Paano Hangarin ang Katotohanan (8) Unang Bahagi

Mga Prinsipyo para sa Pagkilatis sa Kakayahan ng mga Tao

Nitong mga nagdaang araw, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng kung paano kilatisin ang kakayahan sa iba’t ibang aspekto, hindi ba? (Opo.) Sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng iba’t ibang aspekto at antas ng kakayahan, kaya ba ninyong mahinuha kung ano ang mahusay na kakayahan, ano ang katamtamang kakayahan, ano ang mahinang kakayahan, at kung ano ang ganap na kawalan ng kakayahan? Napakarami nating pinagbahaginan tungkol sa aspektong ito, kaya kailangang magawa ninyong ibuod ang nilalaman na ito at pagkatapos ay itugma ito sa mga partikular na pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay. Sa ganitong paraan, magiging medyo mas tumpak ang pagsusuri ninyo sa inyong sarili at sa iba. Kung hindi ka marunong magbuod, kapag nakakasalamuha ka ng mga partikular na tao sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo sila makikilatis, at hindi mo rin makikilatis ang sarili mong mga pagpapamalas at pagbubunyag sa iba’t ibang aspekto. Hindi ba’t mangangahulugan iyon na walang saysay kang nakinig? Dapat maging sanay ka sa pagbubuod. Ano ang ibig sabihin ng pagbubuod? Ibig sabihin nito ay paghahanap, sa loob ng partikular na nilalaman ng iba’t ibang aspektong ito, sa mga prinsipyo sa pagkilatis o pag-unawa sa iba’t ibang uri ng bagay. Sa ganitong paraan, nakakamit ang layunin ng pagbubuod. Kapag natagpuan mo ang mga prinsipyo, magagamit mo ang mga katotohanang prinsipyo para tingnan ang mga tao at bagay, at makikilatis mo ang iba at pati na ang iyong sarili. Pinatutunayan nito na nauunawaan mo ang katotohanan. Kapag nauunawaan mo ang isang aspekto ng katotohanan at nagagamit mo ito, magkakamit ka ng pagpasok sa katotohanang realidad sa aspektong ito. Kaya, hindi ba’t dapat nating ibuod ang partikular na nilalaman ng iba’t ibang aspekto ng kakayahan? (Oo.) Kailangan nating ibuod ito. Sa ganitong paraan mo lamang malinaw na mauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong nauugnay sa kakayahan.

Paggamit ng mga Katotohanang Prinsipyo para Suriin ang Kakayahan ng mga Tao

I. Mga Pagpapamalas ng Mahusay na Kakayahan

Kailangan mong malaman ang mga prinsipyo para makapagsagawa ka ng pangkalahatang pagsusuri sa mga taong may mahusay na kakayahan, hindi ba? (Tama.) Detalyado tayong nagbahaginan tungkol sa maraming partikular na pagpapamalas, ginagamit ang mga partikular na pagpapamalas na ito para suriin kung ano ang kakayahan ng isang tao. Kaya, ano ang mga pangkalahatang pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan? Mayroon silang partikular na mga prinsipyo sa puso nila para sa pag-asal at pagkilos. Kahit hindi nila nauunawaan ang katotohanan o hindi pa naririnig ang katotohanan, mayroon na silang ilan sa mga pinakabatayang prinsipyo para sa pagtingin sa mga tao at bagay, at para din sa pag-asal at pagkilos. Ibig sabihin, mayroon silang mga partikular na hangganan sa kanilang sariling asal. Sa partikular na antas, medyo naaayon o malapit sa mga katotohanang prinsipyo ang mga hangganang ito at, kahit papaano, ay malapit sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran ng pagkatao. Matapos nilang maunawaan ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagtanggap sa pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, kahit na hindi nila naranasan ang maraming usapin o espesyal na kapaligiran, nagagawa pa rin nilang maunawaan at maarok ang ilang katotohanang prinsipyo sa puso nila. Sa aktuwal na buhay, nagagawa nilang gamitin ang mga prinsipyong ito para pangasiwaan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Siyempre, kapag pinangangasiwaan nila ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, hindi lang ito tungkol sa pangangasiwa ng mga isyu na simple at may isang aspekto lamang. Sa halip, kapag nakakatagpo sila ng iba’t ibang masalimuot at magkakaugnay na mga tao, pangyayari, at bagay, kaya nilang ilapat ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo sa pagtrato at pangangasiwa sa mga ito. Isa itong pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan pagdating sa mga usaping nauugnay sa mga prinsipyo. Dahil mahusay ang kakayahan nila, sa pamamagitan ng pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, kaya nilang hanapin para sa sarili nila ang mga prinsipyo sa loob ng mga salita ng Diyos para sa pagtingin at pangangasiwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang mga taong may mahusay na kakayahan na tulad nito ay kayang mamahala sa gawain nang nakapagsasarili, tinatapos ang bawat gampanin nang mag-isa. Isa itong pagpapamalas ng mahusay na kakayahan. Ano ang pangunahing pagpapamalas? (Ang pangunahing pagpapamalas ay na, sa pamamagitan ng pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, kaya nilang hanapin para sa sarili nila ang mga prinsipyo sa loob ng mga salita ng Diyos para sa pagtingin at pangangasiwa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, nagagawang lutasin ang mga problema nang mag-isa at nakapagsasariling pamahalaan ang gawain.) Mismo—sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kaya nilang maunawaan ang katotohanan at mahanap ang mga prinsipyo para sa pagtingin at pangangasiwa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, nagagawang pasanin ang gawain nang mag-isa. Ito lang ang nangangahulugan na pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Bago ang ngayon, sinabi natin na ang magawang pasanin ang gawain nang mag-isa ay nangangailangan ng pagtataglay ng iba’t ibang abilidad. Ngayon, gamit ang mga katotohanang prinsipyo para sukatin ito, ito ay isang pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan.

II. Mga Pagpapamalas ng Katamtamang Kakayahan

Ano naman ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan? Tiyak na labis na mas masahol pa sila kaysa sa mga may mahusay na kakayahan. Gayumpaman, hindi mahalaga kung mayroon mang mahusay o katamtamang kakayahan ang mga tao, bago nila matanggap ang pagtustos ng mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, wala silang mga wastong prinsipyo sa pag-asal. Ang pagtamo ng pagkaarok sa mga prinsipyo para sa pag-asal ay dapat magawa sa pundasyon ng pagtanggap sa pagtustos ng mga salita ng Diyos at ng pagkaunawa sa katotohanan. Sa pamamagitan lang ng mga aktuwal na karanasan unti-unting mauunawaan ng isang tao ang mga prinsipyo para sa pag-asal. Kung isa itong taong may katamtamang kakayahan, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, kaya lang niyang maunawaan ang batayang kahulugan at ang mga hinihinging pamantayan na ipinahayag sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan niya ang mga bagay na ito sa usapin ng doktrina, pero kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi pa rin niya nagagawang gamitin ang mga katotohanang prinsipyo. Tanging sa pamamagitan ng gabay at pagtustos ng iba, o pagkatapos maranasan ang maraming bagay, niya nagagawang maunawaan ang ilang batayang katotohanang prinsipyo. Ano ang tinutukoy ng “batayan” dito? Nangangahulugan ito na ang mga prinsipyong nauunawaan at naaarok nila ay pangunahing may isang aspekto lang at medyo mga simpleng prinsipyo, at nagbibigay-kakayahan sa kanila na pangasiwaan at lutasin ang mga ordinaryong problema, pero kapag nahaharap sa mga masalimuot na sitwasyon o konteksto, hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kailangan nilang umasa sa gabay at tulong ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan para harapin ang ilang masalimuot na problema o may sari-saring aspektong gampanin. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan. Ano ang kapansin-pansin sa mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan? Hindi sila nakapagsasariling nakakaunawa sa katotohanan o nakakahanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos. Hindi nila tumpak na maunawaan kung ano talaga ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Kailangan nila ng isang taong makikipagbahaginan sa kanila, susuporta sa kanila, at tutulong sa pagsuri sa mga bagay-bagay, at malinaw na magsasabi at magpapaalala sa kanila. Sa ganitong paraan lamang nila malalaman na: “Ito ay isang katotohanang prinsipyo. Dapat ko itong tandaan. Dapat akong magsagawa ayon dito. Dapat kong ipatupad ang gawain ayon sa pagsasaayos ng gawain na ito.” Ito ay sa usapin ng kanilang pagkaarok. Pangalawa, sa usapin ng paggawa ng gawain, kapag gumagawa ng gawaing wala silang karanasan, hindi nila agad na magamit ang mga katotohanang prinsipyo para tingnan o pangasiwaan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Kaya lang nilang pangasiwaan ang ilang gawaing may isang aspekto batay sa pagkaunawa ng ilang batayang katotohanang prinsipyo. Kapag nahaharap sa masalimuot na gawain na may kaugnay na maraming katotohanang prinsipyo, kailangan nila ang iba na magsuri ng mga bagay, at suportahan at tustusan sila. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan. Sa usapin ng personal na pagkaarok, kailangan nila ang iba na makipagbahaginan sa kanila at tumulong sa pagsuri sa mga bagay-bagay. Kailangan nilang makinig nang madalas—hindi lang sa isang aspekto ng katotohanan kundi sa iba’t ibang aspekto, at sa huli, kailangan nila ng isang tao na magsasabi sa kanila kung ano ang mga batayang prinsipyo ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, nang sa gayon ay maunawaan nila ang ilan sa mga ito sa kanilang puso. Gayumpaman, kapag nakakatagpo sila ng mga masalimuot na sitwasyon, muli na namang hindi nila alam kung paano umarok at kailangan pa rin nilang maghanap. Ito ay sa usapin ng pagkaarok. Tungkol naman sa pangangasiwa sa iba’t ibang usapin sa gawain o aktuwal na buhay, ang abilidad nilang pangasiwaan ang mga problema ay kaya lang umabot sa antas ng pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo para pangasiwaan ang gawaing may isang aspekto. Kapag nahaharap sa masalimuot na gawain na may kaugnay na maraming katotohanang prinsipyo, medyo nahihirapan sila rito at kailangan nilang maghanap at magkaroon ng isang taong susuri sa mga bagay-bagay. Sila mismo ay hindi magagarantiya na kaya nilang gawin nang maayos ang gawain at hindi nila matukoy kung umaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa nila. Minsan, magkakaroon ng mga paglihis sa gawain nila. Gayumpaman, ang mga paglihis na ito ay mga paglihis lamang at hindi mga pagkabaluktot. Kung ang mga ito ay pagkabaluktot, magpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan. Mayroong kaibahan sa pagitan ng mga paglihis at pagkabaluktot: Ang mga paglihis ay nangangahulugan na hindi ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang gawain, hindi sapat na nagawa, o walang sapat na konsiderasyon, pero hindi naman mali ang direksiyon. Kaya lang, dahil hindi sapat ang kanilang karanasan sa gawain, o medyo mababaw pa ang pagkaunawa nila sa katotohanan at hindi sapat na tumpak ang pagkaarok nila sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sapat na pasok sa pamantayan ang gawain nila. Maaaring palapit na ito sa pagiging pasok sa pamantayan, pero nangangailangan pa rin ito ng pagpapabuti para maging ganap na pasok sa pamantayan. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan. Ano ang pangunahing katangian ng ganitong uri ng tao? (Ito ay na hindi nila kayang gawin nang maayos ang isang aytem ng gawain nang nakapagsasarili; kailangan nila ng tulong at suporta mula sa iba para tapusin ang ilang gawain.) Ang katangian nila ay na, sa usapin man ng pagkaarok o paggawa ng kanilang tungkulin, medyo mas mababa sila. Sa pangkalahatan, hindi nila kayang gawin nang maayos ang isang aytem ng gawain nang nakapagsasarili, nangangailangan sila ng suporta, pagsusuri, at pagpapaalala mula sa iba. Samakatwid, ang batayang katwiran na dapat taglayin ng mga taong may katamtamang kakayahan ay ang higit na maghanap at maghintay kapag ginagawa ang mga bagay-bagay. Kapag hindi nila makilatis ang isang bagay, dapat agad-agad at mapagpakumbaba silang maghanap—maghanap man ng mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos para magsilbing batayan sa sarili nila o maghanap sa mga nakatataas—at hindi kumilos nang bulag o naguguluhan. Pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon, kung nalilito ka na tungkol sa maraming bagay, agad mong ibuod at itala ang mga ito, at maghanap sa mga nakatataas. Ang layunin nito ay na ipasuri at patingnan sa mga nakatataas mo kung ang gawaing nagawa mo sa panahong ito ay naglalaman ng anumang mga paglihis o kakulangan. Huwag masyadong mag-akala na mas matuwid ka kaysa sa iba, iniisip na mayroon kang karanasan sa gawain, at huwag magkaroon ng labis na kumpiyansa sa sarili. Dapat mayroon kang kamalayan sa sarili. Natalakay na ang mga pagpapamalas ng katamtamang kakayahan, kaya ano ang mga katangian ng mga taong may katamtamang kakayahan? (Hindi nila kayang gawin ang gawain nang nakapagsasarili; kailangan nila ang iba para sumuporta, tumulong, at sumuri sa mga bagay-bagay.) At ano ang mga katangian nila sa usapin ng pag-arok sa mga salita ng Diyos? (Sa usapin ng pag-arok sa mga salita ng Diyos, kaya lang nilang maarok ang ilang batayang prinsipyo pero hindi nila ito praktikal na magamit sa gawain.) At ano ang mga katangian nila sa usapin ng kapabilidad sa gawain? (Sa usapin ng kapabilidad sa gawain, hindi agad na magamit ng mga taong may katamtamang kakayahan ang mga katotohanang prinsipyo para tingnan o pangasiwaan ang iba’t ibang isyu. Higit pa rito, kaya lang nilang panatilihin ang iisang aytem ng gawain; pagdating sa maraming aytem ng gawain, hindi nila kayang maarok ang mga prinsipyo. Hindi nila magawang bigyang-priyoridad ang iba’t ibang aytem ng gawain ayon sa kahalagahan o pagka-agaran para matapos nang maayos ang mga ito, lalong hindi nila makatwirang maisaayos ang gawain. Kailangan nila ng isang taong susuri sa mga bagay-bagay at gagabay sa kanilang direksiyon, at palaging tutulong at susuporta sa kanila.) Totoo iyan. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay kayang gumawa ng gawaing may isang aspekto nang nakapagsasarili o, sa pundasyon ng pagkakaroon ng partikular na antas ng karanasan sa gawain, kaya nilang mangasiwa ng simpleng gawain. Gayumpaman, kapag nahaharap sa mga masalimuot na isyu, lalo na sa gawaing may kaugnay na maraming katotohanang prinsipyo, nalilito sila at hindi nila alam kung paano magsagawa. Sa isang sandali, iniisip nila na dapat itong gawin sa ganitong paraan, at sa susunod na sandali, iniisip nila na dapat itong gawin sa ganoong paraan, pero hindi nila alam kung aling paraan talaga ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila magawang suriin ang mga kahihinatnan na maaaring lumitaw kapag tuluyan nang natapos ang gampanin. Sa gayong mga sitwasyon, naiiwan silang walang landas. Maaaring maging mahusay sa isang aytem ng gawain ang mga taong may katamtamang kakayahan, pero kapag nahaharap sa maraming aytem ng gawain o medyo mas masalimuot na gawain, nalilito sila. Halimbawa, ang ilang lider at manggagawa sa inyo ay kayang mangasiwa ng isang aytem ng gawain kapag itinalaga ito sa kanila, pero kapag itinalaga sa kanila ang dalawa o tatlong aytem ng gawain, hindi nila kayang pamahalaan ang mga ito. Kahit gusto nilang gawin nang maayos ang mga ito, hindi nila ito magawa. Kapag abala sila sa gawain, sa sandaling banggitin ng isang tao ang isang problema rito o roon, nalilito sila at hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Bilang resulta, wala sa mga aytem ng gawain ang nagawa nang maayos. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan. Hindi kayang sabay-sabay na pasanin ng mga taong may katamtamang kakayahan ang dalawa o tatlong aytem ng gawain. Lalo na kapag nahaharap sila sa mga masalimuot o espesyal na sitwasyon, agad silang nalilito at hindi nila alam kung ano ang gagawin. Bilang resulta, hindi nagawa nang maayos ang gawaing maayos sana nilang nagawa, at ang mga aytem ng gawain na responsabilidad nila ay nagkakaproblema o naaantala. Samakatwid, hindi kayang pumasan ng dalawa o tatlong aytem ng gawain ang mga taong may katamtamang kakayahan, at naaangkop lamang sila sa mga simpleng indibidwal na aytem ng gawain. Palaging iniisip ng ilang lider at manggagawa na napakasimple ng paggawa ng gawain. Kapag ipinapaalam ng ibang mga tao ang mga problema, palagi silang walang pakialam at hindi nila itinuturing na mga problema ang mga ito, iniisip pa nga nila na may problema sa pag-iisip ang mga taong iyon at na ginagawang masyadong komplikado ng mga taong iyon ang mga bagay-bagay. Sa huli, lumilitaw ang malalaking problema, at hindi nila malutas ang mga ito at saka lamang nila inuulat ang mga ito sa mga nakatataas. Masyadong kaunti ang karanasan ng gayong mga lider at manggagawa, at wala silang kabatiran. Sa gawain nila, palagi nilang inaakala na magiging maayos ang lahat, sumusunod lang sa ilang regulasyon at mapagmatigas na nananatili sa iisang landas. Gaano man kalubha ang mga problemang lumilitaw, bigo silang mapagtanto ang mga ito; higit pa rito, bigo silang mapagtanto na maaantala ng mga problemang ito ang pangkalahatang gawain kung hindi malulutas ang mga ito. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan.

Sa pangkalahatan, kung ang mga taong may katamtamang kakayahan ay pasok sa pamantayan sa lahat ng aspekto ng kanilang pagkatao, sa pangkalahatan ay kaya nilang maging mahusay sa isang gawaing may isang aspekto. Ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na hindi nila kayang tapusin ang komprehensibong gawain nang nakapagsasarili ay na pinahihintulutan lang sila ng kanilang kakayahan na maging magaling sa isang gawaing may isang aspekto. Pagdating sa ilang gawaing nauugnay sa kanilang mga hilig, libangan, at kalakasan, sa usapin ng kanilang kakayahan, kaya nilang maging mahusay para dito. Gayumpaman, kapag nahaharap sa mga komplikasyon ng gawaing may sari-saring aspekto, nalilito sila. Kahit na mayroon na silang praktikal na karanasan, hindi sapat ang kakayahan nila para sa gampanin. Sinasabi ng ilang tao, “Ito ba ay dahil bata pa ako?” Hindi, hindi ganoon. Kung katamtaman ang iyong kakayahan, kahit kuwarenta o singkuwenta anyos ka na, hindi ka pa rin magiging mahusay sa pagpasan ng gawaing may sari-saring aspekto. Bakit Ko sinasabi ito? Matapos makaipon ng kaunting karanasan sa pamamagitan ng aktuwal na paggampan ng gawain, maaaring makakaya mong pangasiwaan ang isang partikular na gawaing may isang aspekto. Gayumpaman, nagagawa mo lang tapusin nang maayos ang gawain nang nakapagsasarili sa mga sitwasyong mayroon kang gabay, may isang taong sumusuri sa mga bagay, o may pagsubaybay ng iba—habambuhay na nananatiling hindi mo magawang pasanin ang gawaing may sari-saring aspekto nang nakapagsasarili. Ipinapahiwatig nito na may katamtaman kang kakayahan. Pagkatapos makaipon ng kaunting karanasan sa paglipas ng maraming taon ng pagsailalim sa iba’t ibang sitwasyon, at pagkatapos maunawaan ang ilang katotohanang prinsipyo, hindi pa rin kayang pasanin ng ilang tao ang gawaing may sari-saring aspekto, lalo na ang gawain na kung saan dapat nilang pamahalaan nang nakapagsasarili. Kapag nakakatagpo sila ng masasalimuot na sitwasyon, nalilito sila at hindi nila magawang bigyang-priyoridad ang mga gampanin ayon sa kahalagahan o pagka-agaran. Ang gayong mga tao ay tiyak na may katamtamang kakayahan. Ang karanasan sa gawain ay sumasaklaw lamang sa isang aspekto ng kapabilidad sa gawain ng isang tao; hindi ito ang nangingibabaw na salik. Ang nangingibabaw na salik ay ang kakayahan ng isang tao at ang kanyang mga abilidad sa iba’t ibang aspekto. Ang karanasan sa gawain ay nagbibigay lang ng ilang sanggunian. Siyempre, mahalaga rin ang karanasan sa gawain dahil nagmumula ito sa personal na karanasan, pero ang praktikal na karanasan sa gawain na ito ay hindi magbibigay sa iyo ng kakayahang mas tumpak na maarok ang mga prinsipyo ng gawaing may sari-saring aspekto. Kung mahusay ang kakayahan mo at tunay mong nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, kahit na wala kang karanasan sa gawain o hindi malawak ang iyong personal na karanasan, kaya mo pa ring pumasan ng pangkalahatang gawain nang mag-isa at mamahala ng gawain nang nakapagsasarili. Gayumpaman, ang mga taong may katamtamang kakayahan ay hindi kayang tumapos ng pangkalahatang gawain nang mag-isa; kaya lang nilang tapusin ang gawaing may isang aspekto at nangangailangan sila ng madalas na pagpapaalala, pagsusuri, tulong, at gabay. Samakatwid, para sa inyong mga may katamtamang kakayahan, huwag ninyong isipin na ang pagiging magaling sa isang partikular na gawaing may isang aspekto ay nangangahulugan na kaya mong maging mahusay sa gawaing may sari-saring aspekto o kaya mong pamahalaan ang gawain nang nakapagsasarili. Ito ay isang ilusyon at maling pagkaunawa. May puwang sa pagitan ng magawang tapusin nang mag-isa ang partikular na gawaing may isang aspekto at ng magawang tapusin nang mag-isa ang gawaing may sari-saring aspekto—ibig sabihin, ang magawang pamahalaan ang gawain nang nakapagsasarili. Isa itong bagay na unti-unti ninyong malalaman sa pamamagitan ng karanasan. Maaaring hindi madaling maunawaan ang mga salitang ito—tanging ang mga nakapaglingkod bilang lider o manggagawa sa loob ng maraming taon at may praktikal na karanasan ang nakakaunawa sa mga ito. Maaaring hindi nakakaunawa ang mga ordinaryong kapatid, hindi ba? Ang mga lider at manggagawa na nakapagpasan ng gawaing may sari-saring aspekto ay may praktikal na karanasan at nakakaunawa sa mga kaibahan sa loob nito—mayroon silang mga prinsipyo sa kung paano nila ginagawa ang kanilang gawain. Subalit ang mga taong may katamtamang kakayahan ay kulang sa mga ito. Ganap nang naibuod ngayon ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan.