Paano Hangarin ang Katotohanan (24) Unang Bahagi
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa nilalaman ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos, na napapaloob sa mas malaking paksa ng “pagbitiw” sa “Paano Hangarin ang Katotohanan.” Sangkot sa nilalamang ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Anong mga aspekto ang pinagbahaginan natin? (Noong nakaraan, pangunahing ibinahagi at inilantad ng Diyos ang ilan sa aming mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, at nagbahagi rin ang Diyos tungkol sa dalawang prinsipyo ng pagsasagawa para sa amin: Ang isa ay ang huwag ihambing ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, at ang isa pa ay ang huwag itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan.) Para malutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, ang dapat isagawa ng mga tao ay ang dalawang prinsipyong ito na nabanggit sa nakaraang pagbabahaginan. Ano ang una? (Ang huwag ihambing ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit.) At ano ang ikalawa? (Ang huwag itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan.) Pangunahin ay ang dalawang ito. Noong nakaraan, nagbahagi Ako tungkol sa unang prinsipyo—ang huwag ihambing ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit—at maikling nagpakilala ng mga paksa tungkol sa buhay ng nagkatawang-taong Diyos na nakikita ng mga tao at hindi pa nila nauunawaan. Ngayon, magpapatuloy Ako sa pagbabahagi tungkol sa paksang may kinalaman sa nagkatawang-taong Diyos. Habang mas nagbabahagi Ako, mas makakaunawa ang mga tao; habang mas nagbabahagi Ako, mas magiging lubos ang pagkaunawa nila. Habang mas nagbabahagi Ako tungkol sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, mas makakaunawa ang mga tao—magkakaroon sila ng higit na kalinawan sa kanilang puso, at hindi lamang mababawasan ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kundi magkakaroon din sila ng medyo mas higit at mas praktikal na pagkaunawa sa Diyos na nagkatawang-tao. Mas mauunawaan nila ang praktikal na panig ng nagkatawang-taong Diyos, o ang mga aspekto Niya na nakikita at nakakasalamuha ng mga tao, at magiging mas tumpak at praktikal ang pagkakilala nila. Sa ganitong paraan, bibitiwan ng mga tao ang ilan sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa langit na hindi kaayon ng realidad. Habang mas binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa langit, at habang mas nakikilala at naaarok nila ang pagiging praktikal at pagiging normal ng nagkatawang-taong Diyos, mas magiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang isang punto tungkol sa hindi paghahambing ng nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit ay na dapat kang magkaroon ng pagkaunawa sa pagiging praktikal at pagiging normal ng nagkatawang-taong Diyos. Habang mas nauunawaan mo ang pagiging praktikal at pagiging normal ng nagkatawang-taong Diyos, mas mauunawaan mo ang Diyos sa langit, at hindi mo susukatin ang Diyos sa langit gamit ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Siyempre, mula sa isang obhetibong pananaw, may iba pang mangyayari: Magkakaroon ka ng tamang saloobin sa Diyos, magkakaroon ka ng obhetibong pananaw sa iba’t ibang pagpapamalas na ipinapakita ng nagkatawang-taong Diyos sa Kanyang pagkatao, at mas tumpak at praktikal mo ring makikilala ang Diyos sa langit. Pinipigilan ka nitong palaging magkaroon ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos na hindi kaayon ng realidad, at pinipigilan ka rin nitong palaging ihambing ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Kapag tinatalakay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos—ibig sabihin, si Cristo—may isang partikular na paksa na madalas mabanggit: ang pagiging normal at pagiging praktikal, at ang kababaang-loob at pagiging tago, ng nagkatawang-taong Diyos. Madalas na nagsasalita ang mga tao tungkol sa Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal, at madalas din silang nagsasalita tungkol sa Kanyang kababaang-loob at pagiging tago; gayumpaman, pagdating sa mga praktikal na isyung kasangkot dito, masasabing walang kalinawan ang lahat ng tao. Ano ba talaga ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos? Ano ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago? Ibig sabihin, pagdating sa kung ano ba talaga ang pagiging normal, pagiging praktikal, kababaang-loob, at pagiging tago ng nagkatawang-taong Diyos sa puso ng mga tao, gayundin kung paano unawain at kilalanin ang mga bagay na ito, hindi malinaw sa mga tao ang katotohanan o ang diwa sa bagay na ito, at ipinapangaral lang nila ang mga ito na para bang isang uri ng teorya o espirituwal na terminolohiya ang mga ito. Kaya, malaki ang pangangailangan na magbahaginan tayo tungkol sa paksang ito ng pagiging normal at pagiging praktikal, at ng kababaang-loob at pagiging tago, ng nagkatawang-taong Diyos sa isang detalyado at sistematikong paraan. Sa pamamagitan ng gayong pagbabahaginan, magiging malinaw sa mga tao kung ano ang bumubuo sa pagsasabuhay ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, nitong Anak ng tao na nagtataglay ng isang espesyal na pagkakakilanlan.
Ano ang mauunawaan ninyo sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos pagdating sa inyong literal na pag-arok, o sa maaabot ng inyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Sa mga taon na ito ng pakikisalamuha, pakikipag-ugnayan, o pakikipag-usap sa nagkatawang-taong Diyos, ano ba talaga ang naramdaman at nakilala ninyo tungkol sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos? Karamihan sa mga paksang pinagbahaginan noong nakaraan ay tungkol sa mga problema ng tiwaling sangkatauhan. Ibig sabihin, pinagbahaginan natin ang iba’t ibang problemang mayroon kayo, na kinasasangkutan ng mga tiwaling disposisyon, paglilingkod sa Diyos, at paggampan ng mga tungkulin, gayundin ng pagkatao, kakayahan, mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at mga saloobin at pananaw sa Diyos—pinag-usapan natin ang lahat ng ito. Nangaral Ako ng katotohanan at nagbigay ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon, at lahat ng ito ay tungkol sa inyong mga problema. Sa pagkakataong ito, sa wakas ay hindi na natin pinag-uusapan ang inyong mga problema, kundi sa halip ay ang ilang bagay na may kinalaman sa nagkatawang-taong Diyos, na nagtutulot sa atin na tingnan ang mga bagay-bagay mula sa ibang anggulo. Hindi ba ninyo nakikitang medyo nakakarelaks ang paksang ito, medyo malaya sa anumang pasanin, at hindi gaanong nakakailang? (Oo.) Kung gayon, ano ang mga bagay na nakikita, napagtatanto, o nauunawaan ninyo pagdating sa pagiging normal at pagiging praktikal o sa kababaang-loob at pagiging tago ng nagkatawang-taong Diyos? Maaari kayong magsalita tungkol sa mga teorya o katunayan; ayos lang ang kahit ano. Hindi kayo makasagot—kung gayon, kadalasan ba ay wala kayong mga naiisip sa inyong mga isipan tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos? Walang kaalaman kahit kaunti? At walang anumang nararamdaman? Tiyak na mayroon, hindi ba? Minsan ay maaaring isa itong ideyang mabilis na naglalaho, minsan ay maaaring isa itong bagay na pinag-iisipan ninyo nang sandali, at minsan ay maaaring ilang malalim na impresyon na mayroon kayo sa inyong puso. Kung isa itong ideyang mabilis na naglalaho, maaaring hindi mo ito matandaan; o minsan ay may lumilitaw na isang partikular na kaisipan o pananaw sa likod ng iyong isipan, at maaaring hindi mo rin iyon matandaan. Pero minsan ay mayroon kang isang partikular na impresyon sa nagkatawang-taong Diyos, at ang impresyong ito naman ang nagdudulot na magkaroon ka ng pananaw. Iiral ang impresyong ito sa iyong isipan sa loob ng mahabang panahon. Tiyak na matatandaan mo ito. Hindi dapat blangko ang iyong isipan, hindi ba? Kaya talakayin ninyo ang inyong pagkaunawa sa pagiging normal at pagiging praktikal, o sa kababaang-loob at pagiging tago, ng nagkatawang-taong Diyos. (Diyos ko, ang pagkaunawa ko sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos ay mayroon din Siyang mga normal na pangangailangan ng laman. Halimbawa, kapag matagal na nagsasalita si Cristo, mauuhaw Siya at kakailanganin Niyang uminom ng tubig. Kapag nakikipagbahaginan Siya sa amin sa mga pagtitipon sa loob ng tatlo o apat na oras, mapapagod din Siya at kakailanganin Niyang magpahinga. Kapag matagal Siyang naglalakad, kakailanganin din Niyang magpahinga. Ibig sabihin, sa panlabas, si Cristo ay katulad ng isang normal na tao, at taglay din Niya ang buong saklaw ng mga emosyon ng normal na pagkatao: Nakakaramdam Siya ng saya kapag nakakarinig Siya ng mga nakagagalak na bagay, at nakakaramdam ng lungkot kapag nakakarinig Siya ng mga nakakabagabag na bagay. Ang mga ito ay mga pagpapamalas din ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos.) Nakapagsabi kayo ng ilang katunayan. Ang mga ito ay mga bagay na inyong nakita, at mga bagay rin na inyong nakakaugnayan at nararamdaman. May iba pa ba? (Diyos ko, magdadagdag ako ng isang punto: Narinig ko noon na kapag papatnubayan Mo ang ilang propesyonal na gawain, kailangan Mo ring mag-aral at umunawa ng ilang espesyalisadong kaalaman.) Ito ba ay isang bagay na narinig na ninyong lahat? Na kapag nagbibigay Ako ng patnubay sa ilang propesyonal na gawain, kailangan Ko rin itong pag-aralan sa isang praktikal na paraan, at kailangan Ko ring makaunawa at maging bihasa sa ilang nauugnay na propesyonal na kaalaman—ito ba ang impormasyong natanggap ng karamihan sa mga tao? Ito ba ang iniisip ninyong lahat? (Hindi. Halimbawa, kapag pinapatnubayan Mo ang gawain ng pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, nanonood Ka lang ng ilang pelikula at palabas sa telebisyon paminsan-minsan para makasabay; hindi Ka partikular na naglalaan ng oras para pag-aralan ito o saliksikin ito.) Kailangang itama ang usaping ito. Talagang wala Akong lakas para maghanap ng mga mapagkukunan ng impormasyon o mag-aral ng anumang uri ng propesyonal na kaalaman. Sadya lamang na nakapanood na Ako ng ilang pelikula kaya mayroon Akong kaunting impresyon tungkol sa kung ano dapat ang hitsura ng mga ito sa pangkalahatan; bukod pa roon, batay sa ilang nauugnay na propesyonal na kaalaman na ibinigay ng mga kapatid, inaalam at hinahango Ko ang mga nauugnay na prinsipyo, at nagbibigay Ako ng kaunting patnubay para sa propesyonal na gawain. Ang mahalagang punto rito ay ang pag-arok sa mga prinsipyo, at ang pagpatnubay sa kanila batay sa mga prinsipyo. Ang mga paghihirap ng mga gumagawa ng gawain ay, sa isang banda, hindi komprehensibo ang kanilang propesyonal na kaalaman, at, sa kabilang banda, hindi nila naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, dagdag pa ang mahina nilang kakayahan. Dahil dito, sa pagbibigay Ko sa kanila ng kaunting gabay batay sa pagkaunawa sa mga prinsipyo, mas mabuti ang mga resulta kaysa kung sila mismo ang gumawa nito. Ginagawa Ko ito batay sa prinsipyo ng pagpapakalat ng mga salita ng Diyos, pagpapatotoo sa Diyos, hindi pagbibigay-kahihiyan sa Diyos, at pagbibigay-kakayahan sa mga tao na matuto nang higit pa tungkol sa gawain ng Diyos at higit pang maunawaan ang katotohanan, at nagbunga ito ng mga partikular na resulta. Pagdating sa mga aktuwal na propesyonal na kasanayan, halos wala Ako ng mga ito. Sa simula pa lang ay wala na Ako ng espesyalisadong kaalamang iyon, at hindi Ko rin kailanman partikular na sinubukang pag-aralan ito gaya ng sinabi ninyo. Anumang uri ng propesyonal na gawain ang ginagabayan Ko, hindi Ko kailanman sinubukang pag-aralan ito, at hindi rin Ako naghanap ng mga materyal na pang-edukasyon, mga mapagkukunan ng impormasyon, o nauugnay na propesyonal na kaalaman. Sa pinakahigit, naghahanap ang mga kapatid ng ilang nauugnay na materyal na pang-edukasyon o mga halimbawa at ipinapasa ang mga ito sa Akin para tingnan, at mula sa mga ito ay humahango Ako ng ilang nauugnay na prinsipyo, at ilang paraan ng paggawa para sa propesyong iyon, at pinapatnubayan Ko ang kanilang gawain batay sa mga ito.
Tungkol sa aspektong ito, ang pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, nakita ng mga tao ang ilan sa pagiging normal at pagiging praktikal na ipinapakita ng mga instinto ng Kanyang katawang-tao. Kabilang dito ang mga instinto ng tao, pati na rin ang ilang pagpapakita at limitasyon ng iba’t ibang likas na kondisyon ng laman; ito ay pagiging normal at pagiging praktikal sa tunay na kahulugan ng mga terminong ito. Maging ito man ay ang panlabas Niyang ipinapakita, o ang Kanyang mga panloob na kaisipan at pananaw, o mga panloob na prinsipyo ng sariling asal ng Kanyang pagkatao—sa madaling salita, ang pinakasimple at pinakapangunahing pagkaunawa sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos ay na hindi Siya pambihira, nakahihigit, o kakaiba. Ibig sabihin, mula sa panlabas na anyo ng nagkatawang-taong Diyos, wala kang makikitang anumang espesyal na pagpapamalas na naiiba sa mga ordinaryong tao. Kung hindi Siya magsasalita o gagawa ng anumang bagay, sa pagtingin lang sa Kanyang mga katangian sa mukha, sa Kanyang pisikal na anyo, at sa Kanyang buong persona, wala kang makikitang anumang kakaiba. Hindi Siya pambihira, nakahihigit, o kakaiba; isa lang Siyang ordinaryong tao. Sa tumpak o obhetibong pananalita, kung ang taong ito ay nasa gitna ng maraming tao at hindi nagsasalita, hindi gumagawa ng gawain, o hindi nagpapahayag ng katotohanan, hindi mo masasabi kung paano naiiba ang taong ito sa sinumang iba pa. Halimbawa, kung nakaupo Ako sa gitna ninyo at may pumasok na isang estranghero, makikita niyang ang anyo Ko ay katulad lang ng sa inyo. Hindi Ako nakaupo sa upuang pandangal, ni namumukod-tangi. Mayroon Akong ordinaryong anyo; hindi Ako pambihira, hindi napakataas, at hindi Ako mukhang isang uri ng dakilang tao—isa lang Akong ordinaryong tao. Kaya hindi niya masasabi kung sino ang nagkatawang-taong Diyos. Kung mamumuhay Akong kasama ng isang grupo ng mga tao, wala ka ring makikitang anumang naiiba tungkol sa Akin. Alam mo lang na ang nagkatawang-taong Diyos na ito ay babae, pero sadyang hindi mo masasabi kung sino ang nagkatawang-taong Diyos gamit ang mga mata lang, maliban na lang kung madalas kang nakikinig sa Aking mga sermon, kung gayon ay masasabi mo sa pamamagitan ng Aking boses. Kung may taong may boses na katulad ng sa Akin, maaaring magkamali pa nga ang ilang tao at ipalagay na siya ang nagkatawang-taong Diyos. Nangyayari ba ang mga gayong bagay? Nangyari na talaga ito. Ang ilang indibidwal ay mukhang nakahihigit at namumukod-tangi, partikular na nagtataglay ng awra at estilo, at mukhang partikular na marangal, tulad ng isang taong may katayuan at isang partikular na posisyon. Ang ilang hangal na kapatid, o mga taong partikular na gustong makatagpo ang nagkatawang-taong Diyos, ay magkakamali sa pag-iisip na ang gayong tao ang nagkatawang-taong Diyos, at yuyuko at luluhod pa nga sa kanya. Ang taong niyuyukuran ay nakakaramdam ng labis na katuwaan sa loob at tahimik pa nga itong tinatanggap. Kapag paalis na siya, ang mga hangal na taong iyon na yumuko at lumuhod ay lumuluha pa nga at nag-aatubiling mawalay sa kanya; hinihila nila ang kanyang damit at ayaw siyang paalisin, sinasabing, “Kailan ka babalik? Mangungulila kami sa iyo!” Sinasabi pa nga nila nang may partikular na pananabik, “Sa wakas ay nakatagpo ko na ang nagkatawang-taong Diyos. Wala akong mga pagsisisi sa buhay na ito. Kahit mamatay ako, magiging sulit ang buhay ko!” Hindi man lang nililinaw ng taong niyuyukuran ang sitwasyon. Narinig na ba ninyo ang mga gayong bagay? (Oo.) Imposibleng mangyari ang ganitong uri ng bagay sa ibang bansa. Bakit ito nangyari sa kalakhang Tsina? Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay nagpakita at gumawa sa Tsina, tiyak na mayroon Siyang wangis ng isang Tsino, kaya nangyari ang ganitong uri ng bagay sa kalakhang Tsina. Hindi na natin tatalakayin kung tama o mali ang dalawang panig na sangkot sa usaping ito. Tungkol sa isyung ito mismo, paano man nauunawaan ng mga tao ang pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, batay sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala ang mga tao na ang nagkatawang-taong Diyos ay dapat magkaroon ng isang napakataas na wangis, isang marangal na anyo, at lalo na ng isang marangal na pagkakakilanlan. Dapat din Siyang magkaroon ng isang natatanging anyo at paraan ng pagsasalita, na nagpaparamdam sa lahat ng tumitingin sa Kanya na Siya ay tulad ng Diyos, na Siya ang Diyos, nang walang katiting na pagdududa. Kung mukha Siyang hindi kapansin-pansin sa mga tao, at hindi nila makita ang awra ng Diyos o ang wangis ng Diyos sa Kanya, imposibleng Siya ang Diyos. Naniniwala ang mga tao na ang nagkatawang-taong Diyos ay tiyak na partikular na napakataas, marangal, at nagtataglay ng awra, mukhang partikular na tulad ng isang taong may maharlikang pagkakakilanlan—dapat Siyang tumayo nang tuwid kapag naglalakad Siya, dapat na maliwanag at matalas ang Kanyang mga mata, at dapat na partikular na matalim ang Kanyang tingin; dapat Niyang malaman kaagad kung ano ang iniisip ng sinuman sa pamamagitan lang ng pagtingin dito, at dapat Niyang masabi sa isang sulyap kung sino ang nagkikimkim ng pagkamapanlaban o masasamang kaisipan. Ang mga kaisipang ito na mayroon ang mga tao ay sumasalamin sa isang partikular na penomenon: Ang mga tao ay may maraming imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Pero sa katunayan, ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi katulad ng Diyos ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; mayroong pagkakaiba. Ang panlabas na anyo ng nagkatawang-taong Diyos ay partikular na ordinaryo. Hindi Siya napakataas kahit kaunti, hindi nakahihigit kahit kaunti, at hindi higit sa natural kahit kaunti; masasabi pa nga na walang anumang espesyal tungkol sa Kanya. Mula sa panlabas, halos wala Siyang ipinagkaiba sa lahat ng nilikhang tao. Ibig sabihin, halos kaparehong-kapareho Siya ng mga taong nilikha ng Diyos pagdating sa iba’t ibang kapabilidad na taglay nila, pati na rin sa mga instinto, normal na pag-iisip, at iba’t ibang abilidad ng mga tao. Ang mga ito ang mga panlabas na bagay na direktang nakikita ng mga tao gamit ang mga mata at ang nakakasalamuha nila, at naaarok at nauunawaan ng mga tao. Ang mga panlabas na bagay na ito ay madaling makita at maunawaan ng mga tao, kaya hindi ang mga ito ang magiging pokus ng ating pagbabahaginan. Ang pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, at ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago, ang pokus ng ating pagbabahaginan.
Tungkol naman sa kung ano ang dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, maging ito man ay ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal, o ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago, binubuo ito ng mga kaisipan o mga paraan ng pagkilala na sadyang wala sa puso ng mga tao; ang mga kaisipang ito ay hindi man lang umiiral sa loob ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. May kinalaman dito ang pamumuhay ng nagkatawang-taong Diyos sa gitna ng mga tao, kung paano Siya namumuhay sa tunay na kapaligiran ng sangkatauhan, kung paano Siya umaasal sa Kanyang buhay, at kung paano Siya nagsasalita at gumagawa sa gitna ng mga tao. May kinalaman dito ang mga isyu tungkol sa diwa ng nagkatawang-taong Diyos, at ang mga isyung ito ay karapat-dapat na pagbahaginan. Ang mga aspektong ito ay mga bagay rin na hindi nakikita ng mga tao o napakahirap maunawaan ng mga tao, at siyempre, mga bagay rin ang mga ito na hindi umiiral sa pagkakilala ng mga tao o sa loob ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Ibig sabihin, ang pagkakilala, pagkaunawa, at mga imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos ay halos wala namang kaugnayan sa realidad ng buhay at pag-iral ng nagkatawang-taong Diyos. Dahil dito, ang malaking bahagi ng pagkakilala ng mga tao tungkol sa diwa ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi praktikal at hindi obhetibo, at binubuo pa nga ng ilang kuru-kuro at imahinasyon na hindi naaayon sa realidad. Ang nagkatawang-taong Diyos ay namumuhay sa gitna ng mga tao at sa materyal na mundong ito; ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal ay nasasalamin sa Kanyang buhay, pati na rin sa proseso ng Kanyang pag-iral. Sa Kanyang buhay at sa proseso ng Kanyang pag-iral, sa isang banda, ang may kinalaman ay ang buhay ng katawang-taong ito, at sa kabilang banda, ang may kinalaman ay ang ministeryong ginagampanan ng nagkatawang-taong Diyos. Tingnan natin mula sa dalawang aspektong ito kung paano naiiba ang pagiging normal at pagiging praktikal na isinasabuhay at taglay ng nagkatawang-taong Diyos mula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao—kung aling mga bahagi ng pagiging normal at pagiging praktikal na ito ang hindi maunawaan o ang binabalewala ng mga tao pagkatapos makita ang mga ito, pero sa katunayan ay mga pagpapamalas ng pagiging normal at pagiging praktikal na taglay ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Dahil may kinalaman dito ang buhay at pag-iral ng nagkatawang-taong Diyos, kaakibat nito ang maraming tunay na isyu, pati na rin ang maraming kaisipan at pananaw tungkol sa mga tunay na isyung ito. Ang totoo, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay praktikal at obhetibong ipinapakita at isinasabuhay sa buhay ng nagkatawang-taong Diyos at sa ministeryong Kanyang ginagampanan. Gayumpaman, dahil nagkikimkim ang mga tao ng napakaraming kuru-kuro at imahinasyon—tungkol man sa Diyos sa langit o sa Diyos sa lupa—at dahil hungkag ang lahat ng ito at hindi naaayon sa realidad, binabalewala ng karamihan sa mga tao ang pagiging normal at pagiging praktikal, at ang kababaang-loob at pagiging tago, na nakikita ng mga tao na ipinapamalas ng nagkatawang-taong Diyos—nitong espesyal na pagkakakilanlan ng Diyos. Ang pinagtutuunan ng pansin ng karamihan sa mga tao ay ang mga tanda at kababalaghan, mga misteryo, mga higit sa natural na kakayahan, at mga bagay na malalim, engrande, o medyo nakahihigit at kakatwa, at iba pa. Subalit binabalewala ng mga tao ang mga tunay na obhetibo, praktikal, at totoong bagay na isinasabuhay at ipinapakita ng Diyos Mismo. Kahit ilang taon pang mamuhay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa gitna ng sangkatauhan, dahil binabalewala ng mga tao ang mga bagay na ito, ang kanilang pagkakilala sa Diyos ay palaging nananatiling nakapako sa kanilang mga hungkag at kathang-isip na imahinasyon. Dahil dito, ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos ay palaging lubhang hindi obhetibo at hindi praktikal. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa paksang ito, kilalanin natin ang pagiging normal at pagiging praktikal na nasasalamin sa buhay ng nagkatawang-taong Diyos at sa ministeryong Kanyang ginagampanan. Maging ito man ay ang buhay ng nagkatawang-taong Diyos, o ang ministeryong Kanyang ginagampanan, kapwa may kinalaman sa dalawang aspekto ang pagsasabuhay ng Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal. May kinalaman dito ang mga pananaw ng nagkatawang-taong Diyos—nitong Anak ng tao na nagtataglay ng isang espesyal na pagkakakilanlan—sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at ang Kanyang mga prinsipyo at pamamaraan para sa pangangasiwa ng lahat ng uri ng mga usapin. Narinig na ninyo sa mga pagbabahaginan sa paglipas ng mga taon ang tungkol sa mga prinsipyo at pamamaraan ng pagtrato at pangangasiwa ng nagkatawang-taong Diyos sa lahat ng uri ng mga usapin, at alam na ninyo ngayon ang tungkol sa mga bagay na ito. Ang mga bagay na ito, na tila napakatayog at engrande sa inyong mga isipan, ay pawang may kinalaman sa katotohanan. Sa isang banda, kinakatawan ng mga ito ang mga layunin ng Diyos sa langit; kinakatawan ng mga ito kung ano ang hinihingi sa mga tao at kung ano ang itinuturo sa kanila ng Diyos na nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Sa kabilang banda, hindi maikakaila na kinakatawan din ng mga ito ang mga prinsipyo, pamamaraan, at mga kaisipan at pananaw ng nagkatawang-taong Diyos, nitong Anak ng tao, sa kung paano Niya tinitingnan o pinangangasiwaan ang lahat ng uri ng usapin. Nakipagbahaginan na Ako sa inyo nang matagal tungkol sa napakaraming nilalamang ito na kinasasangkutan ng mga katotohanang prinsipyo; maraming paksa, at medyo mahahaba ang mga ito. Sapat na ang nilalamang ito para katawanin ang mga kaisipan at pananaw, mga saloobin, at mga prinsipyo ng nagkatawang-taong Diyos—ng Anak ng tao—para sa pangangasiwa ng mga bagay sa lahat ng uri ng usapin. Hindi natin pag-uusapan ang aspektong ito ngayon.