Katiwalang-loob nila ang isa’t isa, at may tiwala sila sa isa’t isa, kaya naman maliban sa hindi na sila nalulungkot, nakakaranas sila ng higit na ligaya, at natatamasa nila ang kaligayahan ng pagkakaroon ng katuwang. Bukod sa iba’t ibang lagay ng loob, emosyon, at damdamin, at iba’t ibang kaisipan na kailangang ipahayag, kailangang harapin ng mga tao ang maraming praktikal na isyu sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa proseso ng pamumuhay, mga isyung tulad ng mga pang-araw-araw na pangangailangan, pananamit, at tirahan. Halimbawa, gusto ng dalawang tao na manirahan nang magkasama, at kailangan nilang magtayo ng isang maliit na bodega. Ang lalaki ay kailangang maging isang ladrilyero, nagpapatong-patong ng mga ladrilyo upang magtayo ng isang pader, at ang babae ay maaaring tumulong sa kanya, iniaabot sa kanya ang mga ladrilyo at naghahalo ng semento, o pinupunasan ang kanyang pawis at binibigyan siya ng tubig. Silang dalawa ay nag-uusap at nagtatawanan, at may tumutulong sa kanya, na isang mabuting bagay. Bago pa man dumilim, tapos na ang trabaho. Katulad ito ng isinasalarawan ng lumang opera ng mga Tsino na “Magkasintahang Diwata”: “Ako ang nag-iigib ng tubig at ikaw ang nagdidilig ng hardin.” Ano pa? (“Ikaw ang nag-aararo ng lupa at ako ang naghahabi ng tela.”) Tama iyan. Ang isa ay naghahabi ng tela habang ang isa ay nag-aararo ng lupa; ang isa ang namamahala sa loob, ang isa naman ang namamahala sa labas. Maganda ang pamumuhay nang ganito. Matatawag itong matiwasay na pagtutulungan, o pagsasama nang matiwasay. Sa ganitong paraan, sa buhay, naipapakita ang mga kasanayan ng lalaki, at ang mga aspekto kung saan siya mahina o hindi bihasa ay pinupunan ng babae; kung saan mahina ang babae, siya ay pinatatawad ng lalaki, tinutulungan at sinusuportahan siya nito, at ang kanyang mga kalakasan ay naipapakita rin, na kapaki-pakinabang sa lalaki sa pamilya. Ginagawa ng mag-asawang lalaki at babae ang kanilang tungkulin, natututo mula sa mga kalakasan ng isa’t isa upang punan ang kanilang mga sariling kahinaan, at nagtutulungan sila upang mapangalagaan ang katiwasayan ng tahanan at ang buhay at pag-iral ng buong pamilya. Siyempre, ang mas mahalaga kaysa sa pagsasamahan ay ang pagsuporta at pagtutulungan nila sa isa’t isa sa buong buhay nila, maayos na ginugugol ang kanilang mga araw, sa kahirapan man o sa kayamanan. Sa madaling salita, gaya ng sinabi ng Diyos, hindi mabuti para sa isang lalaki na mag-isa, kaya isinaayos Niya ang pag-aasawa para sa kapakanan ng tao—ang lalaki ang magsisibak ng kahoy at mag-aasikaso ng bakuran, samantalang ang babae ang magluluto, maglilinis, magtatahi, at mag-aalaga sa buong pamilya. Bawat isa ay ginagawa nang maayos ang kanilang trabaho, ginagawa ang kailangan nilang gawin sa buhay, at ang kanilang mga araw ay lumilipas nang masaya. Unti-unti at komprehensibong umunlad ang buhay ng tao mula sa ganitong kalagayan, kung saan ang mga tao ay nag-aanak at nagpaparami hanggang sa kasalukuyan. Kaya, ang pag-aasawa ay mahalaga sa buong sangkatauhan—mahalaga ito sa kanilang pag-unlad, at mahalaga sa kanila bilang mga indibidwal. Ang tunay na kahulugan ng pag-aasawa ay hindi lamang para sa pagpaparami ng sangkatauhan, kundi ang mas importante, ito ay para magsaayos ang Diyos ng isang makakatuwang ng bawat lalaki at babae, isang taong makakasama nila sa bawat yugto ng kanilang buhay, ito man ay mahirap at masakit, o madali, masaya, at maligaya—sa lahat ng ito, mayroon silang mapagsasabihan ng kanilang niloloob, magiging kaisa nila sa puso at isipan, at makakasalo nila sa kanilang lungkot, pasakit, kasiyahan, at kaligayahan. Ito ang kahulugan sa likod ng pagsasaayos ng Diyos ng pag-aasawa para sa mga tao, at ito ang personal na pangangailangan ng bawat indibidwal na tao. Nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ayaw Niyang mapag-isa sila, kaya isinaayos Niya ang pag-aasawa para sa kanila. Sa pag-aasawa, ang mga lalaki at babae ay may kanya-kanyang mga papel, at ang pinakamahalaga ay na sinasamahan at sinusuportahan nila ang isa’t isa, namumuhay nang maayos sa bawat araw, maayos na umuusad sa landas ng buhay. Sa isang banda, maaari nilang samahan ang isa’t isa, at sa kabilang banda, maaari nilang suportahan ang isa’t isa—ito ang kahulugan ng pag-aasawa at kung bakit kinakailangan itong umiral. Siyempre, ito rin ang pagkaunawa at saloobing dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, at ito ang responsabilidad at obligasyong dapat nilang tuparin sa pag-aasawa.
Balikan at tingnan natin ang Genesis 3:16. Sinabi ng Diyos sa babae: “Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.” Ito ang tungkuling ibinigay ng Diyos sa babae, na siyempre, ay isang utos din, kung saan inoorden Niya ang papel na gagampanan ng babae sa pag-aasawa at ang mga responsabilidad na kanyang aakuin. Ang babae ay kinakailangang manganak, na sa isang aspekto ay isang parusa sa kanyang mga dating pagsalangsang, at sa isa pang aspekto, ito ang responsabilidad at obligasyong dapat niyang tanggapin sa pag-aasawa bilang isang babae. Magbubuntis siya at manganganak, at higit pa rito, manganganak siya nang may hinagpis. Dahil dito, pagkatapos pumasok sa pag-aasawa, hindi dapat tumanggi ang mga kababaihan na manganak dahil lang sa takot silang magdusa. Mali ito. Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang responsabilidad na dapat mong akuin. Kaya, kung gusto mong magkaroon ng makakasama, ng tutulong sa iyo sa buhay, kailangan mong isaalang-alang ang unang responsabilidad at obligasyong iyong aakuin kapag pumasok ka sa pag-aasawa. Kung may isang babaeng nagsasabi na, “Ayaw kong magkaroon ng mga anak,” sasabihin ng mga lalaki, “Kung ayaw mong magkaroon ng mga anak, ayaw ko rin sa iyo.” Kung ayaw mong pagdaanan ang sakit ng panganganak, hindi ka dapat mag-asawa. Hindi ka dapat mag-asawa, hindi ka karapat-dapat dito. Pagkatapos mag-asawa, ang unang bagay na dapat mong gawin bilang isang babae ay ang magkaanak, at higit pa rito ay ang magdusa. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka dapat mag-asawa. Bagaman hindi masasabi na hindi ka karapat-dapat maging babae, sa pinakamababa, nabigo kang gampanan ang iyong responsabilidad bilang isang babae. Ang magbuntis at magkaroon ng anak ang unang hinihingi sa mga babae. Ang ikalawang hinihingi ay “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.” Ang pagiging kabiyak ng isang lalaki—bilang isang babae, ang pagpapakasal sa isang lalaki ay nagpapatunay na ikaw ang kabiyak niya, at walang duda na ikaw ay bahagi niya, kaya dapat sa kanya ang pahihinuhod ng iyong puso, ibig sabihin, siya ang dapat na nasa iyong puso. Kapag nasa puso mo siya ay saka mo lang siya maaalagaan at masayang masasamahan. Kahit na ang iyong asawa ay may sakit, kahit na nahaharap siya sa mga suliranin at problema, o kapag nahaharap siya sa kabiguan, pagkadapa, o pagkabalisa kasama ang ibang tao o sa kanyang sariling buhay, saka mo lamang matutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang isang babae, inaalagaan siya, pinahahalagahan siya, inaasikaso siya, pinapaliwanagan siya, inaalo siya, at pinapayuhan siya at pinalalakas ang loob niya sa paraan ng isang babae. Ito ay isang tunay na pagsasama, na mas maganda. Sa ganitong paraan lamang magiging masaya ang iyong buhay may-asawa, at sa ganitong paraan mo lang matutupad ang iyong responsabilidad bilang isang babae. Siyempre, ang responsabilidad na ito ay hindi ipinagkatiwala sa iyo ng iyong mga magulang, kundi ng Diyos. Ito ang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin ng isang babae. Bilang isang babae, dapat kang maging ganito. Ganito mo dapat tratuhin at alagaan ang iyong asawa; ito ang iyong responsabilidad at obligasyon. Kung hindi ito kayang gawin ng isang babae, hindi siya isang mabuting babae, at siyempre, hindi siya isang katanggap-tanggap na babae, dahil nabigo siyang gawin kahit ang pinakamababang hinihingi ng Diyos sa mga babae: “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban.” Naiintindihan mo ba? (Oo.) Bilang kabiyak ng isang lalaki, nagagawa mong ibigin at alagaan ang iyong asawa kapag maayos ang mga bagay-bagay, kapag may pera at kapangyarihan siya, kapag masunurin siya at inaalagaan ka nang mabuti, kapag pinapasaya at pinalulugod ka niya sa lahat ng bagay. Pero kapag siya ay dumaranas ng mga suliranin, karamdaman, pagkadismaya, kabiguan, panghihina ng loob, o pagkabigo, kapag hindi umaayon sa gusto niya ang mga bagay-bagay, kung gayon ay hindi mo nagagampanan ang mga responsabilidad at obligasyong dapat gawin ng isang babae, hindi mo napapagaan ang loob niya, hindi mo siya napapaliwanagan, hindi mo napapalakas ang loob niya, o hindi mo siya nasusuportahan. Sa ganitong pagkakataon, hindi ka isang mabuting babae, dahil hindi mo natupad ang responsabilidad ng isang babae, at hindi ka isang mabuting katuwang para sa isang lalaki. Kung gayon, maaari bang sabihin na ang gayong babae ay isang masamang babae? Hindi naaangkop ang salitang “masama” rito; ngunit sa pinakamababa, wala ka ng konsensiya at katwirang hinihingi ng Diyos, na dapat mayroon ang isang taong may normal na pagkatao—ikaw ay isang babaeng walang pagkatao. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Tapos na nating pag-usapan ang tungkol sa mga hinihingi sa mga babae. Isinaad na ng Diyos ang responsabilidad ng isang babae sa kanyang asawa, ito ay: “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban.” Ang salitang “pahihinuhod” ay hindi tungkol sa pagmamahal o pagkagiliw; bagkus, nangangahulugan ito na siya ay dapat nasa puso mo. Dapat siya ay mahalaga sa iyo; dapat mo siyang tratuhin bilang iyong minamahal, ang iyong kabiyak. Siya ang dapat mong pahalagahan, samahan, alagaan, at kayong dalawa ang dapat mag-alaga sa isa’t isa hanggang sa katapusan ng inyong buhay. Kailangan mo siyang alagaan at pahalagahan nang buong puso. Ito ang iyong responsabilidad—ito ang tinatawag na “pahihinuhod.” Siyempre, nang sabihin ng Diyos dito na “sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban,” ang pariralang “pahihinuhod ang iyong kalooban” ay isang pagtuturong ibinibigay sa mga tao. Bilang isang babaeng may pagkatao, isang katanggap-tanggap na babae, sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban. Higit pa rito, hindi sinabi ng Diyos sa iyo na pahihinuhod ang iyong kalooban sa iyong asawa at sa iba pang lalaki. Hindi ba’t hindi ito sinabi ng Diyos? (Hindi Niya ito sinabi.) Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang isang babae sa kanyang asawa, at na ang tanging lalaki sa kanyang puso, ang tanging layon ng kanyang pahihinuhod, ay ang kanyang asawa. Ayaw Niyang maging pabago-bago ang babae sa kung sino ang kinagigiliwan nito, o na maging mahalay ito, o maging hindi tapat sa asawa nito, o magpahihinuhod sa sinuman na hindi nito asawa. Sa halip, nais Niya na ang pahihinuhod ng kalooban nito ay sa asawa at sa makakasama nito habambuhay. Sa lalaking ito dapat nakatuon ang pahihinuhod ng iyong kalooban, siya ang dapat na pagsumikapan mong alagaan, pahalagahan, arugain, samahan, tulungan, at suportahan sa buong buhay. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Hindi ba’t ito ay isang magandang bagay? (Oo.) Ang ganitong uri ng magandang bagay ay makikita sa mga ibon, at sa iba pang mga hayop, ngunit ito ay halos hindi umiiral sa mga tao—makikita mo kung gaano kalalim na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan! Malinaw nating pinagbahaginan ang mga pangunahing obligasyong dapat tuparin ng isang babae sa pag-aasawa, pati na rin ang mga prinsipyo ng pagtrato niya sa kanyang asawa. Dagdag pa rito, ang pag-aasawang inorden at isinaayos ng Diyos ay monogamo. Saan natin makikita ang basehan nito sa Bibliya? Kumuha ang Diyos ng isang tadyang mula sa katawan ng lalaki para lumikha ng isang babae—hindi Siya kumuha ng dalawa o higit pang tadyang mula sa lalaki para lumikha ng maraming babae. Isang babae lamang ang nilikha Niya. Ibig sabihin, nilikha ng Diyos ang tanging babae para sa tanging lalaki na nilikha Niya. Ito ay nangangahulugang mayroon lamang isang katuwang para sa lalaki. Ang lalaki ay mayroon lamang isang kabiyak, at ang babae ay mayroon lamang isang kabiyak; higit pa rito, kasabay nito, nagbabala ang Diyos sa babae, “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban.” Sino ang iyong asawa? Ito ang taong iyong pinakasalan, at wala nang iba pa. Hindi ito ang iyong lihim na kalaguyo, o ang sikat na idolong kinagigiliwan mo, o ang Prince Charming ng iyong mga pangarap. Ito ay ang iyong asawa, at nag-iisa lang ang iyong asawa. Ito ang pag-aasawang inorden ng Diyos—monogamo. Nakapaloob ba ito sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.” Hindi sinabi ng Diyos na gumawa Siya ng maraming katuwang para sa lalaki, hindi ito kinakailangan. Sapat na ang isa. Hindi rin sinabi ng Diyos na dapat mag-asawa ng maraming lalaki ang isang babae, o na dapat magkaroon ng maraming asawa ang isang lalaki. Hindi gumawa ang Diyos ng maraming asawa para sa isang lalaki, o kumuha ng tadyang mula sa maraming lalaki para lumikha ng maraming babae, kaya ang maaari lamang na maging asawa ng isang lalaki ay ang babae na nilikha mula sa kanyang sariling tadyang. Hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Kaya sa pag-unlad ng sangkatauhan kalaunan, lumitaw ang poligamiya sa parehong mga babae at lalaki. Ang gayong mga pag-aasawa ay hindi normal, at hindi matatawag na tunay na pag-aasawa. Ito ay pakikiapid lamang. Eksepsiyon dito ang ilang natatanging sitwasyon, katulad ng pagkamatay ng lalaking asawa at ang muling pag-aasawa ng kanyang asawang babae. Ito ay inorden at isinaayos ng Diyos, at ito ay pinahihintulutan. Sa madaling salita, noon pa man ay monogamo na ang pag-aasawa. Hindi ba’t ito ang totoo? (Oo.) Tingnan natin ang natural na mundo. Ang gansa ay monogamo. Kung papatayin ng isang tao ang isa sa mga gansa, ang isa pang gansa ay hindi na muling “mag-aasawa”—magiging mag-isang gansa na lamang ito. Sabi nga, kapag lumilipad ang mga gansa, ang nasa unahan ay karaniwang isang mag-isang gansa. Mahirap ang mga bagay-bagay para sa mag-isang gansa. Kinakailangan nitong gawin ang mga bagay na ayaw gawin ng ibang gansa sa kanilang kawan. Kapag ang ibang gansa ay kumakain o nagpapahinga, responsabilidad ng mag-isang gansa na panatilihing ligtas ang ibang nasa kawan. Hindi ito pwedeng matulog o kumain; kailangan nitong bantayan ang paligid para protektahan ang kawan. Maraming bagay ang hindi nito pwedeng gawin. Maaari lang itong manatiling mag-isa, hindi ito pwedeng magkaroon ng ibang mamahalin. Hindi ito pwedeng magkaroon ng ibang asawa sa buong buhay nito. Ang mga gansa ay palaging sumusunod sa mga tuntuning inorden ng Diyos sa kanila, hindi sila kailanman nagbabago, maging hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang mga tao ay baligtad. Bakit masyadong baligtad ang mga tao? Dahil ang mga tao ang ginawang tiwali ni Satanas, at dahil namumuhay sila sa kabuktutan at kahalayan, hindi nila kayang manatiling monogamo, at hindi nila maitaguyod kanilang mga tungkulin bilang asawa o magawa ang mga responsabilidad at obligasyong dapat nilang gawin. Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo iyon.)
Talababa:
a. Ang orihinal na teksto ay hindi naglalaman ng pariralang “gaya ng sinasabi ng mga tao mula sa ilang bansa.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.