Paano Hangarin ang Katotohanan (19) Ikalimang Bahagi

Ang Ugnayan sa Pagitan ng mga Batas at Panuntunan para sa Pananatiling Buhay na Nilikha ng Diyos para sa Lahat ng Bagay at ng Pananatiling Buhay ng Sangkatauhan

Ngayong natapos na nating talakayin ang sibilisasyon at kultura ng tao, pag-usapan naman natin ngayon ang kaugnayan sa pagitan ng pananatiling buhay ng sangkatauhang ito na nilikha ng Diyos, at ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay. Mula sa makroskopikong perspektiba, ang mundong nilikha ng Diyos ay may mga bundok, ilog, lawa, kagubatan, karagatan, kalupaan, at disyerto, pati na rin ang araw, buwan, at mga bituin, at ang espasyo sa mundo, at ang kalawakang hindi nakikita ng mga tao. At ano naman ang mayroon mula sa mikroskopikong perspektiba? Mayroong maliliit na molekula, mga molekula sa hangin, at iba’t ibang mikroorganismo. Tingnan man mula sa makroskopiko o mikroskopikong perspektiba, lahat ng ito ay may kinalaman sa paglikha ng Diyos—ang paglikha sa pamamagitan ng mga kamay ng Diyos at ng mga kaisipan ng Diyos. Mula sa perspektiba ng paglikha ng Diyos, ang mundo at lahat ng nabubuhay na bagay rito ay umiiral para sa layuning panatilihin ang pananatiling buhay ng sangkatauhan sa mundo, at nais ng Diyos na makamit ang mga nilikhang tao na ninanais Niya mula sa mga tao sa mundo. Samakatwid, ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay ang mga pinakapangunahing kondisyon para sa pananatiling buhay ng tao. Kaya, tiyak na masasabing mga positibong bagay ang mga ito, hindi ba? (Oo.) Ano ang mga pinakapangunahing kondisyon para sa pananatiling buhay ng tao? Tubig, hangin, sikat ng araw, pagkain—ang mga bagay ba na ito ay nilikha ng Diyos? (Oo.) Mga positibong bagay ba ang mga ito? (Oo.) Kung gayon, bakit sinasabing isang positibong bagay ang pag-iral ng mga bagay na ito? May dahilan para dito: Nakasalalay ang pag-iral ng mga bagay na ito sa pag-iral ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay. Anong mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ang mayroon sa lahat ng bagay? Ang apat na panahon; araw at gabi; hangin, namumuong hamog, niyebe, at ulan—lahat ng ito ay mga panuntunan. Ano pa? Mag-isip din kayo ng ilan. (Mayroon ding mga solar term.) Kasama ang mga solar term sa apat na panahon. Ano pa? Ang paglaki at pagliit ng buwan, ang pagtaas at pagbaba ng tubig-dagat. Nariyan din ang, “Kinakain ng malaking isda ang maliit na isda”—isa itong batas at panuntunan para sa pananatiling buhay, at hindi isang negatibong bagay. Ginagamit ng mga tao ang pariralang, “Kinakain ng malaking isda ang maliit na isda,” para ilarawan ang marahas na kalikasan ng mundo ng tao; ito ay pagtawag sa normal na penomenon ng isang positibong bagay bilang isang negatibong bagay. Marami ring pattern ng aktibidad ng mga bagay na may buhay. Isipin ninyo kung ano ang kasama riyan. (Kabilang ba sa batas para sa pananatiling buhay ang “Pangingibabaw ng malakas sa mahina”?) Hindi, isa iyang mapanghamak na paraan ng pagsasabi rito ng mga tao; dapat ito ay “pananatiling buhay ng pinakamatatag.” (Naaalala ko na minsan ay ibinahagi ng Diyos na ang lahat ng bagay ay nagpapalakas sa isa’t isa, kumokontra sa isa’t isa, at magkakasamang umiiral. Kabilang ba iyon?) Oo, kabilang iyon. Lahat sila ay nagpapalakas sa isa’t isa, kumokontra sa isa’t isa, at magkakasamang umiiral—isa itong napakahalagang aspekto. Ang isa pa ay ang “Inaabangan ng mantis ang kuliglig, hindi alam na mayroong oriole sa likuran”; medyo may kaugnayan ito sa mga bagay na nagpapalakas at kumokontra sa isa’t isa. (Isa ba rito ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay?) Oo, isa ito. Mayroon ding, “Pinapakain ng mga uwak ang kanilang matatandang ina at ang mga tupa ay lumuluhod para dumede,” na tungkol sa isang mammal at isang ibon—isa itong penomenon sa mundo ng mga hayop, isa itong batas ng kalikasan. Ang totoo, maraming batas at panuntunan ng pananatiling buhay para sa lahat ng bagay: ang transisyon ng apat na panahon; ang pagdating ng hangin, namumuong hamog, niyebe, at ulan; ang siklo ng araw at gabi; ang paglaki at pagliit ng buwan; ang pagtaas at pagbaba ng tubig sa dagat; ang pagpapalakas, pagkokontrahan, at magkakasamang pag-iral ng lahat ng bagay; pati na ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao at lahat ng iba pang nilalang, at ang mga pattern ng aktibidad ng iba’t ibang nilalang. Ang ilang nilalang ay natutulog sa araw at aktibo sa gabi, habang ang iba ay aktibo sa araw at tulog sa gabi, tulad ng mga tao. Ang ilang nilalang ay namumuhay nang grupo-grupo, samantalang ang iba ay mapag-isa; halimbawa, sa pangkalahatan ay mag-isang lumilipad ang mga agila, samantalang ang mga ligaw na gansa ay lumilipad nang sama-sama at mga hayop na mahilig magsama-sama. May isa ring penomenon sa mundo ng mga bagay na may buhay na pagpapakain ng mga uwak sa kanilang matatandang ina at pagluhod ng mga tupa para dumede. Ang lahat ng gayong bagay ay iba’t ibang uri ng mga penomenon at pagpapamalas na makikita at mararamdaman sa tunay na buhay. Ang paglitaw ng lahat ng makroskopiko at mikroskopikong penomenon na ito ay sumusunod sa mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos. Ang pagsisimula, pag-iral, at pagpapatuloy ng lahat ng batas at panuntunang ito ay nagsisilbi sa isang layunin: ang panatilihin ang pinakapangunahing kapaligiran para sa pamumuhay sa mundo, ang tahanang ito ng pananatiling buhay ng sangkatauhan. Taglay ang pinakapangunahing kapaligirang ito para sa pamumuhay, ang sangkatauhan ay mayroong mundo bilang tahanan na kanilang inaasahan para sa pananatiling buhay, na nagpapahintulot sa kanila na patuloy na magparami at mabuhay. Walang-katapusan din itong nagtutustos ng pangunahing tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na kailangan ng sangkatauhan. Tanging sa pamamagitan ng walang-katapusang panustos na ito maaaring umiral, magparami, at mapanatili nang tuloy-tuloy ang pisikal na buhay ng mga tao, ng mga nilalang na ito na nilikha ng Diyos, at na magkaroon ang sangkatauhan ng pagkakataong lumapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas kapag isinasagawa Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala, na maging mga nilikha na tinatanggap ng Diyos. Samakatwid, sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, anuman ang anyo ng anumang bagay na may buhay, anuman ang mga batas at panuntunan nito para sa pananatiling buhay, at anuman ang kaugnayan nito sa lahat ng iba pang bagay, sa madaling salita, nananatili itong buhay sa gitna ng mga batas at panuntunang nilikha ng Diyos. Ibig sabihin, bawat bagay na may buhay, sa batayan na nilikha ito ng Diyos, ay sumusunod sa mga batas at panuntunang itinatag Niya, ginagampanan ang sarili nitong kailangang-kailangang papel sa gitna ng mga ito. Ito ang food chain na nabubuo sa pamamagitan ng mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang food chain na ito ay napakahalaga sa sangkatauhan. Ang paunang kondisyon para sa pag-iral ng food chain ay na dapat sumunod ang lahat ng bagay sa mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos. Kung babalewalain nila ang mga batas at panuntunang ito at magiging walang pakundangan sila, ang kahihinatnan ay na masisira ang food chain na umiiral sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Kapag nasira ang food chain na ito, maaapektuhan sa iba’t ibang antas ang tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na inaasahan ng sangkatauhan para sa pananatiling buhay, nang unti-unti o sunod-sunod. Samakatwid, lahat ng batas at panuntunan na itinatag ng Diyos para sa lahat ng bagay, at bawat bagay na may buhay na nilikha ng Diyos ay may napakahalagang epekto sa food chain. Kung magkakaroon ng problema sa alinman sa mga panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, magkakaroon ito ng sunod-sunod na epekto sa pag-iral at pagpapatuloy ng food chain, at sa gayon ay makokompromiso ang pangunahing tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na kailangan ng sangkatauhan. Kaya, ang food chain ay isang pangunahing pinagmumulan at isang mahalagang indikasyon kung mananatili bang buhay ang sangkatauhan. Ano ba talaga ang food chain na ito? May kinalaman ang food chain sa nilikha ng Diyos. Sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, mayroong mga bagay na nahahawakan, at mayroon ding ilang bagay na hindi nahahawakan na hindi nakikita ng mga mata. Kabilang sa mga bagay na ito na nahahawakan ang mga bundok, ilog, kagubatan, lupa, disyerto, ang North at South Pole, ang araw, mga bituin, at buwan, pati na rin ang iba’t ibang hayop at halaman, at iba pa. Kabilang sa mga bagay na hindi nahahawakan ang mga mikroorganismo, hangin, maging ang mga ultraviolet ray sa sikat ng araw, pati na rin ang mga sinaliksik ng mga tao—ang tinatawag na mga atom at enerhiya, ang ilan sa mga hindi nakikitang sustansya na nilalaman ng hangin at tubig, at iba pa. Lahat ng makroskopikong bagay na ito na nahahawakan, kasama na ang mga mikroorganismo at mga sangkap na nilalaman ng mga bagay tulad ng sikat ng araw at hangin na hindi nakikita ng mga tao—lahat ng bagay na ito ay magkakasamang bumubuo sa kapaligiran para sa pamumuhay na mahalaga para sa pananatiling buhay ng tao. Kung lilitaw ang mga problema sa kapaligirang ito para sa pamumuhay, mahaharap sa mga hamon at manganganib ang pananatiling buhay at kinabukasan ng sangkatauhan. Kaya, ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay isang pangunahing kondisyong kinakailangan para sa pagpapanatili ng food chain, at ang pag-iral naman ng food chain ay bumubuo ng isang pangunahing kondisyon para sa pananatiling buhay ng sangkatauhan. Kaya, ang mga batas at panuntunan man, ang food chain, o tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain, kung may lilitaw na problema sa alinman sa mga ito, tiyak na makakaapekto ito sa pananatiling buhay ng sangkatauhan—ibig sabihin, makakaapekto ito sa pananatiling buhay ng pisikal na buhay ng nilikhang ito, ng sangkatauhan. Kaya, para sa Diyos, hindi dapat magkaroon ng mga problema sa mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, sa food chain, tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain; dapat mapanatili, masuportahan, at maipagpatuloy sa maayos na paraan ang lahat ng ito—sa ganitong paraan lamang maaaring patuloy na manatiling buhay ang sangkatauhan at masuportahan ang kanilang mga pisikal na buhay.

Ano ang isyung nauugnay sa patuloy na pananatiling buhay ng sangkatauhan? Sa mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, kinakailangan ang mas malalawak na aspekto—mga bagay tulad ng araw at gabi, at ang apat na panahon. Sa loob ng mga ito, sa pangkalahatan ay walang anumang bagay na itinuturing ng mga tao na masama ayon sa kanilang mga imahinasyon. Pagdating sa iba’t ibang bagay na may buhay tulad ng mga puno, bulaklak, at halaman, dahil wala silang anumang uri ng nakamamatay na epekto sa mga tao, hindi nagkakaroon ng anumang kuru-kuro ang mga tao tungkol sa mga ito. Gayumpaman, may ilang nakakalason at nakapipinsalang bagay sa food chain, tulad ng mga lamok, na may ilang negatibong epekto sa katawan ng tao. Ang mga ito ay mga bagay na, batay sa kanilang mga kuru-kuro, ay hindi gusto ng mga tao—lalo na ang ilang lubhang makamandag na bagay na may buhay, tulad ng ilang partikular na ahas, alakdan, at alupihan. Kung gayon, bakit nilikha ng Diyos ang mga makamandag na bagay na ito? Ano ang Kanyang layunin sa paglikha sa mga ito? Anong papel ang ginagampanan ng mga ito sa food chain? Ito ay napakahalaga. Bagama’t kung huhusgahan batay sa anyo o kalikasan ng mga ito, o sa ilang katangian sa buhay na taglay ng mga ito sa gitna ng iba pang bagay na may buhay, tila hindi gumaganap ng isang positibong papel ang mga ito, bakit sinasabing mga positibong bagay ang mga ito? Dapat itong ipaliwanag mula sa perspektiba ng food chain. Hindi tayo nag-aaral ng biyolohiya—hindi natin tatalakayin ang mga bagay mula sa isang siyentipikong perspektiba, kundi titingnan natin ito mula sa perspektiba ng layunin ng Diyos sa paglikha ng mga bagay na may buhay na tulad nito. Sa isang banda, binigyan ng Diyos ang mga ito ng isang natatanging kasanayan para tiyakin ang pananatiling buhay ng mga ito, na nagpapahintulot sa mga ito na panatilihin ang buhay ng mga ito sa ganitong paraan. Sa kabilang banda, gumaganap din ang mga ito ng isang partikular na papel sa food chain—ang paraan ng pananatiling buhay ng mga ito at ang kamandag na inilalabas ng mga ito ay maaaring magbigay ng mga kinakailangang sustansya o mapagkukunan ng pagkain para sa iba pang bagay na may buhay. Bukod diyan, nagbibigay rin ang mga ito ng mga kinakailangang kondisyon para sa transmisyon, pagpaparami, derivation, at ebolusyon ng bakterya at sa transmisyon ng mga gene sa buong biosphere, na gumaganap ng isang partikular na papel sa bagay na ito. Tanging sa pag-iral ng mga bagay na may buhay na ito maaaring mapanatili ng biosphere ang balanseng henetiko at ang isang balanse sa usapin ng pagkakaiba-iba ng bakterya, na nagpapanatili sa ekwilibriyo ng iba’t ibang uri ng bakterya. Gamitin nating halimbawa ang mga lamok at langaw. Kinakain ng mga ito ang ilang parasito at nagpapakalat din ang mga ito ng ilang bakterya. Hindi na tayo magpapalalim pa; ito ay ang simpleng konsepto lang na ito. Sa madaling salita, ang ilang espesyal na bagay na may buhay ay may ilang partikular na mga papel para sa sangkatauhan, at gumaganap din ng isang kailangang-kailangang papel sa food chain. Pinapanatili ng napakahalagang papel na ito ang pag-iral ng food chain. Ang lahat ng bagay ay maaari lamang mabuhay at magpatuloy sa isang maayos na paraan kung umiiral ang food chain na ito at hindi ito nasisira. Dahil ang lahat ng bagay ay may ugnayan kung saan ang mga ito ay nagpapalakas sa isa’t isa, kumokontra sa isa’t isa, at magkakasamang umiiral, hindi dapat masira ang food chain. Ang pag-iral ng iba’t ibang bagay na may buhay sa loob ng food chain ay dapat mapanatili sa isang balanseng kalagayan, at dapat mapanatili ang espasyong pinamumuhayan at pag-iral ng mga ito. Samakatwid, ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay na itinatag ng Diyos ay napakahalaga. Tanging ang pag-iral ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay ang makakatiyak sa pagpapatuloy ng food chain at makagagarantiya na hindi ito masisira. Ang pag-iral, pagpapatuloy, at proteksyon ng food chain ay isang pangunahing garantiya na makakakuha ang mga tao ng tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain. Tanging kapag mayroon ang mga tao ng pangunahing garantiya na ito maaaring mapanatili ang kanilang mga pisikal na buhay; saka lamang sila maaaring magparami at mamuhay sa tahanang ito sa lupa, isang kapaligiran para sa pamumuhay na tulad nito. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ng kinabukasan at pag-asa ang sangkatauhan.

Mga Prinsipyo para sa Pagtrato sa Lahat ng Bagay na Nilikha ng Diyos

Ang mga batas at panuntunang sinusunod ng apat na panahon, araw at gabi, at hangin, namumuong hamog, niyebe, at ulan—mga bagay na umiiral sa ilalim ng mga batas at panuntunang nilikha ng Diyos—pati na rin ang mga anyo ng paglitaw ng mga ito, ay, sa anumang sukatan, mga positibong bagay na nilikha ng Diyos. Para naman sa iba’t ibang bagay na may buhay—anuman ang mga anyo ng mga ito, ang mga paraan ng pananatiling buhay ng mga ito, o mga paraan ng pangangaso o pagkuha ng pagkain ng mga ito—sa madaling salita, hangga’t namumuhay ang mga ito sa loob ng mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos, at hangga’t ang mga ito ay isang esensyal at kailangang-kailangang bahagi ng food chain na nilikha ng Diyos, ang mga ito ay mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos. Hindi dapat husgahan ng mga tao ang mga ito batay sa sarili nilang mga pananaw at kagustuhan. Maaaring sabihin ng isang tao, “Kung gayon, mga positibong bagay ba ang mga lamok at langaw? Paano naman ang mga makamandag na ahas, alupihan, at alakdan? At lalo na ang mga palaka, na napakapangit—mga positibong bagay rin ba ang mga ito?” Ano ang tumpak na paraan ng pagsasabi nito? Ang mga papel na ginagampanan ng mga espesyeng ito na nilikha ng Diyos at ang mga batas at panuntunang sinusunod ng mga ito ay pawang mga positibong bagay. At paano naman ang mga pisikal na anyo at hitsura ng mga ito—mga positibong bagay ba ang mga ito? Maaari ninyong tawaging mga positibong bagay ang mga ito kung talagang kinakailangan, ngunit hindi mga negatibong bagay ang mga ito. Sa pinakamababa, batay sa mga panuntunang sinusunod ng mga ito, sa mga papel na ginagampanan ng mga bagay na may buhay na ito, at sa pangangailangan sa mga ito sa food chain, umiiral ang mga ito bilang mga positibong bagay. Hindi ba’t tumpak ang ganitong paraan ng pagsasabi nito? (Oo.) Sa tumpak na pananalita, dahil sinusunod ng gayong mga bagay na may buhay ang mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos at tinutupad ang mga responsabilidad at misyon na inilatag ng Diyos para sa mga ito—dahil tinutupad ng mga ito ang misyon ng mga ito, ito man ay pagkakalat ng bakterya o pagpapanatili ng ekwilibriyo sa pagpaparami ng iba’t ibang mikroorganismo—kung titingnan ito sa usapin ng mga papel na ginagampanan ng mga ito at sa kabuluhan at layunin ng paglikha sa mga ito ng Diyos, ang mismong pag-iral ng mga ito ay isang positibong bagay. Kung sasabihin nating ang lamok mismo ay isang positibong bagay, maaaring medyo mahirap itong maunawaan o matanggap. Gayumpaman, kung huhusgahan batay sa layunin ng Diyos sa paglikha rito, sa mga batas at panuntunang sinusunod nito, at sa papel na ginagampanan nito sa food chain, ito ay kailangang-kailangan—at kaya isa itong positibong bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil mga positibong bagay ang mga lamok, nangangahulugan ba iyon na kailangan nating tanggapin ang mga ito, at na hindi natin dapat patayin ang mga ito?” Kung kakagatin ka ng isang lamok, dapat mo pa rin itong patayin. Kung may isang langaw na nag-iingay sa paligid mo habang kumakain ka, maaari mo itong itaboy o patayin. Ito ay dahil ang kabawasan ng isa o dalawang lamok o langaw ay hindi magdudulot ng anumang problema sa food chain, ni makakaapekto sa pagtupad ng mga nilalang na ito sa misyon ng mga ito. Kung nais ng gayong nilalang na tuparin ang misyon nito, dapat itong humanap ng tamang lugar para gawin ito. Hindi ito kailangan sa mga kapaligiran kung saan namumuhay ang mga tao, kaya itaboy mo lang ito at iyon na iyon—mamuhay ka nang payapa kasama nito. Kung hindi ito namumuhay nang payapa kasama mo at patuloy kang ginugulo, ayos lang na itaboy o patayin ito. Ito ay tinatawag na makatwirang pamamahala at tamang pagtrato. Sinasabi ng ilang tao, “Palagi akong ginugulo at pinapapak ng mga lamok. Puwede ko bang isumpa ang mga ito?” Hindi iyan kailangan. Puwede mo na lang patayin ang mga ito. May karapatan kang patayin ang mga ito; ito ay ganap na naaayon sa prinsipyo kung paano dapat tratuhin ng sangkatauhan—ang tagapamahala ng lahat ng bagay—ang lahat ng bagay. Halimbawa, kung may isang makamandag na ahas na pumasok sa iyong tahanan, at nakita mong hindi ito nararapat doon, itaboy mo lang ito sa kakahuyan. Kung makagat at malason ka nito, kailangan mong humanap ng paraan para magpagamot kaagad. Hindi mo na kailangang subukang hanapin ito para maghiganti at patayin ito. Kung muli kang masaktan nito, hindi ba’t mas magiging problematiko iyon? Kaya, huwag mo na itong patulan; matuto ka na lang na mag-ingat laban dito. Ang matuto ng isang aral mula sa usaping ito ang gagawin ng isang matalinong tao. Ano ang tatlong prinsipyong kakatalakay lang natin? (Una, tiyakin na isa itong positibong bagay. Ikalawa, kung lumitaw ito malapit sa iyo at ayaw mo itong pakialaman, lumayo ka na lang dito—huwag mo itong hayaang lumapit, at huwag mo itong hayaang guluhin ka. Ikatlo, magkaroon ka ng tamang pananaw tungkol dito. Huwag kang masuklam o mamuhi rito. Sa halip, tanggapin at kilalanin mo ito, at pagkatapos ay pamahalaan ito nang makatwiran.) Pamahalaan mo ito nang makatwiran at tratuhin mo ito nang tama. Huwag kang magreklamo tungkol sa Diyos o humusga na nagkamali ang Diyos sa paglikha rito, o na maaaring nagkamali Siya dahil lang sa ginulo ka nito o minsan ay nagdulot sa iyo ng ilang problema, o kinagat at nilason ka pa nga—hindi tama ang ganitong paraan ng pagtingin dito. Maaaring hindi mo ito napamahalaan nang maayos, o maaaring nagkamali itong pumasok sa iyong tahanan at ginulo ka. Ngunit kung haharapin mo ito nang malumanay, sasabihang, “Naligaw ka ng landas, hindi mo ito tahanan. Kung wala kang masamang hangarin sa akin, hindi kita sasaktan. Pumunta ka na kung saan ka dapat naroroon,” at makikita nitong hindi mo ito sasaktan, tatalikod ito at aalis nang kusa. Sasabihin mo rito, “Paalam. Hanggang sa muli nating pagkikita! Nakatadhana ang pagkikita natin sa pagkakataong ito. Kung nakatadhanang magkita tayong muli, hahayaan pa rin kitang makaalis.” Pagkarinig dito, iisipin nito, “Mabubuti ang mga tao. Talagang alam nila kung paano kami pamahalaan. Wala silang masamang hangarin.” Hangga’t hindi mo ito sinasaktan, hindi ka rin nito sasaktan. Sinasaktan ng ilang hayop ang mga tao dahil palaging sinasaktan ng mga tao ang mga ito; sinasaktan lang ng mga ito ang mga tao pagkatapos magkaroon ng malalim na pagkamuhi sa kanila, ginagawa ito dahil sa kahangalan at kalupitan ng mga tao. Sa isipan ng gayong mga nilalang, natural na wala silang anumang malalim na pagkamuhi o pagkamapanlaban sa mga tao. Tingnan mo, nang itayo ni Noe ang arka, wala sa mga hayop ang nanakit ng sinuman, at kaya pa ngang makisalamuha ni Noe sa mga hayop at sanayin ang mga ito. Noong panahong iyon, magkakaibigan ang mga tao at hayop. Kalaunan, lumalim nang lumalim ang katiwalian ng mga tao, at naging lubos silang malupit, palaging gustong manghuli ng mga hayop para sa karne ng mga ito, at kaya lumaki ang malalim na pagkamuhi sa pagitan ng mga tao at iba’t ibang hayop. Ang mga hayop na karniboro, sa sandaling maamoy ng mga ito ang isang tao, ay nakakaramdam na may masarap na pagkain na inihain, at gusto ng mga itong kumain hanggang mabusog. Aling panig ang nagdulot nito? Ito ay ganap na idinulot ng lubos na kalupitan ng sangkatauhan. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Tingnan man mula sa makroskopiko o mikroskopikong perspektiba, ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay tiyak na mga positibong bagay. Tingnan man ang mga ito batay sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa mga ito, sa mga batas at panuntunang nilikha ng Diyos para sa mga ito, o sa layunin at epektong nakamit sa huli, lahat ng ito ay umiiral para sa sangkatauhan; lahat ng ito ay idinisenyo at nilikha para sa mga tao sa kanilang papel bilang mga tagapamahala ng lahat ng bagay. Kaya, anuman ang mga anyo o hitsura ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, o anuman ang pansamantalang epekto ng mga ito sa mga tao, dapat tratuhin, pamahalaan, at unawain ng mga tao ang mga ito nang tama, at tanggapin ang mga ito mula sa Diyos—ito ay may sukdulang kahalagahan. Una, dapat tiyakin ng mga tao na, hangga’t ang isang bagay ay nilikha ng Diyos—mabuti man ito o masama, maganda man o pangit; anuman ang uri ng anyo nito; at, higit sa lahat, anuman ang uri ng pansamantalang epekto nito sa laman ng tao—sa madaling salita, hangga’t ito ay nagmula sa Diyos, at nilikha ng kamay ng Diyos, mayroon itong maiaambag sa pundamental na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Batay rito, dapat tanggapin ng mga tao mula sa Diyos ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at hindi basta-basta o sarilinang piliin kung kokondenahin o tatanggapin ang mga ito batay sa kanilang sariling mga pananaw at kagustuhan. Sa halip, dapat nilang gamitin ang perspektiba ng isang nilikha para unawain ang mga ito, dapat silang matutong pamahalaan ang mga ito at tratuhin ang mga ito nang tama, at—para maging mas mahusay pa—matutong makisama at makipag-ugnayan sa mga ito nang tama. Ito ang responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng mga tao—ang mga panginoon ng mundong ito at ang mga tagapamahala ng daigdig na ito, na nilikha ng Diyos. Ito ang papel na dapat gampanan ng mga tao sa gitna ng lahat ng iba pang nilalang, at isa rin itong prinsipyo na dapat sundin ng mga tao nang higit sa lahat, na nagmumula sa pananaw ng pagkatao. Kung hindi mo gusto ang ilang partikular na bagay na nilikha ng Diyos, maaari kang lumayo sa mga ito. Kung gusto mo ang mga ito, maaari kang makipag-ugnayan nang malapitan sa mga ito at lapitan ang mga ito para matutunan at pamahalaan ang mga ito—o, ang mas mabuti pa, para protektahan ang kapaligiran ng buhay ng mga ito, tratuhin ang mga ito nang may kabaitan, iwanan ang mga ito ng sapat na espasyo ng buhay, at pangalagaan at maayos na itaguyod ang karapatan ng mga ito na manatiling buhay. Ang totoo, mahihina ang lahat ng bagay kumpara sa mga tao. Bagama’t binigyan ng Diyos ang lahat ng bagay ng mga kasanayan at instinto para sa pananatiling buhay, walang ibang espesye maliban sa mga tao ang nakakagawa ng mga kasangkapan at sandata; wala sa mga ito ang may kapangyarihang sirain ang mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos, ni nagkukusa ang mga ito na gawin iyon. Tanging ang mga tao ang may walang katapusang kasakiman—kapwa sa kanilang mentalidad at sa kanilang mga hinihingi—sa iba’t ibang uri ng mga bagay na may buhay at sa lahat ng bagay. Kasabay nito, tanging ang mga tao ang nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik, nakikibahagi sa paggawa ng kemikal, at gumagawa ng iba’t ibang kasangkapan at sandata para sa kapakanan ng pananatiling buhay o para sa isang mas magandang buhay. At tanging ang mga tao ang nakakapag-aral ng kaalamang akademiko at nakakapagsaliksik o nakakapagbago sa mga kapaligiran ng buhay ng iba’t ibang bagay na may buhay. Gayumpaman, karamihan sa ginawa ng mga tao tungkol sa pananatiling buhay ng iba’t ibang hayop at bagay na may buhay at sa mga batas ng food chain, ay naging mapanira at mapanggulo, at hindi nakabubuti. Kaya, sa huling pagsusuri, tanging ang mga tao ang nakakagawa ng mga sandata para patayin ang isa’t isa at wasakin ang sarili nilang pangunahing kapaligiran ng buhay. Tanging ang mga tao ang nagpapaunlad ng industriya, lalo na ng industriya ng kemikal, na gumagawa ng lahat ng uri ng mga nakapipinsalang sangkap na sumisira at wumawasak sa mundo na tinitirhan ng sangkatauhan—ang nag-iisa at tanging tahanang ito para sa kanilang pananatiling buhay. At tanging ang mga tao mismo ang naging sanhi na marumihan at masira ang pangunahing tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na kailangan para sa kanilang pananatiling buhay. Ang ibig sabihin nito ay ang mga tao mismo ang sumira sa sarili nilang landas tungo sa pananatiling buhay; hindi ito idinulot ng ibang bagay na may buhay. Samakatwid, bilang mga panginoon ng lahat ng bagay, kung paano dapat maayos na gampanan ng mga nilikhang tao ang papel ng pamamahala sa lahat ng bagay, kabilang na ang lahat ng bagay na may buhay, ay may sukdulang kahalagahan. Kung patuloy na gagamit ang mga tao ng mga siyentipikong pamamaraan para gumawa ng mga sandata o iba’t ibang kasangkapan, o makikibahagi sa paggawa ng kemikal, magdudulot ito ng mapaminsalang sakuna, para sa kanilang sarili man o sa ibang bagay na may buhay. Ibig sabihin, personal na niyurakan ng mga tao ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay gamit ang sarili nilang mga kamay, at personal ding sinira ang food chain. Siyempre, ang mga tao ang personal na sumira sa mundo, ang tahanan kung saan sila umaasa para sa pananatiling buhay. Ito ay lubhang kalunos-lunos. Sino ang dapat sisihin sa lahat ng kahihinatnang ito? (Ang mga tao.) Ang mga ito ay dahil sa paninira at pagwasak ng mga tao sa mga positibong bagay na nilikha ng Diyos. Sa huli, maaari lamang anihin ng mga tao kung ano ang kanilang itinanim. Kung, sa simula pa lang, nagawa na ng mga tao na malaman ang iba’t ibang papel na ginagampanan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, na igalang, pahalagahan, at alagaan ang iba’t ibang bagay na may buhay, na sundin ang mga panuntunan at mga batas na itinatag ng Diyos para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at na protektahan ang pangunahing kapaligiran ng mundo, ang tahanan kung saan sila umaasa para sa pananatiling buhay, kung gayon ay hindi sana umabot ang sangkatauhan sa puntong kinalalagyan nila ngayon. Kaya, tungkol sa paksa na lahat ng nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay, ang dapat maunawaan ng mga tao ay ang kabuluhan ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay, pati na kung bakit dapat sundin ng mga tao ang mga ito at kung paano nila dapat gawin ito. Kasabay nito, dapat malaman ng mga tao na ang layunin ng Diyos sa paglikha sa lahat ng ito ay para sa kapakanan ng sangkatauhan, at kaya dapat nila itong pahalagahan at protektahan. Kung hindi mo kayang maunawaan ang kabuluhan ng lahat ng ito, kahit papaano ay dapat mo itong ituring bilang isang positibong bagay, bilang isang esensyal at kailangang-kailangang positibong bagay kung saan nakasalalay ang iyong pananatiling buhay, at pahalagahan, alagaan, at pamahalaan ito. Dapat mo itong tratuhin nang tama at protektahan sa iyong katayuan at papel bilang panginoon. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ng kinabukasan at pag-asa ang sangkatauhan, at magagawang patuloy na mamuhay nang maligaya, hindi ba? (Oo.)

Mas malinaw na ba ngayon ang paksa ng pagiging positibong bagay ng lahat ng nilikha ng Diyos? (Oo.) Tiyakin natin sa huling pagkakataon ang wastong paraan ng pagtrato sa iba’t ibang bagay at bagay na may buhay na nilikha ng Diyos. Sige, ulitin ninyo ang tatlong prinsipyong pinagbahaginan natin kanina lang. (Una, hangga’t ang isang bagay ay nasa saklaw ng mga positibong bagay gaya ng pagpapakahulugan ng Diyos, dapat nating tiyakin sa ating puso na ito ay nagmula sa Diyos, na isa itong positibong bagay, at na may kabuluhan sa likod ng paglikha rito ng Diyos; ito ay para matuto ang mga tao ng ilang aral mula rito. Ikalawa, batay sa pagtiyak na isa itong positibong bagay, kung hindi natin ito gusto o ayaw nating makaugnayan ito, maaari natin itong balewalain. Kung nakakasagabal ito sa ating buhay, maaari natin itong itaboy o layuan, at dapat din tayong matuto ng ilang leksyon at kumuha ng aral mula rito. Panghuli, kung ito ay nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi tayo dapat masuklam dito o mamuhi rito, kundi sa halip ay tanggapin at kilalanin ito nang may tamang saloobin, at pamahalaan ito nang makatwiran.) Ang pamamahala rito nang makatwiran ay napakahalaga. Kung hindi alam ng mga tao kung paano pamahalaan ang lahat ng bagay sa mundo na nilikha ng Diyos, malamang na magkaroon ito ng masasamang epekto sa kanilang pananatiling buhay. Kung masisira ang mga batas at pag-iral ng food chain, malalagay sa panganib ang pananatiling buhay ng sangkatauhan. Hindi ba’t kasalukuyang nasa ganitong kapaligiran para sa pamumuhay ang sangkatauhan? (Oo.) Nagpaunlad ang sangkatauhan ng industriya sa malawakang saklaw, naglalabas ng maruruming hangin, maruming tubig, at mga nakalalasong sangkap na nagparumi sa mga ilog, lawa, at maging sa tubig sa ilalim ng lupa. Wala nang malinis na tubig na maiinom; tanging niresiklong tubig na artipisyal na pinroseso ang maiinom ng mga tao, na, bagama’t hindi nakalalason, ay may labis na mas kakaunting sustansya. Ang mga isda sa mga ilog, lawa, at dagat ay narumihan na rin at masama sa kalusugan. Hindi madaling makahanap ng anumang pagkain na hindi pa nakokontamina. Hindi ba’t inilalagay ng sangkatauhan ang sarili nito sa desperadong kalagayan? Hindi ba’t ito ay idinulot ng sangkatauhan mismo? Hindi lamang ang inuming tubig ang narumihan, kundi masama rin ang hangin; maraming nakapipinsalang sangkap sa hangin, at ngayon, kahit pa gusto mong lumanghap ng malinis na hangin, mahirap itong gawin—kung minsan ay kailangan pa ngang magsuot ng face mask ang mga tao para maprotektahan sila laban sa mga virus. Terible ang kalidad ng hangin, nag-iingat ang mga tao sa pagkain ng lahat ng uri ng pagkain, at nagkakaroon na ngayon ang mga tao ng lahat ng uri ng sakit, at may ilang kabataan ding nagkakaroon ng kanser o diabetes. Sino ang nagdulot ng lahat ng kahihinatnang ito? (Ang mga tao.) Lahat ng ito ay idinulot ng mga tao. Ganito pinamahalaan ng mga tao ang tahanan sa lupa na nilikha ng Diyos para sa kanila, pinahihirapan ang kanilang sarili hanggang sa puntong hindi na sila makakain o makainom nang maayos, ngunit napakasaya pa rin ang pakiramdam. Ito ang ibinubunga ng pag-iwan sa Diyos; walang kaligayahang masasabi. Ang tanging daan palabas para sa mga tao ngayon ay ang tanggapin ang pagliligtas ng Lumikha, ang hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng pagkatakot sa Diyos. Sa ganitong paraan ka lang maliligtas, magkakamit ng pag-asang mabuhay, at magiging miyembro ng bagong sangkatauhan. Ganoon lang kasimple; walang ibang paraan. Pakiramdam ng mga taga-Silangan ay marangal ang sibilisasyon ng Kanluran, at na tiyak na may daan palabas ang mga taga-Kanluran. Mayroon nga ba? (Wala.) Pakiramdam ng mga taga-Silangan ay labis silang nagdusa, napuno ng matinding pagkamuhi, at nagtiis ng napakaraming paghihirap, at kailangan silang iligtas ng mga taga-Kanluran. Palagi nilang iniisip na isang paraiso ang Kanluran, na ang pagpunta sa Kanluran ay pagpasok sa langit, na magiging malaya at masaya sila sa Kanluran. Ngunit hindi nararamdaman ng mga taga-Kanluran na mayroon silang gaanong kaligayahan. Sinasabi nila, “Bagama’t medyo mas masagana ang aming buhay kaysa sa mga nasa Silangan, hindi naman kami gaanong mas masaya.” Hangga’t isa kang tao sa mundong ito, isang miyembro ng lahi ng tao, wala kang kaligayahan sa mundong ito, dahil, sa pamumuhay sa tahanang ito sa lupa, lahat ng tinatanggap mo ay nagmumula kay Satanas. Maging ito man ay mga kaisipan at pananaw ng tao o mga batas para sa pananatiling buhay, maging ito man ay edukasyon ng Silangan o Kanluran, walang isa mang bagay na makapagdudulot sa iyo na maisabuhay ang wangis ng isang tunay na tao, at walang anumang uri ng panlipunang edukasyon o kaisipan o pananaw na makapagpapahintulot sa iyo, bilang isang nilikha, na magkaroon ng matatag na katayuan sa mundo ng tao. Dahil ang sangkatauhang ito ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at kontrolado ni Satanas, ang tanging paraan para mabuhay ang mga tao ay ang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, tanggapin ang lahat ng katotohanang nagmumula sa Diyos, magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at matamo ang kaligtasan. Saka lamang tunay na makakabalik ang sangkatauhan sa isang mundo kung saan malayang umeepekto ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at tunay na mamumuhay sa isang mundo na may kompletong food chain—sa ganitong paraan lamang tunay na magagampanan ng sangkatauhan ang papel ng tagapamahala ng lahat ng bagay, at matutupad ang mga responsabilidad ng papel na ito. Bukod dito, wala nang pangalawang daan na maaaring tahakin ng sangkatauhan. Ito ang tanging daan palabas para sa sangkatauhan, ang tanging daan palabas na makapagdudulot ng pag-asa at kaligayahan sa sangkatauhan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kapag naunawaan mo na, magkakaroon ka ng landas na tatahakin. Magsikap at maghangad ka lang sa direksyong ito, tungo sa layong ito. Huwag kang lumingon, huwag kang sumuko, at huwag kang huminto kailanman!

Hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam!

Abril 14, 2024