Paano Hangarin ang Katotohanan (20) Ikatlong Bahagi

Ang ilang tao, pagdating sa mga damdamin o sa pagharap sa mga bagay-bagay, ay hindi alam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Gayundin, hindi rin nila alam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto pagdating sa pag-asal sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan. Halimbawa, kung anong distansya ang dapat panatilihin kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa kabilang kasarian, kung anong mga paksa, mga komento, at paraan ng pagkilos ang dapat iwasan, at kung anong mga detalye ang dapat bigyang-pansin sa kanilang pang-araw-araw na pananalita at pag-asal—ang mga ito ay pawang mga bagay na hindi nila alam. Mahirap itong maunawaan—hindi ba’t alam ng lahat ng normal na tao na dapat may mga hangganan sa pakikisalamuha sa kabilang kasarian? (Oo.) Isa ba itong bagay na kailangang ituro? Kapag bata pa ang isang tao, maaaring kailangan itong ituro sa kanya ng mga magulang niya, pero habang unti-unti siyang lumalaki at nagkakaisip, likas niyang nalalaman ang mga bagay na ito nang hindi na kailangan pang turuan ng kanyang pamilya o ng lipunan. Isa itong bagay na likas, hindi ba? Ang pagkaalam na may mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae ay isang katangian ng pagkatao. Kabilang sa mga katangian ng pagkatao ang konsensiya at katwiran, kaya tiyak na alam ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan. Kung mayroon kang pagkaramdam ng kahihiyan, alam mo kung paano pakitunguhan ang kabilang kasarian. Kung hindi mo alam, at kumikilos ka nang walang pagkaramdam ng kahihiyan—hindi alam kung anong paraan ng pagkilos ang wasto at kung anong paraan ang di-wasto, kung anong paraan ang angkop at makatwiran, at kung anong paraan ang labis at lumalampas sa hangganan—kung gayon ay may problema sa iyong pagkatao, dahil ito ay isang bagay na dapat alam ng isang normal na tao kahit papaano. Kung alam ng isang tao ang mga bagay na ito at kaya niyang sundin ang mga ito, taglay niya ang konsensiya at katwiran ng pagkatao; kung hindi niya alam ang alinman sa mga bagay na ito at kailangan pa siyang paalalahanan at pigilan ng iba, kung gayon ay malaki ang problema ng ganitong uri ng tao. Partikular na may isang uri ng tao na hindi uupo kasama ng mga taong kapareho niya ng kasarian kapag may kasamang ibang tao, kundi partikular na uupo sa tabi ng kabilang kasarian, at sobrang lalapit sa kanila—hindi niya ito iniiwasan. Kapag pinapaalalahanan ng iba ang gayong tao, nagtataka pa nga ito, sinasabi nito, “Ano ang masama sa pag-upo nang magkalapit? Ano naman ang posibleng gawin namin sa publiko? Nasa hustong gulang na ako—kailangan bang bantayan mo ako? Bakit palagi mo akong pinag-iinitan?” May lakas pa nga siya ng loob na sabihin, “Ano naman ang posibleng gawin namin sa publiko?”—mayroon ba siyang anumang pagkaramdam ng kahihiyan? (Wala.) Ang isyu ba ay talagang kailangang may gawin siya? O kaya, hangga’t wala siyang ginagawa, hindi niya kailangang sundin ang mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae? Hindi ba’t may pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae? (Mayroon.) Kung ganoon, dapat may mga hangganan sa pagitan nila, at ang pagpapanatili ng mga hangganang ito ay bunsod ng pagkaramdam ng kahihiyan sa loob ng pagkatao. Kung mayroon kang pagkaramdam ng kahihiyan, natural mong pananatilihin ang mga hangganan kapag nakikipag-ugnayan sa kabilang kasarian; hindi mo kakailanganin ang iba na pangasiwaan ka, ni kakailanganin na pigilan ka ng kapaligiran—kaya mo itong gawin nang mag-isa. Kung wala ka kahit ng katiting na pagkaramdam ng kahihiyang ito at kailangang bantayan at paalalahanan ka ng iba, kung gayon ay nasa malaking panganib ang isang tulad mo. Ang ilang tao ay partikular na kaswal sa mga usapin sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, at madalas na kumikindat at tumitingin nang may malisya sa kabilang kasarian, at nagiging palahawak sa mga ito. Sa partikular, gustong-gusto ng ilang tao na magpasikat sa harap ng kabilang kasarian. Habang mas maraming miyembro ng kabilang kasarian ang naroroon, mas nagiging magaslaw at mas nasasabik sila, at mas masigasig silang nagpapasikat. Sa tingin ng iba ay hindi ito angkop at hindi marangal, pero hindi nila nararamdaman na problema ito, ni nadarama nila na kinokondena sila ng kanilang konsensiya. Sa halip, iniisip nila, “Normal na normal ito. Hindi ba’t ganito dapat ang ugnayan ng mga lalaki at babae? Hindi ba’t isinilang ang mga babae sa mundong ito para sa mga lalaki? At ang mga lalaki para sa mga babae? Ano ang masama sa kaunting pagsasaya nang magkasama? Hindi ba’t isa itong masayang bagay? Ang pamumuhay nang kasingseryoso ninyo ay nakakapagod! Hindi ba ninyo narinig na sinasabi ng mga tao, ‘Ang mga lalaki at babaeng nagtutulungan ay nagpapagaan sa pasanin’?” Nakikita mo, sa tingin nila ay katanggap-tanggap ang anumang kaisipan o pananaw. Sa partikular, lubos nilang tinatanggap ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw na ito, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga positibong pahayag kahit kaunti—sinusubukan pa nga nilang pabulaanan ang mga ito, at nakakaramdam sila ng paglaban sa mga ito at tinatanggihan nila ang mga ito. Kung susubukan mo silang paalalahanan, umaayaw sila rito, at sa kanilang puso ay kinamumuhian ka nila at tinitingnan ka nang may pagkamapanlaban. Hindi nila tinatanggap ang payo ng sinuman, at iginigiit nilang kumilos sa ganitong paraan. Maaaring mawalan ng kontrol o magpadala sa kapabayaan sa isang sandali ang ilang tao, paminsan-minsang kumikilos nang medyo mapagpalayaw. Nang hindi na kailangang paalalahanan ng iba, hindi sila mapakali sa loob at nararamdaman nilang dapat silang mag-ingat sa hinaharap. Ito ang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Ngunit ang isa pang uring ito ng tao ay sumobra na at lumampas na sa hangganan sa malubhang paraan; nagpapasasa na siya sa pagnanasa ng laman. Maraming tao ang hindi masikmurang makita ito. Kung magpapatuloy siya nang ganito, magdudulot siya ng panganib sa kanyang sarili, at siya ay itataboy at ititiwalag ng Diyos. Ngunit wala siyang pakialam, at sinasabi niya, “Ano namang panganib mayroon sa pagpapasasa sa pagnanasa?” Ang totoo pala, wala siyang anumang kamalayan. Ang ilang babae na nasa edad bente ay kaswal na nakikisalamuha sa kabilang kasarian, natutulog sa bahay ng mga lalaki. Kung lalabas ito, masisira ang kanilang reputasyon, ngunit kahit gayon ay wala silang pakialam. May pagkaramdam ba ng kahihiyan ang gayong tao? (Wala.) Wala silang pagkaramdam ng kahihiyan kahit katiting. Lalaki man o babae, kung walang pinakamababang hangganan sa puso ang isang tao tungkol sa mga usapin sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, at hindi niya alam ang kahulugan ng salitang “kahihiyan,” kung gayon ay ganap nitong kinukumpirma na hindi siya nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao. Kung nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao ang isang tao, at paminsan-minsan siyang nagkakamali na may kinalaman sa kabilang kasarian o gumagawa ng isang bagay na sumosobra na, pagsisisihan niya ito habambuhay. Sa tuwing maiisip niya ito, mamumula ang kanyang mukha, at makakaramdam siya ng bahagyang kirot sa kanyang puso; hindi siya mapapakali at mababalisa siya, ayaw nang banggitin muli ang usapin, at umaasang hindi na muling mangyayari ang gayong bagay sa hinaharap. Ang ginawa niya ay isang permanenteng mantsa sa kanya. Ang mga normal na tao ay may pagkaramdam ng kahihiyan at may pinakamababang hangganan tungkol sa mga usapin sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan; kokontrolin at pipigilan nila ang kanilang sarili, at hindi nila gagawin ang gayong mga bagay. Kahit na mawalan sila ng kontrol sa isang sandali at magkamali sa kabilang kasarian, makakaramdam sila ng pagsisisi. Hindi nila dadagdagan ang kanilang pagkakamali, ni bibigyang-layaw ang kanilang sarili at hahayaang mabulok sila kapag pinahihintulutan ito ng kapaligiran; sa halip, mapipigilan sila. Paano ito nakakamit? Ito ang mabuting resultang nakukuha mo mula sa pagpipigil ng iyong konsensiya at katwiran. Pipigilan at kokontrolin ka ng iyong konsensiya at katwiran, at bibigyan ka ng pinakamababang hangganan, na siya ring iyong pinakamababang pamantayan sa pagtrato sa gayong mga usapin; ibig sabihin, tutulungan ka ng mga ito na iwasang lampasan ang pinakamababang hangganang ito at pipigilan kang gawin ang gayong mga bagay. Sa sandaling idulot ng kahinaan o isang espesyal na dahilan na pansamantala mong hindi mapigilan ang iyong mga pagnanasa at sa gayon ay magkamali ka sa kabilang kasarian, makakaramdam ka ng pagkasuklam at pagkapoot sa kaibuturan ng iyong puso, at makakaramdam ka pa nga ng pagsisisi habambuhay—hindi na ito mangyayari sa pangalawang pagkakataon sa buhay na ito. Gayumpaman, walang pakialam ang mga taong walang pagkatao kapag ginagawa nila ang gayong mga bagay. Ipinangangalandakan pa nga nila ito kung saan-saan at tinitingnan nila kung ano ang lagay nila kumpara sa iba, iniisip na ito ay isang kasanayan, na ito ay tinatawag na pagkakaroon ng karisma, at na ito ay tinatawag na pagkakamit ng kalamangan—at na sayang kung hindi ito gagawin. Kung magkakaroon ng pagkakataon ang gayong mga tao, gagawin ba nila ulit ang gayong mga bagay? Ang sagot ay tiyak na oo—talagang gagawin nila ito ulit. Hindi sila kailanman nababagabag sa paggawa ng gayong mga bagay, sa halip ay ipinagyayabang pa nila ang mga ito. Hindi ba’t nakakasuklam ito? (Nakakasuklam ito.) Sapat nang nakakadismaya na hindi sila nababagabag, pero nagpapasikat pa sila, na lalong mas nakakasuklam. Ang ginagawa nila ay nagdudulot sa iba na makaramdam ng paghamak, ngunit sila mismo ay walang nararamdamang anumang kahihiyan; hindi karapat-dapat tawaging tao ang gayong mga tao. Madalas silang gumawa ng gayong mga kahiya-hiyang bagay, ngunit hindi sila nakakaramdam ng hiya, pagsisisi, o pagkabagabag, at kung may pagkakataon o tama ang mga kondisyon sa hinaharap, gagawin nila ulit ang mga ito—ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng pagkaramdam ng kahihiyan. Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin, kung hindi isasagawa ng gayong tao ang katotohanan, makakaramdam ba siya ng pagkabagabag o pagkakonsensiya? (Hindi.) Tama, hindi rin siya makakaramdam ng pagkabagabag o pagkakonsensiya. Bakit ganoon? (Dahil wala siyang konsensiya o katwiran.) Pagdating sa paggawa ng mga kahiya-hiyang bagay, ang isang taong walang konsensiya o katwiran ay hindi nakakaramdam ng hiya sa paggawa ng isang bagay na kahit ang mga walang pananampalataya ay ituturing na kahiya-hiya, ni hindi siya nakakaramdam ng pagsisisi o nababagabag kapag ginagawa niya ito. Kung gayon, mas malamang pa na hindi siya makakaramdam ng pagkabagabag kapag gumagawa siya ng mga bagay na sumasalungat sa katotohanan, hindi ba? (Oo.) Sa paningin ng mga walang pananampalataya, ang hindi pagsasagawa sa katotohanan at hindi paghahangad sa katotohanan ay normal na normal; hindi ito itinuturing na kahiya-hiya, ni itinuturing na pagsalungat sa moralidad ng tao, dahil ganoon ang karamihan sa mga tao. Kaya, hindi ito nagdudulot sa ganoong klase ng tao na makaramdam ng anuman. Kung ang isang normal na tao ay pinungusan dahil nabigo siyang isagawa ang katotohanan at sumalungat siya sa mga prinsipyo, dahil mayroon siyang konsensiya at katwiran, makokonsensiya siya sa kanyang puso, at hindi mapapakali ang kanyang konsensiya. Ngunit kapag ang isang taong walang konsensiya at katwiran ay gumagawa ng mga bagay na walang kahihiyan, o mga bagay na nagdudulot ng paghamak at pagkasuklam sa iba, hindi siya nakakaramdam ng pagiging hindi komportable o pagkabagabag. Sa kanyang pananaw, hindi ba’t ganap na normal na hindi niya isagawa ang katotohanan? Wala siyang anumang kamalayan, kaya wala nang pag-asa ang gayong mga tao.

Sabihin ninyo sa Akin, marami ba ang mga nakakakilatis sa kung ano ang tama at mali, wasto at hindi wasto? Tingnan ninyo ang mga tao sa paligid ninyo, kabilang ang pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan, at pagkatapos ay tingnan ninyo ang mga kapatid. Sa mga taong ito, marami ba o kakaunti ang mga nakakakilatis at nakakatalos sa kung ano ang tama at mali, at kung ano ang wasto at hindi wasto? (Napakakaunti.) Hindi marami ang nakaaalam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Ibig sabihin, sa mundong ito, hindi marami ang mga taong may matuwid at mabait na pagkatao, hindi marami ang patas at obhetibo sa kanilang mga kilos at pananalita, at na hindi walang pakundangang gumagawa ng masasamang bagay, at hindi marami ang nagsasalita nang may katwiran, at na hindi gumagamit ng baluktot na pangangatwiran. Lalo na sa mga walang pananampalataya, napakakaunti ng gayong mga tao. Kapag nakakasalamuha ka ng sinumang walang pananampalataya, kailangan mo lang siyang marinig na magsalita para malaman kung anong uri siya ng tao. Masyadong maraming huwad at halo sa mga salita ng mga walang pananampalataya. Karamihan sa kanila ay hindi nagsasalita nang patas at obhetibo; nagsasalita sila batay sa kanilang mga damdamin at para protektahan ang sarili nilang mga interes. Anumang maling salita ang sabihin nila o anumang maling bagay ang gawin nila, wala silang kamalayan tungkol dito sa kaibuturan ng kanilang puso. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung ang isang tao ay tulad ng isang walang pananampalataya sa hindi pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto sa kanyang pananalita at mga kilos—at kahit na mali ang mga salitang sinasabi niya at ang mga pananaw na pinanghahawakan niya ay pikit-mata pa rin siyang nagpupumilit sa mga ito, itinuturing niya ang mga maling pananaw bilang mga positibong bagay at ang katotohanan, at ginagamit niya pa nga ang gayong mga pananaw para palitan ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos—may pag-asa pa bang maligtas ang gayong tao? (Wala.) Ang ilang tao ay dalawampu o tatlumpung taon nang nananampalataya sa Diyos, o habambuhay pa nga, ngunit hindi nila kailanman nalalaman kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, ni kailanman ay malinaw sa kanila kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Hangga’t ang isang bagay ay kapaki-pakinabang sa kanila, gusto nila ito at ipinagtatanggol nila ito; kung hindi ito kapaki-pakinabang sa kanila, sinasabi nilang masama at mali ito, at tinatanggihan ito. Namuhay sila hanggang ngayon nang may gayong pilosopiya at saloobin para sa mga makamundong pakikitungo, ngunit sinasabi pa rin nilang nananampalataya sila sa Diyos at nais nilang maligtas—hindi ba’t isang kalokohan ito? (Oo.) Sinasabi rin nilang sila ay mga tagasunod ng Diyos at mga saksi para sa Diyos. Ano ang magagamit nila para magpatotoo sa Diyos? Ni hindi nila alam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto, ngunit sinasabi nilang nais nilang magpatotoo sa Diyos—hindi ba’t lubos na walang katuturan ito? Gagamitin ba ng Diyos ang gayong mga tao na magulo ang isip para magpatotoo sa Kanya? (Hindi.) Magiging isang kahihiyan sa Diyos kung ang gayong mga tao ang magpapatotoo sa Kanya. Hindi nila kailanman nararamdaman na tama ang anumang ginagawa ng Diyos. Kung susuriin gamit ang kanilang mga kaisipan at pananaw, maraming bagay na ginagawa ng Diyos ang hindi umaayon sa kanilang mga kaisipan at pananaw, ni umaayon sa kanilang mga kuru-kuro ang mga ito, at siyempre, hindi rin umaayon sa mga interes ng kanilang laman. Kadalasan, ang mga salita ng Diyos o ang gawain ng Diyos ay sumasalungat sa kanilang mga kagustuhan, sa kanilang mga personal na pagnanais at ambisyon, at sa kanilang iba’t ibang personal na interes. Samakatwid, para sa ilang tao na sampu o dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos, kung gusto mong taos-puso nilang sabihin “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at walang pagkakamali,” magiging napakahirap niyon. Masasabing mayroong isang bagay na nakatago sa kanilang puso. Sa pananampalataya sa Diyos sa lahat ng taon na ito, mayroon silang personal na karanasan: Nararamdaman nilang hindi natugunan ang kanilang mga pagnanais; nais nilang maging isang opisyal ngunit hindi sila naging gayon, at nais nilang magkamit ng mga pagpapala ngunit hindi nila nakuha ang mga ito. Tila hindi sila tinatrato nang patas ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mga hinaing at pakiramdam na inaagrabyado sila sa kanilang puso na nais nilang ipahayag ngunit hindi nila magawa; natatakot sila na kung magsasalita sila, masasalungat nila ang Diyos, magbibigay sila sa iba ng magagamit laban sa kanila, o mabibigo silang mapanatili ang kanilang mabuting imahe sa puso ng mga tao. Kaya, marami silang bagay na kinikimkim sa loob. Dahil lang hindi nila ito sinasabi nang malakas ay hindi nangangahulugang wala silang mga iniisip o ilang bagay sa kanilang puso. At ano ang mga tinatawag na “bagay” na ito? Ang mga ito ay hindi ang positibong pag-arok at pagkakilala ng mga taong ito tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain, kundi ang kanilang hindi pagkaarok, pagsuway, at sama ng loob sa Diyos, pati na rin ang mga hinaing na pinaniniwalaan nilang dinanas nila, na naipon sa napakaraming taon ng pananampalataya sa Diyos. Ngunit dahil ang Diyos ang sinasampalatayaan nila, hindi nila ito masabi. Bakit napakaraming bagay sa kanilang puso na hindi nila maipahayag? May dahilan din sa likod nito. Ang puntong ito pa lang ay sapat na para ipakita na hindi pa nila tunay na nauunawaan ang katotohanan sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon. Hindi nila sineseryoso ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, ni hinahanap ang katotohanan para makahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Hindi nila kailanman tinanggap ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang buhay. Hindi nila itinatangi o binibigyan ng halaga ang katotohanan, at hindi rin sila seryoso tungkol sa kung paano isasagawa ang katotohanan. Sa kanilang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, palagi silang naninindigan nang salungat sa Diyos, sinisiyasat, inuusisa, at kinukuwestiyon ang mga salita ng Diyos, nilalabanan pa nga nila ang mga salita ng Diyos, o sinusuri at hinuhusgahan ang mga salita at gawain ng Diyos gamit ang kanilang tinatawag na mga wastong pananaw. Kaya, pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, sa wakas ay may sinasabi sila na mula sa puso: “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos?” Ang ipinahihiwatig ay na wala silang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos. Sa kanilang puso, naniniwala silang labis silang nagdusa at nagbayad ng malaking halaga sa paggampan ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa paglipas ng mga taon, ngunit hindi natugunan ang kanilang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala at ang kanilang kagustuhang hangarin ang kasikatan at pakinabang. Naniniwala pa nga ang ilan na hindi binigyang-katarungan ng Diyos ang mga kaapihang dinanas nila, kaya nakakaramdam sila ng pagtutol, sama ng loob, at puno sila ng hinaing sa loob. Alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala at alang-alang sa kanilang hantungan, wala silang pagpipilian kundi ang gampanan nang may sama ng loob ang kaunti sa kanilang tungkulin at gumawa ng kaunting gawain sa sambahayan ng Diyos, ngunit sa huli, nauuwi sa wala ang kanilang mga pag-asa at wala silang nakakamit. Umiiral ba ang mga taong tulad nito? Mayroong ilang gayong tao. Na wala silang nakamit pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ay dahil sa sarili nilang mga problema. Wala silang abilidad na makaarok o makaunawa sa katotohanan, at sumusunod sila sa Diyos at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin nang may intensyon na magkamit ng mga pagpapala. Bagama’t medyo taimtim nilang ginugol ang kanilang sarili, at nagbayad sila ng malaking halaga at labis na nagdusa, hindi sila kailanman naging interesado sa mga salitang binibigkas ng Diyos o sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Hindi nila kailanman tinanggap ang mga ito sa kanilang puso, ni kailanman ay sineryoso ang pagsasagawa sa katotohanan. Samakatwid, hindi nila kailanman nalalaman kung nagtataglay ba sila ng katotohanang realidad o hindi. Iniisip nila, “Kaya naming magbahagi tungkol sa katotohanan at nauunawaan namin ang ilang katotohanan, kaya paano masasabing hindi kami nagtataglay ng katotohanang realidad?” Ngunit hindi sila makasulat ng kahit isang tunay na artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kaya nasaan ang katotohanang realidad nilang ito? Ang kanilang mga kilos at gawa ay kapareho pa rin ng sa mga walang pananampalataya; nagbago lang nang kaunti ang kanilang pag-uugali kumpara sa mga walang pananampalataya. Sa kanilang mga paraan at pamamaraan ng pag-asal, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw sa lahat ng pangyayari at bagay—lalo na tungkol sa mga positibong bagay at negatibong bagay, at tungkol sa kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto—hindi nila kailanman tinitingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Sa halip, tinitingnan nila ang lahat ayon sa sarili nilang mga kaisipan at pananaw. Naniniwala sila na anuman ang gusto nila ay isang positibong bagay, at anuman ang kinamumuhian nila ay isang negatibong bagay. Hindi nila kailanman tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay gamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan, at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan o tinatanggap ang katotohanan sa mga tao, pangyayari, at bagay na kanilang nakakaharap—sinusunod lang nila ang sarili nilang imahinasyon para kumilos, mamuhay, at gampanan ang kanilang tungkulin ayon sa sarili nilang mga pagnanais, intensyon, at kagustuhan. Naniniwala sila na ang kanilang abilidad na talikuran ang mga bagay-bagay, gugulin ang sarili, magdusa, at magbayad ng halaga ay nangangahulugang nakagawa na sila ng malaking ambag sa Diyos; iniisip nilang ito ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at na ito ay paghahangad sa katotohanan. Naniniwala sila sa diyos na inilalarawan nila sa kanilang imahinasyon sa puso nila sa sarili nilang paraan, at hinahangad nila ang katotohanan sa sarili nilang paraan. Kapag pinupungusan sila dahil sa palaging pagkilos nang basta-basta at walang pakundangan ayon sa sarili nilang kalooban sa paggampan ng kanilang tungkulin, o kapag hindi sila ginagamit para sa mahahalagang gampanin sa sambahayan ng Diyos, nasisiraan sila ng loob at nadidismaya. Sa huli, binubuod nila ang lahat sa isang pahayag: “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon?” Talagang wala silang nakamit. Ang dahilan kung bakit hindi nila nakamit ang katotohanan ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan; hindi masisisi ang Diyos para dito. Ito ay dahil hindi nagpapakita ng pagkiling ang Diyos sa mga tao, at gayundin ang katotohanan. Nabigo kang makamit ang katotohanan hindi dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng pagkakataon o dahil hindi Niya hinayaang marinig mo ang Kanyang mga salita, kundi dahil narinig mo ang mga salita ng Diyos ngunit hindi mo pinagbubulayan, iniisip, isinasagawa, o dinaranas ang mga ito. Dahil hindi mo minamahal ang katotohanan kaya hindi mo ito tinatanggap. Hindi tinakpan ng Diyos ang iyong mga mata o isinara ang iyong puso; sa halip, ang iyong mga kagustuhan at ang iyong pagiging katawa-tawa ang humarang sa iyong puso kaya hindi mo matanggap ang katotohanan. Nabigo kang makamit ang katotohanan hindi dahil hindi ito itinustos sa iyo ng Diyos, kundi dahil hindi mo kailanman nagustuhang magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan sa iyong puso. Itinuturing mo ang sarili mong mga paniniwala at pananaw bilang katotohanan na dapat hangarin at dapat kang magpasakop—nais mo bang sambahin ka ng mga tao bilang Diyos? Ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos ay isang pormalidad lang, isang pormula, para sa iyo; hindi mo talaga hinangad ang katotohanan at buhay. Kaya, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay maaari lang magtapos sa isang paraan—na talagang wala kang nakamit. Bakit hindi mo nakamit ang katotohanan? Hindi ito dahil hindi ka pinagkalooban ng Diyos ng biyaya, kundi dahil sa landas na personal mong tinatahak. Binigyan ka ng Diyos ng maraming pagkakataon at taimtim at matiyaga ka Niyang hinihikayat at tinutulungan, ngunit hindi ka nakikinig. Hindi mo rin tinatanggap ang pagpupungos. Palagi mong hinahangad ang pagkakamit ng mga pagpapala o hinahangad ang reputasyon at katayuan, hindi ka kailanman tumitigil. Ang iyong kabiguan sa huli na makamit ang katotohanan ay ganap na dulot ng landas na personal mong tinahak. Hindi mo tinahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Wala itong kinalaman sa Diyos. Hindi nagpapakita ng pagkiling ang Diyos sa mga tao, at gayundin ang katotohanan. Anuman ang iyong katangian, hangga’t ikaw ay isang tao, kung gayon, kahit ipagpalagay na ang iyong abilidad na umarok sa katotohanan ay maaaring medyo mas mahina kaysa sa abilidad ng isang normal na tao, kung kaya mo pa ring makinig sa mga salita ng Diyos gamit ang iyong puso, tanggapin ang mga salita ng Diyos, at isagawa ang mga salita ng Diyos—sa kabila ng katunayang maaaring nakakaunawa ka lang ng ilang doktrina at sumusunod sa ilang regulasyon—may makakamit ka pa rin. Kaya itong gawin ng karamihan sa mga tao, kaya bakit hindi mo kaya? Nakikinig din sa mga sermon at gumagampan sa kanilang tungkulin ang iba, kaya bakit kaya nilang makamit ang katotohanan, gumampan ng kanilang tungkulin nang pasok sa pamantayan, at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at magpasakop sa Diyos, ngunit hindi mo kaya? Isinaayos ng Diyos ang kapaligiran para sa iyo upang gampanan mo ang iyong tungkulin, umaasang mauunawaan mo ang katotohanan at maisasagawa ito. Hindi ka hinadlangan ng Diyos, ngunit ikaw mismo ay palaging nag-iimbot sa mga makamundong bagay at sa kalayawan ng laman, hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at tinututulan at tinatanggihan mo ang katotohanan sa iyong puso. Itinataguyod mo ang mga pilosopiya at pag-aaral at kaalaman ni Satanas bilang mga positibong bagay at bilang katotohanan, habang binabalewala ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, itinuturing ang mga ito bilang iyong kaaway, bilang isang bagay na sumasalungat sa iyo. Yamang hindi mo minamahal ang katotohanan sa iyong puso, bakit ka nananampalataya sa Diyos? Nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi ka nakikinig sa mga salita ng Diyos o tumatanggap sa mga salita ng Diyos—makakaasa ka pa bang maligtas? Hindi mo tinatanggap ang katotohanan o iwinawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, kaya paano ka maliligtas? Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos at hindi mo hinahangad ang katotohanan, ngunit nais mo pa ring matanggap at kilalanin ka ng Diyos, isa itong pananaginip nang gising; hindi ito mangyayari. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kaya nangangahulugan iyon na walang puwang para sa Diyos sa iyong puso. Lalayo ka lang nang lalayo sa Diyos. Magiging tulad ka lang ng isang walang pananampalataya; magiging imposible para sa iyo na matamo ang kaligtasan.