Paano Hangarin ang Katotohanan (19) Ikatlong Bahagi

Ang katangian ng pagkatao na nalilinang ng mga taga-Silangan mula sa kanilang edukasyon sa lipunang Silanganin ay ang pagpipigil at pagtitiis. Sa likod ng pagpipigil at pagtitiis na ito ay talagang naroon ang marami sa mga partikular na kaisipan, pananaw, paraan ng pag-asal, at iba’t ibang saloobin sa lahat ng uri ng bagay na matatagpuan sa pagtuturo ng panlipunang moralidad na Silanganin. Ganito ang lipunang Silanganin. Gayundin, ang lipunang Kanluranin ay mayroon ding sarili nitong dominanteng edukasyong kultural, kung saan nalilinang din ng mga taga-Kanluran ang kani-kanilang mga katangian ng pagkatao. Kung gayon, ano ba itong dominanteng Kanluraning edukasyong kultural? Pangunahin nitong pinahahalagahan ang awtonomiya at pagsasarili. Naiiba ito sa sitwasyon sa lipunang Silanganin, na humihingi sa mga tao na magsakripisyo at ialay ang kanilang sarili para sa bansa at para sa lipunan, gumawa ng mga bagay na walang kaugnayan sa kanilang personal na buhay. Sa kabaligtaran, ang itinuturo ng lipunang Kanluranin sa mga tao ay ang eksaktong kabaligtaran ng hinihingi sa kanila ng lipunang Silanganin. Hindi hinihingi ng lipunang Kanluranin na mag-ambag ka ng anuman sa lipunan, sangkatauhan, o sa dakilang layunin ng bansa; ang pinakadiwa ng edukasyong Kanluranin ay ang pag-isipin ka para sa iyong sarili, ang matuto kang harapin ang sarili mong mga problema, at ang huwag mong abalahin ang iba, ang lipunan, o ang estado. Binibigyan ka nito ng mga nagsasariling karapatan, nagsasariling espasyo para sa pag-iisip, at nagsasariling espasyo para sa sarili, at nililinang nito ang iyong nagsasariling abilidad na mag-isip at ang iyong abilidad na pag-isipan at pangasiwaan ang mga problema nang nagsasarili. Kailangan mong lutasin ang sarili mong mga problema; dapat makapagsarili ka, maging awtonomo, at umasa sa sarili. Mayroong kultural na kaligiran ang Kanluran sa ganitong uri ng edukasyong ideolohikal, at sa kultural na kaligirang ito, nabubuo rin ng mga taga-Kanluran ang ilang partikular na katangian ng pagkatao na may kaugnayan sa diwa ng kanilang ideolohiyang pang-edukasyon. Nabuo ng mga taga-Silangan ang mga katangiang pang-edukasyon at pangkultura ng Silangan sa gitna ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na Silanganin. Dahil taglay ng mga taga-Kanluran ang katangian ng edukasyon ng lipunang Kanluranin, taglay rin nila ang diwa na may kaugnayan sa katangiang iyon. Ang diwa ng katangian ng edukasyon na taglay ng mga taga-Kanluran ay talagang naiiba sa diwa ng katangian ng edukasyon na taglay ng mga taga-Silangan. Ang katangian ng edukasyon na taglay ng mga taga-Silangan ay isang edukasyon sa pagkukunwari, samantalang ang taglay ng mga taga-Kanluran ay isang edukasyon sa pagkamakasarili. Bawat tema ng edukasyong Kanluranin ay nagtuturo sa mga tao na maging nakapagsasarili at awtonomo, na pag-isipan ang sarili nilang mga problema, at harapin at pamahalaan ang sarili nilang mga usapin. Samakatwid, ang edukasyong Kanluranin ay may katangian ng pagiging isang edukasyon sa pagkamakasarili. Ang edukasyong ito sa pagkamakasarili ay lubos na di-katulad ng edukasyong Silanganin; ito ay ibang uri ng katangian. Ang katangiang ito ay umaakay sa mga taga-Kanluran na unahin ang personal na nagsasariling espasyo; ang subhetibong kalooban, pag-iisip, mga kaisipan, mga pananaw, at mga ideya; at ang sarili nilang mga karapatan, ang kanilang kasalukuyang mga kondisyon sa pamumuhay, at ang kanilang kasalukuyang lagay ng kalooban at mga damdamin. Hindi nila kailangang magbigay ng gaanong pansin sa ibang mga bagay, ni sa anumang panlipunan o pampamilyang mga responsabilidad. Kailangan muna nilang alamin ang sarili nilang mga problema, pangasiwaan ang sarili nilang mga damdamin, at lutasin ang sarili nilang mga kagyat na usapin, at pagkatapos lang nito ay saka ang lahat ng iba pa. Itinuro ng edukasyong Silanganin sa mga taga-Silangan na magpigil at magtiis, samantalang itinuro ng edukasyong Kanluranin sa mga taga-Kanluran na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Dito, ang mga taga-Kanluran at mga taga-Silangan ay ganap na magkaiba. Kapag may nararanasan ang mga taga-Silangan, patuloy lang silang nagtitiis. Kapag talagang hindi na nila ito matiis, sinasabi nila sa kanilang sarili, “Ang isang masamang buhay ay mas mainam kaysa sa isang mabuting kamatayan. Kailangan mong magtiis para manatiling buhay.” Kabaligtaran naman ng pagpipigil at pagtitiis ng mga taga-Silangan, may ibang katangian ang mga taga-Kanluran: Sa pamamagitan ng kanilang panlipunang edukasyon sa awtonomiya at pagsasarili, natutunan nilang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Kung ikukumpara sa pagpipigil at pagtitiis ng mga taga-Silangan, hindi ba’t mayroong higit na paggalang sa sarili at dignidad sa isang antas sa pagtatanggol ng mga taga-Kanluran sa kanilang mga karapatan? Ibig sabihin, may kaunti pang kapangyarihang mag-inisyatiba na nasasangkot, tama ba? (Oo.) Ang pagtatanggol sa mga karapatan ng isang tao ay isang ganap na pundamental na konsepto; nangangahulugan ito ng pagsasagawa ng mga kinakailangang aksyon upang protektahan ang mga pundamental na karapatang pantao ng isang tao, kabilang na ang karapatan sa pananampalataya, karapatan sa buhay, karapatan sa malayang pananalita, at iba pa. Siyempre, ano ba ang pangunahing tinutukoy ng pundamental na pagtatanggol na ito sa mga karapatan? Tumutukoy ito sa pagkakaroon ng mga tao ng nagsasariling espasyo para sa pag-iisip, kakayahang pag-isipan ang mga isyu nang malaya at nagsasarili nang hindi naiimpluwensiyahan o kinokontrol ng anumang panlipunang kapaligiran o mga nakapaligid na tao, pangyayari, at bagay. Tama man o mali ang mga pananaw na lumilitaw mula sa mga pagsasaalang-alang ng isang tao sa mga isyu, o tama man o hindi ang paraan ng pag-iisip ng isang tao, ang pagkakamit ng awtonomiya at kalayaan ang pinakamahalaga. Sa madaling salita, ang mga taga-Kanluran ay namumuhay sa malalayang lipunan, at sa kultural na konteksto ng Kanluraning edukasyong panlipunan, ang kanilang mga isipan ay napakaaktibo at madalas na nasa malayang kalagayan. Samakatwid, kung ikukumpara sa mga tao sa lipunang Silanganin, ang mga taga-Kanluran ay mas matapang sa kanilang pag-iisip, mas handang mag-isip, at mas mahusay mag-isip, samantalang kadalasan, ang pag-iisip ng mga taga-Silangan ay nakagapos, de-kahon, o pinipigilan. Sa mga karaniwang sitwasyon, ang mga isipan ng mga taga-Kanluran ay malaya, aktibo, at handang mag-isip tungkol sa mga problema. Upang ilarawan ito sa paraang hindi angkop, mas handa silang pag-isipan ang mga kakatwa at di-pangkaraniwang bagay, hanggang sa punto pa nga na magpakalunod sa kung ano-anong mga detalye. Ito ay isang pagpapamalas ng mga katangian ng pagkatao na nabubuo nila sa loob ng Kanluraning edukasyong panlipunan, at ang pagpapamalas na ito ng pagkatao ay mas progresibo kaysa sa pagpapamalas ng mga taga-Silangan. Sa isang banda, ipinagtatanggol nila ang kanilang karapatan sa buhay, at sa kabilang banda, ipinagtatanggol din nila ang iba’t ibang pananaw na lumilitaw mula sa kanilang malayang pag-iisip. Bilang resulta, ang mga ideya, pananaw, at artistikong anyo na ipinapakita sa mga Kanluraning akdang pampanitikan o sa Kanluraning buhay-sining at buhay-libangan ay sari-sari at malawak. Sa gitna ng buong sangkatauhan, ang mga Kanluraning akdang pampanitikan at buhay-libangan ay medyo malaya at progresibo, at ang mga tao ay maaaring makakuha ng inspirasyon at lubos na makinabang mula sa mga ito. Tingnan ninyo—anong mga ideya ang isinusulong ng ilang Silanganing akdang pampanitikan at pansining? Pagkamakabayan, pagmamahal sa pamilya, pagmamahal sa mga magulang, at iba pa. Lahat ng ito ay mga bagay na matatagpuan sa pagtuturo ng panlipunang moralidad na Silanganin, o na bahagi ng diwa ng kulturang Silanganin. Dahil ang kulturang Kanluranin ay nagbigay sa mga taga-Kanluran ng malaya at awtonomong espasyo para sa pag-iisip, nagbunga ng ganitong katangian ng pagkatao sa kanila, at nagkaloob sa kanila ng karapatang ito sa malayang pag-iisip, mas may intelektuwal na lalim ang mga taga-Kanluran sa kanilang buhay-pampanitikan at pansining kaysa sa mga taga-Silangan, at kasabay nito, mas malawak ang saklaw ng kanilang pag-iisip. Tingnan mo, ang saklaw ng pag-iisip ng mga taga-Silangan, o ang mga ideyang ipinapahayag at isinusulong nila sa kanilang buhay-pampanitikan at pansining, ay napakalimitado, makitid, at may mga hangganan, samantalang ang iba’t ibang paksang lumilitaw sa buhay-pampanitikan at pansining ng mga taga-Kanluran ay napakalawak ang sakop at malaya mula sa mga paghihigpit ng pamahalaan. Ang ilan sa mga paksang ito ay mga pagninilay tungkol sa pagkatao ng mga tao sa isang partikular na batas na inilabas ng pamahalaan sa isang panahon, o sa epekto nito sa lipunan o maging sa buhay at pamilya ng isang indibidwal. Ang iba naman ay mga pagninilay sa edukasyon ng eskwelahan at sa mga karapatang pantao, pati na rin sa iba’t ibang isyu, tulad ng mga talakayan ng mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan—kasama na ang mga imigrante—tungkol sa pagkakapantay-pantay ng lahi, diskriminasyon sa lahi, at ang mga ugnayan sa pagitan ng mga taong may iba’t ibang kulay ng balat. Mula rito, makikita na ang saklaw ng iba’t ibang paksang sinasalamin sa mga Kanluraning akdang pampanitikan at pansining ay napakalawak, gayundin ang saklaw ng iba’t ibang ideya at pananaw na kasangkot. Sinasalamin pa nga ng mga ito ang epekto sa lipunan na dulot ng mga metodo at paraang ginagamit ng ilang ahensyang nagpapatupad ng batas sa loob ng mas malawak na legal na balangkas, pati na rin ang iba’t ibang sikolohikal na pasaning ipinapabalikat sa publiko o ang iba’t ibang kasunod na epekto sa pamumuhay ng mga tao. Lahat ng ito ay mga ideya at pananaw na inilalahad sa iba’t ibang Kanluraning akdang pampanitikan at pansining. Sa isang banda, ang mga ito ay mga kaisipang isinusulong sa loob ng Kanluraning kultural na konteksto; sa kabilang banda, ang mga ito ay mga kaisipan at pananaw na lumilitaw dahil malaya ang mga taong mag-isip sa loob ng konteksto ng Kanluraning edukasyong kultural. Sa madaling salita, ang iba’t ibang ideyang inilalahad ng mga taga-Kanluran sa kanilang mga akdang pampanitikan at pansining, pati na rin ang mga kaisipan, pananaw, pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at mga saloobin ng mga taga-Kanluran sa iba’t ibang antas ng lipunan at iba’t ibang industriya sa kung paano nila tinatrato ang lahat ng uri ng bagay, ay ganap na naiiba sa mga kaisipan, pananaw, at pilosopiya ng mga taga-Silangan. Narito ang isang simpleng halimbawa: Sa Silangan, kapag nagtatrabaho ang isang empleyado para sa isang kompanya, ang kanyang ikinabubuhay ay nagmumula sa kanyang amo, kaya dapat niyang gawin ang anumang ipinagagawa sa kanya ng kanyang amo. Kahit na utusan siyang gumawa ng ilang gawaing-bahay para sa kanyang amo, tulad ng pagsundo sa mga anak nito o pamimili ng mga groseri, dapat siyang maging ganap na masunurin at hindi mangahas na tumanggi. Kailangan pa nga na lagi siyang handang tumugon sa tawag kahit sa oras ng kanyang pahinga. Siya ang lingkod, alipores, at alipin ng kanyang amo. Ganito ang ugnayang nakatataas-nakabababa sa pagitan ng empleyado at amo sa Silangan. Maaaring hindi komportable ang pakiramdam ng empleyado, nababagabag siya, at ayaw niya, pero wala siyang magagawa—kaya lang niyang magtiis. Iyon ang kanyang amo, ang nagbibigay ng kanyang ikinabubuhay, kaya wala siyang magagawa kundi magpamanipula rito. Sa Silangan, paano man samantalahin ng isang amo ang kanyang mga empleyado, at gaano man kahindi makatwiran ang kanyang mga kilos, puwede lang itong tiisin ng mga empleyado; wala silang paraan para makawala sa sitwasyong ito. Ang ilang bansa sa Silangan ay maaaring mayroon ding mga batas sa paggawa, na nilalayong protektahan ang mga legal na karapatan at interes ng bawat mamamayan, ngunit sa antas ng lipunan, dahil ito ay ang Silangan, walang empleyadong nangangahas na idemanda ang kanyang amo kahit pa lumabag ito sa mga batas sa paggawa. Gaano man ipagkait ang kanilang mga karapatan o gaano man sila samantalahin ng kanilang amo, wala silang magagawa. Kahit may mga batas sa paggawa, hindi nila magamit ang batas para ipagtanggol ang sarili nilang mga karapatan at interes. Kaya lang nilang sumunod sa agos at hayaang magpatuloy ang sitwasyon. Ang Kanluran, sa kabilang banda, ay iba. Ang ugnayang nakatataas-nakabababa sa pagitan ng empleyado at amo sa Kanluran ay umiiral lamang sa antas ng trabaho, at sa mga oras ng trabaho. Sa labas ng trabaho, walang personal at emosyonal na ugnayan sa pagitan nila. Kung hihilingin sa iyo ng iyong amo na mag-overtime, maaari kang tumanggi. Kung hihilingin sa iyo ng iyong amo na tumulong sa pagsundo sa kanyang mga anak o mamili ng mga groseri, maaari mong sabihin, “Wala kang karapatang utusan akong gawin ito. Hindi iyan ang trabaho ko. Wala akong obligasyong pagsilbihan ka.” Maaari kang tumanggi. Kung paulit-ulit at pilit kang pinipilit ng iyong amo na gawin ang mga bagay na ito, puwede mo siyang idemanda, at magkakabisa ang mga batas sa paggawa ng Kanluran; tutugon ang batas nang naaayon. Nagagawa ito ng mga taga-Kanluran, at hindi sila natatakot na gawin ito, ngunit ang mga taga-Silangan ay natatakot. Ayon sa mga kuru-kuro ng mga taga-Silangan, dapat mong gawin ang anumang ipinagagawa sa iyo ng iyong nakatataas o ng isang taong may katayuan o katanyagan, at dapat kang magbigay ng mga serbisyo sa kanila nang libre. Kailangan mo pa ngang sabihin, “Handa akong maglingkod sa iyo, na ibigay ang buhay ko para sa iyo, at hindi ko aasahan ang anumang kapalit. Ang paglilingkod sa iyo ay isang karangalan para sa akin!” Pinagsasamantalahan ka man nila para sa iyong pagtatrabaho o pinagkakaitan ng iyong mga karapatang pantao, dapat mo itong tanggapin at hindi ka dapat humingi ng anumang kabayaran. Kung gagawin mo iyon, nangangahulugan iyon na wala kang utang na loob at pinapahiya mo sila, at gagantihan ka nila. Ang mga taga-Kanluran, sa kabilang banda, ay iba. Natutunan nilang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at gamitin ang mga karapatang ito nang napakaepektibo, ginagamit ang mga ito hanggang kaya nila. Kahit pa ang pangulo o isang kilalang indibidwal ang hindi mag-iwan ng tip pagkatapos kumain, isasampa ang isang reklamo—ito ay isang karapatang ipinagkaloob sa mga manggagawa ng mga batas sa paggawa. Kapag nakakaranas ng gayong mga sitwasyon ang mga taga-Silangan, hindi sila nangangahas na magreklamo. Iniisip nila, “Opisyal siya, isang sikat na tao. Mananalo kaya ako kung idedemanda ko siya? Kahit manalo ako, ano ang gagawin ko kung pahirapan niya ako nang palihim? Kung idedemanda ko siya, mahihirapan ako nang husto, at baka ikamatay ko pa ito.” Samakatwid, mas gugustuhin pa ng mga taga-Silangan na malugi kaysa mangahas na humingi ng tip. Ito ay tinatawag na pagtitiis. Ngunit iba ang mga taga-Kanluran. Iniisip nila, “Bakit ako magtitiis? Hindi ako ipinanganak para mamuhay para sa iba—namumuhay ako para sa sarili ko. Kailangan kong ipagtanggol ang mga karapatan ko. Pera itong nararapat sa akin. Wala akong pakialam kung kilalang tao ka o bigating tao, kailangan mong magbayad. Pantay-pantay ang lahat. Anong karapatan mong hindi mag-tip? Kung hindi ka magti-tip, idedemanda kita!” At sa sandaling makuha nila ang tip, tapos na ang usapan. Ang mga ito ang magkakaibang kaisipan, pananaw, at paraan ng pagharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na natatamo ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran sa pamamagitan ng kani-kanilang edukasyong kultural.

Ang Silangan at ang Kanluran ay nagkakaiba sa kanilang mga pamamaraan ng edukasyong kultural at sa partikular na nilalaman ng edukasyong iyon. Ang magkaibang anyong ito ng edukasyon ay nagbunga ng magkaibang kultura ng tao, pati na rin ng mga katangian ng pagkatao ng iba’t ibang pangkat-etniko. Taglay ang mga katangian na ito ng pagkatao, ang mga taga-Silangan ay may sarili nilang mga paraan ng pamumuhay, mga sitwasyon sa buhay, mga paraan ng pag-iisip, at mga saloobin para sa mga makamundong pakikitungo, samantalang ang mga taga-Kanluran ay may sarili nilang mga paraan ng pamumuhay, mga sitwasyon sa buhay, at mga paraan at saloobin para sa mga makamundong pakikitungo. Sa dalawang saloobing ito para sa mga makamundong pakikitungo, ang isa ay ang magpigil at magtiis, at ito ay partikular na mapagpigil; ang isa naman ay nagbibigay ng partikular na diin sa pangangalaga sa mga karapatan ng subhetibong kalooban at mga pagnanais ng mga tao. Ang isa ay nabuo mula sa isang edukasyon sa pagkukunwari, at ang isa naman ay nabuo mula sa isang edukasyon sa pagkamakasarili. Anuman ang uri ng edukasyon kung saan nabubuo ang mga katangiang ito ng pagkatao—ito man ay pagpipigil at pagtitiis o pagtatanggol sa mga karapatan ng isang tao, pagiging hindi palaimik o pagiging bukas—alin sa mga ito ang mga positibong bagay? (Silanganin man o Kanluranin, wala sa mga katangiang ito ng pagkatao ang mga positibong bagay.) Bakit ninyo nasabing hindi positibong bagay ang mga ito? Pakinggan natin ang inyong mga partikular na dahilan. Wala sa inyo ang makapagsasabi kung bakit, hindi ba? (Wala.) Anuman ang pinag-uusapan, takot kayong lahat na usisaing mabuti ng ibang tao ang mga detalye, at kapag nag-usisa sila, naguguluhan ang isip mo at hindi mo maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay. Pinatutunayan nito na wala kang kalinawan sa aspektong iyon, kaya dapat kang makipagbahaginan tungkol dito. Ang tanong na iyon na ibinato Ko sa inyo ay isang paksang sulit pagbahaginan, hindi ba? (Oo.) Ang paksang ito ay nauugnay sa “kung ano ang nilikha ng Diyos.” Kaya tingnan muna natin: Anong uri ng nilalang ang sangkatauhang nilikha ng Diyos? Ang nililikha ng Diyos ay mga positibong bagay. Aling mga bagay sa isang tao ang nilikha ng Diyos? (Ang malayang kalooban ng isang tao, at ang karunungang ibinibigay sa kanya ng Diyos.) Sa malawak na pananalita, ang mga likas na kondisyon ng isang tao ay pawang ibinigay at nilikha ng Diyos. Kung gagamitin natin ang salitang “nilikha,” maaaring medyo abstrakto ito, dahil lahat ay isinilang mula sa kanilang mga magulang, hindi ginawa ng sariling mga kamay ng Diyos. Ang paggamit ng pariralang “kung ano ang nilikha ng Diyos” ay medyo malawak; hindi ito gaanong angkop. Kung gayon, ang pagsasabing “ang mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao” ay mas partikular at obhetibo. Ang mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay may kinalaman sa paksa na “kung ano ang nilikha ng Diyos.” Kaya, masasabi ba natin na ang mga likas na kondisyon ng isang tao ay pawang mga positibong bagay? (Oo.) Ang hitsura ng isang tao, ang kanyang kakayahan sa wika, at lahat ng kanyang mga pandama at mga katangiang pisyolohikal, pati na rin ang kanyang malayang kalooban, ang pakultad na mag-isip at magbulay-bulay, ang kanyang mga likas na kalakasan at kaloob, at lahat ng panuntunan ng pananatiling buhay na sinusunod niya bilang isang buhay na nilalang—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Ibig sabihin, ang mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay pawang mga positibong bagay. Kaya, kasama ba sa mga positibong bagay na ito ang iba’t ibang kaisipang lumilitaw sa isipan ng isang tao o na tinatanggap niya mula sa lipunan at mula sa iba’t ibang kapanahunan? (Hindi.) Anumang bagay na natatamo ng mga tao mula sa lipunan o mula sa sangkatauhan ay hindi ibinigay ng Diyos, ni isang bagay na orihinal na nilikha ng Diyos. Masasabing hangga’t ang isang bagay ay nagmumula sa lipunan o sa sangkatauhan, hindi ito isang positibong bagay. Upang ibuod ito sa isang malawak at konseptuwal na paraan, sasabihin natin ito. At para sabihin ito nang partikular? Hindi ba’t medyo baluktot ang mga katangian ng pagkatao at mga paraan ng pag-iisip na nabuo sa loob ng kultural na konteksto ng pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silanganin? Maaari din itong sabihin nang ganito: Sa lipunang Silanganin, ang mga isipan ng mga tao ay nakagapos at nabaluktot; sila ay ginawang tiwali at naimpluwensiyahan ng ilang kaisipan at pananaw mula sa lipunan at mula kay Satanas. Hindi ba’t nangangahulugan ito na ang kanilang mga isipan ay dumaan sa pagproseso ni Satanas? (Oo.) Ang mga isipan ng mga tao ay dumaan sa pagproseso, at ang kanilang mga kaisipan ay hindi nagmumula sa kanilang pagkatao. Ang mga katuruang ito ay hindi nagmumula sa mga positibong bagay, ni nagmumula sa Diyos. Dahil hindi nagmumula sa Diyos ang mga ito, ang anumang mga kaisipan, pananaw, at paraan ng pag-iisip ang nabubuo nila—at anumang mga katangian ng pagkatao na nabubuo nila sa huli—kasama ng lahat ng iba pang mga bagay na kasunod na lumilitaw mula sa mga ito, ay mga negatibong bagay, hindi mga positibong bagay. Ito ay isang bagay na natiyak na ninyo, tama ba? (Oo.) Ang mga isipan ng mga taga-Silangan ay nakagapos at nabaluktot, at naiimpluwensiyahan din ng ilang kaisipan at pananaw ng Silangan, kaya ang mga bagay na ipinapahayag ng mga katangian ng kanilang pagkatao ay pawang negatibo. Ngayon, tingnan natin ang Kanluran. Ano ang nilalaman ng ideolohikal na edukasyon ng mga taga-Kanluran? May kaugnayan ba ito sa katotohanan? Ang nilalaman ba ng edukasyong Kanluranin at ang mga pagpapamalas ng pagkatao na itinuturo nito sa mga tao na pagsikapang makamit ay nagmumula sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Upang mas linawin pa ito, hayaan ninyo Akong magtanong sa inyo: Ang edukasyon bang ito—ang mga prinsipyo sa likod ng mga kaisipan at pananaw na ito sa pagharap sa buhay, pananatiling buhay, at mga makamundong usapin, at ang mga pamamaraang ito sa pagharap sa mga bagay na iyon—ay umaayon sa mga salita ng Diyos? Umaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Sa anong paraan ito hindi umaayon? (Ito ay tulad ng Kanluraning edukasyon sa pagkamakasarili—bagama’t iginagalang nito ang kalayaan sa pag-iisip, itinuturo nito sa mga tao na isaalang-alang lamang ang kanilang sarili at hindi ang iba. Hindi ito umaayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Kung gayon, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan? (Sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa isa’t isa, hindi lamang dapat isaalang-alang ng mga tao ang kanilang sariling mga interes o damdamin; sa halip, dapat nilang isaalang-alang kung paano makakapagpatibay sa iba ang kanilang mga kilos habang umaayon din sa katotohanan.) Sinasabi sa iyo ng mga salita ng Diyos na pinag-iisipan mo man ang mga isyu nang malaya at obhetibo, o sa ilalim ng pangingibabaw ng isang partikular na kaisipan o pananaw, hindi mo dapat gawin iyon para lamang sa kapakanan ng pagtatanggol sa iyong sariling mga interes o pagtatanggol sa iyong sariling dignidad at pride—hindi ito ang prinsipyong dapat pagbatayan ng mga mananampalataya sa Diyos sa pagsasaalang-alang sa mga isyu. Kapag isinasaalang-alang mo ang mga isyu, dapat kang tumuon sa kung ang iyong pamamaraan ay umaayon sa katotohanan, kung ang mga isyung ito ay malulutas gamit ang katotohanan, at kung ang iyong pamamaraan ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at humahantong sa pagpapasakop sa Diyos. Ito ang prinsipyo para sa pagsasaalang-alang sa mga isyu. Humaharap ka man sa mga tao, o humaharap sa mga isyu tungkol sa iyong pamilya o iba pang mga bagay sa paligid mo, dapat kang kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, sa halip na ipagtanggol mo lamang ang iyong sariling mga karapatan at interes. Ito ang mga prinsipyo ng pag-asal na hinihingi ng Diyos. Kaya, sa panlabas, kung ikukumpara sa edukasyon ng kulturang Silanganin, mas binibigyang-halaga ng Kanluraning edukasyong kultural ang mga karapatang pantao at ang pagtatanggol sa mga karapatan ng mga tao. Mas nakakalamang ito sa kulturang Silanganin, ngunit hindi iyon nangangahulugan na maaari itong pumalit sa katotohanan. Hindi mo dapat isipin na dahil lamang mas nakakalamang ito sa kulturang Silanganin, o dahil iginagalang nito ang mga karapatang pantao at nagbibigay-daan ito sa mga tao na makapagsarili at maging malaya, ay maaari na itong pumalit sa mga katotohanang prinsipyo at mailarawan bilang isang bagay na positibo. Ang Kanluraning edukasyong kultural ay mas nakakalamang lamang sa Silanganing edukasyong kultural at mas naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, ngunit hindi ito maaaring itumbas sa mga katotohanang prinsipyo, ni pumalit sa mga ito. Sa isang antas, itinataguyod at iginagalang lamang nito ang mga pangangailangan ng sangkatauhan, pati na rin ang dignidad ng mga tao at ang kanilang mga karapatan at interes. Gayumpaman, ang paggalang na ito ay may kaugnayan lamang sa usapin ng pagkatao. Sa usapin ng katotohanan at ng katarungan, wala itong itinataguyod sa mga ito. Samakatwid, ang Kanluraning edukasyong kultural ay isang edukasyon sa pagkamakasarili. Ang isang edukasyon sa pagkamakasarili ay nangangahulugang, “Dapat paglingkuran ng lahat ang aking mga interes. Dapat kong pag-isipang mabuti ang lahat ng bagay nang ako lang bago ko ito gawin. Ang aking mga personal na interes, ang aking mga karapatang pantao, at ang aking mga indibidwal na karapatan ang pinakamahalaga.” Mayroon bang anumang moral na katarungan dito? Mayroon bang anumang pagiging patas? (Wala.) Kung walang pagiging patas o moral na katarungan, paano ito posibleng umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Sa isang antas, iginagalang ng Kanluraning edukasyong kultural ang iyong mga karapatang pantao; binibigyan ka nito ng karapatang mag-isip tungkol sa mga isyu at ipahayag nang malaya ang iyong mga opinyon. Sa ganitong paraan, sa pangkalahatan ay mapangangalagaan nito ang dignidad at mga karapatang pantao ng mga tao. Kaya, sa isang antas, ang edukasyong Kanluranin ay mas naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ngunit kaya bang gabayan ng edukasyong Kanluranin ang mga tao patungo sa tamang landas sa buhay? Nagagawa ba nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na tratuhin ang lahat ng tao at gawin ang lahat ng bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi nito ito magagawa. Magagarantiya ng edukasyong Kanluranin na ang lahat ay may mga karapatang pantao at karapatang pangalagaan ang kanilang dignidad—ito ay ganap na naaayon sa mga pangangailangan ng pagkatao. Gayumpaman, kapag sinukat batay sa aktuwal na sitwasyon sa lipunan, iilang bansa lamang ang ganap na nakakatugon sa pamantayan ng paggarantiya sa mga karapatang pantao. Sa makatotohanang pananalita, sa lipunan ngayon, isa itong napakagandang sistemang panlipunan na nagpapahintulot sa mga tao na mag-isip tungkol sa mga isyu nang malaya at ipahayag nang malaya ang kanilang mga opinyon. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang malayang kalooban at ang abilidad na mag-isip tungkol sa mga isyu nang nagsasarili; isang aspekto lamang ito ng kakayahang ibinigay Niya sa kanila. Gayumpaman, hindi kailanman sinabi sa iyo ng Diyos, “Maging makasarili ka, maging awtonomo ka. Ang lahat ay dapat nakasentro sa iyong sariling mga interes. Ang iyong sariling mga interes ang higit sa lahat. Sa lahat ng bagay, dapat kang maging nagsasarili at maging sarili mong amo, at hindi na kailangang hanapin ang katotohanan, magtanong tungkol sa kalooban ng Langit, o isaalang-alang ang mga interes ng iba.” Hindi kailanman nagturo ang Diyos sa sinuman sa ganitong paraan. Mula sa simula ng paggabay ng Diyos sa mga tao sa kanilang buhay, itinuro Niya ang mga partikular na paraan ng pamumuhay at pag-asal sa lahat ng aspekto, sinabi sa mga tao na hangarin ang katotohanan, na magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, na maging matatapat na tao, na tuparin nang maayos ang tungkulin ng mga nilikha, at iba pa. Lahat ng ito ang pinakamahahalagang paghahangad sa buhay ng isang tao. Sa napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, hindi Niya kailanman sinabi sa iyo na ipagtanggol ang iyong mga karapatan, ni kailanman sinabi sa iyo na mag-isip tungkol sa mga isyu nang malaya at pangalagaan ang iyong sariling nagsasariling espasyo. Kailanman ay walang ganoong sinabi ang Diyos. Ibinigay lamang sa iyo ng Diyos ang kakayahang mag-isip tungkol sa mga isyu nang nagsasarili—iyon lang. Taglay mo ang pakultad na ito, at taglay mo rin ang likas na kondisyon ng malayang kalooban. Gayumpaman, bagama’t ibinigay sa mga tao ang gayong mga likas na kondisyon, nagtatag din ang Diyos ng mga batas at kautusan para sa kanila, at pinagkalooban sila ng iba’t ibang katotohanan, sinasabi sa kanila kung paano umasal at kung paano sambahin ang Diyos—sa lahat ng usapin, mayroong mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Ngunit sa lahat ng salita ng Diyos at sa Kanyang mga babala sa mga tao, hindi Niya kailanman sinabi sa mga tao na maging awtonomo, na magsarili, o na matutong ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Ang gayong mga kaisipan, pananaw, o gayong mga kasabihan at katuruan ay hindi kailanman lumitaw sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Sa kabaligtaran, sa mga salita kung saan inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, inilalantad Niya ang kanilang pagmamataas at ang kanilang pagkamakasarili. Ang pagkamakasariling ito ay isang katangiang ibinubunyag ng pagkatao ng mga tao matapos silang gawing tiwali ni Satanas. Sa ilang tao, ipinapakita ito habang sinusubukan nilang matamo ang kanilang sariling mga interes matapos silang gawing tiwali ni Satanas; sa iba, ito ay ganap na ang produkto ng edukasyon ng lipunang ito. Sa parehong kaso, ito ay pagkamakasarili. Paano man ito nabuo, sa madaling salita, hangga’t ikaw ay makasarili, iyon ay isang katangian at pagbubunyag ng pagkatao na ipinapakita mo habang namumuhay ka sa ilalim ng mga tiwaling disposisyon. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo.)