Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3 (Ikalawang Bahagi)
Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa pagganap sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? May magbibigay ba ng kongkretong paraan para harapin ito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong may mahinang kalusugan at hindi maayos na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, “Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko, ngunit may ganito akong karamdaman. Hinihiling ko sa Diyos na ilayo ako sa kapahamakan, at hindi ko kailangang matakot dahil nariyan ang proteksyon ng Diyos. Ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?” May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, alta presyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, “Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manalig sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?” Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging konklusyon nila ay nangangarap silang, “Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.” Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito.
Mayroon ding ilan na, bagamat hindi naman masama ang pakiramdam nila at wala namang na-diagnose na sakit sa kanila, alam nilang mayroon silang natatagong sakit. Anong uri ng natatagong sakit? Halimbawa, maaaring ito ay isang namamanang sakit tulad ng sakit sa puso, diyabetes, o altapresyon, o maaaring Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, o isang uri ng kanser—lahat ng ito ay mga natatagong sakit. May mga taong alam na na dahil isinilang sila sa ganoong pamilya, sa malao’t madali ay dadapuan sila ng mga namamanang sakit na ito. Iniisip nila, kung mananalig sila sa Diyos at hahangarin nila ang katotohanan, kung maayos nilang gagampanan ang kanilang tungkulin, kung gagawa sila ng sapat na mabubuting gawa, at kung makapagpapalugod sila sa Diyos, lalagpasan kaya sila ng mga natatagong sakit na ito at hindi sila dadapuan? Subalit hindi ito kailanman ipinangako ng Diyos sa kanila, at kailanman ay hindi sila nagkaroon ng ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos, at kailanman ay hindi Siya nagbigay ng anumang garantiya o nagkaroon ng anumang hindi makatotohanang ideya. Dahil wala silang anumang garantiya o katiyakan, gumugugol sila ng maraming enerhiya at pagsusumikap sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, tumutuon sila sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, at lagi silang gumagawa nang higit sa iba at mas namumukod-tangi kaysa sa iba, iniisip na, “Ako ang unang magdurusa at ang huling magtatamasa.” Palagi nilang hinihikayat ang kanilang sarili gamit ang ganitong motto, subalit ang takot at pag-aalala sa kaibuturan nila tungkol sa kanilang natatagong sakit ay hindi maalis-alis, at ang pag-aalalang ito, ang pagkabagabag na ito, ay palagi nilang kasama. Kahit na kaya nilang tiisin ang pagdurusa at hirap at handa silang magbayad ng halaga sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, nararamdaman pa rin nilang hindi nila makamtan ang pangako ng Diyos o ang isang tumpak na salita mula sa Diyos tungkol sa paksang ito, kaya patuloy silang napupuno ng pagkabagabg, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa bagay na ito. Kahit na sinusubukan nila nang husto na walang gawin tungkol sa kanilang natatagong sakit, paminsan-minsan at hindi namamalayan na naghahanap sila ng iba’t ibang uri ng mga tradisyonal na panggagamot upang maiwasan nilang madapuan ng natatagong sakit na ito sa isang partikular na araw, sa isang partikular na oras, o nang hindi nila namamalayan. May ilang taong paminsan-minsang naghahanda ng magagamit na mga halamang-gamot mula China, may ilang taong paminsan-minsang nagtatanong-tanong tungkol sa mga tradisyonal na gamot na pwede nilang gamitin kapag kinakailangan, habang ang ilang tao ay paminsan-minsang nag-o-online para maghanap ng mga payo tungkol sa pag-eehersisyo upang makapag-ehersisyo at makapag-eksperimento sila. Bagamat maaaring ito ay isang natatagong sakit lamang, nangunguna pa rin ito sa kanilang isipan; bagamat maaaring hindi masama ang pakiramdam o ni walang anumang sintomas ang mga taong ito, puno pa rin sila ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol dito, at sa kanilang kaibuturan, nakararamdam sila ng pagkabagabag at depresyon tungkol dito, palaging umaasa na mapawi o maiwaksi ang mga negatibong emosyong ito sa kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagdarasal o pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ang mga taong ito na talagang may karamdaman o may natatagong sakit, kasama na ang mga nag-aalala na magkakasakit sila sa hinaharap, at iyong mga ipinanganak na may mahinang kalusugan, na walang malalang sakit ngunit palaging nagdurusa sa simpleng mga karamdaman, palagi silang nababagabag at nag-aalala tungkol sa mga sakit at sa iba’t ibang mga paghihirap ng laman. Nais nilang makatakas sa mga ito, makalayo sa mga ito, ngunit wala silang paraan upang magawa ito; nais nilang bitiwan ang mga ito ngunit hindi nila magawa; nais nilang hilingin sa Diyos na alisin ang mga sakit at paghihirap na ito sa kanila, ngunit hindi nila masabi ang mga salita at nahihiya sila, dahil pakiramdam nila ay wala namang basehan ang ganitong uri ng kahilingan. Alam na alam nilang hindi dapat dumaing sa Diyos tungkol sa mga bagay na ito, ngunit sa puso nila ay nadarama nilang wala silang magawa; iniisip nila na kung iaasa nila ang lahat sa Diyos, mas mapapayapa ba sila, at mas mapapanatag ba ang kanilang konsensiya? Kaya naman, paminsan-minsan ay tahimik nilang ipinanalangin ang bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung sila ay makatanggap ng karagdagan o hindi inaasahang tulong o biyaya mula sa Diyos, bahagya silang nasisiyahan at napapanatag; kung wala talaga silang matanggap na espesyal na pangangalaga mula sa sambahayan ng Diyos, at wala silang nararamdaman na kabutihan mula sa Diyos, hindi namamalayang bumabalik silang muli sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kahit pa ang kapanganakan, pagtanda, karamdaman at kamatayan ay palaging kapiling ng sangkatauhan at hindi maiiwasan sa buhay, may mga taong mayroong partikular na kalagayang pisikal o espesyal na karamdaman, gumaganap man sila ng kanilang mga tungkulin o hindi, na nalulugmok sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa mga paghihirap at sakit ng kanilang laman; inaalala nila ang kanilang karamdaman, inaalala nila ang maraming hirap na maaaring idulot sa kanila ng kanilang karamdaman, kung magiging malubha ba ang kanilang karamdaman, kung ano ba ang mga kahihinatnan kung magiging malubha nga ito, at kung mamamatay ba sila dahil dito. Sa mga espesyal na sitwasyon at partikular na konteksto, ang serye ng mga katanungang ito ay nagsasanhi sa kanila na malubog sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala at hindi sila makaahon; may ilan pa nga na nabubuhay sa kalagayan ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa malubhang karamdaman na alam na nilang mayroon sila o dahil sa natatagong karamdamang hindi nila maiwasan, at sila ay naiimpluwensyahan, naaapektuhan, at nakokontrol ng mga negatibong emosyong ito. Kapag sila ay napasailalim na sa kontrol ng mga negatibong emosyong ito, may mga taong lubos nang nawawalan ng pag-asa na makamit ang kaligtasan; pinipili nilang bitiwan ang pagganap sa kanilang tungkulin at ang anumang pagkakataon na matanggap ang kabutihan ng Diyos. Sa halip, pinipili nilang harapin at pangasiwaan ang sarili nilang karamdaman nang hindi humihingi ng tulong sa sinumang tao at nang hindi naghihintay sa anumang oportunidad. Iginugugol nila ang kanilang sarili sa paggamot sa kanilang sakit, hindi na sila gumaganap ng tungkulin, at kahit na kaya pa ng kanilang katawan na gampanan ang kanilang tungkulin, hindi pa rin nila ito ginagawa. Ano ang dahilan nito? Nag-aalala sila, “Kung magpapatuloy ang kalagayan ko nang ganito at hindi ako pagagalingin ng Diyos, maipagpapatuloy ko ang pagganap ng tungkulin ko tulad ng ginagawa ko ngayon at mamamatay pa rin ako sa huli. Kung ititigil ko ang pagganap sa tungkulin ko at magpapagamot ako, maaari akong mabuhay ng ilan pang taon, at baka magamot pa nga ito. Kung ipagpapatuloy ko ang pagganap sa tungkulin ko at hindi sinabi ng Diyos na pagagalingin Niya ako, maaaring lalong humina ang kalusugan ko. Ayaw kong gampanan ang tungkulin ko sa loob ng 10 o 20 taon pa at pagkatapos ay mamatay. Gusto kong mabuhay nang ilang taon pa, ayaw kong mamatay agad, nang maaga!” Kaya ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang pansamantala, nagmamasid-masid sila pansamantala, at masasabi nating tinitingnan nila kung ano ang mangyayari pansamantala, at pagkatapos ay napapaisip sila, “Ginagampanan ko ang tungkulin ko, ngunit hindi naibsan o nawala ang karamdaman ko. Mukhang wala nang pag-asa na gagaling pa ito. Noon ay may plano ako, inakala ko na kung iiwan ko ang lahat at gagampanan ko nang tapat ang tungkulin ko, marahil ay aalisin sa akin ng Diyos ang sakit na ito. Ngunit walang nangyari ayon sa aking plano, sa aking iniisip, at sa aking hinihiling. Ang aking sakit ay gaya pa rin ng dati. Lumipas na ang maraming taon, ngunit hindi pa rin bumuti ang kalagayan ko. Mukhang ako mismo ang kailangang gumamot sa sakit na ito. Hindi ako maaaring umasa sa sinuman, walang ibang maaasahan. Kailangan kong hawakan ang kapalaran ko sa sarili kong mga kamay. Ang siyensya at teknolohiya ngayon ay sobrang maunlad na, pati na rin ang medisina, mayroong mga epektibong medisina para sa paggamot ng iba’t ibang uri ng sakit, at may mga advanced na paraan ng paggamot para sa lahat ng sakit. Sigurado akong magagamot ang sakit na ito.” Matapos gumawa ng gayong mga plano, nagsimula silang maghanap-hanap online o magtanong-tanong, hanggang sa wakas ay nakatagpo sila ng ilang solusyon. Sa huli, nagdesisyon sila kung anong gamot ang gagamitin nila, kung paano gagamutin ang sakit nila, kung paano mag-eehersisyo, at kung paano aalagaan ang kanilang kalusugan. Iniisip nila, “Kung hindi ko gagampanan ang tungkulin ko at tututok ako sa paggamot sa sakit na ito, may pag-asa pa na gumaling ako. Napakarami nang ganitong klase ng sakit ang gumaling.” Matapos magplano at magpakana nang ganito nang ilang panahon, sa wakas ay nagdesisyon silang huwag nang gampanan ang kanilang tungkulin at ang paggagamot sa kanilang sakit ang naging kanilang numero unong prayoridad—wala nang mas mahalaga pa sa kanila kundi ang mabuhay. Ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay naging isang uri na ng praktikal na pagkilos; ang kanilang pagkabalisa at pag-aalala na dating simpleng mga kaisipan lamang ay naging isang uri na ng pagkilos. Mayroong kasabihan ang mga hindi mananampalataya na, “Mas mainam ang pagkilos kaysa sa pag-iisip, at ang mas mainam kaysa sa pagkilos ay ang agarang pagkilos.” Ang gayong mga tao ay nag-iisip at saka kumikilos, at kumikilos sila nang mabilis. Isang araw ay iniisip nila ang paggamot sa kanilang sakit, at kinabukasan ng umaga ay nakaempake na ang kanilang mga gamit at handa na silang lumisan. Pagkalipas ng iilang buwan, darating ang masamang balita na namatay na sila nang hindi pa rin gumagaling sa kanilang sakit. Nalunasan ba ang kanilang sakit? (Hindi.) Hindi palaging posible na magamot mo ang sarili mong sakit, pero sigurado bang hindi ka magkakasakit habang ginagampanan mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos? Walang mangangako sa iyo nang gayon. Kaya, paano ka dapat pumili, at paano mo dapat harapin ang usapin ng pagkakaroon ng karamdaman? Napakasimple nito, at isang landas lang ang dapat sundan: Ang hangarin ang katotohanan. Hangarin ang katotohanan at tingnan ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang pang-unawa na dapat mayroon ang mga tao. At paano ka dapat magsagawa? Ikonsidera mo ang lahat ng karanasang ito at isagawa mo ang pang-unawang nakamit mo at ang mga katotohanang prinsipyong naunawaan mo ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at gawin mo ang mga ito na iyong realidad at iyong buhay—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay hindi mo dapat iwanan ang iyong tungkulin. Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay maganda ang asal mo sa pagganap ng iyong tungkulin at praktikal kang mag-isip. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilalang o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tuparin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos. May mga taong nagsasabi, “Itong mga bagay na sinasabi Mo ay wala gaanong konsiderasyon. May sakit ako at nahihirapan na ako!” Kung nahihirapan ka, maaari kang magpahinga, at maaari mong alagaan ang iyong sarili at magpagamot ka. Kung nais mo pa ring gampanan ang iyong tungkulin, maaari mong bawasan ang iyong trabaho at gumanap ka ng naaangkop na tungkulin, isang tungkulin na hindi nakakaapekto sa iyong paggaling. Patutunayan nitong hindi mo iniwan ang tungkulin mo sa puso mo, na ang puso mo ay hindi lumayo sa Diyos, na hindi mo itinanggi ang pangalan ng Diyos sa iyong puso, at na hindi mo tinalikuran sa puso mo ang pagnanais na maging isang wastong nilalang. May mga taong nagsasabi, “Nagawa ko na ang lahat ng iyan, kaya aalisin ba ng Diyos itong karamdaman ko?” Aalisin ba Niya? (Hindi palagi.) Kung aalisin man ng Diyos ang sakit mo o hindi, kung gagamutin ka man ng Diyos o hindi, ang dapat mong gawin ay ang dapat gawin ng isang nilalang. Ikaw man ay may pisikal na kakayahang gawin ang iyong tungkulin o wala, kung kaya mo mang gampanan ang anumang gawain o hindi, kung pinahihintulutan ka man ng iyong kalusugan na gampanan ang iyong tungkulin o hindi, ang iyong puso ay hindi dapat lumayo sa Diyos, at hindi mo dapat talikuran ang iyong tungkulin sa puso mo. Sa ganitong paraan, matutupad mo ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—ito ang katapatan na dapat mong panghawakan. Dahil lang sa hindi mo magawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong mga kamay o hindi ka na makapagsalita, o hindi na nakakakita ang iyong mga mata, o hindi mo na maigalaw ang iyong katawan, hindi mo dapat isipin na dapat kang pagalingin ng Diyos, at kung hindi ka Niya pagalingin ay nais mong tanggihan Siya sa iyong puso, talikuran ang iyong tungkulin, at talikuran ang Diyos. Ano ang kalikasan ng gayong pagkilos? (Ito ay isang pagtataksil sa Diyos.) Ito ay isang pagtataksil! Kapag wala silang sakit, ang ilang tao ay madalas na lumalapit sa Diyos upang magdasal, at kapag may sakit sila at umaasa silang pagagalingin sila ng Diyos, inilalagay ang lahat ng kanilang pag-asa sa Diyos, lalapit pa rin sila sa Diyos at hindi Siya tatalikuran. Gayunpaman, pagkatapos ng ilang panahon at hindi pa rin sila pinagagaling ng Diyos, nadidismaya sila sa Diyos, tinatalikuran nila ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso at tinatalikuran nila ang kanilang mga tungkulin. Kapag hindi pa ganoon kalala ang kanilang sakit at hindi sila pinapagaling ng Diyos, ang ilang tao ay hindi tinatalikuran ang Diyos; ngunit kapag naging malala na ang kanilang sakit at nasa bingit na sila ng kamatayan, alam na nila na talagang hindi sila pinagaling ng Diyos, na ang hinintay lamang nila sa loob ng mahabang panahon ay ang pagdating ng kamatayan, kaya tinatalikuran at tinatanggihan nila ang Diyos sa kanilang puso. Naniniwala sila na kung hindi sila pinagaling ng Diyos, wala nga sigurong Diyos; na kung hindi sila pinagaling ng Diyos, ang Diyos ay hindi talaga Diyos, at hindi karapat-dapat na paniwalaan. Dahil hindi sila pinagaling ng Diyos, nagsisisi sila na nanalig pa sila sa Diyos, at hindi na sila nananalig pa sa Kanya. Hindi ba’t ito ay isang pagtataksil sa Diyos? Ito ay isang malubhang pagtataksil sa Diyos. Kaya hindi mo talaga dapat tahakin ang daang iyon—tanging ang mga sumusunod sa Diyos hanggang sa kamatayan ang may totoong pananampalataya.
Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, o upang siyasatin ang katotohanan sa usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, upang makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang sumunod at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong magiging wakas. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang kalooban ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin. Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi upang mapahalagahan mo ang mga detalye ng pagkakaroon ng sakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga hirap at suliraning idinudulot ng sakit sa iyo, at ang maraming damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na mapahalagahan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto ka kung paano umunawa sa kalooban ng Diyos, malaman mo ang mga tiwaling disposisyon na iyong inihahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matuto ka kung paano magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagsunod sa Diyos at mapanindigan mo ang iyong patotoo—ito ay napakahalagang bagay. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga ninanasa at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang plano, panghuhusga, at pakana na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na ninanasa sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa ng pagdanas at pagpapasakop, na malaman mo ang iyong saloobin tungkol sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan. May mga taong nagsasabi, “Sinasabi Mong hindi ko dapat iwasan o tanggihan ito, at hindi ko dapat subukang takasan ito, kaya ang ibig Mong sabihin ay hindi ko ito dapat ipagamot!” Hindi Ko iyon sinabi kailanman; iyan ay maling pagkaunawa mo. Sinusuportahan kita sa aktibo mong paggagamot sa iyong mga karamdaman, ngunit ayaw Kong mabuhay ka sa iyong sakit o malugmok ka sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa epekto ng iyong karamdaman, hanggang sa huli ay layuan at iwanan mo ang Diyos dahil sa lahat ng pasakit na dulot ng iyong karamdaman. Kung nagdudulot sa iyo ng matinding paghihirap ang iyong karamdaman at nais mong magpagamot at mawala ang iyong karamdaman, ayos lang iyon, siyempre. Karapatan mo iyon; may karapatan kang magdesisyong magpagamot, at walang may karapatang pigilan ka. Gayunpaman, hindi ka dapat mabuhay sa iyong karamdaman at tumanggi na gampanan ang iyong tungkulin, o talikuran ang iyong tungkulin, o tanggihan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos dahil ikaw ay nagpapagamot. Kung ang iyong karamdaman ay hindi magagamot, malulugmok ka sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at dahil dito ay mapupuno ka ng mga reklamo at pagdududa tungkol sa Diyos, at mawawalan ka pa nga ng pananampalataya sa Diyos, mawawalan ng pag-asa, at may ilan na pipiliing talikuran ang kanilang mga tungkulin—ito ay isang bagay na talagang hindi mo dapat gawin. Kapag nahaharap ka sa karamdaman, maaari kang aktibong magpagamot, ngunit dapat mo rin itong harapin nang may positibong saloobin. Pagdating naman sa kung gaano kahusay magagamot ang iyong karamdaman at kung ito ba ay magagamot, at kung anuman ang mangyayari sa huli, dapat kang palaging magpasakop at hindi magreklamo. Ito ang saloobin na dapat mong taglayin, sapagkat ikaw ay isang nilalang at wala kang ibang pagpipilian. Hindi mo pwedeng sabihing, “Kung gagaling ako sa sakit na ito, saka ako maniniwala na iyon ay dakilang kapangyarihan ng Diyos, ngunit kung hindi ako gagaling, hindi ako masisiyahan sa Diyos. Bakit ba ako binigyan ng Diyos ng sakit na ito? Bakit ba hindi Niya pinagagaling ang sakit na ito? Bakit ba ako ang nagkasakit at hindi yung iba? Ayaw ko nito! Bakit ko ba kailangang mamatay nang maaga, sa ganitong murang edad? Bakit ba nakakapagpatuloy na mabuhay ang ibang tao? Bakit?” Huwag mo nang itanong kung bakit, ito ay pangangasiwa ng Diyos. Walang dahilan, at hindi mo dapat itanong kung bakit. Ang pagtatanong kung bakit ay rebeldeng pananalita, at hindi ito dapat itanong ng isang nilikha. Huwag kang magtanong kung bakit, wala itong dahilan. Isinaayos at pinlano ng Diyos ang mga bagay nang ganito. Kung itatanong mo kung bakit, masasabi lamang na sobra kang rebelde, sobrang mapagmatigas. Kapag hindi ka nasisiyahan sa isang bagay, o hindi ginagawa ng Diyos ang nais mo o hindi ka Niya hinahayaan sa gusto mo, hindi ka nasisiyahan, naghihinanakit ka, at palagi mong itinatanong kung bakit. Kaya, tinatanong ka ng Diyos, “Bilang isang nilalang, bakit hindi mo ginampanan nang mabuti ang iyong tungkulin? Bakit hindi mo tapat na ginampanan ang iyong tungkulin?” At paano ka sasagot? Sasabihin mo, “Walang dahilan, ganito lang talaga ako.” Katanggap-tanggap ba iyon? (Hindi.) Katanggap-tanggap na pagsalitaan ka ng Diyos nang ganoon, ngunit hindi katanggap-tanggap na pagsalitaan mo ang Diyos nang ganoon. Mali ang iyong pananaw, at sobra kang wala sa katwiran. Anuman ang mga pagsubok na kinakaharap ng isang nilalang, ganap na natural at makatwiran na dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Lumikha. Halimbawa, ipinanganak ka ng iyong mga magulang, pinalaki ka nila, at tinatawag mo silang ina at ama—ito ay ganap na natural at makatwiran, at ito ang nararapat; walang dahilan. Kaya, pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng ito para sa iyo, at kung ikaw man ay nagtatamasa ng mga pagpapala o nagdurusa sa mga paghihirap, ito ay ganap ding natural at makatwiran, at wala kang magagawa sa usaping ito. Kung makapagpapasakop ka hanggang sa huli, makakamit mo ang kaligtasan gaya ni Pedro. Gayunpaman, kung sisisihin mo ang Diyos, tatalikuran ang Diyos, at pagtataksilan ang Diyos dahil sa pansamantalang karamdaman, ang lahat ng pagbitiw, paggugol, pagganap ng iyong tungkulin, at pagbabayad ng halaga na iyong ginawa noon ay mauuwi sa wala. Ito ay sapagkat ang lahat ng iyong nakaraang pagpapagal ay hindi naglatag ng anumang pundasyon para maayos mong magampanan ang tungkulin ng isang nilalang o para makatindig ka sa iyong wastong posisyon bilang isang nilalang, at hindi nito nabago ang anuman sa iyo. Pagkatapos, ito ay magiging dahilan upang pagtaksilan mo ang Diyos dahil sa iyong karamdaman, at ang iyong wakas ay magiging katulad ng kay Pablo, maparurusahan sa huli. Ang dahilan para sa determinasyong ito ay na ang lahat ng iyong ginawa noon ay upang makamit mo ang isang korona at makatanggap ka ng mga pagpapala. Kung, sa wakas na maharap ka sa karamdaman at kamatayan, ay nakapagpapasakop ka pa rin nang walang anumang reklamo, nagpapatunay ito na ang lahat ng iyong ginawa noon ay ginawa nang tapat at kusang-loob para sa Diyos. Ikaw ay masunurin sa Diyos, at sa huli, ang iyong pagsunod ay magiging isang tanda ng perpektong pagwawakas ng iyong buhay ng pananampalataya sa Diyos, at ito ay pinupuri ng Diyos. Kaya nga, ang isang karamdaman ay maaaring magdulot sa iyo ng magandang wakas, o maaaring magdulot sa iyo ng masamang wakas; ang uri ng wakas na mararating mo ay nakasalalay sa landas na iyong sinusundan at sa iyong saloobin sa Diyos.
Nalutas na ba ang suliranin ng pagkakalugmok ng mga tao sa mga negatibong emosyon dahil sa karamdaman? (Nalutas na.) Mayroon ka na ba ngayong mga tamang ideya at pananaw kung paano harapin ang karamdaman? (Mayroon na.) Alam mo ba kung paano ito isagawa? Kung hindi, ibibigay Ko sa iyo ang susi, ang pinakamagandang gawin. Alam ba ninyo kung ano ito? Kung magkasakit ka, at kahit gaano pa karaming doktrina ang nauunawaan mo ay hindi mo pa rin ito malampasan, ang iyong puso ay mababagabag, mababalisa, at mag-aalala pa rin, at maliban sa hindi mo mahaharap ang usapin nang kalmado, ang iyong puso ay mapupuno rin ng mga reklamo. Palagi kang magtatanong, “Bakit walang ibang may ganitong sakit? Bakit ako ang pinili na magkaroon nito? Paano nangyari ito sa akin? Ito ay dahil malas ako at may masamang kapalaran. Kailanman ay wala akong pinasama ng loob, ni hindi ako gumawa ng pagkakasala, kaya bakit nangyari ito sa akin? Labis na hindi patas ang pagtrato sa akin ng Diyos!” Makikita mo, bukod sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, nalulugmok ka rin sa depresyon, nang may sunud-sunod na negatibong emosyon at hindi mo maiwasan ang mga ito kahit gaano mo pa kagusto. Dahil ito ay totoong karamdaman, hindi ito madaling mawala o mapagaling, kaya ano ang dapat mong gawin? Gusto mong magpasakop pero hindi mo magawa, at kung ikaw ay magpapasakop isang araw, sa susunod na araw ay lalala ang iyong kalagayan at masyado nang masakit, at pagkatapos ay hindi mo na nais pang magpasakop, at muli kang magsisimulang magreklamo. Palagi kang ganito, kaya ano ang dapat mong gawin? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang sekreto sa tagumpay. Ikaw man ay maharap sa malala o simpleng karamdaman, sa sandaling ang iyong sakit ay maging malubha o ikaw ay maharap sa kamatayan, tandaan mo lamang ang isang bagay: Huwag mong katakutan ang kamatayan. Kahit pa ikaw ay nasa mga huling yugto na ng kanser, kahit pa napakalaki ng posibilidad na mamatay sa iyong partikular na karamdaman, huwag mong katakutan ang kamatayan. Gaano man katindi ang iyong pagdurusa, kung ikaw ay natatakot sa kamatayan ay hindi ka magpapasakop. May mga nagsasabi, “Nang marinig kong sinabi Mo ito, nakadama ako ng inspirasyon at may mas magandang ideya pa ako. Bukod sa hindi ako matatakot sa kamatayan, magmamakaawa pa akong makamit iyon. Hindi ba’t mas magiging madali kapag ganoon?” Bakit ka magmamakaawang mamatay? Ang pagmamakaawang mamatay ay isang sukdulang ideya, samantalang ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang makatwirang saloobin na dapat taglayin. Tama ba iyon? (Tama.) Ano ang tamang saloobin na dapat mong taglayin upang hindi mo katakutan ang kamatayan? Kung ang iyong karamdaman ay lumala nang husto na maaari mo na itong ikamatay, at malaki ang posibilidad na mamatay rito anuman ang edad ng tao na tinamaan ng sakit, at ang panahon mula sa pagkakasakit ng tao hanggang sa mamatay siya ay labis na maikli, ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? “Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, ang lahat naman ay namamatay sa huli. Gayunpaman, ang magpasakop sa Diyos ay isang bagay na hindi magawa ng karamihan sa mga tao, at magagamit ko ang karamdamang ito upang maisagawa ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat akong magkaroon ng kaisipan at saloobing nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ko dapat katakutan ang kamatayan.” Ang mamatay ay madali, higit na mas madali kaysa mabuhay. Maaaring ikaw ay labis na nasasaktan at hindi mo ito namamalayan, at sa sandaling pumikit ang iyong mga mata, humihinto ang iyong paghinga, lumilisan ang iyong kaluluwa mula sa katawan, at ang iyong buhay ay nagwawakas. Ganito mamatay; ganito ito kasimple. Ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang saloobing dapat taglayin. Bukod dito, hindi mo dapat alalahanin kung lalala ba ang iyong sakit o hindi, o kung mamamatay ka ba kung hindi ka magagamot, o kung gaano pa katagal bago ka mamatay, o kung anong kirot ang mararanasan mo kapag dumating na ang oras ng kamatayan. Hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito; ito ay mga bagay na hindi mo dapat alalahanin. Ito ay sapagkat darating ang araw na iyon, at darating iyon sa partikular na taon, buwan, at araw. Hindi mo ito mapagtataguan at hindi mo ito matatakasan—ito ang iyong kapalaran. Ang iyong diumano’y kapalaran ay pauna nang itinakda ng Diyos at isinaayos na Niya. Ang haba ng iyong mga taon at ang edad mo at ang oras kung kailan ka mamamatay ay naitakda na ng Diyos, kaya ano ang inaalala mo? Maaari mo itong alalahanin, pero wala itong mababago; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo ito mapipigilang mangyari; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng araw na iyon. Samakatuwid, ang iyong pag-aalala ay walang kabuluhan, at ang idinidulot lamang nito ay ang pabigatin pa lalo ang pasanin mo sa iyong karamdaman. Ang isang aspekto ay ang huwag mag-alala, at ang isa pa ay ang huwag katakutan ang kamatayan. Ang isa pang aspekto ay ang huwag mabalisa, ang sabihing, “Pagkatapos kong mamatay, mag-aasawa bang muli ang aking asawa? Sino ang mag-aalaga sa aking anak? Sino ang magpapatuloy sa aking tungkulin? Sino ang makakaalala sa akin? Pagkatapos kong mamatay, ano ang itatakda ng Diyos na magiging wakas ko?” Hindi ka dapat nag-aalala sa mga bagay na ito. May wastong lugar na pupuntahan ang lahat ng taong namamatay at isinaayos na ito ng Diyos. Ang mga nabubuhay ay patuloy na mabubuhay; ang pag-iral ng sinumang tao ay hindi makakaapekto sa normal na aktibidad at kaligtasan ng sangkatauhan, wala ring magbabago dahil lang sa pagkawala ng isang tao. Kaya hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito. Hindi mo kinakailangang alalahanin ang iba’t ibang kamag-anak mo, at mas lalong hindi mo kinakailangang alalahanin kung may makakaalala ba sa iyo pagkatapos mong mamatay. Ano ba ang silbi kung may makaalala sa iyo? Kung ikaw ay tulad ni Pedro, may halaga ang pag-alala sa iyo; kung ikaw ay tulad ni Pablo, kalamidad lang ang idudulot mo sa mga tao, kaya bakit gugustuhin pa ninuman na alalahanin ka? May isa pang bagay na dapat ipag-alala, isang napakamakatotohanang kaisipan na taglay ng mga tao. Sinasabi nila, “Kapag namatay na ako, hindi ko na muling makikita ang mundong ito, at hindi ko na matatamasa ang materyal na buhay ng lahat ng mga bagay na ito. Kapag namatay na ako, hindi na ako maaapektuhan ng anumang bagay sa mundong ito, at mawawala na ang pakiramdam ng pagiging buhay. Kapag namatay na ako, saan ako pupunta?” Hindi mo dapat alalahanin kung saan ka pupunta, hindi mo rin ito dapat ikabalisa. Hindi ka na isang buhay na tao, ngunit nag-aalala kang hindi mo na mararamdaman ang lahat ng tao, pangyayari, bagay, kapaligiran, at iba pa ng materyal na mundo. Mas lalong hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito, at kahit hindi mo mabitiwan ang mga bagay na ito, wala na rin itong silbi. Gayunpaman, ang maaaring makapagbigay sa iyo ng kaunting ginhawa ay ang posibilidad na ang iyong pagkamatay o pag-alis ay maaaring maging isang bagong simula para sa iyong susunod na pagkakatawang-tao, isang mas magandang simula, isang malusog na simula, isang ganap na mabuting simula, isang simula para muling makabalik ang iyong kaluluwa. Ito ay hindi nangangahulugang isang masamang bagay ito, sapagkat marahil ay makababalik ka sa ibang paraan at sa ibang anyo. Kung ano ang eksaktong anyo nito ay nakasalalay sa mga pagsasaayos ng Diyos at ng Lumikha. Sa puntong ito, maaaring sabihin na lahat ay dapat lamang na maghintay at mag-antabay. Kung pipiliin mong mamuhay sa mas mabuting paraan at mas mabuting anyo matapos mong mamatay sa buhay na ito, gaano man kalala ang iyong karamdaman, ang pinakamahalagang bagay ay kung paano mo ito haharapin at anong mabubuting gawa ang dapat mong ihanda, at hindi ang iyong walang kabuluhang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kapag ganito ka mag-isip, hindi ba’t bumababa ang antas ng iyong takot, pangamba, at pagtanggi sa kamatayan? (Oo.) Ilang aspekto ang katatapos lang nating pag-usapan? Ang isa ay ang hindi katakutan ang kamatayan. Ano pa? (Hindi namin dapat alalahanin kung lalala ba o hindi ang aming karamdaman, at hindi kami dapat mabalisa tungkol sa aming asawa at mga anak, o sa aming magiging wakas at hantungan, at iba pa.) Ipaubaya ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos. Ano pa? (Hindi namin dapat alalahanin kung saan kami mapupunta pagkatapos mamatay.) Walang silbi ang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito. Mabuhay ka sa kasalukuyan at gawin mo nang maayos ang mga bagay na dapat mong gawin dito at ngayon. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa hinaharap, kaya dapat mong ipaubaya ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos. Ano pa? (Dapat kaming magmadali na maghanda ng mabubuting gawa para sa aming hantungan sa hinaharap.) Tama, dapat maghanda ang mga tao ng mas maraming mabubuting gawa para sa hinaharap, at dapat nilang hangarin ang katotohanan at maging mga taong nauunawaan ang katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad. May mga nagsasabi, “Kamatayan na ang binabanggit Mo ngayon, kaya ibig Mo bang sabihin na lahat ay kailangang humarap sa kamatayan sa hinaharap? Masama ba itong pangitain?” Hindi ito masamang pangitain, hindi rin ito isang pananggalang, at lalong hindi ito sumpa ng kamatayan para sa sinuman—ang mga salitang ito ay hindi sumpa. Ano nga ba ang mga ito? (Ito ay isang landas ng pagsasagawa para sa mga tao.) Tama, ang mga ito ang dapat isagawa ng mga tao, ang mga ito ang tamang pananaw at saloobing dapat panghawakan ng mga tao, at ito ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Kahit ang mga taong walang anumang uri ng karamdaman ay dapat ding taglayin ang ganitong uri ng saloobin para harapin ang kamatayan. Kaya may mga nagsasabi, “Kung hindi tayo matatakot sa kamatayan, ibig sabihin ba ay hindi tayo mamamatay?” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon ay ano ito? (Ito ay isang kuru-kuro at kanilang imahinasyon.) Katawa-tawa ito, ito ay lohikal na pangangatwiran, at pilosopiya ni Satanas—ito ay hindi ang katotohanan. Hindi totoo na kung hindi ka matatakot o mag-aalala sa kamatayan ay hindi ito darating sa iyo at hindi ka mamamatay—hindi ito ang katotohanan. Ang sinasabi Ko ay ang saloobing dapat taglayin ng mga tao patungkol sa kamatayan at karamdaman. Kapag taglay mo ang ganitong saloobin, maaari mo nang iwanan ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Hindi ka na makukulong sa iyong karamdaman, at ang iyong pag-iisip at ang mundo ng iyong espiritu ay hindi mapipinsala o magugulo ng iyong karamdaman. Isa sa mga personal na hamon ng mga tao ay ang mga inaasam sa kanilang hinaharap, at ang isa pang hamon ay ang karamdaman at kamatayan. Ang mga inaasam sa hinaharap at ang kamatayan ay maaaring sakupin ang puso ng mga tao, ngunit kung kaya mong harapin nang tama ang dalawang problemang ito at malampasan ang iyong mga negatibong emosyon, hindi ka matatalo ng mga karaniwang hamon.