Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5 (Ikatlong Bahagi)

Ang mga tunay na nananalig sa Diyos ay lahat mga indibidwal na inaasikaso ang kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang tuparin ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ay maaaring maging mahirap masanay sa buhay na ito. Maaari mong maramdamang pagod na pagod ang iyong katawan at isip. Subalit, kung talagang may paninindigan kang makipagtulungan at handa kang maging isang normal at mabuting tao, at na magtamo ng kaligtasan, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga at hayaan ang Diyos na disiplinahin ka. Kapag nahihimok kang maging sutil, kailangan mo itong talikuran at pakawalan, paunti-unting bawasan ang iyong pagkasutil at mga makasariling ninanasa. Kailangan mong hanapin ang tulong ng Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung mayroon ka ngang paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may paninindigan, at magdarasal ka sa Diyos sa Kanyang presensya at magsusumamo ka sa Kanya, kikilos ang Diyos. Babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, kung aantigin ka nang kaunti, at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. Kapag nangyari ang pagbabagong ito, madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakasusupil. Ang iyong kalagayan at mga emosyong pagkasupil ay magbabago at mababawasan, at magiging iba ang mga ito sa dati. Madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakakapagod. Masisiyahan kang tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Madarama mo na magandang mamuhay, umasal, at tumupad ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga, sumusunod sa mga patakaran, at ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Madarama mong ito ang uri ng buhay na dapat mayroon ang mga normal na tao. Kapag namumuhay ka ayon sa katotohanan at ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, madarama mong panatag at payapa ang iyong puso, at na makabuluhan ang iyong buhay. Iisipin mo: “Bakit ba hindi ko ito alam noon? Bakit ba ako naging masyadong sutil? Dati, namumuhay ako ayon sa mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas, namumuhay bilang hindi tao ni multo, at habang lalo akong nabubuhay, lalo iyong nagiging masakit. Ngayong nauunawaan ko na ang katotohanan, naiwawaksi ko na nang kaunti ang aking tiwaling disposisyon, at nadarama ko ang tunay na kapayapaan at kasiyahan ng isang buhay na ginugugol sa pagtupad ng aking tungkulin at pagsasagawa sa katotohanan!” Hindi ba’t nagbago na kung gayon ang lagay ng iyong kalooban? (Oo.) Sa sandaling mapagtanto mo kung bakit pakiramdam mo noon ay nasusupil at miserable ang buhay mo, sa sandaling mahanap mo ang pinag-uugatan ng iyong pagdurusa, at malutas ang problema, magkakaroon ka ng pag-asang magbago. Hanggat pinagsusumikapan mo ang katotohanan, lalong pinagsisikapan ang mga salita ng Diyos, higit pang nagbabahagi tungkol sa katotohanan, at nakikinig din sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid, magkakaroon ka ng mas malinaw na landas, at hindi ba’t bubuti ang kalagayan mo pagkatapos niyon? Kung bubuti ang iyong kalagayan, unti-unting mababawasan ang iyong mga emosyong pagkasupil, at hindi ka na magagapos ng mga ito. Siyempre, sa mga natatanging sitwasyon o konteksto, paminsan-minsan ay maaaring umusbong ang mga pagkaramdam ng pagkasupil at pasakit, pero hanggat hinahanap mo ang katotohanan upang malutas ang mga iyon, maglalaho ang mga emosyong ito na pagkasupil. Magagawa mong ihandog ang iyong katapatan, buong lakas, at debosyon habang tinutupad mo ang iyong tungkulin, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Kung magagawa mong sumailalim sa ganoong pagbabago, hindi mo kailangan lisanin ang sambahayan ng Diyos. Patutunayan ng iyong kakayahang sumailalim sa pagbabagong ito na mayroon ka pang pag-asa—pag-asang magbago, pag-asang maligtas. Patutunayan nito na isa ka pa ring miyembro ng sambahayan ng Diyos, pero napakatagal at napakalalim kang naimpluwensyahan ng iba’t ibang makasariling motibo at personal na pagsasaalang-alang, o ng iba’t ibang masasamang kinagawian at ideya, na nagdulot na maging manhid at walang pakiramdam ang iyong konsiyensiya, na nakapinsala sa iyong pangangatwiran, at nakasira sa iyong pagkadama ng kahihiyan. Kung kaya mong sumailalim sa ganoong pagbabago, sasalubungin ka ng sambahayan ng Diyos para mamalagi ka, para matupad mo ang iyong tungkulin, para magawa mo ang iyong misyon, at para lubusan mong matapos ang gawaing mayroon ka. Siyempre, ang mga taong taglay ang mga negatibong emosyong ito ay matutulungan lamang gamit ang isang mapagmahal na puso. Kung paulit-ulit na tatanggi ang isang tao na tanggapin ang katotohanan at mananatili siyang hindi nagsisisi sa kabila ng paulit-ulit na paalala, dapat na tayong mamaalam sa kanya. Pero kung ang isang tao ay talagang handang magbago, na baguhin ang kanyang sarili, at baligtarin ang kanyang direksyon, mainit natin siyang tinatanggap na manatili. Hanggat tunay siyang handang manatili at baguhin ang dati niyang mga pagtingin at pamamaraan ng pamumuhay, at nagagawa niyang unti-unting sumailalim sa pagbabago habang tinutupad niya ang kanyang tungkulin, at humuhusay siya sa tungkulin niya habang tumatagal siya sa paggawa nito, tinatanggap natin ang ganitong mga tao para manatili at umaasa tayong patuloy silang huhusay. Nagpapahayag din tayo ng isang malaking kahilingan para sa kanila: Hinihiling natin na makaalis sila sa kanilang mga negatibong emosyon, na hindi na sila maigapos ng mga iyon o mabalot ng anino ng mga iyon, at na sa halip ay maasikaso nila ang kanilang nauukol na gawain at matahak ang tamang landas, ikinikilos at isinasabuhay ang dapat gawin ng mga normal na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at matatag na tinutupad ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, hindi na tinatangay ng agos ng buhay. Hinihiling natin na magkaroon sila ng mga kinabukasang may pag-asa, at na hindi na nila gawin kung ano ang gusto nila, o magtuon na lang sa paghahanap ng sarap at kasiyahan ng laman, kundi sa halip ay lalong pag-isipan ang mga bagay na may kinalaman sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, sa landas na tinatahak nila sa buhay, at sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Buong-puso nating hinihiling na makapamuhay sila nang masaya, malaya, at napakawalan na sa sambahayan ng Diyos, nakararanas ng pang-araw-araw na kapayapaan at kaligayahan, at nakadarama ng init at kasiyahan sa kanilang buhay rito. Hindi ba’t ito ang pinakadakilang kahilingan? (Oo.) Natapos Ko na ang Aking kahilingan, at inaanyayahan Ko kayong lahat na ipaabot sa kanila ang inyong mga taos-pusong kahilingan. (Ang ating taos-pusong kahilingan ay na makapamuhay sila nang masaya, malaya, at napakawalan na sa sambahayan ng Diyos, nakararanas ng pang-araw-araw na kapayapaan at kaligayahan, at nakadarama ng init at kasiyahan sa kanilang buhay rito.) Ano pa? Paano iyong buong-pusong paghiling na hindi na sila mamuhay na hawak ng mga emosyong pagkasupil? (Oo.) Iyan ang Aking kahilingan. Mayroon ba kayong iba pang mga kahilingan para sa kanila? (Ang taos-puso kong kahilingan ay na magawa nilang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, tuluy-tuloy silang humusay sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin.) Magandang kahilingan ba ito? (Oo.) May iba pa bang mga kahilingan? (Ang taos-puso kong kahilingan ay na hindi magtagal ay makapagsimula na silang isabuhay ang normal na pagkatao.) Maaaring hindi gaanong matayog ang kahilingang ito, pero sa tingin Ko ay praktikal ito. Dapat maisabuhay ng mga tao ang normal na pagkatao at hindi nila madamang nasusupil sila. Bakit ba hindi natin kayang tiisin ang mga paghihirap na kayang tiisin ng iba? Kung ang isang tao ay mayroong konsiyensiya, katwiran, at pagkaramdam ng kahihiyan ng normal na pagkatao, pati na ng mga paghahangad, pamamaraan para mabuhay, at wastong mithiin sa kanilang paghahangad na dapat mayroon ang mga normal na tao, hindi nila madaramang nasusupil sila. Hindi ba’t isa itong magandang kahilingan? (Oo.) May iba pa ba? (Ang taos-puso kong kahilingan ay na maayos silang makipagtulungan sa kanilang mga kapatid, na madama nila ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang sambahayan, at na kumilos sila ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos.) Matayog ba ang hinihinging ito? (Hindi.) Dahil hindi naman ito matayog, madali ba itong matamo? Ang madama ang pagmamahal ng sambahayan ng Diyos ay umaayon naman sa realidad—iyon ang kailangan ng mga taong ito, hindi ba? (Oo.) Hindi mataas ang mga hinihingi sa mga ganitong tao. Una sa lahat, kailangang taglay nila ang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi sila dapat walang ginagawa o nagpapatangay sa agos ng buhay; dapat ay matutunan nilang mabuhay, na asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, na pasanin ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin. Pagkatapos ay kailangan nilang matutunan kung paano mabuhay, kung paano isabuhay ang normal na pagkatao, at kung paano tuparin nang maayos ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin. Sa paggawa nito, makararamdam sila ng kaginhawahan, kapayapaan, at kasiyahan sa sambahayan ng Diyos, at magiging handa silang mamuhay at tumupad ng kanilang mga tungkulin dito. Pagkatapos makawala sa kanilang mga negatibong emosyon na pagkasupil, unti-unti nilang magagawang hangarin ang katotohanan at makipagtulungan nang maayos sa iba. Ito ang mga hinihingi sa mga ganitong tao. Anuman ang edad nila, wala tayong malalaking kahilingan o matatayog na hinihingi sa kanila, ito lang mga pinag-usapan nating ito. Una sa lahat, kailangan nilang matutunang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, na magpasan ng mga responsabilidad at obligasyon ng isang taong nasa hustong gulang at ng isang normal na tao, at pagkatapos ay matutunang sundin ang mga patakaran, at tanggapin ang pamamahala, pangangasiwa, at ang pagpupungos at pagwawasto ng sambahayan ng Diyos, at gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ito ang tamang saloobin na dapat magkaroon ang isang taong may konsiyensiya at katwiran. Ikalawa, dapat silang magkaroon ng tamang pagkaunawa at kaalaman sa mga responsabilidad, obligasyon, at mga kaisipan at pananaw na may kinalaman sa konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dapat mong maalis ang iyong mga negatibong emosyon at pagkasupil, at maharap nang tama ang iba’t ibang paghihirap na umuusbong sa buhay mo. Para sa iyo, ang mga ito ay hindi mga karagdagang bagay, o mga pabigat, o mga pagkagapos, kundi sa halip ay kung ano ang dapat mong pasanin bilang isang normal na taong nasa hustong gulang. Ang ibig sabihin, ang bawat taong nasa hustong gulang, anuman ang iyong kasarian, anuman ang iyong kakayahan, gaano ka man kagaling, o ano man ang taglay mong mga talento, ay kailangang pasanin ang lahat ng bagay na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, kasama na ang: mga kapaligirang pinamumuhayan na dapat bagayan ng mga taong nasa hustong gulang, ang mga responsabilidad, obligasyon, at misyon na dapat mong gawin, at ang gawain na dapat mong pasanin. Una, dapat ay positibo mong tanggapin ang mga bagay na ito sa halip na umasa na dadamitan at pakakainin ka ng iba, o umasa sa mga bunga ng pagsisikap ng iba para makaraos ka. Bukod pa rito, kailangan mong matutunang mapakibagayan at matanggap ang iba’t ibang uri ng mga patakaran, regulasyon, at pamamahala, dapat mong tanggapin ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at matutunang makaangkop sa isang pag-iral at sa isang buhay na kasama ng ibang mga tao. Dapat mong taglayin ang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, harapin nang tama ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa iyong paligid, at asikasuhin at lutasin nang tama ang iba’t ibang problemang nakakatagpo mo. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat harapin ng isang taong may normal na pagkatao, maaari ding sabihin na ito ang buhay at ang kapaligirang pinamumuhayan na dapat harapin ng isang taong nasa hustong gulang. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, dapat kang umasa sa sarili mong mga kakayahan para suportahan at pakainin ang iyong pamilya, gaano man kahirap ang buhay mo. Ito ang paghihirap na dapat mong tiisin, ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at ang obligasyong dapat mong tugunan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang taong nasa hustong gulang. Gaano man kalaki ang pagdurusang tinitiis mo o ang halagang iyong binabayaran, gaano kalungkot man ang pakiramdam mo, dapat mong lunukin ang iyong mga hinaing at hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong emosyon o magreklamo tungkol sa kaninuman, dahil ito ang dapat na pasanin ng mga taong nasa hustong gulang. Bilang isang taong nasa hustong gulang, kailangan mong pasanin ang mga ito—nang hindi nagrereklamo o lumalaban, at lalo na nang hindi umiiwas o tumatanggi sa mga ito. Ang pagpapatangay sa agos ng buhay, ang pagiging walang ginagawa, ang paggawa ng kung ano ang gusto mo, ang pagiging sutil o kapritsoso, ang paggawa sa gusto mo at hindi paggawa sa hindi mo gusto—hindi ito ang saloobin sa buhay na dapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang. Ang bawat taong nasa hustong gulang ay kailangang magpasan ng mga responsabilidad ng isang taong nasa hustong gulang, gaano mang kagipitan ang harapin niya, gaya ng mga paghihirap, karamdaman, at maging ng iba’t ibang suliranin—ito ay mga bagay na dapat danasin at pasanin ng lahat ng tao. Ang mga ito ay bahagi ng buhay ng isang normal na tao. Kung hindi mo kayang magbata ng pagkagipit o magtiis ng pagdurusa, nangangahulugan iyon na masyado kang marupok at walang silbi. Ang sinumang nabubuhay ay kailangang pasanin ang pagdurusang ito, at walang sinuman ang makaiiwas dito. Sa lipunan man o sa sambahayan ng Diyos, pare-pareho lang para sa lahat. Ito ang responsabilidad na dapat mong pasanin, ang mabigat na dalahing dapat ay buhat-buhat ng isang taong nasa hustong gulang, ang bagay na dapat niyang isabalikat, at hindi mo ito dapat iwasan. Kung palagi mong sinusubukang takasan o iwaksi ang lahat ng ito, lalabas ang iyong mga emosyong pagkasupil, at palagi kang magagapos ng mga iyon. Subalit, kung kaya mong wastong maunawaan at matanggap ang lahat ng ito, at makita ito bilang isang kinakailangang bahagi ng iyong buhay at pag-iral, hindi dapat maging dahilan ang mga isyung ito upang magkaroon ka ng mga negatibong emosyon. Sa isang aspeto, kailangan mong matutunang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat taglayin at isagawa ng mga taong nasa hustong gulang. Sa isa pang aspeto, dapat mong matutunang mamuhay nang nakakasundo ang iba sa iyong kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan nang may normal na pagkatao. Huwag mong basta na lang gawin ang gusto mo. Ano ang layunin ng mamuhay nang nakakasundo ang iba? Ito ay ang mas mabuting matapos ang gawain at ang mas mabuting matupad ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat mong tapusin at tuparin bilang isang taong nasa hustong gulang, ang mabawasan ang mga kawalang idinudulot ng mga problemang kinakaharap mo sa iyong gawain, at ang labis na mapabuti ang mga resulta at mapabilis ang iyong gawain. Ito ang dapat mong matamo. Kung nagtataglay ka ng normal na pagkatao, dapat mo itong makamit kapag gumagawa ka kasama ng mga tao. Pagdating naman sa kagipitan sa trabaho, nanggagaling man ito sa Itaas o sa sambahayan ng Diyos, o kung kagipitan ito na iniaatang sa iyo ng iyong mga kapatid, isa itong bagay na dapat mong pasanin. Hindi mo maaaring sabihin, “Sobra-sobra itong kagipitang ito, kaya hindi ko ito gagawin. Naghahanap lang ako ng kalibangan, kadalian, kaligayahan, at kaginhawahan sa pagtupad ng aking tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos.” Hindi ito uubra; hindi ito isang kaisipan na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para magpakasasa ka sa kaginhawahan. Ang bawat tao ay nagpapasan ng kaunting kagipitan at pakikipagsapalaran sa kanyang buhay at gawain. Sa anumang trabaho, lalo na sa pagtupad ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapang makakuha ng pinakamagagandang resulta. Sa mas mataas na antas, ito ang itinuturo at hinihingi ng Diyos. Sa mas mababang antas, ito ang saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyo na dapat magkaroon ang bawat tao sa kanyang asal at mga kilos. Kapag tumutupad ka ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod sa mga patakaran at sistema ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod, matutunan ang mga panuntunan, at umasal nang maayos. Isa itong mahalagang bahagi ng pag-asal ng isang tao. Dapat ay hindi mo iginugugol ang lahat ng oras mo sa pagpapalayaw sa sarili mo sa halip na sa paggawa, hindi seryosong pinag-iisipan ang anuman, at pinalilipas ang iyong mga araw nang wala kang ginagawa, o gumagawa ng mga maling gawa, at naghahangad ng sarili mong paraan ng pamumuhay, gaya ng mga hindi nananalig. Huwag mong gawing kamuhian ka ng iba, huwag kang maging tinik sa kanilang lalamunan, huwag mong gawing layuan o tanggihan ka ng lahat, at huwag kang maging sagabal o balakid sa anumang gawain. Ito ang konsiyensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ito rin ang responsabilidad na dapat pasanin ng sinumang normal na taong nasa hustong gulang. Ang mga ito ay bahagi ng mga bagay na kailangan mong gawin upang pasanin ang responsabilidad na ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.)

Kung isa kang taong may paninindigan, kung kaya mong ituring na mga mithiin at layunin ng iyong paghahangad ang mga responsabilidad at obligasyong dapat pasanin ng mga tao, ang mga bagay na kailangan makamit ng mga taong may normal na pagkatao, at ang mga bagay na dapat maisakatuparan ng mga taong nasa hustong gulang, at kung kaya mong pasanin ang iyong mga responsabilidad, anumang halaga ang iyong ibayad at anumang pasakit ang iyong tiisin ay hindi ka magrereklamo, at hanggat nakikilala mo na ito ay mga hinihingi at kalooban ng Diyos, magagawa mong tiisin ang anumang pagdurusa at tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Sa panahong iyon, ano ang magiging kalagayan ng iyong pag-iisip? Ito ay mag-iiba; makadarama ka ng kapayapaan at katatagan sa iyong puso, at makararanas ka ng kasiyahan. Nakikita mo, na sa pamamagitan lang ng pagnanais na magsabuhay ng normal na pagkatao, at ng pagtataguyod ng mga responsabilidad, obligasyon, at misyon na dapat pasanin at isagawa ng mga taong may normal na pagkatao, ay nakadarama ng kapayapaan at kasiyahan sa kanilang puso ang mga tao, at nakararanas sila ng kaligayahan. Hindi pa nga sila umaabot sa punto kung saan isinasagawa nila ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo at natatamo nila ang katotohanan, pero sumailalim na sila sa ilang pagbabago. Ang gayong mga tao ang nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran; sila ay matutuwid na taong kayang mapagtagumpayan ang anumang paghihirap at isagawa ang anumang gampanin. Sila ang mabubuting kawal ni Cristo, sumailalim na sila sa pagsasanay, at walang paghihirap na makadadaig sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang tingin ninyo sa ganoong asal? Hindi ba’t mayroong tibay ng loob ang mga taong ito? (Mayroon.) Mayroon nga silang tibay ng loob, at hinahangaan sila ng mga tao. Madarama pa ba ng mga gayong tao na nasusupil sila? (Hindi.) Kung gayon, paano nila nabago ang mga emosyong ito na pagkasupil? Bakit sila hindi mababagabag ni magkakaroon ng mga emosyong ito na pagkasupil? (Ito ay dahil minamahal nila ang mga positibong bagay at nagdadala sila ng pasanin sa kanilang mga tungkulin.) Tama iyan, iyan ay tungkol sa pag-aasikaso sa nauukol na gawain ng isang tao. Kapag iniisip ng mga tao ang mga nauukol na bagay, at kapag ang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at ang pagkaramdam ng responsabilidad at ang pagkaramdam ng misyon na taglay nila ay lahat nagkakaroon ng epekto, nagiging maayos sila saanman sila ilagay. Kaya nilang magtagumpay sa anumang gampanin, nang walang pagkasupil, pagkabagabag, o labis na pagkalungkot. Sa tingin mo ba ay pinagpapala ng Diyos ang gayong mga tao? Mahihirapan ba ang mga taong nagtataglay ng gayong konsiyensiya, katwiran, at normal na pagkatao na hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Batay sa mga paghahangad, pananaw, at paraan ng pag-iral ng normal na pagkatao, hindi magiging napakahirap para sa kanila na hangarin ang katotohanan. Kapag umabot na sa puntong ito ang mga tao, hindi malayong maunawaan nila ang katotohanan, maisagawa nila ang katotohanan, at kumilos sila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at makapasok sa katotohanang realidad. Ano ang ibig sabihin dito ng “hindi malayo”? Ang ibig sabihin nito ay na ang kanilang perspektiba sa kanilang asal, at ang paraan ng pag-iral na pinili nila ay ganap na positibo at maagap, sa diwa ay umaayon sa normal na pagkataong hinihingi ng Diyos. Nangangahulugan ito na naabot na nila ang mga pamantayang itinakda ng Diyos. Sa sandaling maabot nila ang mga pamantayang ito, ang gayong mga indibidwal ay mauunawaan ang katotohanan kapag narinig nila ito, at magiging labis na mas madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Magiging madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa lahat-lahat, ilang aspeto mayroon sa dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao? Mayroong humigit-kumulang tatlo. Anu-ano ang mga iyon? Sabihin ninyo sa Akin. (Ang una ay tungkol sa pagkatutong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mayroon at pinapasan ng isang taong nasa hustong gulang. Ang ikalawa ay tungkol sa pagkatutong mamuhay nang nakakasundo ang iba sa kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan ng isang tao nang may normal na pagkatao, at hindi paggawa ng anumang gusto ng isang tao. At ang ikatlo ay tungkol sa pagkatutong sundin ang mga aral ng Diyos sa loob ng saklaw ng katwiran ng normal na pagkatao, at pagsunod sa mga saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyong dapat taglay ng isang tao sa kanyang pag-asal, na ang ibig sabihin ay ang sundin ang mga patakaran.) Ang tatlong aspetong ito ang dapat na taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Kung magsisimulang isipin at pagtuunan ng mga tao ang mga aspetong ito, at magsisimula silang pagsikapan ang mga ito, magsisimula silang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain—makararanas pa ba sila ng mga negatibong emosyon kung gayon? Madarama pa ba nilang nasusupil sila? Kapag inaasikaso mo ang iyong nauukol na gawain at inaasikaso mo ang mga bagay-bagay na nauukol sa iyo, at pinapasan mo ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, magkakaroon ka ng napakaraming gagawin at pag-iisipan, na magiging labis-labis kang abala. Lalo na yaong sa kasalukuyan ay tumutupad ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, mayroon bang anumang oras para madama nilang nasusupil sila? Wala nang oras. Kaya, ano ang nangyayari sa mga nakadaramang nasusupil sila, sa mga sumasama ang lagay ng kalooban, at nalulumbay o labis na nalulungkot sa tuwing nahaharap sila sa isang hindi kaaya-ayang bagay? Iyon ay na hindi sila nagpapakaabala sa mga tamang bagay at sila ay walang ginagawa. Iyon ay na hindi sila nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, at na hindi nila makita ang mga bagay na dapat nilang gawin, kaya nagiging walang ginagawa ang kanilang isipan at kung anu-ano ang kanilang naiisip. Nag-iisip sila nang nag-iisip, nang walang anumang landas na tatahakin, kaya pakiramdam nila ay nasusupil sila. Habang lalo silang nag-iisip ay lalo nilang nadaramang agrabyado sila at walang magagawa, at mas nababawasan ang kanilang landas; habang mas nag-iisip sila ay lalo nilang nadarama na para bang hindi sulit ang kanilang buhay, na sila ay miserable, at lalo silang nalulungkot. Wala silang kapangyarihang makawala, at pagtagal-tagal, nakukulong sila sa mga emosyong ito na pagkasupil. Hindi ba’t tama iyan? (Oo.) Sa katunayan, madaling lutasin ang problemang ito dahil napakaraming bagay na dapat mong gawin, napakaraming nauukol na bagay na dapat mong pag-isipan at isaalang-alang, na hindi ka magkakaroon ng oras para pag-isipan ang mga walang kuwentang bagay na iyon, ang mga gawaing iyon na paghahanap ng kasiyahan. Ang mga taong walang sapat na ginagawa ang isipan kung kaya’t naiisip nila ang gayong mga bagay ay pinipiling magpahinga kaysa gumawa, sila ay masisibang tamad, at hindi nila inaasikaso ang nauukol nilang gawain. Ang mga hindi nag-aasikaso sa nauukol nilang gawain ay madalas na nakukulong ng mga emosyong pagkasupil. Hindi nag-aabala ang mga taong ito sa mga tamang bagay samantalang mayroong isang tambak na mahahalagang bagay na dapat asikasuhin, at hindi nila pinag-iisipan at inaaksyonan ang mga iyon. Sa halip, nakakahanap sila ng oras para mag-isip ng kung anu-ano, para magreklamo at dumaing tungkol sa kanilang pisikal na katawan, para mag-alala tungkol sa kanilang kinabukasan, at para maligalig sa pasakit na kanilang tiniis at mga halagang kanilang ibinayad. Kapag hindi nila malutas ang lahat ng ito, kapag hindi nila ito makayanan, o hindi sila makahanap ng mapagbubuntunan ng mga pagkabigong ito, pakiramdam nila ay nasusupil sila. Natatakot silang mapalampas ang mga pagpapala kapag iniisip nilang lisanin ang sambahayan ng Diyos, natatakot silang mapunta sa impiyerno kung gagawa sila ng masama, at ayaw rin nilang hangarin ang katotohanan o tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Bilang resulta, pakiramdam nila ay nasusupil sila. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Tama iyan. Kung aasikasuhin ng isang tao ang nauukol niyang gawain at tatahakin niya ang tamang landas, hindi uusbong ang mga emosyong ito. Kahit pa makaranas siya ng mga emosyong pagkasupil paminsan-minsan dahil sa mga pansamantalang natatanging sitwasyon, magiging panandaliang lagay ng kalooban lamang ang mga iyon, dahil agad na madadaig ng mga taong may tamang paraan ng pamumuhay at tamang perspektiba sa pag-iral ang mga negatibong emosyong ito. Bilang resulta, hindi ka madalas na makukulong sa mga emosyong pagkasupil. Nangangahulugan ito na hindi ka mababagabag ng gayong mga emosyong pagkasupil. Maaari kang makaranas ng pansamantalang hindi magagandang lagay ng kalooban, pero hindi ka makukulong sa mga iyon. Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Kung sinisikap mong asikasuhin ang iyong nauukol na gawain, kung nagpapasan ka ng mga responsabilidad na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, at sinisikap mong magkaroon ng isang normal, mabuti, positibo, at maagap na paraan ng pag-iral, hindi ka magkakaroon ng mga negatibong emosyong ito. Hindi ka magkakaroon o kakapitan ng mga emosyong ito na pagkasupil.

Kaya, natapos na nating pagbahaginan ang isyu at hirap ng paglutas sa pagkasupil, na kinapapalooban ng tatlong aspetong nabanggit noong nauna. Buong-puso naming hinihiling na yaong mga nagapos ng mga emosyong pagkasupil, at yaong mga nakulong sa mga emosyong pagkasupil ngunit nais na makawala sa mga ito, ay hindi na makontrol ng mga emosyong ito. Inaasam namin na hindi magtatagal ay makalalabas na sila sa mga negatibong emosyon na pagkasupil at maisasabuhay nila ang wangis ng isang normal na tao, na mayroong isang normal at wastong paraan ng pag-iral. Isa ba itong mabuting kahilingan? (Oo.) Kung gayon, dapat din ninyong hilingin ito. (Hinihiling namin na yaong mga nagapos ng mga emosyong pagkasupil, at yaong mga nakulong sa mga emosyong pagkasupil ngunit nais na makawala sa mga ito, ay hindi na makontrol ng mga emosyong ito. Inaasam namin na hindi magtatagal ay makalalabas na sila sa mga negatibong emosyon na pagkasupil at maisasabuhay nila ang wangis ng isang normal na tao, na mayroong isang normal at wastong paraan ng pag-iral.) Makatotohanan ang kahilingang ito. Ngayong naipahayag na natin ang ating mga kahilingan, kung makakawala ang mga taong ito sa mga emosyong pagkasupil ay nakabatay sa huli sa kanilang personal na pagpili—dapat ay isang simpleng bagay ito. Sa katunayan, isa itong bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Kung sapat na matatag ang paninindigan ng isang tao at handa siyang hangarin ang katotohanan at ang mga positibong bagay, magiging madali para sa kanya na makawala sa mga emosyong pagkasupil. Hindi ito magiging mahirap na gampanin. Kung hindi nasisiyahan ang isang tao sa paghahangad sa katotohanan at mga positibong bagay, at hindi niya gusto ang mga positibong bagay, hayaan siyang manatiling nakakulong sa mga emosyong pagkasupil. Hayaan lang siya. Hindi na natin kailangang magpahayag ng mga kahilingan para sa kanya, tama ba? (Oo.) Isa pa itong paraan ng pagharap sa sitwasyon. Mayroong kalutasan ang bawat problema, at ang lahat ay mahaharap at malulutas batay sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga tao. Natapos na natin ang ating mga kahilingan sa ngayon, at nagbahaginan na tayo nang masinsinan tungkol sa ilang iba’t ibang sitwasyon. Nasabi na natin ang lahat ng dapat sabihin tungkol sa ganitong uri ng tao, kaya tapusin na natin ang talakayan dito.

Nobyembre 12, 2022