Paano Hangarin ang Katotohanan (7) Ikaanim na Bahagi
Pagkatapos marinig ang mga partikular na pagpapamalas na ito ng iba’t ibang abilidad na ginagamit para sukatin ang kakayahan ng mga tao, sinusuri ninyo ang sarili ninyo at makikita ninyo na sa pinakamainam ay mayroon lang kayong katamtamang kakayahan, nang hindi umaabot sa antas ng pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Kaya, sino iyong mga umaabot sa antas ng mahusay na kakayahan? Sila ang mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Kung binibigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan, dapat kang umako ng gawain na tumutugma sa mahusay na kakayahan. Kung hindi kailangan na umako ka ng gayong gawain, napakabuti nang binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan—ito ay biyaya ng Diyos. Kung binibigyan ka ng Diyos ng katamtaman na kakayahan, hindi ka puwedeng gumawa ng masyadong malakihang gawain, kaya hindi ka puwedeng maging mapagmataas. Isa itong proteksyon para sa iyo. Sa katamtamang kakayahan na ibinigay sa iyo, wala kang kapital para magyabang, ni hindi ka makakapag-ambag nang kagila-gilalas. Palagi mong kailangang mag-isip na, “Katamtaman ang kakayahan ko; hindi ako magaling sa larangang ito, ni sa larangang iyon. Dapat akong maging maingat at hanapin ko ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng tungkulin ko.” Kapag nadarama mo na nagkukulang ka sa lahat ng aspekto, umaasal ka nang labis na mas maayos at mas lalo kang sumusunod sa mga tuntunin, mas lalo kang nagiging hindi kapansin-pansin. Halimbawa, anumang gawain ang ginagawa ninyo, kayo man ay isang superbisor o isang ordinaryong miyembro, kung sa loob ng ilang panahon ay medyo nagiging maayos ang takbo ng iyong gawain, nagbubunga ito ng ilang resulta, at ang mga nakakamit ay medyo katangi-tangi, at nakakatanggap ka ng pagsang-ayon mula sa ang Itaas, ano ang iyong magiging pag-iisip? (Magiging kampante kami, madarama namin na mahusay kami, at hindi na namin madaling hahanapin ang katotohanan.) Pagkatapos ay magiging mahirap para sa iyo na sumunod sa mga tuntunin at manatiling nakatapak sa lupa sa iyong pag-asal. Isa itong napakamapanganib na tukso para sa iyo; hindi ito isang magandang palatandaan. Gayumpaman, dahil may pagkukulang ka o may mga depekto ka sa iba’t ibang abilidad, at kapag gumagawa ng gawain ay nabibigo kang isaalang-alang ang isang aspekto o nabibigo kang maisip nang maaga o nakakaligtaan at nalilimutan mo ang isa pang aspekto, napupungusan tungkol sa isang aspekto o nahaharap sa mga hadlang at dagok sa isa pang aspekto, sa kaibuturan ng iyong puso, palagi mong binibigyang-babala ang sarili mo: “Hindi ko kaya. Mahina ang kakayahan ko, at hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Hindi ko nauunawaan ang mga prinsipyo.” Sa ganitong paraan, nagiging labis kang maingat sa paggawa ng mga bagay, labis na takot na makagawa ng mga pagkakamali at mapungusan, labis na takot na makagambala at makagulo, at labis na takot na makalikha ng mga butas sa gawain na nagreresulta sa mga kawalan. Dahil ang iyong mga abilidad sa iba’t ibang aspekto ay nagkukulang o pawang labis na katamtaman, ang iyong kapabilidad na maging mahusay para sa gawain ay labis na katamtaman din, at ang gawaing ginagawa mo ay labis na katamtaman. Kaya nadarama mo na walang maipagyayabang—kahit na magawa mo nga na magkamit ng ilang resulta na pinaghirapan, nakakamit mo lang ang mga ito pagkatapos magtiis ng maraming paghihirap at gumugol ng labis na pagsisikap nang pribado. Gusto mong magpanggap na may kapabilidad ka at napakagaling mo sa harap ng iba, pero sa puso mo, wala kang kumpiyansa. Alam mo na anuman ang gawin mo, hindi mo ito kayang gawin nang maayos, at kailangan mo pa rin na suriin ito ng ang Itaas. Sa ilang bagay, kapag nahaharap ka sa pagpupungos ay saka mo lang napagtatanto kung saan ka nagkamali, at nakikita kung gaano mismo kahina nang lubos ang iyong kakayahan. Sa ganitong paraan, hindi mo magagawang maging mapagmataas. Ibig sabihin, palaging magkakaroon ng isang tao na may mahusay na kakayahan sa paligid mo na mahihigitan ka, at palaging naririyan ang katotohanan at ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos na pumipigil sa iyo. Nadarama mo na, “Ang kaunting gawain na kaya kong isakatuparan ay dahil lang sinuri at pinagdesisyunan ito ng ang Itaas; nakompleto lang ito dahil paulit-ulit itong siniyasat, sinuri, at itinama ng ang Itaas. Wala akong maipagyayabang.” Sa susunod na pagkakataong may gagawin ka, naiisip mo pa ring ipakitang-gilas ang iyong mga kasanayan, pero nabibigo ka pa ring gawin ito nang maayos at hindi mo kailanman magawang mamukod-tangi. Dahil mismo limitado ang kakayahan at mga abilidad mo, laging katamtaman ang mga epekto ng paggawa mo sa iyong mga tungkulin, lagi kang bigong maabot ang antas o pamantayang inaasam mo. Kaya, nang hindi mo namamalayan, patuloy mong napagtatanto na hindi ka angat sa iba, hindi ka superyor o ekstraordinaryong tao. Unti-unti, nauunawaan mo na ang kakayahan mo ay hindi kasinggaling ng iniisip mo, kundi lubos na pangkaraniwan lang. Sobrang makakatulong ang hakbang-hakbang na prosesong ito para makilala mo ang sarili mo—nakakaranas ka ng ilang kabiguan at hadlang sa praktikal na paraan, at pagkatapos magnilay-nilay, nagiging mas tumpak na ang pagtantiya mo sa iyong antas, mga abilidad, at kakayahan. Mas natatanto mo na hindi ka isang taong may mahusay na kakayahan, na bagaman may kaunti kang kalakasan at kaloob, kaunting abilidad na gumawa ng paghusga, o paminsan-minsan ay may ilang ideya o plano ka, malayo ka pa rin sa mga katotohanang prinsipyo, malayo sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pamantayan ng katotohanan, at mas malayo pa sa pamantayan ng pagtataglay ng katotohanang realidad—hindi mo namamalayan, may ganito kang mga paghusga at pagtatantiya sa sarili mo. Sa proseso ng paghusga at pagtantiya mo sa sarili mo, lalong magiging tumpak ang kaalaman mo sa sarili mo, at mababawasan nang mababawasan ang iyong mga tiwaling disposisyon at mga pagbubunyag ng katiwalian, at mas napipigilan at kontrolado na ang mga ito. Siyempre, ang makontrol ang mga tiwaling disposisyon mo ay hindi ang layon. Ano ba ang layon? Ang layon ay na, habang nakokontrol ang mga tiwaling disposisyon mo, unti-unti mong natututunan na hanapin ang katotohanan at umasal nang maayos, nang hindi palaging naglilitanya ng mga ideyang matayog pakinggan o nagpapakitang-gilas ng mga kasanayan mo, nang hindi laging nakikipagkompetensya para maging ang pinakamagaling o pinakamalakas, at hindi laging sinusubukang patunayan ang sarili mo. Habang patuloy na nauukit ang kamalayang ito sa kaibuturan ng puso mo, pagninilay-nilayan mo na, “Kailangan kong hanapin kung ano ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa nito, at kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito.” Unti-unting matatatag nang malalim ang kamalayang ito sa puso mo, at unti-unting titindi ang antas ng paghahanap, pagkilala, at pagtanggap mo sa salita ng Diyos at sa katotohanan, na para sa iyo ay ang pag-asa na maligtas. Kapag mas kaya mong tanggapin ang katotohanan, mas hindi mabubunyag ang mga tiwaling disposisyon mo; ang mas mainam na resulta ay magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong gamitin ang salita ng Diyos bilang pamantayan sa pagsasagawa. Hindi ba’t unti-unti na itong pagtahak sa landas ng kaligtasan? Hindi ba’t mabuting bagay ito? (Oo.) Kung mahusay at perpekto, at ekstraordinaryo ang lahat ng abilidad mo kaysa sa ibang tao, mahahanap mo pa rin ba ang katotohanan habang pinangangasiwaan mo ang mga usapin at ginagawa mo ang mga tungkulin mo? Hindi iyon tiyak. Napakahirap para sa isang taong may mga ekstraordinaryong abilidad sa lahat ng larangan na lumapit sa Diyos nang may payapang puso o mapagkumbabang saloobin upang kilalanin ang sarili niya, malaman ang kanyang mga depekto at mga tiwaling disposisyon, at makaabot sa punto ng paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, at pagkatapos ay pagsasagawa ng katotohanan. Medyo mahirap itong gawin, hindi ba? (Oo.)
Ang pagkakaroon ng mga tao ng katamtamang kakayahan ay naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos; ang pagkakaroon ng mga tao ng masyadong mahinang kakayahan ay naglalaman din ng mabubuting layunin ng Diyos. Ang Diyos, sa pagnanais na iligtas ka, ay hindi ka binibigyan ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Bakit ganoon? Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng iba’t ibang likas na kondisyon, tulad ng kanilang pinagmulang pamilya, hitsura, mga instinto, personalidad, at iba’t ibang abilidad sa buhay. Binibigyan pa nga ng Diyos ang mga tao ng ilang kalakasan, hilig, at libangan, at pinagkakalooban din ang ilang tao ng mga espesyal na kaloob. Sapat ito. Ang mga ito ay sapat para mapanatili ang iyong personal na pananatiling buhay. Sa pagkakaroon ng mga ito, tinataglay mo ang abilidad at mga kondisyon na mamuhay nang nagsasarili at, sa batayan ng isang partikular na antas ng kakayahan, kaya mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon sa magkakaibang antas, at makamit ang kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng labis-labis na mataas na kakayahan. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Sa isang banda, ito ay para magawa ng mga tao, nang may batayang kondisyong ito, na manatiling nakatapak sa lupa, at na sa batayan ng pakiramdam na sila ay mga ordinaryo, pangkaraniwang tao, mga taong may mga tiwaling disposisyon, matatanggap nila nang kusa ang gawain ng Diyos at ang kaligtasan ng Diyos. Sa ganitong paraan lang may batayang kondisyon ang mga tao na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, kung ang mga tao ay may napakahusay na kakayahan o natatanging mabilis na isipan, nang may napakalakas na kakayahan sa lahat ng aspekto, pawang napakagaling, maayos ang takbo ng lahat ng bagay sa mundo para sa kanila—kumikita ng maraming pera sa negosyo, may napakaayos na propesyon sa politika, napakadaling kumikilos sa lahat ng sitwasyon, pakiramdam nila ay isda sila sa tubig—kung gayon, hindi madali para sa gayong mga tao na lumapit sa Diyos at tanggapin ang kaligtasan ng Diyos, tama ba? (Tama.) Karamihan sa mga inililigtas ng Diyos ay hindi humahawak ng matataas na posisyon sa mundo o sa gitna ng mga tao sa lipunan. Dahil pangkaraniwan o mahina ang kanilang kakayahan at mga abilidad, at nahihirapan silang maging tanyag o matagumpay sa mundo, palagi nilang nararamdaman na mapanglaw at hindi patas ang mundo, nangangailangan sila ng pananalig, at sa huli, lumalapit sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ang batayang kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao sa paghirang sa kanila. Kapag may ganito kang pangangailangan ay saka ka lang magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung napakabuti at angkop sa lahat ng aspekto ang mga kalagayan mo para sa pagsisikap sa mundo, at palagi mong gustong maging kilala sa mundo, hindi ka magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, ni hindi ka rin magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Bagama’t maaaring mayroon kang pangkaraniwan o mahinang kakayahan, mas pinagpala ka pa rin nang labis kaysa sa mga walang pananampalataya sa pagkakaroon ng oportunidad na mailigtas ng Diyos. Kaya, hindi mo depekto ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan, ni hindi rin ito hadlang para sa iyong pagwawaksi ng mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng kaligtasan. Sa huling pagsusuri, ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng kakayahang ito. Kung gaano karami ang ibinigay ng Diyos, iyon ang mayroon ka. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan, mayroon kang mahusay na kakayahan. Kung binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan, katamtaman ang kakayahan mo. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahinang kakayahan, mahina ang kakayahan mo. Kapag naunawaan mo ito, kailangan mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Aling katotohanan ang bumubuo sa batayan para magpasakop? Ito ay na ang gayong mga pagsasaayos ng Diyos ay naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos; masidhi ang pagiging maaalalahanin ng Diyos, at hindi dapat magreklamo o magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa puso ng Diyos. Hindi ka titingalain ng Diyos dahil sa mahusay mong kakayahan, ni hindi ka Niya hahamakin o kamumuhian dahil sa mahinang kakayahan mo. Ano ang kinamumuhian ng Diyos? Ang kinamumuhian ng Diyos ay ang hindi pagmamahal at pagtanggap ng mga tao sa katotohanan, ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan pero hindi pagsasagawa nito, ang hindi paggawa ng mga tao ng kaya nilang gawin, ang hindi magawa ng mga tao na ibigay ang lahat ng makakaya nila sa mga tungkulin nila pero palagi silang may mga labis-labis na pagnanais, palaging gusto ng katayuan, palaging nakikipag-agawan para sa posisyon, at palaging may mga hinihingi sa Kanya. Ito ang kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Mahina ang kakayahan mo o wala ka talagang kakayahan sa simula pa lang, hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain, pero palagi mong gustong maging isang lider; palagi kang nakikipag-agawan para sa posisyon at kapangyarihan, at palagi mong gusto na bigyan ka ng Diyos ng tiyak na kasagutan, sinasabi sa iyo na sa hinaharap ay maaari kang pumasok sa kaharian, tumanggap ng mga pagpapala, at magkaroon ng magandang hantungan. Ang pagpili ng Diyos sa iyo ay isa nang malaking pagtataas, pero gusto mo pa rin ng isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada. Ibinigay sa iyo ng Diyos kung ano ang dapat mong matanggap, at marami ka nang nakamit mula sa Diyos, pero may mga hinihingi ka pa rin na hindi makatwiran. Ito ang kinamumuhian ng Diyos. Napakahina ng kakayahan mo, o, hindi ka pa nga umaabot sa talino ng tao, pero hindi ka tinrato ng Diyos na parang isang hayop kundi tinatrato ka pa rin Niya bilang isang tao. Samakatwid, dapat mong gawin kung ano ang dapat gawin ng isang tao, sabihin kung ano ang dapat sabihin ng isang tao, at tanggapin ang lahat ng bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos bilang nagmumula sa Kanya. Anumang tungkulin ang kaya mong gawin, gawin mo ito. Huwag mong biguin ang Diyos. Huwag mong hangarin ang isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada, dahil tinatrato ka ng Diyos bilang isang tao, sinasabing, “Dahil tinatrato ako ng Diyos bilang isang tao, dapat Niya akong bigyan ng mas mahusay na kakayahan, hayaan akong maging isang lider ng pangkat, isang superbisor, o isang lider. Pinakamainam kung ginawa Niya ito para hindi ko na kailangang gumawa ng anumang nakakapagod na gawain, para tustusan ako ng sambahayan ng Diyos nang libre, para hindi ko na kailangang magsikap o magdusa ng pagkahapo, pinapayagan akong gawin kung ano ang gusto ko.” Lahat ng hinihinging ito ay hindi makatwiran. Ang mga ito ay hindi ang mga pagpapamalas o mga kahilingan na dapat taglayin o ipresenta ng isang nilikha. Hindi ka tinrato ng Diyos ayon sa mahinang kakayahan mo, bagkus ay hinirang ka Niya at binigyan ka ng pagkakataong gawin ang tungkulin mo. Ito ay pagtataas ng Diyos. Hindi ka dapat maghangad ng isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada at humingi nang hindi makatwiran sa Diyos. Sa halip, dapat mong pasalamatan ang Diyos, tuparin nang maayos ang tungkulin mo, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ito ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Mahina ang kakayahan mo, pero hindi humingi ang Diyos sa iyo nang ayon sa mga pamantayan para sa mga may mahusay na kakayahan. Wala kang kakayahan at katalinuhan, pero hindi hiningi ng Diyos na kamtin mo ang mga pamantayang kayang abutin ng mga taong may mahusay na kakayahan. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang iyon. Hindi pinipilit ng Diyos ang isang isda na mamuhay sa lupa. Sadya lang na ikaw mismo ay may mga labis-labis na pagnanais, at palaging hindi handang maging isang ordinaryong tao, isang pangkaraniwang tao na may mahinang kakayahan; ayaw mong gawin ang mga matrabahong gampaning ito na hindi naglalagay sa iyo sa sentro ng atensiyon, at sa paggawa ng tungkulin mo, palagi mong inaayawan ang paghihirap at umiiwas ka sa labis na pagpapagod, nagiging mapili sa kung ano ang gagawin mo; palagi kang sutil at palagi kang may mga sarili mong plano at kagustuhan—hindi ka inagrabyado ng Diyos. Kaya, paano dapat tamang harapin ng mga tao ang sarili nilang kakayahan? Sa isang banda, anumang kakayahan ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakabatayang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Tama ang pananaw na ito, at balido sa anumang sitwasyon. Ito ang katotohanang prinsipyong nananatiling hindi nagbabago paano man magbago ang mga bagay-bagay. Sa kabilang banda, ang iyong kakayahan man ay mahusay, katamtaman, mahina, o hindi umiiral, dapat mong gawin ang gawaing kayang makamit ng kakayahan mo. Hindi ka dapat magpigil sa iyong sarili ni hindi mo dapat hangarin na mamukod-tangi. Mahusay man o katamtaman ang kakayahan mo, maaari mo lang gawin ang mga bagay sa loob ng saklaw ng iyong kakayahan at abilidad; walang maipagyayabang—iyon ang ibinigay sa iyo ng Diyos; dapat mo itong ialay. Ang iyong buong pagkatao, ang iyong hininga, ang iyong mga likas na kondisyon, at ang iyong mga abilidad sa lahat ng aspekto ng iyong kakayahan ay ibinigay ng Diyos. Ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong nauunawaan mo na ngayon ay ibinigay rin ng Diyos. Kung wala ang gawain ng Diyos at kung wala ang iba’t ibang likas na kondisyon na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, ang mga tao ay walang iba kundi isang dakot ng alikabok. Samakatwid, walang maipagyayabang ang mga tao. Ito ang ikalawang aspekto. May isa pang aspekto: Ang iyong kakayahan man ay katamtaman, mahina, o hindi umiiral, dapat mo itong harapin nang tama. Una, kilalanin mo kung saang antas nabibilang ang kakayahan mo, at pagkatapos, batay sa iyong likas na kakayahan, gawin ang nararapat mong gawin. Huwag palaging subukang lampasan ang iyong mga abilidad at gumawa ng mga bagay na hindi mo kayang maisakatuparan, nang palaging sinusubukan na patunayan ang iyong sarili sa mga tao o sa Diyos. Wala kang mapapatunayan na anumang bagay. Kapag mas lalo mong sinusubukan na patunayan ang iyong sarili sa ganitong paraan, mas pinapatunayan nito na mahina ang iyong kakayahan, na hindi mo alam ang sarili mong sukat, at mas pinapatunayan nito na wala ka sa katwiran at mayroon kang malubhang tiwaling disposisyon. Huwag na huwag mong susubukang baguhin ang kakayahan mo o paghusayin ang mga abilidad mo sa lahat ng aspekto, kundi tumpak mong kilalanin at wastong harapin ang likas mong kakayahan at mga abilidad. Kung matutuklasan mo kung saan ka nagkukulang, pag-aralan mo agad ang mga larangan kung saan ka maaaring humusay sa loob lang ng maikling panahon para mapunan mo ang mga larangang ito. Para sa mga larangang hindi mo kaya, huwag mo nang ipilit. Kumilos ka nang ayon sa iyong aktuwal na sitwasyon; gawin ang mga bagay ayon sa sarili mong kakayahan at mga abilidad. Ang pinakaprinsipyo ay ang gawin mo ang tungkulin mo ayon sa salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at sa mga katotohanang prinsipyo. Ano man ang antas ng kakayahan mo, magkakamit ka ng iba’t ibang antas ng pagkilos at paggawa sa iyong mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo; matutugunan o maaabot mo na ang mga pamantayan ng Diyos. Tiyak na hindi walang kabuluhan na pagsasalita ang mga katotohanang prinsipyong ito; siguradong hindi ito lampas sa pagkatao. Ang lahat ng iyon ay landas ng pagsasagawa na sadyang dinisenyo para sa mga tiwaling disposisyon, instinto, at iba’t ibang abilidad at kakayahan ng mga nilikhang tao. Kaya, ano man ang kakayahan mo, ano man ang pagkukulang o depekto ng mga abilidad mo, hindi ito problema; kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan at handa kang isagawa ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas pasulong. Ang mga depekto ng isang tao sa ilang aspekto ng kakayahan at mga abilidad ay hinding-hindi hahadlang sa pagsasagawa niya ng katotohanan. Kung may kulang sa abilidad mong gumawa ng mga paghusga o sa ilang kakayahan mo, puwede kang mas maghanap at mas makipagbahaginan pa—maghanap ng tagubilin at mga mungkahi mula sa mga nakakaunawa sa katotohanan. Kapag nauunawaan at naaarok mo ang mga prinsipyo at ang mga landas ng pagsasagawa, dapat buong pagsisikap mong isagawa ang mga iyon batay sa tayog mo. Ito ang dapat mong gawin—ang tumanggap at magsagawa. Ang pakikipagbahaginan Ko ba sa ganitong paraan ay nakakatulong sa iyo na makaunawa? (Medyo mas nakakaunawa na kami.)
Bakit paunang inoorden ng Diyos na magkaroon ang mga tao ng lahat ng uri ng mga kakayahan? Bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng perpektong kakayahan? Ilang aspekto na ba ang napagbahaginan natin tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos sa usaping ito at kung paano ito dapat harapin nang tama ng mga tao? Ibuod natin ang mga ito. Ang unang aspekto ay ang tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ang pinakabatayang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Ang pangalawang aspekto ay ang kilalanin at suriin kung ano ang iyong kakayahan, at kumilos at gawin ang iyong tungkulin batay sa iyong kakayahan at abilidad. Huwag subukang gumawa ng mga bagay na lampas sa iyong kakayahan at abilidad. Kung ano ang kaya mong gawin, gawin ito nang masinop at sa isang praktikal na paraan, at gawin ito nang maayos. Kung ano ang hindi mo kayang gawin, huwag pilitin ang iyong sarili. Ano ang ikatlong aspekto? (Hindi tayo dapat palaging humiling na mabago ang ating kakayahan. Kahit na ang ating kakayahan ay katamtaman, mahina, o hindi umiiral, dapat natin itong harapin nang tama. Hindi tayo dapat palaging humiling na mapatunayan ang sarili natin sa Diyos na mahusay ang kakayahan natin. Hindi ito naaangkop.) Tama iyan. Harapin nang tama ang iyong kakayahan. Huwag magreklamo. Gaano man karami ang ibinigay ng Diyos sa iyo, iyon ang hihingin Niya sa iyo. Kung ano ang hindi ibinigay ng Diyos sa iyo, hindi iyon hihingin ng Diyos sa iyo. Halimbawa, kung binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan o mahinang kakayahan, hindi Niya hinihingi sa iyo na maging isang lider, lider ng pangkat, o superbisor. Gayumpaman, kung binigyan ka ng Diyos ng husay sa pagsasalita, ng abilidad na ipahayag ang iyong sarili, o ng isang partikular na kaloob, at hinihingi sa iyo na gumawa ng gawain na nauugnay sa kaloob na ito, dapat mo itong gawin nang maayos. Huwag mong biguin ang mga kondisyong ibinigay ng Diyos sa iyo. Dapat kang maging karapat-dapat sa pagkakaloob ng Diyos, nang ganap itong ginagamit at inilalapat ito nang maayos, inilalapat ito sa mga positibong bagay at naglalabas ng mahahalagang resulta ng gawain na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan. Magiging napakahusay niyon, hindi ba? (Oo.) Dagdag pa rito, dapat mong malaman na ang Diyos ay may mabubuting layunin sa pagbibigay sa mga tao ng iba’t ibang kakayahan. Dahil mismo gusto kang iligtas ng Diyos, hindi ka Niya binigyan ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Naglalaman ito ng masidhing layunin ng Diyos. Ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng katamtaman o mahinang kakayahan ay isang proteksyon para sa iyo. Kung ang mga tao ay may sobra-sobrang mahusay o ekstraordinaryong kakayahan, magiging madali para sa kanila na sumunod sa mundo at kay Satanas, at hindi sila madaling mananampalataya sa Diyos. Tingnan ang mga namumukod-tangi sa iba’t ibang industriya at larangan sa mundo—anong uri sila ng mga tao? Lahat sila ay mga tusong tagapagpakana, mga diyablong nagkatawang-tao. Kung sasabihin mo sa kanila na manampalataya sa Diyos, iniisip nila na, “Walang kahahantungan ang pananampalataya sa Diyos—tanging ang mga taong walang kapabilidad ang nananampalataya sa Diyos!” Ang mga taong may labis-labis na mahusay na kakayahan, magagaling na kapabilidad, at mga pinahusay na taktika ang nabibihag ni Satanas. Namumuhay sila nang ganap na ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon at ganap na para sa mundo. Ang gayong mga tao ay pawang mga diyablong nagkatawang-tao. Sabihin ninyo sa Akin, inililigtas ba ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya, handa ba kayong maging diyablong nagkatawang-tao, o handa ba kayong maging mga ordinaryong tao, mga taong may mahinang kakayahan pero kayang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos? (Handa kaming maging mga ordinaryong tao.) Sa dalawang uri ng mga taong ito, sino ang mapalad? Iyong mga nagiging masagana sa mundo, nagiging prominente, nagkakaroon ng kasikatan, nagiging matataas na opisyal o mayayamang tao, na nasa kanila na ang lahat ng bagay na gusto nila at ang di-nauubos na pera na magagastos nila—handa ba kayong maging gayong mga tao, o handa ba kayong lumapit sa harapan ng Diyos at maging payak at ordinaryong mga tao na may katamtamang kakayahan? Ano ang iyong pipiliin? (Ang maging payak at ordinaryong mga tao.) Kung pipiliin mong maging payak at ordinaryong tao na may katamtamang kakayahan, na pinipili na huwag magtamasa ng isang magandang materyal na buhay sa buhay na ito, ayaw maging prominente, hindi napapansin sa mundong ito, at minamaliit ng lahat, pinipili na maging ganitong uri ng tao at pahalagahan o makamit ang pagkakataon para sa kaligtasan na ibinibigay ng Diyos sa mga tao—kung ito ang pinipili mo, kung pipiliin mong maligtas at pipiliin mong hindi sumunod sa mundong ito, at sa puso mo ay ayaw mong mapabilang sa mundong ito kundi gusto mong mapunta sa panig ng Diyos, kung gayon, hindi mo dapat hamakin ang kakayahang ibinigay ng Diyos sa iyo. Kahit na napakahina ng iyong kakayahan o hindi ka binigyan ng Diyos ng anumang kakayahan, dapat masaya mo pa ring tanggapin ang katunayang ito at, nang may mga likas na kondisyon ng iba’t ibang abilidad na ibinigay ng Diyos sa iyo, tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Ang isa pang aspekto ay na kahit na ang kakayahang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi masyadong mahusay—ang kakayahan lang ng mga ordinaryong tao—at ang mga abilidad na ibinibigay Niya sa kanila sa lahat ng aspekto ay katamtaman o mahina pa nga, ang mga pinakabatayang katotohanan na dapat isagawa ng mga tao na itinuturo ng Diyos sa mga tao ay maaari pa ring makamit at matamo kung handa silang isapuso ang pagsasagawa sa mga ito. Kahit na napakahina ng kakayahan mo, at ang iyong abilidad na makaarok, abilidad na tumanggap ng mga bagay, abilidad na gumawa ng mga paghusga, at abilidad na tumukoy ng mga bagay ay napakahina o hindi man lang umiiral, hangga’t tinataglay mo ang pinakabatayang pagkatao at katwiran, ang mga gampanin at trabahong ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo ay maaaring makompleto at magawa nang maayos. Dagdag pa rito, ang pinakabatayang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, na hinihingi ng Diyos sa mga tao, ay isang bagay na kaya mong sundin; isa itong bagay na kaya mong matamo at makamit. Samakatwid, hindi kailanman nilayon ng Diyos na bigyan ka ng napakahusay na kakayahan. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan at ng ilang espesyal na abilidad, na binibigyang-kakayahan ka na maging isang diyablong nagkatawang-tao sa mundo, hindi ka ililigtas ng Diyos. Kaya na ba ninyong maunawaan ngayon ang puso ng Diyos tungkol sa usaping ito? (Oo.) Kung kaya ninyong maunawaan ang puso ng Diyos, mabuti iyon; mauunawaan ninyo ang katotohanang ito at mahaharap ninyo nang tama ang sarili ninyong kakayahan; wala nang magiging mga paghihirap sa aspektong ito. Mula ngayon, dapat gawin lang ng mga tao ang nararapat nilang gawin. Kahit na isang trabaho lang ito, ibuhos ang puso at lakas mo na gawin ito nang maayos at huwag mong biguin ang mga inaasahan ng Diyos sa iyo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Iyon na ang lahat para sa pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa paksang ito. Paalam!
Nobyembre 11, 2023