Paano Hangarin ang Katotohanan (9) Ikalawang Bahagi
Pagkasensitibo
Ngayon naman, pag-usapan natin ang tungkol sa pagkasensitibo. Gamitin natin ang pinakasimpleng paraan para ikategorya ito, magsimula tayo gamit ang pamamaraan ng eliminasyon. Ang pagkasensitibo ba ay isang likas na kondisyon? (Hindi.) Kung gayon, isa ba itong tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kung ang isang tao ay mayroong pagpapamalas ng pagkasensitibo, isa ba itong pagbubunyag ng tiwaling disposisyon? (Hindi.) Ang pagkasensitibo ay hindi tumutukoy sa pagdanas ng pangangati pagkatapos makakain ng isang partikular na klase ng pagkain, o pagbahing at pagluha matapos makaamoy ng isang partikular na amoy; hindi ito tumutukoy sa isang pollen allergy, allergy sa mani, o anumang allergy sa mga pampreserba o mga kemikal—hindi ito tumutukoy sa pisikal na pagkasensitibo. Ang pisikal na pagkasensitibo ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang sensitibong pangangatawan, na madaling tamaan ng allergy na bunsod ng mga partikular na mapaminsalang amoy o mga substansiya mula sa labas—ito ay pisikal na pagkasensitibo. Ang pisikal na pagkasensitibo ay isa lang instinto kabilang sa mga likas na kondisyon ng isang tao—parte ito ng likas na pangangatawan ng isang tao. Gayumpaman, ang pagkasensitibo na tinatalakay rito ay hindi tumutukoy sa bagay na ito. Matapos maihiwalay sa paksa ang mga likas na kondisyon, at sapagkat karaniwang hindi umaabot sa antas ng isang tiwaling disposisyon ang ganitong klase ng pagkasensitibo—ibig sabihin, walang partikular na pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon—kung gayon, anong uri ng problema ang pagkasensitibong ito? (Isa itong problema ng pagkatao.) Isa ba itong merito ng pagkatao o isang kakulangan? (Isa itong kakulangan ng pagkatao.) Malinaw na isa itong kakulangan ng pagkatao—kung hindi man lang ninyo ito makita, masyado kayong mangmang. Ang pagkasensitibo ba ay mabuti o hindi? Dahil isa itong kakulangan ng pagkatao, tiyak na hindi ito mabuti. Ano ang ibig sabihin ng pagkasensitibo? Sabihin ninyo ito gamit ang sarili ninyong mga salita. (Pagkakaroon ng sobrang sensitibong pag-iisip.) Isa bang sakit sa pag-iisip ang pagkakaroon ng sobrang sensitibong pag-iisip? Sabihin ninyo sa Akin, karaniwan bang nagiging sobrang sensitibo ang mga ugat ng mga tao? Ang mga ugat ay nasa loob ng kalamnan at hindi nadadapuan ng hangin, alikabok, o iba pang mga substansiya—kaya paanong nagiging sobrang sensitibo ang mga ito? Kung ang isang tao ay palaging sensitibo, hindi ba’t isa itong problema sa kanyang mga kaisipan? Kung may problema sa kanyang mga kaisipan, nangangahulugan ba ito na may problema sa pag-iisip niya? (Oo.) Ang problema sa pag-iisip ay ginigiyahan ng kanyang mga kaisipan, at kung ito ay ginigiyahan ng kanyang mga kaisipan, kung gayon, ito ay isang problemang nauugnay sa kanyang pagkatao. Pagdating sa isang tingin, isang salita, o isang pagpili ng parirala mula sa isang tao, o kapag nahaharap sila sa isang kapaligiran o isang klase ng sitwasyon, bibigyan nila ito ng labis-labis na pakahulugan, iuugnay ito sa kanilang sarili, at pagkatapos ay masasadlak sila sa mga emosyon ng pagkabalisa, pagkakapigil, kalungkutan, at pagkasira ng loob, minsan pa nga ay nasasadlak sa pagkanegatibo—o ang mas malala pa—nagpapakita ng mga negatibong pagpapamalas ng paghahangad ng paghihiganti, pagkamapanlaban, at iba pa. Ganap na pinatutunayan ng mga pagpapamalas na ito na ang pagkasensitibo ay isang uri ng depekto ng pagkatao. Ang isang depekto ay nangangahulugan na kung mayroon kang ganitong uri ng problema, ang pagkataong ibinubunyag mo ay hindi normal. Ang problemang ito ay dulot man ng iyong mga kaisipan, estado ng pag-iisip, katwiran, o mga partikular na kuru-kuro at pananaw sa ilang aspekto, ano’t anuman, ito ay isang depekto sa loob ng iyong pagkatao. Nagsasanhi ito na maging hindi normal ang pagkataong ibinubunyag mo, na hindi umayon sa pagkamakatwiran at konsensiya ng normal na pagkatao, ni sa mga kaisipan at pananaw na bunga ng mga padron ng pag-iisip ng normal na pagkatao, o sa saloobin na dapat mayroon ang isang tao kapag nakikisalamuha sa iba at nangangasiwa ng mga usapin. Bilang buod, ang ibinubunyag sa aspektong ito ng pagkatao ay isang hindi normal na estado ng pag-iisip sa diwa. Halimbawa, ang ilang tao ay nagiging sobrang sensitibo dahil may isang tao na hindi sinasadyang napapasulyap sa kanila—ipinagpapalagay nila na minamaliit sila ng nasabing tao, at nagiging malungkot sila at napapaiyak pa nga dahil sa pagkabagabag dito. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t isa itong hindi normal na estado ng pag-iisip? Hindi ba’t isa itong sakit sa pag-iisip? Tumpak ba ang sinasabi Ko? (Oo.) Ang pagpapamalas na ito ng pagkatao, sa tumpak na salita, ay isang sakit sa pag-iisip. Walang anumang ginagawa sa kanila ang ibang tao, pero hindi mapigilang umiiyak sila nang ilang araw at hindi makausad mula rito. Isa itong depekto ng pagkatao. Kapag may ganitong mga klaseng tao sa paligid mo, lalo mong nararamdaman na nasasakal at nalilimitahan ka, hindi mo alam kung kailan ka maaaring makakuha ng gulo mula sa kanila o magsanhi ng mga problema sa sarili mo, at kailangan mong maging sobrang ingat kapag nagsasalita sa harap nila, paulit-ulit na isinasaalang-alang ang mga salita mo: “Kung sasabihin ko ang salitang ito, iisipin ba nila na minamaliit ko sila? Kung hindi ko sila kakausapin, iisipin ba nila na mayroon akong partikular na opinyon tungkol sa kanila? Kung magsasabi ako ng kaunting salita sa kanila, iisipin ba nila na mayroon akong lihim na motibo? Ano ba mismo ang angkop na paraan ng pagkilos?” Sa huli, mararating mo ang isang kongklusyon: Ang mga ganitong klase ng tao ay sadyang may sakit sa pag-iisip—tunay na mapanggulo! Paano mo man sila harapin, hindi ito kailanman tama; anuman ang sabihin mo, o ang gawin mo, hindi nila ito kailanman iintindihin nang tama. Talagang hindi normal ang pagkatao nila. Matapos makasama ang gayong mga tao sa loob ng mahabang panahon, gusto mo na lang na dumistansya sa kanila at iwasan sila, ayaw mo nang makipag-ugnayan pa sa kanila. Ang mga ganitong uri ng tao ay walang pag-iisip ng normal na pagkatao—sila ay may sakit sa pag-iisip. Ang pagkasensitibo ay tumutukoy sa mga ganitong pagpapamalas; isa itong depekto ng pagkatao. Bagama’t isa itong depekto ng pagkatao, hindi ito mas simple kaysa sa isang tiwaling disposisyon. Kapag ang isang tao ay may depekto o problema sa pagkatao, maraming gulo ang lilitaw kapag nakikisalamuha siya sa iba; magiging mahirap siyang pakisamahan, at magiging mahirap din na iwasto siya. Isa itong pagpapamalas ng pagkatao.
Katigasan ng Ulo
Pag-usapan natin ang isa pang pagpapamalas—ang katigasan ng ulo. Anong uri ng problema ito? (Isa itong depekto ng pagkatao.) Una, ihiwalay muna natin sa paksa ang mga likas na kondisyon—tiyak na hindi likas na kondisyon ang katigasan ng ulo, hindi ito ipinagkaloob ng Diyos. Bukod pa roon, ang katigasan ng ulo ay hindi umaabot sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Samakatwid, isa itong depekto ng pagkatao. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng katigasan ng ulo? Mayroon bang partikular na ugnayan sa pagitan ng katigasan ng ulo at pagiging katawa-tawa? (Mayroong kaunting ugnayan.) Sa partikular na antas, mayroong ugnayan. Kaya, ano ang mga pagpapamalas ng katigasan ng ulo? Magbigay ng halimbawa. Anong uri ng mga tao ang may tendensiyang maging matigas ang ulo? Anong mga salita at kilos ang mga pagpapamalas ng katigasan ng ulo? (Ang mga taong matigas ang ulo ay may tendensiyang mapako kapag nahaharap sa mga partikular na tao, pangyayari, at bagay.) Ang pagkakapako sa mga bagay-bagay ay isang aspekto. Magbigay ng halimbawa—sa anong uri ng mga usapin sila napapako? (Kapag may isang taong tumutukoy sa mga problema nila, mahilig silang magbigay ng mga palusot at gumamit ng walang-katotohanang pangangatwiran. Palagi silang kumakapit sa isang parirala o sa partikular na mga salita para ipagtanggol ang sarili nila, tumatangging tanggapin ang katotohanan o ang pagpupungos. Patuloy nilang iginigiit ang kanilang pangangatwiran para mabigyang-katwiran ang kanilang mga kilos, ipinapaliwanag ang mga dahilan sa likod ng kanilang mga kilos.) Kapag pinupungusan sila ng iba o nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila ito tinatanggap. Sa halip, palagi nilang binibigyang-diin ang sarili nilang mga palusot at pagbibigay-katwiran, sinasabi na tama ang mga intensiyon nila, nang hindi man lang kinikilala ang sarili nilang mga pagkakamali. Ito ay isang pagpapamalas ng pagkapako sa isang bagay. Ang ilang tao ay nakakagawa ng mga walang ingat na maling gawa at sila ay tinatanggal, pero hindi nila pinagninilayan ang kanilang sarili. Sa halip, sinasabi nila, “Sabagay, hindi naman ako gusto ng Diyos, at hindi ako isang taong nagmamahal sa katotohanan, kaya iyon na iyon—walang saysay na magsumikap pa paitaas!” May nagpapayo sa kanila, “Hindi ka dapat maging masyadong negatibo. Pinahihintulutan ka ng kakayahan mo na maunawaan ang katotohanan—dapat kang magsumikap paitaas!” Sumasagot sila, “Kung inorden ng Diyos na hindi ka magkakaroon ng magandang hantungan, kahit magsumikap ka pa paitaas, wala itong silbi. Kahit gaano ka pa magsikap o gaano pa kahusay gumawa, wala itong silbi.” Sa puso nila, palagi silang nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos at nakikipagtunggali sa Kanya. Kahit ano pa ang sabihin ng iba, tumatanggi silang tanggapin ito. Kahit gaano man kalapit na naaayon ang sinasabi mo sa kanilang kalagayan o gaano man ito makakatulong sa kanila na makapagbago at magkamit ng kaunting paglago, hindi pa rin nila ito tinatanggap. Kumbinsido sila na tama ang sarili nilang mga kaisipan. Isa ba itong pagpapamalas ng katigasan ng ulo? (Oo.) Determinado at matatag nilang pinaniniwalaan na: “Ayaw sa akin ng Diyos. Kahit ano pa ang gawin ko, hindi Siya magpapakita sa akin ng biyaya—isinantabi na ako ng Diyos. Alam kong hindi ako isang taong nagmamahal sa katotohanan, kaya walang saysay na magsumikap paitaas. Kung makakagawa ako ng anumang tungkulin, gagawa lang ako nang kaunti. Kung tatawagin akong isang trabahador, bahala na. Hindi bale, susunod na lang ako sa agos. Hangga’t may kaunting pag-asa, hindi ako aalis.” Sa katunayan, batay sa kanilang kakayahan at iba’t ibang kondisyon, hindi sila dapat maging ganito kanegatibo—may kakayahan pa rin silang gumawa ng mahahalagang bagay, at kayang magkamit ng ilang resulta sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, dahil sa kanilang katigasan ng ulo, tumatanggi silang magsumikap paitaas, hindi nila binabago ang landas, at hindi sila nagsisisi; sa puso nila, naniniwala sila na hindi sila pakikitaan ng Diyos ng biyaya. Nakakatanggap ang iba ng iba’t ibang antas ng liwanag at kaliwanagan at madalas na pinapakitaan ng biyaya ng Diyos, pero hindi nila ito maramdaman, kaya nagkikimkim sila ng sama ng loob sa Diyos sa puso nila. Ito ba ay katigasan ng ulo? (Oo.) Iniisip ng ilang tao: “Iyong mga inaangat at nililinang sa sambahayan ng Diyos ay pawang ang mga sanay sa pagsasalita, may mga kaloob at kalakasan, at magaling sa pagpepresenta ng kanilang sarili. Ang mga taong katulad namin, na hindi marunong magpresenta ng aming sarili at hindi mahusay magsalita, ay nakakaligtaan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kami binibigyan ng Diyos ng anumang mga oportunidad. Kahit mayroon kaming mga talento, wala itong silbi. Kahit na mayroon kaming kakayahan at abilidad na makaarok, wala itong halaga—kailangan pa rin naming tumayo sa gilid. Lalo na’t dahil galing kami sa mahihirap na sirkumstansiya, may mga pangkaraniwang hitsura, at hindi marunong magbihis nang maayos, hinding-hindi kami mamumukod-tangi kahit saan. Magiging ganito na lang ang buong buhay namin—walang katayuan sa mundo at walang katayuan sa sambahayan ng Diyos.” Isa ba itong pagpapamalas ng katigasan ng ulo? (Oo.) Mula sa dalawang halimbawang ito, maipapaliwanag ba ninyo nang malinaw kung ano ang katigasan ng ulo? (Mapagmatigas na paghawak sa sariling mga ideya at pagtangging makinig sa kaninuman.) (Pagkapit sa sariling matigas na pananaw.) Sa mga kolokyal na termino, tinatawag itong pagkapit sa sariling matigas na pananaw, pero hindi lahat ng anyo nito ay katigasan ng ulo—nakadepende ito sa kung tama o hindi ang matigas na pananaw na kinakapitan nila. Kung tama ang matigas na pananaw na kinakapitan ng isang tao, katanggap-tanggap pa rin ito. Halimbawa, kung may isang taong kumakapit sa kanyang matigas na pananaw, nagsasabing, “Kahit kailan, dapat kumilos nang may konsensiya ang isang tao,” kung gayon, medyo positibo ang pananaw na ito. Pero kung hindi tama ang matigas na pananaw na kinakapitan nila at hindi umaayon sa mga katunayan, subalit tumatanggi pa rin silang bumitiw at walang sinumang makakapagpabago ng mga kaisipan at pananaw nila anuman ang sabihin ng iba, kung gayon, ito ay katigasan ng ulo. Ang katigasan ng ulo ay isang baluktot na paraan ng pag-unawa—ito ay kapag mapagmatigas na pinanghahawakan ng mga tao ang mga baluktot na kaisipan at pananaw. Hindi ito umaayon sa pagkatao o sa sentido kumon, lalong hindi ito umaayon sa mga hinihingi ng Diyos; siyempre, ganap na wala rin itong kinalaman sa katotohanan. Ang katigasan ng ulo ay tumutukoy sa pagpapatuloy sa mga baluktot na kaisipan at pananaw sa ilalim ng pangingibabaw ng pagkamainitin ng ulo at mga emosyon ng pagkatao. Ang mga taong nagpapakita ng ganitong uri ng mga pagpapamalas ay mga taong matigas ang ulo. Halimbawa, pagkatapos tanggapin ang pagkakapungos at pagkatapos makilala ang kanilang sarili, nadarama ng ilang tao na nagkamali sila sa usaping ito at na dapat silang magsisi. Nakikita nila ito bilang isang pagsalangsang at naniniwala sila na tama ang mapungusan, na sa kabutihang-palad ay dumating sa tamang oras ang pagpupungos, at na nagkaroon na sana ng malaking pagkakamali kung wala ito. Gayumpaman, hindi ganito mag-isip ang mga taong matigas ang ulo. Sinasabi nila, “Ang pagpupungos sa akin ay pangmamaliit sa akin—ito ay pagpupuntirya sa akin dahil hindi ako nakalulugod para sa kanila. Siguro, nalagay ako sa gitna ng kaguluhan at minalas ako. Nagkataon lang na galit sila at wala silang mapaglabasan, kaya sa akin nila ito ibinunton sa pamamagitan ng pagpupungos sa akin.” Sinasabi ng iba, “Hindi ito gaya ng iniisip mo. Bakit hindi mo suriin kung ano ang ginawa mong mali? Pinangasiwaan mo ba ang usaping iyon nang naaayon sa mga prinsipyo? Nilabag mo ba ang mga katotohanang prinsipyo?” Hindi nila sinusuri ang mga bagay na ito. Sa halip, inaanalisa, inuunawa, at hinaharap nila ang mga usapin nang may mga emosyon at pagkamainitin ng ulo. Sa pagbubuod, sa karamihan ng mga pagkakataon, hindi tinatanggap ng mga taong matigas ang ulo ang mga positibong bagay o ang katotohanan—ni hindi sila tumatanggap ng mga positibong kaisipan at pananaw. Kahit ano pa ang mangyari sa kanila o anuman ang kapaligirang makatagpo nila, hinaharap nila ito nang may katigasan ng ulo at pinanghahawakan ito nang may ganap na katiyakan. Kahit pa nakikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap at naniniwala sila na ang pinanghahawakan nila ay ganap na naaayon sa mga katunayan. Ano ang madalas nilang sinasabi? “Hindi maaasahan ang naririnig mo; tanging ang nakikita mo ang tunay. Ang nakikita ko ay ang mga katunayan. Kahit na ang sinasabi mo ay ang katotohanan, kung hindi mo pa ito nakita, wala kang karapatang magsalita tungkol dito.” Naniniwala sila na kung ano ang nakikita nila, iyon ang mga katunayan, at na sa esensya, kung paano lumilitaw ang mga katunayang ito sa panlabas ay eksaktong ganoon ang mga ito. Kapag nagsasalita ka tungkol sa katotohanan, wala itong silbi—sa mga mata nila, ang katotohanan ay isa lang patsada, isang prente lamang, mga salita lamang na kaaya-ayang pakinggan. Kaya naman, hindi nila ito tinatanggap. Bulag silang naniniwala na, “Totoo ang sinasabi ko—hindi ito kasinungalingan—dahil nakita ko ang katotohanan ng mga katunayan. Nakita ko ang pagsisiwalat ng proseso ng mga katunayan.” Halimbawa, kapag nakakita ang isang taong matigas ang ulo ng mag-asawang nagtatalo, kung saan parehong nagsisigawan ang mag-asawa tungkol sa pagdidiborsiyo, ang kongklusyon nila ay na tiyak na magdidiborsiyo ang mga ito. Sinasabi ng iba, “Hindi ibig sabihin na gusto talaga nilang magdiborsiyo dahil lang nakita mo silang nagtatalo tungkol sa pagdidiborsiyo. Nagsasabi ng masasakit na salita ang mga tao kapag galit sila. Sa katunayan, kadalasang mapagmahal ang mag-asawang ito—mayroong matibay na pundasyon ang relasyon nila. Kahit palagi silang nagtatalo, hindi nila kayang mabuhay nang wala ang isa’t isa. May sinabihan ang misis na isang tao na nakakaalam sa sitwasyon na imposibleng magdiborsiyo sila ng mister niya. Kaya, batay sa mga katunayang ito at sa kanilang karaniwang pamumuhay, imposibleng magdidiborsiyo sila.” Hindi ito pinaniniwalaan ng taong matigas ang ulo. Kalaunan, pupuntahan nila ang mga ito para tingnan, at makikita nila na hindi talaga nagdiborsiyo ang mag-asawa, pero mapagmatigas pa rin silang naniniwala, “Sa panlabas lang sila hindi nagdiborsiyo; sa pribado, lihim na silang nagdiborsiyo. Hindi pa lang nila ito isinasapubliko alang-alang sa mga anak nila.” Kita mo, mapagmatigas pa rin silang kumakapit sa usaping ito. Pinaniniwalaan lang nila kung ano ang nakikita ng mga mata nila at ang sarili nilang paghusga, matigas na iginigiit na tama ang kanilang paghusga at mga kaisipan at pananaw. Kahit na hindi ganoon ang mga katunayan o ang diwa at ugat ng problema, ganoon pa rin ang paniniwala nila. Ang pagkaunawa nila sa lahat ng usapin ay nakabatay lang sa kanilang sariling mga maling palagay, pagkamainitin ng ulo, at mga emosyon—hindi sila humuhusga batay sa kalikasan ng mga katunayan o sa ugat ng problema. Kahit magbago pa ang sitwasyon, nananatiling hindi nagbabago ang kanilang paraan ng pag-unawa at ang kanilang mga kaisipan at pananaw. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong matigas ang ulo.
Kapag nahaharap ang mga taong matigas ang ulo sa mga partikular na problema, may kaugnay na tiwaling disposisyon ang kanilang paraan ng pangangasiwa sa mga problema at ang disposisyong ibinubunyag nila. Ang katigasan ng ulo ay isang malaking depekto ng pagkatao. Siyempre, hindi ito umaabot sa antas ng karakter o integridad—ito ay nauugnay lamang sa saloobin, kaisipan, at pananaw nila sa pakikitungo sa iba at pangangasiwa sa mga usapin. Kapag ang isang tao ay matigas ang ulo, sapat na iyon para ipakita na may depekto ang kanyang pagkatao. Kapag nabunyag ang depektong ito sa isang partikular na usapin, ang ibinubunyag niya ay hindi na depekto lang sa pagkatao. Kung sa isang sitwasyon ay mapagmatigas nilang iginigiit ang kanilang baluktot na pagkaunawa at mga pananaw, naniniwalang umaayon ang mga ito sa katotohanan, at sinuman ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan ay hindi nila ito matanggap—at nagkakaroon pa nga sila ng mga mapagmatigas na kilos at pahayag—kung gayon, hindi na ito problema lang sa kanilang pagkatao. Umabot na ito sa antas ng pagiging isang problema sa kanilang disposisyon—umabot na ito sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Halimbawa, pagdating sa pagtanggap sa pagkakapungos, kung nilalabag nila ang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay at gumagawa sila ng mga walang ingat na maling gawa, dapat nilang tanggapin ang pagpupungos. Kahit hindi nila tinatanggap ang pagpupungos, dapat pa rin nilang tanggapin ang kaukulang kaparusahan at pagtutuwid. Gayumpaman, sa halip na maarok ito nang tama, nagrereklamo sila tungkol sa kanilang kamalasan, sinasabing, “Sadyang natahak ko lang ang landas ng panganib. Galit lang ang taong nagpupungos sa akin at wala siyang mapaglabasan ng kanyang galit—nagkataon lang na natagpuan niya ang isyu kong ito, kaya pinungusan niya ako.” Ang kanilang kaisipan, pananaw, at saloobin tungkol sa pagkakapungos ay isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Anong uri ng tiwaling disposisyon? (Pagkamatigas ng kalooban at pagiging tutol sa katotohanan.) Ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamatigas ng kalooban. Ang mga kaisipan at pananaw nila tungkol sa mga tao at bagay ay nabibilang sa katigasan ng kanilang pagkatao, pero ang mga tiwaling disposisyon na nagbubunsod sa mga mapagmatigas na kaisipan at pananaw na ito ay ang pagkamatigas ng kalooban at pagiging tutol sa katotohanan. Pinabibigat nito ang diwa ng problema—ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya. Ang katigasan ng ulo ay isang depekto ng pagkatao. Ano ang mga pangunahing katangian ng mga tiwaling disposisyong kaugnay rito? Pagkamatigas ng kalooban at pagiging tutol sa katotohanan—dahil dito, umaabot na ito sa antas ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang napapansin ninyo rito? Ang ilang depekto ng pagkatao, na may kinalaman sa mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng pag-asal at pagkilos ng mga tao, ay maaaring umabot sa antas ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang pagkautal ay isang depekto sa pagkatao. Ang isang taong nauutal ay mauutal kahit ano pa ang sabihin niya. Ang pagkautal mismo ay hindi isang tiwaling disposisyon at hindi ito umaabot sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung ang mga salitang binibigkas nang nauutal ay may hatid na mga partikular na kaisipan, at ang mga kaisipang ito ay bunga ng pangingibabaw ng isang tiwaling disposisyon, kung gayon, likas man na utal ang isang tao o hindi, ang mga kaisipan sa likod ng mga salita niya ay may kaugnay na tiwaling disposisyon. Ang pagkautal ay isang problema sa pagsasalita—wala itong kaugnayan sa tiwaling disposisyon. Gayumpaman, ang mga kaisipan at pananaw sa likod ng paggamit ng pautal-utal na paraan ng pagsasalita ay inuudyukan o idinudulot ng isang tiwaling disposisyon. Kaya, kita mo, kapag ang isang depekto ng pagkatao ay may kinalaman sa mga likas na kondisyon, wala itong kinalaman sa tiwaling disposisyon. Pero kapag ang depekto ng pagkatao ay may kinalaman sa ubod ng sama, baluktot, o negatibo na mga elemento ng karakter ng isang tao, kinapapalooban nga ito ng isang tiwaling disposisyon. Nauunawaan mo ba? (Oo.)