Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2 (Ikatlong Bahagi)

Lahat ay kailangang dumaan sa maraming dagok at kabiguan sa buhay. Sino ang may buhay na puno ng kasiyahan lamang? Sino ang hindi kailanman nakararanas ng anumang kabiguan o dagok? Kapag minsan ay hindi umaayon sa mga plano mo ang mga bagay-bagay, o nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan, ito ay hindi kamalasan, ito ang dapat mong maranasan. Parang pagkain ito—kailangan mong pare-parehong kainin ang maasim, ang matamis, ang mapait, at ang maanghang. Hindi kayang mabuhay ng mga tao nang walang asin at kinakailangan nilang kumain ng kaunting maalat na pagkain, ngunit kung sosobrahan mo ang asin, ito ay makakasama sa iyong bato. May panahon na kailangan mong kumain ng ilang maasim na pagkain, ngunit hindi maganda sa iyong ngipin o tiyan kung masosobrahan ka sa pagkain nito. Lahat ay dapat kinakain nang hinay-hinay lang. Kumakain ka ng maaasim, maaalat, at matatamis na pagkain, at kailangan mo ring kumain ng mapapait na pagkain. Ang mapapait na pagkain ay maganda para sa ilang internal organ, kaya dapat kang kumain nito nang kaunti. Ganito rin ang buhay ng tao. Ang karamihan sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong kakaharapin sa bawat yugto ng iyong buhay ay hindi mo magugustuhan. Bakit ganito? Ito ay dahil ang mga tao ay naghahangad ng iba’t ibang bagay. Kung hinahangad mo ang kasikatan at kaalwanan, katayuan at kayamanan, ang maging higit sa iba at makamit ang malaking tagumpay, at iba pa, halos lahat ng bagay ay hindi mo magugustuhan. Gaya lamang ng sinasabi ng mga tao: “Kamalasan at kapahamakan ang lahat ng ito.” Gayunpaman, kung bibitiwan mo ang ideya ng kung gaano ka kasuwerte o kamalas, at tatratuhin mo ang mga bagay na ito nang kalmado at tama, makikita mong karamihan sa mga bagay ay hindi naman gaanong hindi paborable o mahirap harapin. Kapag tinalikuran mo ang iyong mga ambisyon at ninanasa, kapag hindi mo na tinutulan o iniwasan ang anumang kapahamakan na iyong nararanasan, at hindi mo na sinukat ang gayong mga bagay batay sa kung gaano ka kasuwerte o kamalas, marami sa mga bagay na dati mong itinuturing na kapahamakan at masama, ay iisipin mo na ngayon na mabuti—ang masasamang bagay ay magiging mabubuti. Ang iyong mentalidad at kung paano mo tingnan ang mga bagay-bagay ay magbabago, na magbibigay-daan sa iyo na magbago ng damdamin tungkol sa iyong mga karanasan sa buhay, at kasabay nito ay magkakamit ka ng iba’t ibang gantimpala. Ito ay isang kakaibang karanasan, isang bagay na magdadala sa iyo ng mga di-inaasahang gantimpala. Ito ay isang mabuting bagay, hindi masama. Halimbawa, ang ilang indibidwal ay palaging napapahalagahan, palaging naitataas ang ranggo, palagi silang nakatatanggap ng papuri at pampalakas ng loob, madalas silang sinasang-ayunan ng kanilang mga kapatid, at lahat ay naiinggit sa kanila. Ito ba ay isang mabuting bagay? Karamihan sa mga tao ay iniisip na ang mga bagay na ito ay nangyayari dahil suwerte ang mga indibidwal na iyon. Sinasabi nila: “Tingnan ninyo, may mahusay na kakayahan ang taong iyon, isinilang siya na suwerte at maganda ang takbo ng buhay niya—nakukuha niya ang magagandang oportunidad at naitataas ang ranggo niya. Talagang suwerte siya!” Sila ay labis na naiinggit. Gayunpaman, sa bandang huli, ang indibidwal na iyon ay matatanggal sa loob ng ilang taon at magiging isang ordinaryong mananampalataya. Iiyakan niya ito at susubukan niyang magbigti, at sa loob lamang ng ilang araw ay papaalisin na siya. Ito ba ay suwerte? Kung titingnan mo ito sa ganoong paraan, napakamalas niya. Ngunit ito ba talaga ay kamalasan? (Hindi.) Sa katunayan, hindi ito dahil sa malas siya, ito ay dahil hindi niya tinahak ang tamang landas. Dahil hindi niya tinahak ang tamang landas, nang mangyari sa kanya ang mga bagay na itinuturing ng mga tao bilang “suwerte”, naging tukso at bitag ang mga ito na nagpapabilis sa kanyang pagkawasak. Ito ba ay isang mabuting bagay? Palagi siyang nag-aasam na maitaas ang ranggo niya, na mamukod-tangi siya, na maging sentro siya ng atensyon, at na maging maayos ang takbo ng lahat at naaayon sa kanyang kagustuhan, ngunit ano ang nangyari sa huli? Hindi ba’t siya ay pinaalis? Ito ang resulta kapag ang mga tao ay hindi tumatahak sa tamang landas. Ang paghahangad sa suwerte ay hindi ang tamang landas. Ang mga taong naghahangad ng suwerte ay tiyak na tatanggi at iiwas sa lahat ng hindi magagandang bagay, lahat ng bagay na karaniwang itinuturing ng mga tao na hindi kanais-nais, mga bagay na hindi umaayon sa lagay ng loob at mga interes ng laman ng mga tao. Kinatatakutan, iniiwasan, at tinatanggihan nilang mangyari ang mga bagay na ito. Kapag nangyayari ang mga ito, inilalarawan nila ang mga ito na “malas.” Kaya ba nilang hanapin ang katotohanan kapag sa tingin nila ay malas sila? (Hindi.) Sa palagay ninyo, ang mga tao bang hindi kayang hanapin ang katotohanan at palaging iniisip na sila ay malas ay makakapaglakad sa tamang landas? (Hindi.) Tiyak na hindi. Kaya nga, ang mga taong palaging naghahangad ng suwerte, na palaging tumutuon at nag-iisip sa kanilang suwerte, ay mga taong hindi tumatahak sa tamang landas. Ang gayong mga tao ay hindi binibigyang-pansin ang kanilang nauukol na mga tungkulin, at hindi sila tumatahak sa tamang landas, kaya patuloy silang nalulugmok sa depresyon. Kasalanan nila ito, at nararapat sa kanila ito! Ito ay dahil sa kanilang pagtahak sa maling landas! Nararapat silang malugmok sa depresyon. Madali bang makaahon sa depresyon na ito? Sa katunayan, madali lamang ito. Iwanan mo lang ang iyong mga maling pananaw, huwag mong asahan na palaging magiging maganda ang takbo ng lahat, o aayon sa mismong gusto mo, o magiging magaan. Huwag mong katakutan, kalabanin, o tanggihan ang mga bagay na hindi nagiging maayos. Sa halip, bitiwan mo ang iyong pagsalungat, maging kalmado ka, at lumapit ka sa Diyos nang may saloobin na maging masunurin, at tanggapin mo ang lahat ng isinasaayos ng Diyos. Huwag mong hangarin ang diumano’y “suwerte” at huwag mong tanggihan ang diumano’y “malas”. Ibigay mo ang iyong puso at buong pagkatao sa Diyos, hayaan mong Siya ang kumilos at mangasiwa, at magpasakop ka sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos. Ibibigay sa iyo ng Diyos ang kailangan mo sa tamang sukat kapag kailangan mo na ito. Isasaayos Niya ang mga kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na kinakailangan mo, ayon sa iyong mga pangangailangan at kakulangan, upang matuto ka ng mga aral na dapat mong matutunan mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong pagdaraanan. Siyempre, ang pangunahing kondisyon para sa lahat ng ito ay dapat may mentalidad ka ng pagsunod sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kaya huwag mong hangarin ang pagiging perpekto; huwag mong tanggihan o katakutan ang mga pangyayaring hindi kanais-nais, nakakahiya, o hindi paborable; at huwag mong gamitin ang iyong depresyon upang labanan ng iyong kalooban ang hindi magagandang bagay na nangyayari. Halimbawa, kung ang isang mang-aawit ay masakit ang lalamunan isang araw at hindi maganda ang kanyang pagkanta, iniisip niya, “Napakamalas ko naman! Bakit hindi inaalagaan ng Diyos ang boses ko? Karaniwan naman na magaling akong kumanta kapag mag-isa lang ako, pero ngayon ay ipinahiya ko ang sarili ko sa harap ng lahat. Hindi ko makuha ang tamang tono, at hindi ko makuha ang tamang tempo. Nagmukha akong hangal!” Ang pagmukhaing hangal ang sarili mo ay isang mabuting bagay. Tinutulungan ka nitong makita ang sarili mong mga kakulangan at ang pagmamahal mo sa banidad. Ipinapakita nito kung saan naroon ang iyong mga problema at ipinauunawa nito sa iyo nang malinaw na ikaw ay hindi perpektong tao. Walang perpektong tao at normal lang na pagmukhaing hangal ang sarili mo. Lahat ng tao ay nagdaranas ng mga pagkakataon kung kailan pinagmumukha nilang hangal ang kanilang sarili o napapahiya sila. Lahat ng tao ay nabibigo, nagdaranas ng mga problema, at may mga kahinaan. Ang pagmukhaing hangal ang iyong sarili ay hindi masama. Kapag pinagmumukha mong hangal ang sarili mo pero hindi ka nahihiya, at sa loob-loob mo ay hindi ka nalulugmok sa depresyon, hindi ibig sabihin niyon na makapal ang mukha mo; ang ibig sabihin nito ay wala ka nang pakialam kung ang pagpapamukha mong hangal sa sarili mo ay makakaapekto sa iyong reputasyon at nangangahulugan na wala na sa isip mo ang iyong banidad. Nangangahulugan ito na lumago na ang iyong pagkatao. Napakaganda nito! Hindi ba’t mabuting bagay ito? Mabuting bagay ito. Huwag mong isipin na nakapagsagawa ka nang maayos o na malas ka, at huwag mong hanapin ang mga obhetibong sanhi sa likod nito. Normal ito. Maaari kang magmukhang hangal, maaaring magmukhang hangal ang iba, lahat ay maaaring magmukhang hangal—kalaunan ay matutuklasan mong pare-pareho lang ang lahat ng tao, ang lahat ay ordinaryo lang, lahat ng tao ay mortal, at walang sinuman ang nakahihigit sa iba, at walang sinuman ang mas magaling kaysa sa iba. Lahat ay maaaring magmukhang hangal paminsan-minsan, kaya walang sinuman ang pwedeng manghamak ng iba. Kapag naranasan mo na ang maraming kabiguan, unti-unti nang lalago ang iyong pagkatao; kaya sa tuwing mararanasan mong muli ang mga bagay na ito, hindi ka na mapipigilan pa, at ang mga ito ay hindi magkakaroon ng epekto sa normal na pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang iyong pagkatao ay magiging normal, at kapag ang iyong pagkatao ay normal, ang iyong katwiran ay magiging normal din.

Ang mga taong ito na nasisiyahan sa paghahangad sa suwerte ay mga taong naghahangad ng magandang kapalaran sa buhay na ito, mga taong sinasagad ang mga bagay-bagay. Ang mga bagay na hinahangad ng mga taong ito ay mali at dapat nilang bitiwan ito. Nagbahaginan tayo ngayon-ngayon lang kung paano pangasiwaan at harapin nang tama ang mga hindi kanais-nais na bagay na ito—nauunawaan na ba ninyo ito ngayon? Paano tayo nagbahaginan tungkol dito? (Dapat magpasakop ang mga tao sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos. Hindi nila dapat hangarin na maging perpektong tao, o katakutan ang anumang nakakahiya o hindi kanais-nais na pangyayari, at hindi dapat gamitin ng mga tao ang kanilang depresyon para tutulan ang mga bagay na ito kapag nangyari na ang mga ito.) Pakalmahin mo ang iyong isipan at harapin ang lahat ng ito nang may tamang pananaw. Kapag nangyayari sa iyo ang masasamang bagay, kailangang mayroon kang tamang landas para harapin at lutasin ang mga ito, at kahit na hindi mo maayos na mapangasiwaan ang mga ito, hindi ka pa rin dapat malugmok sa depresyon. Kung ikaw ay mabigo, maaari kang sumubok muli; sa pinakamalalang senaryo, ang pagkabigo ay isang aral, at kahit na ikaw ay mabigo, mas mainam pa rin ito kaysa sa tutulan, labanan, tanggihan, at takasan ang mga ito. Kaya, anuman ang mangyari o anuman ang iyong kailangang harapin sa hinaharap, kailanman ay hindi mo ito dapat tanggihan o subukang takasan, lalong hindi mo ito dapat sukatin batay sa iyong pananaw sa kung ikaw ba ay suwerte o malas. Dahil kinukumpirma mo na ang lahat ay pinangangasiwaan ng kamay ng Diyos, hindi mo dapat sukatin ang lahat ng bagay na ito nang batay sa pananaw at pag-iisip na ikaw ay suwerte o malas, lalong hindi mo dapat tanggihan ang masasamang bagay na nangyayari. Siyempre, hindi mo rin dapat harapin ang mga bagay na ito nang may emosyon ng depresyon. Sa halip, dapat kang magkaroon ng saloobin na maging maagap at ng positibong lagay ng loob upang harapin at pangasiwaan ang mga bagay na ito, at alamin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at anong pagkaunawa ang dapat mong makuha mula sa mga ito—ito ang dapat mong gawin. Hindi ba’t magiging tama ang iyong mga kaisipan at pananaw kung magkagayon? (Magiging tama nga.) At kapag muli kang naharap sa ilang masama o hindi kanais-nais na pangyayari, mahaharap mo ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ka ng tamang mga kaisipan at pananaw, at sa ganitong paraan, ang iyong pagkatao at katwiran ay magiging normal. Kapag tiningnan mo ito nang ganito, hindi ba’t napakahalaga na magkaroon ng tamang pananaw? Hindi ba’t napakahalaga na malinaw na maunawaan ang usapin ng kapalaran ayon sa mga salita ng Diyos? (Napakahalaga nga.) Ngayong malapit na tayong matapos sa pagbabahaginan tungkol sa kasabihan na may suwerte at kamalasan, nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.) Kung malinaw ninyong nauunawaan ang diwa ng ganitong uri ng problema, magkakaroon kayo ng tamang pananaw sa usapin ng kapalaran.

May isa pang sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa emosyon ng depresyon, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nalulugmok sila sa depresyon dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng depresyon ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng pagtukoy sa kung anong uri sila ng tao. Ang ganitong uri ng paglabag ay tiyak na hindi lamang pagmumura sa isang tao o paninira nang kaunti sa isang tao nang hindi nalalaman ng taong iyon, o kaya ay isang maliit na bagay na gaya niyon, sa halip, ito ay isang bagay na may kinalaman sa kahihiyan, sa personalidad at dangal ng isang tao, at maging sa batas. Habang patuloy nilang iniisip ang pangyayari, ang emosyon ng depresyon ay unti-unting nabubuo sa kaibuturan ng kanilang puso, hanggang sa kasalukuyan. Ano nga ba ang mga paglabag na ito? Gaya ng kasasabi Ko lang, ang mga bagay na ito ay pawang mangmang, walang kabuluhan, at hangal, na ginawa ng mga tao noong sila ay bata pa o nang sila ay matanda na. Alam ba ninyo kung ano ang kasama sa mga bagay na ito? Ang walang kabuluhan, hangal, at mangmang—kasama rito ang mga bagay na nakakasama sa iba ngunit nakakabuti sa iyo, mga bagay na mahirap pag-usapan, at mga bagay na ikinahihiya mo. Maaaring ito ay isang bagay na marumi, kasuklam-suklam, bastos, o hindi disente, na nagiging dahilan upang malugmok ka sa emosyon na ito ng depresyon. Ang depresyon na ito ay hindi lamang isang simpleng uri ng paninisi sa sarili kundi isang pagkondena sa sarili. May naiisip ba kayo na maaaring kasama sa saklaw na itinakda Ko? Magbigay kayo ng halimbawa. (Kalandian.) Kasama rito ang kalandian, oo. Halimbawa, may mga tao na nagtaksil sa kanilang asawa sa isip o sa gawa; may mga taong nakiapid at nakipagtalik sa iba, ngunit hindi pa rin nila ito itinitigil at palagi nilang iniisip kung sino ang nais nilang makaapid; may mga taong nanloko ng iba para sa pera, marahil ay malalaking halaga pa nga ng pera; may mga taong nagnakaw ng mga bagay na pag-aari ng iba; at may mga taong idiniin o pinaghigantihan ang iba. Ang ilan sa mga bagay na ito ay malapit na sa paglabag sa batas, habang ang iba ay talagang paglabag na sa batas; ang ilan ay maaaring malapit na sa mga hangganan ng moralidad, habang ang iba ay talagang laban sa etika ng normal na pagkatao. Ang mga bagay na ito ay malalim na nakabaon sa mga alaala sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at paminsan-minsan nilang naiisip ang mga ito. Kapag ikaw ay mag-isa, kapag hindi ka makatulog sa kalaliman ng gabi, hindi mo maiwasang isipin ang mga bagay na ito. Napapanood mo ang kada eksena ng mga ito sa iyong isipan nang tulad sa isang pelikula, at hindi mo ito mabura o maalis. Sa tuwing naiisip mo ang mga bagay na ito, nalulugmok ka sa depresyon, nag-iinit ang iyong mukha, kumakabog ang iyong dibdib, nahihiya ka, at ang iyong espiritu ay napupuno ng pagkabagabag. Bagamat nananalig ka sa Diyos, pakiramdam mo ay kahapon lang nangyari ang mga bagay na ginawa mo. Hindi mo matakbuhan ang mga ito, hindi mo matakasan ang mga ito, at hindi mo alam kung paano tatalikdan ang mga ito. Kahit na iilan lang ang nakakaalam sa ginawa mo, o marahil ay wala ngang nakakaalam, nakakaramdam ka pa rin ng kaunting pagkabagabag sa iyong puso. Mula sa pagkabagabag na ito ay nabubuo ang depresyon, at ipinararamdam sa iyo ng depresyon na ito na ikaw ay may sala habang sumusunod ka sa Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin. Hindi mo tiyak na masabi kung ang damdamin na ito ng pagkakasala ay nagmumula man sa iyong sariling konsiyensiya, sa batas, o sa iyong pang-unawa sa moralidad at etika. Anu’t anuman, ang mga taong gumawa ng mga bagay na ito ay madalas na nababagabag nang hindi sinasadya, kapag may partikular na bagay na nangyayari, o sa ilang partikular na kapaligiran at konteksto. Dahil sa pagkabagabag na ito, hindi nila namamalayan na nalulugmok na sila nang husto sa depresyon, at sila ay naigagapos at napipigilan na ng kanilang depresyon. Tuwing sila ay nakikinig sa isang sermon o sa isang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, unti-unting pumapasok ang depresyon na ito sa kanilang isipan at sa kaibuturan ng kanilang puso, at nag-iisip sila nang husto, tinatanong ang kanilang sarili, “Kaya ko bang gawin ito? Kaya ko bang hangarin ang katotohanan? Kaya ko bang makamit ang kaligtasan? Anong uri ako ng tao? Nagawa ko ang bagay na iyon dati, dati akong ganoong uri ng tao. Wala na ba akong pag-asang mailigtas? Ililigtas pa ba ako ng Diyos?” Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang depresyon. Ibinubuhos nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang enerhiya at ginagamit ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin, mga obligasyon, at responsabilidad, at nagagawa pa nga nilang buong puso at isip na hangarin ang katotohanan at pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at pinagsusumikapan nila nang husto ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, sa sandaling may maganap na espesyal na sitwasyon o pangyayari, muli silang nalulugmok sa depresyon, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay may sala. Iniisip nila, “Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mapapatawad ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?” Madalas nilang pinupuna ang kanilang sarili at sa loob-loob nila ay nadarama nila na may sala sila, at palagi silang nagdududa, palaging ginigisa sa pagtatanong ang kanilang sarili. Hindi nila kailanman matalikdan o maiwaksi ang depresyon at palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, bagamat maraming taon na silang nananalig sa Diyos, tila ba hindi nila napakinggan o naunawaan ang anumang sinabi ng Diyos. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kwalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nalulugmok sa depresyon. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang naaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong iniisip, inaalala nila kung paano ito nagsimula at kung paano ito nagwakas, inaalala nila ang lahat mula simula hanggang wakas. Paano man nila ito maalala, palagi nilang nadarama na makasalanan sila, kaya palagi silang nalulugmok sa depresyon tungkol sa bagay na ito sa loob ng maraming taon. Kahit na kapag sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin, kahit na kapag sila ay namumuno sa isang partikular na gawain, pakiramdam pa rin nila na wala silang pag-asa na mailigtas. Samakatuwid, hindi nila kailanman direktang hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan at itinuturing ito bilang isang bagay na pinakatama at pinakamahalaga. Naniniwala sila na ang kanilang mga pagkakamali o ang mga bagay na kanilang nagawa sa nakaraan ay hindi maganda sa paningin ng karamihan, o na maaaring sila ay makondena at kasuklaman ng mga tao, o na makondena pa nga ng Diyos. Nasa anong yugto man ang gawain ng Diyos o gaano man karami ang Kanyang sinabi, hindi nila kailanman hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan sa tamang paraan. Bakit ganito? Wala silang lakas ng loob na talikdan ang kanilang depresyon. Ito ang panghuling konklusyon ng ganitong uri ng tao mula sa kanyang karanasan sa ganitong uri ng bagay, at dahil hindi tama ang kanyang konklusyon, hindi niya kayang talikdan ang kanyang depresyon.

Hindi maiiwasan na maraming tao ang makagawa ng kung anong paglabag, maliit man o malaki, ngunit malamang na iilan-ilan lamang ang nakagawa ng malulubhang paglabag, ang uri ng paglabag na imoral. Hindi natin pag-uusapan dito ang mga nakagawa ng iba’t ibang uri ng mga iba pang paglabag, pag-uusapan lang natin kung ano ang dapat gawin ng mga taong nakagawa ng malulubhang paglabag, at ng mga taong nakagawa ng uri ng paglabag na imoral at hindi etikal. Tungkol naman sa mga taong gumawa ng malulubhang paglabag—at dito ay tinutukoy Ko ang mga paglabag na imoral—hindi kabilang dito ang paglabag sa disposisyon ng Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo. Nauunawaan ba ninyo? Hindi Ko tinutukoy ang mga paglabag sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang diwa, o sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, at hindi Ko rin tinutukoy ang mga paglabag na lumalapastangan sa Diyos. Ang Aking tinutukoy ay ang mga imoral na paglabag. Kailangan ding matalakay kung paano malulutas ng mga taong nakagawa ng mga ganitong paglabag ang kanilang nararamdaman na depresyon. Ang gayong mga tao ay may dalawang landas na maaaring tahakin, at ito ay isang simpleng bagay. Una, kung sa iyong puso ay nadarama mong kaya mong kalimutan ang bagay na iyong ginawa, o kung may pagkakataon kang humingi ng tawad at bumawi sa taong nagawan mo ng kasalanan, maaari kang bumawi sa kanya at humingi ng tawad, at ang pagkaramdam ng kapayapaan at kaginhawahan ay babalik sa iyong espiritu; kung wala kang pagkakataon na gawin ito, kung hindi ito posible, kung tunay mong nauunawaan ang iyong sariling problema sa kaibuturan ng iyong puso, kung napagtatanto mo kung gaano kalubha ang bagay na iyong ginawa, at tunay kang nagsisisi, kailangan mong lumapit sa Diyos upang magtapat at magsisi. Tuwing iyong naiisip ang bagay na iyong nagawa at nadarama mong ikaw ay nagkasala, ito mismo ang panahong kailangan mong lumapit sa Diyos upang magtapat at magsisi, at dapat mong ialay ang iyong sinseridad at tunay na mga damdamin upang matanggap mo ang pagpapawalang-sala at kapatawaran ng Diyos. At paano ka mapapawalang-sala at mapapatawad ng Diyos? Ito ay nakasalalay sa iyong puso. Kung tunay kang magtatapat, kung tunay mong kikilalanin ang iyong pagkakamali at problema, at kung ikaw man ay nakagawa ng isang paglabag o ng isang pagkakasala ay magkakaroon ka ng saloobin na tunay na magtapat, tunay kang makakaramdam ng pagkasuklam sa iyong nagawa, at tunay kang magbabago, upang hindi mo na ulit magawa ang maling bagay na iyon, kung magkakagayon ay isang araw, matatanggap mo ang pagpapatawad ng Diyos, ibig sabihin, ang iyong magiging wakas ay hindi na ibabatay ng Diyos sa mga mangmang, hangal, at maruruming bagay na iyong nagawa noon. Kapag nasa ganitong antas ka na, ganap na kalilimutan ng Diyos ang bagay na iyon; ikaw ay magiging katulad na lang ng ibang normal na tao, nang walang anumang pagkakaiba. Gayunpaman, bago ito mangyari ay kailangan mo munang maging sinsero at magkaroon ng tunay na saloobin ng pagsisisi, gaya ni David. Gaano karaming luha ang itinangis ni David para sa nagawa niyang paglabag? Hindi mabibilang ang kanyang iniluha. Ilang beses siyang umiyak? Nakaparaming beses. Maaaring ilarawan ang mga iniluha niya gamit ang mga salitang ito: “Gabi-gabing lumulubog sa aking mga luha ang higaan ko.” Hindi Ko alam kung gaano kalubha ang iyong paglabag. Kung ito ay labis na malubha, maaaring kailangan mong umiyak hanggang ang higaan mo ay lumutang sa iyong mga luha—maaaring kailangan mong magtapat at magsisi sa ganoong antas bago mo matanggap ang pagpapatawad ng Diyos. Kung hindi mo ito gagawin, nangangamba Ako na ang iyong paglabag ay magiging isang kasalanan sa mga mata ng Diyos, at hindi ka mapapawalang-sala rito. Pagkatapos ay magkakaproblema ka at mawawalan na ng saysay na talakayin pa ito. Kaya naman, ang unang hakbang para matanggap ang pagpapawalang-sala at pagpapatawad ng Diyos ay dapat kang maging sinsero at kumilos nang praktikal upang tunay na magtapat at magsisi. May mga taong nagtatanong: “Kailangan ko bang ipagsabi ito sa lahat?” Hindi na ito kinakailangan; magdasal ka na lamang sa Diyos nang mag-isa. Sa tuwing nababalisa ka at nararamdaman mong may pagkakasala ka sa iyong puso, dapat kaagad kang lumapit sa Diyos upang magdasal at tumanggap ng Kanyang pagpapatawad. May mga nagtatanong din: “Gaano karaming dasal ang kailangan kong gawin bago ko malaman na pinatawad na ako ng Diyos?” Kapag hindi mo na nararamdaman na may kasalanan ka sa bagay na ito, kapag hindi ka na nalulugmok sa depresyon dahil dito, iyon na ang panahon na nakapagkamit ka na ng mga resulta, at ipapakita nito na pinawalang-sala ka na ng Diyos. Kapag walang sinuman, walang kapangyarihan, at walang panlabas na puwersa ang makakaistorbo sa iyo, at kapag hindi ka na nasa ilalim ng impluwensya ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, iyon na ang panahon na nakapagkamit ka na ng mga resulta. Ito ang unang hakbang na kailangan mong tahakin. Ang pangalawang hakbang ay ang habang palagi kang lumalapit sa Diyos para sa pagpapawalang-sala, dapat ay aktibo mong hinahanap ang mga prinsipyo na dapat mong sundin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—ito lamang ang magpapahintulot sa iyo na mabuti mong magampanan ang iyong tungkulin. Siyempre, ito rin ay isang praktikal na pagkilos, isang praktikal na pagpapahayag at saloobin na nagiging pambawi sa iyong kasalanan, at na nagpapatunay na ikaw ay nagsisisi at nagbago na; ito ay isang bagay na dapat mong gawin. Gaano kaayos mo nga bang ginagampanan ang iyong tungkulin, ang gawain na ibinibigay sa iyo ng Diyos? Hinaharap mo ba ito nang may saloobin na lugmok sa depresyon, o gamit ang mga prinsipyong hinihingi sa iyo ng Diyos na sundin? Iniaalay mo ba ang iyong katapatan? Ano ang dapat maging batayan ng Diyos para pawalang-sala ka? Nagpakita ka ba ng anumang pagsisisi? Ano ang ipinapakita mo sa Diyos? Kung nais mong matanggap ang pagpapawalang-sala ng Diyos, kailangan mo munang maging tapat: Dapat kang magkaroon ng saloobin na taimtim na magtapat, at kailangan mo ring ialay ang iyong sinseridad at maayos na gampanan ang iyong tungkulin, kung hindi ay wala nang dapat pag-usapan pa. Kung magagawa mo ang dalawang bagay na ito, kung maaantig mo ang Diyos sa iyong sinseridad at tapat na pananampalataya, at mapapawalang-sala ka ng Diyos sa iyong mga kasalanan, magiging kagaya ka ng ibang tao. Titingnan ka ng Diyos sa paraang katulad ng pagtingin Niya sa ibang tao, pakikitunguhan ka Niya sa paraang katulad ng pakikitungo Niya sa ibang tao, at hahatulan, kakastiguhin, susubukin at pipinuhin ka Niya sa paraang katulad ng ginagawa Niya sa ibang tao—hindi magiging iba ang magiging pagturing sa iyo. Sa ganitong paraan, hindi ka lamang magkakaroon ng determinasyon at pagnanais na hangarin ang katotohanan, kundi ikaw ay bibigyang-liwanag, gagabayan, at tutustusan din ng Diyos sa parehong paraan sa iyong paghahangad sa katotohanan. Siyempre, dahil ngayon ay mayroon ka nang sinsero at tunay na hangarin at isang taimtim na saloobin, hindi magiging iba ang pagtrato sa iyo ng Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang iba at, tulad ng ibang tao, magkakaroon ka ng pagkakataon na mailigtas. Nauunawaan mo ito, tama? (Oo.) Ang paggawa ng malubhang paglabag ay isang espesyal na kaso. Hindi natin maaaring sabihing hindi ito nakakatakot; ito ay isang napakalubhang problema. Hindi ito katulad ng ordinaryong tiwaling disposisyon o ng isang tao na may mga maling kaisipan at pananaw. Ito ay isang bagay na aktuwal na nangyari, na naging totoo, at na nagdudulot ng malulubhang kahihinatnan. Ito ang dahilan kung bakit ito ay dapat harapin sa espesyal na paraan. Gayunpaman, ito man ay haharapin sa isang espesyal na paraan o sa isang normal na paraan, palaging may daan pasulong at isang paraan para malutas ito, at ito ay nakadepende sa kung makapagsasagawa ka nang alinsunod sa mga gawi at pamamaraan na sinasabi at itinuturo Ko sa iyo. Kung talagang magsasagawa ka sa ganitong paraan, ang iyong pag-asa na makamtan ang kaligtasan sa huli ay magiging kagaya ng sa ibang tao. Siyempre, ang paglutas sa lahat ng ito ay hindi lamang para makaalis na sa depresyon ang mga tao. Sa pamamagitan ng paglutas sa kanilang depresyon, ang pinakalayunin ay ang mapangasiwaan nila nang tama ang lahat ng bagay na ito na nasa saklaw ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao kapag sila ay nakakasalamuha ng mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi sila dapat umabot sa sukdulan, at hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo; dapat ay mas hanapin nila ang kalooban ng Diyos at ang katotohanan, gampanan ang mga responsabilidad at tungkulin na dapat gampanan ng isang nilalang, hanggang sa huli ay kaya na nilang tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Kapag ang mga tao ay nakapasok na sa ganitong realidad, unti-unti na nilang mapapasok ang landas ng kaligtasan, at sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng pag-asa na makamtan ang kaligtasan. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang landas kung paano malulutas ang depresyon na nagmumula sa malulubhang paglabag? (Oo, malinaw na ito.)

Mahirap bang problema ang paglutas ng depresyon? Sa tingin Ko ay napakahirap nito, dahil kabilang dito ang mahahalagang usapin sa buhay, kabilang dito ang landas na tinatahak ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kung makakamtan ba nila ang kaligtasan sa hinaharap o kung mawawalan ba ng saysay ang kanilang pananampalataya—ito ay isang malaking isyu. Sa panlabas, ang makikita ay ang isang emosyon, ngunit ang totoo ay may mga dahilan sa paglitaw ng emosyong ito. Malinaw Akong nakipagbahaginan tungkol sa mga dahilan na ito ngayong araw, naglatag Ako ngayon ng isang daan pasulong upang malutas ang suliranin ng mga sanhi nito, kaya, hindi ba’t agad nang malulutas ngayon ang damdamin ng depresyon? (Oo, maaari na itong malutas.) Sa teorya, naresolba na ito. Sa pamamagitan ng pagkaunawa sa doktrina, at pagkukumpara ng doktrinang ito sa mga nagawa mo noon, paggamit ng doktrinang ito bilang batayan upang unti-unting malutas ang iyong mga suliranin sa buhay, ang mga suliranin sa iyong pag-iisip, at patuloy na pagsunod sa landas na ito, maaari ka nang unti-unting tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang iyong opinyon sa paraang ito ng paglutas sa suliranin? (Maganda ito.) Ganito dapat lutasin ng mga tao ang suliranin. Kung hindi nila ito gagawin, ang mga komplikadong suliraning nasa kanilang kalooban—ang mga suliranin sa kanilang pag-iisip, ang mga suliranin sa kanilang puso, ang mga isyu sa kanilang mentalidad, pati na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—mahigpit silang maigagapos ng mga bagay na ito. Ganito sila nagagapos at nabibitag, palagi silang nagdurusa at pagod na pagod, hindi nila alam kung dapat ba silang tumawa o umiyak, at hindi sila kailanman makahanap ng paraan upang makaalpas. Kapag tapos ka nang makinig sa pagbabahaginan ngayong araw, maaari mo itong maingat na pag-isipan at maaari kang magkaroon ng doktrinal na pagkaunawa rito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng iyong mga praktikal na karanasan at personal na karanasan sa iyong pang-araw-araw na buhay, maaari ka nang unti-unting makaalpas sa mga negatibong damdamin na ito at sa iba’t ibang kalagayan ng iyong mga tiwaling disposisyon. Kapag nakaalpas ka na sa mga ito, maliban sa tunay kang magiging libre at malaya, at maliban sa nakapasok ka na sa katotohanang realidad, ang pinakamahalaga, nauunawaan mo na ang katotohanan, nakamit mo na ang katotohanan, at maisasabuhay mo na ang katotohanang realidad. Sa gayon, magiging labis kang kapaki-pakinabang, at ikaw ay mamumuhay nang makabuluhan. Gusto niyo bang mamuhay nang ganoon? (Oo.) Karamihan sa mga tao ay nais na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad, at ayaw nilang gugulin ang buong buhay nila sa mga negatibong damdamin ng laman, mahahalay na pagnanasa ng laman, mga makamundong kalakaran, at mga tiwaling disposisyon—ang ganoong buhay ay masyadong mahirap at nakakapagod. Magkakaroon ba ng magandang resulta ang iyong buhay kung ikaw ay mabubuhay sa mga tiwaling disposisyon at negatibong damdamin na ito? Ang mabuhay sa mga negatibong damdamin na ito ay ang mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Para itong pamumuhay sa isang gilingan ng karne—sa malao’t madali ay mawawasak ka, at mahihirapan kang makalabas. Gayunpaman, kung matatanggap mo ang katotohanan, mayroon kang pag-asa na matalikdan ang kalituhan at pasakit, at magagawa mong takasan ang pasakit na nagmumula sa pagkatali at pagkalito sa mga negatibong damdamin.

Ang una Ko sanang plano ay ang makipagbahaginan tungkol sa higit sa isang paksa ngayong araw, ngunit tumagal ang Aking pakikipagbahaginan tungkol sa depresyon. Maraming kailangang talakayin sa anumang usapin; walang malinaw na maipapaliwanag sa pamamagitan ng ilang salita lamang. Anuman ang Aking tatalakayin, hindi pwedeng ipapaliwanag Ko lang ang doktrina ng isang usapin at titigil na Ako roon. Ang anumang usapin ay naglalaman ng maraming aspeto ng katotohanan at realidad; kabilang dito ang mga iniisip at opinyon ng mga tao, ang mga gawi at pamamaraan ng kanilang pag-asal, ang landas na kanilang tinatahak, at ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa inyong pagkakamit ng kaligtasan. Hindi Ako maaaring maging pabaya kapag Ako ay nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o sa isang paksa, at dahil dito, sinusubukan Ko ang lahat ng paraan na kaya Ko, tulad ng isang makulit na lola, para paulit-ulit na sabihin sa inyo ang mga bagay na ito. Huwag kayong magreklamo na ito ay nakakaabala, at huwag din kayong magreklamo na ito ay napakahaba. Maaaring natalakay Ko na ang isang paksa noon, kaya bakit Ko pa ito tatalakayin ulit? Kung muli Ko itong tatalakayin, mapapakinggan ninyo itong muli at maaari ninyo itong ituring na isang pagbabalik-aral. Okey lang iyon, hindi ba? (Oo.) Sa madaling salita, dapat ninyong maingat na harapin ang mga usaping may kaugnayan sa katotohanan at sa landas na tinatahak ng mga tao, at hindi dapat kayo maging pabaya. Habang nagiging mas detalyado at partikular ang Aking pagtatalakay, mas nagiging detalyado at malinaw ang inyong pagkaunawa sa ugnayan ng iba’t ibang katotohanan sa isa’t isa, pati na rin sa mga pagkakaiba at koneksyon ng mga detalye sa pagitan ng mga ito, maliban pa sa ibang mga aspeto. Kung tatalakayin Ko lamang ang pangkalahatan at kabuuan ng ilang bagay, mahihirapan kayong maunawaan at mapasok ang mga ito, at magiging nakakapagod para sa inyo na subukang pagnilay-nilayan at unawain ang mga bagay na ito nang kayo-kayo lang, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, ang ating paksa ngayong araw—ang kapalaran, suwerte, at ang mga negatibong damdamin na nagmumula sa mga partikular na paglabag ng mga tao sa nakaraan—hindi ninyo maiisip ang mga bagay na ito nang kayo lang, at kahit pa maisip ninyo ang mga ito, hindi mo malulutas ang mga ito. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan sa loob ng mga bagay na ito, hindi mo kailanman matatagpuan ang tamang sagot sa usapin ng mga nagawa mong paglabag sa nakaraan, at ito ay palagi na lamang mananatiling isang misteryo sa iyo, habang-buhay kang mababagabag at matatali nito, at pagkakaitan nito ang kaibuturan ng iyong puso ng kapayapaan, kasiyahan, kalayaan, at kaginhawahan. O maaaring dahil hindi mo pinangasiwaan nang tama ang usapin at hindi mo sinunod ang tamang landas, nakaapekto ito sa iyong pagkamit ng kaligtasan. Sa huli, ang ilang tao ay tinalikdan at pinaalis. Bakit nangyari ito? Ito ay dahil may ginawa silang mga kahindik-hindik na bagay noon at hindi nila maayos na napangasiwaan ang mga ito at hindi sila napawalang-sala para sa mga ito. Ang kanilang puso ay palaging natatali sa mga bagay na ito; wala silang ganang hangarin ang katotohanan, pabaya sila sa pagganap sa kanilang tungkulin, hindi sila nakapasok sa katotohanang realidad, at nadama nilang tila ba wala silang pag-asa na mahangad ang katotohanan. Dinala nila ang negatibong pananaw na ito hanggang sa pinakawakas, hindi nila kailanman tinalakay ang kanilang mga patotoo batay sa karanasan, at hindi nila natamo ang katotohanan. Doon lamang nila naramdaman ang pagsisisi, ngunit huli na. Kung gayon, may kinalaman ba ang lahat ng usaping ito sa katotohanan at sa pagkamit ng kaligtasan? (Mayroon.) Huwag mong isipin na hindi umiiral ang mga ito dahil lang sa hindi pa nangyari ang mga bagay na ito sa iyo, o hindi pa ito nangyari sa iba, o hindi pa ito nangyari sa mga tao sa paligid mo. Pakinggan mo Ako, maaaring may nagawa ka nang mga hindi magandang bagay noon na hindi pa nagdudulot ng anumang nakatatakot na kahihinatnan, o marahil noon o ngayon ay nababalot ka ng ganitong negatibong damdamin, subalit hindi mo ito napansin at namalayan, at isang araw ay may totoong nangyari at ang damdaming ito ay malalim na nakaapekto sa iyo at nagdulot ng malalalang kahihinatnan. Kapag malalim mong inimbestigahan ang iyong sarili ay saka mo lang matutuklasan na nababalot ka na pala sa ganitong negatibong damdamin sa loob ng maraming taon o mas matagal pa, nang hindi mo namamalayan. Iyon ang dahilan kaya kinakailangan ng mga tao na patuloy na pag-isipan, pagnilay-nilayan, unawain, pahalagahan, at maranasan ang mga bagay na ito upang unti-unti nilang matuklasan ang mga ito. Siyempre, ang matuklasan ang mga bagay na ito sa wakas ay isang napakagandang balita para sa iyo at isang malaking oportunidad para makamit ang kaligtasan. Kapag natuklasan mo nga ang mga ito, ito na ang pagkakataon o pag-asa mo na matalikdan ang mga ito, at ang mga sinabi Ko ngayon ay hindi mawawalan ng saysay. Walang katotohanan, walang paksa, at walang mga salita ang maaaring lubusang maunawaan at maranasan sa loob lang ng isa o dalawang araw. Dahil ito ay may kinalaman sa katotohanan, may kinalaman ito sa sangkatauhan, sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa landas na tinatahak ng mga tao, at sa pagkamit ng kaligtasan ng mga tao. Kaya naman, hindi mo pwedeng balewalain ang alinmang katotohanan, bagkus ay dapat mong pangasiwaan nang maingat ang lahat ng ito. Kahit hindi pa ninyo lubusang nauunawaan ang mga katotohanang ito at hindi ninyo alam kung paano suriin ang inyong sarili upang makita ang mga problema ninyo ayon sa mga katotohanang ito, marahil pagkatapos mong maranasan ang mga ito nang ilang taon ay ililigtas ka ng mga katotohanang ito mula sa pagkakahawak ng iyong mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay magiging ang mahahalagang katotohanang magliligtas sa iyo. Kapag nangyari iyon, aakayin ka ng mga katotohanang ito patungo sa tamang landas sa buhay, at marahil sa loob ng sampung taon o higit pa ay lubos nang nabago ng mga salitang ito at ng mga katotohanang ito ang iyong mga kaisipan at pananaw at lubos nang nabago ng mga ito ang iyong mga layunin at direksyon sa buhay.

Diyan na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayong araw. Paalam!

Oktubre 1, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.