Paano Hangarin ang Katotohanan (19) Unang Bahagi

Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan

Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Tao

II. Pagkilatis ng Tama sa Mali at Pag-alam sa Kung Ano ang Wasto at Hindi Wasto

C. Paano Kilatisin ang mga Positibong Bagay Mula sa mga Negatibong Bagay

Tungkol sa paksa ng mga positibong bagay, noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay at binigyan natin ang mga ito ng kahulugan. Ano ang mga positibong bagay? (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Naalala ninyo ang kahulugan ng mga positibong bagay, pero naaarok ba ninyo ang mga halimbawang ibinigay? (Naaarok namin ang mga ito hanggang sa isang antas.) Ang kahulugang ito, ang konseptong ito ng mga positibong bagay—isa ba itong katotohanan? (Isa itong katotohanan.) Nakatitiyak ba kayo? Kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakiramdam mo na ang kahulugang ito ay isang katotohanan at tumpak, pero kapag nakakaharap ka ng isang bagay na hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo ito maunawaan at hindi mo tatanggapin ang katotohanan. Ang isang bagay man ay tinitingnan bilang isang positibo o negatibong bagay ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, sa madaling salita, hangga’t hindi ito ang binibigyang-kahulugan ng Diyos bilang isang positibong bagay, hindi ito isang positibong bagay kundi isang negatibong bagay. Kaya mo bang kilatisin ang mga bagay sa ganitong paraan? (Oo. Kung binigyang-kahulugan ng Diyos ang isang bagay bilang isang positibong bagay, at hindi ito umaayon sa sarili kong mga kuru-kuro at hindi ko ito maintindihan—pero alam ko na ang sinasabi ng Diyos ay tiyak na ang katotohanan—kung gayon ay matututo akong tanggihan ang aking sarili.) Kung ang bagay na ito ay nagdudulot sa iyo ng pinsala, o nagdudulot pa nga ng pinsala sa lahat ng tao—ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, hindi ito nagdudulot ng pakinabang sa kanila at hindi ito nagdudulot ng anumang kaligayahan o kasiyahan, sa halip ay nagdudulot ng pasakit at kasawian—kung gayon, paano mo ito titingnan? Paninindigan mo pa rin ba ang iyong pananaw na “Ang pakahulugan ng Diyos sa mga positibong bagay ay talagang tumpak; hindi maaaring gumawa ng mga pagtatasa ang mga tao gamit ang kanilang mga kuru-kuro, at hindi rin nila maaaring tasahin ang isang bagay batay sa kung nakikinabang ba sila mula rito”? Hindi ka makatitiyak tungkol dito, hindi ba? (Hindi.) Anumang aspekto ng katotohanan ay hindi lang basta makatwiran o may-batayan sa antas ng doktrina; sa halip, sa tunay na buhay, sa harap ng lahat ng katunayan, isa itong pahayag na hindi nagbabago magpakailanman. Kung hindi mo ito matitiyak, sa iyong puso, ang iyong konsepto ng katotohanan ay talagang malabo. Ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan na ating pinagbabahaginan ay pawang nauugnay sa mga pananaw sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay; nauugnay ang mga ito sa diwa at tunay na mga sitwasyon ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at tinutulutan din ng mga ito ang mga tao na makita kung paano tinatrato ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito—kung ano ang Kanyang mga pananaw at saloobin tungkol sa mga ito. Dahil ang kahulugan ng mga positibong bagay ay isang katotohanan, siyempre, nauugnay din ito sa mga tunay na sitwasyon at diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na saklaw ng kahulugang ito, habang nauugnay rin ang mga saloobin, perspektiba, at pahayag ng Diyos tungkol sa iba’t ibang bagay na ito. Kaya, tama man o mali ang tingin ng mga tao, ayon sa kanilang mga kuru-kuro, sa kahulugan ng mga positibong bagay, at anuman ang paunang pananaw ng mga tao sa kahulugan ng mga positibong bagay sa konteksto ng kanilang tradisyonal na kultura o pang-araw-araw na buhay, sa madaling salita, dahil ang kahulugang ito ng mga positibong bagay ay isang katotohanan, ang mga tao, pangyayari, at bagay na saklaw nito ay pawang mga positibong bagay, at ang mga salungat dito ay pawang mga negatibong bagay. Walang kaduda-dudang tiyak ito. Dapat ay mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa usaping ito. Anuman ang panahon o kapaligirang panlipunan, at anuman ang epekto sa iyo ng isang positibong bagay o anuman ang iyong saloobin at perspektiba tungkol dito, ang kahulugan ng mga positibong bagay at ang diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay na saklaw ng kahulugang iyon ay hindi nagbabago. Nauunawaan ba? (Oo.)

Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang ilang partikular na halimbawa tungkol sa pahayag na “lahat ng bagay na inorden ng Diyos o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.” Hindi tayo nagbahaginan nang masyadong detalyado tungkol sa bahaging nagsasabing, “lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay.” Kaya, kaya ba ninyong kumpirmahin na tama ang pahayag na ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan o sa pamamagitan ng mga katotohanang naunawaan ninyo sa paglipas ng mga taon? O, kaya ba ninyong beripikahin na lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay batay sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakita at naranasan ninyo sa buhay? Kaya ba ninyong arukin ang mga bagay sa ganitong paraan? Kaya ba ninyong hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan? (Kaya naming arukin ang ilang mas simpleng bagay sa ganitong paraan.) Mayroong isang prinsipyo rito. Kung titingnan sa panlabas, ang mga paksa na kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay napakalaki ng saklaw at lubhang abstrakto, pero ang totoo, may malapit na kaugnayan ang mga ito sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap ng mga tao sa tunay na buhay—maaari ding sabihing mahigpit na magkakaugnay ang mga ito; hindi hiwalay sa realidad ang mga ito. Nauugnay ito sa isang isyu. Kapag nahaharap ka sa maraming hindi inaasahang tao, pangyayari, at bagay sa iyong buhay, hindi mo matukoy kung ang mga ito ay mga positibong bagay o mga negatibong bagay. Kahit pa nauunawaan mo ang doktrina para sa pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay, hindi mo pa rin ito matukoy. Kahit pa ang mga ito ay mga uri ng bagay na saklaw ng mga positibong bagay, hindi mo kinikilala ang mga ito bilang mga positibong bagay sa loob ng iyong mga kuru-kuro, at kinasusuklaman at kinamumuhian mo ang mga ito sa iyong puso, at iniisip mo pa nga na talagang hindi karapat-dapat ang mga itong mailista sa saklaw ng mga positibong bagay, ngunit ang mga ito ay talagang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nabibilang ang mga ito sa kategorya ng mga positibong bagay. Dito na pumapasok ang mga prinsipyo ng pagsasagawa kung paano dapat harapin ng mga tao ang ganitong mga klase ng mga bagay. Ang pinakasimpleng prinsipyo ng pagsasagawa ay ito: Una, dapat kang makatiyak na ang bagay na pinag-uusapan ay isang uri ng bagay na saklaw ng kahulugan ng mga positibong bagay. Bagama’t batay sa mga kuru-kuro ng mga tao ay hindi ito mukhang isang positibong bagay, kung ito ay isang bagay na nasa loob ng kategorya ng mga positibong bagay na binigyang-kahulugan ng Diyos, kung gayon, una sa lahat, dapat kang makatiyak na ito ay isang positibong bagay, at na talagang walang pagkakamali tungkol dito. May kabuluhan ang paglikha rito ng Diyos; ito ay para matuto ang mga tao ng ilang aral mula rito. Kinakailangang makatiyak dito. Isa itong prinsipyo ng pagsasagawa. Ikalawa, tungkol sa bagay na ito o sa ganitong uri ng usapin, hindi natin kailangang maging tulad ng mga siyentipiko at pag-aralan ang kalikasan o gamit nito, o kung anong papel ang ginagampanan nito sa buhay ng tao o sa buong food chain. Sapat na ang makatiyak lang na isa itong positibong bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ang positibong bagay na ito ay madalas na lumilitaw sa buhay ng mga tao at nakakasagabal sa kanilang buhay, na nakakaapekto sa kanilang pananaw na ito ay positibo, paano ito dapat tratuhin?” Madali lang harapin iyon. Kung kailangan mong gamitin ito sa iyong buhay, gamitin mo ito kung kinakailangan; hayaan mo itong magsilbi sa iyo. Kung hindi mo kailangang gamitin ito, at madalas itong nakakasagabal sa iyo o gumugulo sa alinman sa iyong mga pisikal na pandama, maaari mo itong itaboy at layuan. Huwag mo lang hayaang makasagabal ito sa iyo o magdulot sa iyo ng pisikal na pasakit. Ito ang ikalawang prinsipyo. Gayundin, dapat mong malaman na kung ito ay nagmula sa paglikha ng Diyos, pag-orden ng Diyos, o kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi mo ito dapat kasuklaman, kamuhian, o itanggi. Sa halip, dapat mo itong tanggapin at kilalanin. Ang mas mabuti pa ay ang pamahalaan ito at gamitin ito sa isang makatwirang paraan. Ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, tatlo sa kabuuan. Ano ang tatlong prinsipyong ito? (Ang una ay, hangga’t ang isang bagay ay nasa saklaw ng mga positibong bagay na tinukoy ng Diyos, dapat tayong makatiyak na isa itong positibong bagay. May kabuluhan ang paglikha rito ng Diyos; ito ay para matuto ang mga tao ng ilang aral mula rito. Ang ikalawa ay, batay sa pagiging tiyak na isa itong positibong bagay, ginagamit natin ito kung kinakailangan. Kung hindi natin kailangang gamitin ito, at nakakasagabal ito sa ating buhay, maaari natin itong itaboy at layuan, hindi ito hinahayaang makasagabal sa ating buhay. Ang ikatlo ay, kung ito ay nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi natin ito dapat kasuklaman o kamuhian; dapat natin itong tanggapin at kilalanin. Ang mas mainam pa ay ang magawang pamahalaan ito at gamitin ito sa isang makatwirang paraan.) Madali bang isagawa ang tatlong prinsipyong ito? Hindi ganoon kadali ang mga ito, hindi ba? (Hindi.) Kung may lamok na nag-iingay sa iyong tainga, itataboy mo ito, iisipin mo, “Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti; bubugawin ko lang ito at iyon na iyon”—magagawa mong kumilos ayon sa tatlong prinsipyong ito. Pero kung itataboy mo ito at agad itong babalik at kakagatin ka, habang lalo mo itong iniisip, lalo kang magagalit: “Pinakawalan na kita, pero ayaw mo akong tigilan. Sa pagkakataong ito, tiyak na hahampasin kita!” Tama bang hampasin ito? Sa totoo lang, hindi mali ang hampasin ito; maituturing itong angkop na pamamahala. Pero kasabay nito, hindi ba’t magsisimula ka ring magduda sa katunayan na ang mga lamok ay mga positibong bagay? Lalo na kapag ang pantal mula sa kagat nito ay lalo pang kumakati, napakakati na hindi na matiis, iisipin mo: “Ano ang silbi ng paglikha ng Diyos sa mga lamok? Magdurusa ba ang mga tao sa pinsalang ito kung walang mga lamok? Talagang hindi ito mukhang isang positibong bagay!” Sasabihin sa iyo ng iyong pagkamakatwiran na mali ang mag-isip sa ganitong paraan, na ang isang lamok ay isang positibong bagay dahil isa itong napakaliit na nilalang na nasa loob ng saklaw ng mga positibong bagay na nilikha ng Diyos. Pero hindi mo pa rin ito maunawaan: “Hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao, kaya bakit ito nilikha ng Diyos?” Bagama’t hindi malaki ang pantal mula sa kagat ng lamok, napakakati nito. Para sa mga may allergy, ang pagkamot dito ay maaaring humantong sa pamumula at pamamaga, at maging sa impeksyon at lagnat. Sa puntong ito, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at mahihirapan kang tanggapin ito: “Para sa akin, tila hindi mga positibong bagay ang mga lamok. Kung positibong bagay ang mga ito, paanong nakakasagabal ang mga ito sa mga tao at nakakapagdulot ng pasakit sa kanila? Hindi ba’t dapat mayroong mga positibong epekto ang mga positibong bagay? Hindi positibo ang epektong ito; gumaganap ang mga ito ng isang negatibong papel at mayroong negatibong epekto sa mga tao ang mga ito. Paanong inilagay ang mga lamok sa kategorya ng mga positibong bagay? Hindi ito kapani-paniwala. Ang ginawa ng Diyos ay hindi umaayon sa aking mga kuru-kuro!” Sa iyong puso, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa pagiging mga positibong bagay ng mga lamok. Sasabihin mo nang malakas, “Una sa lahat, hindi mo maitatanggi na ang mga lamok ay mga positibong bagay. Ikalawa, kung ayaw mong makasagabal sa iyo ang mga ito, maaari mong itaboy at layuan ang mga ito. Panghuli, hindi mo dapat kasuklaman o kamuhian ang mga ito, kundi dapat mong tanggapin, kilalanin, at pamahalaan ang mga ito sa isang makatwirang paraan.” Bagama’t sasabihin mo iyon, ang huling prinsipyong ito ay napakahirap para sa iyong isagawa. Medyo madali para sa iyong tanggapin ang mga insektong kapaki-pakinabang. Gayumpaman, pagdating sa mga lamok, kung susubukan mong tanggapin ang mga ito, pamahalaan ang mga ito nang makatwiran, at hindi isumpa ang mga ito, magagawa mo ba ito? (Bago ang pakikipagbahaginan ng Diyos, minsan kapag masama ang timpla ko at nakagat ako ng lamok, nakakaramdam ako ng matinding pagkasuklam at nakakapagsabi ako ng ilang masamang bagay. Sa hinaharap, susubukan ko ang lahat ng aking makakaya para iwasan ito at hindi na sabihin ang mga bagay na iyon.) Hindi mo dapat isumpa ang mga ito; dapat mong tanggapin, tratuhin nang tama, at pamahalaan ang mga ito sa isang makatwirang paraan. Ang bahaging ito tungkol sa makatwirang pamamahala ay napakahirap isagawa, hindi ba? (Oo.) Kung kikilalanin at tatanggapin mo ang mga ito sa salita at sa doktrina, medyo madali iyong gawin. Kung sasaktan ka ng mga ito, maaari mo ring layuan at iwasan ang mga ito. Pero ang matanggap mo ang mga ito at kilalanin mo ang mga ito mula sa iyong puso, ang tratuhin mo ang mga ito nang tama, at, higit pa rito, ang pamahalaan mo ang mga ito sa isang makatwirang paraan—magiging mahirap itong gawin para sa iyo. Bakit ito magiging mahirap? Dahil kapag sinasaktan ka ng mga ito, hindi mo nararamdaman na nakikinabang ka mula sa mga ito, kundi na pinipinsala ka ng mga ito. Ibig sabihin, ayon sa iyong mga kuru-kuro, dapat mayroong positibong epekto ang mga positibong bagay, pero sa halip na makatanggap ng anumang positibong pakinabang mula sa mga lamok, pakiramdam mo ay nagkaroon ng negatibong epekto sa iyo ang mga ito. Sa puntong ito, ang hindi mo kasuklaman o kamuhian ang mga ito, kundi tanggapin ang mga ito at pamahalaan pa nga ang mga ito sa isang makatwirang paraan, ay hindi magiging madaling gawin. Bagama’t kayang tanggapin ng mga tao sa antas ng doktrina na ang mga lamok ay mga positibong bagay, at kahit papaano ay kaya rin nilang tratuhin nang tama ang mga lamok, kapag ginugulo sila ng mga lamok sa tunay na buhay, napakahirap para sa kanila na tratuhin ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Kinakailangan nito na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, na maunawaan nila ang kalikasan ng maraming partikular na tao, pangyayari, at bagay na nauugnay sa ilalim ng tatlong aspektong saklaw ng mga positibong bagay—iyong mga “nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos”—pati na rin kung anong uri ng mga papel ang ginagampanan ng mga ito sa buhay at pananatiling buhay ng tao, at kung ano ang orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa mga ito at pagbibigay sa mga ito ng kanilang paraan ng pamumuhay. Ang mga ito ang mga bagay na kailangang maunawaan ng mga tao. Kung nauunawaan ng mga tao ang orihinal na pakay ng Diyos at ang pangkalahatang direksyon ng Kanyang mga layunin at ang mga pangunahing prinsipyo, kung gayon, para sa ilang positibong bagay na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, marahil bukod sa paglayo sa mga ito, maaari din nilang—sa iba’t ibang antas—matutunang tanggapin ang mga ito, kilalanin ang mga ito, pamahalaan ang mga ito nang makatwiran, at gamitin ang mga ito nang tama. Unti-unti nating tatalakayin ang paksang ito.