Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7 (Unang Bahagi)
Sa panahong ito, ang ating pangunahing paksa ng pagbabahaginan ay “Paano sikaping matamo ang katotohanan.” Ibinuod natin dati ang dalawang prinsipyo ng pagsasagawa sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang unang prinsipyo? (Ang unang prinsipyo ay ang pagbitiw, at ang pangalawa ay pag-alay.) Ang unang prinsipyo ay pagbitiw, at ang pangalawa ay pag-alay. Hindi pa tayo tapos magbahaginan tungkol sa paksa ng “pagbitiw.” Ano ang unang tema ng “pagbitiw”? (Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon.) Ano ang pangunahing pinagbahaginan natin tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon? Pangunahin nating pinagbahaginan at inihayag ang mga negatibong emosyon na nararanasan ng mga tao, ibig sabihin, kung anong mga uri ng negatibong emosyon ang kadalasang dala-dala ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa kanilang landas sa buhay, at pati na rin kung paano bitiwan ang mga ito. Ang mga negatibong emosyon na ito ay nagpapamalas bilang isang uri ng damdamin sa loob ng mga tao, ngunit ang totoo, napukaw ang mga ito ng iba’t ibang maling kaisipan at paniniwalang pinanghahawakan ng mga tao. Napukaw ang mga negatibong emosyon dahil sa iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga tao at sa mga ibinubunyag at ipinapakita nila. Batay sa mga isyu ng negatibong emosyon na pinagbahaginan natin kanina, sa iba’t ibang pag-uugali ng mga tao, at sa iba’t ibang kaisipan at pananaw nila, anong mga problema ang nakikita ninyo? Sa madaling salita, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga panlabas na pagpapamalas ng iba’t ibang negatibong emosyon, nahihiwatigan ba ninyo ang diwa sa likod ng isipan ng mga tao? Kapag nagpapakita ng mga negatibong emosyon ang isang tao, kung mas sasaliksikin at maingat nating susuriin ang mga ito, mapapansin natin ang kanilang iba’t ibang maling pananaw, perspektiba, at saloobin sa mga tao, pangyayari, at sa mga bagay na nakatago sa loob ng mga negatibong emosyong iyon, at makikita pa nga natin ang kanilang mga pamamaraan sa pangangasiwa at paglutas sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay mula sa loob nila, tama ba? (Tama.) Kaya, mula sa iba’t ibang pagkakataon na nagbahaginan tayo tungkol sa pagsusuri ng mga negatibong emosyong ito, masasabi ba natin na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga tao na mali, hindi totoo, may kinikilingan, negatibo, at masama ay nakatago sa loob ng kanilang mga negatibong emosyon? Masasabi ba natin iyon? (Oo.) Ano ang sinabi Ko ngayon lang? (Kasasabi lang ng Diyos na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga tao na mali, hindi totoo, may kinikilingan, negatibo, at masama ay nakatago sa loob ng kanilang mga negatibong emosyon.) Naunawaan ba ninyo Ako nang malinaw? (Oo, naunawaan Kita.) Kung hindi tayo magbabahaginan tungkol sa mga negatibong emosyong ito, maaaring hindi gaanong bigyang-pansin ng mga tao ang mga pansamantala o pangmatagalang negatibong emosyon na lumilitaw. Gayunpaman, pagkatapos suriin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nakatago sa loob ng mga negatibong emosyon, kinikilala ba ng mga tao ang katunayang ito? Iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw ang nakatago sa loob ng iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Sa madaling salita, kapag ang isang tao ay nakararanas ng mga negatibong emosyon, sa panlabas, maaaring magmistulang mga partikular na damdamin ang mga ito. Maaaring nagbubulalas sila ng kanilang mga emosyon, nagsasabi ng mga bagay na nakapanlulumo, nagpapakalat ng kawalan ng sigla at nagsasanhi ng ilang negatibong resulta, o gumagawa ng mga bagay na medyo labis-labis. Ito ang ipinapakita sa panlabas. Gayunpaman, sa likod nitong mga pagpapamalas ng mga negatibong emosyon at labis-labis na pag-uugali, talagang mayroong iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw sa mga tao. Samakatuwid, bagamat tinatalakay natin ang mga negatibong emosyon sa panahong ito, ang totoo, sinusuri natin ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw ng mga tao sa pamamagitan ng paglalantad at pagsusuri ng kanilang iba’t ibang negatibong emosyon. Bakit natin inilalantad ang mga kaisipan at pananaw na ito? Nakaaapekto lang ba ang mga negatibong kaisipan at pananaw na ito sa emosyon ng mga tao? Ito ba ay dahil lamang sa nagdudulot ito ng mga negatibong emosyon sa mga tao? Hindi. Ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay hindi lamang nakakaimpluwensya sa mga emosyon at paghahangad ng isang tao; gayunpaman, ang kanilang mga emosyon at panlabas na pag-uugali ang siyang nakikita at napapansin ng mga tao. Samakatuwid, ginagamit natin ang simple at madaling paraan ng pagsusuri ng mga negatibong emosyon upang ilantad ang iba’t ibang negatibo, masama, at hindi naaangkop na kaisipan at pananaw ng mga tao. Inilalantad natin ang mga kaisipan, pananaw, at negatibong emosyon na ito dahil ang mga kaisipan at pananaw na ito ay nauugnay sa perspektiba at paninindigan ng mga tao sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, sa pag-asal, at pagkilos sa totoong buhay. May kinalaman din ang mga ito sa mga layon at direksyon ng kaligtasan ng mga tao, at natural na may kinalaman din sa kanilang mga pananaw sa buhay. Kaya naman, naisagawa natin ang paglalantad na ito sa ilang negatibong emosyon. Gayunpaman, ang pangunahing layon ng pakikipagbahaginan tungkol sa iba’t ibang negatibong emosyon ay ang ilantad, suriin, at lutasin ang iba’t ibang mali, negatibo, at masamang kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagbubunyag natin sa mga negatibong kaisipan at pananaw na ito, malinaw na makikilala ng mga tao ang mga maling pananaw, saloobin, at perspektiba na umiiral sa kanilang mga kaisipan tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Nakakatulong ito para malutas ang iba’t ibang negatibong emosyon na dulot ng mga maling kaisipan at pananaw na ito at sa gayon ay nagbibigay-daan sa mga tao na makilala at malinaw na maunawaan ang mga maling kaisipan at pananaw na ito, pagkatapos nito ay mahahanap na nila ang tamang landas, mabibitiwan ang mga negatibong emosyon, at tuluyang matatalikuran ang mga ito. Ang pinakalayon ay ang magkaroon ng kakayahang harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap ng isang tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay o sa takbo ng kanyang buhay nang may mga tamang kaisipan at pananaw. Sa kabuuran, ano ang nais nating maging kalalabasan nito? Ito ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na makilala at malinaw na maunawaan ang iba’t ibang negatibong kaisipan na nasa loob nila, at pagkatapos na makilala ang mga ito, patuloy na baguhin at itama ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa kanilang buhay at mga landas sa buhay, upang maghanap, tumanggap, o magpasakop sa mga tamang kaisipan at pananaw na umaayon sa katotohanan, at sa huli ay mamuhay at umasal nang may mga tamang kaisipan at pananaw. Iyon ang layon. Sumasang-ayon ba kayo? (Oo.) Sa panlabas, inilalantad natin ang mga negatibong emosyon ng mga tao, pero sa katunayan, inilalantad natin ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Nilalayon nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na gamitin ang mga tamang kaisipan at pananaw kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari at bagay upang maharap at mapangasiwaan ang mga ito, at sa huli ay kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag tumitingin sa mga tao at bagay-bagay, kapag umaasal, at kumikilos. Hindi ba’t bumabalik ito sa tema ng “Paano sikaping matamo ang katotohanan”? (Oo.)
Ang pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay bumabalik pa rin sa mas malawak na paksa ng “Paano sikaping matamo ang katotohanan” sa huli, nang hindi lumilihis mula sa pangunahing tema, tama ba? (Oo.) Sa simula, maaaring isipin ng ilang tao na, “Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay tila walang masyadong kinalaman sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga negatibong emosyon ay mga pansamantalang lagay ng loob o panandaliang kaisipan at ideya lamang.” Kung ito ay isang panandaliang kaisipan o isang pansamantalang lagay ng loob, hindi ito sakop ng mga negatibong emosyon na ating pinagbabahaginan. Ang mga negatibong emosyong ito ay kinabibilangan ng mga isyu ng prinsipyo at esensiya na nauugnay sa kung paano tinitingnan ng mga tao ang ibang tao at ang mga bagay-bagay, at kung paano sila umaasal at kumikilos. Kabilang dito ang mga tamang pananaw, paninindigan, at prinsipyo na dapat itaguyod ng mga tao sa buhay, gayundin ang kanilang mga pananaw sa buhay at paraan ng pamumuhay. Ang pinakalayon ng pagbabahaginan tungkol sa mga ito ay upang bigyang-kakayahan ang mga tao, kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin sa buhay, para hindi na nila pangasiwaan ang mga bagay na ito gamit ang kanilang pagiging natural o pagiging mainitin ng ulo, o harapin ang mga isyung ito gamit ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Siyempre, nangangahulugan din ito na hindi nila haharapin ang mga problemang ito base sa iba’t ibang satanikong pilosopiya na itinanim sa kanila ng lipunan. Sa halip, haharapin nila ang mga ito sa tamang paraan, nang may konsiyensiya at katwiran na kahit papaano ay dapat taglayin ng isang tao sa pagharap sa mga problemang nararanasan sa buhay. Higit pa rito, sa ilalim ng mga pangunahing kondisyon ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nabibilang at nakakaharap sa buhay at pag-iral ay tatratuhin nila ayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa iba’t ibang prinsipyong itinuro ng Diyos. Ang pagbabahaginan at pagsusuri sa iba’t ibang negatibong emosyon ay inilaan para sa pagkamit ng layong ito. Naiintindihan mo ba? (Oo, naiintindihan ko.) Sabihin mo sa Akin. (Ang layon ng Diyos sa pakikipagbahaginan at pagsusuri sa mga negatibong emosyong ito ay upang bigyang-kakayahan ang mga tao na makilala at mabago ang mga maling kaisipan at pananaw sa loob ng kanilang mga negatibong emosyon, nang sa gayon ay mabitiwan nila ang mga negatibong emosyong ito at umasa sa konsiyensya at katwiran upang mapangasiwaan at maharap nang tama ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila sa buhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Tinutulutan sila nitong unti-unting mabago ang kanilang pananaw sa buhay, na tingnan ang mga tao at bagay base sa katotohanan, na umasal at kumilos alinsunod sa katotohanan, at isabuhay ang kanilang normal na pagkatao.) Kung hindi Ko ibinahagi o sinuri ang mga negatibong emosyong ito, kung hindi Ko rin ibinahagi o inilantad ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw ng mga tao, kung gayon, kapag naharap ang mga tao sa mga problema sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas silang magkakaroon ng maling paninindigan at perspektiba, haharapin, pangangasiwaan, at lulutasin nila ang mga bagay na ito nang may mga maling kaisipan at pananaw. Sa ganitong paraan, madalas na labis na napipigilan, nakagapos at nakokontrol ng mga negatibong kaisipang ito ang mga tao, hindi nila mapangasiwaan ang iba’t ibang problema sa buhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos o sa mga prinsipyo at pamamaraan na inihayag sa mga salita ng Diyos. Siyempre, kung ang isang tao ay mayroong mga tamang kaisipan at pananaw sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, pati na rin ng tamang perspektiba at paninindigan, lubos itong makatutulong sa kanya, kapag nahaharap siya sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito, makakatulong ito na mapangasiwaan niya ang mga ito nang may tamang perspektiba, o kahit nakapaloob man lang sa saklaw ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, at maiwasan ang pagtrato sa iba’t ibang isyu nang may mainit na ulo o ayon sa kanyang mga tiwaling disposisyon, na maaaring humantong sa hindi kinakailangang gulo at magdulot ng hindi kanais-nais na mga kahihinatnan. Halimbawa, kung paano harapin ng isang tao ang hinaharap, karamdaman, pamilya, pag-aasawa, pagkagiliw, pera, mga relasyon sa pagitan ng mga tao, at ang kanyang mga sariling talento, pati na rin ang kanyang katayuan at halaga sa lipunan, at iba pang mga katulad na isyu, ay batay sa kung ano ang kanyang narinig, natutunan, o sa impluwensiya at epekto ng kanyang pamilya o lipunan bago magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan, bukod pa sa ilang karanasan o pamamaraan na siya mismo ang nakaisip. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang sariling paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay, at ang bawat tao ay may binibigyang-diin na isang partikular na saloobin kapag hinaharap ang mga bagay-bagay. Siyempre, mayroong isang karaniwang salik sa iba’t ibang paraan ng pagharap ng mga tao sa mga bagay-bagay, na lahat ito ay pinangingibabawan at pinamumunuan ng mga negatibo, masama, mali, o may kinikilingang kaisipan at pananaw. Ang pinakalayon nila ay ang makamit ang sarili nilang kasikatan, magandang kapalaran, at pansariling interes. Upang maging mas espesipiko, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay nagmumula sa pagkintal at mga turo ni Satanas. Masasabi rin na nagmumula ang mga ito sa iba’t ibang maling kaisipan at pananaw na ikinakalat, isinusulong, at pinalalago ni Satanas sa buong sangkatauhan. Sa direksyon ng mga maling kaisipan at pananaw na ito, hindi namamalayang ginagamit ng mga tao ang mga ito para protektahan ang kanilang sarili at tiyakin na mapalaki nang labis ang kanilang sariling mga interes. Ginagawa nila ang lahat para gamitin itong iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa lipunan at mundo upang mapangalagaan ang sarili nila at labis na mapalaki ang mga pansariling pakinabang upang makamit ang kanilang mga pansariling interes. Siyempre, ang paghahangad na ito na may makamit ay hindi nagpapapigil sa anuman at labag na sa moralidad, pati na rin sa konsiyensiya at katwiran. Samakatuwid, sa direksyon ng mga negatibong emosyon at negatibong kaisipan at pananaw na ito, ang pinakahuling resulta ng kung paano tinitingnan ng mga tao ang iba at mga bagay at kung paano sila umaasal at kumikilos ay maaari lamang humantong sa pagsasamantala, panlilinlang, at pamiminsala sa isa’t isa, at sa alitan sa pagitan ng mga tao. Sa huli, sa ilalim ng direksiyon, pagkagapos, o pang-uudyok ng iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw, mas malalayo ang mga tao sa mga hinihingi ng Diyos, o maging sa mga prinsipyo kung paano umasal at kumilos ayon sa itinuro ng Diyos. Masasabi rin na sa direksiyon at pang-uudyok ng iba’t ibang negatibong kaisipan, hindi kailanman tunay na makakamit ng mga tao ang katotohanan o makapapasok sa realidad ng pagsasagawa sa katotohanan ayon sa hinihingi ng Diyos. Nagiging mahirap din para sa kanila na sumunod sa prinsipyo ng pagbabatay ng kanilang mga pananaw sa mga tao at bagay, at ng kanilang asal at mga kilos, ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Samakatuwid, habang nilulutas ng mga tao ang sarili nilang mga negatibong emosyon, sa katunayan, kinakailangan din nilang bitiwan ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw. Kapag nakilala ng mga tao ang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw sa kanilang kalooban ay saka lamang nila mabibitiwan ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Siyempre, habang binibitiwan ng mga tao ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw, lubos ding nalulutas ang kanilang mga negatibong emosyon. Halimbawa, isipin natin ang mga emosyon ng depresyon na pinagbahaginan natin kanina. Sa simpleng pananalita, kung lumilitaw ang mga negatibong emosyong ito sa isang tao dahil palagi niyang nararamdaman na masama ang kanyang kapalaran, kung gayon, kapag pinanghahawakan niya ang mga kaisipan at pananaw na masama ang kanyang kapalaran, hindi namamalayang nalulugmok siya sa emosyon ng depresyon. Bukod dito, lalong pinatitibay ng kanyang emosyonal na kamalayan ang paniniwalang masama ang kanyang kapalaran. Sa tuwing nakararanas siya ng isang bagay na medyo mahirap o mapanghamon, iniisip niya, “Naku, masama ang kapalaran ko.” Iniuugnay niya ito sa kanyang masamang kapalaran. Bilang resulta, namumuhay siya sa mga negatibong emosyon ng kawalan ng pag-asa, pagpapabaya sa sarili, at depresyon. Kung magagawang harapin ng mga tao nang tama ang iba’t paghihirap na nararanasan nila sa buhay o hanapin ang katotohanan kapag umuusbong ang mga negatibong kaisipan at pananaw, umaasa sa mga salita ng Diyos para harapin ang mga ito, kinikilala kung ano ang tungkol sa kapalaran ng tao, at naniniwala na ang kanilang kapalaran ay nasa mga kamay ng Diyos at na Siya ang may kontrol, magagawa na nilang harapin nang tama ang mga paghihirap, hamon, balakid, at suliranin sa buhay, o mauunawaan na nila nang tama ang mga pakikibakang ito. Sa paggawa nito, may nagbabago ba sa kanilang pag-iisip at pananaw sa pagkakaroon ng masamang kapalaran? Kasabay nito, nagkakamit ba sila ng wastong paninindigan para harapin ang mga problemang ito? (Oo.) Kapag ang mga tao ay may tamang paninindigan sa pagharap sa mga isyung ito, unti-unting gumagaan ang kanilang depresyon, mula sa pagiging malubha ay nagiging katamtaman na lang ito, mula sa katamtaman tungo sa banayad, hanggang sa mula sa isang banayad na kalagayan ay tuluyan itong naglalaho at nawawala sa kanilang pagkatao. Dahil dito, huminto na sa pag-iral ang kanilang depresyon. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil ang dati nilang pinanghahawakang kaisipan at pananaw tungkol sa “Masama ang aking kapalaran” ay sumasailalim sa isang pagbabago. Matapos itong maitama, hindi na nila tinitingnan ang kanilang kapalaran nang may pakiramdam ng depresyon, kundi hinaharap na nila ang mga isyu nang may aktibo at optimistang saloobin, nang may mga pamamaraan ng mga turo ng Diyos, at may perspektiba ng diwa ng kapalaran na Kanyang inihayag sa sangkatauhan. Samakatuwid, kapag nahaharap sa parehong problema na kanilang nakaharap noon, hindi na nila tinitingnan ang kanilang kapalaran sa pamamagitan ng mga kaisipan at pananaw ng pagkakaroon ng masamang kapalaran, at hindi na sila lumalaban o nagrerebelde sa mga isyung ito nang may pakiramdam ng depresyon. Bagamat sa simula ay maaari nilang balewalain o pangasiwaan ang mga ito nang may pagwawalang-bahala, sa paglipas ng panahon, habang mas lumalalim ang paghahangad nila sa katotohanan, at lumalago ang kanilang tayog, habang ang kanilang perspektiba at paninindigan sa pagtingin sa mga tao at mga bagay ay lalong nagiging tama, bukod sa nawawala ang kanilang pakiramdam ng depresyon, nagiging mas maagap at optimista rin sila. Sa kalaunan, nagkakamit sila ng ganap na pagkaunawa at malinaw na kabatiran sa likas na katangian ng tadhana ng tao. Nagagawa nilang pangasiwaan at harapin nang tama ang mga bagay na ito nang may saloobin o realidad ng pagpapasakop sa pangangasiwa ng Diyos. Sa puntong iyon, tuluyan na nilang binitiwan ang kanilang mga nararamdamang depresyon. Ang pagbitiw sa mga negatibong emosyon ay isang proseso, ito ay isang makabuluhang paksa sa buhay. Sa kabuuran, kapag ang isang negatibong emosyon ay nag-uugat sa kaibuturan ng puso ng isang tao o nakakaimpluwensya sa kung paano niya tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano siya umasal at kumilos, walang duda na higit pa ito sa isang simpleng negatibong emosyon. Sa likod nito ay may maling kaisipan o pananaw hinggil sa iba’t ibang usapin. Sa gayong mga pagkakataon, ang kailangan mong gawin ay hindi lamang suriin ang pinagmulan ng mga negatibong emosyon, kundi, ang mas mahalaga, suriin mo ang mapaminsalang salik na nakatago sa loob ng iyong mga negatibong emosyon. Ang nakatagong elementong ito ay isang negatibong kaisipan o pananaw na malalim nang nakaugat sa loob ng puso mo sa mahabang panahon, isang mali o lihis na kaisipan o pananaw sa pagharap sa mga bagay-bagay. Pagdating sa mga mali at negatibong aspeto, ang kaisipan o pananaw na ito ay tiyak na kumokontra sa katotohanan at sumasalungat dito. Sa puntong ito, ang iyong gampanin ay hindi lamang ang pag-isipan, suriin, at kilalanin ito, kundi sa halip ay lubusang unawain ang pinsalang idinudulot nito sa iyo, ang kontrol at paggapos na ginagamit nito sa iyo, at ang negatibong epekto na mayroon ito sa iyong paghahangad sa katotohanan. Samakatuwid, ang kailangan mong gawin ay ang ilantad, suriin, at kilalanin ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw; kasabay nito, kailangan mong hanapin ang mga salita ng Diyos upang matukoy at mabatid ang mga ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo na ibinahagi ng Diyos, palitan ang iyong mga mali o negatibong kaisipan at pananaw ng katotohanan at tuluyang lutasin ang mga negatibong emosyon na gumugulo sa iyo. Ito ang landas sa paglutas ng mga negatibong emosyon.
Sinasabi ng ilang tao, “Wala pa akong napapansing negatibong emosyon sa sarili ko hanggang ngayon.” Huwag mag-alala, sa malao’t madali, sa tamang oras, sa naaangkop na kapaligiran, o kapag umabot ka na sa angkop na edad o sa espesyal na makabuluhang yugto sa buhay, natural na uusbong ang mga negatibong emosyong ito. Hindi mo kailangang sadyang hanapin o hukayin ang mga ito; umiiral ang mga ito sa puso ng bawat tao sa magkakaibang antas. Iyon ay dahil ang mga tao ay naninirahan sa mundo ng tao, walang sinuman ang humaharap sa anumang bagay tulad ng ginagawa ng isang computer, nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang sariling mga kaisipan at pananaw, at ang mga kaisipan ng mga tao ay aktibo, katulad ng isang sisidlan na may kakayahang tumanggap ng mga positibo at negatibong bagay. Sa kasamaang palad, bago pa man magsimulang tanggapin ng mga tao ang mga positibong kaisipan at pananaw, tinanggap na nila ang iba’t ibang lihis at maling kaisipan at pananaw mula kay Satanas, sa lipunan, at sa tiwaling sangkatauhan. Pinuno ng mga maling kaisipan at pananaw na ito ang kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao, lubhang nakakaapekto at nakakasagabal sa kanilang pang-araw-araw na buhay at mga landas sa buhay. Samakatuwid, kasabay ng pagsama ng iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw sa buhay ng mga tao at sa kanilang pag-iral, iba’t ibang negatibong emosyon din ang kasama ng kanilang buhay at ng landas ng kanilang pag-iral. Kaya, sinuman ang indibidwal, isang araw, matutuklasan mo na hindi lamang iilang pansamantalang negatibong emosyon ang mayroon ka, bagkus ay marami ka nito. Hindi ka lamang nagtataglay ng isang negatibong kaisipan o pananaw, maraming negatibong kaisipan at pananaw ang umiiral sa iyo nang sabay-sabay. Bagamat hindi pa nagpapakita ang mga ito, ito ay dahil lamang sa walang angkop na kapaligiran, wastong oras, o wala pang pumupukaw na mailantad mo ang iyong mga maling kaisipan at pananaw o ibulalas at ihayag ang iyong mga negatibong emosyon, o dahil sa hindi pa dumarating ang sitwasyon o oras na iyon. Kung mangyayari ang isa sa mga salik na ito, magsisilbi itong mitsa, na magsisindi sa iyong mga negatibong emosyon at mga negatibong kaisipan at pananaw upang sumiklab ang mga ito. Hindi sinasadyang maiimpluwensyahan, makokontrol, at magagapos ka ng mga ito. Maaari pa ngang maging hadlang ang mga ito sa iyo at maimpluwensyahan ang iyong mga pasya. Darating ang panahon para dito. Ito ay dahil ang iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbahaginan natin ay mga isyu na maaaring makaharap sa buhay ng mga tao o sa landas ng kanilang pag-iral, at ang mga ito ay mga makatotohanang problema na kinakaharap ng bawat tao sa kanilang buhay o pag-iral. Hindi walang kabuluhan, kundi kongkreto ang mga ito. Dahil ang mga negatibong emosyong ito ay direktang kinabibilangan ng mga prinsipyong dapat itaguyod ng isang tao at ang pananaw sa pananatiling buhay na dapat mayroon siya. Kinakailangan nating maingat na tuklasin at suriin ang mga isyung ito.
Nagbahaginan tayo dati tungkol sa negatibong emosyon ng “pagpipigil.” Ilang beses tayong nagbahaginan tungkol sa isyu ng “pagpipigil”? (Dalawang beses tayong nagbahaginan tungkol dito.) Ano ang pinagbahaginan natin noong una? (Noong una, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paanong madalas ay hindi nagagawa ng mga tao ang anumang gusto nila, na nagdudulot ng mga negatibong emosyon ng pagpipigil. Sa pangalawang pagkakataon, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paanong hindi nagagamit ng mga tao ang kanilang kadalubhasaan at madalas silang namumuhay sa isang kalagayan ng napipigilang mga negatibong emosyon.) Nagbahaginan tayo tungkol sa dalawang aspetong ito. Mula sa mga ito, masasabi ba natin na sa likod ng dalawang uri ng pagpipigil na ito, may magkatulad na mga nakatagong kaisipan at pananaw hinggil sa paraan ng pagharap ng mga tao sa buhay? Ang unang uri, na nagmumula sa kawalan ng kakayahan ng isang tao na gawin ang anumang gusto niya, ay kumakatawan sa anong uri ng kaisipan o pananaw? Ito ang mentalidad na palaging nagnanais na maging sutil at iresponsable, ginagawa ang mga bagay batay sa biglaang kagustuhan, lagay ng loob, damdamin, at interes, nang hindi nauunawaan ang pangangailangan ng pag-ako ng responsabilidad. Hindi ba’t isa itong partikular na saloobin na pinanghahawakan ng mga tao sa buhay? (Oo.) Isa rin itong pamamaraan ng pananatiling buhay. Ito ba ay isang positibong saloobin at pamamaraan ng pananatiling buhay? (Hindi.) Hindi ito positibo. Palaging gusto ng mga tao na mamuhay ayon sa anumang gusto nila, sutil na ginagawa ang mga bagay-bagay batay sa lagay ng loob, interes, at mga libangan. Hindi ito ang tamang paraan ng pamumuhay; negatibo ito at kailangang malutas. Siyempre, ang mga negatibong emosyon na nagmumula sa negatibong saloobin at pamamaraan para manatiling buhay ay lalong dapat na malutas. Ang isa pang uri ay ang mga negatibong emosyon ng pagpipigil na lumilitaw mula sa kawalan ng kakayahang gamitin ang sariling kadalubhasaan. Kapag hindi maipakita ng mga tao ang kanilang kadalubhasaan, maipakitang-gilas ang kanilang sarili, mailarawan ang kanilang indibidwal na halaga, makatanggap ng pagsang-ayon mula sa iba, o matugunan ang kanilang sariling mga kagustuhan, sila ay nalulungkot, nalulumbay, at napipigilan. Ito ba ay isang tamang pamamaraan at perspektiba ng pag-iral? (Hindi.) Ang mga maling bagay ay dapat baguhin at ang katotohanan ay dapat hanapin upang malutas ang mga ito at mapalitan ng tamang paraan na nakaayon sa katotohanan at normal na pagkatao. Nagbahaginan tayo dati tungkol sa dalawang kadahilanang ito na nasa likod ng paglitaw ng mga emosyon ng pagpipigil, tulad ng kawalan ng kakayahan ng isang taong gawin ang anumang gusto niya at kawalan ng kakayahang gamitin ang kadalubhasaan niya. May isa pang dahilan sa paglitaw ng mga emosyon ng pagpipigil, naiisip ba ninyo kung ano ito? Ano ang iba pang bagay na nauugnay sa sariling pananaw ng mga tao sa pag-iral na maaaring magparamdam sa kanila ng pagpipigil? Hindi kayo sigurado? Ang isa pang dahilan ay ang pakiramdam ng napipigilan at ang pag-usbong ng mga negatibong emosyon ng pagpipigil dahil sa hindi matupad ng isang tao ang kanyang mga mithiin at hangarin. Pag-isipan ito sandali, umiiral ba itong isyu ng pagpipigil? Totoong problema ba ito sa mga tao? (Oo.) Ang mga taong napag-usapan natin kanina na gustong gawin ang anumang gusto nila ay may tendensiyang maging mas makasarili at sutil. Ang kanilang saloobin sa buhay ay nailalarawan sa pamamagitan ng kanilang pagkilos ayon sa mga biglaang kagustuhan at paggawa ng anumang gusto nila. Mas gusto nilang dominahin ang iba at hindi sila nababagay na mamuhay sa isang komunidad. Ang kanilang pamamaraan ng pananatiling buhay ay ang gawin silang pinakaimportanteng bagay sa buhay ng iba, at sila ay makasarili at hindi nila magawang mamuhay nang matiwasay kasama ang iba o magawang makipagtulungan nang maayos sa iba. Ang pangalawang uri ng tao na nagdudulot ng pagpipigil ay isang taong laging gustong magpasikat, ipangalandakan ang kanyang sarili, isang taong iniisip na siya lang ang kailangan, at hindi kailanman nagbibigay sa iba ng puwang na umiral. Hangga’t nagtataglay sila ng kaunting kadalubhasaan o talento, gugustuhin nilang ipakitang-gilas ito, angkop man ang kapaligiran o hindi, o kung ang kanilang kadalubhasaan ay mahalaga o magagamit ba sa sambahayan ng Diyos. Ang ganitong uri ng tao ay may tendensiya ring bigyang-diin ang indibidwalismo, tama ba? Ang lahat ba ng ito ay nabibilang sa mga pamamaraan ng mga tao para manatiling buhay? (Oo.) Parehong mali ang mga pamamaraang ito ng pamumuhay at pananatiling buhay. Ngayon, balikan natin ang mga negatibong emosyon ng pagpipigil na tinalakay natin kanina na nagmumula sa kawalan ng kakayahang tuparin ang mga mithiin at hangarin ng isang tao. Anuman ang okasyon, kapaligiran, o panahon, at anumang uri ng gawain ang sinasalihan niya, palagi siyang nakatutok sa layon na maisakatuparan ang kanyang sariling mga mithiin at hangarin, ginagawa itong kanyang pamantayan. Kung hindi niya natatamo o naisasakatuparan ang layong ito, napipigilan at nalulungkot siya. Hindi ba’t isa rin itong pamamaraan ng pananatiling buhay para sa gayong uri ng tao? (Oo.) Isa rin itong pamamaraan ng pananatiling buhay para sa mga gayong tao. Kaya, ano ang pangunahing kaisipan o pananaw ng mga namumuhay sa pamamaraang ito ng pananatiling buhay? Ito ay na hangga’t mayroon silang mga mithiin at hangarin, nasaan man sila o kung ano man ang kanilang ginagawa, ang layon nila ay ang maisakatuparan ang kanilang sariling mga mithiin at hangarin. Ito ang kanilang pamamaraan ng pananatiling buhay at ang kanilang layon. Anuman ang halaga na kailangang ibayad ng iba o ang mga sakripisyong kailangang gawin ng iba, kahit gaano pa karaming tao ang kailangang magdala ng pasanin o magsakripisyo ng sariling mga personal na interes para sa mga mithiin at mga hangarin ng mga ito, pagsusumikapan nila ang layon ng pagsasakatuparan sa sarili nilang mga mithiin at hangarin nang hindi sumusuko. Handa pa nga silang samantalahin ang iba o isakripisyo ang mga interes ng iba nang walang pag-aalinlangan. Kung hindi nila nakakamit ang layong ito, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Tama ba ang ganitong uri ng kaisipan o pananaw? (Hindi.) Ano ang mali rito? (Masyado itong makasarili!) Positibo ba o negatibo ang terminong “makasarili”? (Ito ay negatibo.) Ito ay isang negatibo at masamang bagay, kaya dapat itong lutasin batay sa katotohanan.
Paano dapat lutasin ng isang tao ang mga napipigilang emosyong ito na nagmumula sa kawalan ng kakayahang tuparin ang kanyang mga mithiin at hangarin? Suriin muna natin ang iba’t ibang mithiin at hangarin na mayroon ang mga tao. Doon kaya natin simulan ang ating pagbabahaginan? (Sige.) Ang simulan ang ating pagbabahaginan sa kung ano ang mga mithiin at hangarin ng mga tao ay magpapadali na maunawaan ito ng mga tao at malinawan sila tungkol dito. Kaya, tingnan muna natin ang mga mithiin at hangarin ng mga tao. Ang ilang mithiin at hangarin ay makatotohanan, habang ang iba ay hindi makatotohanan. Ang ilang tao ay may mga ideyal na mithiin, habang ang sa ibang tao ay makatotohanan. Dapat ba muna nating pagbahaginan ang tungkol sa mga mithiin ng mga idealista o ang mga mithiin ng mga realista? (Ang mga makatotohanang mithiin.) Ang mga makatotohanang mithiin. Paano naman ang mga hindi makatotohanang mithiin? Dapat ba nating pagbahaginan ang mga ito o hindi? Kung hindi natin pagbabahaginan ang mga ito, malalaman ba ng mga tao ang mga ito? (Hindi nila malalaman.) Kung hindi nila malalaman ang mga ito nang walang pagbabahaginan, kung gayon, kailangan talaga nating pagbahaginan ang mga ito. Kadalasan, kahit na walang pagbabahaginan, nababatid ng mga tao ang mga mithiin ng mga realista. Ang mga bagay na ito ay umiiral sa mga kaisipan at kamalayan ng lahat ng tao. Ang ilang mithiin at hangarin ay hindi nagbabago mula pagkabata hanggang sa pagtanda, naisasakatuparan man ang mga ito o hindi, habang ang iba ay nagbabago sa pagtanda. Habang tumatanda ang mga tao at lumalawak ang kanilang kaalaman, pananaw, at karanasan, patuloy ring nagbabago ang kanilang mga mithiin at hangarin. Nagiging mas makatotohanan ang mga ito, mas malapit sa totoong buhay, at mas partikular. Halimbawa, gusto ng ilang tao na maging isang mang-aawit noong bata pa sila, ngunit sa kanilang paglaki, napagtanto nila na wala sila sa tono, kaya ang pagiging isang mang-aawit ay hindi makatotohanan. Tapos, naisipan nilang maging artista. Pagkalipas ng ilang taon, tumingin sila sa salamin at napagtantong hindi sila masyadong kaakit-akit. Bagama’t medyo matangkad sila, hindi sila magaling sa pag-arte, at hindi masyadong natural ang kanilang mga ekspresyon. Ang pagiging artista ay hindi rin makatotohanan. Kaya, naisipan nilang maging direktor na lang, para makapagdirek ng mga pelikula para sa mga artista. Nang umabot sila sa edad na bente at kinailangan nilang pumili ng kurso sa kolehiyo, nagbago ang kanilang mithiin tungo sa pagiging isang direktor. Pagkatapos ng graduation, nang matanggap nila ang kanilang diploma para sa directing at makapasok sila sa totoong mundo, napagtanto nila na ang pagiging isang direktor ay nangangailangan ng kasikatan at katanyagan, nangangailangan ng mga kwalipikasyon, pati na rin ng pinansyal na mapagkukunan, na sa lahat ng aspeto ay wala sila. Walang kumukuha sa kanila bilang direktor. Samakatuwid, kinailangan nilang tanggapin na lang kung ano ang mayroon at humanap ng ibang pwedeng gawin sa industriya ng pelikula, marahil bilang isang script supervisor o isang production coordinator. Sa paglipas ng panahon, naisip nila, “Baka bagay sa akin ang pagiging producer. Nasisiyahan akong maging abala at maglikom ng pondo, nakakapagsalita ako nang mahusay, at medyo may hitsura naman ako. Hindi naiirita sa akin ang mga tao, at kaya kong makipag-usap nang mahusay sa iba at makuha ang kanilang pabor. Baka bagay sa akin ang pagiging producer.” Kita mo, unti-unting nagbago ang kanilang mithiin. Bakit ito nagbago? Nagbago ito sa simula dahil unti-unting nagiging hinog ang kanilang mga kaisipan, nagiging mas tumpak, obhektibo, at praktikal ang kanilang pang-unawa sa mga bagay-bagay. Pagkatapos, sa pamumuhay sa totoong mundo, batay sa kanilang kapaligiran sa totoong buhay at sa mga praktikal na pangangailangan at kagipitan sa buhay, unti-unting nabago ng kapaligirang iyon ang dati nilang mga mithiin. Sa isang sitwasyong walang pag-usad, dahil hindi nila kayang maging isang direktor, pinili nilang maging isang producer na lang. Ngunit talaga bang naisasakatuparan sa pagiging isang producer ang kanilang mga mithiin o hindi? Hindi rin nila alam. Ano’t anuman, sa sandaling magsimula sila, ginagawa nila ito sa loob ng halos sampung taon, o maging hanggang sa pagreretiro. Ito ay isang pangkalahatang ideya sa mga mithiin ng mga realista.