Paano Hangarin ang Katotohanan (2) Unang Bahagi

Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw

Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos, at sa Pagkamapanlaban ng Isang Tao sa Diyos

I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos

May ilang panahon na rin nating tinatalakay ngayon ang unang pangunahing aytem sa pagsasagawa ng kung paano hangarin ang katotohanan, ang “pagbitiw.” Noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa ikatlong aytem tungkol sa “pagbitiw”—pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos—na isang bagong-bagong nilalaman. Hindi lang iisa ang aspekto ng nilalamang ito; kinabibilangan ito ng maraming aytem at maraming nilalaman. Ang mga nilalamang ito ang dinaranas ng mga tao sa proseso ng gawain ng Diyos, at ang mga ito ay direktang nauugnay sa mga buhay at paghahangad ng mga tao, kaya ang unang aspekto na dapat talaga nating pagbahaginan ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos. Isa itong paksa na hindi maiiwasan ng mga tao sa proseso ng pagtahak sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Nakipagbahaginan Ako tungkol sa bahagi ng nilalamang ito noong nakaraan. Maaari bang may magsabi sa atin kung ano ang partikular Kong ibinahagi? (Noong nakaraan, nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos. Unang isiniwalat ng Diyos ang ating mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, may mga kuru-kuro at imahinasyon tayo tungkol sa araw ng Diyos, at naniniwala rin tayo na ang gawain ng Diyos ay labis na sobrenatural at na hangga’t gumagawa at umaantig sa mga tao ang Banal na Espiritu, magagawa ng mga tao na malutas ang anumang mga problema at mababago ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Habang isinisiwalat ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito, sinabi sa atin ng Diyos na ang resultang nilalayon Niyang makamit sa Kanyang gawain ay ang ikintal ang Kanyang mga salita sa loob natin, para kapag nangyari sa atin ang mga bagay-bagay sa pang-araw-araw na buhay, magagawa nating magsagawa nang ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang hinihingi ng Diyos sa bawat isa sa atin.) Sino pa ang makapagdaragdag doon? (Noong nakaraan ay nakipagbahaginan din ang Diyos tungkol sa katunayan na naniniwala ang mga tao na tinutukoy sila ng Diyos batay sa kanilang mga pansamantalang pagpapamalas, at iniisip din nila na sa pamamagitan ng pagsunod sa mga panlabas na regulasyon at panlabas na mabubuting pag-uugali ay pinalulugod nila ang Diyos at kaya nilang magtamo ng kaligtasan—ang mga ito ay pawang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Dagdag pa, kapag ang mga tao ay mahina at nagbubunyag ng paghihimagsik at katiwalian, naniniwala sila na didisiplinahin at paparusahan sila ng Diyos—isa rin itong kuru-kuro at imahinasyon. Mula sa pagsisiwalat ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito ng mga tao, naunawaan natin na ang gusto ng Diyos ay hindi ang panlabas na mabubuting pag-uugali natin, ni ayaw Niya na sumunod tayo sa ilang panlabas na pagsasagawa at regulasyon. Sa halip, umaasa Siya na kapag nangyari sa atin ang mga bagay-bagay, nagagawa nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad.) Ang lahat ng tao ay may ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon sa magkakaibang antas, hindi ba? (Oo.) Bago simulan ng mga tao na hangarin ang katotohanan, o kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi pa nakakamit ang katotohanan, may tendensiya silang gamitin ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito para bumuo ng mga hinuha tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos o para basta-bastang bumuo ng mga kongklusyon tungkol sa kung paano gagawa ang Diyos. Kasabay nito, may tendensiya rin silang gamitin ang mga hinuhang ito para tukuyin ang sarili nila, ang sarili nilang kalalabasan, at kung sila ba ay mapagpapala o magdurusa ng kasawiang-palad sa hinaharap. Samakatwid, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, labis nang naging mga balakid ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito sa pagtanggap ng mga tao sa gawain ng Diyos, sa kanilang paghahangad sa katotohanan, at sa kanilang pagkakamit sa katotohanan. Ibig sabihin, kung hindi mabitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito, at palagi nilang itinuturing ang mga ito bilang kanilang motibasyon at ugat na sanhi ng kanilang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay labis na makakahadlang sa kanila mula sa paghahangad at pagkakamit sa katotohanan. At sa huli ay magagawa lang nilang gamitin ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon para matukoy ang sarili nilang halaga, pagkakakilanlan, at katayuan sa harap ng Diyos, at para matukoy kung anong uri ng pagtrato ang matatanggap nila sa sambahayan ng Diyos, kung ano ang magiging hantungan nila at kung anong mga pagpapala ang makakamit nila sa hinaharap, kung gaano kalawak ang magiging awtoridad nila at kung ilang lungsod ang pamamahalaan nila, at kung sila ba ay magiging haligi o pundasyon sa langit, o kung gaano karami ang makakamit nila sa buhay na ito at kung gaano karami ang makakamit nila sa mundong darating. Dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay nauugnay sa mga buhay at paghahangad ng mga tao, naiimpluwensiyahan ng mga ito ang mga landas na tinatahak ng mga tao at, siyempre, naiimpluwensiyahan rin ng mga ito ang huling kalalabasan at hantungan ng mga tao. Ang mga tao ay namumuhay at naghahangad sa gitna ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon; kaya, hindi maiwasang tingnan nila ang lahat ng bagay, at husgahan at tukuyin ang tungkol sa lahat ng bagay, batay sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito. Kaya, paano man itustos ng Diyos ang katotohanan at sabihin sa mga tao kung anong mga pananaw ang dapat nilang panghawakan at anong landas ang dapat nilang tahakin, hangga’t hindi binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, patuloy silang mamumuhay ayon sa mga ito, at ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay natural na magiging buhay ng mga tao at ang mga batas para manatili silang buhay, at hindi maiiwasan na ang mga ito ang magiging mga gawi at pamamaraan ng pagharap ng mga tao sa lahat ng uri ng pangyayari at bagay. Sa sandaling ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay maging ang mga prinsipyo at pamantayan ng pagtingin nila sa mga tao at bagay at ng pag-asal at pagkilos nila, kung gayon, paano man sila manampalataya sa Diyos, o paano man sila maghangad, at gaano mang paghihirap ang pagdusahan nila o gaano mang halaga ang bayaran nila, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito. Hangga’t ang isang tao ay namumuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon niya, ang taong ito ay lumalaban sa Diyos at mapanlaban sa Kanya; wala siyang tunay na pagpapasakop sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos o sa mga hinihingi ng Diyos. Sa huli, kung gayon, magiging lubhang kalunos-lunos ang kalalabasan niya. Kung maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, at ginugol mo ang sarili mo para sa Kanya, nagpaparoo’t parito ka at nagbabayad ng malaking halaga, pero ang simula at pinagmulan ng lahat ng ginagawa mo ay ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ka tunay na tumatanggap at nagpapasakop sa Diyos. Hindi mahalaga kung ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay nagmumula sa mga aklat, sa lipunan, o sa iyong mga personal na pagnanais at interes, sa madaling salita, basta’t ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon, ang mga ito ay hindi ang katotohanan; at basta’t ang mga ito ay hindi ang katotohanan, mapanlaban ang mga ito sa katotohanan, isang balakid sa pagtanggap ng mga tao sa katotohanan, at isang kaaway ng Diyos at ng katotohanan. Samakatwid, hangga’t namumuhay ka ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, susukatin at titingnan mo ang lahat ng bagay nang ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, at dahil sa mga ito, sa huli ay tiyak na maghihimagsik ka laban sa mga kapaligirang inihahanda ng Diyos para sa iyo, at maghihimagsik laban sa paggabay o kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa iyo. Sa madaling salita, walang tunay na pagtanggap at pagpapasakop dito. Bakit ganoon? Dahil kahit gaano karaming paghihirap man ang pagdusahan mo o gaano kalaking halaga man ang ibayad mo, hangga’t namumuhay ka ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, ang mga paghihirap na pinagdurusahan mo at ang halagang ibinabayad mo ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at walang kinalaman sa katotohanan; masasabi na ang mga paghihirap na pinagdurusahan mo at ang halagang ibinabayad mo ay nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sa mga kagustuhan mo, at para sa layon ng pagpapalayaw sa mga pagnanais ng iyong laman at pagtugon sa ilang pakay mo. Katulad lang ito mismo ng ipinamalas ni Pablo: Marami siyang ginawang gawain at nagpaparoo’t parito siya nang husto, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa malaking bahagi ng Europa, pero gaano mang paghihirap ang pinagdusahan niya at gaano mang halaga ang ibinayad niya, o gaano man siya nagparoo’t parito, hindi siya kailanman nagkaroon ng mga kaisipan at pananaw na naaayon sa katotohanan, hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan, at hindi siya kailanman nagkaroon ng saloobin at tunay na karanasan ng pagpapasakop sa Diyos—palagi siyang namumuhay sa loob ng sarili niyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ano ang kanyang partikular na kuru-kuro at imahinasyon? Ito ay na kapag natapos na niya ang takbo at nakipagbaka na ng mabuting pakikibaka, may putong ng katuwirang nakahanda para sa kanya—ito ang kuru-kuro at imahinasyon ni Pablo. Ano ang partikular na teoretikal na batayan ng kanyang kuru-kuro at imahinasyon? Na tutukuyin ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa dami ng pagpaparoo’t parito na ginawa niya, sa halagang ibinayad niya, at kung gaano karaming paghihirap ang pinagdusahan niya. Sa ganoon mismong teoretikal na batayan ng kanyang kuru-kuro at imahinasyon na hindi namalayan ni Pablo na tumahak siya sa landas ng mga anticristo. Bilang resulta, nang marating niya ang dulo ng daan, wala siyang anumang pagkaunawa sa kanyang pag-uugali at mga pagpapamalas ng paglaban sa Diyos o sa kanyang diwa ng paglaban sa Diyos, lalong wala siyang anumang pagsisisi. Pinanghawakan pa rin niya ang kanyang orihinal na kuru-kuro at imahinasyon habang nananampalataya sa Diyos, at hindi lang sa wala siyang ni katiting na tunay na pagpapasakop sa Diyos, kundi sa kabaligtaran, naniwala siyang mas may karapatan siyang makatanggap ng mabuting kalalabasan at hantungan mula sa Diyos bilang kapalit. Ang “bilang kapalit” ay magandang pakinggan, sibilisadong paraan ng paglalarawan nito, pero sa katunayan ay hindi ito isang palitan, ni isang transaksiyon—direkta niyang hinihingi sa Diyos ang mga bagay na ito, diretsahang iginigiit ang mga ito sa Diyos. Paano niya hiningi ang mga ito sa Diyos? Tulad lang ng sinabi niya, “Natapos ko na ang aking takbo, nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka—sa akin na ngayon ang putong ng kaluwalhatian. Ito ang nararapat sa akin at ito ang nararapat na ibigay ng diyos sa akin.” Ang landas na tinahak ni Pablo ay isang landas ng paglaban sa Diyos, na nagdala sa kanya sa pagkawasak, at ang huling kinalabasang sumapit sa kanya ay ang pagpaparusa. Hindi ito maihihiwalay mula sa kanyang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Palagi siyang mahigpit na kumakapit sa kanyang sariling kuru-kuro at imahinasyon; isinantabi at binalewala niya ang sinabi ng Diyos, ang mga katotohanan—ang daan ng buhay—na itinustos ng Diyos sa mga tao, nagpapakita pa nga ng saloobin ng paghamak at pangmamaliit, ni hindi niya kinilala o tinanggap ang katunayan na si Jesucristo ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Nang marating na niya ang dulo ng daan, matigas pa rin siyang kumapit sa kanyang kuru-kuro at imahinasyon gaya ng dati, at patuloy na nakipagtagisan sa Diyos, sa huli ay papunta na sa di-maiiwasang kalalabasan ng pagkawasak. Samakatwid, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, kung nagagawa ng mga taong bitiwan ang lahat ng kanilang iba’t ibang negatibong emosyon, at nagagawang bitiwan ang ilang bagay sa tunay na buhay na nakakahadlang sa kanilang paghahangad sa katotohanan, pero hindi makabitiw sa mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos, o sa kanilang pagkamapanlaban sa Diyos, ito ay magiging labis na nakakapanghinayang at kalunos-lunos na bagay, at sa huli, aanihin ng mga tao ang parehong kalalabasan ng pagkaparusa gaya ng nangyari kay Pablo. Tiyak iyon at walang kaduda-duda. Samakatwid, sa pagsasagawa ng “pagbitiw,” ang aytem ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos” ang pinakakritikal at pinakamahalaga at hindi maaaring kaligtaan. Ito ang dapat madalas mong suriin: Sa iyong ugnayan sa Diyos at sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka pa rin na hindi umaayon sa katotohanan, sa mga pagnanais ng Diyos, o sa mga hinihingi ng Diyos at na humahadlang sa pagitan mo at ng Diyos. Dapat mong suriin ang mga ito, ikumpara ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay bitiwan ang mga ito. Ang pakay ng pagbitiw ay hindi ang dumaan sa isang proseso, kundi ang tanggapin ang katotohanan, ang tanggapin ang mga katotohanang prinsipyo sa aspektong ito na inilatag ng Diyos sa mga tao, at ang gamitin ang mga katotohanang prinsipyong ito para palitan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang baguhin ang perspektiba sa likod ng iyong paghahangad at ang direksyon ng iyong paghahangad, para maging kaayon ka ng Diyos sa buhay mo at sa proseso ng pagsunod sa Diyos, sa halip na maging kaayon ka ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang gawain ng Diyos ay ang lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at tinutustusan Niya ang mga tao ng katotohanan para lutasin din ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa pamamagitan ng paglutas sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, binibigyang-kakayahan ng Diyos ang mga tao na magkaroon ng mga tamang kaisipan, pananaw, paninindigan, at perspektiba para sa pagharap sa bawat kapaligirang inihahanda Niya, at para sa pagharap sa bawat usaping hinaharap nila sa buhay. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at tinutustusan ang mga tao ng katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita hindi para tuparin ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kundi para kontrahin ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa huli ay para bigyang-kakayahan sila na bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at magtamo ng pagkilala sa Diyos.

D. Ang Paniniwala ng mga Tao na Kayang Baguhin ng Gawain ng Diyos ang Kanilang Kakayahan, mga Likas na Gawi, mga Personalidad, at Iba Pa

Noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa ilang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Dagdag pa sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, ang mga tao ay may iba ring ilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos na dapat nilang bitiwan sa proseso ng paghahangad sa katotohanan. Halimbawa, naniniwala ang mga tao na, pagkatapos matanggap ang gawain ng Diyos, kung nagagawa nilang hangarin ang katotohanan, mapapanibago sila nang ganap, at na sa sandaling taglayin nila ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, magkakaroon sila ng ganap na bagong buhay, at isisilang silang muli bilang isang bagong tao. Naniniwala sila na bubuti ang kakayahan nila at na medyo magbabago rin ang kanilang mga likas na gawi, at kaya madalas na mangyayari sa kanila ang mga bagay na hindi nila kailanman inaasahan. Ibig sabihin, bukod sa magagawa nila ang mga bagay na lampas sa sarili nilang kakayahan at mga likas na gawi, magagawa rin nila ang mga ito nang labis na madali at maayos. Higit pa rito, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, madalas pa ngang nadarama ng ilang tao na mula nang magsimula silang maghangad ng katotohanan, bumuti ang kanilang personalidad at pasensiya, mas maningning na ang mga mata nila kaysa dati, at mas malakas na ang pandinig nila kaysa dati. Paminsan-minsan, tumitingin sila sa salamin at nadarama nila na lalo silang nagiging katulad ng mga anghel; nadarama nila na lalo silang gumaganda, at mas lalong masigla kaysa dati. Nadarama pa nga ng ilang tao na ang ilan sa mga nakagawian nila sa buhay ay nagbago na at na nag-iba na ang kanilang mga pattern ng pamumuhay—noon, kapag nagpupuyat sila, walang tigil silang humihikab, pero simula nang umpisahan nilang hangarin ang katotohanan, nawala ang ganitong mga reaksiyon, at malaking himala ito para sa kanila. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na sa sandaling simulan nilang hangarin ang katotohanan, gagawa ang Diyos ng ilang gawain sa kanila para sumailalim sila sa mga di-inaasahang pagbabago. Kinabibilangan ito ng pagbuti sa kanilang kakayahan sa loob lang ng isang magdamag—mula sa pagkakaroon ng katamtaman o napakahinang kakayahan, sila ay magiging sobrang matalino, may kakayahan, at may karanasan, magiging isang taong may kakayahan at karunungan, at ang antas ng pag-iisip nila ay aangat din. Kapag unang magsimulang manampalataya sa Diyos ang mga tao at magpasyang hangarin ang katotohanan, mayroon silang mga engrandeng labis-labis at di-makatotohanang imahinasyon tungkol sa paghahangad sa katotohanan, sa madaling salita, wala sa kanila ang talagang umaayon sa realidad. Naniniwala ang mga tao na hangga’t naghahangad sila sa katotohanan, maraming aspekto tungkol sa kanila ang aangat at labis na uusad, at na sa ilang larangan ay mahihigitan pa nila ang mga ordinaryong tao. Samakatwid, pinapangalanan ng ilang tao ang sarili nila na Lyu Chao, ang iba ay Ma Chao, at ang iba naman ay Niu Chao. Ang mga pangalang ito, ayon sa pagkakabanggit, ay nangangahulugan ng pagiging higit sa mga buriko, kabayo, at baka—ibig sabihin, pagiging mas mabilis na makatakbo kaysa sa isang kabayo at pagiging mas malakas kaysa sa isang buriko o baka. Sa pangkalahatan, ang mga buriko ay napakalakas sa paghila ng mga bagay, ang mga kabayo ay may napakalalakas na hita, at ang mga baka ay may napakatibay na katawan, kaya tinatawag ng mga taong ito ang kanilang sarili na Lyu Chao, Ma Chao, at Niu Chao. Kita mo, nagbibigay sila ng espesyal na pagsasaalang-alang sa mga pangalang pinipili nila. Mula sa mga pangalang pinipili ng mga tao para sa sarili nila, makikita na ang mga tao ay may sarili nilang pagkaunawa sa gawain ng Diyos; sa kasamaang-palad, ang pagkaunawang ito ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi positibo—isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Ang kuru-kuro at imahinasyon mang ito ay baluktot o sukdulan, sa madaling salita, hindi ito tugma sa mga katunayan at sa katotohanan; napakahungkag nito at may kinalaman sa mga sobrenatural na bagay. Ang prinsipyo ng paggawa ng Diyos sa mga tao ay ito: Anumang uri ng kakayahan mayroon ang mga tao, o anumang uri ng kapabilidad sa gawain o abilidad na humarap sa mga bagay ang mayroon sila, anuman ang kanilang mga natural na likas na gawi, at anuman ang kanilang personalidad, mga gawi, mga pattern sa pamumuhay, mga hilig at libangan, o maging anuman ang kanilang kasarian, sa madaling salita, ang gawain ng Diyos ay ang makamit ang resulta ng pagbibigay-kakayahan sa mga tao na maunawaan ang katotohanan, matanggap ang katotohanan, magpasakop sa katotohanan, at pagkatapos ay pumasok sa katotohanang realidad, batay sa kanilang likas na kakayahan, mga likas na gawi, personalidad, mga gawi, sa kanilang mga tamang pattern ng pamumuhay, at pati sa kanilang mga lehitimong hilig at libangan, at iba pa. Kaya, sa anong batayan nakakamit ang resultang ito? Ito ay nakakamit sa batayan ng pagkakaroon ng mga tao ng abilidad na maunawaan at maarok ang katotohanan, at sa batayan ng pagkakaroon nila ng normal na pagkatao. Hindi ito nakakamit sa batayan ng isang diumanong angat na pagkatao, ni hindi ito nakakamit sa batayan ng isang sobrenatural na pagkatao. Samakatwid, alinmang mga aspekto ng katotohanan ang pagbahaginan natin, ang lahat ng ito ay para bigyang-kakayahan ka na makapasok sa mga ito sa batayan na nagtataglay ka ng normal na pagkatao at ng abilidad na maarok ang katotohanan. Gayumpaman, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay ang mismong kabaligtaran nito. Naniniwala ang mga tao na ang resultang nakakamit sa mga tao sa pamamagitan ng gawain ng Diyos at sa Kanyang pagpapahayag sa katotohanan ay salungat sa kanilang likas na kakayahan at mga likas na gawi, at salungat din sa kanilang personalidad, mga gawi, hilig, at libangan. Madalas na umaasa ang mga tao na may himalang mangyayari sa kanila, na ang isang sobrenatural na bagay o isang bagay na hindi inaasahan at lampas sa sarili nilang kakayahan at mga likas na gawi ay mangyayari sa kanila, sa halip na magsikap na hanapin ang katotohanan sa praktikal na paraan. Ano ang pinatutunayan ng katunayang ito? Hindi ba’t ito ay na tinitingnan ng mga tao ang paghahangad sa katotohanan bilang isang bagay na partikular na sobrenatural at hungkag? Hindi ba’t ito ay na tinitingnan nila ang mga paraan ng paggawa ng Diyos sa mga tao bilang partikular na sobrenatural at hungkag? (Oo.) Madalas na umaasa ang mga tao na kapag mas hinahangad nila ang katotohanan, magiging mas mahusay ang kakayahan nila, o na pagkatapos makinig sa maraming sermon at matanggap at maunawaan ang maraming katotohanan, magiging mas mahusay ang kakayahan nila kaysa dati. Isa itong kuru-kuro at imahinasyon, hindi ba? (Oo.) Gamitin nating halimbawa ang pag-aaral ng isang propesyon: Noong nag-aaral ka sa paaralan, kung gusto mong maging dalubhasa sa isang propesyon, kinailangan mong paulit-ulit na kabisaduhin ang kaalaman ng propesyong ito, at mag-aral mula madaling-araw hanggang sa paglubog ng araw, ginugugol ang libre mong oras sa pagsisikap na matutunan ito. Simula nang magsimula kang manampalataya sa Diyos, iniisip mo na hangga’t gumagawa ang Banal na Espiritu, bubuti ang kakayahan ng mga tao, magbabago sila, at mag-iiba sila kumpara dati. Kaya, natutukoy mo na paano man gumawa ang Diyos, kailangan lang makipagtulungan ng isang tao, at na hindi na kailangang magsikap sa paghahangad sa katotohanan at pag-aaral ng propesyonal na kaalaman; sapat nang gawin ng isang tao ang kanyang tungkulin—magkakaroon pa rin ng pag-usad ang isang tao sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan. Hindi ba’t ganito ito sa imahinasyon ng mga tao? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, ito ba ang tamang paraan ng paghahangad? Ang paghahangad ba sa ganitong paraan ay maaaring humantong sa isang tunay na pagbabago? (Hindi, hindi ito maaari.) Hindi posibleng magkaroon ng pagbabago. Halimbawa, iniisip ng ilang tao na para gumaling sa pagkanta ay kailangan nilang magsanay mula madaling-araw hanggang paglubog ng araw, nakawin ang mga teknik ng iba, at makinig sa lahat ng uri ng mga awitin para matuto mula sa mga merito ng ibang mga tao, at na sa ganitong paraan lang sila magkakaroon ng mga tagumpay. Sa kabaligtaran, naniniwala ang ilang tao na ang pag-awit ay depende sa talento; iniisip nila na kung ang isang tao ay may kaloob sa pag-awit at mahilig umawit, magiging magaling siya sa pagkanta, at na kung ang isang tao ay walang kaloob sa pag-awit o pagkahilig sa pag-awit, kakailanganin niyang umasa sa pagkaantig sa kanya ng Banal na Espiritu para gumaling siya sa pag-awit, para makaawit nang may emosyon, para masiyahan ang iba kapag narinig nila siyang umawit. Bunga nito, karamihan ng tao ay laging nagkikimkim ng ganitong uri ng delusyon; umaasa sila sa Banal na Espiritu para antigin sila, kung hindi ay hindi nila ibubuka ang kanilang bibig para umawit. Isa itong kuru-kuro at imahinasyon, hindi ba? Iniisip ng ilang tao na hindi na kailangan pang pagsikapan nang husto ang pag-aaral ng propesyonal na kaalaman, at na basta’t hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gagawa ang Diyos, at na walang silbi at walang saysay na gawin ng mga tao ang mga sakripisyong iyon na walang halaga. Iniisip nila na sa sandaling gumawa ang Diyos, mas may silbi ito kaysa sa anumang pagsisikap na inilalaan ng mga tao, kaya basta’t sinserong ginagawa ng mga tao ang mga tungkulin nila at handa silang ilaan ang puso nila sa Diyos, gagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, at ang kanilang kakayahan at mga abilidad ay agad na aangat, nang lampas sa saklaw ng normal na pagkatao—magagawa nilang maunawaan ang mga bagay na hindi nila naiintindihan dati, at bagama’t dati ay hindi man lang nila mabasa nang sabay ang dalawang linya ng teksto, mababasa na nila nang sabay ang sampung linya at maitatatak ang lahat ng ito sa memorya nila pagkatapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos. Pero gaano man sila magsanay, hindi pa rin nila ito makamit, kaya nagbubulay-bulay sila, “Hindi ba ako pinagkakalooban ng Diyos ng biyaya? Hindi ba ako sapat na masikap at sinsero sa paggawa ng tungkulin ko?” Ganito ba ang kaso? (Hindi.) Iniisip mo na kapag mas lalo mong nakakamit ang sobrenatural, hinihigitan ang saklaw ng sarili mong kakayahan at abilidad, mas napapatunayan nito na gawain ito ng Diyos; na kung mas lalong tumitindi ang sinseridad mo at ang kagustuhan mong makipagtulungan, lalo pang higit na gagawa ang Diyos sa iyo, at mas huhusay ang kakayahan at mga abilidad mo. Hindi ba’t ito ay isang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Oo.) Hilig ba ninyong mag-isip nang ganito? (Oo.) Ano ang resulta ng pag-iisip ninyo sa ganitong paraan? Hindi ba’t palaging kabiguan at kawalan ng pagsasakatuparan? Nagiging negatibo pa nga ang ilang tao, sinasabing, “Ibinigay ko na ang lubos kong sinseridad sa Diyos—bakit hindi ako pinagkakalooban ng Diyos ng mahusay na kakayahan? Bakit hindi ako bigyan ng Diyos ng mga sobrenatural na abilidad? Bakit ba lagi pa rin akong mahina? Hindi pa rin humuhusay ang kakayahan ko, wala akong makilatis na anumang bagay, at nalilito ako kapag nahaharap ako sa mga komplikadong bagay. Ganito na ito dati, bakit ganito pa rin ngayon? Dagdag pa rito, sa paggampan ko ng tungkulin ko at sa pangangasiwa ko sa mga problema, bakit hindi ko kailanman malampasan ang aking laman? Nauunawaan ko ang ilang doktrina, pero, hindi ko pa rin makita nang malinaw ang bagay-bagay, at pagdating sa pagharap sa mga usapin, hindi pa rin ako makapagpasya, at malayo pa rin ako sa mga may mahusay na kakayahan. Mahina rin ang kapabilidad ko sa gawain, at hindi episyente ang pagganap ko sa aking tungkulin. Hindi talaga humusay ang kakayahan ko! Ano ba ang nangyayari? Hindi kaya sapat ang sinseridad ko sa Diyos? O hindi ba ako gusto ng Diyos? Saan ako nagkukulang?” Ang ilang tao ay naghahanap ng iba’t ibang dahilan at sumubok ng maraming pamamaraan para baguhin ang katunayang ito, katulad ng pakikinig sa mas maraming sermon, pagkakabisado ng mas maraming salita ng Diyos, pagsusulat ng mas maraming tala ng espirituwal na debosyon, pati na ang higit na pakikinig sa pagbabahaginan ng mga tao sa katotohanan, at higit na paghahanap, pero nakakadismaya pa rin ang resulta sa huli. Katulad pa rin ng dati ang kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain, hindi humuhusay kahit tatlo hanggang limang taon na silang nananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ay tumitingin sila sa sarili nilang personalidad at nakikita na kasingduwag pa rin sila ng dati, kasingbagal ng isang matandang baka, o na mayroon pa rin silang hindi mapagpasensiyang personalidad, pinapangasiwaan ang lahat ng bagay nang nagkukumahog—walang naging pagbabago! Naoobserbahan ng iba na kamakailan ay tila hindi nagbago ang kanilang mga hilig at libangan, at na ang ilan sa kanilang mga depekto, gawi, at kapintasan ay hindi rin nagbago. Napapansin pa rin ng ibang mahilig magpuyat at gumising nang tanghali na nananatili ring hindi nagbabago ang mga gawi sa buhay na ito. Kaya, nagtataka silang lahat, “Ano ba ang nangyayari? Maaari kayang hindi gumagawa sa akin ang Banal na Espiritu? Inabandona na ba ako ng Diyos? Hindi ba nalulugod sa akin ang Diyos? Maling landas ba ang tinatahak ko? Naghahangad ba ako sa maling paraan? Hindi ko ba sapat na isinapuso ang paggawa ko sa tungkulin ko? Hindi ba sapat ang ibinayad kong halaga?” Naghahanap sila ng lahat ng uri ng dahilan, pero sa huli ay wala pa rin silang mga resulta. Ano ang dahilan ng kawalan nila ng mga resulta? (Ito ay dahil palagi silang namumuhay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Iniisip nila na matapos manampalataya sa Diyos, basta’t sinsero sila sa Kanya, kung gayon, sa sandaling gumawa ang Diyos, bubuti ang kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain—ang gayong mga ideya nila ay nagmumula sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang nagpapasya ng mga layon at pamamaraan ng kanilang paghahangad, ng mga landas na tinatahak nila, at sa huli ay ang nagpapasya ng kanilang mga nakakamit at kinalalabasan. Ano ang makakamit ng mga tao kung mayroon silang gayong mga kuru-kuro at imahinasyon? Makakamit ba nila ang katotohanan? Magkakamit ba sila ng tunay na pananalig sa Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos? Magkakamit ba sila ng tunay na pagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Hindi nila makakamit ang anuman sa mga bagay na ito.