Paano Hangarin ang Katotohanan (20) Unang Bahagi

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa ating nakaraang paksa. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa mga pinagmulan ng lahat ng uri ng tao, at tinalakay natin ang tatlong uri. Naaalala ba ninyo kung ano ang tatlong uri? (Ang isang uri ay pagrereinkarnasyon mula sa mga hayop, ang isa ay pagrereinkarnasyon mula sa mga diyablo, at ang isa pa ay pagrereinkarnasyon mula sa mga tao.) Saan tayo umabot sa ating talakayan? (Umabot tayo sa punto ng pagtalakay ng kung paano nagtataglay ng normal na pagkatao ang uri ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga tao, at kung paanong mayroon silang konsensiya at katwiran sa loob ng kanilang pagkatao. Kabilang dito ang dalawang katangian ng pagkilatis ng tama sa mali, at pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto.) Ang isa ay ang pagkilatis ng tama sa mali, at ang isa naman ay ang pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto; ang mga ito ang mga katangian ng mga tao. Taglay ng mga tao ang dalawang katangiang ito pangunahing dahil nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran; samakatwid, ang mga nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay may kakayahan sa pagkilatis ng tama sa mali at pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Nagkaroon din tayo ng ilang detalyadong pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito. Pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa mga pagpapamalas ng mga hindi kayang kumilatis ng tama sa mali at hindi kayang makaalam kung ano ang wasto at hindi wasto, inilalantad ang ilan sa kanilang mga pagpapamalas sa negatibong panig, at pagkatapos niyon, pinag-usapan natin kung ano ang mga positibong bagay, hindi ba? (Oo.) Ngayon, ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan sa paksa ng pagrereinkarnasyon mula sa mga tao. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao ay hindi lang kayang kumilatis ng tama sa mali, kundi alam din nila kung ano ang wasto at hindi wasto. Ang pagkilatis ng tama sa mali ay pangunahing tungkol sa pagkaalam kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay—ibig sabihin, ang isang taong kayang kumilatis ng tama sa mali ay kayang kumilatis ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay; maging ang mga bagay na hindi pa nila nakaharap noon, gagamitin nila ang kanilang konsensiya at katwiran para gumawa ng isang simpleng pagtatasa sa mga ito. Kung makakaharap sila ng gayong mga bagay at makakaramdam sila ng pagkabagabag sa kanilang konsensiya o hindi tugma ang mga bagay na ito sa kanilang katwiran, gagawa sila ng isang pangunahing pagpili, hindi namamalayang nararamdaman ang pagiging wasto o hindi wasto, o ang positibo o negatibong kalikasan, ng gayong mga bagay. Ibig sabihin, gagamitin ng mga tunay na tao ang mga pangunahing pakiramdam ng kanilang konsensiya o katwiran para tasahin ang mga di-pamilyar na bagay na nakahaharap nila, para kilatisin kung ang mga ito ay mga positibong bagay o mga negatibong bagay, at kung ang mga ito ay wasto o hindi wasto. Gayumpaman, para sa mga taong hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran, napakahirap na kilatisin ang tama sa mali at malaman kung ano ang wasto at hindi wasto, tungkol man ito sa mga di-pamilyar na bagay o mga pamilyar na bagay. Sa partikular, lalo pa nga silang walang kakayahang malaman kung wasto o hindi ang ilang bagong bagay na lumilitaw sa lipunan. Hindi nila kayang kilatisin kung ang mga ito ay mga positibong bagay o mga negatibong bagay. Kung lumitaw ang isang positibong bagay sa lipunan, makikisabay pa nga sila sa mga makamundong kalakaran sa kung paano nila ito tatratuhin, at sa pagkondena at pagtanggi rito. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao at mga di-tao. Nakikita mo, bagama’t pare-pareho silang mukhang tao, ang ilan ay hindi pa kailanman nakarinig ng katotohanan o nakatanggap ng panustos ng mga salita ng Diyos, subalit anuman ang kapaligirang kinaroroonan nila, mayroon silang pinakabatayang hangganan para sa kanilang mga kilos—kahit papaano, isang pinakabatayang hangganan ng konsensiya. Hinding-hindi sila gagawa ng mga bagay na labag sa konsensiya o moralidad. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso ay nasusuklam sila sa mga negatibong bagay, at nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran ng tao, at kaya, sa kung paano sila umasal at kumilos, mayroon silang isang pangunahing pinakabatayang hangganan ng moralidad. Gayumpaman, para sa mga di-taong iyon, kung titingnan ang mga ikinatatampok ng kanilang katangian, hindi sila nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Sa isang banda, hindi nila kayang kumilatis sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Sa kabilang banda, hindi sila nakararamdam ng pagkasuklam o pagkamuhi sa mga negatibong bagay na iyon o maging sa malilinaw na maling bagay, at wala rin silang abilidad na labanan ang mga ito; may kakayahan pa nga silang mahalin ang mga negatibong bagay at sundin ang masasamang kalakaran. Ang mas nakalulungkot pa, ang ilang taong nananampalataya sa Diyos at nagsasabing sumusunod sila sa Diyos ay kaya pa ring sumunod sa masasamang kalakaran at gawin ang masasamang bagay na iyon tulad lang ng mga walang pananampalataya, ginagawa ito nang walang anumang pagkaramdam ng kahihiyan, ni anumang panunumbat mula sa kanilang konsensiya.

Sa panahon ngayon, maraming tao ang nagse-selfie gamit ang kanilang mga telepono. Anong uri ng mga larawan ang kinukuha ng mga taong may normal na pagkatao? Kumukuha sila ng mga litrato na makabuluhan at karapat-dapat alalahanin, na may layuning mag-iwan ng ilang magagandang alaala. Kahit na kunan nila ng litrato ang kanilang sarili, kumukuha sila ng mga litrato na mukhang pino, angkop, marangal, at matuwid. Ang kanilang mga kilos sa usaping ito ay pawang nasa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ngunit iba ang mga walang konsensiya at katwiran; nagse-selfie rin sila, ngunit problematiko ang kanilang mga selfie. Anong uri ng mga litrato ang kinukuha ng ilang babae? Hindi sila kumukuha ng mga marangal, matuwid, at angkop na litrato. Kapag nakikita nila online ang mga babaeng walang pananampalataya na kumukuha ng ilang mapanuksong litrato, seksing larawan, o mga labis na kakatwang larawan, ginagaya nila ang mga ito, kumukuha rin ng ilang litrato na nagpapatulo ng laway ng mga lalaki at nagdudulot ng malalaswang pag-iisip—ibig sabihin, partikular silang kumukuha ng mga litrato ng kanilang sarili kung saan mukha silang mga patutot, mahahalay na babae, o kumukuha sila ng seksing litrato. Gusto ng ilang babae na maglagay ng makapal na kolorete, pinapaputi nang husto ang kanilang mukha at pinapupula nang husto ang kanilang labi, at naglalagay ng makeup sa mata sa paraang nagmumukha silang kakatwa; sadya silang pumopostura sa isang mapang-akit at mapanghalinang paraan sa harap ng kamera, ang kanilang mga mata ay may tingin na mapanghalina at mahalay, na nagdudulot sa mga lalaki ng malalaswang pag-iisip kapag nakikita nila ang lahat ng ito. Mayroon ding mga babae na inilalaylay ang kanilang mahabang buhok sa kanilang mga mukha, bahagyang itinitingala ang kanilang mga mukha at nagpapakita ng isang mapang-akit at mahalay na tingin mula sa mga pagitan ng kanilang buhok. Sa madaling salita, ang gayong mga babae ay kumukuha ng mga litrato gamit ang anumang mga ekspresyon at kilos na sa tingin nila ay mapang-akit at seksi. Pagkatapos maglitrato nang ganito, ang mga babaeng ito ay nakakaramdam din ng matinding narsisismo, humahanga sa sarili nilang mga mapanuksong larawan paminsan-minsan. Higit pa rito, inilalagay nila ang kanilang pinakapinahahalagahan at paboritong mga selfie bilang wallpaper sa kanilang kompyuter o telepono, at ipino-post pa nga ng ilan sa mga babaeng ito ang mga ito online. Sa tuwing tinitingnan nila ang mga litratong ito, pakiramdam nila ay napakakaakit-akit nila, na ipinanganak sila para maging isang bituin, at na kung hindi siya nanampalataya sa Diyos, tiyak na siya ay magiging isang sikat na sikat na tao. Tingnan ninyo, anong uri ng landas ang tinatahak nila? Hindi lang nila mismo palaging hinahangaan ang mga litrato, kundi ipinapakita rin nila ang mga litratong ito sa mga taong nakapaligid sa kanila. Kung hindi sila pupurihin ng mga tao pagkatapos makita ang mga litrato, hindi sila nasisiyahan sa loob-loob nila. Kung makakatagpo sila ng isang taong kauri nila na labis na humahanga sa kanilang mga litrato at nagsasabing, “Napakaganda ng pagkakakuha sa litratong ito, litrato ito ng isang bituin! Kamukhang-kamukha nito si ganito’t ganyan,” lalo pa silang nasisiyahan sa kanilang sarili, at nagpapakasaya sila sa damdaming ito araw-araw. Gusto rin ng ilang tao na palamutian ang kanilang mga larawan, naglalagay ng isang pares ng tainga ng kuneho sa kanilang ulo at nagdaragdag ng mga whisker ng pusa, iniisip na mas cute sila kaysa sa mga kuneho at kuting. Tinatanong nila ang lahat ng nakakatagpo nila, “Sa tingin mo ba ay mas mukha akong isang kuneho o isang kuting?” Kapag sinabi ng mga tao, “Sino ang nakakaalam kung ano ang hitsura mo?” labis silang nagagalit. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t baluktot ang pag-iisip ng isang tao na ayaw maging isang wastong tao kundi nais na maging isang hayop? Ipino-post pa nga nila ang mga “obra maestra” nilang ito online, sinusubukang makakuha ng papuri mula sa mas maraming tao. Mayroon ding ilang tao na nagbibihis bilang mga eskrimador o mga kabalyerong gumagala kapag kumukuha ng mga selfie—o bilang si Spider-Man o Batman mula sa mga pelikulang Kanluranin—o nagbibihis sila bilang astig, suplado, at misteryosong karakter. Ginagawa nila ang lahat ng ito sa pag-asang magugustuhan at sasang-ayunan sila ng iba, at nahuhumaling sila rito araw-araw. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ba ay mga normal na tao? Hinding-hindi; sila ay mga di-tao. Bagama’t ang pagkuha ng mga selfie ay isang simple at maliit na usapin lamang sa gitna ng masasamang kalakaran, ibinubunyag nito ang mga gusto at hinahangad ng isang tao, at ibinubunyag nito ang kanyang karakter, ang mga pangangailangan ng kanyang pagkatao, at ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit ng mararangal at matutuwid na tao ang cellphone, ang kasangkapang ito, para kumuha ng mga litrato ng mga positibo, makabuluhan, at mahahalagang bagay, samantalang ang mga taong hindi nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao ay kumukuha ng mga litrato ng mga negatibo at buktot na bagay—mga bagay na kinakailangan ng sarili nilang kalikasang diwa. Masasabi na ang uri ng isang tao ang siyang tumutukoy sa uri ng mga pangangailangan na mayroon siya, sa uri ng mga litrato na kinukuha niya, at sa paraan ng pagpili niya ng pagbibihis sa kanyang sarili at pagpepresenta ng kanyang imahe. Pipiliin ng mga taong may normal na pagkatao na kumuha ng ilang mararangal, matutuwid, pino, makabuluhan, at mahahalagang litrato bilang mga alaala, habang ang mga taong walang normal na pagkatao ay susunod sa masasamang kalakaran ng mundo, ginagawa ang mga bagay na gusto nila. Bagama’t isang maliit na usapin ang pagkuha ng mga selfie, sapat na ito para makita ang mga kaloob-loobang kagustuhan at hangarin ng mga tao. Anuman ang usapin, kahit pa ito ay isang bagay kung saan hindi masyadong malinaw na masasabi ng mga taong may normal na pagkatao kung anong mga bagay ang positibo at kung ano ang negatibo, dahil ang gayong mga tao ay pinipigilan ng konsensiya at katwiran, natural nilang pipiliin ang mga positibong bagay. Kung, dahil sa isang panandaliang kawalan ng pagkilatis, pumili sila ng isang negatibong bagay o hindi sinasadyang gumawa sila ng isang bagay na negatibo, agad silang magkakaroon ng pakiramdam sa kanilang puso—susumbatan sila ng kanilang konsensiya, o hindi ito magiging tugma sa kanilang katwiran. Kapag ang mga taong hindi nagtataglay ng pagkatao ay nahaharap sa mga positibong bagay, pakiramdam nila na ang mga positibong bagay ay labis na nakakabagot at nakakainip, lubhang hindi karapat-dapat na banggitin, at minamaliit ng mga tao, habang sa kanilang puso ay gustong-gusto at hinahangaan nila ang mga negatibong bagay, lalo na ang mga bagay na napakapopular sa loob ng masasamang kalakaran. Kung kukunan mo ng isang marangal at matuwid na litrato ang ganitong uri ng tao, masusuklam sila rito at iismiran nila ito, sasabihin nila, “Sino ang kumukuha pa rin ng ganitong mga litrato? Laos na laos na ito!” Sila mismo ang pumipiling kumuha ng mga seksing litrato. Para sa mga normal na tao, nakakadiri at hindi disente ang gayong mga larawan, ngunit sinasabi ng ganitong uri ng tao, “Seksi ito. Nauunawaan mo ba kung ano ang seksi? Ito ay sunod sa uso; ito ay mataas na sining. Hindi mo naiintindihan ang sining!” Hindi lang sila hindi nandidiri kapag kumukuha ng mga seksing larawan ng kanilang sarili, kundi napakahilig din nilang sumunod sa mga bagay na ito na sunod sa uso at malaswa.

Ang mga di-tao ay lubhang masigasig sa mga negatibong bagay. Kapag may lumitaw na ilang negatibong bagay sa gitna ng masasamang kalakaran, mabilis nilang malalaman ang tungkol sa mga ito at magkakaroon sila ng mataas na antas ng pagtanggap sa mga ito. Kung mayroon silang pagkakataon at pinahihintulutan ng mga kondisyon, tiyak na gagawin nila ang mga bagay na iyon mula sa masasamang kalakaran na gusto at sinasang-ayunan nila. Hinding-hindi sila tatanggi, at hinding-hindi sila tatayo lamang sa isang tabi, lalo nang hindi nila kasusuklaman o lalayuan ang mga ito; sa halip, ibubuhos nila ang kanilang sarili sa mga ito. Sa partikular, ang ilang taong nananampalataya sa Diyos ay mahigpit ding sumusunod sa ilang nauusong kasabihan at pagsasagawa na naririnig nilang nagmumula sa Kanluran. Halimbawa, mayroong isang holiday sa Kanluran na tinatawag na Halloween, na sa katunayan ay isang pista ng mga multo. Sa araw na ito, ang matatanda at mga bata ay pawang nagsusuot ng iba’t ibang kasuotan tulad ng para sa mga pagtatanghal sa entablado o teatro. Ang ilan ay nagbibihis bilang mga mangkukulam, ang ilan bilang mga prinsipe o prinsesa, at ang iba bilang mga palaka, ahas, dinosaur, at iba pa. Pagkatapos ay magdadala sila ng mga basket o bag sa mga mall, tindahan, at iba’t ibang tahanan para humingi ng kendi. Ipinagdiriwang din ng ilang taong nananampalataya sa Diyos ang pistang ito, at nagsusuot sila ng mga kasuotan ng multo, nakakaramdam ng kaligayahan at iniisip nila na ito ay isang magandang pagkakataon para gumanap ng iba’t ibang papel. Anong mga kasuotan ang pinipili nilang isuot? Hindi sila nagsusuot ng mga kasuotan ng medyo positibong mga karakter, tulad ng mga opisyal ng militar, heneral, o bayani; iginigiit nilang isuot ang mga damit ng mga mangkukulam at manggagaway. Nagbibihis na tulad ng iba’t ibang diyablo para ipagdiwang ang pista ng mga multo, nakakaramdam sila ng kaligayahan at sa tingin nila ay masaya ito, hindi nila napagtatanto na ito ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos at isang negatibong bagay sa mundo ng mga tao. Sa kaibuturan, ang ganitong uri ng tao ay walang malinaw na pagkaunawa sa gayong mga negatibong bagay, at hindi niya alam kung paano niya dapat tratuhin ang mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura at ang mga sekular na kalakarang ito. Wala rin siyang tunay na pagkaunawa kung ano ba talaga siya mismo, hindi niya alam kung siya ba ay tao o multo. Hindi niya alam kung siya ay tao o multo, ngunit mahirap siyang hikayating maging tao, samantalang kung hihilingin mo sa kanya na maging multo o hayop, labis siyang nasisiyahan dito at hindi kailanman tumatanggi. Kaya sabihin ninyo sa Akin, ano ba talaga ang ganitong uri ng tao? Kung hihilingin mo sa kanya na maging isang taong may konsensiya at katwiran, madalas niyang sasabihin, “Magkano ba ang halaga ng konsensiya? Sino pa ba ang may pakialam sa konsensiya sa panahon ngayon? Sino pa ba ang may pakialam sa pagkagiliw at sa katarungang moral? Sino pa ba ang may pakialam sa moralidad?” Ngunit kung hihilingin mo sa kanya na magbihis at gumanap bilang isang manggagaway, o magsuot ng kasuotan ng dinosaur para gumanap bilang isang dinosaur, hindi siya tumututol o tumatanggi. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng tao ito? Sa kanyang kalikasang diwa, mayroon ba talaga siyang kahit kaunting pagmamahal para sa mga positibong bagay? Nasusuklam ba siya kahit kaunti sa mga negatibong bagay? Kung titingnan ito mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na pinipili niya, halata na wala siyang anumang pagmamahal para sa mga positibong bagay, at hindi siya nakakaramdam ng anumang pagkasuklam sa mga negatibong bagay. Sa kabaligtaran, lubha siyang nasusuklam sa mga positibong bagay, tinatrato ang mga ito nang may panunuya at paghamak. Para naman sa mga negatibong bagay—lalo na iyong mga napakapopular at kasalukuyang usong-uso sa gitna ng masasamang kalakaran—labis niyang hinahangaan at sinasang-ayunan ang mga ito. Nakakaramdam pa ng pagmamalaki ang ilang tao na nakasasabay sila sa masasamang kalakaran at gumaganap sila ng mga papel ng mga diyablo, masasamang espiritu, at mababangis na hayop, pakiramdam nila ay naiiba sila sa karamihan. Malinaw na ang ganitong uri ng tao ay walang konsensiya at katwiran; habang mas nagmumula sa masasamang kalakaran ang isang bagay, mas gusto niya ito. Ang ilang taga-Silangan sa partikular—sa sandaling marinig ang mga taong nag-uusap tungkol sa kung ano ang uso sa Kanluran, kung ano ang gusto ng mga taga-Kanluran, at kung ano ang isinusuot at ginagamit ng mga taga-Kanluran—ay tumatanggap sa lahat ng ito nang hindi gumagamit ng anumang pagkilatis, at sinusubukan nilang gayahin ito. Kahit pa ito ay isang bagay na buktot, na labag sa konsensiya at katwiran, at labag sa katotohanan, tinatanggap pa rin nila ito. Sinasabi ng ilang tao, “Ito ba ay pagsamba sa mga bagay na banyaga at labis-labis na pagpuri sa mga dayuhan?” Ganoon ba iyon? (Hindi, sa kanilang kalikasang diwa ay gusto lang talaga nila ang mga buktot na bagay na ito.) Tama iyan. Pakiramdam nila na ang mga bagay na popular sa mga taga-Silangan ay hindi sapat na sopistikado, kaya sinusunod nila ang mga bagay na popular sa Kanluran, nais nilang maging natatangi at naiiba sa karamihan, at na tingalain ng iba. Ano’t anuman, ang ganitong uri ng tao ay hindi nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao. Kung huhusgahan batay sa kanilang mga gusto at hinahangad, at batay rin sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at mga pagbubunyag sa bawat usapin, wala silang konsensiya at katwiran. Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay kapareho ng sa mga di-tao, at kapareho pa nga ng sa mga diyablo at kay Satanas. Ang kanilang paninindigan at perspektiba sa pagtingin sa mga usapin ay tiyak na kontra, at kasalungat sa, paninindigan at perspektiba ng isang normal na tao gaya ng hinihingi ng Diyos. Gayumpaman, dahil ang mga tunay na tao ay likas na nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng tao, huhusgahan nila ang sinumang tao, pangyayari, o bagay batay sa mga pakiramdam ng kanilang konsensiya at katwiran, pinipili nila ang mga positibong bagay mula sa mga ito, at kinikilatis nila ang wasto at di-wasto.

Ang ilang tao, sa kapaligiran ng lipunang Silangan, ay pinipigilan ng tradisyonal na kulturang Silangan at kayang sumunod sa ilang tradisyon ng Silangan. Bagama’t hindi sila gumagawa ng ilang bagay na labag sa konsensiya at moralidad, sa kaibuturan ay gusto nila ang mga bagay na ito. Samakatwid, sa sandaling magbago ang kapaligiran, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, ipapakita nila ang tunay na panig ng kanilang pagkatao, ganap na babaguhin kung ano ang hitsura nila, at magbubunyag ng isang katangiang walang pagkatao. Paano dapat ipaliwanag ang katangiang ito na walang pagkatao? Ipinapahiwatig ito ng hindi pagkilatis ng tama sa mali, hindi pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto, at hindi pagtataglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Halimbawa, ang ilang tao, kapag nasa Silangan sila, ay tila may matuwid na istilo, marangal, mabuti, at pino, at lubhang nagmamalasakit sa kanilang pamilya, walang masamang reputasyon. Ngunit pagdating nila sa Kanluran, iba na sila. Naririnig nilang sinasabi ng ilang tao, “Ang mga taga-Kanluran ay napakabukas, at napakalaya pagdating sa mga ugnayan sa pagitan ng mga lalaki at babae.” Ang totoo, hindi ito naaayon sa mga katunayan, ngunit ayon sa kanilang mga kaisipan at kuru-kuro, naniniwala sila na sa sandaling makarating sila sa Kanluran, malaya na sila, at hindi na nila kailangang mag-alala tungkol sa anumang reputasyon o moral na integridad, o sa mga turo ng tradisyonal na kultura ng Silangan. Iniisip nila na hindi kailangang sumunod ang mga babae sa kagandahang-asal ng isang babae, at hindi kailangang kumapit ang mga lalaki sa monogamya, at na pagkatapos makarating sa Kanluran, maaari silang maging walang pagpipigil sa pakikipag-ugnayan sa kabilang kasarian, at hindi sila pagtatawanan o pupunahin ng sinuman. Naniniwala sila na ganito lang talaga ang kulturang Kanluranin, na ito ang kalakaran sa lipunan, at walang sinumang kumokontra dito. Sa sandaling magsimula silang mag-isip sa ganitong paraan, hindi ba’t hindi na sila lumalakad sa mabuting landas? Malapit nang malantad ang mga bagay na tunay nilang minamahal sa kanilang pagkatao, gayundin ang tunay na mukha ng kanilang pagkatao. Pagkatapos makarating sa Kanluran ng mga taga-Silangan—lalo na ng mga Tsino—dahil ang kanilang mga asawa ay nasa kanilang pinanggalingang bansa, habang sila ay nag-iisa sa isang banyagang lupain na may mga di-pamilyar na tao at lugar, at kailangan nilang parehong magtrabaho at mamuhay at mag-asikaso ng ilang iba pang komplikadong usapin, ang kanilang buhay ay napakahirap, at nakakaramdam sila ng napakatinding kalungkutan sa kanilang pag-iisa. Samakatwid, isang uri ng “magkapareha sa panahon ng digmaan” ang naging popular sa komunidad ng mga Tsino sa Estados Unidos—kabilang dito ang paghahanap ng isang pansamantalang asawa para magtayo ng isang pansamantalang tahanan at mamuhay nang magkasama, tinutulungan at sinusuportahan nila ang isa’t isa para harapin nang magkasama ang mga paghihirap sa buhay, at kasabay nito ay tinutugunan nila ang mga pisyolohikal na pangangailangan ng laman. Dahil mahirap mamuhay nang mag-isa sa isang banyagang lupain, maraming tao ang naghahanap ng isang miyembro ng kabilang kasarian para bumuo ng isang magkapareha sa panahon ng digmaan para matugunan ang kanilang iba’t ibang pangangailangan. Sinasabing pagkatapos mamuhay nang magkasama sa loob ng maraming taon ang ilang magkapareha sa panahon ng digmaan, dumarating ang mga asawa ng magkabilang panig, at ang dalawang pamilya ay nagiging magkaibigan pa nga at nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Isa itong pagsasagawang naging uso sa mga walang pananampalataya para harapin ang mga paghihirap sa buhay. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang mga tao sa mga nananampalataya sa Diyos na gumagawa ng gayong mga bagay? (Kaya rin itong gawin ng ilang hindi mananampalataya.) Sa mga nananampalataya sa Diyos, marami ang hindi naghahangad sa katotohanan, at mayroon ding ilan na malinaw na mga hindi mananampalataya na talagang hindi interesado sa katotohanan. Ang ilan ay hindi man lang nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Kapag naririnig ng mga taong ito ang tungkol sa mga negatibong bagay na ito, sa kaibuturan ay hindi talaga sila nasusuklam; pakiramdam nila ay katanggap-tanggap ang mga bagay na ito, at ang ilan ay nagpapakasaya pa nga sa mga ito. Hindi sila nasusuklam sa mga bagay na ito, at iniisip pa nga nila, “Napakanormal lang nito. Ginagawa ito ng lahat ng walang pananampalataya; isa itong kalakaran, hindi isang krimen. Una, hindi ito ilegal. Ikalawa, hindi nito sinisira ang moralidad ng publiko. Ikatlo, isa itong pisyolohikal na pangangailangan ng tao. Ang paggawa nito ay patas, makatwiran, at legal—ano ang mali rito?” Sa tingin nila ay normal ito. Huwag na nating pag-usapan ang mga walang pananampalataya—kung kayang gawin ng mga taong nananampalataya sa Diyos ang gayong mga bagay, anong uri sila ng mga tao? Hindi ba’t may mali sa kanilang pagkatao? (Mayroon, ang ganitong uri ng tao ay talagang walang pagkatao.) Kayang gawin ng mga taong walang pagkatao ang gayong mga kasuklam-suklam na bagay. Ang mga taong may pagkatao ay hindi man lang kayang tanggapin ang mga kaisipan at pananaw ng masamang kalakarang ito, lalo na ang gawin ang gayong mga bagay, at kinasusuklaman at kinamumuhian nila ang mga ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito man ay para maalagaan ng magkabilang panig ang isa’t isa o para sa iba pang layunin, mula sa perspektiba ng konsensiya at katwiran ng pagkatao, ang pagbuo ng isang magkapareha sa panahon ng digmaan ay hindi isang positibong bagay. Kung ang isang taong nananampalataya sa Diyos ay hindi man lang nakakaalam kung ang ganitong uri ng bagay ay isang positibong bagay ba o kung ito ba ay makatwiran, mayroon ba siyang konsensiya at pagkatao? Sinasabi ng ilang tao, “Bagama’t hindi ko alam kung ito ay isang positibong bagay, nananampalataya ako sa Diyos, kaya hindi ko ito magagawa. Ang mga walang pananampalataya ay hindi nananampalataya sa Diyos o natatakot sa Diyos, kaya wala silang kamalayan kapag ginagawa ito, ngunit nananampalataya ako sa Diyos, kaya hindi ko ito magagawa.” Kung ganito sila mag-isip, pinatutunayan nitong mayroon silang konsensiya at katwiran ng tao. Bagama’t hindi nila alam kung wasto o hindi ang usaping ito, ni alam kung ito ay isang positibong bagay o kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito, nagagawa nilang gamitin ang pangunahing konsensiya at katwiran ng pagkatao para tasahin ito. Kahit pa hindi nila malinaw na malaman kung ito ay positibo o negatibo, nakikita nila na ang usaping ito ay labag sa moralidad at pagkatao at hindi dapat gawin. Mayroon silang isang partikular na antas ng pagkilatis tungkol sa gayong mga bagay, kaya kapag nangyayari sa kanila ang gayong mga bagay, tinatanggihan nila ang mga ito. Masasabing ang mga hindi tumatanggi at kayang tumanggap nang buo sa gayong mga bagay ay hindi mga tao; wala silang normal na pagkatao, at hindi sila nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Ang katunayan na kaya nilang tanggapin ang mga negatibong bagay na ito ay nagpapakita na ang kanilang konsensiya at katwiran ay hindi talaga gumagana, at na hindi nila ginamit ang pinakamababang pamantayan na siyang konsensiya at katwiran para kilatisin, labanan, o tanggihan ang gayong mga bagay; samakatwid, malinaw na may problema sa pagkatao ng ganitong uri ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “May problema sa pagkatao ng ganitong uri ng tao, kaya siya ba ay sa mga hayop o sa mga diyablo?” Siya man ay sa mga hayop o sa mga diyablo, kolektibo silang tinutukoy bilang mga di-tao. Kapag pumunta sila sa Kanluran at nakita nila na ang mga bansang Kanluranin ay maunlad, mayaman, at malaya, at na ang mga sistemang panlipunan ng mga ito ay mas maunlad kaysa sa mga sistemang panlipunan ng mga bansang Silangan, iniisip nila na lahat ng bagay sa Kanluran ay tama at mas mahusay kaysa sa Silangan. Iniisip nila na ang mga taga-Silangan ay sarado ang isip, konserbatibo, at hindi sanay sa mundo, habang ang mga taga-Kanluran ay bukas, malaya, at maalam sa mundo, at napakabukas pagdating sa pag-aasawa o mga ugnayan sa pagitan ng mga kasarian. Iniisip nila na napakanormal para sa mga lalaki at babae na magyakapan at maghalikan kapag nagkikita sila sa kalye. Ngunit ang totoo, may mga prinsipyo ang mga taga-Kanluran kapag nagyayakapan sa pagkikita; hindi nila basta-bastang niyayakap ang kahit sino. Sa partikular, hindi gaanong ginagawa ng mga nasa hustong gulang ang ganitong uri ng bagay; karamihan ay mga kabataan ang mahilig gumawa nito. Sa kabaligtaran, sa mga lugar kung saan nagtitipon ang mga Asyano, madalas na nakikita ang isang lalaki at isang babae na gumagawa ng iba’t ibang maselang pagkilos sa publiko, lalo na sa mga mataong lugar sa kalsada. Makikita pa nga na ang matatandang tao ay gumagawa nito, na lubhang nakakadiring makita. Marahil, ang ilang Asyano ay naglakbay sa Kanluran at nakita ang kultural na buhay at etiketa ng mga taga-Kanluran, at pagkatapos ay sinabi nilang ang mga taga-Kanluran ay malaya, bukas, at liberal sa mga seksuwal na usapin. Batay sa mga pahayag na ito, maraming Asyano ang basta-bastang nag-iisip ng lahat ng uri ng buktot na bagay sa kanilang isipan. Ang totoo, kung tunay mong sisiyasatin ang lipunang Kanluranin o magkakaroon ka ng malalim na pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa mga taga-Kanluran, matutuklasan mo na maraming bagay ang ganap na naiiba sa kung ano ang iniisip at sinasabi ng mga Asyano. Lalo na sa ilang komunidad na may mga relihiyosong pinagmulan o mas malalayong komunidad, sila ay napakakonserbatibo at napakatradisyonal, hindi talaga katulad ng mga kathang-isip na ikinakalat ng mga Asyano. Ang mga pahayag na ang mga taga-Kanluran ay napakabukas pagdating sa mga ugnayan sa pagitan ng mga kasarian ay mga imahinasyon lang ng mga tao, hindi mga katunayan. Kung may isang taong talagang nag-iisip sa ganitong paraan, at inilalapat sa kanyang sarili ang diumanong pagiging bukas na ito na sa tingin niya ay totoo, arbitraryong nagpapasasa sa kanyang mga pagnanasa ng laman, kung gayon ay problema na niya iyon; wala itong anumang kinalaman sa mga kalakaran, kultura, o tradisyon ng anumang lipunan. Hindi ang kultura o mga tradisyong Kanluranin ang naglilihis sa kanya, kundi siya mismo ang may mga problema. Hindi ba’t gayon nga? (Oo.) Kapag binabanggit ng mga taga-Silangan ang mga taga-Kanluran, ang unang sinasabi nila ay, “Ang mga taga-Kanluran ay malaya, bukas, at liberal sa mga seksuwal na usapin,” na nagpapahiwatig na ang mga tao sa Kanluran ay maaaring magpasasa sa pagnanasa o magsagawa pa nga ng insesto. Pinamamahalaan ng gayong mga kaisipan at pananaw, nagsisimulang magpasasa ang mga taga-Silangan pagkarating sa Kanluran. Ang kanilang pagpapasasa ay hindi dahil sa tunay nilang nakita ang mga penomenong ito at ginaya ang mga ito, kundi dahil nasa kanilang kalikasan na talaga na mahalin ang kabuktutan; ginagamit lang nila ang diumano’y kulturang Kanluranin o mga tradisyong Kanluranin bilang isang dahilan para magpasasa sa kanilang laman. Sa katunayan, dahil ang ganitong uri ng tao ay hindi isang positibong karakter at hindi nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao, at dahil nasa kanyang likas na kalikasan na mahalin ang mga negatibong bagay at lahat ng di-wastong bagay, naghahanap siya ng iba’t ibang dahilan at palusot para gumawa ng mga bagay na salungat o mapanlaban pa nga sa mga positibong bagay. Bukod dito, pakiramdam niya ay ganap na makatwiran siya, iniisip niyang ganito na ang lahat ng taga-Kanluran sa panahon ngayon. Ito ba ay batay sa katunayan? Pawang walang katuturan ang sinasabi niya at nagsasabi siya ng mga walang batayang paratang! Malinaw na kapag sinasabi ng ganitong uri ng tao, “Ang mga taga-Kanluran ay malaya, bukas, at liberal sa mga seksuwal na usapin,” ang totoo ay mayroon siyang mga natatagong intensyon—ang makamit ang kanyang layon na magpasasa sa kanyang mga pagnanasa. Bakit kayang sundin ng ganitong uri ng tao ang mga negatibong bagay na ito nang may gayong kumpiyansa sa sarili? Sa isang banda, wala siyang wastong pagkaunawa sa mga positibo at negatibong bagay; kapag nakakaharap niya ang mga di-pamilyar na bagay, hindi niya kayang gamitin ang pinakamababang pamantayan na siyang konsensiya at katwiran para tasahin ang mga ito. Malinaw na ang ganitong uri ng tao ay hindi nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao. Kung hindi niya kayang maarok ang isang malinaw na positibong bagay bilang isang positibong bagay, ni tanggapin ito bilang isang positibong bagay, kung gayon, ang ganitong uri ng tao ay tiyak na walang konsensiya at katwiran ng isang normal na tao. Sa kabilang banda, kung hindi alam ng isang tao kung ano ang mga positibong bagay, ni kung ano ang mga negatibong bagay, kung gayon ay malinaw na hindi niya kayang kumilatis ng tama sa mali at kung ano ang wasto at hindi wasto. Dahil mayroon siyang mga maling kaisipan at pananaw, kahit pa gumawa siya ng ilang maling bagay o mga bagay na labag sa konsensiya at katwiran, wala siyang anumang kamalayan tungkol dito. Napakalinaw na hindi kayang pag-ibahin ng ganitong uri ng tao ang tama at mali at ang wasto at hindi wasto. Hindi siya nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at hindi niya alam kung ang ilang bagay na nangyayari sa buhay o sa proseso ng pananatiling buhay ay wasto o hindi wasto, at hindi rin posible para sa kanya na gumamit ng kanyang konsensiya para tasahin at suriin ang pagiging wasto at hindi wasto ng mga ito. Samakatwid, madalas siyang gumawa ng ilang maling bagay na labag sa konsensiya at katwiran, at pagkatapos niyang gawin ang mga ito, wala siyang anumang kamalayan tungkol dito, at pakiramdam pa nga niya ay ganap siyang makatwiran, iniisip niyang kumilos siya nang wasto at siya ay matuwid na tao. Hindi ba’t ito ay ganap na pagbabaligtad sa kung ano ang mga bagay-bagay? (Oo.)