Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 8 (Unang Bahagi)
Noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa unang pangunahing aspekto ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan, ito ay ang pagbitiw. Hinggil sa pagbitiw, nagbahaginan tayo tungkol sa unang aspekto ng pagsasagawa—ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Ang pakay natin sa pagbabahaginan at pagsusuri sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao ay upang matugunan, unang-una, ang mga mali at huwad na ideya at pananaw na nakatago sa ilalim ng mga negatibong emosyong iyon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Ibig sabihin, sa pamamagitan ng paglutas sa mga negatibong emosyon sa puso ng mga tao, nilalayon nating tugunan ang mga negatibong ideya at pananaw na pinanghahawakan nila sa kaibuturan ng kanilang puso ukol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Siyempre, sa pamamagitan din ng paglalantad at pagsusuri sa iba’t ibang negatibong emosyon at pagbibigay sa mga tao ng mga tamang kaisipan, pananaw, at pag-unawa na maaaring malutas ang iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Ito ay upang hindi mabagabag o magapos ang mga tao sa mga mali at huwad na ideya at pananaw sa tuwing may nangyayari sa kanila, sa kanilang pang-araw-araw man na buhay o sa kanilang landas sa buhay, at sa halip ay harapin ng mga tao ang bawat araw, at ang mga tao, pangyayari, at bagay na sumasapit sa kanila bawat araw, nang may positibo, mga tamang ideya at pananaw na umaayon sa katotohanan. Kaya, kapag nahaharap sa mga tao, pangyayari, at bagay sa totoong buhay, hindi sila tutugon nang may mainit na ulo, bagkus ay mamumuhay sila sa saklaw ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, at magagawa nilang harapin at pangasiwaan nang makatwiran ang bawat sitwasyon na kanilang kinakaharap o dinaranas sa buhay at sa landas ng buhay, gamit ang mga tumpak at tamang paraan na itinuro ng Diyos. Ang isang aspekto ng paggawa nito ay upang mamuhay ang mga tao sa ilalim ng patnubay at impluwensiya ng mga tamang ideya at pananaw. Ang isa pang aspekto ay upang mapangasiwaan nila nang tama ang bawat sitwasyon sa ilalim ng patnubay at impluwensiya ng mga positibong ideya at pananaw na ito. Siyempre, ang kakayahang mapangasiwaan nang tama ang bawat sitwasyon ay hindi ang pinakalayon. Ang pinakalayon ay ang tuparin ng mga nananalig sa Diyos ang dapat nilang tuparin, na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, na magpasakop sa Diyos, at sa Kanyang mga pagsasaayos at pangangasiwa, na magpasakop sa bawat kapaligirang itinakda Niya, at siyempre, magpasakop sa tadhana ng isang tao kung saan Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan, at mamuhay nang makatwiran sa piling ng bawat tao, pangyayari, at bagay, sa bawat kapaligiran. Sa kabuuran, nagbabahaginan man tayo at nagsusuri sa mga negatibong emosyon ng mga tao o mga negatibong ideya at pananaw, ang lahat ng ito ay nauugnay sa landas na dapat tahakin ng isang nilikha, ang landas ng buhay na hinihingi ng Diyos sa isang normal na tao. At, siyempre, nauugnay rin ito sa mga prinsipyo na dapat taglayin ng isang nilikha, pagdating sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, kung paano sila umasal, at kung paano sila kumilos. Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay malinaw na tungkol sa paglutas sa mga negatibong emosyon ng mga tao at pagtugon sa mga negatibo at maling ideya at pananaw na nakatago sa ilalim ng mga negatibong emosyong iyon. Ngunit sa katunayan, masasabi mo rin na talagang tungkol ito sa paggabay sa mga tao, pagtustos sa kanila, at pagtulong sa kanila, o tungkol sa pagtuturo sa mga tao kung paano umasal, at kung paano maging isang totoo at normal na tao, maging isang makatwirang tao, isang taong gaya ng hinihingi sa kanila ng Diyos, isang taong Kanyang minamahal, at isang taong nagpapalugod sa Diyos, kapag nahaharap sa iba’t ibang kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay. Katulad ito ng iba pang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, lahat ng ito ay nauugnay sa pag-asal ng isang tao. Kung titingnan, ang paksa ng pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay tila may kasamang ganap na karaniwang emosyon, o isang kalagayan kung saan namumuhay ang mga tao sa kasalukuyan. Pero ang totoo, ang mga emosyong ito at ang mga simpleng kalagayang ito ay nauugnay sa landas na tinatahak ng mga tao at sa mga prinsipyo ng kanilang pag-asal. Mula sa perspektiba ng isang tao, maaaring tila hindi gaanong mahalaga at walang kabuluhan ang mga ito. Gayunpaman, dahil nauugnay ang mga ito sa mga pananaw na dala-dala ng mga tao at sa mga perspektiba at paninindigan na pinanghahawakan nila kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, may kinalaman ang mga ito sa pag-asal ng isang tao. Sa mas partikular na salita, kabilang dito kung paano tingnan ang mga tao at bagay, kung paano umasal, at kung paano kumilos. Dahil may kinalaman ang mga ito sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, kung paano umasal, at kung paano kumilos, kailangang palaging suriin at pagnilayan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao ang mga negatibong emosyon at mga negatibong ideya at pananaw na ito. Siyempre, kailangan din na maitama kaagad ng mga tao ang kanilang sarili sa tuwing natutuklasan nila sa pagninilay-nilay na mayroon silang mga negatibong emosyon o mga negatibo at maling ideya at pananaw, at mapalitan kaagad ang mga negatibong emosyon at maling ideya at mga pananaw na ito ng mga positibo at tamang kaisipan at pananaw na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Magbibigay-daan ito sa kanila na tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos bilang pundasyon at sa katotohanan bilang pamantayan. Isa rin itong paraan para mabago ang mga disposisyon ng mga tao, upang umayon ang mga ito sa Diyos, at upang makamit ang takot sa Diyos at makalayo sa kasamaan. Ang mga bagay sa itaas na pinagbahaginan natin ay karaniwang mga pangunahing detalye ng unang aspekto, “pagbitiw,” sa “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Sa iba’t ibang emosyon ng tao, siyempre, mayroon ding ilang partikular na maliliit na negatibong bagay, o ilang espesyal na negatibong emosyon na hindi talaga tipikal, at na nauugnay rin sa ilang negatibo o maling kaisipan at pananaw. Masasabi na ang mga negatibong emosyon o maling kaisipan at pananaw na ito ay may kaunti lamang na epekto sa mga tao, kaya hindi na natin iisa-isahing pagbahaginan ang mga ito nang mas detalyado.
Ang lahat ng negatibong emosyon na pinagbahaginan natin kanina ay maaaring kumatawan sa mga isyung umiiral sa tunay na buhay ng mga tao o sa landas ng kanilang buhay. Kabilang sa mga emosyong ito ang iba’t ibang pananaw sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos. Ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw na ito sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, at kung paano umasal at kumilos ay nauugnay sa mga mas malawak na direksyon, mga pangunahing prinsipyo, at sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Kaya, ito ang mga bagay na dapat bitiwan at tugunan ng mga tao sa loob ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Ang ilang partikular, hindi tipikal, o mas pangpersonal na bagay na natitira—tulad ng pagkain, pananamit, personal na buhay, at iba pa—ay hindi kasama sa mga pangunahing prinsipyo ng kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at mga bagay, at kung paano siya umaasal at kumikilos, at masasabing walang kinalaman ang mga ito sa pagtukoy sa kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay. Samakatuwid, ang mga ito ay wala sa saklaw ng paksang pinagbabahaginan natin. Halimbawa, kapag sinabi ng isang tao na, “Gusto ko ang mga bagay na kulay itim,” iyon ay isang bagay na malaya niyang magagawa, ang personal niyang panlasa at kagustuhan. May kinalaman ba rito ang anumang prinsipyo? (Wala.) Walang kinalaman dito kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at mga bagay, lalo na ang kung paano sila umasal at kumilos. Halimbawa, sinasabi ng isang taong nagsusuot ng salamin dahil sa pagiging shortsighted na, “Gusto ko ng mga frame na kulay ginto ang rim.” At sinabi ng isa pa na, “Masyado nang makaluma ang mga kulay ginto na rim. Mas gusto ko ang mga salamin na walang rim.” May kinalaman ba ito sa mga prinsipyo ng kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, at kung paano umasal at kumilos? (Wala.) Wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, at kung paano umasal at kumilos. Sinasabi ng iba, “May mga negatibo akong nararamdaman tungkol sa pang-araw-araw na gawaing pambahay at paglilinis. Palagi kong nararamdaman na matrabaho at nakakapagod sa buhay ko ang mga ito. Maging ang pagkain ay nakakaabala. Mahigit isang oras ang paghahanda ng pagkain, at pagkatapos kumain, kailangan ko pa ring maghugas ng mga pinggan, maglinis ng mga kaldero, at mag-ayos ng kusina, at talagang nakayayamot din ang mga bagay na ito.” Gayunpaman, sinasabi ng iba, “Masyadong matrabaho ang buhay. Kailangang palitan ang mga damit mo sa bawat pagpalit ng panahon, pero masyado pa ring mainit sa tag-araw kahit gaano pa kanipis ang mga damit mo, at masyado pa ring maginaw sa taglamig kahit gaano pa kakapal ang iyong mga damit. Talagang puro pasakit ang pisikal na katawang ito!” Kapag nagiging madumi ang buhok nila, ayaw nilang hugasan ito, pero kapag hindi nila hinuhugasan ito, nangangati ito. May ugali sila ng pagiging tamad at madungis. Hindi sila makaiwas sa paghuhugas ng buhok, pero naiirita sila kapag hinuhugasan nila ito, iniisip na, “Hindi ba’t mas mabuti pang wala na lang buhok? Nakakainis na kailangan itong gupitan at hugasan palagi!” Mga negatibong emosyon ba ito? (Oo.) Dapat bang lutasin ang mga negatibong emosyong ito? Nabibilang ba ang mga ito sa iba’t ibang negatibong emosyon na kailangang bitiwan? (Hindi.) Bakit hindi nabibilang ang mga ito? (Ito ay ilang gawi at isyu lamang na nauugnay sa pisikal na buhay ng katawan.) Ang kababaihan, lalo na ang mga babaeng nasa hustong gulang, ay kayang pangasiwaan ang pang-araw-araw na maliliit na bagay na ito, tulad ng paghuhugas, pag-aayos, at paglilinis ng sarili nilang mga gamit. Medyo mas masahol ang mga lalaki. Madalas ay matrabaho ang tingin nila sa pagluluto, paglalaba, at mga gawaing bahay. Partikular silang nahihirapan sa paglalaba. Dapat ba nilang labhan ito? Ayaw nila. Dapat bang hindi nila labhan ito? Masyado itong marumi, at nag-aalala sila na kukutyain sila, kaya binabanlawan na lang nila ito nang ilang segundo sa tubig. Medyo magkaiba ang mga diskarte at saloobin ng kalalakihan at kababaihan sa pangangasiwa ng maliliit na pang-araw-araw na bagay na ito. May tendensiya ang mga babae na maging mas maselan at partikular, nagbibigay-pansin sa kalinisan at hitsura, samantalang ang mga lalaki ay maaaring medyo magaspang sa pangangasiwa ng mga bagay na ito. Ngunit walang mali roon. Hindi magandang maging sobrang makalat; lalo na kapag naninirahan ka kasama ang ibang tao, mailalantad mo ang napakarami mong kapintasan at dahil dito ay hindi ka magugustuhan ng iba. Ang mga kapintasang ito ay mga depekto sa iyong pagkatao, at dapat mong malampasan ang mga kailangang lampasan, at lutasin ang mga kailangang lutasin. Maging mas masigasig nang kaunti, ayusin ang mga bagay sa iyong tinitirhan, tiklupin nang maayos ang iyong mga damit at kumot, at linisin at ayusin ang kapaligiran mo sa trabaho kada makalawa o kada ilang araw para hindi makaabala sa iba—ganoon lang talaga ito kasimple. Hindi mo na kailangang mahirapan, hindi ba? (Oo.) Tungkol naman sa kung gaano ka kadalas naliligo o nagpapalit ng damit, ayos lang basta’t hindi ito nakakaapekto sa lagay ng loob ng iba. Ito ang pamantayan. Kung hindi ka maliligo, maghuhugas ng iyong buhok, o magpapalit ng damit sa loob ng maraming araw, magsisimula kang mangamoy, at walang gustong lumapit sa iyo, hindi iyon mabuti. Dapat kang maligo at ayusin ang iyong hitsura, para kahit papaano ay hindi maapektuhan ang lagay ng loob ng iba. Hindi na dapat nila kailangang takpan ang kanilang ilong o bibig habang nakikipag-usap sa iyo, at hindi sila dapat mahiya dahil sa iyo. Kung tinatrato ka ng iba nang ganito at binabalewala mo ito o hindi pinapahalagahan, kung gayon, maaari kang magpatuloy na mamuhay sa ganoong paraan. Walang humihingi sa iyo nang labis-labis. Hangga’t kaya mong tanggapin ito. Ngunit kung nahihiya ka, subukan mo ang iyong makakaya upang mapamahalaan mo ang personal mong tinitirhan na kapaligiran at ang iyong kalinisan, upang hindi maabala ang iba dahil sa mga ito. Ang layon ay hindi ang maglagay ng anumang labis na pasanin o stress sa sarili mong buhay at ang isaalang-alang ang damdamin ng iba. Huwag mong idiin o ipilit ang iyong impluwensiya sa iba. Ito ang pinakamaliit na hinihingi para sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao. Kung hindi mo man lang taglay ang ganito kaliit na hinihingi, paano ka makakaasal nang disente? Samakatuwid, hindi nangangailangan ng mahabang paliwanag ang mga bagay na ito na dapat makamit ng isang taong may normal na pagkatao. Hindi ka kailangang bigyan ng sambahayan ng Diyos ng mga partikular na tungkulin o utos. Kailangan mong mapangasiwaan ang mga ito nang mag-isa. Ang mga personal na bagay na binanggit Ko sa itaas ay walang kasamang mga prinsipyo o pamantayan sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, kung paano umasal, at kung paano kumilos. Samakatuwid, maaari kang umasa sa pinakabatayang konsiyensiya at katwiran ng tao para pangasiwaan ang mga ito. Ang isang taong may normal na konsiyensiya at katwiran ay dapat magkaroon ng ganitong antas ng katalinuhan. Hindi ito kailangang problemahin pa, at higit pa rito, ang maliliit na bagay na ito ay hindi dapat ituring bilang mga isyu na nangangailangan ng pag-unawa o paglutas sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, dahil ito ay mga bagay na kayang isakatuparan ng sinumang may normal na pagkatao. Maging ang isang munting aso ay nakauunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging disente. Kung hindi iyon nauunawaan ng mga tao, kung gayon, hindi nila naaabot ang mga pamantayan ng pagiging tao, hindi ba? (Oo.) Mayroon Akong alagang aso. Talagang maganda ang histura ng asong ito, malalaki ang mata nito, malapad ang bibig, at maganda ang hugis ng ilong. Isang beses, nakipag-away ito sa sarili nitong tuta dahil sa pagkain, at kinagat ito ng tuta sa ilong. May maliit na sugat sa gitna ng ilong nito pagkatapos niyon, na ikinasira ng hitsura nito. Mabilis Kong nilagyan ng gamot ang sugat at sinabing, “Ano ang gagawin natin ngayon? Nakakalungkot naman tingnan ang isang magandang aso na may peklat!” Sinabi Ko sa aso, “Mula ngayon, huwag kang susunod kapag lumalabas kami. Kung makikita ng mga tao ang peklat sa mukha mo, iisipin nilang pangit ka.” Matapos marinig ito, umungol ito bilang pagsang-ayon, saglit na natulala, at nanlaki ang mga mata. Nagpatuloy Ako, “Nasugatan ka. Napakalaki ng sugat mo sa ilong, baka pagtawanan ka ng mga tao kapag nakita nila ito. Kailangan mong magpahinga at magpagaling. Hindi ka pwedeng sumunod sa amin hanggang sa ganap ka nang gumaling.” Matapos marinig ang mga sinabi Ko, hindi na ito umungol pa, at hindi nagpumilit na lumabas. Naisip Ko, maging ang isang aso ay alam kung ano ang nangyayari. Pagkalipas ng ilang panahon, nagkalangib at medyo gumaling ang sugat, kaya dinala Ko ito sa labas. Isang sister ang nakakita sa munting aso at nagtanong, “Uy, ano ang nangyari sa ilong mo?” Matapos iyong marinig, tumalikod ito at tumakbo nang hindi lumilingon, dumiretso sa sasakyan, ayaw nang bumalik. Nang kausapin ito ng sister, umayos ito, uminom ng tubig nang alukin ng sister. Hindi ito tumakbo palayo. Ngunit sa sandaling nagtanong ang sister na, “Ano ang nangyari sa ilong mo?” tumalikod ito at tumakbo nang hindi lumilingon. Pagkauwi namin, tinanong Ko ito, “Nasugatan ang ilong mo, bakit ka tumakbo nang tanungin ka ng sister tungkol dito? Nahihiya ka ba?” Tiningnan Ako nito nang mukhang nahihiya, patuloy na nakayuko at sobrang nahihiyang tumingin sa Akin. Kumalong ito sa mga bisig Ko, hinahayaan Akong haplusin at hawakan ito. Sinabi Ko rito, “Hindi ka na pwedeng makipag-away sa tuta mo. Kung masugatan ka at muling magkakapeklat, baka magiging pangit ka tingnan. Pagtatawanan ka ng mga tao. Saan mo itatago ang mukha mo?” Tingnan mo, kahit ang isang munting aso na limang taong gulang pa lang ay alam kung ano ang ibig sabihin ng makaramdam ng hiya. Marunong itong magtago sa mga tao dahil sugatan ang mukha nito at takot itong mapagtawanan. Kung ang isang maliit na aso ay may ganitong antas ng katalinuhan, hindi ba’t dapat mayroon din nito ang mga tao? (Oo.) Dapat taglay ito ng mga tao, ibig sabihin, dapat isa itong bagay na taglay nila sa saklaw ng kanilang katwiran. Ano ang ibig sabihin ng pagiging disente? Ano ang ibig sabihin ng maging isang taong napapabuti at hindi inaayawan o kinasusuklaman ng iba? Dapat mayroon ka ng pamantayang ito sa sarili mo. Ito ang pinakasimpleng bagay sa pang-araw-araw na buhay, at gamit ang normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, tumpak mong mapapangasiwaan ang mga bagay-bagay nang hindi nangangailangan ng pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanan tulad ng paglutas sa tiwaling disposisyon o mga negatibong emosyon ng mga tao. Siyempre, kung nakatira ka sa sarili mong bahay, maaaring medyo makalat ka, hindi naman ganoon kahigpit ang mga pamantayan. Gayunpaman, kung nakatira ka kasama ng mga kapatid, dapat mong tiyakin na napapanatili nang maayos ang iyong normal na pagkatao. Bagamat wala tayong anumang partikular na hinihingi o mahigpit na pamantayan para dito, bilang isang normal na tao, dapat mayroon kang pag-unawa sa mga bagay na ito. Ito ay mga bagay na dapat gawin at taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Walang kinalaman dito ang mga kaisipan, pananaw, perspektiba, o paninindigan sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, paano umasal, at kumilos, at tiyak na walang kinalaman dito ang isang mas malaking landas sa buhay, direksiyon, o layon. Dahil dito, pinakamainam na lutasin mo ang mga bagay na ito ayon sa mga hinihingi ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, upang hindi magtsismisan o masuklam sa iyo ang iba dahil sa mga bagay na ito. Kung tungkol sa mga personal na gawi, libangan, pagkakaiba sa personalidad, o mga desisyon tungkol sa mga bagay na walang kaugnayan sa mga prinsipyo, ang mga bagay na ito na walang kinalaman sa mga kaisipan at pananaw, malaya kang pumili at panatilihin ang mga sarili mong kagawian. Hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaang magpasya at ng batayang konsiyensiya at katwiran, na nagtutulot sa mga tao na pumili ng sarili nilang mga hilig, libangan at mga gawi, o ng mga paraan ng pamumuhay na naaangkop sa kanilang mga personalidad. Walang may karapatang kontrolin, paghigpitan, o sisihin ka. Tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga salita, partikular na ang mga bagay na walang kinalaman kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, paano umasal, at kumilos, may karapatan ang mga tao na malayang pumili ng sarili nilang paraan ng pamumuhay nang walang panghihimasok ng iba. Kung ang isang lider, pinuno ng grupo, o superbisor ay pumupuna o nakikialam sa iyo tungkol sa mga personal na bagay, may karapatan kang itaboy sila. Sa pagbubuod, ang mga bagay na ito ng normal na pagkatao ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo. Hangga’t komportable at wasto ang pakiramdam mo, at hindi nakakaapekto o nakakaabala sa iba ang pag-uugali mo, ayos lang iyon. Halimbawa, kung natutuwa kang magbihis at manatiling malinis, hangga’t hindi ka nakakaapekto sa iba, hindi ito problema. Pero kung dis-oras na ng gabi at kailangan nang matulog ng iba pagsapit ng alas-onse, at naglalaba o naglilinis ka pa rin, hindi na iyon katanggap-tanggap. Kung ikaw ay nasa sarili mong pamamahay at hindi mo naaapektuhan ang buhay ng ibang tao, pwede kang hindi matulog hanggang alas-kuwatro o alas-singko ng umaga kung gusto mo. Malaya kang gawin iyon. Gayunpaman, ngayong naninirahan ka kasama ng mga kapatid, makakaapekto ang mga kilos mo sa kanilang mga pang-araw-araw na nakagawian at iskedyul. Hindi maganda iyon. Kung gayon ang ginagawa mo, hindi mo ginagamit nang tama ang iyong mga karapatan at kalayaan; sa halip, nagiging sutil ka, ito ay tinatawag na kawalan ng pagkatao. Alang-alang sa sarili mong kalayaan at upang matugunan ang mga kagustuhan at pagnanais ng sarili mong laman, ginagambala mo ang buhay ng iba at isinasakripisyo mo pa nga ang kanilang oras ng pahinga. Hindi naaayon ang pag-uugaling ito sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao. Kailangan itong magbago. Nauugnay ito sa mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi ito tungkol sa kung may mali sa iyong personal na pamumuhay o mga gawi sa kalinisan. Ito ay tungkol sa problema sa mga prinsipyo ng kung paano ka umasal. Hindi mo isinasaalang-alang ang damdamin, lagay ng loob, o mga interes ng iba. Pinoprotektahan at pinangangalagaan mo ang sarili mong mga interes kapalit ang kapakanan ng iba. Ang ganitong paraan ng pag-uugali ay hindi naaayon sa mga hinihingi ng Diyos sa pag-asal o sa mga prinsipyo ng pag-asal. Kaya, ang anumang kagustuhan, interes, pasya sa pamumuhay, gawi, kalayaan, karapatan, atbp., ng normal na pagkatao ay dapat manatili sa saklaw ng konsiyensiya at katwiran ng isang tao upang maituring na normal na pagkatao. Kung lampas ang mga ito sa mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, hindi iyon normal na pagkatao, hindi ba? (Hindi.) Sa loob ng saklaw ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, kumikilos ka tulad ng isang normal na tao. Kung lumampas ka sa mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao at binibigyang-diin mo pa rin ang iyong kalayaan, kung gayon, hindi ka kumikilos gaya ng isang normal na tao; mababa ka kaysa sa isang tao. Isa itong bagay na kailangang mabago, dapat malinaw ito. Ano ang dapat na malinaw? Dapat malinaw na ang mga personal na bagay na ito ay kailangang pangasiwaan sa loob ng mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, at na ito ay isang prinsipyo ng pag-asal. Ikaw na ang bahala lahat sa iyong mga personal na gawi, hinihingi, pasya sa paraan ng pamumuhay, atbp., basta’t hindi ka lumalampas sa mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao. Walang mga partikular na hinihingi tungkol sa mga bagay na ito.
Sa unang seksyon ng kung paano hangarin ang katotohanan, “pagbitiw,” tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon, tulad ng pagiging mas mababa, poot, galit, depresyon, pagkabagabag, pag-aalala, pagkabalisa, at pagpipigil, ang mga ito ang pangunahing malalaking isyu sa direksiyon at mga isyung may kinalaman sa mga prinsipyo na kailangan nating pagbahaginan. Para sa mga maliit, dagdag na isyu na walang kinalaman sa mga prinsipyo o direksiyon, komprehensibo tayong nagbahaginan tungkol sa mga ito kanina. Tungkol naman sa pag-aatubili, pagkayamot, kawalang-kasiyahan, at iba pa, na nararamdaman mo hinggil sa iyong mga personal na isyu, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa mga tunay na kaisipan at pananaw at hindi tumutukoy sa mga prinsipyo ng kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, o kung paano siya umaasal at kumikilos, sarili mong mga personal na isyu ang mga ito. Kailangan mong ayusin at tugunan ang mga ito sa loob ng saklaw ng iyong konsiyensiya at katwiran. Halimbawa, nagugutom ka at wala kang ganang magluto, pero masyado kang nanghihina para magtrabaho nang walang laman ang tiyan, at nang magluto ka na nga, nairita ka naman. Maaaring isipin mo, “Isa ba itong negatibong emosyon?” Hindi ito isang negatibong emosyon; ito ay katamaran ng iyong katawan at pag-ayaw sa pagluluto. Isa itong isyu ng iyong tiwaling laman. Kung mayroon kang pera, maaari kang kumuha ng isang taong tutulong sa iyo sa pagluluto. Kung wala kang pera, ikaw lang mismo ang makalulutas nito. Hindi obligado ang iba na lutasin para sa iyo ang mga problemang ito sa buhay; sariling responsabilidad mo ito. Ang mga karaniwang gawaing ito ng pagkain, pagbibihis, at pagsisipilyo at pagkukuskos ay bahagi ng buhay ng tao. Likas na ito sa pag-iral ng tao. Ang mga tao ay naiiba sa mga aso at pusa. Sa sandaling mag-ampon ka ng isang kuting o tuta, responsabilidad mo ang pagkain at inumin nito. Kapag nagugutom ito, kailangan mo itong pakainin. Pero hindi ito uubra sa mga tao; kailangang ang mga tao mismo ang mag-asikaso at magbalikat ng mga aspetong ito ng buhay. Hindi ito isang pasanin; ang matutunang pangasiwaan ang mga bagay na ito nang tama ay isang bagay na kayang isakatuparan ng mga taong may normal na pagkatao. Kaya lang, maaaring nararamdaman ng ilang tao na hindi pa nila nagawa ang mga bagay na ito dati, lalo na ang mga taong tinulungan ng kanilang mga magulang o kapamilya na manatiling organisado at labis na pinalayaw na hindi nila kailanman natutunan kung paano magluto, maglaba, o mangasiwa sa mga bagay-bagay sa sarili nilang buhay. Resulta ito ng kapaligiran sa pamilya. Gayunpaman, sa sandaling iwanan nila ang kanilang mga magulang at magsimulang mamuhay nang nagsasarili, kaya na nilang gawin ang lahat ng bagay nang sila-sila lang, kabilang na ang paglalaba at pag-aayos ng kanilang higaan. Sa katunayan, ito ay mga bagay na kayang makamit ng normal na pagkatao. Para sa sinumang nasa hustong gulang na, ang mga gampaning ito ay hindi mahirap at hindi labis na mabigat. Madaling lutasin ang mga problemang ito. Kung mayroon kang mas matataas na pamantayan para sa kalidad ng buhay mo, mas maganda pa ang magagawa mo. Kung hindi gaanong mahigpit o mas mababa ang ekspektasyon para sa kalidad ng iyong buhay, maaari kang maging mas kaswal tungkol dito. Ang mga ito ay pawang mga usapin na walang kinalaman sa mga prinsipyo.
Tungkol sa unang pangunahing paksa kung paano hangarin ang katotohanan—pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon—tapusin natin ang pagbabahaginan natin dito, dahil tapos naman na tayo rito kung tutuusin. Ang kasunod, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, bukod sa pagbitiw sa mga negatibong emosyon, dapat ding bitiwan ng isang tao ang mga pansariling paghahangad, mithiin, at pagnanais. Ito ang ikalawang pangunahing aspeto ng “pagbitiw” sa pagsasagawa ng kung paano hangarin ang katotohanan, na siyang pagbabahaginan natin ngayong araw. Ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao—naiintindihan ba ninyo? (Oo, naiintindihan namin.) Kababanggit Ko lang ngayon sa mga pakay nitong partikular na pagsasagawa ng “pagbitiw,” at nabigyang-pansin na rin ninyo ang mga ito. Suriin natin ngayon ang paksa: Ano ang pumapasok sa isipan kapag pinag-uusapan natin ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao? Anong mga halimbawa ang naiisip ninyo? (Naiisip ko ang mga mithiin ng mga tao, na ibinahagi ng Diyos kanina, tulad ng mga taong may partikular na talento, gaya ng pag-arte, pag-asam na maging mga kilalang tao o superstar. Maaaring inaasam ng ibang may abilidad sa pagsusulat at kaunting talento sa panitikan na gumanap ng mga tekstuwal na tungkulin sa sambahayan ng Diyos at maging mga manunulat. Ito ang ilang mithiin na lumilitaw sa mga tao.) Ano pa? (Hinahangad ng mga tao ang tagumpay, gayundin ang sarili nilang mga inaasam at ninanais, at hinahangad nilang makatanggap ng mga pagpapala.) Mag-isip ka pa, ano pa ang mayroon? Ano ang dapat bigyang-diin dito? Tungkol ito sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na dapat bitiwan ng mga tao. Dagdag pa sa mga marangyang pagnanais ng mga tao at sa mga ekspektasyon nila sa kanilang mga inaasam at tadhana, sa konteksto ng totoong buhay ng mga tao, sa mga kinakailangang sitwasyon ng pag-iral ng tao, ano pa ang may kinalaman sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na dapat bitiwan ng mga tao? Ano ang ilang mahalagang bagay sa buhay na maaaring makaapekto sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? (Kapag nasa edad na ng pag-aasawa ang mga tao, maaari silang mapasailalim sa mga limitasyon ng pag-aasawa. Isa pa, kapag ang propesyon ng isang tao ay sumasalungat sa pananalig niya sa Diyos, maaaring piliin niya na hangarin ang sarili niyang propesyon. Ito ang dalawang aspeto na kailangan ding bitiwan.) Mahusay ang pagkakasabi mo. Ang pananalig mo sa Diyos sa nakalipas na ilang taon ay nagbigay sa iyo ng mga resulta at pagpapahalaga. Nabanggit mo nang tama ang dalawang mahalagang aspeto—pag-aasawa at propesyon. Ang dalawang pangunahing bagay na ito ay kabilang sa mga isyung may kinalaman sa mga panghabangbuhay na usapin sa landas ng buhay ng tao. Mahalagang bagay para sa lahat ang pag-aasawa, at isang malaking alalahanin din ang propesyon ng isang tao, na hindi matatakasan at hindi maiiwasan. Mayroon bang iba pang mahahalagang bagay maliban sa dalawang ito? (Nariyan din ang aspeto ng pakikitungo sa pamilya, mga magulang at mga anak. Kapag sumasalungat ang mga bagay na ito sa pananalig sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan, nahihirapan ang mga tao na bumitiw.) Kapag gumagawa kayo ng isang balangkas, hindi kayo dapat gumagamit ng masyadong mahahabang pangungusap. Kanina, binanggit natin ang pag-aasawa at propesyon. Kaya, ano ang dapat itawag sa paksang ito? (Pamilya.) Tama, isa ring pangunahing aspeto ang pamilya. Kasama ba rito ang bawat indibidwal? (Oo.) Kasama rito ang bawat indibidwal, at ito ay sapat na partikular at tipikal. Ang pag-aasawa, pamilya, at propesyon ay pawang malalaking paksa na may kinalaman sa pangunahing tema ng mga pansariling paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Sa kabuuan ay may apat na pangunahing paksa na nauugnay sa pagbitiw sa mga pansariling paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Natukoy ninyo nang tama ang tatlo sa mga ito, mabuti kung gayon. Tila nangangailangan ng detalyadong pagbabahaginan ang paksang ito, isa itong paksa na nasa isipan na ninyo, at mahigpit itong nauugnay sa inyong buhay o sa inyong tayog at karanasan. May isa pang paksa, na talagang napakasimple. Ano ito? Ito ay ang mga hilig at libangan ng isang tao. Hindi ba’t simple lang iyon? (Oo.) Bakit Ko sinasabi ang mga hilig at libangan ng isang tao? Suriing mabuti ang paksa at tingnan kung ang mga hilig at libangan ay nauugnay sa mga pansariling paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao na kailangan nating talakayin. (Oo.) May kaugnayan ba sa mga ito ang pag-aasawa? (Oo.) May kaugnayan ba sa mga ito ang pamilya? (Oo.) May kaugnayan ba sa mga ito ang propesyon? Mayroon din. Ang bawat isa sa apat na aspetong ito ay nauugnay sa mga paghahangad, mithiin, at mithiin ng isang tao. Kasama sa bawat aspeto ang mga imahinasyon at partikular na hinihingi tungkol dito sa kaibuturan ng kanyang puso, at mga bagay na nais makamit ng isang tao sa kanyang laman at mga emosyon. Ang bawat aspeto ay may mga partikular na elemento at kongkretong paghahangad, at kasama rin dito ang pagsisikap at halagang ibinabayad ng isang tao para sa mga ito. May kinalaman at impluwensya ang bawat aspeto sa mga kaisipan at pananaw ng isang tao sa buong buhay niya at ang mga ito ay maaaring makaapekto sa paghahangad niya sa mga tamang layon. Siyempre, nakakaapekto rin ito sa kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay at kung paano sila umasal at kumilos. Kung magsasalita Ako nang pangkalahatan, maaaring maging hindi malinaw at mahirap para sa inyo na maunawaan ito. Kaya, isa-isa nating pagbahaginan ang bawat aspeto, suriin nating mabuti ang mga ito, at maaaring unti-unti ay malinaw ninyong maunawaan ang mga isyu. Sa sandaling maging malinaw ang mga ito, maaaring hanapin dito ng mga tao ang mga prinsipyo na dapat nilang ipatupad at sundin.
Una, pag-usapan natin ang tungkol sa mga hilig at libangan. Siyempre, hindi kasama sa mga hilig at libangan kung ano ang paminsan-minsang ginagawa ng mga tao para magsaya, o ang kanilang mga pansamantalang pampalipas ng oras o mga hilig pag-aralan—walang kinalaman sa mga pansamantalang bagay ang mga hilig at libangan. Dito, ang mga hilig at libangan ay tumutukoy sa tunay na pananabik at paghahangad na nananahan sa espirituwal na katauhan ng isang tao at sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Kikilos pa nga siya at gagawa ng mga plano para sa mga bagay na ito, at higit pa roon, gagawa siya ng mga kongkretong pagsisikap at sisikapin niyang matugunan o higit na mapaunlad ang mga hilig at libangan na ito, o upang makagawa ng gawaing naaayon sa sarili niyang mga hilig at libangan. Sa kontekstong ito, ipinahihiwatig ng mga hilig at libangan na nakapagtakda na ng mga layon at mithiin ang mga indibidwal, at nagbayad pa nga ng halaga, gumugol ng lakas, o gumawa ng mga partikular na aksyon. Halimbawa, umalis sila at nag-aral ng mga nauugnay na kaalaman para sa kanilang mga hilig at libangan, ginugugol ang karamihan ng kanilang pang-araw-araw na buhay sa pag-aaral ng kaalamang ito, at nagtatamo ng praktikal na karanasan at aktuwal na pagkaunawa rito. Halimbawa, ang ilang tao ay may partikular na hilig at libangan sa pagpipinta, at ang mga painting na ito ay hindi kasingsimple ng pagguhit lamang ng mga litrato o tanawin. Higit pa ito sa gayong mga simpleng hilig at libangan. Pinag-aaralan nila ang iba’t ibang pamamaraan ng pagpipinta, tulad ng sketching, mga landscape, at mga portrait, at nag-aaral pa nga ang ilan ng oil at ink painting. Nag-aaral sila nang ganito hindi lamang dahil sa kanilang mga hilig at libangan, kundi dahil sa mga mithiin na kanilang binuo at itinatag, at sa mga pagnanais na taglay nila, dahil sa kanilang hilig sa pagpipinta. Nais pa nga nilang ilaan ang buong lakas ng buhay nila sa pagpipinta, maging matagumpay na pintor, at hangarin bilang isang propesyon ang pagpipinta. Bago lumahok sa propesyong ito, kinakailangan ang malawakang paghahanda at pagpaplano, halimbawa, pag-aaral sa mga espesyalistang paaralan para sa karagdagang edukasyon at pagsasanay, pag-aaral sa iba’t ibang aspeto ng pagpipinta, pagsasagawa ng mga on-site sketch, paghingi ng patnubay mula sa mga eksperto at master artist, at pagsali sa mga kompetisyon, bukod sa iba pang bagay. Ang lahat ng aktibidad na ito ay nakatuon sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Siyempre, nakabatay ang lahat ng paghahangad, mithiin, at pagnanais na ito sa kanilang mga hilig at libangan. Dahil sa mga hilig at libangan na ito kaya sila nagkaroon ng mga paghahangad, mithiin, at pagnanais sa buhay. Ang ilang tao ay may matinding hilig sa pag-aaral ng kasaysayan, kabilang na ang sinauna at moderno, lokal at dayuhang kasaysayan. Habang mas tumitindi ang kanilang pagkahilig, nagsisimula namang makita nila ang kanilang sarili bilang mga indibidwal na may talento sa larangang ito, at napipilitan silang maghangad ng isang propesyong nauugnay rito. Patuloy silang nag-aaral at mas pinapalawak nila ang kanilang edukasyon. Siyempre, sa prosesong ito, patuloy na nabubuo at tumitibay ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, at sa huli ay inaasam nilang maging historyador. Bago maging isang historyador, karamihan sa oras nila ay nakatuon sa hilig at libangang ito. Mayroon ding ilang tao na may partikular na pagkahilig sa ekonomiya, at nasisiyahang magtrabaho ng may kinalaman sa mga numero at mag-aral ng mga bagay na nauugnay sa ekonomiya. Umaasa sila na balang araw ay mamumukod-tangi sila o magiging matagumpay sa industriya ng finance. Sa madaling salita, nagkakaroon din sila ng paghahangad batay sa kanilang hilig at libangan, at nagkakaroon ng mga mithiin at pagnanais na may kaugnayan sa hilig at libangang iyon. Kasabay nito, ipinupuhunan din nila ang kanilang oras, gumagawa sila ng aksiyon, nagbabayad ng halaga, at gumugugol ng lakas para matuto, magsaliksik, mas magpalawak ng kanilang edukasyon, at magkamit ng komprehensibong kaalaman na nauugnay sa kanilang mga hilig at libangan. Ang iba ay mahilig sa sining, gaya ng sining ng pagtatanghal, pagsayaw, pagkanta, o pagdidirekta. Matapos magkaroon ng gayong mga hilig at libangan, sa ilalim ng motibasyon ng mga hilig at libangang ito, unti-unting nabubuo at tumitibay ang kanilang mga mithiin at pagnanais. Habang unti-unting nagiging layon nila sa buhay ang mga mithiin at pagnanais nila, inilalaan din nila ang kanilang mga pagsisikap, pagtatrabaho, at mga kilos sa paghahangad ng mga layong iyon. May ilang taong mahilig magtrabaho sa larangan ng edukasyon. Pinag-aaralan nila ang iba’t ibang aspeto ng edukasyon, gaya ng sikolohiya at iba pang nauugnay na kaalaman, para maghangad ng propesyong nauugnay sa kanilang mga hilig at libangan. Ang ilang tao naman ay mahilig sa disenyo, pag-iinhinyero, teknolohiya, elektronika, o pagsasaliksik sa mga insekto, mikroorganismo, at iba’t ibang pag-uugali ng hayop, mga gawi upang mabuhay, mga pinagmulan, at marami pang iba. Ang ilang tao ay mahilig sa trabaho sa media at nais makapagtrabaho sa industriya ng media bilang mga host, anchor, reporter, at iba pa. Dahil sa udyok ng kanilang iba’t ibang hilig at libangan, patuloy na nag-aaral ang mga tao at malalimang nagsasaliksik, at unti-unti silang nagkakamit ng pagkaunawa. Mas tumitindi ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais sa puso nila at patuloy na nabubuo. Siyempre, habang unti-unting nabubuo ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais, nagsusumikap din ang mga indibidwal at sumusulong tungo sa kanilang mga mithiin at pagnanais. Sa tuwing gumagawa sila ng partikular na aksiyon, ipinupuhunan nila ang kanilang lakas, oras, kabataan, at maging ang mga emosyon at pagsisikap nila, para sa mga mithiin at pagnanais na ito.
Sa anumang larangan o industriya nabibilang ang mga hilig at libangan ng isang tao, anuman ang kategoryang kanilang kinabibilangan, sa sandaling magtakda sila ng isang paghahangad at magtatag ng mga kaukulang mithiin at pagnanais, nakatakda na rin ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay. Kapag ang mga mithiin at pagnanais ng isang tao ang siyang nagiging mga layon ng buhay niya, tiyak na nakatakda na ang landas niya sa hinaharap. Bakit Ko sinasabing nakatakda na ito? Ano ang isyung tinutukoy rito? Ito ay, sa sandaling matukoy mo ang mga mithiin at pagnanais na nagmumula sa iyong mga hilig at libangan, kailangan mo ring magsikap at magpunyagi sa direksiyong iyon, kahit hanggang sa puntong magkaroon ka ng di-natitinag at determinadong kapasyahan at kaisipan, handang magbayad ng habangbuhay na lakas, oras, at halaga. Ang iyong buhay, tadhana, mga inaasam, at maging ang pinakahuli mong hantungan ay hindi maiiwasang maimpluwensyahan ng mga layon sa buhay na naitatag mo na. Ano ang pangunahing punto na nais Kong bigyang-diin dito? Sa sandaling itatag ng isang tao ang kanyang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais batay sa isang partikular na hilig o libangan, hindi na siya mananatiling nakatunganga at walang ginagawa. Nagsisimulang mabuo ang mga kongkretong aksiyon dahil sa mga partikular na hilig at libangan. Kasabay nito, itatatag mo ang iyong mga mithiin at pagnanais, sa ilalim ng patnubay ng mga partikular na pagkilos na ito. Mula sa puntong iyon, hindi titigil ang puso mo, at hindi hihinto ang iyong mga paa. Nakatakda kang mamuhay para sa iyong mga mithiin at pagnanais. Hinding-hindi ka basta-bastang papayag sa pagkakaroon lang ng kaunting kaalaman at na tapusin iyon sa ganoon lang. Dahil mayroon kang gayong mga talento, at nagtataglay ka ng potensyal at mga kaloob, siguradong maghahanap ka ng isang posisyong nababagay sa iyo, o walang humpay kang magsisikap para pumaitaas ka at maging pambihira sa mundong ito at sa gitna ng karamihan, nang walang anumang pagsisisi. Hahangarin mo ang iyong mga mithiin at mga ninanais nang may matatag na paniniwala sa tagumpay, at magiging handa ka pa ngang magbayad ng anumang halaga, at harapin ang anumang paghihirap, panganib, at pagdurusa upang makamit ang mga ito. Bakit nagagawa ito ng mga tao? Bakit nagagawa nilang kumilos sa gayong paraan pagkatapos magkaroon ng mga mithiin at pagnanais batay sa kanilang mga hilig at libangan? (Ginagawa nila ito para maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, para maghangad ng mas matataas na bagay, at para maging mas magaling kaysa sa iba. Dahil dito, hindi sila umuurong sa harap ng anumang paghihirap, bagkus ay patuloy nilang hinahangad ang kanilang mga mithiin at pagnanais.) Mayroong likas na gawi sa mga tao. Kung hindi nila kailanman malalaman kung ano ang kanilang mga kalakasan, kung ano ang kanilang mga hilig at libangan, mararamdaman nila na wala silang puwang, hindi nila mapagtatanto ang sarili nilang halaga, at mararamdaman nilang wala silang halaga. Hindi nila magawang ipakita ang kanilang halaga. Gayunpaman, sa sandaling matuklasan ng isang tao ang kanyang mga hilig at libangan, gagawin niya itong tulay o isang pambuwelo para maipamalas ang kanyang halaga. Handa siyang magbayad ng halaga para hangarin ang kanyang mga mithiin, para mamuhay ng mas makabuluhang buhay, para maging isang kapaki-pakinabang na indibidwal, para mamukod-tangi sa karamihan at mapansin, para hangaan at sang-ayunan, at para maging isang katangi-tanging tao. Sa ganitong paraan, makapamumuhay siya nang kontento, magkakaroon ng matagumpay na propesyon sa mundong ito, at maisasakatuparan ang kanyang mga mithiin at pagnanais, at sa gayon ay magiging makabuluhan ang kanyang buhay. Kung titingnan ang karamihan sa mga tao, iilan lamang ang likas na kasingtalino niya, na nakapagtakda ng matatayog na mithiin at pagnanais, at na sa huli ay nakapagkamit ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap. Nakabuo siya ng propesyon habang ginagawa ang gusto niya, natamo niya ang kasikatan, pakinabang, at katanyagan na nais niya, naipakita ang kanyang kabuluhan, at naipamalas ang kanyang halaga. Ito ang paghahangad ng mga tao. Ang bawat tao, na inuudyukan ng kanilang mga natatanging hilig at libangan, ay may mga sariling paghahangad, mithiin, at pagnanais. Siyempre, pagkatapos itakda ang mga sarili nilang paghahangad, mithiin, at pagnanais, maaaring hindi nila makamit ang mga mithiin at pagnanais na ito. Gayunpaman, sa sandaling maitatag ng mga indibidwal ang kanilang mga mithiin at mga pagnanais, sa sandaling magkaroon sila ng mga paghahangad na ito, tiyak na hindi nila hahayaang sila ay manatiling ordinaryo. Gaya ng kasabihan—ang lahat ay mahilig magmalaki, gusto nilang isipin ng iba na sila ay natatangi. Walang handang maging isang ordinaryong tao ang magsasabi na, “Ganito na ang magiging buhay ko. Pwede akong maging isang pastol ng baka, magsasaka, ordinaryong ladrilyero, o janitor. Pwede pa nga akong maging taga-deliver o tagahatid ng pagkain.” Walang sinuman ang may gayong mithiin. Ipagpalagay na sasabihin mong, “Isa bang uri ng mithiin ang maging isang masayang taga-deliver?” Sasagot ang lahat, “Hindi, talagang hindi iyan isang mithiin! Ang maging may-ari ng isang delivery company, isang kilalang amo sa buong mundo, ganyan ang isang mithiin at pagnanais!” Walang sinuman ang handang tumanggap sa kanilang papel bilang isang ordinaryong tao. Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng kahit katiting na hilig o libangan, at kung may isang bihirang pagkakataon na siya ay magiging isang kilalang tao sa lipunan o makakapagkamit ng kaunting tagumpay, hindi siya susuko. Ibubuhos niya ang 120% niya at magbabayad siya ng anumang halaga para dito, tama ba? (Oo.) Hindi kailanman sumusuko ang mga tao.