Paano Hangarin ang Katotohanan (8) Ikaapat na Bahagi
Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw
Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos, at sa Pagkamapanlaban ng Isang Tao sa Diyos
I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos
F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon
Sabihin ninyo sa Akin, may kinalaman ba ang tindi ng paglaban at paghihimagsik ng mga tao laban sa Diyos sa kung mahusay ba o mahina ang kakayahan nila? Lumalaban at naghihimagsik ba ang mga tao laban sa Diyos dahil sa mahinang kakayahan? Naisaalang-alang na ba ninyo ang katanungang ito? Karapat-dapat bang isaalang-alang ang katanungang ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Dahil mahina ang kakayahan namin, dahil hindi maganda ang kakayahang ibinigay sa amin ng Diyos, malubha kaming lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos.” Tama ba ang pahayag na iyon? (Hindi.) Batay sa naunang pagbabahaginan natin tungkol sa mga kaibahan sa pagitan ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon, sa aling kategorya nabibilang ang kakayahan? (Sa mga likas na kondisyon.) Nabibilang ito sa mga likas na kondisyon. Kung gayon, alam mo ba kung ang iba’t ibang aspekto ng mga likas na kondisyon ay nauugnay sa pagkatao at mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Magsimula tayo sa kakayahan—natutukoy ba ng kakayahan ang tindi ng paghihimagsik at paglaban ng isang tao sa Diyos? (Hindi.) Bakit natin sinasabing hindi nito natutukoy iyon? Nauugnay ito sa dahilan kung bakit lumalaban at naghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos. Naghihimagsik at lumalaban ba ang mga tao sa Diyos dahil sa mahinang kakayahan? (Hindi, ito ay dahil mayroon kaming mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan—umaayon ito sa realidad. Ang paglaban at paghihimagsik mo laban sa Diyos, at ang kawalan mo ng abilidad na magpasakop sa katotohanan, ay hindi dahil sa mahinang kakayahan, ang mga ito ay dahil sa pagkakaroon mo ng mga tiwaling disposisyon. At kaya, hindi ka puwedeng magreklamo tungkol sa pagbibigay ng Diyos sa iyo ng mahinang kakayahan dahil lang sa nagagawa mong lumaban sa Kanya. Ang kakayahan, o ang anumang ibang aspekto ng iyong mga likas na kondisyon, ay likas na mga kondisyon na mayroon ka mismo; ang mga ito ay angking likas na mga kondisyon na taglay mo bilang isang nilikha. Aling aspekto man ito ng mga likas na kondisyon, hindi ito humahantong sa paglaban sa Diyos, at wala itong kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang pagiging matangkad ay hindi nangangahulugang mayroon kang mas kaunting tiwaling disposisyon. Ang pagiging maganda o pagkakaroon ng maputing balat ay hindi nangangahulugan na wala kang mga tiwaling disposisyon. Ang maipanganak sa isang lahi na pinahahalagahan at tinitingala ng mga tao ay hindi nangangahulugan na wala kang mga tiwaling disposisyon. Sa madaling salita, anumang mga likas na kondisyon ang ibinigay ng Diyos sa isang tao, at kumusta man ang mga likas na kondisyon ng isang tao, walang kaugnayan ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon ng taong iyon. Halimbawa, ang hitsura mismo ng isang tao ay hindi humahantong sa paglaban sa Diyos. Gayumpaman, dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kapag maganda ang hitsura ng isang tao, maaaring isipin niya na, “Maganda ako, kaya dapat magkaroon ako ng katayuan at respetuhin.” Ang mga ito ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang magandang hitsura para magamit ang kanilang mga kalakasan, kaya nagbubunyag sila ng maraming maling pahayag at pagkilos. Ang mga pahayag at pagkilos na ito ay pawang dulot ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi ng kanilang mga likas na kondisyon. Mayroon ka mang mahusay o mahinang kakayahan, ang kakayahan mismo ay hindi humahantong sa paglaban sa Diyos. Kung may mahusay kang kakayahan pero hindi mo nauunawaan o tinatanggap ang katotohanan, lalaban at maghihimagsik ka pa rin laban sa Diyos dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon. Kung mayroon kang mahinang kakayahan pero kaya mong tanggapin ang katotohanan, at sa sandaling maunawaan mo ang sinasabi sa iyo ng Diyos na gawin mo o huwag gawin, kaya mong sumunod dito, at nagagawa mong hindi kumilos batay sa iyong mga tiwaling disposisyon, kung gayon, hindi ka maghihimagsik laban sa Diyos, ni hindi ka magiging tuso at magpapakatamad, o magiging pabasta-basta, sutil, o arbitraryo at walang ingat. Hindi mahalaga kung mahina ang kakayahan mo o hindi, basta’t mayroon kang mga tiwaling disposisyon, kahit nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos, maghihimagsik at lalaban ka pa rin sa Diyos. Dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon bilang buhay mo, likas kang nagkakaroon ng sari-saring satanikong kaisipan at pananaw, at mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, pati ng mga satanikong pananaw na pinagbabatayan kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at magpapakitang-gilas ka, ipagtatanggol mo ang iyong sarili, at palagi mong gugustuhing mamukod-tangi at ituring ang sarili mo na mas mataas kaysa sa iba, at kontrolin o pamunuan pa nga ang iba. Ang mga pagpapamalas na ito ay pawang nagmumula sa satanikong kalikasan ng mga tao. Kung gumagawa ka ng sari-saring bagay batay sa iyong satanikong kalikasan at buhay, kung gayon, hindi mahalaga kung mayroon ka mang mahusay o mahinang kakayahan, lalabanan mo ang Diyos. Ang kakayahan mismo ay hindi humahantong sa paglaban sa Diyos. Mayroon kang mahinang kakayahan, pero kaya mo bang kumilos ayon sa mga salita ng Diyos basta’t nauunawaan mo ang mga ito? Kung wala kang mga tiwaling disposisyon o hindi ka namumuhay ayon sa iyong mga tiwaling disposisyon, tiyak na kaya mo itong makamit. Gamitin nating halimbawa ang pagkakaroon ng partikular na kalakasan—madalas iniisip ng mga tao, “Dahil taglay ko ang kalakasang ito, mas nakatataas ako kaysa sa iba; dapat may katayuan ako sa sambahayan ng Diyos, dapat isa akong lider o haligi sa sambahayan ng Diyos.” Ang mga kaisipang ito ay hindi dulot ng pagkakaroon ng kalakasan, kundi dulot ng mga tiwaling disposisyon. Sapagkat ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon bilang kanilang buhay, ang lahat ng bagay na kanilang ibinubunyag, isinasabuhay, at ipinapakita, pati na ang kanilang mga perspektiba, paninindigan, at prinsipyo sa pagtingin sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ay pawang dulot ng pagkakaroon nila ng mga tiwaling disposisyon bilang kanilang buhay. Ang mga ito ay hindi dulot ng anumang likas na kondisyon na ibinigay sa kanila ng Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ano ang ibig Kong sabihin sa pakikipagbahaginan ng mga salitang ito? Ang layon ng pagbabahaginang ito ay ang bigyang-kakayahan kayo na mas malinaw na maunawaan at makilala ang inyong aktuwal na sitwasyon, at makilala kung kumusta ang inyong kakayahan—huwag maging isang taong walang katwiran, at huwag makibahagi sa mga walang kabuluhang pakikibaka tungkol sa pagkakaroon ng katamtaman o mahinang kakayahan, o magbigay pa nga ng mga walang kabuluhang dahilan para ilarawan na hindi mahina ang kakayahan mo. Walang halaga ang mga pagkilos na ito. Nilalayon ng pagbabahaginang ito na bigyang-kakayahan ka na tumpak na maunawaan ang iyong kakayahan at iba’t ibang abilidad, at pagkatapos ay mahanap mo ang iyong marapat na posisyon at umasal ka ayon sa marapat mong puwesto. Higit itong makakatulong sa iyo na maging isang marapat na nilikha, tumayo nang nararapat sa iyong posisyon bilang nilikha, at tumupad nang maayos sa mga tungkulin ng isang nilikha. Siyempre, higit din itong makatutulong sa iyo, sa ilang antas, na maiwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon. Anuman ang antas ng iyong kakayahan o iba’t ibang abilidad, hindi natutukoy ng mga ito ang tindi ng paglaban at paghihimagsik mo laban sa Diyos. Sa madaling salita, masasabi rin na ang mga tiwali mong disposisyon ay hindi nakabatay sa klase ng iyong kakayahan, at lalong hindi nakabatay ang mga ito sa kung kumusta ang iyong mga likas na kondisyon. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay nagmumula sa loob ng kanilang likas at angking laman. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, naging panloob na buhay nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag hindi mo pa naiwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, sinasamantala mo ang iyong mga likas na kondisyon para magsalita at kumilos batay sa satanikong buhay na ito. Nangangahulugan ito na bago mo maiwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, sinasamantala mo ang iba’t ibang likas na kondisyong ibinigay sa iyo ng Diyos para magserbisyo sa pagkamit sa sarili mong mga layon. At kaya, masasabi natin ito: Kung hindi mo iwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, sinasamantala o niyuyurakan mo ang iba’t ibang likas na kondisyong ibinigay sa iyo ng Diyos; kung nasa proseso ka ng paghahangad sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan para iwaksi ang mga tiwali mong disposisyon, marapat at epektibo mong sinasamantala ang mga likas na kondisyon na ibinigay sa iyo ng Diyos; kapag nagbago ka mula sa pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon bilang buhay mo tungo sa pagkakaroon ng katotohanan bilang buhay mo, ginagamit mo nang marapat at wasto ang mga likas na kondisyon na ibinigay sa iyo ng Diyos—sa madaling salita, sa mas makabuluhang paraan. Nauunawaan mo na ba ngayon? Ang mga likas na kondisyon mismo ay hindi ang ugat na sanhi ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos. Sa halip, ang mga satanikong tiwaling disposisyon ng mga tao at ang buhay na itinanim ni Satanas sa loob ng mga tao ay ang ugat na dahilan ng paglaban at paghihimagsik ng sangkatauhan laban sa Diyos. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Malinaw na ba sa iyo, sa pangkalahatan, ang isyung ito? (Oo.)
6. Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Likas na Kondisyon, ng Pagkatao, at ng mga Tiwaling Disposisyon
Bago tayo nagbahaginan tungkol sa paksa ng kakayahan, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang pagpapamalas sa tatlong aspekto: mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Ano-anong mga pagpapamalas ang pinagbahaginan natin noong huli? (Noong huli, ang mga pagpapamalas na pinagbahaginan ay ang kasipagan sa paggawa ng mga bagay-bagay, paggawa ng mga bagay-bagay nang metodikal, pag-uumpisa nang malakas pero pagtatapos nang mahina sa paggawa ng mga bagay-bagay, at pag-iingat sa paggawa ng mga bagay-bagay, pati na rin ang pagmamalaki at pagmamayabang, pagpapabaya, pagkahilig na magpakitang-gilas, panghahamak sa mahihirap at pagbibigay-pabor sa mayayaman, panunuyo sa mga may kapangyarihan, pagkakaroon ng pambihirang memorya, at iba pa.) Hindi na tayo higit pang magbabahaginan tungkol sa mga ito. Magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kapag lumilitaw ang mga pagpapamalas na ito, dapat mong malaman kung sa anong klase ng pagpapamalas nabibilang ang mga ito, at dapat magawa mong matukoy ang kaibahan ng mga ito at makilatis ang mga ito; saka mo lang mahaharap nang tumpak ang mga ito. Kung nauukol sa mga likas na kondisyon ang isang pagpapamalas, na hindi nababago, hindi mo kailangang mag-alala tungkol dito. Kung nabibilang ito sa ilang depekto o kapintasan ng pagkatao na maaaring malampasan, maitama, o mabago, dapat mong subukang itama o baguhin ang mga ito. Kung hindi naman kailangang pagtagumpayan ang mga ito at hindi nakakaapekto ang mga ito sa iyong paggampan ng tungkulin o sa iyong paghahangad sa katotohanan, kung gayon, hindi mo kailangang bigyang-pansin ang mga ito. Kung ang isang pagpapamalas ay hindi isang problema ng mga likas na kondisyon ni isang problema ng pagkatao, pero may kaugnay na mga tiwaling disposisyon, kung gayon, kailangan itong baguhin. Kung hindi mo ito itutuwid o babaguhin, kung gayon, sa isang anyo ng buhay na pinangingibabawan ng mga tiwaling disposisyon na nag-uugat at gumagamit ng kapangyarihan sa loob mo, ang iyong isinasabuhay at ibinubunyag ay hindi lang maliliit na problema gaya ng pagiging hindi makasundo ang iba o pagiging hindi nakalulugod sa iba at pagkabigong mapagtibay sila. Sa halip, ang isinasabuhay at ibinubunyag mo ay umaabot sa antas ng paglabag sa katotohanan, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, paglaban sa Diyos, pagtakwil sa Diyos, pagiging antagonistiko sa Diyos, at—masasabi pa nga—ng pagtindig nang salungat sa Diyos. Tiyak na dahil ganito ang kalikasan ng mga tiwaling disposisyon, sa sandaling kinapapalooban ng mga tiwaling disposisyon ang mga pagpapamalas na ito, dapat mong maunawaan ang mga tiwaling disposisyon na ito, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan, unawain at arukin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, at dapat kang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo para palitan ang mga tiwaling disposisyong ito, nang sa gayon, hindi na pangingibabawan ng mga tiwaling disposisyong ito ang buhay mo, at kapalit ng mga ito, ang katotohanan ay nagiging buhay mo at nangingibabaw sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa kung ano ang isinasabuhay mo.
Pagiging Malilimutin
Ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Ang huling pagpapamalas na pinagbahaginan natin noong nakaraan ay ang pagkakaroon ng matalas na memorya, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, sa anong aspekto nabibilang ang pagiging malilimutin? (Mga likas na kondisyon.) Isa itong likas na kondisyon at isa ring depekto ng pagkatao—ang dalawang aspekto lang na ito. Isa bang tiwaling disposisyon ang pagiging malilimutin? (Hindi.) Malinaw na hindi. Ang ilang tao ay malilimutin dahil likas na mahina ang memorya nila, samantalang ang iba ay nagiging malilimutin dahil sa pagtanda ng utak at paghina ng memorya habang tumatanda sila. Kung likas ang pagiging malilimutin, nabibilang ito sa mga likas na kondisyon; kung ito ay nakukuha, isa itong depekto ng pagkatao. Siyempre, ang pagiging likas na malilimutin ay itinuturing din na depekto, hindi ba? (Oo.)
Pagiging Dalubhasa sa Pagpaplano Bago Gumawa ng mga Bagay-bagay at Pagiging Lubos na Mapagkalkula
Ang pagiging dalubhasa sa pagpaplano bago gumawa ng mga bagay-bagay—sa anong aspekto ito nabibilang? (Isang merito ng pagkatao.) Isa itong merito ng pagkatao. Bago gumawa ng isang bagay, ang mga taong sanay sa pagpaplano ay nagpaplano nang maaga, at pagkatapos ay sumusunod sila sa mga hakbang, nang hindi nagiging pabigla-bigla, walang ingat, o padalos-dalos. Kumikilos sila sa matatag na paraan, hindi nagmamadaling gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kapritso, kundi isinasaalang-alang muna nila kung paano sila dapat humayo, kung kanino sasama, kung ano ang gagawin sa mga espesyal na sitwasyon, kung anong mga dokumento o gamit ang kailangang dalhin, kung magdadala ba ng ilang esensyal na pang-araw-araw na pangangailangan depende sa kapaligiran, at iba pa. Naisasaalang-alang nila ang lahat ng ito. Bago gumawa ng mga bagay-bagay, nagsasagawa sila ng mga masusing paghahanda, isinasaalang-alang ang mas maraming salik at nagiging mas metikuloso sa kanilang mga pagsasaalang-alang. Susuriin nila nang maaga ang kaibahan sa pagitan ng paborable at hindi paborableng mga kondisyon, at tutukuyin nila ang pagkakaiba ng pinakamainam na senaryo at ng mga pinakamasahol na posibleng kahihinatnan. Gagawa sila ng mga makatwirang pagsasaayos para makamit ang mga pinakamainam na resulta. Dahil sanay sila sa pagpaplano at paggawa ng mga makatwirang pagsasaayos, karaniwang mas masinsinan ang pangangasiwa nila sa mga usapin. Hindi gaanong madalas na nangyayari ang mga di-inaasahang sitwasyon sa mga bagay-bagay at mga itineraryong isinasaayos nila, at karaniwang mas maganda ang mga resulta ng kanilang gawain. Ang mga taong gumagawa kasama nila ay hindi nababalisa, kundi mas napapanatag. Kaya, masasabi ba natin na ang pagiging sanay sa pagpaplano, kung ihahambing, ay nabibilang sa isang merito ng pagkatao? (Oo.) Sinasaklaw niyon ang pagiging sanay sa pagpaplano. Kung gayon, ang pagiging mapagkalkula ba ay mabuti o hindi? (Hindi ito mabuti. Isa itong depekto ng pagkatao.) Ang pagiging sanay sa pagpaplano ay isang merito at malakas na katangian ng pagkatao—positibo ito—samantalang ang pagiging mapagkalkula ay isang depekto ng pagkatao. Halimbawa, kung ang dalawang tao ay kumain ng pagkaing nagkakahalaga ng sampung yuan sa kabuuan, at sa pagbabayad, limang yuan at limampung sentimo ang ibinabayad ng taong mapagkalkula, samantalang ang isa pang tao ay nagbabayad ng apat na yuan at limampung sentimo, nararamdaman nila na: “Hindi ito tama—kulang ng limampung sentimo ang ibinayad niya. Dapat limang yuan ang ibayad ng bawat tao para maging patas at makatwiran.” Kinakalkula nila maging ang ganoon kaliit na halaga. Kung pakiramdam nila ay nalugi sila, hindi sila nagiging komportable at palagi silang naghahanap ng pagkakataon na makabawi sa mga lugi nila sa pamamagitan ng mga pagpapakana. Kung hindi nila mababawi ang kanilang mga pagkalugi sa ganitong paraan, hindi sila makakain o makatulog nang maayos. Ang pagiging mapagkalkula ay isang depekto ng pagkatao. Kung magiging malubha ito at magkakalkula sila maging sa malalaking usapin, palaging sinusubukang kumuha ng pakinabang mula sa iba o pagsamantalahan ang mga ito, o madalas na gumagamit ng mga pakana alang-alang sa kanilang mga pagkakalkula, kung gayon, hindi na ito basta lang na depekto ng pagkatao, kundi kaugnay na ito sa isang tiwaling disposisyon. Kung hindi nakakaapekto sa iba o nakapipinsala sa kanilang mga interes ang pagiging mapagkalkula ng isang tao at nangyayari lang ito sa maliliit na usapin ng pang-araw‑araw na buhay, na sa huli ay humahantong sa madalas na pagkabigo o hindi magagandang resulta sa pangangasiwa ng mga usapin, isa itong depekto ng pagkatao.
Anong uri ng problema ang pagiging madamot? (Isang depekto ng pagkatao.) Ano-anong mga pagpapamalas ang bumubuo sa pagiging madamot? Halimbawa, kung malapit nang magmaneho ang isang madamot na tao patungo sa kung saang lugar at may magsasabi ng, “Madadaanan lang din naman, puwede bang makisakay? Limang minuto lang ito at puwede kitang bigyan ng kaunting pera para panggasolina,” matatakot siya na baka hindi magbayad ang tao pagkatapos ng biyahe at maghahanap siya ng dahilan para tanggihang isakay ito—ito ay pagiging madamot. Mayroon ding mga tao na kapag may isang taong nanghihiram sa kanila ng isang bagay at ayaw nila itong ipahiram, sinasabi nila na, “Ginagamit ko ito ngayon. Hindi ko talaga ito maipapahiram sa iyo. Manghiram ka na lang sa iba.” Lubha silang kuripot at masungit; wala silang normal na pakikipag-ugnayan sa mga tao at labis nilang kinatatakutan na masamantala ng iba, habang palaging umaasa na makapanamantala ng iba. Ito ay tinatawag na pagiging madamot. Mayroon ding mga tao na kapag nanghiram ka ng sampung yuan para bumili ng pagkain at ilan pang ibang bagay, pag-iisipan muna nila ito: “Limang yuan lang ang ipapahiram ko sa iyo para sa pagkain—wala nang dagdag, kahit pa isang sentimo!” Kinabukasan, kapag nakita ka nila, tatanungin ka pa nga nila, “Kumusta ang pagkaing iyon? Naubos mo ba ang limang yuan?” Bahagyang ipinapahiwatig ng kanilang mga salita na, “Bilisan mo at bayaran mo na ako! May utang ka pa rin sa akin sa pagkaing iyon. Kung hindi mo ako babayaran, kailangan mo akong ilibre ng pagkain!” Ang ganitong uri ng mga tao ay lubhang makitid ang isip sa kanilang sariling asal at sanay sila sa pagkakalkula. Hindi lamang sila sanay sa pagkakalkula pagdating sa mga materyal na bagay, kundi talagang sanay rin sila sa pagkakalkula sa mga pakikipag-ugnayan sa iba. Anuman ang sabihin ng iba sa kanila, palagi nilang sinusuri ang nakatagong mensahe rito at pinagninilayan ang kahulugan sa likod nito. Kung ang mga salita ay nakapipinsala sa kanila o lumalabag sa kanilang mga interes, agad silang gumaganti. Kahit sa mga pag-uusap, naghahangad silang makapanamantala at matigas silang tumatangging magdusa ng anumang kawalan. Hindi na lang ito pagiging makitid ang isip o madamot—isa itong tiwaling disposisyon. Kung may kinalaman lang ito sa palaging pagtatangkang makapanamantala at umiwas sa mga kawalan sa pang-araw-araw na materyal at pinansiyal na pakikipag-ugnayan, ito ay isang depekto lang ng pagkatao at hindi pa umaabot sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung may kinalaman dito ang mga prinsipyo ng sariling asal at pagkilos, hindi na ito isang depekto ng pagkatao, kundi umabot na ito sa antas ng isang tiwaling disposisyon. Kung gayon, ano ang kinabibilangan ng pagiging mapagbigay? (Isang merito ng pagkatao.) Maaari itong iklasipika bilang isang merito ng pagkatao. Sa mga pakikipag-ugnayan sa iba, hindi labis na inaalala ng mga mapagbigay na tao ang tungkol sa mga pakinabang o kawalan. Kapag ang iba ay nakakakuha ng mga kaunting pakinabang o may nakukuhang maliit na bagay mula sa kanila, o minsan, kapag hindi naibabalik ng isang tao ang hiniram na pera sa kanila, hindi naman talaga sila nagkakalkula tungkol sa mga gayong bagay. Medyo mapagbigay at mapagparaya sila sa iba—isa itong merito ng pagkatao.
Kakitiran ng Isip
Anong uri ng problema ang kakitiran ng isip? (Isang depekto ng pagkatao.) Ito ay isang depekto ng pagkatao. Ano-ano ang mga pagpapamalas ng kakitiran ng isip? (Pagkakaroon ng tendensiya na masyadong usisain ang maliliit na usapin.) Halimbawa, habang kumakain, kung sasabihin mo sa isang taong makitid ang isip na, “Ang lakas mo talagang kumain—mas marami kang kinakain kaysa sa karamihan ng tao,” magagalit siya: “Tinatawag mo ba akong matakaw?” Gumawa ka ng isang komento na hindi sinasadyang nakasakit sa kanya o nagpasama ng loob niya, at dinidibdib niya ito at ayaw niyang kalimutan. Maaaring manatili siyang galit sa iyo sa loob ng kalahating buwan at tumangging makipag-usap sa iyo, at hindi mo malalaman kung ano ang dahilan nito. Sa totoo lang, gumawa ka lang ng isang kaswal na komento nang walang anumang intensiyon na kutyain siya, pero hindi inaasahang pinalalaki niya ang komentong ito, pinaniniwalaang pinagtatawanan siya. Dinidibdib niya maging ang maliit na usaping ito at walang tigil na pinalalabis, pinalulubha ang mga bagay-bagay at hindi nagpapakita ng anumang kapatawaran—ito ay kakitiran ng isip. Gaano nga ba kakitid ang isip ng ganitong uri ng tao? Maaari siyang maging kasingsutil ng mga bata—walang nangangahas na galitin siya. Kapag nakikipag-ugnayan sa kanya, palagi mong kailangan na mag-ingat, huwag mangahas na makipag-usap sa kanya nang normal, dahil kung gagawin mo iyon, baka mapasama mo ang loob niya o masaktan siya ng anumang sasabihin mo, at magreresulta iyon sa mga kahihinatnan—sa susunod na magkikita kayo, pakikitaan ka niya ng madilim na mukha, iiwasan niyang magsalubong ang mga mata ninyo, at magdadabog pa nga siya. Kung susubukan mong makipag-usap sa kanya, hindi ka niya papansinin. Hindi gagana ang makipag-usap sa kanya tungkol sa mga bagay-bagay o ang subukang suyuin siya. Kung uupo ka malapit sa kanya, iiwasan ka niya at hindi papansinin. Kahit ano pa ang edad niya, palagi siyang nag-aalboroto na parang bata at kumikilos nang sutil—hindi ba’t kakitiran ito ng isip? (Oo.) Isa itong depekto ng pagkatao. Napakahirap pakisamahan ng ganitong uri ng mga tao. Kapag nagbabahaginan nang sama-sama ang mga kapatid nang bukas ang puso, tinutukoy ang mga pagkukulang ng isa’t isa, walang nangangahas na magtukoy sa ganitong uri ng mga tao. Pero kung hindi sila isinasali sa ganoong pagbabahaginan, hindi sila nasisiyahan at nagsisimula silang magkaroon ng ilang kaisipan: “Sama-sama kayong nagbabahaginan lahat nang may bukas na puso, tinutulungan ang isa’t isa, pero hindi ninyo ako tinatrato bilang kapatid.” Hindi uubra na walang anumang sabihin sa kanila—kailangang may kaunti kang sabihin sa kanila: “Magaling ka, pero minsan, medyo madali kang magalit. Gayumpaman, mayroon din kaming mga kamalian at madalas na hindi namin nabibigyang-pansin ang sinasabi namin.” Kung hindi mo ito sasabihin sa ganoong paraan at sasabihin mo lang na madali silang magalit at makitid ang isip nila, hindi ito uubra—magagalit sila. Kapag nakikipag‑ugnayan sa kanila, kailangan mong maging lalong mapagmatyag at magsalita nang maingat. Kung may sasabihin kang isang bagay na hindi naaangkop, kakailanganin mong pasanin ang mga kahihinatnan. Samakatwid, talagang sobrang nakakapagod na makipag-ugnayan sa kanila. May termino para dito ang mga walang pananampalataya, sinasabi nila na ang ganitong uri ng mga tao ay “balat sibuyas,” ibig sabihin, talagang madali silang masaktan. Ang mga ganitong tao ay napakadaling nasasaktan, nagsisimulang umiyak, tumatangging kumain, hindi makatulog, at nagiging negatibo. Sinasabi nila, “Sinasabi ninyong lahat na wala akong kuwenta. Wala sa inyo ang may gusto sa akin, wala sa inyo ang nakikipagkuwentuhan sa akin, at lahat kayo ay umiiwas sa akin at ayaw mapalapit sa akin.” Hindi ba’t parang bata iyon? (Oo nga.) May nagsasabi na, “Napakarupok ng puso mo, parang salamin—nababasag sa kahit katiting na pasakit. Sino ang mangangahas na ilantad ka? Sino ang mangangahas na magkaroon ng mga pakikitungo sa iyo? Natatakot ang lahat na gawin iyon.” Ang sabihin na may masamang pagkatao ang mga ganitong uri ng tao ay hindi obhektibo—hindi naman talaga sila nakikibahagi sa anumang masasamang gawa. Sadyang sila ay talagang mainisin—sila ay sutil, mabusisi, at may tendensiyang mag-alboroto gaya ng isang bata. Hindi mo sila puwedeng banggain o galitin. Kung mapagpatawad ka sa kanila, sasabihin nila na minamaliit mo sila at hindi mo sila sineseryoso; kung seseryosohin mo naman sila, sasabihin nila na nagiging mabusisi ka sa kanila—kahit anong gawin mo, mali ito. Kapag nakikipag‑ugnayan sa ganitong uri ng mga tao, kung angkop ang pamamaraan mo at napapasaya mo sila, kahit pa medyo mahina ang kakayahan nila, magagawa nila nang maayos ang kanilang tungkulin. Pero kung hindi tama ang pamamaraan mo at may isang bagay na ikinalulungkot nila, nagiging negatibo sila, at kailangan mong mag-isip nang husto ng mga paraan para pakalmahin sila. Sobrang mapanggulo ang mga taong makitid ang isip. Sa isang maliit na usapin, maaari silang umiyak nang napakatagal, hanggang sa puntong sobra nang namumula ang mga mata nila. Kung hindi umaayon sa kanilang gusto ang isang maliit na bagay, maaaring magtampo sila sa loob ng ilang oras. Kapag nag-alboroto sila, kaya nilang umabot ng kalahating buwan nang hindi nagbibigay-pansin o nakikipag-usap sa iba. Mapag-alboroto at makitid ang isip ng ganitong uri ng mga tao, pero ginagawa pa rin nila ang gawaing nararapat nilang gawin—kaya lang, ginagawa nila ito nang may galit. Sa sandaling bumuti ang lagay ng loob nila, muli silang nakakagawa nang maayos. Sa pangkalahatan, malubha ang depekto at problemang ito sa kanilang pagkatao. Malamang na makapagdulot sila ng tensiyon sa kapaligiran at makagawa ng gulo at maglagay ng pasanin kapwa sa sarili nila at sa iba. Ang mga ganitong uri ng mga tao ay walang lawak ng isipan o ng saloobin ng mga taong nasa hustong gulang para sa mga makamundong pakikitungo. Medyo para silang mga batang nasa mga sampung taong gulang—hindi mo masasabing matino sila, dahil hindi naman talaga sila matino, pero hindi mo rin masabi na wala pa sila sa hustong gulang, dahil palagi silang nagsasalita na parang nasa hustong gulang na. Kung tatratuhin mo sila na parang mga taong nasa hustong gulang, posible na ang anumang sabihin mo ay hindi nila ikalugod at magparamdam sa kanila na nalilimitahan sila, nagtutulak sa kanila na biglang mag-alboroto na parang isang bata. Pero kung ituturing mo sila na parang bata, pakiramdam nila ay minamaliit mo sila. Sa madaling salita, lubha silang hindi normal. Isa itong depekto ng pagkatao. Kung may ganitong uri ng problema ang isang tao, dapat siyang magbago at magsumikap na matutong maging mapagparaya at matiisin, na matutong harapin at pangasiwaan ang mga isyu sa wastong paraan at nang may wastong saloobin, at makipag-ugnayan sa iba sa makatwirang paraan ng mga normal na tao. Kahit na hindi tinatanggap ng karamihan sa mga tao ang katotohanan o ang wastong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, hindi ka dapat malimitahan o maimpluwensiyahan nito, ni mapigilan o magapos nito. Dapat ka pa ring magpatuloy sa paggawa ng mga bagay-bagay sa wastong paraan. Kahit na nararamdaman mong mahirap ito, huwag kang sumuko—parte rin ito ng proseso ng pagkatuto. Unti‑unti, mahihinog ang iyong pagkatao, kabatiran, at ibang mga aspekto, at ikaw ay lalago. Ano ang tanda ng paglago? Ito ay ang magawang makisama nang maayos sa nakararami; ito ay ang magawang tiisin ito, unawain ito, at harapin ito nang tama kapag may nagsasabi ng hindi kaaya-ayang bagay, nagbibiro, o nagsasabi ng nakasasakit na bagay sa iyo. Kung ang sinasabi ng iba ay hindi kaaya‑aya pero sumasalamin sa iyong aktuwal na sitwasyon, dapat mong tanggapin at kilalanin ito. Kung may isang taong di-sinasadyang nagsasabi ng isang bagay na nakakapagpasama ng loob mo, at nakikita mo na hindi ito sinasadya, dapat mong piliin na magparaya. Kung may isang taong sadyang pumupuntirya sa iyo at nagsasabi ng ilang lubhang nakakasakit na bagay, kailangan mong huminahon, magdasal sa Diyos, at maghanap: “Bakit nila ako pinupuntirya nang ganito? Ano ang intensiyon nila? Masamang tao ba sila, o ito ba ay isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon? Kung masamang tao sila, kailangan kong maging mas mapagkilatis at mapagbantay sa kanila. Kung tama at umaayon sa katotohanan ang sinasabi nila, tatanggapin ko ito; kung hindi ito tama, hindi na rin kailangang makipagtalo sa kanila. Kung nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon, titingnan ko kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, makikipagbahaginan ako sa kanila tungkol sa katotohanan. Kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, wala na akong magagawa kundi magtiis.” Hindi ba’t nilulutas niyon ang isyu? Sa ganitong paraan, kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba’t ibang uri ng tao, magagawa mo iyon nang may pagpaparaya sa isa’t isa at pagtutulungan kayo sa isa’t isa, at mapakikisamahan mo sila nang maayos—palaging mas mabuti ito kaysa sa pagiging isang taong makitid ang isip. Ang mga taong makitid ang isip, sa isang banda, ay nagdudulot ng lubhang hindi komportableng pakiramdam sa iba, at sa kabilang banda, nabibigo silang makibagay sa anumang grupo, nagmumukha silang labis na nakabukod at wala sa lugar. Ang ilang mabait na tao ay maaawa sa iyo, at talagang gugustuhin ng lahat na tulungan ka, dahil magkakapatid kayong lahat, pero kapag lagi mong ibinubukod ang iyong sarili at nananatiling mag-isa gaya nito, hindi ba’t naiisip mo na nagmumukhang nakakaasiwa ang dating mo sa iba? (Oo.) Bakit naiiba ka sa grupo? Dahil mayroon kang ganitong depekto sa pagkatao, kaya dapat mong pagsikapan na malampasan ito at unti-unting magbago, hindi ba? (Oo.)