Paano Hangarin ang Katotohanan (3) Ikatlong Bahagi
2. Paano Harapin nang Tama ang mga Sariling Likas na Kondisyon
Pagkatapos maunawaan ng mga tao ang mga pakay at tunay na kahulugan ng gawain ng Diyos, paano sila dapat kumilos para harapin ang sarili nilang mga likas na kondisyon nang tama? Ilang prinsipyo ang mayroon? (Ang mga naiisip ko ay na dapat tingnan ng mga tao ang sarili nilang personalidad, kakayahan, at ibang mga kondisyon nang tama, tumigil sa paghahangad ng mga supernatural na bagay at tumigil sa paghahangad na maging superhuman, gawin ang anumang kaya nilang gawin hanggang sa pinakaabot ng abilidad nila, at huwag pilitin ang kanilang sarili na makamit ang hindi nila kayang maabot. Sa ganoong paraan, mas magiging malaya ang kanilang buhay, at lalong magiging mas normal ang kanilang pagkatao.) Una sa lahat, kung gusto mong umiwas sa paggawa ng mga hangal o tunggak na bagay, dapat mo munang maunawaan ang sarili mong mga kondisyon: Kung kumusta ang iyong kakayahan, kung ano ang iyong mga kalakasan, kung saan ka mahusay, at kung saan ka hindi mahusay, pati na kung anong mga bagay ang kaya at hindi mo kayang gawin batay sa iyong edad, kasarian, sa kaalamang tinataglay mo, at sa iyong mga kabatiran at karanasan sa buhay. Ibig sabihin, dapat maging malinaw sa iyo kung ano ang mga kalakasan at kahinaan mo sa tungkuling ginagampanan mo at sa gawaing ginagawa mo, at kung ano ang mga kakulangan at merito ng sarili mong personalidad. Kapag malinaw na sa iyo ang sarili mong mga kondisyon, merito, at pagkukulang, dapat mo namang tingnan kung aling mga merito at kalakasan ang dapat na mapanatili, kung aling mga pagkukulang at kapintasan ang maaaring mapagtagumpayan, at kung aling mga pagkukulang at kapintasan ang hindi talaga maaaring mapagtagumpayan—dapat maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito. Para makamit ang kalinawang ito, sa isang banda, dapat mong hanapin ang katotohanan, pagbulay-bulayan at kamtin ang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mga salita ng Diyos sa iyong aktuwal na sitwasyon, at kasabay nito, magdasal ka para ibunyag ng Diyos ang mga bagay na ito. Sa kabilang banda, maaari mo ring tanungin ang mga kapatid sa paligid mo at manghingi ka sa kanila ng mga paalala at paggabay. Sa ganoong paraan, magkakaroon ka ng mas malalim na pagkaunawa sa iyong sarili, at magkakaroon ka ng mas maraming ideya at pahiwatig pagdating sa usapin ng pagkilala sa iyong sarili. May ilang problema na hindi kayang lutasin ng mga tao. Halimbawa, maaaring madali kang kabahan kapag nakikipag-usap sa iba; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, maaaring may sarili kang mga ideya at pananaw pero hindi mo malinaw na maipahayag ang mga ito. Lalo kang kinakabahan kapag maraming tao sa paligid; hindi malinaw ang iyong pagsasalita at nanginginig ang iyong mga labi. Ang ilang tao ay nauutal pa nga; para sa iba naman, kung may mga miyembro ng kabilang kasarian sa paligid, lalong hindi sila naiintindihan, sadyang hindi alam kung ano ang sasabihin o gagawin. Madali ba itong malampasan? (Hindi.) Sa loob ng maikling panahon, sa pinakamababa, hindi madali para sa iyo na malampasan ang kapintasang ito dahil parte ito ng iyong likas na mga kondisyon. Kung pagkatapos ng ilang buwan ng pagsasagawa ay kinakabahan ka pa rin, ang kaba ay magiging presyur, na negatibong makakaapekto sa iyo dahil natatakot kang magsalita, makipagkita sa mga tao, dumalo sa mga pagtitipon, o magbigay ng sermon dahil dito, at mawawasak ka ng mga takot na ito. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Maaari mong pagbulay-bulayan ang isyung ito at talakayin ito kasama ang iba; alamin mo kung ano ang mentalidad ng iba kapag nahaharap sila sa ganitong problema, at kung paano nila ito nilulutas, at pagkatapos ay dapat ikaw mismo ay magsagawa rin sa ganitong paraan. Sabihin natin na sa pagtitipon ngayong araw ay medyo maayos ang kalagayan mo; masiyahin ang lagay ng loob mo, at higit pa rito, naaantig ka rin sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nakadarama ka ng partikular na pagnanais na ipahayag ang iyong sarili. Nagkataon lang na ito ay isang maliit na grupo ng pagtitipon na may kaunting mga tao lang, kaya sinusubukan mong magbahagi ng kaunting mga salita at maganda naman ang pakiramdam mo tungkol dito, at hindi ka kinakabahan. Sa sitwasyong ito, kapag hindi ka nakakaramdam ng anumang presyur at hindi ka talaga nakapaghanda, malaya mong naipapahayag ang iyong sarili nang napakahusay, at ang lahat ay talagang naaantig at napapatibay nito. Hindi ba’t pag-usad ito? Magsimula ka lang na magsanay ng pagsasalita at pakikipagbahaginan sa maliliit na grupo ng pagtitipon, kung saan may kaunting mga tao, at unti-unti ay magagawa mong magsalita nang normal, at unti-unting maglalaho ang iyong kaba. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay magkakamit ng pinakamahuhusay na resulta. Una, pumili ng isang maliit na grupo ng pagtitipon kung saan may kaunting mga tao o ng isang di-pormal na sitwasyon para isagawa ito, nagsasalita at nakikipagbahaginan sa isang paraang hindi pinaghandaan, na para bang nakikipagdaldalan ka lang, para mapagtagumpayan mo ang kapintasan mong ito. Minsan, pagkatapos magsalita sa loob ng isang minuto ay maaaring makaramdam ka ng kaunting kaba, maaaring mabawasan ang kumpiyansa mo habang mas nagsasalita ka, at maaaring mas kaunti ang masabi mo habang mas nagpapatuloy ka; sa gayong mga kaso, huwag ka nang magsalita pa—agad mong tapusin ang iyong sinasabi at tumigil na. Minsan, pagkatapos mong magsalita sa loob ng maikling panahon, ang lahat ay maaaring handang makinig at madama na labis silang napalaya; sa gayong atmospera, ang iyong kaba at stress ay mapapawi nang hindi mo namamalayan. Sa ilalim lang ng gayong mga sitwasyon maaaring unti-unting mapabuti ang kapintasan mong ito—pero hindi ito mapagtatagumpayan. Kung nadarama mo na pagkatapos magsanay nang isang buwan, hindi gaanong bumuti ang iyong kalagayan, at lumilitaw pa nga sa puso mo ang isang uri ng presyur, kaya ikaw ay mas lalong kinakabahan, na nakakaapekto sa iyong normal na gawain, buhay, paggampan ng tungkulin, hindi mo na kailangang magpatuloy sa pagsasanay. Sapat na kung kaya mong gawin nang normal ang tungkulin mo. Tumuon ka na lang sa paggawa nang maayos sa iyong tungkulin—tama ito. Panatilihin sa puso mo ang depektong iyan, ang kapintasang iyan, tahimik na magdasal sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng mga naaangkop na okasyon para magsanay sa pagsasalita at pakikipag-ugnayan sa mga tao, nang ipinapahayag ang gusto mong sabihin sa pamamagitan ng pagbigkas sa bawat salita, nang nagsasalita nang may estruktura at kalinawan. Sa ganitong paraan, ang iyong depekto, ang kapintasang ito, ay unti-unting mapapabuti. Posible na pagkatapos ng isa o dalawang taon, maaaring maging mas nasa hustong isip ka habang tumatanda ka at mas magiging pamilyar ka sa mga tao sa paligid mo, at ang kanilang tingin, mga opinyon, at ang atmosperang nalilikha kapag nagsasama-sama ang lahat ng tao ay maaaring hindi na lumikha ng presyur, pagkagapos, o paglilimita para sa iyo—kung magkagayon ay maaaring mapagtagumpayan at malutas ang iyong kapintasan sa gitna ng mga taong ito. Ito ang uri ng taong may pinakamalubhang anyo ng kapintasang ito; maaari lang niya itong mapagtagumpayan sa pamamagitan ng pangmatagalang pagpapanday at pagsasanay sa gayong mga kapaligiran. Siyempre, may mga tao rin na unti-unting nilulutas ang kapintasang ito sa loob ng maikling panahon ng tatlo hanggang limang buwan. Hindi sila kinakabahan kapag nakikisalamuha at nakikipag-usap sa iba sa mga ordinaryong sitwasyon, maliban kung nahaharap sa malalaking okasyon. Samakatwid, kung kaya mong mapagtagumpayan ang depektong ito, ang kapintasang ito, sa loob ng maiksing panahon, gawin mo. Kung mahirap itong pagtagumpayan, huwag ka nang mag-abala pa, huwag makipaglaban dito, at huwag hamunin ang iyong sarili. Siyempre, kung hindi mo ito mapagtagumpayan, hindi ka dapat makadama ng pagkanegatibo. Kahit hindi mo ito kailanman mapagtagumpayan sa buong buhay mo, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil hindi ito ang iyong tiwaling disposisyon. Ang iyong pagkatakot sa harap ng mga tao, ang iyong nerbiyos at takot—ang mga pagpapamalas na ito ay hindi sumasalamin sa iyong tiwaling disposisyon; ang mga ito man ay likas sa iyo o dulot ng kapaligiran sa buhay kalaunan, sa pinakamalala, ito ay isang depekto, isang kapintasan ng iyong pagkatao. Kung hindi mo ito mababago pagkalipas ng mahabang panahon, o maging sa buong buhay mo, huwag mo itong pakaisipin, huwag hayaang limitahan ka nito, at hindi ka rin dapat maging negatibo dahil dito, dahil hindi mo ito tiwaling disposisyon; walang silbi na subukang baguhin o labanan ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, tanggapin mo ito, hayaan itong umiral, at ituring ito nang tama, dahil maaari kang umiral kasama ng depektong ito, ng kapintasang ito—ang pagkakaroon mo nito ay hindi nakakaapekto sa iyong pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin mo. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin mo sa pinakaabot ng iyong mga abilidad, maaari ka pa ring maligtas, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagtanggap sa katotohanan at hindi nakakaapekto sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Samakatwid, hindi ka dapat madalas na malimitahan ng isang partikular na depekto o kapintasan sa iyong pagkatao, hindi ka rin dapat madalas na maging negatibo at panghinaan ng loob, o bumitiw pa nga sa iyong tungkulin at sa paghahangad sa katotohanan, at mawalan ng pagkakataong maligtas, dahil sa parehong dahilan. Ito ay lubos na hindi sulit; iyan ang gagawin ng isang hangal at mangmang na tao.
Kaya lang maabot ng ilang tao ang mga panggitnang nota kapag umaawit sila at hindi nila maabot ang matataas na nota kahit gaano man sila magsanay rito. Kaya, ano ang magagawa tungkol dito? Umawit na lang ng mga nota sa loob ng mga panggitna at mababang saklaw; ayos lang na kantahin nang maganda ang mga notang iyon. Kung palagi mong gustong hamunin ang sarili mo, sinasabing, “Mahusay ako sa pag-awit ng mga panggitnang nota. Gusto kong hamunin ang sarili ko na maabot ang matataas na nota,” kung gayon, kahit na magtagumpay ka sa hamong ito, magiging walang kabuluhan ito, at hindi ito mangangahulugan na nakamit mo ang katotohanan. Sa pinakamainam, mangangahulugan lang ito na nagkamit ka ng karagdagang kasanayan, maaari kang gumawa ng karagdagang tungkulin, maaari kang umawit ng karagdagang mga awitin, at mas maaari kang maging sentro ng atensyon. Pero ano naman? Ang pagiging mas sentro ba ng atensyon ay nangangahulugan na mas isinasagawa mo ang katotohanan? May koneksyon ba ang dalawang bagay na ito? (Wala.) Kung kaya mong umawit ng mga panggitnang nota, awitin mo nang maganda ang mga ito. Kung hindi mo kayang umawit ng matataas na nota nang maganda, pero pinipilit mong banatin ang lalamunan mo para awitin ang mga ito, at sa huli ay hindi mo nagagawang awitin ang mga ito nang tama, at idinudulot mo rin na magkasakit ka dahil sa sobrang pagod, hindi ito tatandaan ng Diyos. Hindi mahalaga kung kaya mo bang umawit ng matataas na nota o ng mga panggitnang nota, hangga’t kaya mong umawit nang maganda, at maging deboto at ibigay ang lahat-lahat mo sa iyong tungkulin, nang hindi nagiging pabasta-basta, o nagiging tuso at nagpapakatamad, o walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa, o naglilitanya ng mga ideyang matayog pakinggan, at nagsisikap ka—sa usapin man ng teknik, emosyon, kalidad ng tono, at mga nota—na kumanta sa isang pasok sa pamantayan at magandang paraan na nakakaantig sa puso, at na kumanta sa isang paraan na nakakaantig sa mga tao, nakakapagpatahimik ng puso ng mga tao sa harapan ng Diyos, at nakakapagpatibay sa mga tao kapag nakikinig sila sa iyo, kung gayon, ito ay paggawa sa iyong tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan. Kung palagi mong gustong hamunin ang iyong mga limitasyon, at palagi mong gustong gumawa ng mga personal na malaking pagsulong at higitan ang iyong sarili, ito ay pagbubunyag sa iyong satanikong tiwaling disposisyon, at hindi ito paggawa sa iyong tungkulin. Pagkatapos mong magawa nang maayos ang sarili mong gawain, at magawa ang kung ano ang kaya mong makamit nang maayos, ayos lang na matuto ka ng isang bagay na kapaki-pakinabang para sa iyong tungkulin sa iyong libreng oras, pero hindi ito ang hinihingi ng Diyos. Ipagpalagay na inaawit mo nang maganda ang mga panggitnang nota, at sa libre mong oras ay nagsasanay kang umawit ng matataas na nota. Pagkalipas ng ilang panahon ay nagkaroon ka ng isang malaking pagsulong, at pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong taon ng pagsisikap nang husto ay nagagawa mo nang umawit ng matataas na nota nang maganda. Nagagawa mo nang umawit ng kapwa mga panggitna at matataas na nota, at tuparin kapwa ang mga tungkuling ito; nagagawa mo ang parehong mga tungkuling ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at nagagawa mong umawit nang buong puso mo, nang hindi nagiging pabasta-basta, nagiging tuso o nagpapakatamad, o naglilitanya ng mga ideyang matayog pakinggan. Mas lalong mainam ito, isa itong mabuting gawa, at tatandaan ito ng Diyos. Pero sabihin na hindi mo ito kayang makamit, at palagi mo pa ring iniisip na, “Matataas ang mga inaasahan ng Diyos sa akin, hindi ba’t nagiging tuso at nagpapakatamad ako kung aawit lang ako ng mga panggitnang nota? Hindi nalulugod ang Diyos!” Sariling imahinasyon mo iyan. Ikaw ay gumagawa ng espekulasyon tungkol sa Diyos, at nakikibahagi sa pagsasagawa ng “tinitimbang ang marangal batay sa mga pamantayan ng hindi marangal.” Walang ganoong mga hinihingi ang Diyos sa iyo. Ang hinihingi ng Diyos sa iyo ay ang gawin mo nang maayos ang nararapat mong gawin sa loob ng saklaw ng iyong likas na kakayahan at mga abilidad, at kung gagawin mo ito nang maayos ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, bibigyan ka na ng Diyos ng perpektong marka. Pero kung hindi mo susubukang gawin nang maayos ang kaya mong makamit, at hindi mo ito gagawin nang ayon sa mga prinsipyo, at palagi kang tuso at nagpapakatamad at palagi mong gustong maglitanya ng mga ideyang matayog pakinggan, at hindi mo sasanayin ang iba’t ibang teknik sa pag-awit, pero gusto mo pa ring hamunin ang iyong mga limitasyon, kung gayon, ang pagkilos mo nang ganito ay wala sa katwiran, isa itong pagpapamalas ng kayabangan at kamangmangan, at hindi malulugod ang Diyos. Hinding-hindi Niya sasabihin na, “Kaya ng taong ito na umawit ng mga panggitnang nota at sinusubukan din niyang umawit ng matataas na nota. Bagama’t hindi niya kayang awitin nang maganda ang matataas na nota, napakasinop ng ginagawa niyang ito, at sapat na iyon.” Hindi ka titingnan ng Diyos sa ganoong paraan, kaya huwag kang matuwa sa sarili mo. Pinagmamasdan lang ng Diyos kung umaasal ka nang naaangkop sa katayuan mo, at kung isa ka bang taong maayos na ginagawa ang mga tungkulin ng isang nilikha. Pinagmamasdan Niya kung, sa paggampan mo ng tungkulin mo, ibinibigay mo ba ang buong puso at lakas mo rito ayon sa mga likas na kalagayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at kung kumikilos ka ba ayon sa mga prinsipyo at kung nakakamit mo ba ang mga resultang ninanais ng Diyos. Kung kaya mong isakatuparan ang lahat ng bagay na ito, bibigyan ka ng Diyos ng perpektong marka. Ipagpalagay na hindi mo ginagawa ang mga bagay nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at kahit na pag-igihan mo at magsikap ka, ang ginagawa mo lang ay magpasikat at magyabang, at hindi ka kumikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo o hindi mo ibinibigay ang buong puso at lakas mo para palugurin ang Diyos sa paggampan ng tungkulin mo. Kung gayon, ang mga pagpapamalas at pag-uugali mo ay kasuklam-suklam sa Diyos. Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang mga iyon? Sinasabi ng Diyos na hindi ka tumutuon sa mga wastong gampanin, hindi mo pa ibinigay ang buong puso, lakas, o isip mo sa paggampan ng tungkulin mo, at hindi ka tumatahak sa tamang landas. Sapat na ang kakayahan, mga kaloob, at mga talentong ibinigay sa iyo ng Diyos—sadyang hindi ka lang kontento, hindi deboto sa tungkulin mo, hindi kailanman nalalaman kung saan ka lulugar, gusto mo laging magsabi ng mga ideyang matatayog pakinggan at magpakitang-gilas, sa huli ay ganap na nagugulo ang iyong mga tungkulin. Hindi mo pa nagagamit ang kakayahan, mga kaloob, at talentong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, hindi ka pa nagsikap nang husto, at hindi ka nagkamit ng anumang mga resulta. Bagaman napakaabala mo, sinasabi ng Diyos na para kang payaso, hindi isang taong marunong lumugar at nakatuon sa mga wastong gampanin niya. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Samakatwid, anuman ang iyong mga plano at layon, kung sa huli ay hindi mo gagawin ang tungkulin mo nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos nang buong puso mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo, batay sa likas na kakayahan, mga kaloob, mga talento, mga abilidad, at iba pang mga kondisyon na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, kung gayon, hindi tatandaan ng Diyos kung ano ang ginawa mo, at hindi mo gagawin ang tungkulin mo, kundi sa halip, ang gagawin mo ay kasamaan.
Naunawaan mo na ba ang prinsipyo ng pagsasagawa para sa kung paano harapin nang tama ang iyong mga likas na kondisyon—ibig sabihin, ang sarili mong mga kondisyon, merito, at pagkukulang? (Oo.) Ano ang unang hakbang? Una, ganap na gamitin nang husto ang likas at umiiral na mga kaloob, abilidad, at kalakasan na ibinigay ng Diyos sa iyo, pati na ang mga teknikal o propesyonal na kasanayan na nagagawa mong matamo at makamit, at huwag kang magpigil. Kung napalugod mo ang Diyos sa usapin ng lahat ng bagay na ito at nadarama mo na kaya mo pa ring maabot ang mas matatayog na antas, tingnan mo kung aling mga teknikal o propesyonal na kasanayan ang kaya mong mapabuti o magawan ng malaking pagsulong, sa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng kakayahan mo. Maaari kang patuloy na matuto at bumuti batay sa kaya mong matamo gamit ang sarili mong kakayahan. Kaya, paano dapat isagawa ng isang tao ang pagbitiw sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos? Una sa lahat, kailangan mong maunawaan kung ano ang iyong mga likas na kondisyon, kung ano ang ibinigay ng Diyos sa iyo, kung paano mo dapat gamitin ang mga bagay na ito, at kung paano ilabas ang buong potensyal ng mga ito at ganap na gamitin nang husto ang mga ito, at gawin ang mga ito na mga batayang kondisyon—sa halip na mga hadlang—para magawa mo nang deboto ang iyong tungkulin. Unawain ang sarili mong mga kalakasan at hayaang magamit ang mga ito. Unawain ang sarili mong mga kapintasan at depekto at kung kaya mong baguhin ang mga ito sa loob ng maiksing panahon, gawin mo ito; kung hindi madaling baguhin ang mga ito, huwag mong hayaang maging mga balakid o hadlang ang mga ito sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin, huwag magpalimita o magpaimpluwensiya sa mga ito, at huwag magpatali o magpagapos nang ganap sa mga ito. Halimbawa, sabihin na ipinanganak ka nang may mahinang kalusugan at mahinang pangangatawan, at palagi mong gustong mapagtagumpayan ito, at gusto mong makakain, makainom, at makapagpuyat tulad ng isang normal na tao, pero hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong kapital. Kung gayon ay dapat mong harapin ang bawat araw batay sa iyong sariling mga kondisyon, at gawin mo ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos. Huwag hamunin ang iyong sarili, at huwag hayaan ang sarili mong mga kapintasan at depekto na maging mga balakid at hadlang sa iyong landas ng pagsunod sa Diyos, sa paggawa ng iyong tungkulin, at sa paghahangad sa katotohanan; huwag hayaan na maging dahilan ang mga ito na maging negatibo ka, at higit pa rito, huwag sukuan ang paghahangad ng katotohanan o ang paggawa sa iyong tungkulin, o makaramdam ng inggit at pagkamuhi sa iba dahil lang mayroon kang ilang depekto, kapintasan, at kakulangan—dapat ay wala ang mga ito. Dapat harapin mo nang tama ang sarili mong mga depekto at kapintasan; kung hindi mo kayang baguhin ang mga ito, dapat hayaan mong umiral ang mga ito, at pagkatapos ay hanapin mo ang katotohanan para maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at dapat mong magawang harapin ang mga ito nang tama, at hindi ka malimitahan ng mga ito. Bakit kailangan mong gawin iyon? Ito ang katwirang dapat mayroon ang normal na pagkatao. Kung normal ang katwiran ng iyong pagkatao, dapat mong harapin ang iyong mga depekto at kapintasan sa tamang paraan; dapat mong aminin at tanggapin ang mga ito. Ito ay kapaki-pakinabang para sa iyo. Ang pagtanggap sa mga ito ay hindi nangangahulugang nalilimitahan ka ng mga ito, ni ibig sabihin na madalas kang negatibo dahil sa mga ito, bagkus, ibig sabihin nito ay hindi ka nalilimitahan ng mga ito, kinikilala mo na isa ka lang ordinaryong miyembro ng tiwaling sangkatauhan, na may sariling mga kapintasan at depekto, nang walang maipagmamalaki, na ang Diyos ang Siyang nagtataas sa mga tao para magawa nila ang kanilang tungkulin at na nilalayon ng Diyos na ikintal sa kanila ang Kanyang salita at buhay, binibigyang-kakayahan sila na magkamit ng kaligtasan at makatakas sa impluwensiya ni Satanas—na ito ay ganap na pagtataas ng Diyos sa mga tao. Lahat ay may mga kapintasan at depekto. Dapat mong hayaang umiral kasama mo ang iyong mga kapintasan at depekto; huwag iwasan ang mga ito o pagtakpan ang mga ito, at huwag madalas na makaramdam ng pagkasikil sa loob-loob mo, o palaging makaramdam pa nga ng pagiging mas mababa dahil sa mga ito. Hindi ka mas mababa; kung nagagawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso, buong lakas, at buong isipan, sa abot ng iyong makakaya, at mayroon kang taos na puso, kung gayon, ikaw ay kasinghalaga ng ginto sa harap ng Diyos. Kung hindi mo kayang magbayad ng halaga at wala kang katapatan sa paggawa ng iyong tungkulin, kahit na ang iyong mga likas na kondisyon ay mas mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao, hindi ka mahalaga sa harap ng Diyos, ni hindi ka kasinghalaga ng isang butil ng buhangin. Naunawaan mo ba? (Oo.) Ito man ay ang iyong likas na hitsura, ang iyong likas na kakayahan at mga talento, o ang mga depekto at kakulangan ng ilang aspekto ng pagkatao mo, huwag mong hayaang malimitahan ka nito at makaapekto ito sa iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos, huwag mong hayaang makaapekto ito sa iyong paghahangad ng katotohanan, at siyempre, lalong huwag mong hayaang makaapekto ito sa dakilang usapin ng iyong kaligtasan. Dapat mong harapin nang tama ang iyong mga depekto at kakulangan at hayaan mo ang mga ito na umiral kasama mo, na nangangahulugang hindi mo na dapat subukang baguhin ang mga ito, dahil hindi makakaapekto ang mga ito nang kahit kaunti sa iyong paggampan sa iyong tungkulin nang buong puso, isipan, at lakas mo, at siyempre, hindi rin makakaapekto ang mga ito sa iyong paggampan sa iyong tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, at lalong hindi makakaapekto ang mga ito sa iyong panghabambuhay na paghahangad ng katotohanan sa iyong pananampalataya sa Diyos, o makakaapekto sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao o bagay at sa kung paano ka umaasal at kumikilos sa proseso ng paghahangad ng katotohanan. Siyempre, hindi mo dapat palaging pilitin ang sarili mo, iniisip na, “Huwag ipakita ang kapintasang ito, huwag hayaan ang iba na makita ang mga depekto ko, at huwag hayaan ang iba na maliitin ako!” Kung gagawin mo ito, mamumuhay ka ng isang buhay na labis na nakakapagod. Kung tutulutan mo ang iyong mga depekto at kapintasan na umiral kasama mo, hayaan mo ang mga ito na umiral, at kahit na makita ng iba ang iyong mga depekto, maaari pa ngang maging kapaki-pakinabang ito sa iyo, at maging isang proteksyon din, na pipigil sa iyo na maging mayabang at palalo. Siyempre, para sa maraming tao ay kailangan nila ng lakas ng loob para ibunyag ang sarili nilang mga depekto at kapintasan. Sinasabi ng ilang tao na, “Ibinubunyag ng lahat ng tao ang sarili nilang mga kalakasan at merito. Sino ba ang sadyang magbubunyag ng sarili nilang mga kahinaan at depekto?” Hindi sa sadya mong ibinubunyag ang mga ito, kundi tinutulutan mo ang mga ito na mabunyag. Halimbawa, kung kimi ka at madalas kang kinakabahan sa pagsasalita kapag maraming tao ang nasa paligid, maaari kang magkusa na sabihin sa iba na, “Madali akong kabahan kapag nagsasalita; hinihiling ko lang sa lahat na maging maunawain at huwag akong hanapan ng kamalian.” Nagkukusa kang ibunyag ang iyong mga depekto at kapintasan sa lahat ng tao, para sila ay maging maunawain at mapagparaya sa iyo, at para makilala ka ng lahat. Kapag mas nakikilala ka ng lahat, mas napapanatag ang iyong puso, at mas nababawasan ang paglilimita sa iyo ng mga depekto at kapintasan mo. Ang totoo, ito ay magiging kapaki-pakinabang at makakatulong sa iyo. Ang palaging pagtatakip sa iyong mga depekto at kapintasan ay nagpapatunay na ayaw mong umiral kasama ang mga ito. Kung tutulutan mo ang mga ito na umiral kasama mo, kailangan mong ibunyag ang mga ito; huwag mahiya o panghinaan ng loob, at huwag damhin na mas mababa ka kaysa sa iba, o isipin na wala kang silbi at wala kang pag-asang maligtas. Hangga’t kaya mong maghangad ng katotohanan, at kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong lakas mo, at nang buong isipan mo nang ayon sa mga prinsipyo, at sinsero ang puso mo, at hindi ka nagiging pabasta-basta sa Diyos, may pag-asa kang maligtas. Kung sasabihin ng isang tao na, “Tingnan mo nga kung gaano ka kawalang-silbi at kamahiyain. Masyado ka nang kinakabahan kahit kaunting salita lang ang sinasabi mo, at namumula na ang buong mukha mo,” kung gayon ay dapat mong sabihin na, “Mahina ang kakayahan ko at hindi ako mahusay sa pagsasalita. Kung palalakasin ninyo ang loob ko, magkakaroon ako ng lakas ng loob na magsanay sa pagsasalita.” Huwag isipin na wala kang kuwenta, o na isa kang kahihiyan. Yamang alam mo na ang mga ito ang mga depekto at problema sa iyong pagkatao, dapat mong harapin ang mga ito at tanggapin ang mga ito. Huwag papaapekto sa anumang paraan dahil sa mga ito. Tungkol naman sa kung kailan magbabago ang mga depekto at kapintasang ito, huwag mong alalahanin iyon. Tumuon ka lang sa pamumuhay at paggawa sa tungkulin mo nang normal sa ganitong paraan. Kailangan mo lang tandaan: Ang mga depekto at kapintasang ito ng pagkatao ay hindi mga negatibong bagay o mga tiwaling disposisyon. At hangga’t ang mga ito ay hindi mga tiwaling disposisyon, hindi makakaapekto ang mga ito sa paggampan mo sa iyong tungkulin o sa iyong paghahangad sa katotohanan, at lalong hindi makakaapekto ang mga ito sa iyong pagtatamo ng kaligtasan; siyempre, ang mas mahalaga ay na hindi makakaapekto ang mga ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Hindi ba’t napapanatag niyon ang isipan mo? (Oo.) Kung inaalala mo pa rin na mamaliitin ka ng ibang mga tao, problema iyan ng iyong mayabang na disposisyon, at dapat mong lutasin ang mayabang na disposisyong ito. Ito ang landas ng pagsasagawa para sa tamang pagharap sa sarili mong mga depekto at kapintasan. Hindi ba’t ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagpapadali para sa iyo na bitiwan ang mga bagay na ito at hindi na malimitahan ng mga ito? (Oo.)
Ang normal bang paggampan sa tungkulin ng isang tao at ang mga depekto at kapintasan ng kanyang pagkatao ay magkakaroon ng epekto sa isa’t isa? (Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos, nauunawaan ko na ngayon na ang mga depekto at kapintasan ng pagkatao ay hindi mga tiwaling disposisyon, at na hindi makakaapekto ang mga ito sa normal na paggampan ng mga tao sa kanilang mga tungkulin. Hangga’t ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, makakakuha sila ng magagandang resulta. Tungkol naman sa mga depekto at kakulangan ng pagkatao, kung magagawa nating mapagtagumpayan ang mga ito, maaari nating gawin iyon. Kung hindi natin kayang mapagtagumpayan ang mga ito sa loob ng maiksing panahon, dapat nating hayaan ang mga ito na umiral, at magawa nating harapin nang tama ang mga ito.) Kung mababa ang antas ng pinag-aralan mo, pero kailangan mong gumamit ng kaalamang pang-akademiko sa iyong tungkulin, hindi ba’t isa itong uri ng kakulangan? (Oo.) Kaya paano malulutas ang ganitong paghihirap? (Sa halip ay maaari akong gumawa ng isang tungkulin na nababagay sa akin batay sa antas ng aking pinag-aralan. O, kung nababagay sa akin ang tungkuling ito, pero nangangailangan ito ng partikular na dami ng kaalamang pang-akademiko, maaari akong maghanap ng ilang kapatid na edukado para makipagtulungan sa akin—maaari naming gamitin ang mga kalakasan ng isa’t isa para punan ang aming mga kahinaan, at tuparin nang magkasama ang tungkuling ito.) Maaari bang punan ng katotohanan ang isang mababang antas ng edukasyon? (Oo, dahil kapag ang isang tao ay mayroong katotohanan, kaya niyang makilatis ang mga bagay.) Ang edukasyon ay isang bagay na nasa antas ng kaalaman. Kahit gaano ka kamaalam, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kapag nagsasalita ka o nagsusulat ka ng mga artikulo, magagawa mo lang gumamit ng tamang gramatika, at hindi ka makakapagpaliwanag nang malinaw o makakapaglutas ng mga isyu na nauugnay sa katotohanan. Samakatwid, ang edukasyon ay hindi mahalaga; ang katotohanan ay mas mahalaga kaysa sa edukasyon. Siyempre, kung wala kang pundasyon ng edukasyon, at kung ang tungkuling ginagawa mo ay kinasasangkutan ng kaalamang pang-akademiko, hindi ka magiging mahusay rito. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong gabayan ang ibang mga tao—magagawa mong magsagawa ng pagsusuri sa usapin ng mga katotohanang prinsipyo. Kung mababa ang antas ng edukasyon mo at wala kang abilidad na ipahayag ang iyong sarili, at gusto mong mangaral ng mga sermon o makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, maaari kang maghanap ng isang edukadong tao para tulungan kang ayusin ang iyong mga borador. Kapag nagkagayon ay magiging madali para sa iyo na magkamit ng mga resulta kapag nakikipagbahaginan o nangangaral ka. Gayumpaman, sa pinakamababa, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi ka rin edukado, hindi mo magagawa ang mga tungkuling kinasasangkutan ng kaalamang pang-akademiko, kung kaya’t dapat kang gumawa ng tungkulin na nababagay sa iyong antas ng pinag-aralan. Hindi ba’t nalulutas nito ang problema? (Oo.) Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay, sa alinmang perspektiba mo ito tingnan. Maaari mong iwasan ang mga depekto at pagkukulang ng pagkatao, ngunit hinding-hindi mo maaaring iwasan ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kahit gaano pa kaperpekto o karangal ang iyong pagkatao, o maaari mang mas kaunti ang iyong mga kapintasan at depekto, at nagtataglay ka man ng mas maraming kalakasan kaysa sa ibang tao, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, hindi rin nito mapapalitan ang iyong paghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung hahangarin mo ang katotohanan, kung marami kang nauunawaan sa katotohanan, at kung may sapat na malalim at praktikal kang pagkaunawa tungkol dito, mapupunan nito ang maraming depekto at problema sa iyong pagkatao. Halimbawa, sabihin na ikaw ay kimi at introvert, nauutal ka, at hindi ka masyadong edukado—ibig sabihin, marami kang depekto at kakulangan—pero mayroon kang praktikal na karanasan, at bagama’t nauutal ka kapag nagsasalita, malinaw mong naibabahagi ang katotohanan, at ang pakikipagbahaginang ito ay nakakapagpatibay sa lahat kapag naririnig nila ito, naglulutas ng mga problema, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makaahon mula sa pagkanegatibo, at pumapawi sa kanilang mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kita mo, bagama’t nauutal ka sa iyong mga salita, nakakalutas ng mga problema ang mga ito—napakahalaga ng mga salitang ito! Kapag naririnig ang mga ito ng mga tao na nasa labas ng larangan, sinasabi nila na isa kang taong walang pinag-aralan, at hindi ka sumusunod sa mga tuntunin ng gramatika kapag nagsasalita ka, at kung minsan ay hindi rin talaga naaangkop ang mga salitang ginagamit mo. Maaaring gumagamit ka ng wika na pangrehiyon, o ng pang-araw-araw na wika, at na ang iyong mga salita ay walang sopistikasyon at estilo na kagaya sa mga taong may mataas na pinag-aralan na napakahusay magsalita. Gayumpaman, ang iyong pakikipagbahaginan ay naglalaman ng katotohanang realidad, kaya nitong malutas ang mga paghihirap ng mga tao, at pagkatapos itong marinig ng mga tao, naglalaho ang lahat ng madilim na ulap sa paligid nila, at nalulutas ang lahat ng problema nila. Kita mo, hindi ba’t mahalaga ang pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.) Sabihin na hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at kahit na mayroon kang kaunting kaalamang pang-akademiko at mahusay kang magsalita, kapag naririnig ka ng lahat na magsalita, iniisip nila na, “Mga doktrina lang ang mga salita mo, walang kahit katiting na katotohanang realidad sa mga ito, at hindi nakakapaglutas ang mga ito ng mga tunay na problema kahit kaunti, kaya hindi ba’t hungkag lahat ang mga salita mong ito? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Hindi ba’t isa ka lamang Pariseo?” Bagama’t nagsasalita ka ng maraming doktrina, nananatiling hindi nalulutas ang mga problema, at iniisip mo na, “Nagsasalita ako nang napakasinsero at napakataimtim. Bakit hindi ninyo naunawaan ang sinabi ko?” Puro doktrina ang sinabi mo, pero iyong mga negatibo ay nananatiling negatibo, at iyong mga mayroong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos ay mayroon pa rin ng ganoong mga maling pagkaunawa, at wala sa mga paghihirap na umiiral sa kanilang paggampan ng kanilang mga tungkulin ang nalutas—nangangahulugan ito na ang mga salitang sinabi mo ay puro walang-saysay lang. Kahit gaano karaming depekto at kapintasan mayroon sa iyong pagkatao, kung ang mga salitang sinasabi mo ay naglalaman ng katotohanang realidad, ang iyong pakikipagbahaginan ay kayang maglutas ng mga problema; kung ang mga salitang sinasabi mo ay mga doktrina, at ang mga ito ay wala ni kahit kaunting praktikal na kaalaman, kahit gaano ka magsalita, hindi mo magagawang lutasin ang mga tunay na problema ng mga tao. Paano ka man tinitingnan ng mga tao, hangga’t ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi nakaaayon sa katotohanan, at hindi kayang matugunan ng mga ito ang mga kalagayan ng mga tao, o malutas ang mga paghihirap ng mga tao, kung gayon, hindi gugustuhin ng mga tao na makinig sa mga ito. Kaya, alin ang mas mahalaga: ang katotohanan o ang sariling mga kondisyon ng mga tao? (Ang katotohanan ang mas mahalaga.) Ang paghahangad sa katotohanan at ang pag-unawa sa katotohanan ang mga pinakamahalagang bagay. Kaya, anumang mga depekto ang mayroon ka sa usapin ng iyong pagkatao o ng iyong mga likas na kondisyon, hindi ka dapat magpalimita sa mga ito. Sa halip, dapat mong hangarin ang katotohanan, at punan mo ang iyong iba’t ibang depekto sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, at kung makakatuklas ka ng ilang pagkukulang sa iyong sarili, dapat kang magmadali na itama ang mga ito. Ang ilang tao ay hindi tumutuon sa paghahangad sa katotohanan, at sa halip ay palagi silang tumutuon sa paglutas sa mga paghihirap, kapintasan, at depekto sa kanilang pagkatao, at sa pagtutuwid sa mga problema sa kanilang pagkatao, at lumalabas na gumugugol sila ng ilang taon ng pagsisikap nang hindi nakakakuha ng malilinaw na resulta, at dahil dito ay nadidismaya sila sa sarili nila, at iniisip nila na masyadong mababa ang kanilang pagkatao at na hindi na sila matutubos. Hindi ba’t labis na kahangalan ito?