Paano Hangarin ang Katotohanan (9) Ikalimang Bahagi

Kabutihang‑loob

Ang susunod na pagpapamalas ay ang kabutihang‑loob. Ang pagpapamalas na ito ay isang merito ng pagkatao. Matapos ng napakarami nating tinalakay, umabot na tayo sa wakas sa isang merito ng pagkatao; tunay na hindi marami ang mga merito ng pagkatao. Ang kabutihang‑loob ay isang klase ng merito ng pagkatao. Sapagkat isa itong merito, kailangan natin itong pag-usapan nang detalyado dahil karamihan sa mga tao ay hindi nagtataglay ng mga pagpapamalas ng ilang merito ng pagkatao na matatagpuan sa mga tao. Kaya, tingnan natin; saan matatagpuan ang mga merito ng kabutihang-loob? (Ang kabutihang-loob ay nangangahulugan na medyo taos-puso ang isang tao. Kapag pinangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay, medyo napapanatag ang iba. Nagbubuhat sila ng pasanin para mapangasiwaan nang maayos ang mga gampaning ipinagkatiwala sa kanila.) (Ang mga taong mabuti ang loob ay medyo may mabuting wastong asal, isasaalang-alang nila ang iba, at iisipin ang kapakanan ng iba.) Iniisip ang kapakanan ng iba—isa itong marangal na gawi! Marangal ang mga gayong tao, pero napakarangal ba ng kabutihang‑loob? (Hindi.) Ang kabutihang‑loob ay nangangahulugan lang na hindi gaanong masalimuot ang mga kaisipan ng isang tao; siya ay medyo simple lang, hindi taksil; siya ay mapagbigay at hindi malupit sa iba, at hindi siya nagkakalkula ng mga pansariling pakinabang at kawalan kapag nakikisalamuha sa iba. Kapag may nang-iinsulto sa kanya, at saglit na sumasama ang loob niya, pero pagkatapos ay iisipin niya, “Kalimutan na lang natin,” at kakalimutan na niya ang isyu. May isang taong matagal nang may utang na pera sa kanya, nang hindi nagbabayad, at pinag-iisipan niya ito: “Nakakahiya naman kung sisingilin ko siya na magbayad. Isa pa, mahirap ang lagay niya, at noong panahong iyon, mas nakaluluwag ako kaysa sa kanya. Pinahiram ko ang pera, at iyon na iyon. Iisipin ko na lang na pagtulong ito sa mahihirap.” Kita mo, ang mga kaisipan niya ay medyo mapagbigay at mapagparaya. Halimbawa, kapag nagkakamali ng pag-unawa sa kanya ang iba, hindi niya ito iniintindi at hindi niya ipinagtatanggol ang kanyang sarili. Kapag hinuhusgahan siya ng iba at tinatawag siyang hangal, wala siyang pakialam. Kapag ginagawa ang kanyang tungkulin, hindi niya nararamdamang nakakapagod ito, at ginagawa niya ang mga bagay na ayaw gawin ng iba. May isang taong nangungutya sa kanya, nagsasabing, “Nagpapahinga ang lahat, kaya bakit nagtatrabaho ka pa rin?” Sasagot siya, “Ano ba ang masama kung magtrabaho pa ako nang kaunti? Hindi naman ako napapagod. Nahahapo ba talaga ang isang tao sa kakatrabaho? Kung hindi ito ginagawa ng iba, hayaan na lang sila. Dahil kaya ko namang gawin ito, magtatrabaho pa ako nang kaunti.” Hindi niya masyadong pinoproblema ang mga gayong usapin at umaaksiyon siya para magawa ang gawain. Hindi niya masyadong pinoproblema ang mga pakinabang at kawalan, ni masyadong pinoproblema ang reputasyon o katayuan. Kahit siya mismo ay nagdurusa ng mga kawalan, hindi niya ito binabanggit. Kapag nahaharap sa mga suliranin ang iba, nagkukusa siyang tumulong. Ang pagtulong niya ay walang sariling intensiyon at layunin, at kung nais man ng iba na suklian siya ng pabor, pakiramdam niya ay hindi malaking bagay ang kaunting pagtulong at isa itong bagay na dapat niyang gawin. Kahit hindi pinahahalagahan ng iba ang tulong na ibinigay niya, hindi niya pinoproblema ang mga gayong bagay. Kapag oras na para tumulong sa iba, tutulong pa rin siya. Marami bang gayong mga tao? (Hindi marami.) Hindi marami ang gayong mga tao. Bagama’t may mabuting kalooban sila, mayroon silang mga partikular na hangganan sa kanilang pag-asal. Halimbawa, may ilang tao na palaging gustong samantalahin ang gayong tao na may mabuting kalooban, itinuturing ito na isang hangal. Pagkatapos magsamantala, nagsasabi sila ng matatamis na salita para palambutin ang loob ng taong ito, at pagtagal-tagal, sasamantalahin nila itong muli. Kapag nakita ng taong may mabuting kalooban na walang katapusan ang ganitong pagtrato, hindi niya ito pinoproblema, hindi siya nakikipagtalo, o nangangatwiran sa kanila. Sa puso niya, alam niya na hindi mabuti ang gayong mga tao at hindi angkop pakisamahan, kaya hindi na niya pinapansin ang mga ito mula noon. Gayumpaman, hindi niya hinuhusgahan ang mga ito nang patalikod. Sa pinakamalubha, kapag may nagtatanong tungkol sa ganitong uri ng tao, sinasabi niya, “Gusto lang ng taong iyon na makapagsamantala nang kaunti.” Hindi siya nagiging eksaherado, at hindi rin niya hinuhusgahan ang mga tao nang may pagkamainitin ng ulo; tinatalakay lang niya ang partikular na isyu. Talagang maganda ang pagkatao ng mga taong may mabuting kalooban. Ang kanilang merito ay na hindi nila masyadong pinoproblema ang mga bagay-bagay. Anuman ang ginagawa nila, hindi sila kumikilos batay sa pagkamainitin ng ulo, mga emosyon, o mga damdamin; ginagawa lang nila ang nararapat gawin ng mga tao at tinutupad ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Sa loob ng saklaw ng mga normal na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, ginagawa nila ang dapat nilang gawin; anuman ang kaya nilang gawin, ginagawa nila ang buong makakaya nila para gawin ito, nagsusumikap na tulungan ang iba, at ginagawa nila ito nang taos‑puso at taimtim. Ang ilan sa kanila ay ni hindi nga naghahangad ng anumang gantimpala, iniisip nila, “Tumutulong lang ako. Hindi mo kailangang maramdaman na malaki ang utang mo sa akin, o hindi mo kailangang maramdaman na hindi mo ako kailanman masusuklian dahil lang sa may ganitong maliit na utang na loob ka sa akin, palaging kumikilos na parang alipin at sobra-sobrang magalang sa harap ko. Hindi iyon kinakailangan.” Ang gayong mga indibidwal ang may pinakamabuting pagkatao sa gitna ng mga tao. Hindi sila taksil, hindi rin sila malupit sa iba. Sila ay mapagmalasakit, at may mabait na parte sa kanilang pagkatao. Ginagawa nila ang anumang kaya nilang gawin, hindi nila masyadong pinoproblema ang mga pansariling pakinabang at kawalan, at wala silang masyadong pakialam sa mga gantimpala. Isa itong merito ng pagkatao. Tumingin kayo sa paligid ninyo at tingnan kung sino ang nagtataglay ng gayong mga merito. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng gayong karakter, maituturing siyang isang mabuting tao, isang disenteng tao, sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Hindi niya pinoproblema ang mga bagay-bagay, hindi siya taksil, hindi malupit sa iba, at tinutulungan niya ang iba nang hindi naghahangad ng pakinabang. Siya ay lubos na mapagparaya sa iba at mapagbigay-loob sa kanyang sariling asal. Ano ang ibig sabihin ng pagiging lubos na mapagbigay-loob? Nangangahulugan ito ng hindi pamomroblema sa maliliit na usapin nang walang katapusan, at hindi pagkikimkim ng sama ng loob kapag sinasamantala siya ng iba. Ito ay tinatawag na pagiging mapagbigay-loob, at isa itong malaking merito ng pagkatao. Isa ring merito ang kabutihang-loob, at ang pagiging mapagbigay-loob ay isang merito rin. Hindi ito katulad ng mga makitid ang isip, madaling maghinala, sensitibo, at matigas ang ulo—walang katapusang pinoproblema ng mga taong ito ang maliliit na usapin, agad-agad silang nagagalit, napupuno ng galit, mayroong nakakatakot na malamig na ekspresyon, hindi pinapansin ang sinumang nakikipag-usap sa kanila, at wala nang ibang iniisip kundi ang maghiganti sa iba. Wala sa mga ito ang mga bagay na dapat taglayin ng mga normal na tao. Ang mga taong may mabuting kalooban ay wala niyong mga komplikadong usapin sa kanilang mga kaisipan, ni walang kahina-hinalang mga kaisipan tungkol sa iba. Ang lahat ng nasa puso nila ay kung ano ang dapat taglayin ng mga normal na tao; partikular na umaayon ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao, pati na sa pamantayan ng isang pagpapahalaga sa katarungan at kabutihan sa pagkatao. Kapag nakikisalamuha ka sa kanila, napakaluwag ng pakiramdam mo at pakiramdam mo ay napakasimple ng mga bagay-bagay—hindi gaanong marami ang mga mapanggulong usapin, at hindi mo kailangang magbantay laban sa anumang bagay. Hindi mo kailangang bumuo ng haka-haka tungkol sa mga kaisipan nila o manghula. Kahit aksidenteng masaktan mo sila, hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa anumang kahihinatnan—siyempre, hindi mo rin kailangang magpasan ng anumang kahihinatnan. Posible na kapag galit ka, nagiging mainitin ang ulo mo at sumisigaw ka ng ilang malupit na salita sa kanila, at sa mga oras na iyon, nakikipag-away at nakikipagtalo rin sila sa iyo, pero pagkatapos ng pagtatalo, hindi sila nagkikimkim ng sama ng loob, ni magpapakana laban sa iyo o maghihiganti sa iyo. Hindi mo kailangang mag-alala na kung magkamit man sila ng katayuan, pahihirapan ka nila o hahanapan ka nila ng mali, ni hindi mo kailangang mag-alala na pupuntiryahin ka nila nang walang dahilan. Wala silang ganoong mga bagay sa loob nila—sadyang ganito sila kasimple. Tiyak na hindi sila patuloy na magkikimkim ng mga bagay na ito laban sa iyo mula sa puntong iyon. Sa sandaling matapos na ang usapin, tapos na ito. Pagkatapos, kapag kinakausap ka nila, tinatrato ka pa rin nila nang normal. Kahit pa galit sila noong oras na iyon at nakipag-away sa iyo, hindi sila nagkikimkim ng sama ng loob laban sa iyo pagkatapos. Alam nilang nakapagsalita ka lang ng ilang galit na salita, at kaya nilang intindihin ito: “Sino ba ang hindi nakakapagsalita ng malulupit na salita kapag nagagalit? Hindi naman ito sinasadya. At saka, mayroong mga tiwaling disposisyon ang lahat ng tao, ang lahat ay may mga oras kung kailan masama ang lagay ng kalooban nila, at ang lahat ay may pagkamainitin ng ulo. Pagkatapos, basta’t huminahon ang lahat, umamin sa kanilang mga pagkakamali, at magnilay-nilay sa katunayan na nagbunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, at nabigong kumilos ayon sa mga prinsipyo, ayos lang iyon.” Patatawarin ka nila, hindi tulad ng masasamang tao, na walang humpay na tumutugis sa iyo at hindi titigil hanggang sa masira ka nila. Karaniwang walang hilig sa paghihiganti ang mga taong may mabuting kalooban. Kung may ginagawa ka na nakakasakit ng loob nila, maaaring kamumuhian ka nila minsan, pero tiyak na hindi nila lalabagin ang moralidad ng pagkatao at hindi sila gagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para pahirapan ka. Kahit may mga tiwaling disposisyon sila at maaaring magsabi o gumawa sila ng ilang bagay batay sa mga tiwaling disposisyong iyon—gaya ng pagbanggit ng mga pagkakamaling nagawa mo noon o pagpupungos sa iyo—hindi sila mag-iimbento ng mga bagay-bagay nang walang basehan o gagamit ng kapangyarihang taglay nila para atakihin o paghigantihan ka. Kahit gusto ka nilang atakihin o gantihan at mayroon silang ganitong uri ng tiwaling disposisyon, dahil tinataglay ng kanilang pagkatao ang merito ng kabutihang‑loob, kapag gusto nilang maghiganti, mapipigilan sila, at magagawa nilang panatilihin ang mga bagay-bagay sa mga wastong hangganan. Kung kaya pa ring kamtin ng isang tiwaling taong may kapangyarihan ang antas na ito, ito ay talagang kapuri-puri. Ang karamihan sa mga tao, kung hindi nila taglay ang meritong ito, ay hindi nakakapagkamit ng kahit ganitong antas ng pagpipigil at hindi nila maiwasan na atakihin at paghigantihan ang iba.

Ang pagpapamalas o pagbubunyag ng kabutihang-loob ay isang merito ng pagkatao. Ang meritong ito ng pagkatao, sa malaking bahagi, ay pipigil o magpapaalala sa mga tao, binibigyang-kakayahan sila na magkamit ng isang partikular na antas ng kontrol at pagpipigil kapag nabubunyag ang kanilang tiwaling disposisyon. Kung ang gayong taong may mabuting kalooban ay isang taong may espirituwal na pang-unawa, na kayang umarok sa katotohanan at tumanggap sa katotohanan, kung gayon, ang meritong ito ng pagkatao niya ay maaaring magbigay-kakayahan sa kanya na sumunod sa mga katotohanang prinsipyo nang mas mahigpit kapag tinitingnan niya ang mga tao at bagay, at kapag umaasal at kumikilos siya, hindi ba’t ganoon? (Oo.) Sa kabilang banda, ang isang tusong tao ay mas matinik at naiiba sa isang taong may mabuting kalooban. Pagkatapos gumawa ng masamang bagay, hindi lamang siya hindi nagninilay-nilay sa kanyang sarili, kundi pinatitindi pa niya ang kanyang maling gawain at ipinagpapatuloy ito hanggang wakas. Ginagawa siya nito na isang diyablo, ganap na salungat sa mga prinsipyo ng pagkilos ng isang taong may mabuting kalooban. Halimbawa, kung ang isang tao ay may mabuting kalooban at nagtataglay ng meritong ito ng pagkatao, kung gayon, kapag nakikipagtalo sa iyo, nagsasalita siya batay sa mga katunayan. Hindi siya magiging eksaherado, mag-iimbento ng ilang negatibong bagay tungkol sa iyo nang walang basehan, o sisiraan ka at iinsultuhin ang iyong integridad dahil galit siya sa iyo. Talagang hindi niya gagawin ang mga ganoong bagay. Kapag nakikipagtalo sa iyo, maaaring magbunyag siya ng isang mayabang o malupit na disposisyon, pero ang mga salitang sinasabi niya ay ganap na napipigilan ng kanyang konsensiya, katwiran, at pagkataong may kabutihang-loob. Sa ganitong paraan, sa isang partikular na antas, nababawasan ang tindi ng pinsalang naidudulot niya sa iyo. Gayumpaman, ang masasamang tao ay walang aspekto ng kabutihang-loob ng pagkatao. Paano ba nag-aaway ang masasamang tao? “Isa kang puta, isang pokpok! Iniinsulto at isinusumpa ko ang walong henerasyon ng mga ninuno mo!” Magsasabi sila ng iba’t ibang uri ng malupit at mapaminsalang bagay. Ganito ang masasamang tao—ubod ng sama ang karakter nila. Hindi sa mga katunayan ibinabatay ng ilang taong may ubod ng samang karakter ang kanilang pang-iinsulto. Bakit hindi nila ibinabatay ang mga ito sa mga katunayan? Dahil wala silang konsensiya at hindi nila natutugunan ang mga pamantayan ng konsensiya. Kapag iniinsulto nila ang iba, hindi sila nililimitahan ng kanilang konsensiya. Walang pakundangan silang nambabato ng pang-aabuso, sinasabi ang anumang mga insultong maisip nila. Anumang mga salita ang makakapagbulalas ng kanilang pagkamuhi, makakasugat nang malalim sa puso mo, at magpapabaliw sa iyo sa galit—iyon ang mga salitang sasabihin nila. Halos ikamamatay mo sa sobrang galit ang mga pang-iinsulto nila. Ang gayong mga tao ay walang kabutihan sa puso nila at puno sila ng pagkamapaminsala. Ang pangunahing ibinubunyag ng masasamang tao ay kayabangan at kalupitan, ang dalawang uri ng disposisyong ito. Sa diwa, ang mga salitang ibinabato nila ay naghahatid ng mga sumpa, puno ng pagkamapaminsala ni Satanas, at may sapat na mapangwasak na kapangyarihan; kaya pa nga nilang magbato ng pinakamapaminsalang salita ng pagsumpa. Kung may pagkatao ka o kung ang pagkatao mo ay may kabutihang-loob, hindi mo kayang sabihin ang gayong mga pang-iinsulto; higit pa rito, hindi mo kayang mag-imbento ng mga bagay-bagay nang walang basehan. Ito ay dahil may pakiramdam ka ng konsensiya at mayroon kang pagkamakatwiran, at labis kang napipigilan at nakokontrol ng aspekto ng pagiging mabait at may mabuting kalooban sa iyong konsensiya, ginagawang imposible na makapagsabi ka ng gayong mga pang-iinsulto. Kapag may isang taong nang-iinsulto sa iyo, nakakaramdam ka ng galit at gusto mong insultuhin ang walong henerasyon ng kanyang mga ninuno at isumpa siya, sinasabing dapat siyang mapunta sa impiyerno, pero pinag-iisipan mo ito nang mabuti: “Ano ba ang karapatan ko para isumpa siya? Hindi ako Diyos, at hindi ako ang may huling salita.” Gusto mo rin silang gantihan ng insulto gamit ang mga bulgar na salita, pero pinag-iisipan mong mabuti: “Kapag gagamit ako ng mga bulgar na salita, maging ako sa sarili ko ay makakaramdam ng pagkasuklam—ano na lang ang iisipin sa akin ng mga taong nasa paligid ko? Hindi ba’t mangangahulugan iyon na wala akong integridad o dignidad? Hindi ba’t kikilos ako na parang palaaway? Hindi ako magiging ganoong uri ng tao.” Hindi mo sila magawang insultuhin. Kaya, sa malaking parte, napipigilan ang pananalita mo, at napakalimitado ng kung ano ang nagagawa mong sabihin. Sa pinakamalubha, maaaring sabihin mo, “Satanas ka, malubha ang iyong tiwaling disposisyon, hindi mo makakamit ang kaligtasan, at ayaw sa iyo ng Diyos.” Maaaring, sa pinakamalubha, makapagsasabi ka ng ilang ganoong bagay, pero pagkatapos ay pinag-iisipan mo nang mabuti: “Hindi ako ang magpapasya kung ayaw ng Diyos sa isang tao,” at kaya wala kang kumpiyansa kapag sinasabi mo iyon. Kapag iniinsulto at isinusumpa ka ng isang tao, sinasabi sa iyo na magpunta sa ikalabingwalong antas ng impiyerno, iniisip mo: “Ang sumpain ang isang tao, sinasabihan siya na magpunta sa ikalabingwalong antas ng impiyerno—masyado namang malupit ang mga salitang iyon! Hindi ko kayang sabihin ang ganoong bagay. Kailangan kong maging mas banayad sa mga salita ko!” Bakit nagagawa mong magkaroon ng mga ganitong kaisipan? Dahil ang umiiral sa loob ng iyong pagkatao ay naiiba sa kung ano ang nasa masasamang tao. Kung mayroon kang mabuting kalooban at mabait ka, at mayroon kang konsensiya at katwiran, magiging napakamakatwiran ng mga salitang sinasabi mo. Sa loob ng mga hangganan ng iyong konsensiya, maaaring magsabi ka ng ilang galit na salita o makapagbitaw ng ilang bastos na salita, pero pagkatapos sabihin ang mga iyon, ikaw mismo ay nakakaramdam ng sama ng loob at hindi mo nasaktan ang ibang tao—walang mapangwasak na lakas ang mga salita mo. Mas lalong natutuwa ang masasamang tao habang mas iniinsulto nila ang iba, samantalang ikaw naman, mas sumasama ang loob mo habang mas iniinsulto mo ang iba—iniisip mo: “Huwag na lang, ang magpakababa sa antas na kapareho ng sa ganoong kasuklam-suklam na karakter at masamang tao ay walang kuwenta at walang kabuluhan. Hindi na ako makikipag-away sa kanya.” Ang pakikipagtalo sa isang masamang tao ay lubos na hindi epektibo gaya ng pagsubok na makipag-usap kay Satanas tungkol sa katotohanan. Hindi kailangang makipagtalo sa kanila o mamroblema sa mga bagay dahil sa kanila. Iwasan mo na lang ang gayong mga tao sa hinaharap. Iisipin mo ba na ipahamak sila? Iisipin mo ba na maghiganti sa kanila at maghanap ng pagkakataon para turuan sila ng leksiyon? Wala kang ganoong kalupit na puso. Paulit-ulit mo lang na sinasabi sa sarili mo, “Hindi bale na. Walang anumang kawalan na idinulot sa akin ang ilang pang-iinsulto mula sa kanila; hindi ko na ito poproblemahin.” Inaalo pa nga ng ilang tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsasabing, “Tutal, hindi naman ako isinumpa ng Diyos. Walang anumang epekto ang mga sumpa nila.” Sa katunayan, dahil mayroon kang konsensiya at katwiran, at ikaw ay may mabuting kalooban at mabait ka sa loob ng iyong pagkatao, sadyang hindi mo kayang sabihin ang mga pang-iinsultong iyon. Marumi at mapanghamak ang tingin mo sa mga iyon. Kung lalabas sa bibig mo ang mga salitang iyon, mararamdaman mo na lumalabag ang mga iyon sa iyong konsensiya. Lalo na pagdating sa mga imbento o mga walang batayang usapin, mas lalo pang hindi mo kayang sabihin ang mga iyon. Ang hindi magawang sabihin ang mga iyon, para sa iyo, ay isang pananggalang. May malaking mapangwasak na kapangyarihan ang mga salita nila at nakapagdulot sa iyo ng pinsala—ito ang masamang gawa nila. Paano nagkaroon ng ganitong masamang gawa? Dahil naglalaman ng mga ubod ng samang katangian ang kanilang pagkatao. Kapag nakikipaghidwaan o nakikipagtalo sila sa iyo, lumolobo ang kanilang tiwaling disposisyon nang walang hangganan, at kaya ka nilang isumpa nang walang pakundangan. Mayroon sila ng ganitong uri ng ubod ng samang karakter, kaya likas na nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon. Sa kabilang banda, kung isa kang taong may mabuting kalooban at mabait, na may konsensiya, katwiran, at pagkatao, sa ganitong uri ng sitwasyon, bukod sa hindi mo ibubulalas ang iyong tiwaling disposisyon, labis ding pipigilan ng iyong pagkatao ang pagkakabunyag ng iyong tiwaling disposisyon. Labis itong nakakabuti para sa iyo. Sa panlabas, tila nagdusa ka ng kawalan, na dehado ka, at hindi mo sila matalo sa awayan, nagiging isang katatawanan ka ng iba. Sa katunayan, pinrotektahan ka ng pagkatao mo, pinipigilan kang makagawa ng kasamaan, gumawa ng mga bagay na hindi kalugod‑lugod para sa Diyos, o magsabi ng mga salita na hindi kalugod‑lugod para sa Diyos. Sa ganitong paraan, hindi ba’t, sa ilang antas, pinrotektahan ka nito? (Oo.) Ang meritong ito ng pagkatao ay labis na nagprotekta sa iyo, pinipigilan kang higit pang gumawa ng mga bagay na hindi kasiya-siya o na kinasusuklaman ng Diyos, o magsabi ng mga salitang kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos, kapag nagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi ito maituturing na mabuting gawa, kahit papaano, hindi ka nakagawa ng kasamaan. Ang ginawa mo sa sitwasyong ito ay hindi kokondenahin, at hindi ka mapaparusahan dahil dito. Sa kabaligtaran, hindi lamang kokondenahin ang masasamang tao, kundi paparusahan din sila dahil sa mga bagay na ginawa nila habang pinangingibabawan ng kanilang ubod ng samang karakter. Kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan at managot. Samakatwid, ang mga taong nagtataglay ng iba’t ibang merito sa kanilang pagkatao ay maaaring magmukhang napahiya, nawalan ng katayuan at dignidad sa ilang usapin, at lalong nawalan ng pagkakataon na magkusang igiit ang kanilang katwiran, pero hindi ito pagdurusa ng kawalan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ito pagdurusa ng kawalan, ibig bang sabihin niyon ay pananamantala ito?” Hindi ito nasusukat batay sa pagdurusa ng mga kawalan o sa pananamantala. Kung gayon, paano ito dapat sukatin? Ganito ito dapat sukatin: Ang pagdurusa ng kawalan sa isang sitwasyon ay hindi mahalaga; ang susi ay na maaari kang magkamit ng pakinabang mula rito. Sa sitwasyong ito, ang mga merito ng iyong pagkatao ang nagprotekta sa iyong pag-uugali, pinipigilan kang makagawa ng kasamaan at sinisiguro na hindi ka kinokondena ng Diyos. Hindi ba’t pagkamit ito ng pakinabang? Ngayon, hindi posibleng magdusa ka ng kaparusahan bilang resulta ng paggawa ng kasamaan. Hindi ba’t mabuting bagay ito para sa iyo? (Oo.) Bagama’t hindi ito isang mabuting gawa na aktibo mong ginawa, ni isang pagkilos ng aktibong pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, sa loob ng balangkas ng pagkakaroon ng mga merito sa iyong pagkatao, nakagawa ka ng isang bagay na hindi lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, protektado ka. Bagama’t hindi ito matatandaan, kahit papaano, hindi ito kinokondena. At kaya hindi mo kailangang managot o magdusa ng kaparusahan. Hindi ba’t mabuting bagay ito? (Oo.) Sa proseso ng pagsunod sa Diyos, umaayon man sa katotohanan o hindi ang ginagawa mo at anuman ang tingin ng Diyos dito, kahit papaano, mayroon kang malinis na konsensiya. Kahit hindi ito natatandaan ng Diyos, kahit papaano, dapat iwasan mong makondena ng Diyos o na kamuhian ka ng Diyos. Ito ang pinakabatayang prinsipyo na dapat mong sundin. Hindi ba’t napakahalaga ng mga merito ng pagkatao para sa mga tao? (Oo.) Kaya huwag kang palaging umayaw dahil lang sa inaakala mo na ang pagkakaroon ng ilang merito ng pagkatao ay dahilan para hindi ka magustuhan ng mga tao, palagi mong mapapalampas ang makakuha ng mga bentaha o makapagkamit ng mga pakinabang, at makukuha ng iba ang lahat ng bentaha, samantalang palaging ikaw ang magdurusa ng kawalan. Ano ba ang masama sa pagdurusa ng kawalan? Sa pinakamababa, ang tinatamasa mo ay ang orihinal na ibinigay sa iyo ng Diyos, at hindi mo kinuha kung ano ang pagmamay-ari ng iba. Kung mananamantala ka, hindi iyon tama—ibig sabihin niyon, kinuha mo ang parte ng iba. Kung kukunin mo ang hindi mo pag-aari, kokondenahin ka ng Diyos. Hindi dapat gawin ng mga tao ang mga bagay na kinokondena ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko alam kung anong uri ng mga pagkilos ang dapat kong gawin na matatandaan ng Diyos.” Pero alam mo ba kung aling mga pagkilos ang kinokondena ng Diyos? Kung oo, kahit papaano, dapat kang sumunod sa hangganang ito: Huwag gumawa ng mga bagay na kinokondena ng Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ngayong mas natalakay na natin ang mga usaping ito, dapat nauunawaan mo na.

Karamihan sa mga tao ay walang merito ng kabutihang‑loob sa pagkatao. Gayumpaman, kung ang isang tao ay tunay na nagtataglay ng meritong ito, siya ay tunay na isang mabuting tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan—napakabihira ng gayong mga tao. Kung tunay mong tinataglay ang meritong ito, pagpapalain ka ng Diyos, pakikitaan ka ng Diyos ng biyaya sa bawat pagkakataon. Sa mga termino ng tao, ibig sabihin nito, aalagaan ka ng Diyos sa bawat pagkakataon. Paano ka Niya inaalagaan? Ang pag-aalaga ng Diyos sa iyo ay na kahit palagi mong iniisip ang iba at isinusuko mo ang sarili mong mga interes, at sinasamantala ka ng iba, hindi nila matatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Maaari lang silang mamuhay sa pamamagitan ng pananamantala sa iba at kakailanganin nilang pagbayaran ito sa kabilang buhay. Gayumpaman, namumuhay ka sa mga pagpapala ng Diyos. Bagama’t maaari kang samantalahin ng iba, sa katunayan, walang anumang nawawala sa iyo. Sabihin mo sa Akin, mabuting bagay ba ito? (Oo.) Kita mo, sa panlabas, tila palaging nagdurusa ng mga kawalan ang mga taong may mabuting kalooban. Ang tingin ng mga tao sa kanila ay simple at totoong tao, kaya, kapag nagsasalita at kumikilos, palagi silang sinasamantala ng mga tao, tinatrato sila na parang mga hangal, inaapi sila, ginagatasan sila ng parehong pera at mga pakinabang, at inaagaw ang maraming pag-aari nila. Pero nakikita mo ba na may anumang kulang sa mga taong may mabuting kalooban? Walang kulang sa kanila. Sila ay masaganang tinutustusan sa lahat ng bagay. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, mayroon silang katalinuhan at karunungan at hindi sila nag-aalala. Anuman ang tungkuling itinatalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos, hindi nila pinoproblema ang mga pakinabang at kawalan, ni hindi sila nakikipag-away o nakikipagkompetensiya. Ginagawa lang nila ang anumang ipinagagawa sa kanila. Kahit ano pa ang gampanin, bihira silang nagkakamali. Kahit nagkakaroon ng paminsan-minsang maliliit na problema o pagkakamali, hindi sinasadya ang mga iyon. Isinasapuso nila ang kanilang ginagawa, natutugunan nila ang pinakamababang pamantayan pagdating sa kanilang konsensiya at katwiran, at kaya nilang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kaya naman, nakakatanggap ang gayong mga tao ng mga pagpapala ng Diyos. Sapagkat alam mo na ang kabutihang‑loob ay isang merito ng pagkatao, dapat mo bang pagsumikapan ito sa iyong sariling asal? (Oo.) Huwag problemahin nang husto ang maliliit na isyu, at huwag maging kagaya ng isang taong napakabugnutin na walang sinumang nangangahas na lumapit o galitin ito—huwag maging ganoong uri ng tao. Kung sinasamantala ka nang kaunti ng iba, huwag mong palaging iparamdam sa iyong sarili na inaapi ka nila. Ano ba ang masama sa pagiging mas simple at totoong tao? Ang ilang tao ay sobrang tuso at palagi nilang gustong patunayan na hindi sila hangal, sinasabing, “Huwag mo akong tratuhing hangal. May utak ako! Nakikita ko kung sino ang ayaw sa akin o hindi maganda ang trato sa akin. Alam ko kung sino ang nangmamaliit sa akin at kung kaninong mga salita ang puno ng sarkasmo o mga nakatagong patutsada.” Walang silbi ang makita o marinig ang gayong mga bagay. Ito ay maliit na katalinuhan at katusuhan lang. Ang pagkakaroon ng kaunting katusuhan na ito ay hindi nangangahulugan na mayroon kang karunungan o na tunay kang matalino. Sa kabaligtaran, mamaliitin ka ng iba, dahil maging ang mga hayop ay nagtataglay ng ganitong uri ng katusuhan at ganitong mabababaw na pag-iisip. Bakit Ko sinasabi ito? Alam ito ng lahat ng may malapit na ugnayan sa mga hayop: Maging ang maliliit na hayop ay nakakaintindi kapag may sinasabi kang kaaya-aya o hindi kaaya-aya na mga bagay tungkol sa kanila. Halimbawa, kapag narinig ng isang aso na may sinasabi kang mga hindi kaaya-ayang salita, agad itong hindi masisiyahan, samantalang natutukoy rin nito kapag may sinasabi kang ilang halatang kaaya-ayang salita. Kung palaging gumagamit ang mga tao ng mga bagay na tinataglay maging ng maliliit na hayop para sukatin ang sarili nila, hindi ba’t ibinababa niyon ang sarili nilang katangian ng pagiging tao? Sa pamamagitan ng pagpapababa sa pamantayan ng pagsukat sa nilikhang sangkatauhan, inaalisan mo ng halaga ang iyong sarili. Huwag palaging sabihin ang mga bagay gaya ng, “Huwag mong isiping hangal ako o tratuhin ako na parang isang tatlong taong gulang na bata. Kung bibigyan mo ako ng cornbread, tiyak na hindi ko kakainin ito; dalhan mo na lang ako ng siomai. Sino ba ang hindi nakakaalam na masarap ang mga siomai?” Huwag gumamit ng gayong mga hangal na salita para subukang patunayan na hindi ka hangal. Kung tunay na hindi ka hangal, pagsikapan mong matugunan ang mga pamantayan ng pagkatao. Ano ang dapat na naroroon sa konsensiya at katwiran ng mga tao, ano ang mga pagpapamalas ng mga merito ng pagkatao, ano ang mga pagpapamalas ng mga pagkukulang ng pagkatao at mababang karakter—makipagbahaginan at unawain ang mga aspektong ito. Makipagbahaginan nang kaunti kung ano ang dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pagkatao, at kung ano ang dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan, pagkatapos, magpursige para sa mga ito at magsumikap para taglayin ang mga bagay na ito. Hindi ba’t itataas nito ang iyong personal na halaga? May mararating ka ba kung palagi mong ikinukumpara ang sarili mong katalinuhan sa katalinuhan ng isang tatlong taong gulang na bata? Lalago ka ba sa ganoong paraan? Sinasabi ng isang tatlong taong gulang na bata, “Kaya kong uminom ng gatas mula sa plastik na bote,” at sasabihin mo, “Kaya kong uminom mula sa babasaging bote, at hindi ako natatakot na mapaso ang mga kamay ko.” Sasabihin ng tatlong taong gulang na bata, “Alam ko kung ano ang kaliwa o kanan kapag nakasuot ng sapatos,” at sasabihin mo, “Alam ko kung ano ang harapan o likuran kapag nagsusuot ng sweater. Kaya mo ba iyon?” May mararating ka ba sa pagiging ganito? Kung ang iyong katalinuhan, karakter, at iba’t ibang abilidad na dapat taglayin ng iyong pagkatao ay nananatili sa antas ng isang tatlong taong gulang na bata o menor de edad, magiging napakahirap para sa iyo na maging isang taong matured na o na tratuhin ka ng iba bilang isang taong nasa hustong gulang. Paano mo mahihimok ang iba na tratuhin ka bilang isang taong nasa hustong gulang? Kailangan mong gumawa ng mga bagay na dapat gawin ng mga taong nasa hustong gulang at ng mga bagay na dapat gawin ng mga nilikhang tao. Dapat mong taglayin ang pagkatao na dapat taglayin ng mga nilikhang tao. Ano ang dapat taglayin ng pagkataong ito, sa pinakamababa? Konsensiya, katwiran, at iba’t ibang aspekto ng mabuting karakter. Sa ganitong paraan, unti-unti kang uunlad at uusad kaugnay sa mga depekto at problema ng iyong pagkatao. Pagkatapos, magiging mas higit na madaling pumasok sa katotohanan, at magiging mas kaunti ang mga sagabal.

Ang merito ng kabutihang-loob sa pagkatao ay napakabihira at hindi tinataglay ng karamihan sa mga tao. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang meritong ito? Kapag wala kang nauunawaang anumang mga katotohanan, napakahirap taglayin ang ganitong merito ng pagkatao at maging ganoong uri ng tao. Gayumpaman, sa sandaling maarok mo ang ilang katotohanan, magkakaroon ka ng landas tungo sa pagiging ganoong uri ng tao, at magkakaroon ka ng pag-asa na makamit ito. Tungkol sa kung makakamit mo ba ito at magkaroon ng mga resulta sa huli, nakadepende ito sa kung makakamit mo ba ang katotohanan at kung magkakaroon ka ba ng buhay pagpasok. Paano dapat magsagawa ang isang tao para makamit ang meritong ito? Anuman ang gawin o sabihin ng isang tao sa iyo, huwag mo itong tratuhin batay sa pagkamainitin ng ulo o mga emosyon. Huwag mong suriin kung ano ang mga intensiyon niya sa iyo, kung gaano kalaking pinsala ang personal niyang naidulot sa iyo, o kung gaano kalaking sira ang nagawa niya sa reputasyon mo. Huwag mong tratuhin ang alinman sa mga usaping ito batay sa iyong isipan, kaloobang pantao, o mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang mga ito? Tratuhin ang lahat ng bagay batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Pagsumikapang tiyakin na sa bawat kapaligiran at kapag kinakaharap ang bawat tao, kinakausap man sila, pinakikisamahan, o pinangangasiwaan ang isang partikular na usapin, hinahanap mo ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ka ayon sa mga ito. Ang ganitong pagharap ay magkakaroon ng nakabubuting epekto sa iyong pagkatao sa malaking antas. Ibig sabihin, magbibigay ito ng partikular na antas ng suporta sa konsensiya at katwiran ng iyong pagkatao, tinutulungan kang magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan at binibigyan ka ng kakayahang makita ang mga tao at bagay mula sa tamang posisyon at perspektiba. Ito ang tinatawag na pagpapabuti. Ang pagpapabuti ay paggawang mabuti sa iyong dating masamang pagkatao, ginagawa itong normal. Kaya, paano nga ba nabuo ang iyong orihinal na masamang pagkatao? Bunga ito ng impluwensiya at pangingibabaw ng mga tiwaling disposisyon. Ngayon, kung umaasal at kumikilos ka batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, kapag kumikilos ka, lubos na maiimpluwensiyahan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang pagkatao mo. Ang impluwensiyang ito ay ang tinatawag na pagpapabuti. Siyempre, ang pagpapabuting ito ay hindi nangangahulugan na magbabago ang iyong pagkatao at magiging marangal ang iyong karakter sa pamamagitan ng iisang pangyayari. Sa halip, nagmumula ito sa pagsasagawa at pagdanas ng pagtrato mo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan bilang iyong pamantayan, estilo, at patnubay sa pagkilos sa loob ng mahabang panahon, na kung kailan mas lalo mong mauunawaan ang katotohanan at pangangasiwaan ang mga usapin nang mas may pagsunod sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, unti-unting magbabago at uunlad ang pagkatao mo sa positibong direksiyon. Mas lalo kang magkakaroon ng pakiramdam ng konsensiya, magiging mas lalong mabait, at mas lalong magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Lalong mas magiging normal ang katwiran mo, at hindi ka na kikilos batay sa pagkamainitin ng ulo o magiging pabigla-bigla. Kaya naman, sa malaking antas, mas lalong titibay ang pagpipigil ng iyong pagkatao sa iyong tiwaling disposisyon. Sa pundasyon ng gayong kondisyon ng pagkatao, mas lalo pang titibay at lalakas ang pagpipigil sa mga pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon. Kaya naman, mas lalong mababawasan ang mga pagbubunyag mo ng mga tiwaling disposisyon, at mas lalong hihina ang tindi nito. Ang mga kilos mo o ang mga pananaw na ibinubunyag mo ay mas lalong aayon sa mga positibong bagay at sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ganitong uri ng penomenon, ang ganitong uri ng pagbubunyag, ay nagpapahiwatig na sumasailalim sa transpormasyon ang buhay ng isang tao. Sa partikular, kung tinitingnan mo ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos ka, nang ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang pamantayan mo, kung gayon, mas lalong magiging normal ang pagkatao mo, at mas lalong mababawasan ang mga pagbubunyag mo ng mga tiwaling disposisyon. Unti-unti mong maiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Isa itong positibong siklo. Gayumpaman, kung tinitingnan mo ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos ka, nang ayon sa lohika ni Satanas, kung gayon, sa malaking antas, dudungisan at sisirain ang pagkatao mo. Mas lalong lolobo at magiging matindi ang iyong tiwaling disposisyon. Isa itong nakasisirang siklo. Ang pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos ay isang positibong siklo. Ang pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos ayon sa lohika ni Satanas ay magdudulot lamang sa iyo ng walang katapusang paikot-ikot sa buhay at kalagayan ng isang nakasisirang siklo, hindi kailanman makakalaya. Kung nais mong makapasok sa isang positibong siklo, ang pinakasimple at pinakatuwirang paraan ay ang magsimulang magnilay-nilay at umunawa sa iyong sarili mula sa mga depekto ng iyong pagkatao at mga pagbubunyag mo ng katiwalian, nilulutas ang mga tiwali mong disposisyon gamit ang mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo bilang batayan, sa gayon ay nakakamit ang resulta ng kakayahang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, papasok sa isang positibong siklo ang buhay mo, mas lalong magiging normal ang pagkatao mo, at unti-unting matatransporma at maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang proseso ng buhay pagpasok at ang kinakailangan din na proseso para maiwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon at magkamit sila ng kaligtasan. Siyempre, isa rin itong landas tungo sa pagpasok. Ang mga depekto at kapintasan ng pagkatao, pati na ang mga problema ng ubod ng samang karakter at kawalan ng integridad, na tinalakay natin—kung natutukoy mo ang mga problemang ito sa sarili mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Pagkatapos, palitan mo ang mga ito sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa ganitong paraan, makakapasok ka sa isang positibong siklo. Sa huli, hindi lamang transpormasyon sa pagkatao ang makakamtan mo kundi pati na ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon. Matatransporma ang pundasyon ng iyong mga tiwaling disposisyon na inaasahan mo para sa pananatiling buhay. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagbibigay sa iyo ng pag-asang makamit ang kaligtasan. Gayumpaman, kung hindi mo hinahanap ang katotohanan o isinasagawa ang katotohanan sa ganitong paraan, at iniisip mo sa puso mo na, “Sinasabi mong makitid ang isip ko, na mayroon akong mga depekto at kapintasan sa pagkatao ko tulad ng pagiging matigas ang ulo, hindi nahihiyang makapal ang mukha at madaling maghinala. Puwes, ganoon talaga ako, at ganoon ako mamumuhay. Hindi ako magbabago. Sabihin mo na ang anumang gusto mo! Tutal, talagang ayaw kong magdusa ng mga kawalan. Hangga’t makikinabang ako, ayos lang ako!”—kung ang mga ito ang mga kaisipan at pananaw mo, kung gayon, sa kasamaang-palad, masasadlak ka sa kakila-kilabot na pag-ikot ng isang nakasisirang siklo, habambuhay na hindi makakalabas. Ano ang magiging huling kahihinatnan? Ito ay isang kahihinatnan na malamang na hindi mo gugustuhing makita: Ang iyong mga tiwaling disposisyon ay magiging buhay mo magpakailanman. Gagapusin ka ng mga ito nang mahigpit sa buong buhay mo, magiging malalim na nakaugat sa iyong mga kaisipan at sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, at magiging imposible para sa iyo na maiwaksi ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng pagiging imposibleng maiwaksi ang mga ito? Ibig sabihin, wala kang pag-asa na magkamit ng kaligtasan, at wala kang parte sa hantungang inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ang kahihinatnan. Kung ayaw mong makita ang kahihinatnang ito, magsimula kang pumasok at magsagawa sa landas na inilarawan Ko, at magkamit ng isang positibong siklo; at sa huli, tiyak na aani ka ng mga resulta. Nauunawaan mo ba? (Oo.)

Bagama’t hindi natin nasaklaw ang maraming iba’t ibang paksa sa pagbabahaginan ngayong araw, marami tayong tinalakay na nilalaman. Tapusin natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw. Ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa iba pang mga paksa at nilalaman sa ibang pagkakataon. Paalam na!

Disyembre 2, 2023