Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 8 (Ikalawang Bahagi)

Ano ang likas na katangian ng mga mithiin at pagnanais na nagmumula sa mga hilig at libangan ng mga tao? Hindi natin inilalantad ang mga hilig at libangan ng mga tao rito, kaya ano ba talaga ang inilalantad at sinusuri natin? Hindi ba’t ito ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na nagmumula sa ilang partikular na hilig at libangan ng mga tao? (Oo.) Hindi ba’t inilalantad natin ang iba’t ibang pag-uugali na ipinapakita ng mga tao at ang mga landas na tinatahak nila bilang resulta ng kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais? Hindi ba’t ito ang diwa na inilalantad natin? (Oo.) Kaya, ano ang mga landas na tinatahak ng mga tao para sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais? Sa anong uri ng landas humahantong ang sinumang tao dahil sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais? Anong uri ng mga layon ang natatamo nila? Habang isinasakatuparan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, bukod sa paglalaan ng kanilang lakas at oras, pati na rin sa pagtitiis ng higit na pasakit at ng lahat ng uri ng pisikal na trabaho, pagkahapo, stress, at iba pang katulad na paghihirap, higit sa lahat ng ito, ano ang landas na tinatahak nila? Ibig sabihin, habang hinahangad ng mga tao ang pagsasakatuparan ng kanilang mga sariling mithiin at pagnanais, ano ang landas na dapat nilang tahakin upang maisakatuparan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais? Unang-una sa lahat, upang maisakatuparan ng mga tao ang mga sarili nilang paghahangad, mithiin, at pagnanais sa mundong ito, ano ang kailangan nilang pag-aralan bilang unang hakbang nila? (Ang lahat ng uri ng kaalaman.) Tama, kailangan nilang matutunan at isangkapan sa kanilang sarili ang lahat ng uri ng kaalaman. Kung mas marami, komprehensibo, at malalim ang kaalaman nila, mas malapit nilang maaabot ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Kung mas komprehensibo, marami, at malalim ang kanilang kaalaman, mas malamang na kikilalanin sila bilang mga indibidwal na may mga karanasan na, at magtatamasa sila ng mas mataas na katayuan sa lipunan. Kasabay nito, kung mas marami, malalim, at komprehensibo ang kanilang kaalaman, ibig sabihin nito ay kakailanganin nilang gumugol ng mas maraming oras at lakas. Ipinapahayag ito mula sa perspektiba ng pisikal na enerhiya. Higit pa rito, pagkatapos magkaroon ng pundasyon ng kaalaman, mas malapit nang maisasakatuparan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at mga pagnanais. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ay ang unang hakbang lamang, ang batayang pundasyon. Pagkatapos nito, kailangang makisalamuha ng mga tao sa lipunan, sa masa, kailangan nilang mapaloob sa napakalaking timba ng pantina o sa gilingan ng karne ng industriya na kaugnay ng kanilang mga mithiin at pagnanais, nakikipaglaban, nakikibaka, at nakikipagkumpitensya sa mga puwersa sa lahat ng panig, at nakikilahok sa iba’t ibang paligsahan, patimpalak, at seminar. Habang gumugugol ng maraming lakas, kailangan ding umangkop ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon at kapaligiran upang maisakatuparan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Kasabay nito, sa napakalaking timba ng pantinang ito, ang mga tao ay dapat umasa sa kanilang kaalaman, at lalo na sa kung ano ang natutunan nila mula sa masa, pati na rin sa mga taglay na nilang pamamaraan, pilosopiya, at panuntunan para manatiling buhay, upang umangkop sa masa at sa mga mekanismo at patakaran ng laro ng lipunan. Sa pamamagitan ng prosesong ito, unti-unting naaabot ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Matapos malagpasan ang napakaraming pagsubok, napakaraming pasikot-sikot, ano ang huling kalalabasan? Bilang mga nagwagi, napapasakanila ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan. Sa huli, nakakamit nila sa resultang ito ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais sa buhay, naisasakatuparan ang kanilang mga layon sa buhay at nagkakaroon ng matatag na posisyon sa kanilang industriya. Sa oras na iyon, karaniwang nasa katanghaliang gulang o katandaan na ang mga tao, at ang ilan ay maaaring nasa mga huling taon na nga ng buhay nila, na may malabong paningin, nakakalbong buhok, humihinang pandinig, at mahuhunang ngipin. Sa edad na iyon, bagamat nakamit na nila ang kanilang mga mithiin at pagnanais, marami na rin silang nagawang nakakapinsala. Ibinuhos nila ang kanilang buong buhay rito. Sa buong buhay nila, upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at pagnanais, marami silang nasabi na labag sa kanilang kalooban, nakagawa sila ng maraming bagay na lumalabag sa etika at konsiyensiya at lumagpas sa ilang hangganan, at gumawa pa nga ng maraming gawaing labag sa konsiyensiya at imoral. Nilinlang nila ang iba at nalinlang na rin sila nang maraming beses, tinalo nila ang iba at natalo rin sila. Masuwerte silang nakaligtas at nagkaroon ng matibay na katatayuan, at tila perpekto ang buhay nila, na para bang napagtanto nila ang kanilang halaga at hindi naging walang saysay ang buhay nila. Buong buhay silang nagpunyagi para sa kanilang mga mithiin at pagnanais, at tila nakapamuhay sila ng isang mahalaga at makabuluhang buhay. Gayunpaman, nabigo silang maunawaan ang landas ng pag-asal na dapat sana ay tinahak nila, wala sila ng anumang uri ng kasabihan bilang patnubay sa buhay nila, at naghirap sila sa buong buhay nila para lamang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at pagnanais, nakikipaglaban sa sangkatauhan, lipunan, at maging sa kanilang sarili. Nawala sa kanila ang konsiyensiya, mga hangganan, at mga prinsipyong kinakailangan para sa pag-asal. Bagamat naisakatuparan na ang kanilang mga mithiin at pagnanais, at pagkatapos ng maraming pasikot-sikot, nakamit na ang mga layon sa buhay na itinakda nila sa bawat yugto, sa loob-loob nila ay hindi magaan ang pakiramdam nila at hindi sila nasisiyahan. Ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na naitatag nila alang-alang sa mga sarili nilang hilig at libangan, sa simpleng salita, ay nagdadala sa kanila sa huli sa landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Bagamat maaaring maramdaman nila na, pagkatapos matamo ang kanilang mga pinakalayon, natanto na nila ang kanilang halaga, nagkaroon na sila ng presensiya, at nagkamit at nagtaglay ng kapwa kasikatan at pakinabang, nananatili silang mangmang tungkol sa kinabukasan, sa kanilang hantungan, at sa halaga ng pag-iral ng tao na kailangan talagang maunawaan ng mga tao. Habang tumatanda sila, lalo nilang nararamdaman na ang lahat ng hinangad nila ay lubhang mailap at hungkag. Dahil sa kahungkagan at pagiging mailap na ito, nakakaramdam sila ng bugso ng kahungkagan at pangamba. Sa katandaan lamang napagtatanto ng mga tao na ang mga mithiin at pagnanais na hinangad nila ay tinugunan lamang ang kanilang banidad at nagbigay sa kanila ng pansamantalang kasikatan at pakinabang, na pawang panandaliang konsuwelo lamang. Mabilis na nagiging pagkabalisa at pangamba ang ganitong konsuwelo, dahil habang tumatanda ang mga tao, mas madali sa kanila na pagnilayan ang kanilang kinabukasan, kung ano ang mangyayari sa kanila, at kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos mamatay, at kapag hindi nasasagot ang lahat ng katanungang ito, kapag wala silang anumang wastong kaisipan at pananaw sa mga usaping ito, mangangamba at mababalisa ang mga tao. Mananatili ang pagkabalisa at pangambang ito hanggang sa ipikit nila ang kanilang mga mata at sila ay yumao. Ang kagalakang nagmumula sa kasikatan at pakinabang ay mabilis na naglalaho sa puso ng tao, at habang mas sinusubukan ng isang tao na sunggaban at hawakan ito, mas lalong madali itong naglalaho, at mas madaling napapalitan ng pagkabalisa at takot ang kagalakang ito. Dahil dito, anuman ang mga mithiin at pagnanais na nagmumula sa iba’t ibang hilig at libangan ng mga tao, sa huli ay humahantong ang mga ito sa isang landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at natamo ang pinakalayon. Ang nakakamit ng mga tao, ay walang iba kundi kasikatan at pakinabang lamang. Ang kasikatan at pakinabang na ito ay nagdudulot lamang ng pansamantalang konsuwelo at panandaliang pagtugon sa banidad ng laman. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, pakiramdam nila ay totoo ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, na panatag sila dahil sa mga ito, na mas nahahanap nila ang kanilang posisyon sa mundo, na mas kaya nilang kontrolin ang direksiyon ng buhay nila at mapanghawakan ito, upang sila ang mamahala sa sarili nilang tadhana. Gayunpaman, kapag naisasakatuparan na ang kanilang mga mithiin at pagnanais, sa wakas ay namumulat ang mga tao. Ano ang dahilan ng pagkamulat na ito? Napagtanto nila na ang pinaglaanan nila ng lakas ng kanilang buhay ay isang walang kabuluhang bagay na hindi mapanghahawakan, o mararamdaman ng puso. Habang mas sinusubukan nilang sunggaban at panghawakan ito, lalo lang itong dumudulas sa kanilang kamay, kaya labis silang nakakaramdam ng kawalan at kahungkagan, at siyempre, ng mas matinding takot at pagsisisi. Dahil may mga hilig at libangan ang mga tao, nagkakaroon sila ng mga mithiin at pagnanais, at ang mga mithiin at pagnanais na ito ay lumilikha ng isang ilusyon na nagpapapaniwala sa mga tao na mayroon silang abilidad na kontrolin ang kanilang buhay, na igiya ang kanilang landas sa buhay, at tukuyin ang kanilang pamamaraan at mga layon sa pag-iral. Nasa ugat ng ilusyong ito ang katunayan na hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, wala silang pagmamahal sa katotohanan, at talagang masasabi na sanhi ito ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kadalasan ay likas nilang hinahangad ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanilang laman o espiritu. Gaano man kalayo sa kanila ang mga bagay na ito, hangga’t sa palagay nila ay maaari nilang matamo at mapanghawakan ang mga ito, handa silang magbayad ng halaga, kahit gumugol pa sila ng panghabambuhay na lakas at oras. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, madali nilang napagkakamalan ang kanilang mga hilig at libangan bilang ang pundasyon o bilang isang uri ng kwalipikasyon o kapital sa paghahangad sa kanilang mga layon sa buhay, at handa silang magbayad ng anumang halaga para dito. Hindi mo napagtatanto na sa sandaling mabayaran mo ang halagang ito, sa sandaling tumahak ka sa landas na ito, nakatakda ka nang tumahak sa isang landas na kontrolado ni Satanas at ng mga kalakaran ng mundo at ng mga patakaran ng laro. Kasabay nito, nakatadhana kang hindi kusang mapaloob sa timba ng pantina, sa gilingan ng karne ng lipunan. Anuman ang kulay na ipantina nito sa iyo, anuman ang maging paggiling nito sa iyo, gaano man maging buktot ang pagkatao mo, inaalo mo ang iyong sarili, sinasabing, “Upang maisakatuparan ang aking mga mithiin at pagnanais, at alang-alang sa kinabukasan ko, dapat akong magtiis!” Palagi mo ring sinasabi sa sarili mo na, “Dapat akong umangkop sa lipunang ito, anuman ang kulay na ipantina sa akin, dapat akong pumayag at umangkop dito.” Habang umaangkop ka sa lahat ng iba’t ibang kapaligirang ito, umaangkop ka rin sa iba’t ibang kulay na ginagamit na pantina sa iyo, at patuloy mong tinatanggap ang iba’t ibang bersyon ng iyong sarili na may iba’t ibang istilo at katangian. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang nagiging lalong manhid ang mga tao, lalong nawawalan ng kahihiyan, at lalong hindi nagagabayan o nakokontrol ng kanilang konsiyensiya at katwiran ang kanilang mga kaisipan, pagnanais, at pasya. Sa huli, sa iba’t ibang antas, nakakamit ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga mithiin at pagnanais habang hinahangad nila ang mga ito. Siyempre, para sa ilang indibidwal, gaano man sila naghahangad, o gaano man sila nagsisikap at naghihirap, hindi pa rin nila naisasakatuparan ang kanilang mga mithiin at pagnanais. Anuman ang huling kalalabasan, ano ang nakakamit ng mga tao? Ang mga nagtatagumpay ay nagkakamit ng kasikatan at pakinabang, habang ang mga nabibigo ay maaaring hindi makapagkamit ng kasikatan at pakinabang na ito, ngunit ang natatanggap nila ay kapareho ng sa mga matagumpay na tao—natatanggap nila ang iba’t ibang pinsala at negatibong kaisipang ikinikintal ni Satanas, ng masamang sangkatauhang ito, at ng buong mekanismong panlipunan at masamang impluwensiya ng lipunan. Kung hindi, bakit madalas gamitin ng mga tao ang mga pariralang tulad ng: “marami nang karanasan,” “isang tusong tao,” “isang taong bihasa na sa panggugulang,” o “nalagpasan na ang maraming bagyo,” at iba pa? Ito ay dahil habang hinahangad mo ang iyong mga mithiin at pagnanais, marami ka ring “natututunan” sa napakalaking timba ng pantina na ito at sa gilingan ng karne ng lipunan. “Natututo” ka ng mga bagay na wala sa likas na gawi ng iyong pisikal na katawan—ang terminong “natututo” rito ay dapat nasa loob ng mga panipi. Ano ang tinutukoy ng “natututo”? Ang kahulugan nito ay ang pag-iindoktrina sa iyo ng lipunan, ni Satanas, at ng masamang sangkatauhan ng iba’t ibang kaisipan na lumalabag sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, na nagsasanhing mamuhay ka nang may paunti nang paunting konsiyensiya at katwiran, lalong nawawalan ng kahihiyan, at lalong namumuhi sa mga normal na tao at sa mga tumatahak sa tamang landas. Kasabay nito, ano ang pinakamalalang resulta? Bukod sa lalo mong hahamakin ang mga taong may normal na pagkatao, konsiyensiya, at katwiran, kasabay nito ay kaiinggitan at hahangaan mo ang mga kasuklam-suklam na gawa ng mga taong nagtataksil sa kanilang konsiyensiya at moralidad, at kaiinggitan ang masaganang materyal o pang-ekonomiyang benepisyo na nakukuha nila mula sa kanilang mga kasuklam-suklam na gawa at masamang pag-uugali. Hindi ba’t ito ang kahihinatnan? (Oo.) Mas nakatatakot na kahihinatnan ito, ibig sabihin, habang hinahangad ng mga tao na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at pagnanais, lalong nagiging malupit at nakatatakot ang mukha nila, unti-unting nawawala ang kanilang konsiyensiya at katwiran, at lalong nagiging mas masama, pangit, kamuhi-muhi, at kasuklam-suklam ang kanilang moral na pananaw, pananaw sa buhay, at pag-uugali.

Mula sa sandaling mabuo ang mga hilig at libangan ng isang tao hanggang sa maisakatuparan nila ang kanilang mga mithiin at pagnanais, sa panahon ng prosesong ito, ang landas na tinatahak nila at ang mga aktibidad na nilalahukan nila—ibig sabihin, ang buong sitwasyon ng buhay nila sa kasalukuyan—ay isang sitwasyon sa buhay, na masasabing nasa mahigpit na pagkakahawak ng lipunan at ng masasamang kalakaran. Sa katunayan, isa rin itong proseso kung saan kusang tinatanggap ng mga tao ang pagmamanipula, pagyurak, at pananamantala ni Satanas habang hinahangad na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at pagnanais. Syempre, isa rin itong proseso kung saan mas higit at mas tiyak na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa lahat ng bagay. Sa bawat sitwasyong nakakaharap mo, patuloy na ikinikintal sa iyo ni Satanas ang ideya na upang matamo ang mga layon mo, dapat mong gamitin ang anumang paraan na kinakailangan, talikuran ang mga bagay na positibo at na dapat itaguyod ng normal na pagkatao, tulad ng dignidad ng tao, personal na integridad, mga moral na hangganan, konsiyensiya ng isang tao, at ang pamantayan sa pag-asal. Habang nililinlang ka ni Satanas na unti-unting talikuran ang mga ito, sinusubok din ni Satanas ang iyong konsiyensiya, katwiran, at mga moral na hangganan, gayundin ang katiting na kahihiyang natitira sa iyo. Pagkatapos nitong subukin ang mga bagay na ito, aakayin ka nito na patuloy na magkompromiso sa gitna ng panlilinlang, tukso, kontrol, at pagyurak ng masasamang kalakaran. Habang palagi kang nagkokompromiso, pinipili mong panghawakan ang mga kaisipan at pananaw na ikinintal ni Satanas tungkol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay at kung paano umasal at kumilos, at aktibo mong isinasagawa ang mga kaisipan at pananaw na ibinahagi sa iyo ni Satanas, pati na rin ang mga gawi at pamamaraan sa kung paano umasal at kumilos. Atubili at labag sa iyong loob na nakikibahagi ka sa lahat ng ito, ngunit kasabay nito, upang makamit ang iyong mga mithiin at pagnanais, maluwag sa iyong loob at aktibo mong ginagawa ang lahat ng ito nang may mapagpaunlak na saloobin. Sa madaling salita, sa prosesong ito, nananatiling pasibo ang mga tao, ngunit mula sa ibang perspektiba, aktibo silang sumusunod sa pangongontrol at pagtitiwali ni Satanas. Habang hinahangad na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at pagnanais, palagi silang namumuhay sa napakalaking timba ng pantina ng masasamang kalakaran ng lipunan, sa mahigpit na pagkakahawak ng mga ito. Gayundin, namumuhay sila sa isang masalimuot at magkasalungat na mentalidad ng pagiging parehong handa at hindi handa, at sa isang totoong kapaligiran na parehong masalimuot at magkasalungat. Sa pamamagitan ng prosesong ito, habang papalapit ang mga tao sa mga mithiin, pagnanais, at layon sa buhay na hinahangad nila, nagiging paunti nang paunti ang pagkakatulad nila sa isang tao, lalong nagiging manhid ang kanilang konsiyensiya, at naglalaho ang kanilang katwiran. Gayunpaman, sa kaloob-looban, naniniwala ang mga tao na mayroon silang mga mithiin at pagnanais, sinasabi pa nga ng ilan na ang kanilang mga mithiin at pagnanais ang kanilang paninindigan, na ang pagkakaroon ng paninindigan sa puso nila ay nangangahulugan na mayroon silang pananampalataya, at na dapat mayroong pananampalataya sa buhay ang isang tao. Naniniwala sila na sila ay normal na tao dahil mayroon silang pananampalataya, at kaya, dapat nilang ipagpatuloy ang kanilang mga paghahangad ayon sa mga dati nilang pamamaraan at batas upang manatiling buhay, at na hangga’t maganda ang mga resulta nito, at mas malapit nilang naaabot ang mga mithiin at layon nila sa buhay dahil dito, kung gayon, karapat-dapat lang ang anumang halagang ibinayad nila para dito, kahit na nangangahulugan ito na mawawala ang lahat. Dahil dito, sa loob ng magkasalungat na mentalidad ng pagiging parehong handa at hindi handa, patuloy na tatanggapin ng mga tao ang pangongontrol ni Satanas, ang mga kaisipan nito, at ang pagmamanipula at panlalansi nito. Kahit na alam na alam ng mga tao na ginawa silang tiwali ng lipunan at ng masasamang kalakaran, sa mga ganitong uri ng sitwasyon, walang humpay pa rin silang magpapatuloy sa paghahangad upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at matamo ang mga layon nila sa buhay. Maaaring binabati pa nga nila ang kanilang sarili dahil nagagawa nilang gumamit ng anumang pamamaraang kinakailangan at hindi sila kailanman sumuko, ikinagagalak ang kanilang kakayahang magpatuloy hanggang ngayon. Kung titingnan ang mga pag-uugali na ipinapakita ng mga tao sa panahon ng paghahangad sa kanilang mga mithiin at pagnanais, pati na rin ang mga landas na tinatahak nila at ang kanilang iba’t ibang pagbabago, anong uri ng landas ang paghahangad na maisakatuparan ang mga mithiin at pagnanais ng mga tao? (Ito ay isang landas na hahantong sa pagkawasak.) Ito ay isang landas na walang balikan, kung saan habang patuloy na tinatahak ito ng mga tao, mas lalo silang nalalayo sa Diyos. Masasabi rin na isa itong landas ng pagkawasak. Ang mga layon sa buhay, kung saan humahantong ang mga mithiin at pagnanais na itinatag ng mga tao, naghihintay sa kanila si Satanas sa hantungang iyon. At habang patungo sa mga layon sa buhay na ito, hindi ang katotohanan ang sumasama at sumusunod sa kanila, hindi ang mga salita ng Diyos. Kung gayon, sino ito? (Ito ay si Satanas, kasama ang masasamang kalakaran nito at iba’t ibang makamundong pilosopiya.) Sinasamahan sila ni Satanas, sa pamamagitan ng kontrol, pagtitiwali, panlalansi, at paulit-ulit na mga tukso nito. Isa itong landas na walang balikan, isang landas ng pagkawasak, hindi ba? (Oo.) Sapagkat habang hinahangad ng mga tao ang kanilang mga mithiin at pagnanais, ang talagang hinahangad nilang layon ay hindi ang pagsasakatuparan ng kanilang mga mithiin at pagnanais, sa halip ay ginagamit nila ang paghahangad sa mga bagay na ito bilang kanilang motibasyon at pundasyon upang magkamit ng kasikatan at pakinabang. Iyon ang diwa at katotohanan sa bagay na iyon. Sa landas na ito, lalo lamang nananabik ang mga tao sa kasikatan at pakinabang, sa masasamang kalakaran ng mundo. Sa landas na ito, lalo lamang lumalalim ang pagkakasadlak ng mga tao, at lalo silang nagiging napakasama, at higit na nawawalan ng katwiran at konsiyensiya, na naglalayo sa kanila mula sa mga positibong bagay. Kasabay nito, higit sila nitong inilalayo sa mga mas praktikal na paraan ng pamumuhay at mga layon sa buhay na dapat taglay ng isang taong may normal na pagkatao. Magsasanhi lang ito ng mas malalim na pagkakaugat ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at lalo lamang silang ilalayo nito sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos. Syempre, dahil dito ay lalo ring nagiging mahirap para sa mga tao na makilala ang kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay. Ito ay isang katunayan. Kaya, paano natin malulutas ang mga problemang ito? Sa sandaling maunawaan natin ang diwa ng paghahangad, mga mithiin, at pagnanais ng tao, tungkol saan ang kailangan nating pagbahaginan? Kailangang tungkol ito sa kung paano bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao, hindi ba’t tama iyon? (Tama.)

Nagbabahaginan tayo ngayon lang tungkol sa kung bakit ang paghahangad na maisakatuparan ang mga sariling mithiin at pagnanais ay isang landas na walang balikan, isang daan patungo sa pagkawasak—kung gayon, dapat bang talikuran ng mga tao ang gayong paraan ng pamumuhay? (Oo.) Dapat nilang bitiwan at baguhin ang paraan ng pamumuhay nila: Hindi ito isang tamang pamamaraan, ni isang tamang landas sa buhay. Dahil hindi ito tama, dapat itong bitiwan ng tao, dapat nilang baguhin ang paraan ng kanilang pamumuhay at panghawakan ang tamang pamamaraan sa buhay at pag-iral. Siyempre, dapat may panghawakan silang tamang pamamaraan sa kung paano nila tinatrato ang mga hilig at libangan ng mga tao, at kung paano nila tinatrato ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Ang mga talento at kaloob ng mga tao, kasama na ang mga hilig at libangang ito, ay nagtutulot sa kanila na maitatag ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, at kasabay nito, hinahayaan sila ng mga ito na buuin ang mga layong hahangarin. Ang mga layong ito ay hindi tama, at aakayin nito ang mga tao sa isang landas na walang balikan, lalo silang inilalayo sa Diyos at sa huli ay dinadala sila sa pagkawasak. Dahil hindi tama ang mga ito, ano ba ang tamang aksiyon? Tingnan muna natin kung tama ba na magkaroon ang mga tao ng mga hilig at libangan, ibig sabihin, maituturing bang mga negatibong bagay ang kanilang mga hilig at libangan? (Hindi.) Hindi likas na mali ang mga hilig at libangan ng mga tao, at siyempre, hinding-hindi masasabi na negatibong bagay ang mga ito. Hindi dapat kondenahin o punahin ang mga ito. Parte ng normal na pagkatao na magkaroon ang mga tao ng mga hilig, libangan, at talento sa ilang partikular na aspeto—bawat tao ay mayroon nito. Ang ilang tao ay mahilig sumayaw, ang ilan naman ay mahilig sa pagkanta, pagguhit, pagtatanghal, mekanika, ekonomiya, pag-iinhinyero, medisina, agrikultura, paglalayag, o sa ilang partikular na sports, ang iba ay mahilig mag-aral ng heograpiya, heolohiya, o abyasyon, at, siyempre, maaaring mahilig din ang iba na mag-aral ng mas mga kakatwang paksa. Anuman ang mga hilig at libangan ng isang tao, lahat ito ay parte ng pagkatao at ng normal na buhay ng tao. Hindi dapat sinisiraan ang mga ito bilang mga negatibong bagay, hindi dapat pinupuna, at lalong hindi dapat ipinagbabawal ang mga ito. Ibig sabihin, marapat lang ang anumang hilig at libangang maaaring mayroon ka. Sapagkat marapat ang anumang interes o libangan at dapat tulutang umiral, paano dapat tratuhin ang mga mithiin at pagnanais na nauugnay sa mga ito? Halimbawa, ang ilang tao ay mahilig sa musika. Sinasabi nila, “Gusto kong maging isang musikero o isang konduktor,” at pagkatapos ay binabalewala ang lahat-lahat para mag-aral at itaguyod ang kanilang sarili sa musika, itinatakda ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay upang maging isang musikero. Ito ba ang tamang gawin? (Hindi ito ang tamang gawin.) Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, kung bahagi ka ng mundo at ginugugol mo ang iyong buhay sa pagsasakatuparan ng mga mithiin at pagnanais na itinatag ng mga sarili mong hilig at libangan, wala kaming masasabi tungkol doon. Ngayon, bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung mayroon kang gayong mga hilig at libangan at nais mong ilaan ang buong buhay mo roon, magbayad ng buong buhay na halaga upang matamo ang mga mithiin at pagnanais na itinatag ng sarili mong mga hilig at libangan, mabuti ba ang landas na ito o masama? Karapat-dapat ba itong itaguyod? (Hindi ito karapat-dapat na itaguyod.) Huwag muna nating pag-usapan kung karapat-dapat ba itong itaguyod o hindi; lahat ng bagay ay dapat harapin nang mataimtim, kaya paano mo gagawin iyon upang matukoy kung tama o mali ang bagay na ito? Kailangan mong isaalang-alang kung ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na itinatag mo ay may anumang kaugnayan sa mga turo ng Diyos at sa Kanyang pagliligtas at mga ekspektasiyon para sa iyo, sa kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, sa iyong misyon, at sa iyong tungkulin, kung tutulungan ka ba ng mga bagay na ito na matapos ang iyong misyon at mas mabisang matupad ang iyong tungkulin, o kung madaragdagan ba ng mga ito ang iyong tsansa na maligtas at kung matutulungan kang makamit ang katuparan ng kalooban ng Diyos. Bilang isang ordinaryong tao, ang paghahangad mo sa mga mithiin at pagnanais ay iyong karapatan, ngunit habang isinasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at pagnanais at tinatahak ang landas na ito, aakayin ka ba ng mga ito tungo sa landas ng kaligtasan? Aakayin ka ba ng mga ito sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Sa huli, aakayin ka ba ng mga ito na humantong sa ganap na pagpapasakop at pagsamba sa Diyos? (Hindi.) Sigurado iyon. Dahil hindi magagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon, bilang isang mananampalataya sa Diyos, ang mga mithiin at pagnanais ba na naitatag dahil sa iyong mga hilig, libangan, at maging sa iyong mga talento at kaloob, ay positibo o negatibo? Dapat bang mayroon ka ng mga ito o wala? (Negatibo ang mga ito; hindi tayo dapat magkaroon ng mga bagay na ito.) Hindi ka dapat magkaroon ng mga bagay na ito. Kaya, ano ang nagiging likas na katangian ng mga mithiin at pagnanais ng isang tao? Nagiging positibo o negatibong bagay ba ang mga ito? Ang mga ito ba ay nagiging isang karapatan na dapat mayroon ka o isang bagay na dapat wala sa iyo? (Nagiging negatibo ang mga ito, isang bagay na wala dapat sa akin.) Ang mga ito ay nagiging isang bagay na dapat wala sa iyo. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ako dapat magkaroon ng mga bagay na ito, ibig sabihin nito ay inaalis Mo ang mga karapatan ko!” Hindi Ko inaalis ang mga karapatan mo; ang sinasabi Ko ay tungkol sa kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao at kung paano hangarin ang katotohanan. Hindi Ko inaalis ang mga karapatan mo; nasa sa iyo ang kalayaang magpasya, ikaw ay tinutulutang pumili. Ngunit tungkol sa kung ano ang likas na katangian ng bagay na ito at kung paano ito dapat husgahan, mayroon tayong batayan para sa ating mga argumento at hindi lang basta-bastang nagsasalita. Kung pinagbabatayan mo ang mga salita ng Diyos at magsasalita ka mula sa perspektiba ng katotohanan, kung gayon, hindi mga positibong bagay ang mga mithiin at pagnanais ng isang tao. Siyempre, upang maging mas tumpak, kung bilang isang mananampalataya sa Diyos ay nais mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, kung nais mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang pagkatakot sa Diyos, pag-iwas sa kasamaan, at pagpapasakop sa Diyos, kung gayon, ang iyong mga mithiin at pagnanais ay hindi dapat maging katulad ng sa mga makamundong tao. Sa madaling salita, kung gusto mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, dapat mong bitiwan ang mga sarili mong paghahangad, mithiin, at pagnanais. Sa ibang salita, kung gusto mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, hindi mo dapat hangarin ang mga sarili mong mithiin at pagnanais, at lalong hindi mo dapat gamitin ang paghahangad sa mga mithiin at pagnanais na ito para magtamo ng kasikatan at pakinabang. Maaari ba itong sabihin sa ganitong paraan? (Oo.) Malinaw na ang lahat. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dahil handa kang hangarin ang katotohanan at nais mong kamtin ang kaligtasan, kailangan mong bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, kailangan mong talikuran ang landas na ito, na landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at bitiwan ang mga mithiin at pagnanais na ito. Hindi mo dapat piliing layon sa buhay mo ang pagsasakatuparan ng iyong mga mithiin at pagnanais; sa halip, ang layon mo dapat ay ang hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan.

Nagtatanong ang ilang tao, “Dahil hindi ko maisakatuparan ang aking mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, at binitiwan ko na ang lahat ng ito, ano ang dapat kong gawin sa aking mga hilig at libangan?” Nasa iyo na iyan. Bagamat maaaring mayroon kang mga hilig at libangan, basta’t hindi nakakaabala ang mga ito sa iyong normal na paghahangad, hindi nakahahadlang sa pagtupad sa iyong tungkulin at pagkompleto ng iyong misyon, at hindi nakaaapekto sa mga layon sa buhay mo o sa landas na iyong tinatahak, kung gayon, maaari mong panatilihin ang mga hilig at libangang ito. Siyempre, maaari din itong unawain nang ganito: Dahil bahagi ng iyong pagkatao ang mga hilig at libangang ito, maaari ding sabihin na ang mga ito ay ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Ang lahat ng aspeto, gaya ng hitsura, pamilya, pinagmulan, at tirahan ng isang tao para mamuhay, ay pauna nang itinakda ng Diyos. Samakatuwid, hindi natin maikakaila na ang mga hilig at libangang mayroon ka ay ipinagkaloob din ng Diyos. Hindi maitatanggi ang katunayang ito, tiyak ito. Halimbawa, ang ilang tao ay bihasa sa mga wika, sa pagguhit, sa musika, sa pagkilala ng mga tunog, kulay, atbp. Hindi mahalaga kung ang mga bagay na ito ay ang iyong mga espesyal na kasanayan o mga hilig at libangan, masasabi na ang lahat ng ito ay bahagi ng pagkatao. Bakit pinagkakalooban ng Diyos ang mga tao ng mga partikular na hilig at libangan? Ito ay para gawing mas masagana at makulay ang buhay mo, upang magkaroon ng paglilibang at pagsasaya ang buhay mo nang hindi naaapektuhan ang iyong pagtahak sa tamang landas sa buhay, upang hindi gaanong maging nakakabagot, nakaiinip at paulit-ulit na lang ang buhay mo. Halimbawa, kapag oras na para kumanta ng mga himno sa mga pagtitipon, maaaring sabayan ng isang taong marunong tumugtog ng instrumentong pangmusika ang pagkanta sa pamamagitan ng pagtutugtog ng piyano o gitara. Kung walang makapagtatanghal, hindi magkakaroon ng ganitong kasiyahan ang lahat. Kung mayroong makapagbibigay ng saliw ng instrumento, magiging mas kaaya-aya ang resulta kaysa sa pag-awit nang walang saliw, at masisiyahan ang lahat. Kasabay nito, pinalalawak nito ang mga pananaw, pinayayaman ang mga karanasan, nagkakaroon ng higit na kabuluhan ang buhay, dama ng mga tao na mas maganda ang buhay, at sila ay nagiging mas masayahin. Kapaki-pakinabang ito sa kanilang normal na pagkatao at sa landas na kanilang tinatahak sa pananampalataya sa Diyos. Halimbawa, kung mahilig ka sa pagguhit, kapag naging paulit-ulit na lang ang buhay ng mga kapatid, maaari kang gumuhit ng mga nakatatawang larawan, at ilarawan ang mga negatibong ekspresyon at mukha ng ilang partikular na tao, at ang mga negatibong komento bilang mga matalino at nakakatawang cartoon, at pagkatapos ay pagsama-samahin ang mga ito sa isang maliit na booklet at ibahagi ito sa lahat, kasama na ang mga Pesimistang iyon. Kapag nakita nila ito at sinabing, “Naku, larawan ko ba ito?” hahagikgik sila at matutuwa, at hindi na sila magiging negatibo. Hindi ba’t mabuting bagay ito? Hindi ito gaanong matrabaho, ngunit nakatulong ito sa kanila na madaling makawala sa pagkanegatibo. Sa libreng oras ng isang tao, ang pagguhit, pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika, pagtalakay ng sining, o pagsaliksik tungkol sa pag-arte at ang paggampan ng iba’t ibang karakter, kabilang ang iba’t ibang uri ng negatibong tao, iba’t ibang uri ng mayabang na indibidwal, at ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na kumikilos nang di-makatwiran, ay maaaring makatulong sa mga tao na mapabuti ang kanilang pag-unawa at mapalawak ang kanilang mga pananaw. Hindi ba’t mabuting bagay ito? Paanong hindi kapaki-pakinabang ang mga hilig at libangang ito? Makakabuti ang mga ito sa mga tao. Gayunpaman, kung nagkakaroon ka ng mga mithiin at pagnanais dahil sa iyong mga hilig at libangan, at inaakay ka nito tungo sa isang landas na walang balikan, kung gayon, hindi mabuti ang mga ito para sa iyo. Ngunit kung gagamitin mo ang iyong mga hilig at libangan sa buhay mo sa paraang nagbibigay-kabatiran sa iyong pagkatao, ginagawang mas masagana at makulay ang buhay mo, at ginagawa kang mas matalino at masayahin, namumuhay nang mas masigla, malaya, at maluwag, kung gayon, magkakaroon ng positibong epekto ang mga hilig at libangan mo, na makakabuti sa lahat at makapagpapatibay sa iyo, habang hindi nakaaapekto sa pagganap ng iyong tungkulin at sa pagkompleto ng iyong misyon. Siyempre, sa isang antas ay tutulungan ka ng mga ito sa pagtupad ng iyong tungkulin. Kapag malungkot ka o pinanghihinaan ng loob, makapagpapasigla sa iyo ang pag-awit ng isang kanta, pagtugtog ng isang instrumento, o pagtugtog ng masigla at maindayog na musika, na maghihikayat sa iyo na humarap sa Diyos sa panalangin. Hindi ka na magkikimkim ng pagkanegatibo, hindi ka na magrereklamo o magnanais na huminto. Kasabay nito, matutuklasan mo ang iyong mga kahinaan at kapintasan, mapagtatanto mo na masyado kang marupok at hindi mo matiis ang mahubog o ang mga problema. Ang pagtugtog ng instrumento ay makakatulong sa iyo na mapabuti ang lagay ng iyong loob; tinatawag ito na pagkatuto kung paano mamuhay. Hindi ba’t nagkaroon ng positibong epekto ang mga hilig at libangang ito? (Oo.) Maaaring ituring bilang mga kasangkapan ang mga hilig at libangang ito na, kapag ginamit nang tama, ay maaaring makapagpapabago ng lagay ng iyong loob, tinutulutan kang mamuhay ng mas normal at makatwirang buhay. Sa isang antas, maaaring mapabilis o mapadali ng mga ito ang iyong pagpasok sa katotohanang realidad at makapagbigay ng karagdagang kasangkapan para matulungan kang gampanan ang iyong mga tungkulin. Siyempre, may ilan na masama at buktot ang pagkatao; palagi silang ambisyoso, may disposisyon ng isang anticristo, o sila ay mga anticristo. Kung sila ang may mga hilig at libangan, maaari itong maging problema dahil maaaring gamitin nila ang mga ito bilang kapital at sila ay maging hambog, na walang dudang nagpapalala sa kanilang pagkaagresibo at kapangahasan sa paggawa ng masasamang gawa. Kaya, ang mga hilig at libangan mismo ay hindi mga likas na masama o negatibong bagay. Ginagamit ang mga ito ng mga mabuti at normal na tao para sa mga positibong bagay, samantalang ginagamit naman ang mga ito ng mga masama, buktot, at negatibong indibidwal para gumawa ng mga masama at maling gawa. Kaya, ang mga hilig at libangan ay maaaring mas makapagpapabuti sa iyo o mas makapagpapasama, hindi ba? (Oo.) Balikan natin ang tema ng kung paano bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Matapos maunawaan ang diwa ng mga hilig at libangan, hindi dapat mga positibong bagay lang ang tingnan ng mga tao sa mga hilig at libangan ng isang tao, at lalong hindi nila dapat tanggihan ang mga taong may anumang hilig o libangan. Ang mga hilig at libangan ay bahagi ng normal na pagkatao, at dapat tratuhin ng mga tao ang mga ito nang tama. Maliban kung nagsisimula nang makaapekto sa buhay ng iba ang mga hilig at libangan mo o magsanhi ng paghihirap sa iba, o kung pinananatili mo ang iyong mga hilig at libangan kahit na nakakaapekto at nakakaabala na ito sa iba, hindi na ito tama. Bukod dito, marapat lang ang mga hilig at libangan mo, at inaasahan na tatratuhin ng mga tao ang mga ito nang tama at gagamitin ang mga ito sa makatwirang paraan. Siyempre, ang pinakamainam at pinakatamang paggamit ng mga ito ay ang hayaan ang iyong mga hilig at libangan na magkaroon ng pinakamalaking epekto sa iyong gawain at sa mga tungkuling ginagampanan mo, at gamitin ang mga ito nang husto, nang hindi hinahayaang masayang ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Maaaring may mahalagang papel ang aking mga hilig at libangan sa pagtupad ng aking mga tungkulin, pero pakiramdam ko ay hindi gaanong sapat at komprehensibo ang kaalaman ko sa larangang ito sa ngayon. Gusto kong pagbutihin pa ang sarili ko at mas mahusay at mas sistematikong pag-aralan ang mga paksang nauugnay sa larangang ito, at pagkatapos ay gamitin ito sa mga tungkulin ko. Maaari ko bang gawin iyon?” Oo, maaari. Paulit-ulit kayong hinihikayat ng sambahayan ng Diyos na patuloy na mag-aral. Ang kaalaman ay isang kasangkapan, at kung hindi ito naglalaman ng anumang bagay na nakasisira sa mga kaisipan ng isang tao, maaari mong pag-aralan at palalimin ang pagkaunawa mo rito. Magagamit mo ito bilang isang positibo at kapaki-pakinabang na kasangkapan upang matupad ang iyong mga tungkulin, na nagbibigay-daan para maging epektibo ito at magkaroon ng epekto. Hindi ba’t mabuting bagay iyon? Hindi ba’t angkop na pamamaraan ito? (Oo.) Siyempre, isa rin itong tamang pamamaraan ng pagsasagawa para mapangasiwaan ang iyong mga hilig at libangan, at gayundin, ito ay isang tamang paraan para mabitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Ginagamit mo ang iyong mga hilig at libangan nang tama, hindi mo ginagamit ang mga ito para magtamo ng mga personal na layon o maghangad na matugunan ang mga pansariling ambisyon at pagnanais. Kung gayon, isa itong marapat at tumpak na paraan ng pagsasagawa, at siyempre, isa rin itong tama at positibong paraan ng pagsasagawa. Bukod dito, nagsisilbi rin itong isang kongkretong landas sa kung paano bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais.