Paano Hangarin ang Katotohanan (24) Ikaapat na Bahagi
Kinasasangkutan ba ng mga prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay ang maliliit na usaping ito sa buhay na kakabanggit Ko lang? Nakatutulong ba ang mga ito sa inyo? (Oo.) Kung gayon ay magpatuloy tayo. Minsan, may nasirang tubo ng tubig sa lawn sprinkler system ng aming bakuran, at umagos ang tumutulong tubig sa bakuran ng kapitbahay. Agad Kong inutusan ang isang tao na sabihan ang kapitbahay at tingnan kung kailangan namin itong linisin para sa kanila. Medyo hindi masaya ang kapitbahay nang makita ang napakaraming tubig na umaagos papasok, pero dahil nagkusa kaming sabihan sila, hindi na nila ito pinalaki bilang pagiging magalang. Kalaunan, noong Pasko, binigyan namin sila ng isang kahon ng tsokolate bilang paghingi ng paumanhin. Laking gulat at tuwa nila, at sinabihan kami na magsabi lang o huwag mag-atubiling pumunta sa kanilang pintuan at magsabi kung kailangan namin ng anumang tulong. Pagsapit ng gabi, isinama pa nila ang kanilang anak para bigyan kami ng isang basket ng prutas, sinasabing, “Maligayang mga Kapistahan! Salamat sa inyong regalo, at maligayang pagdating sa aming komunidad!” Nagpalitan kami ng kaunting pagbati at pagkatapos ay umalis na sila. Naisip Ko na medyo maayos ang pagharap sa usapin sa ganitong paraan; kung magkakasundo kami ng aming mga kapitbahay nang ganito, hindi siguro magiging masyadong masama ang ugnayan. Ito ay pagbibigay sa kabilang panig ng regalo bilang paghingi ng paumanhin upang pagaanin ang ugnayan o ayusin ang mga bagay-bagay kapag may lumilitaw na isyu, pagkakaroon ng simpleng pagpapalitan ng pabor. Siyempre, hindi nila tinatanggap ang iyong regalo nang libre, nananamantala sa iyo; sinusuklian nila ito. Tingnan mo, napakapartikular ng mga taga-Kanluran. Kapag nagbibigay sila ng mga regalo, labis silang sinsero. Hindi mahalaga kung mamahalin ba ang mga regalo; ang susi ay napakasinsero ng kanilang puso. Ang pagharap sa usapin sa ganitong paraan ay lubos na angkop, at ito ay pagpapalitan ng pabor. Siyempre, mayroong konteksto para sa pagharap sa ganitong uri ng usapin. Kapag walang nangyayari, hindi na kailangang sumipsip sa sinuman nang walang dahilan, magkusa na ipagluto sila ng pagkaing Tsino o bigyan sila ng mga regalo, nag-aabala pa para mapanatili ang ugnayan sa kanila. Hindi kailangang gawin ito. Sa mga normal na pakikisalamuha, ang batiin lang sila kapag nakikita mo sila at ang mamuhay nang may pagkakasundo ay sapat na. Pero kapag may lumitaw na isyu—halimbawa, kung may nagawa kang mali at kailangan mong humingi ng paumanhin—pumunta ka at humingi ng paumanhin. Dahil sa pagkamakatwiran ng normal na pagkatao kaya mo ito ginagawa; hindi ito eksaherado o mapagpanggap kahit kaunti. Sabihin ninyo sa Akin, angkop ba ang pagharap dito sa ganitong paraan? Alinsunod ba ito sa mga prinsipyo? (Oo.) Hindi ito pagiging sunud-sunuran, ni pagiging mapagmataas at dominante. Hindi ka umaasal nang nakatataas, pero pinapanatili mo rin ang iyong dignidad. Iniisip ng ilang tao, “Ang mga taga-Kanluran ay mahilig kumain ng pagkaing Tsino. Para maiwasan na magreklamo sila laban sa atin kung lalabagin natin ang ilang panuntunan sa hinaharap, ipagluto natin sila ng ilang dumpling at bigyan natin sila ng ilang meryenda.” Ang panunuyo nang walang dahilan—sabihin ninyo sa Akin, angkop ba ito? (Hindi.) Sa isang banda, hindi masasabi kung ang pagkaing niluto mo ay lasang galing sa isang tunay na restawran at kung gugustuhin man lang ba ng kabilang panig na kainin ito. Bukod pa rito, hindi ka rin nila kilalang mabuti. Kung bibigyan mo sila ng pagkaing ikaw mismo ang gumawa, magtitiwala ba sila sa iyo? Sa kabilang banda, bakit mo sila binibigyan ng mga regalo kung wala namang partikular na nangyari? Kilala ka ba nila nang mabuti? Nakikisalamuha ka ba sa kanila, o nakikipagkaibigan? Wala, kaya hindi ba’t ang palaging pagsubok na bigyan sila ng pagkaing Tsino ay isang bagay na gagawin ng isang baliw? (Oo.) Hindi ba’t nakakainis ito para sa mga tao? (Oo.) Tingnan ninyo ang Aking mga prinsipyo sa pakikisalamuha sa mga kapitbahay. Normal ba ang Aking pag-iisip? Inilalapat Ko ba ang mga prinsipyo nang tumpak at angkop? (Oo.) Mayroon ba Akong anumang mga pagpapamalas ng magulong lohika ng pag-iisip? (Wala.) Ang Aking mga pakikisalamuha sa mga tao ay pawang normal. Sa mga normal na sitwasyon, hindi Ako kailanman nagbibigay ng mga regalo sa mga tao. Kung talagang tutulungan Ako ng isang tao, bibigyan Ko siya ng isang bagay para ipahayag ang Aking pasasalamat. Ang pakikisalamuha sa mga tao sa ganitong paraan ay angkop. Ito ay pagiging normal at praktikal, at ito rin ay pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Hindi nauunawaan ng karamihan ng tao ang mga prinsipyong ito; ito ay tinatawag na pagiging hangal at mangmang. Sumasang-ayon ba kayo? (Oo.) Ipinapakita ng ilang tao ang kanilang kahangalan sa kanilang paggawa ng mga bagay-bagay. Palagi silang nagbibigay ng mga regalo sa mga tao at nanunuyo nang walang dahilan, at kapag nakikita ito ng mga tao, iniisip ng mga ito na may mali sa kanila. Hindi Ko ito ginagawa. Hindi Ako sumisipsip sa mga tao. Mayroon Akong dignidad, at mayroon Akong mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kapag talagang may lumitaw na isyu, kumikilos Ako ayon sa mga prinsipyo. Sinusunod Ko ang mga panuntunan, mayroon Akong hangganan, at ang Aking paraan ng pag-iisip ay lohikal, kaayon ng normal na pag-iisip, at kaayon ng pagkamakatwiran. Maraming detalye tungkol sa aspektong ito, ang pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, pero hindi kailangang maging detalyado tungkol sa maraming bagay. Sa madaling salita, ang Kanyang pag-iisip sa bagay na ito ay tiyak na normal.
Hindi Ko kailanman ipinapakilala ang Aking sarili kapag nakikisalamuha Ako sa mga tao; kahit kapag nakakatagpo Ko ang mga kapatid, hindi Ko kailanman ipinapakilala ang Aking sarili. Sa Aking mga pakikisalamuha sa mga tao, hindi Ako kailanman nagmamalaki bilang ang nagkatawang-taong Diyos. Nakikita mo ba ang mga ito bilang normal at praktikal na mga pagpapamalas ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay? (Oo.) Halimbawa, sinasabi ng ilang kapatid, “Ikaw ay Diyos, Ikaw ang Lumikha. Isang karangalan para sa sinuman na gumawa ng mga bagay para sa Iyo. Kung hindi nila gagawin ang mga ito nang maayos, naghahanap sila ng kamatayan!” Kapag nakakatagpo Ako ng gayong mga tao, sinasabi Ko, “Lumayo ka sa Akin! Ano ang silbi ng pagsasabi ng mga bagay na iyon? Kahit pa gumawa ang mga kapatid ng mga bagay para sa Akin, hindi Ako humihingi ng gayon sa kanila.” Sinuman ang Aking makasalamuha, hindi Ko kailanman sinasabi sa kanila ang Aking pagkakakilanlan. Sabihin mo sa Akin, isa ba itong pagpapamalas ng normal na pag-iisip at normal na pagkatao? (Oo.) Tingnan mo, palaging ipinapakilala ng isang baliw na tao ang kanyang sarili, sinasabi nito, “Ako ang Jade Emperor! Ako ang Inang Reyna ng Kanluran na bumaba sa lupa! Galing ako sa langit. Kung kayong maliliit na alipores ay hindi makikinig sa akin, pupuksain ko kayo!” Ano ang ganitong tao? (Isang Satanas at isang diyablo.) Siya ay isang Satanas at isang diyablo. Sa mga termino ng tao, tatawagin siyang isang taong may sakit sa pag-iisip, isang taong walang normal na pagkamakatwiran. Aasal ba nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gagawa ba ng mga bagay ang isang taong walang normal na pagkamakatwiran? (Hindi.) Maaari ka lang umasal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumawa ng mga bagay kung kahit papaano man lang ay nagtataglay ka ng pinabuting konsensiya at pamantayang pagkamakatwiran. Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay may normal na pagkatao, ang Kanyang pag-asal at mga kilos ay kinokontrol ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at natural Siyang namumuhay sa loob ng gayong normal na pagkatao na may konsensiya at pagkamakatwiran; samakatwid, sa pag-asal at paggawa ng mga bagay, mahigpit Siyang sumusunod sa mga prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Kung papalya ang ilang walang pananampalataya sa isang personal na usapin para sa Akin, o sadyang lilinlangin nila Ako, o sadyang sisirain nila ang mga bagay-bagay, kukuha Ako ng aral mula rito at hindi Ko na sila kailanman gagamitin ulit. Para naman sa mga walang pananampalataya, gaano man kaganda pakinggan ang kanilang mga salita, dapat Akong maging mapagbantay; kung hindi Ako mag-iingat, mahuhulog Ako sa kanilang mga panlilinlang. Masyadong maraming manlilinlang sa mundong ito. Wala silang pakialam kung sino ka; hangga’t kaya ka nilang linlangin, lilinlangin ka nila. Sa espirituwal na mundo, malinaw na nakikita ni Satanas at ng mga diyablo na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at nakikita nila ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at ang diwa ng Diyos, pero hindi nila kailanman iginagalang ang Diyos, kinatatakutan ang Diyos, o kinikilala ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ngayong nagkatawang-tao na ang Diyos, sabihin mo sa Akin, sino sa sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas ang magagawang kumilala sa Diyos at magpasakop sa Kanya? Kahit ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay hindi Siya ganap na kinikilala, lalong hindi sila nagpapasakop sa Kanya. Sinasabi ng ilang tao na yuyukod sila at sasamba sa harap ng Diyos—ayos lang sa kanila ang lumuhod sa harap ng langit, lumuhod sa harap ng krus, lumuhod sa harap ng pangalan ni Jehova, o lumuhod sa harap ng isang larawan ng Panginoong Jesus, pero sa kanilang puso ay hindi nila matanggap ang pagluhod sa Akin, sa taong ito: “Ikaw ba ang sinasampalatayaan ko? Hindi ka mukhang diyos! Kung luluhod ako sa harap mo, hindi ba’t ibinababa ko ang aking sarili? Kaya kong lumuhod sa harap ng langit, lupa, at ng aking mga magulang—paanong luluhod ako sa harap ng isang hamak na tulad mo? Lalo na’t isa kang babae, hindi kapansin-pansin ang iyong hitsura, hindi ka sikat, at wala kang katayuan o prestihiyo sa mundo—bakit ako luluhod sa harap mo?” Hindi komportable ang pakiramdam nila sa loob nila. Kapag gusto nilang lumuhod, nag-aalangan sila, at bago pa man sila lumuhod, tumatayo na naman sila, umaayaw at nag-aatubili. Sinasabi Ko, “Huwag kang lumuhod sa harap Ko. Kung gusto mong lumuhod, lumuhod ka sa harap ng Diyos sa langit. Hindi Ko kailangan na lumuhod ka sa harap Ko; hindi Ko ito matatanggap. Wala Akong gayon kalaking kapangyarihan na kaya kitang dalhin sa himpapawid at dalhin sa ikatlong langit. Isa lang Akong ordinaryong tao. Dinadala kita, na isang tiwaling tao, sa harap ng Diyos. Pagkatapos ay sinasabi Ko sa iyo ang mga katotohanang nalalaman at nauunawaan Ko para isagawa mo, para matamo mo ang kaligtasan, ganap na binabago ka para maging isang nilikha na pasok sa pamantayan at pagkatapos ay ibinabalik ka sa Lumikha—ito ang Aking responsabilidad at Aking ministeryo. Para sa inyong lahat, iyon lang ang silbi Ko. Wala Akong naisakatuparan na anumang karapat-dapat sa pagkilala pagdating sa iyo, at wala rin Akong nagawang ganoon pagdating sa Diyos sa langit. Isa lang Akong ordinaryong tao na gumawa ng mga bagay na dapat Kong gawin, nagsalita ng mga salitang dapat Kong sabihin, at gumawa ng gawaing dapat Kong gawin. Handa ka man o hindi sa iyong puso, mula sa perspektiba ng Aking pagkatao, hindi Ako handang tanggapin ang iyong pagluhod at pagsamba kahit kaunti. Bukod pa rito, umaayaw at lumalaban ka sa iyong puso, kaya lalong hindi Ko ito matatanggap.” Tingnan mo, normal ba ang Aking pag-iisip? Sa anumang aspekto ng pagkatao ito nagmula, isa itong pagpapamalas ng normal na pag-iisip. Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay namumuhay sa loob ng normal na pagkatao, at namumuhay na parang isang ordinaryong tao sa tunay na buhay, at hindi pambihira, kung paano Niya tinatrato at pinangangasiwaan ang iba’t ibang usapin ay malakihang pinamamahalaan ng konsensiya at katwiran ng Kanyang pagkatao. Nagiging dahilan ito para magkaroon ng mga kuru-kuro ang maraming tao; iniisip nila, “Hindi ba’t isa lang Siyang ordinaryo at normal na tao?” Kahit pa kinikilala ng mga tao ang pagkakatawang-tao at tinatanggap nila ang gawain ng Diyos, sa kanilang puso ay ayaw nilang lumuhod sa harap ng taong ito at sumamba sa Kanya o magpasakop sa Kanya. Sa totoo lang, mula sa Aking puso, ayaw Kong tanggapin ang iyong pagluhod at pagsamba, dahil mayroon Akong dignidad at pagkamakatwiran. Isantabi muna ang katunayang nag-aatubili ka, kahit pa handa kang lumuhod sa harap Ko at sumamba sa Akin, hindi Ako magiging handang tanggapin ito. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na sa loob ng konsensiya at katwiran ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos na ito, mayroon ding pakiramdam ng kahihiyan. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pakiramdam ng kahihiyan? Nangangahulugan ito na, kung may magsasabing, “Nag-aatubili akong lumuhod sa harap ng taong ito at sumamba sa kanya; medyo ayaw ko sa loob-loob ko”; o kung may namumuhay sa isang kalagayan ng pagiging magulo ang isip; o kung may lumuluhod at sumasamba habang puno ng mga imahinasyon tungkol sa Diyos, sasabihin Ko na ang mga ganitong uri ng pagluhod at pagsamba ay pawang hindi lehitimo. Hindi Ko kailangan ang mga ritwal na tulad nito; hinding-hindi kayo dapat magsagawa ng gayong ritwalismo. Kahit pa lumuhod ka sa harap Ko, mahihiya Akong tanggapin ito. Kung ipipilit mong lumuhod sa harap Ko, dapat Ko bang sabihin na “Pagpalain ka” o “Salamat sa iyo”? Talagang hindi Ko alam kung ano ang sasabihin. Bakit? Hindi pa nga malinaw sa iyo ang tungkol sa iyong sariling sitwasyon sa iba’t ibang aspekto ngayon, pero sinusubukan mo pa ring lumuhod sa harap Ko at sumamba sa Akin; talagang hindi Ko ito matatanggap. Hindi Ko alam kung tunay kang sumasamba sa Diyos. Kung susubukan Kong tanggapin ka bilang isang tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, talagang hindi ka papasa sa pamantayan. Kaya doon naaantala ang mga bagay-bagay sa usaping ito—labis na nakakailang ito. Hindi pa rin malinaw sa Akin kung bilang ano kita dapat tanggapin o kung ano ang magiging angkop na sabihin sa iyo, kaya lubha Akong lumalaban sa usaping ito sa loob-loob Ko. Kayong lahat ay hinding-hindi dapat lumuhod sa harap Ko at sumamba sa Akin. Hindi Ko ito kailangan, at hindi Ko ito gusto. Kung kailangan ninyong maunawaan ang anumang aspekto ng katotohanan o kailangan ninyo ng anumang aspekto ng mga prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay, maaari Akong magbahagi tungkol sa mga ito. Pero kung gusto ninyong isagawa ang pormalidad na ito, pinapayuhan Ko kayo na huwag itong gawin, huwag muna sa ngayon. Bago kayo magkaroon ng tunay na pagpapasakop sa Diyos sa inyong puso at bago kayo tumahak sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, huwag ninyo itong gawin; huwag ninyong isagawa ang pormalidad na ito. Ang paggawa nito ay hindi magiging mabuti; gagawin nitong nakakailang ang mga bagay-bagay para sa ating dalawa. Pinakamabuting iwasan ang paggawa ng bagay na ito; ang pagsasagawa ng gayong ritwalismo ay walang silbi.
Sa pakikipagbahaginan tungkol sa isyu ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, nagbigay Ako ng maraming halimbawa na kinasasangkutan ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos. Sa mga halimbawang ito, makikita ninyo na ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi pambihira, higit sa karaniwan, higit sa natural, o hindi kumbensiyonal. Ang mga ito at ang iba pang gayong mga bagay ang dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa pagiging normal at pagiging praktikal, at sa kababaang-loob at pagiging tago, ng nagkatawang-taong Diyos. Ang Kanyang pagsasabuhay, at ang Kanyang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal, ay pawang lubhang praktikal at lubhang normal, at kapag nakakatagpo Siya ng mga bagay-bagay, kaya rin Niyang maging mapagpasensya at mapagparaya. Anuman ang Kanyang gawin, ang lahat ng isinasabuhay at ipinapamalas ng nagkatawang-taong Diyos sa Kanyang buhay ay nagpapakita na mayroong praktikal na panig sa pag-asal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ibig sabihin, kung paano Niya hinaharap ang iba’t ibang bagay at pinangangasiwaan ang iba’t ibang problema ay ganap na nakabatay sa Kanyang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal, na ang umasal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumawa ng mga bagay. Ilang taon na ang nakalipas, ang anak ng aming kapitbahay ay papasok na sa kolehiyo, at nagdaos sila ng isang party sa bakuran para magdiwang, nagkakantahan at nagsasayawan sila. Kumakanta pa rin sila nang may gamit na mikropono nang ala-una o alas-dos ng madaling araw, at malinaw itong naririnig ng maraming kalapit na kapitbahay. Ang mga taga-Kanluran ay mahilig maghain ng mga reklamo, pero sa sitwasyong ito, walang naghain ng reklamo, dahil lahat kami ay maraming taon nang magkakapitbahay sa puntong iyon. Naramdaman ng lahat, “Napakaraming taon nang nag-aaral ang mga bata, at bihira para sa kanila na makapagrelaks, kaya hayaan silang magpakasaya. Ang magambala nang ganito paminsan-minsan at hindi makatulog nang maayos sa isang gabi ay hindi isang malaking problema; ituturing na lang natin ito bilang pagpupuyat.” Normal ba ang pag-iisip nang ganito? Dapat bang magkaroon ang isang tao ng ganitong uri ng pagpapasensya at pagpaparaya sa iba? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Ikaw ay Diyos, paano Mo nagagawang pagpasensyahan ang mga tiwaling tao na nag-iingay? Hindi Ka dapat maging mapagpasensya; napakahalaga ng Iyong pahinga!” Sinasabi Ko, “Kaninong pahinga ba ang hindi mahalaga? Mahalaga ang pahinga ng lahat.” Pero ang mga nasa hustong gulang ay minsan kailangang magkaroon ng kaunting pagpaparaya at magpakita ng kaunting pag-unawa; lalo na sa mga bata, dapat tayong magpakita sa kanila ng kaunting pagpaparaya. Bukod pa rito, kapag namumuhay ka sa mundong ito, maraming bagay ang hindi nangyayari ayon sa gusto mo, at kadalasan, kailangan mo lang maging mapagpasensya. Wala lang ang mga bagay na ito; kailangan mo ring magbata ng mga bagay na mas malala pa rito at tunay na nagdudulot sa iyo ng pinsala. Sa pamumuhay sa mundong ito, sa proseso ng pananatiling buhay, lahat ay nakakaharap ng maraming sitwasyon kung saan wala silang pagpipilian. Talaga bang maiipit ka na lang kapag nakaharap mo ang gayong mga sitwasyon? Hindi ka na ba makakapagpatuloy sa buhay? Sisikat pa rin ang araw kinabukasan. Dapat magpatuloy ang buhay. Hindi kailangang maging makitid ang isip sa isang maliit na bagay, hindi ito mabitiwan at umaakto na parang katapusan na ng mundo. Hindi na kailangang gumawa ng gulo o palakihin ang isang maliit na problema. Para sa mga bagay na tulad nito, dapat kang maging mapagparaya at mapagpasensya. Kapag dumating ang araw na mas marami ka nang naranasan, magkakaroon ka ng kabatiran at malalaman mo kung paano tratuhin ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, normal ba ang ganitong uri ng pag-iisip? (Oo.) Ano ang iisipin ng isang taong may hindi normal na pag-iisip? “Ikaw na bata ka, lumaki ka na at nagsimula nang mag-party. Ang mga walang pananampalatayang ito ay tunay na mga diyablo! Alam mo ba kung sino ako? Ginambala mo ang aking pahinga, kaya pagsisisihin kita. Isinusumpa kita!” Normal ba ang gayong mga kaisipan? (Hindi.) Ang mga kaisipang ito ay hindi normal, kaya hindi ka dapat mag-isip nang ganoon. Ako Mismo ay hindi mag-iisip nang ganoon. Kapag nangyayari ang mga bagay na ito, kaya Kong maging mapagpasensya at tratuhin ang mga ito nang tama; kaya Kong tratuhin at pangasiwaan ang mga bagay na ito nang may mga kaisipan at pananaw ng isang nasa hustong gulang. Siyempre, ang mga ito ay mga partikular na pagpapamalas din ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagiging mapagbigay ng Diyos ay kasinglawak ng dagat at kalangitan, kaya ang gayong mga hamak na tao ay walang anuman sa Diyos. Gaano man kaingay, hindi Niya ito naririnig; wala Siyang nararamdaman. Ito ay tinatawag na pagiging nasa mas mataas na antas, ito ay tinatawag na pagiging nasa ibang dimensiyon, ito ay tinatawag na pagkakaroon ng lawak ng isipan.” Ganito ba iyon? (Hindi.) Talagang hindi Ko pinahahalagahan ang “lawak ng isipan.” Hindi Ako sigurado kung ano ang ibig sabihin ng “lawak ng isipan,” at hindi Ko rin nauunawaan kung ano ang “pagiging nasa ibang dimensiyon,” at wala Ako sa ganoong “kataas” na antas. Alam Ko lang kung ano ang normal na pag-iisip at normal na pagkamakatwiran, kung paano kumilos sa paraang naaayon sa pagkatao at pagkamakatwiran, kung anong mga bagay ang dapat tiisin nang may pagpapasensya at kung anong mga bagay ang dapat tratuhin nang seryoso, at kung anong mga prinsipyo at kredo ang dapat mahigpit na sundin kapag nakikisalamuha sa mga tao, gayundin kung paano mag-isip sa paraang hindi baluktot, radikal, higit sa natural, o sukdulan sa ilang partikular na sitwasyon, at kung paano mag-isip nang normal nang hindi kumikiling sa isang panig o sa kabilang panig. Alam Ko ang mga bagay na ito, pero hindi Ko kailanman nalaman kung ano ang ibig sabihin ng “pagiging nasa ibang dimensiyon,” “pagkakaroon ng lawak ng isipan,” at “pagpapanatiling hindi kapansin-pansin sa pag-asal.” Sinusunod Ko lang ang mga prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Hindi ba’t simple ito? (Oo.) Anuman ang usaping Aking pangasiwaan, mula sa Aking perspektiba at paninindigan ay tinitingnan Ko ang bawat usapin at bawat tao nang tama, makatarungan, matino, at makatwiran bilang isang ordinaryo at normal na tao, nagsisikap na makamit ang katarungan, pagiging patas, pagiging matino, at pagkamakatwiran sa lahat ng Aking ginagawa, nang hindi nagiging radikal, hungkag, o di-kumbensiyonal. Bukod pa rito, hindi Ako umaasal na nakatataas, at hindi Ko kailanman tinitingnan ang anumang bagay mula sa gayon kahungkag na posisyon gaya ng ikatlong langit. Bagama’t ang Aking pagharap sa maraming bagay sa tunay na buhay nang ganito ay tila napakakaraniwan sa mga tao, ang mga ito ay ilang kaisipan at pananaw, at mga paraan ng pag-asal, na dapat taglayin ng isang tao sa pamumuhay at pananatiling buhay bilang isang miyembro ng sangkatauhan. Ang pamumuhay nang ganito ay lubos na nakakapagpakalma at hindi nakakapagod, kaya nararamdaman ng maraming tao na madali Akong pakisamahan, nang walang anumang uri ng hindi kinakailangang komplikasyon. Ang Aking layunin sa pagsasabi sa inyo ng mga bagay na ito ay hindi para ipaalam lang sa inyo ang ilang bagay, kundi para sabihin sa inyo na mayroon Akong mga prinsipyo kapag nakikisalamuha sa sinuman o humaharap sa mga usapin—hindi Ko kailanman kinukuha ang mga bagay sa pamamagitan ng puwersa o panlilinlang, hindi Ako kailanman nambobola, hindi Ko kailanman gustong manamantala sa sinuman kapag nakikitungo sa mga tao, at lalong hindi Ko lalabagin ang batas para harapin ang anumang usapin. Sa madaling salita, ang mga prinsipyo ng Aking sariling asal ay ang sumunod sa mga kredo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay, para mapanatag ang Aking konsensiya at maging patas sa paggawa ng mga bagay, hindi manakit o mandaya ng sinuman, at hindi pinsalain ang mga interes ng ibang tao. Kahit makinabang man Ako, hindi ito mangyayari batay sa pamiminsala sa mga interes ng ibang tao; sa halip, nagsisikap Akong maging patas at makatarungan. Sinabi Ko na sa inyo ang mga bagay na ito at ibinigay Ko na ang mga halimbawang ito, at nakipag-usap na rin Ako sa inyo tungkol sa mga prinsipyo ng aspektong ito, kung paano umasal, sa teorya. Sadyang ganitong klase Ako ng tao. Kung gusto ninyong malaman ang higit pa para maberipika ang pagiging normal at pagiging praktikal, at ang kababaang-loob at pagiging tago, na Aking sinabi, at para maberipika na talagang kumikilos Ako ayon sa mga prinsipyong ito ng “pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay,” malugod Ko kayong inaanyayahan na mag-imbestiga at mangalap ng ebidensya sa lahat ng lugar para makita kung batay ba sa katunayan ang Aking sinasabi. Sa madaling salita, dapat maging malinaw sa inyong lahat ang mga bagay na ito. Sa pangkalahatan, ang mga ito ang lahat ng usapin tungkol sa buhay at pag-iral ng nagkatawang-taong Diyos. Ang mga ito ang dapat ninyong maunawaan, at ang kinakailangan din ninyong maunawaan.