Paano Hangarin ang Katotohanan (19) Ikaapat na Bahagi
Ang iba’t ibang pakultad na kasama sa mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao, o ang kakayahan at mga abilidad na likas na tinataglay ng mga tao, ay walang kinalaman sa edukasyon ng Kanluran o Silangan. Ang iba’t ibang pakultad sa loob ng mga likas na kondisyong ibinigay ng Diyos sa mga tao ay mga positibong bagay. Bakit Ko sinasabing mga positibong bagay ang mga ito? Dahil ang mga likas na kondisyong ito ay nagmumula sa Diyos. Sa partikular, ang pagtataglay ng mga likas na kondisyong ito ay nagtutulot sa isang nilikhang tao na tanggapin ang mga positibong bagay, at matuto mula sa, magnilay sa sarili batay sa, umarok, at umunawa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap niya sa tunay na buhay. Ito ay isinasaayos at inihahanda ng Diyos para sa mga tao, kaya isa itong positibong bagay. Maging edukasyon man ng Silangan o Kanluran, o kultura man ng Silangan o Kanluran, wala sa mga ito ang may kinalaman sa katotohanang itinuturo at ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Sumasalungat pa nga ito sa katotohanan at sa pagkataong hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Samakatwid, hindi positibong bagay ang edukasyon ng Silangan o ang edukasyon ng Kanluran. Nagmula man ito sa lipunan, sa masasamang kalakaran, o sa isang naghaharing uri, hindi ito positibo. Kahit na ang edukasyon ng Kanluran ay medyo mas makabago at mas mahusay kaysa sa edukasyon ng Silangan, na kayang magbigay sa mga tao ng kaunting kalayaan at tugunan ang ilan sa kanilang mga pangangailangan, ginagamit lang nito ang malayang kalooban ng mga tao at ang kanilang pakultad na mag-isip tungkol sa mga isyu at malayang magpahayag ng mga opinyon. Ibig sabihin, ginagamit nito ang mga positibong bagay, ngunit ang mga kaisipang isinusulong nito at ang mga mithiing nilalayon nitong makamit ay hindi para akayin ang mga tao na lumakad sa tamang landas, ni para tulungan silang maging mga tunay na nilikhang tao na gusto ng Diyos. Kaya, dahil dito, kahit na nakahihigit ang edukasyon ng Kanluran kaysa sa edukasyon ng Silangan o natutugunan nito ang mga pangangailangan ng pagkatao, hindi nito, sa pamamagitan ng paggamit sa malayang kalooban ng mga tao o sa ilang partikular na pakultad, nagawang bigyang-kakayahan ang mga tao na magpasakop sa Diyos, kumilos nang wasto bilang mga nilikha, at tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Hindi rin nadala ng edukasyong ito ang mga tao sa harap ng Diyos o natulungan silang maging may kakayahang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Iisa ang papel ng edukasyon ng Silangan at Kanluran: Pareho nitong inilalayo ang mga tao sa Diyos at sa katotohanan. Kultura man ito ng Silangan o kultura ng Kanluran, parehong lumitaw ang mga ito sa mas malawak na panlipunang kaligiran ng pamamahala ni Satanas sa sangkatauhan at sa pamamagitan ng proseso ng pagtiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Kaya, maging edukasyon man ito sa anyong kultural ng Silangan o sa anyong kultural ng Kanluran, lahat ay namumuhay sa mundong ito ng tao na nasa ilalim ng katiwalian ni Satanas. Gayundin, ginawang tiwali rin ang sangkatauhan sa iba’t ibang lipunan o sa ilalim ng edukasyon ng iba’t ibang anyo ng lipunan, at ang resulta ng katiwaliang ito ay na nagkaroon ang mga tao ng isang pagkatao na—sa iba’t ibang antas at anyo ng kultura—may mga tiwaling disposisyon bilang buhay nito. Taglay ng mga taga-Silangan ang mga tiwaling disposisyon ng mga katangian ng pagkatao na nabuo ng kultura ng Silangan, habang taglay naman ng mga taga-Kanluran ang mga tiwaling disposisyon ng mga katangian ng pagkatao na nabuo sa konteksto ng kultura ng Kanluran. Bagama’t maaaring mukhang magkaiba ang mga taga-Silangan at taga-Kanluran pagdating sa mga katangian ng kanilang pagkatao, pagdating sa kanilang mga tiwaling disposisyon, dahil pareho silang ginawang tiwali ni Satanas, parehong namumuhay ang mga taga-Silangan at taga-Kanluran sa loob ng parehong mga tiwaling disposisyon, at parehong nagtataglay ng isang pagkatao na may parehong mga tiwaling disposisyon bilang buhay nito. Sa ganitong paraan, pareho ang kalikasang diwa ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran: Pareho silang mapanlaban sa katotohanan at sa Diyos. Kaya, walang kapuri-puri sa mga taga-Silangan o sa mga taga-Kanluran. Kultura man ng Silangan o kultura ng Kanluran, sa presensya ng Diyos at ng katotohanan, parehong mga negatibong bagay ang mga ito, na walang anumang kapuri-puri. Parehong sumasalungat ang mga sibilisasyon ng Silangan at Kanluran sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa sangkatauhan, na sambahin Siya ng sangkatauhan; ginagamit nila ang kani-kanilang mga anyo ng edukasyong pangkultura para agawin ang mga tao, na nasa hanay ng mga nilikha, mula sa presensya ng Diyos. Sa aspektong ito, pareho ang Silangan at ang Kanluran, hindi ba? (Oo.) Walang kapuri-puri sa Silangan, ni sa Kanluran. Tingnan mo, bagama’t parehong tinanggap ng mga ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, pagkatapos itong tanggapin ng mga taga-Silangan, agad silang nagsisimulang magpatuloy ng mga kapatid sa bahay nila at maagap nilang isinasama ang mga ito para ipangaral ang ebanghelyo sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan; mayroon silang matinding sigasig at sigla para sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo—ang mga taga-Kanluran naman, sa kabilang banda, ay iba. Lubha silang maingat sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Kahit kalahating taon o isang taon na pagkatapos nilang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, kapag tinanong mo sila kung naipangaral na ba nila ang ebanghelyo sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan, sinasabi nila, “Karamihan sa mga magulang, kamag-anak, kaibigan, at kasamahan ko sa simbahan ay may sari-sarili nilang nagsasariling kaisipan at pananaw tungkol sa usapin ng pagbabalik ng Panginoon. Kailangan ko itong pag-isipang mabuti at kausapin muna sila bago ko sila maibigay sa inyo bilang mga posibleng ebanghelyuhan. Ang pangunahing katangian ng aming pag-asal sa Kanluran ay na dapat naming ipagtanggol ang aming mga karapatan at dapat naming protektahan ang aming nagsasariling espasyo sa pinakamataas na antas. Paano mo basta-basta na lang maipapangaral ang ebanghelyo sa mga tao nang walang pagsasaalang-alang?” Sasabihin mo, “Ipinapangaral mo ang ebanghelyo sa kanila para masalubong nila ang Panginoon, matamo nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw, at magkaroon sila ng pagkakataong matamo ang kaligtasan at makaligtas sa mga sakuna. Ito ang atas ng Diyos, at ito ang responsabilidad na dapat mong tuparin.” Tutugon sila, “Buweno, kailangan ko pa ring protektahan muna ang sarili ko; makapaghihintay ang atas ng Diyos. Kaya kong pagdesisyunan ang usaping ito. Dapat mayroon akong sarili kong nagsasariling mga kaisipan, at hindi ninyo ako maaaring impluwensiyahan. Pinahahalagahan naming mga taga-Kanluran ang demokrasya at kalayaan; may kamalayan kami sa pagtatanggol sa aming mga karapatan. Hindi kami tulad ninyong mga taga-Silangan na may pikit-matang kasiglahan. Lahat kami ay may sarili naming personal na espasyo sa pamumuhay, at walang sinumang nangingialam sa iba.” Nakikita ba ninyo? Sa gayong mga kritikal na sandali natutukoy at napag-iiba ang mga katangian ng pagkatao ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran. Ngunit ano’t anuman, nabuo man ang mga katangian ng pagkatao gamit ang edukasyon ng Silangan o Kanluran—kasiglahan man ito o kawalang-interes—hangga’t namumuhay ang isang tao sa loob ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, miyembro siya ng tiwaling sangkatauhan. Walang pagkakaiba sa pagitan ng marangal at hamak dito; kailangan ng lahat ng tao ng pagkaunawa sa katotohanan, ng pagtustos ng mga salita ng Diyos, ng pagliligtas ng Diyos, at, higit pa rito, ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
Bagama’t ang mga taga-Silangan at taga-Kanluran ay may magkaibang kultura at namumuhay sa magkaibang sibilisasyon sa ilalim ng kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mayroon lang silang iisang pagkakakilanlan sa harap ng Diyos, at iyon ay bilang mga nilikha. Ang batayan ng pagkakapantay-pantay ng mga nilikha ay na pare-pareho ang mga likas na kondisyong nilikha ng Diyos para sa mga tao. Anuman ang pagkakaiba sa kultura sa pagitan ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran, gaano man sila nagkakaiba pagdating sa hitsura, wika, o sa kanilang mga paraan at pamamaraan ng pag-iisip tungkol sa mga isyu, hangga’t sa harap ng Diyos ay isa kang nilikha na ginawa Niya, ang tanging positibong bagay na taglay mo ay ang mga likas na kondisyong ibinigay Niya sa iyo; lahat ng iba pa ay mga negatibong bagay. Maaaring medyo pangkalahatan ang dating nito sa inyo, kaya para maging partikular, lahat ng nasa iyo—bukod sa mga likas na kondisyong ibinigay sa iyo ng Diyos—ay mga bagay na gustong baguhin ng Diyos, at mga bagay na dapat mong baguhin at iwaksi sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Ano ba ang kailangan mong malaman? Ang tinatawag na kultura ng sangkatauhan, Silanganin man o Kanluranin, ay binubuo ng mga kaisipan at pananaw, o mga teorya at pahayag, na idinisenyo ng mga naghaharing uri sa iba’t ibang panahon para ieduka ang masa. Ngunit kultura man ito ng Silangan o Kanluran, wala itong kinalaman sa katotohanan. Kahit pa hindi ito sumasalungat sa katotohanan, hindi pa rin ito matatawag na isang positibong bagay. Gaano man kaganda ang isang partikular na kultura, hindi ito makakapantay sa katotohanan, lalo nang hindi nito kayang kumatawan sa katotohanan. Kahit pa hindi ito itinuturing ng mga tao na isang negatibong bagay, hinding-hindi ito makaklasipika sa kategorya ng mga positibong bagay. Dapat maging malinaw ito sa inyo. Kahit pa ang isang kalakaran ng pag-iisip ay medyo makabago at progresibo sa gitna ng sangkatauhan, at pinangangalagaan nito ang mga karapatan at interes ng mga tao, pati na rin ang kanilang pananatiling buhay, habang hindi sumasalungat sa katotohanan sa anumang paraan, hinding-hindi pa rin ito makaklasipika sa kategorya ng mga positibong bagay. Bakit hindi? Dahil tanging ang mga bagay na nasa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang mga positibong bagay. Kung gayon, bakit ikinaklasipika sa kategorya ng mga positibong bagay ang mga bagay na nasa saklaw na ito? Dahil may kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Sa mas malawak na pananaw, kung titingnan ito mula sa antas ng Diyos at mula sa perspektiba ng Diyos, nauugnay ang mga ito sa kapangyarihan at awtoridad ng Diyos; ng disposisyon ng Diyos; ng mga prinsipyo at orihinal na layunin sa likod ng paglikha, pag-orden, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay na ito; at ng layuning nais Niyang makamit, at ng lahat ng epektong dulot ng mga positibong bagay na nais Niyang itaguyod. Dahil, mula sa antas ng Diyos, nauugnay ang mga ito sa awtoridad, kapangyarihan, at mga kaisipan ng Diyos, pati na rin ng mga itinatag na batas at panuntunang nauugnay sa paggawa ng Diyos sa lahat ng ito at sa epekto nito sa sangkatauhan, tiyak na mga positibong bagay ang mga bagay na nasa saklaw na ito. Mula sa perspektiba ng tao, bawat isang bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay kapaki-pakinabang sa mga tao; umiiral ang lahat ng ito para panatilihin at itaguyod ang maayos na pagpapatuloy ng buhay at pagpaparami ng sangkatauhan. Mayroon ding isa pang mas partikular na punto, na may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos: Umiiral ang mga bagay na ito para bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at mas makilala ang Diyos, sa huli ay tahakin ang landas ng pagtatamo ng kaligtasan, at maging mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan—ito ang resultang dapat makamit. Kaya, tingnan man mula sa perspektiba ng Diyos o mula sa perspektiba ng tao, ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay pawang mga positibong bagay. Walang duda tungkol dito. Pag-isipan ninyo ito—makakapantay ba ang sibilisasyon at kultura ng tao sa mga bagay na nasa antas ng mga salita ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos sa tao? Tiyak na hindi kayang mapantayan o maabot ng mga ito ang gayong mga bagay. Ang nilalaman ng edukasyon o kultura ng tao ay hindi sumasaklaw sa diwa ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, o sa mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan, lalo na sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa lahat ng bagay. Bukod pa rito, mula sa perspektiba ng tao, hindi matutulungan ng ganitong uri ng edukasyon at kultura ang sangkatauhan na makilala ang Diyos, ang Lumikha, ni matutulungan ang sangkatauhan na mamuhay nang mas mabuti, o magparami at mamuhay sa isang normal at maayos na paraan. Sa kabaligtaran, sa loob ng pang-edukasyon na kapaligiran ng ganitong uri ng kultura at sibilisasyon, ang sangkatauhan ay tutungo sa pagbagsak at pagkalipol. Mayroon pang isang mas mahalagang aspekto: Napasailalim sa tinatawag na “edukasyong pangkultura” at “sibilisasyong panlipunan” na ito, hindi kayang maunawaan ng sangkatauhan ang katotohanan, ang kabuluhan ng kanilang pagiging buhay, o ang paraan para manatiling buhay mula sa mga ito. Hindi rin nila kayang magtamo ng isang tamang pananaw sa buhay at tahakin ang landas ng pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan nito, ni maging may kakayahang sumamba sa Diyos, o matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa kabaligtaran, sa isang panlipunang kapaligiran ng gayong edukasyong pangkultura at sibilisasyon, ang sangkatauhan ay lalong nagiging tiwali at buktot, lalong napapalayo sa Diyos, at gumagawa ng kasamaan nang labis-labis. Sa huli, kahit pa hindi wasakin ng Diyos ang sangkatauhan, idudulot pa rin ng sangkatauhan ang sarili nitong pagkawasak. Kung pamamahalaan ng sangkatauhan ang sarili nito, tutungo ito sa pagkawasak; hindi ito maiiwasan. May napakataas na antas ng kultura ang sangkatauhan, napakaraming kaalaman, napakadakilang sibilisasyon, at naniniwala at umaasa sa agham—kaya bakit magdudulot pa rin ito ng sarili nitong pagkawasak? Labis na hinahangad ng sangkatauhan ang kaalaman at iginagalang ang agham, ngunit bukod sa hindi nito naunawaan ang katotohanan o tinahak ang landas ng pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Diyos, at pagkakaroon ng kakayahang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, maaari pa nitong idulot ang sarili nitong pagkawasak. Ano ang nangyayari dito? Ano na ang nangyari sa mundo ngayon dahil sa pamamahala rito ng sangkatauhan? Ang tubig, lupa, at hangin ng buong planeta ay narumihan na, ang ekolohikal na kapaligiran ay lubhang napinsala, at ang buhay ng buong sangkatauhan ay unti-unting nalugmok sa isang desperadong kalagayan. Ito ay isang katunayang nakikita ng lahat, kaya hindi na kailangang magdetalye pa, hindi ba? (Oo.) Kaya, kultura man ng Silangan o Kanluran, anuman ang uri ng sibilisasyong taglay ng sangkatauhan, kahit pa hindi ito sumasalungat sa katotohanan sa anumang paraan, hindi pa rin ito maibibilang bilang isang positibong bagay. Ang mga pananaw, kaisipan, teorya, doktrina, argumento, at pag-uugali na saklaw ng paksang “kultura at sibilisasyon ng tao,” anumang mga produkto, gawa, o reporma na nabubuo sa ilalim ng paksang ito, at iba pa, ay hindi mga positibong bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi mga positibong bagay ang mga ito, nangangahulugan ba iyon na kailangan nating punahin ang mga ito at iklasipika bilang mga negatibong bagay?” Hindi Ko ito sinabi sa pinasimpleng paraan na dalawang magkasalungat na bagay. Maaaring walang kinalaman ang mga bagay na ito sa mga positibo o negatibong bagay, ngunit ano’t anuman, tiyak na hindi mga positibong bagay ang mga ito. Ibig sabihin, kahit pa hindi sumasalungat sa katotohanan ang mga bagay na ito at hindi lumalabag sa prinsipyo ng paglikha, pag-orden, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—kung hindi mga negatibong bagay ang mga ito—hinding-hindi pa rin mga positibong bagay ang mga ito. Sa madaling salita, ito ang sinasabi Ko sa iyo: Kahit pa hindi sumasalungat sa katotohanan ang isang bagay, hangga’t hindi ito nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi ito isang positibong bagay. Ito ang prinsipyo para sa pagkilatis kung ang isang bagay ay isang positibong bagay; dapat mo mismong kilatisin ang mga bagay batay sa prinsipyong ito. Ano ang pinakamahalagang punto rito? Ito ay na kailangang maging malinaw sa iyong puso na, kapag hindi mo malinaw na makita kung ang isang bagay ay positibo o negatibo, maaari mo muna itong isantabi at balewalain. Kapag lumago na ang iyong tayog at malinaw na sa iyo ang katotohanan, natural mo na itong makikilatis. Ngunit sa ngayon, dapat mong malinaw na tukuyin kung aling mga bagay ang mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, at dapat mong tanggapin at tratuhin ang mga ito nang tama. Ito ay kapaki-pakinabang para sa paglago ng iyong buhay. May isa pang mahalagang punto: Kung ang isang bagay ay isang positibong bagay na saklaw ng depinisyon ng mga positibong bagay, hinding-hindi mo ito dapat tratuhin na para bang isa itong negatibong bagay. Ito ay isang usapin ng prinsipyo, at dapat itong maging malinaw sa iyo.