Paano Hangarin ang Katotohanan (19) Ikalawang Bahagi

Isang Paghihimay sa Sibilisasyon at Kultura ng Tao

Napakalawak ng saklaw ng paksang “kung ano ang nilikha ng Diyos,” kaya kailangan muna nating magbigay ng ilang halimbawa at pagkatapos ay talakayin ang mga ito nang paunti-unti. Kakatalakay lang natin tungkol sa mga lamok. Ligtas na sabihin na walang sinumang may gusto sa mga lamok o handang mamuhay kasama ng mga ito; sa kabaligtaran, kinasusuklaman ng lahat ang mga lamok at ninanais pa nga nilang hindi na makakita ng isang lamok sa buong buhay nila. Bagama’t hindi isang malaking usapin ang tungkol sa mga lamok, nauugnay rito ang isang partikular na uri ng bagay, at nasasangkot din dito ang pagkaunawa ng mga tao sa kalikasan ng isang partikular na uri ng bagay na kabilang sa mga tao, pangyayari, at bagay na nilikha ng Diyos. Siyempre, ang susi rito ay na nauugnay rito ang pagkakilala at pagkaunawa ng mga tao sa isang katotohanan, at nauugnay rin dito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng kung paano tinatrato ng mga tao ang isang partikular na uri ng bagay na kabilang sa mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang buhay. Samakatwid, bagama’t hindi isang malaking nilalang ang lamok, hindi maliliit ang mga usaping nasasangkot dito; karapat-dapat para sa mga tao na subukang unawain at tuklasin ang mga ito. Ang nilalaman ng “kung ano ang nilikha ng Diyos” ay nauugnay sa mga paksang makroskopiko at mikroskopiko. Ngayon lang, saglit nating pinagbahaginan ang isang maliit na espesye sa aspektong mikroskopiko: ang lamok. Ito ay isang medyo maliit na uri ng nilalang na nakikita ng mga tao gamit ang kanilang sariling mga mata; anumang mas maliit kaysa sa isang lamok ay hindi na karapat-dapat talakayin. Ang mga lamok ay isang uri ng nilalang na madalas makaharap ng mga tao, isang medyo mikroskopikong nilalang na nakikita ng sariling mga mata. Dahil ang isyung ito ay nasa antas na mikroskopiko, pagbabahaginan natin ito sa susunod. Kung gayon, ano ang dapat muna nating pagbahaginan? (Ang makroskopiko.) Pagbahaginan muna natin ang mga bagay na makroskopiko. Maraming bagay na makroskopiko. Ang pinakamalapit sa buhay ng mga tao, o na nakahaharap, nararamdaman, at nakikita ng mga tao, at pamilyar sa lahat—bukod sa mga bagay na nasa kapaligiran sa pamumuhay na nilikha ng Diyos para sa tao—ay ang sangkatauhan mismo. Kung gayon, pagdating sa sangkatauhan, sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakikita ng mga tao, alin ang mga karapat-dapat pag-usapan? Alin ang mga karapat-dapat maunawaan? Ang paksang pinakakarapat-dapat maunawaan pagdating sa lipunan ng tao ay ang tinatawag na sibilisasyon ng sangkatauhan. Ang pangunahing paksang saklaw ng sibilisasyong ito ay ang iba’t ibang kultura. Ang paglitaw ng iba’t ibang kultura ay nagmumula sa edukasyon sa loob ng iba’t ibang lipunan; ang edukasyon sa loob ng iba’t ibang lipunan ay nagbubunga ng iba’t ibang kultura, at sa konteksto ng iba’t ibang kulturang ito, lumitaw ang mga tinatawag na sibilisasyon ng sangkatauhan sa iba’t ibang kapanahunan. Ito ang pinagmulan at pinanggalingan ng sibilisasyon ng tao. Ang lipunang Silanganin ay mayroong sarili nitong sibilisasyon, at siyempre, mayroon din itong tinatawag na kultura. Ang paglitaw ng kulturang ito ay nagmumula sa paraan ng pag-e-eduka ng lipunang Silanganin sa mga tao nito. Gayundin, ang lipunang Kanluranin ay mayroon ding tinatawag na sibilisasyon. Ang sibilisasyong Kanluranin ay nagmumula rin sa kultura nito, at ang paglitaw ng kultura nito ay nagmumula rin sa edukasyon ng lipunang Kanluranin. Ibig sabihin, ang edukasyon ng lipunang Kanluranin sa iba’t ibang kapanahunan ay nagbunga ng kulturang Kanluranin, at sa gitna ng gayong kultural na konteksto, ang sibilisasyong Kanluranin ay unti-unting lumitaw, nabuo, at umunlad hanggang sa kasalukuyan. Kulturang Silanganin o Kanluranin man, ang mga ito ay parehong nagtuturo sa kani-kanilang mga tao sa ganitong paraan, sa sunod-sunod na salinlahi. Sa iba’t ibang kapanahunan, patuloy nilang hinuhubog at iniimpluwensiyahan ang sunod-sunod na salinlahi, at lumalaganap ang mga ito mula sa isang salinlahi patungo sa susunod sa iba’t ibang kapanahunan, habang kasabay nito ay patuloy na umuunlad at naipagpapatuloy. Sa ganitong paraan, ang mga kultura at sibilisasyong Silanganin at Kanluranin ay unti-unting nabuo at nagsimula, at unti-unting kinilala at tinanggap ng mga tao, unti-unting nabuo at naitatag sa mga lipunang Silanganin at Kanluranin. Ito ang bumuo sa mga pangunahing kultura at sibilisasyon ng Silangan at Kanluran. Ang Silangan ay mayroong pangunahing kultura at sibilisasyon, gayundin ang Kanluran. Ang mga lipunang Silanganin at Kanluranin, sa usapin ng diwa, anyo, at impluwensiya ng mga ito sa sangkatauhan, ay bumuo ng magkakaibang kultura at sibilisasyon. Kulturang Silanganin o Kanluranin man, ang mga ito ay parehong nagkaroon ng hindi mabubura, hindi mapipigilan, o hindi mapapalitang impluwensiya sa buhay, pananatiling buhay, mga kaisipan, at mga pananaw ng mga tao. Dahil pinag-uusapan natin ang mga kulturang Silanganin at Kanluranin, tiyak na mayroong mga pagkakaiba ang mga ito. Ang kulturang Silanganin ay mayroong mga pangunahing kaisipan at pananaw na pinahahalagahan nito, habang ang kulturang Kanluranin ay mayroong sarili nitong mga katangian at mga pangunahing kaisipan at pananaw na pinahahalagahan nito. Kung gayon, ano ang pinahahalagahan ng kulturang Silanganin? Ano ang pangunahing itinuturo ng kulturang Silanganin? Karamihan sa mga tao ay hindi gaanong nakakaunawa sa aspektong ito. Ang ilan sa inyo ay maaaring lubos na naguguluhan: “Bakit Mo tinatalakay ang mga positibong bagay simula sa puntong ito?” Maraming bagay na makroskopiko ang likas na may maraming abstraktong bahagi. Bagama’t hindi pa ninyo nauunawaan ang aspektong ito, kung makikinig kayong mabuti, mauunawaan ninyo.

Pag-usapan muna natin ang kulturang Silanganin. Ano ang pinahahalagahan ng kulturang Silanganin? Ano ang diwa nito? Ano ang impluwensiya nito sa mga tao? Ano ang mga pangunahing katangian ng kulturang Silanganin na personal mong naramdaman, o na nakita, naunawaan, o napagtanto at natutuhan mo sa pamamagitan ng banayad na impluwensiya ng matagalang pagkakalantad dito? Kapag pinag-uusapan natin ang kultura, may kaugnayan ito sa edukasyon. Ito man ay edukasyon na nagmumula sa mga pamilya, paaralan, o sa lipunan, lahat ng ito ay may kaugnayan sa kultura; may kaugnayan ito sa edukasyon ng isang bansa o isang partikular na grupo ng mga tao. Lumilikha ng isang kultural na kaligiran ang edukasyon—tiyak iyon. Alam ba ninyo kung anong uri ng edukasyon ang pinahahalagahan ng kulturang Silanganin? (Lubos na pinahahalagahan ng kulturang Silanganin ang tradisyon.) Kung gayon, ano ang diwa ng tradisyon? Ang “tradisyon” ay isang konsepto. Ano ang partikular na nilalaman na saklaw ng konseptong ito? Ito ay ang mga hinihingi kung paano ka dapat mag-isip, kung ano ang dapat mong gawin, at kung sa aling direksyon at tungo sa aling layon ka dapat umasal. Ito ang partikular na diwa ng edukasyon nito. Ang edukasyong pinahahalagahan ng lipunang Silanganin ay ang pagtuturo ng panlipunang moralidad, at ang pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ay mayroon ding partikular na nilalaman. Halimbawa, ang isang ideolohikal na kalakarang madalas na ipinalalaganap sa lipunang Silanganin ay ang paggamit ng katwiran para hikayatin ang iba. Isa ba ito sa mga iyon? (Oo.) Mayroon ding paggalang bago gumamit ng puwersa, pagpaparaya sa iba dahil sa paggalang, at “Maaaring maglayag ang isang bangka sa lawak ng puso ng isang punong ministro.” Mayroon ding “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at “Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.” Ano pa? “Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo,” “Kung saan may buhay, may pag-asa,” “Alam ng isang dakilang tao kung kailan magpaparaya at kung kailan igigiit ang sarili,” at “Malayo ang mararating ng ambisyon ng isang tunay na lalaki.” Ano pa? (Kabilang ba ang “Ang pagiging mabuting anak ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat”?) Kabilang din iyan. Mayroon ding “Napakasaya, kapag dumarating mula sa malayo ang isang kaibigan,” na may kinalaman sa mainit na pagtanggap sa panauhin. Ano pa? (“Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” at “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.”) Ang epektong nilalayong makamit ng lahat ng konseptong ito sa edukasyong Silanganin ay ang pahalagahan ng mga tao ang panlipunang moralidad; itinuturo ng mga konseptong ito sa mga tao kung anong mga tuntunin ng etiketa ang dapat nilang sundin sa lipunan, at hinihimok ng mga ito ang mga tao na ituring ang tinatawag na etiketang ito bilang isang simbolo ng karakter ng isang tao. Ginagamit ng edukasyong Silanganin ang mga bagay na ito para pamahalaan ang pag-uugali ng mga tao. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan, dapat muna niyang tiyakin na sa lahat ng bagay ay nakakamit niya ang paghanga, mataas na pagtingin, at pagrespeto ng iba. Maituturing lamang na isang tunay na mabuting tao ang isang tao kung makakamit niya ang isang moral na karakter na may gayong mga katangian ng pagkatao. Pagkatapos matanggap ang gayong edukasyon, ginagamit ng mga tao ang mga ideyang ito tungkol sa tinatawag na moral na karakter para limitahan ang kanilang sarili, nagsusumikap na matugunan ang mga hinihinging ito. Itinuturo ng edukasyong Silanganing ito sa mga tao na sundin ang etiketa sa panlabas, upang magmukha silang mga taong magagalang at may mabuting asal, mga taong may marangal na moral na karakter. Tungkol naman sa kung ano ang iniisip ng mga tao sa loob-loob nila, anumang mga pangangailangan ng pagkatao, mga hiling, o maging mga ambisyon at pagnanais na mayroon sila, dapat na supilin at ibaon ang lahat ng ito sa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi ilantad. Nakapagbahaginan na tayo dati nang mahaba-haba tungkol sa aspektong ito ng edukasyong Silanganin. Ano ang kalikasan ng lahat ng konseptong ito ng ideolohikal na edukasyon? Umaayon ba ang mga ito sa mga pangangailangan ng pagkatao? Umaayon ba ang mga ito sa diwa ng pagkatao? (Hindi.) Dahil mismo ang pag-uugaling isinasabuhay at ibinubunyag ng mga nasa ilalim ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ng Silangan ay ganap na salungat sa diwa ng mga tao at sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao, kung kaya’t tumpak na pinapatunayan nito ang isang punto: Ang iba’t ibang ideyang isinusulong ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ng Silangan ay sumasalungat sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga tao at sa kung ano ang aktuwal na umiiral sa loob ng kanilang pagkatao. Upang pagtakpan ang mga tunay na problema ng mga tao at upang pahintulutan silang mamuhay nang mas kagalang-galang sa lipunan, upang magmukhang mas marangal at mas karapat-dapat sila sa pagsang-ayon ng ibang tao, umusbong ang pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito sa lipunang Silanganin. Samakatwid, dapat sabihin na ang edukasyon sa ganitong uri ng konteksto ay isang edukasyon sa pagkukunwari. Ang diwa, o ang nilalayong epekto, ng edukasyong ito sa pagkukunwari ay tagubilinan ang bawat tao na huwag ilantad ang kanilang tunay na mukha sa iba—anuman ang kanilang karakter, at anuman ang kanilang pinagmulan, dapat silang matutong magbalatkayo at magkunwari, upang sila ay magkaroon ng higit na dignidad at pride sa harap ng iba, mamuhay nang may respeto sa sarili, at mamuhay sa paraang makakamit nila ang paghanga at pagsang-ayon.

Sa konteksto ng edukasyong ito sa pagkukunwari ng Silangan, ano ang natutuhan ng mga taga-Silangan? Natuto silang magpigil at magtiis. Nagbunga ang ideolohikal na edukasyon ng Silangan ng isang partikular na katangian sa loob ng pagkatao ng mga taga-Silangan, at ang bunga ng katangiang ito—tingnan man sa antas ng pag-iisip o sa usapin ng pag-uugali—ay na natututo ang mga tao dahil dito kung paano magpigil at magtiis. Sa partikular, sa anumang kapanahunang panlipunan, sa ilalim ng alinmang naghaharing uri, at sa anumang kapaligiran sa pamumuhay, kapag nakakaharap ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, dapat matuto ang mga tao kung paano magpigil at magtiis, at hindi ibunyag ang kanilang tunay na mga damdamin at iniisip. Ang tawagin itong “pagpipigil at pagtitiis” ay isang magandang paraan lang ng pagsasabi nito; ang totoo, ito ay pagkukunwari. At ano ang ginagamit ng mga tao para sa pagkukunwaring ito? Ginagamit nila ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, taktika para sa sariling asal, at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na hango sa pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silangan o mula sa kulturang Silanganin upang magbalatkayo, para sa panlabas ay magmukha silang mga taong magagalang at may mabuting asal, mga taong may marangal na moral na karakter na may integridad at dignidad, na kayang makamit ang mataas na pagtingin, pagsang-ayon, at paghanga ng iba. Ito ang impluwensiya ng pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silangan sa mga tao; ang pangunahing epekto nito ay na sa huli ay natututo ang mga taong magpigil at magtiis. Sinasaklaw ng terminong “magpigil at magtiis” ang pagdudulot sa mga tao na tiisin ang lahat ng bagay, gumamit ng katwiran para hikayatin ang iba, at maging magalang bago gumamit ng puwersa kapag nakikitungo sa mga tao, sinusubukang tratuhin ang iba nang may sukdulang kabaitan. Para bang sila ay partikular na mapagparaya, nagtataglay ng pusong may kabutihang-loob at pagpaparaya; nagbabalatkayo sila bilang lubhang dakila at marangal, at minamaliit pa nga nila ang lahat ng bagay mula sa mataas na katayuan ng moralidad ng tao. Samakatwid, sa loob ng kultural na kontekstong ito ng Silangan, ang kultural na buhay ng mga taga-Silangan ay karaniwang pinamamayanihan ng mga ideya at konseptong ito. Kasabay nito, ginagamit ang kulturang ito upang patuloy na hubugin at impluwensiyahan ang susunod na henerasyon. Halimbawa, sa mga drama sa pelikula at telebisyon, madalas na isinusulong ang ilang ideya, isa na rito ay, “Ginagawa ng mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao.” Ano ang imahe ng isang marangal na bayani sa isipan ng mga tao? Sa mga martial arts na pelikula, nakikita mo na karamihan sa mga marangal na bayani ay matikas at pino, nakasuot ng sombrero na yari sa kawayan, may espada o sable sa kanilang tagiliran. Sila ay walang ekspresyon at hindi makasarili, taglay sa kanilang puso ang mundo, ang karaniwang mga tao, at lahat ng buhay na nilalang, at naglilibot sila na nagtataguyod ng katarungan, gumagawa ng mabubuting bagay, at nag-iipon ng merito. Kapag nakakakita sila ng kawalang-katarungan, inilalabas nila ang kanilang mga espada para tumulong, kumikilos kapag kinakailangan. Ito ang imahe ng isang marangal na bayani sa isipan ng mga tao, at ito rin ang halagang taglay ng gayong mga karakter sa isipan ng mga tao. Kaya lumilikha ng mga ganitong karakter ang mga drama sa pelikula at telebisyon ay dahil lahat ng taga-Silangan ay mayroong gayong paghahangad sa kanilang puso para sa lipunan at sangkatauhan. Hinahangad nila na umiral ang gayong mga tao sa lipunan o sa buhay, upang sila mismo ay hindi na kailangang magpigil at magtiis, at hindi na magapos at makadena ng kulturang panlipunang ito. Dahil nga sa mayroong pangangailangang ito ang mga tao kaya patuloy na nililikha ang gayong mga karakter sa ilang akdang pampanitikan at pansining. Natutugunan nito ang mga pangangailangan ng propagandang kultural, at natutugunan din nito ang mga pangangailangan ng mga manonood. Masyadong matagal at masakit nang nagpipigil at nagtitiis ang karaniwang mga tao sa lipunan; kailangan nila ng mapaglalabasan, ngunit wala sila nito. Sa mga bayaning karakter at marangal na bayaning nilikha sa mga akdang pampanitikan at pansining na ito lamang sila nakakahanap ng kasiyahan. Samakatwid, ang gayong mga pelikula at palabas sa telebisyon at ang gayong mga karakter ay tinatanggap at pinupuri ng publiko. Kapag nakikita ng publiko na ang matutuwid na gawa ng mga marangal na bayaning ito sa mga pelikula at drama sa telebisyon—o ang kanilang pagkilos na pagbunot ng kanilang mga espada para tumulong kapag nakakakita sila ng kawalang-katarungan—ay ganap na tumutugma sa kanilang mga sikolohikal na pangangailangan, lahat sila ay pumapalakpak at nagsasaya, sumisigaw, “Buti nga sa iyo! Iyan ang napapala mo sa paggawa ng masama! Iyan ang napapala mo sa pamiminsala sa mga tao!” Sinasalamin ng kanilang mga hiyawan ang sakit ng pangangailangan na magpigil at magtiis na nararanasan ng mga taga-Silangan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, pati na rin ang mabibigat at sari-saring panggigipit at matinding pinsalang tinitiis nila mula sa lipunan at sa naghaharing uri. Samakatwid, ang gayong mga uri ng libangan ay tinatanggap ng karaniwang mga tao sa kanilang puso, at sinasang-ayunan at pinananabikan nila.

Dahil mismo ang pagpipigil at pagtitiis na dulot ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ng Silangan ay gumapos at naghigpit sa mga taga-Silangan sa usapin ng kanilang pag-iisip at kanilang pagkatao hanggang sa pinakamataas na antas na posible, ang kanilang pagkatao at pag-iisip ay lubhang nabaluktot. Paano ipinapamalas ang pagkabaluktot na ito? Ipinapamalas ito sa katunayang kinamumuhian ng lahat ang mga opisyal at mayayaman; kapag nakakakita sila ng isang bagay na hindi makatarungan, nakakaramdam sila ng pagkamuhi sa loob nila at agad nila itong iniuugnay sa naghaharing uri o sa mayayaman, nararamdamang ang lahat ng kanilang pasakit ay sanhi ng mga ito. Isa itong aspekto. Dagdag pa rito, dahil ang pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silangan ay nagbubunga sa mga tao ng isang karakter na nagpipigil at nagtitiis, ang mga kaisipan ng mga taga-Silangan ay nakagapos at nakatanikala sa malaking antas. Kung ikukumpara sa mga taga-Kanluran, mahirap para sa mga taga-Silangan na makamit ang nagsasariling pag-iisip o paglaya ng kaisipan sa antas ng mentalidad; ibig sabihin, hindi nila kayang mag-isip at mangatwiran nang malaya, awtonomo, at nagsasarili. Samakatwid, sa panlipunang kapaligiran ng Silangan, ang lahat mula sa mga bata hanggang sa mga nasa hustong gulang ay nagtataglay ng isang katangiang mala-alipin; mahirap para sa kanila na pag-isipan ang isang problema nang nagsasarili o na mag-isang tapusin ang isang gawain ayon sa mga prinsipyo at plano. Ang isa pang aspekto ay na ang pagpipigil at pagtitiis ng mga taga-Silangan ay nagiging sanhi ng kanilang pagiging mapanlaban sa lipunan, sa sangkatauhan, at sa bawat antas ng lipunan. Humantong din ito sa pagkakaroon nila ng isang medyo tusong katangian sa kanilang pagkatao, na maaaring ibuod bilang isang uri ng pagiging salanggapang. Dahil lubhang hindi patas ang mundong ito, kailangang tiisin ng mga tao ang iba’t ibang panggigipit at pagkakagapos mula sa lipunan, sa kanilang kapaligiran sa trabaho, at sa kanilang mga pamilya, at nagreresulta ito sa hindi wasto o patas na pagtugon sa mga normal na pangangailangan ng kanilang pagkatao—sa kanilang mga normal na emosyonal at pisikal na pangangailangan. Kaya, ang bawat isa ay nagkikimkim ng isang saloobing mapagwalang-bahala, mapangkutya, o sawa-na-sa-mundo sa kanilang buhay. Dahil sa saloobing ito, nararamdaman ng mga taga-Silangan na napakalabo ng pag-asang mabuhay; halos hindi sila nakakaramdam ng anumang gana na mabuhay, at wala silang interes sa anumang kanilang ginagawa. Sa ganitong paraan, nagkakaroon sila ng isang mapanlinlang at tusong saloobin sa pakikitungo sa mundo, at ang pagiging mapanlinlang at tuso na ito ay maaaring ibuod bilang “pagiging salanggapang.” Ano ang tinutukoy ng “pagiging salanggapang” na ito? Tinutukoy nito ang isang saloobing mapagwalang-bahala sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Halimbawa, ang saloobin ng ilang tao sa paggawa ng kanilang tungkulin ay ang gawin ang gusto nila—kung gusto nilang gawin ang isang bagay, ginagawa nila ito nang kaunti; kung ayaw nila, hindi nila ito ginagawa. Kapag mayroong kahit kaunting presyur sa kanilang gawain, nagrereklamo sila kung gaano ito kahirap, at gusto nilang magpahinga. Kung makikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan at sasabihin mo sa kanila na maaantala nila ang gawain sa ganitong paraan, sasabihin nila, “Bahala na. Gusto kong magpahinga ngayon. Gusto kong magsaya muna sandali!” Wala silang seryoso at responsableng saloobin sa anumang ginagawa nila. Maging ito man ay sa gawain, sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o maging sa kanilang buong buhay at kanilang pananalig, magulo ang isip nila, wala silang seryosong saloobin, at nagpapakita sila ng isang saloobing mapagwalang-bahala. Saanman sila magpunta, gusto nilang basta-bastang sumugod. Kapag nabibigo sila, hindi sila nababagabag kahit kaunti; hindi nila matiis na mapamahalaan, at hinahangad nilang tamasahin ang kalayaan. Kung sila ay pinalaya, walang pakundangan silang gumagawa ng masasamang gawa; kung nawalan sila ng kalayaan, nagrereklamo sila tungkol sa lahat ng tao at bagay. Ito ang uri ng saloobing mayroon sila. Hindi ba’t ito ay pagiging salanggapang? (Oo.) Ito ang natatanging katangian na nabuo ng mga taga-Silangan sa loob ng panlipunang kapaligiran ng Silangan. May ilang tao ring nagpipigil at nagtitiis; kaya nilang tiisin ang anumang bagay, at kaya nilang gawin ito sa loob ng napakatagal na panahon. Mayroon silang pambihirang pagtitiis at katatagan, kaya nilang tiisin ang anumang hirap, kayang mabuhay sa anumang kapaligiran, kayang ngumiti sa anumang kapaligiran, at nakakatulog pa rin sila kapag oras na para matulog sa gabi, nang hindi tumutulo ang ni isang luha. Halimbawa, kapag may baha at ang mga bahay, bukirin, at mga alagang hayop ng ilang tao ay pawang nalubog, tila hindi sila gaanong nasasaktan. Nakatuon sila nang husto sa pagpulot ng mahahalagang bagay sa baha, nagpaplanong yumaman. Binabalaan sila ng iba, “Hindi ligtas na isugal ang iyong buhay sa pagpulot ng mga bagay nang ganito!” Sumasagot sila, “Ang baha ay isang perpektong pagkakataon para yumaman. Mahirap makahanap ng ganitong pagkakataon!” Sinasabi ng iba, “Binaha ang ating mga bukirin, tinangay ng agos ang ating mga butil, hindi nagbibigay ng anumang tulong ang gobyerno, at walang sinumang dumarating para tumulong. Paano tayo mabubuhay? Napakahirap talaga ng buhay sa mundong ito. Mabuti pang mamatay na lang tayo!” Ngunit sinasabi nila, “Kapag tumama ang sakuna, kailangan mong umasa sa iyong sarili. Palaging mag-iiwan ng paraan ang Langit para sa tao. Ang baha ay isang magandang pagkakataon para yumaman. Isa itong negosyong walang puhunan at may napakalaking kita. Kahit na may nawala sa atin, may mapupulot tayong ibang mga bagay—sapat na iyon para mabawi ang mga nawala, at baka kumita pa tayo nang kaunti!” Kita mo, nakakaramdam ng pasakit ang mga normal na tao kapag may sakuna at nagdurusa sila ng mga kawalan, ngunit sa mga taga-Silangan, mayroong mga “bayaning karakter” na tulad nito—anuman ang sakunang dumating sa kanila, kaya nilang sumabay sa agos at makahanap pa nga ng mga oportunidad para yumaman. Hindi sila nag-aalala o nababagabag, at kahit na hindi magbigay ng tulong ang gobyerno o lutasin ang kanilang mga problema, wala silang pakialam. Para bang, dahil sa naranasan nilang napakaraming sakuna, nasanay na lang sila. Hindi ba’t ganito ang lipunang Tsino? Kaya, dahil sa ganitong uri ng edukasyon sa lipunang Tsino, ang mga akdang pampanitikan at pansining na kinokonsumo ng mga tao sa kanilang libreng oras o ang mga paraan ng kanilang pagrerelaks ay karaniwang mga anyo ng pagmamaliit sa sarili at pagtuya sa sarili. Ganito naglilibang ang mga Tsino, nakakahanap ng kaunting ginhawa para sa pagkasikil sa kanilang puso. Ngunit pagkatapos, sa pang-araw-araw na buhay, nagpapatuloy sila sa pagkukunwari at pagpipigil at pagtitiis tulad ng dati. Paano man sila tratuhin ng gobyerno, nasanay na ang karaniwang mga tao sa ganitong uri ng pagtrato. Hangga’t hindi sila nagugutom, kontento na sila; kung walang banta ng napipintong kamatayan, hindi nila iisipin ang paghihimagsik. Nagpasya na ang karaniwang mga tao na tanggapin ang gayong mga bagay: “Ang isang masamang buhay ay mas mainam kaysa sa isang mabuting kamatayan; palaging mag-iiwan ng paraan ang Langit para sa tao. Mamuhay na lang tayo nang ganito! Karapatang pantao? Demokrasya? Maluluhong pagnanais ang mga iyon. Kaming mga Tsino ay isinilang sa ganitong sawing kapalaran. Basta’t nananatili kaming buhay, sapat na iyon!” Hindi ba’t ito ay pagiging sukdulang mapurol ang isip at manhid? Mayroon pa ba silang natitirang dignidad bilang mga tao? (Wala na.) Ito ay isang kaawa-awang kalagayan.

Karamihan sa mga akdang pampanitikan at pansining na nilikha sa Silangan ay ibang-iba sa mga nilikha sa Kanluran sa kung ano ang sinasalamin at isinusulong ng mga ito. Bagama’t sinasalamin nga ng mga akdang pampanitikan at pansining ng Silangan ang ilang kawalang-katarungan sa lipunan, hindi ito ang pag-iisip na tunay na gustong isulong ng mga direktor o mga iskriprayter, at hindi ito ginagawa para tugunan ang ilang pangangailangan ng mga manonood. Ano ba talaga ang isinusulong nila sa mga akdang ito? Ang edukasyon ng panlipunang moralidad ng Silangan pa rin. Ang mga pangunahing pagpapamalas nito ay ang mga damdaming makabayan, na nagsusulong na ang mga tao ay dapat magmahal sa kanilang bansa, magmalasakit sa bansa at sa mga mamamayan, maging “mga tunay na lalaking may matataas na ambisyon,” bumunot ng kanilang mga espada para tumulong kapag nakakakita sila ng kawalang-katarungan, at sumalo ng bala para sa isang kaibigan. Ano pa ang isinusulong nila? “Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso,” at “Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo.” Ang pagkataong isinusulong nila ay hungkag sa katunayan; ito ay mga imahinasyon at hinuha lang ng mga tao. Isinusulong nila ito para lamang sa katatagan ng rehimen ng naghaharing uri, upang ang mga tao ay magpaalipin magpakailanman na parang mga hayop na pantrabaho para sa naghaharing uri, nang hindi pinahihintulutan ang kahit katiting na paglaban. Ginagamit ang mga hungkag na ideyang ito para gawing manhid at iligaw ang mga tao, tinutugunan ang kanilang pangangailangan para sa libangan at ang mga pansamantalang pangangailangan ng kanilang puso. Halimbawa, ano ang isinusulong sa mga nobela tungkol sa martial arts o sa mga drama sa pelikula at telebisyon? Ang diwa ng pagiging marangal, ang pagiging isang marangal na bayani na sumusunggab ng mga bagay mula sa mayayaman para tulungan ang mahihirap at bumubunot ng kanyang espada para tulungan ang iba. Ang tinatawag na marangal na bayani ay isinasakatawan ng kasabihang “Ginagawa ng mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao.” Ang pagsusulong sa diwa ng pagiging marangal ay hindi lang nag-uudyok sa karaniwang mga tao na purihin ang gayong mga karakter kundi na hangarin at naisin din na maging ganitong uri ng tao. Ano pa ang ibang isinusulong ng mga akdang pampanitikan at pansining ng Silangan? Isinusulong ng mga ito ang kabayanihan: ang pagpapakapagod at paggugol nang husto ng puso at isipan para sa bansa, para sa bayan, at para sa kapakanan ng isang lugar at ng mga mamamayan nito, at ang pagsasakripisyo ng sariling kabataan at buhay para sa dakilang layunin ng bansa. Sa madaling salita, ang mga talambuhay at alamat na ito ng mga tauhan sa martial arts na nabuo sa Silangan—at lalo na sa Tsino—na panlipunang kapaligiran, tradisyonal man o moderno ang mga ito, o kathang-isip o batay sa mga tunay na makasaysayang tao at pangyayari, ay pawang nagtuturo sa mga tao na magsikap na maging di-makasarili at kalimutan ang sarili. Ginagawa nilang lahat ito bilang kanilang tema at sentro ng edukasyon, naglalayong gawing may marangal na panlipunang moralidad ang mga tao. Ang pagiging di-makasarili at paglimot sa sarili ay nangangahulugan ng kawalan ng sarili; isinusulong nila na nauuna ang kapakanan ng nakararami bago ang pansariling kapakanan, na nauuna ang bansa bago ang pamilya, at sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ng magandang buhay ang isang tao. Ito ang uri ng pag-iisip na ikinikintal nila sa mga tao. Ibig sabihin, itinuturo nila sa iyo na huwag maging makasarili, na huwag lamang isaalang-alang ang iyong sarili, na huwag gumawa ng anumang sakripisyo o pagsisikap para sa kapakanan ng iyong sariling buhay, ng iyong sariling pananatiling buhay, o ng anumang bagay na may kaugnayan sa iyong sarili, at ni huwag kang makibaka para sa mga bagay na ito sa anumang paraan. Sa halip, dapat mong isakripisyo at ialay ang iyong sarili para sa iyong sariling bayan, para sa lipunan, para sa sangkatauhan, at para sa dakilang layunin ng bansa. Ang mga katuruang ito ay kolektibong tinutukoy bilang isang edukasyon sa pagkukunwari. Ang tinatawag na edukasyong ito sa pagkukunwari ay hindi makatotohanan at hindi umaayon sa mga pangangailangan ng pagkatao; sa batayan ng pagkakait sa mga pangangailangan ng pagkatao ng mga tao, sa kanilang mga likas na instinto, at sa kanilang pundamental na karapatang mabuhay, itinutulak nito ang mga tao na gumawa ng mga walang-kabuluhang sakripisyo para sa bansa at sa bayan, para sa isang hungkag at walang-saysay na layunin. Ang birtud na ito ng pagsasakripisyo ng sarili ay ganap na isang bagay na sapilitang ikinintal ng lipunang Silanganin sa pagkatao ng mga tao. Ang “sapilitang ikinintal” ay nangangahulugang hindi ito isang bagay na kusang lumilitaw mula sa pagkatao, hindi isang bagay na likas sa mga instinto ng pagkatao, hindi isang bagay na maaaring makamit ng mga likas na instinto, at hindi isang bagay na nais makamit ng likas na malayang kalooban o pansariling kalooban ng isang tao. Sa halip, ito ay isang bagay na sapilitang ikinikintal ng naghaharing uri o ng mga sosyologo sa isipan ng mga tao, nililigaw o pinipilit silang tanggapin ang gayong mga panlipunang obligasyon at responsabilidad, at pagkatapos ay tinuturuan sila sa ilalim ng engrandeng bandera ng tinatawag na “marangal na moral na karakter,” iniiwan silang walang lakas na kumawala, at masyadong takot na sumubok. Ito ay dahil kung ikaw ay kakawala sa edukasyong ito o aalpas dito, kung hindi mo tatanggapin ang edukasyong ito, ikaw ay isang kaaway ng buong lipunan at ng buong bansa—ikaw ay sukdulang mapaghimagsik, ikaw ay hindi tao, ikaw ay isang taong kakatwa, at kakailanganin mong harapin ang isang kalagayan sa buhay kung saan ikaw ay ibubukod. Samakatwid, kahit pa nakakaramdam ang mga tao ng kaunting kawalang-kasiyahan sa kanilang puso, kahit pa kinamumuhian nila ang lipunang ito at ang ganitong uri ng edukasyon, wala silang lakas ni tapang na kumawala mula rito, lalo na ang tapang na magsabi ng “hindi” rito. Kaya lang nilang kimkimin ang kanilang sama ng loob at tiisin ito—wala silang kapangyarihang lumaban, at kaya lang nilang tahimik na magtiis. Kung ikaw ay hindi magtitiis, sa malaking antas ay tutuligsain ka at itataboy ka ng lipunan; at sa maliit na antas, itataboy ka ng iyong pamilya at mga mahal sa buhay, lalayuan ka nila, at ibubukod ka nila, at kokondenahin ka pa nga nila bilang sukdulang mapaghimagsik. Tingnan natin ang isang halimbawa. Halimbawa, noong bata ka, sabihin nating tinuruan ka ng iyong mga magulang: “Kapag lumabas ka at nakakita ng mga nakatatanda, dapat mo silang batiin. Tawagin mong ‘tito’ o ‘tita’ ang mga mas bata sa amin, at tawaging ‘lolo’ o ‘lola’ ang matatanda. Kapag may nagbigay sa iyo ng isang bagay, kailangan mong sabihing ‘salamat.’ Kung saktan ka ng ibang bata, kailangan mong magtiis; lumaban ka lang kung talagang hindi mo na kaya. Kailangan mong magpakita ng labis na pagpipigil.” At isang araw, lumabas ka at may nakita kang isang tao, ngunit dahil nahihiya ka, hindi ka naglakas-loob na batiin siya. Naramdaman ng iyong mga magulang na napahiya sila, kaya dinisiplina ka nila pag-uwi mo, at mula noon ay agad ka nang bumabati sa tuwing may nakikita kang isang tao. Upang maiwasang mabugbog, gaano ka man nahihiya o gaano man kasalungat sa iyong kalooban, kailangan mo pa ring batiin ang mga tao nang labag sa iyong kalooban. Sa paglaki sa gayong kapaligiran, walang pagpipilian ang isang tao kundi tiisin ang lahat. Maging sa isang napakaliit na bagay, kailangan mong kumilos sa ganitong paraan; sa bahay man o sa labas sa lipunan, iyon lang ang maaari mong gawin. Kung hindi ka komportable at gusto mong maging suwail kahit isang beses lang, huwag mo nang isipin ang pagtuligsa ng lipunan sa iyo—maging ang iyong pamilya at mga magulang ay sesermunan at kagagalitan ka. Paglaki mo, napagtatanto mong ang pagbati sa mga tao ay para protektahan ang imahe at upang mas madaling magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan. Gayumpaman, noong bata ka, hindi mo ito maintindihan, bagama’t kailangan mo pa ring kumilos sa ganitong paraan. Kung hindi mo ginawa, didisiplinahin ka, at maaari pa ngang minsan ay mapagalitan o mabugbog ka ng iyong mga magulang sa harap ng ibang tao, isang bagay na hindi mo malilimutan sa buong buhay mo. Samakatwid, sa mas malawak na konteksto ng lipunan, maaari mo lamang tanggapin ang edukasyong ito sa tinatawag na “marangal na moral na karakter.” Anuman ang mga bunga ng pagtanggap dito, anuman ang impluwensiya nito sa iyong pagkatao sa huli, at anuman ang karakter o mga katangian ng pagkatao na idudulot nito sa iyo—sa huli, ikaw lamang ang dapat magpasan sa mga kahihinatnang ito.