Paano Hangarin ang Katotohanan (18) Ikalimang Bahagi

Ang Lahat ng Bagay na Nasa Ilalim ng Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos ay mga Positibong Bagay

Nakapagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa aspekto ng “kung ano ang inorden ng Diyos.” Kung gayon, hindi ba’t dapat din tayong magbahaginan tungkol sa katotohanan patungkol sa “kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos”? (Oo.) Mayroon bang bahagyang pagkakaiba sa pagitan ng “kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos” at ng “kung ano ang nilikha ng Diyos at kung ano ang inorden ng Diyos”? (Mayroon.) Ano ang nauugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Madalas sabihin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Anuman ang uri ng kapalaran ng mga tao, ang usapin ba ng kapalaran mismo ay isang positibong bagay? (Oo.) Anuman ang kapalaran ng isang tao, mukha man itong maganda o masama sa panlabas, hangga’t ito ay mula sa Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, isa itong positibong bagay. Kung gayon, paano matutukoy na ang mga kapalaran ng mga tao ay mga positibong bagay? May iba’t ibang uri ng kapalaran ang mga tao. Sa panlabas, ang ilan ay tila namumuhay ng mga pinagpalang buhay, habang ang iba ay nagdurusa; ang ilang tao ay maunlad sa buong buhay nila, habang para sa iba ay hindi kailanman nagiging maayos ang mga bagay-bagay; ang ilang tao ay namumuhay sa kasaganaan, ang iba ay sa matinding kahirapan; ang ilang tao ay may masaya at maligayang pamilya, habang ang iba ay may malungkot na buhay may-asawa at mga suwail na anak; ang ilang tao ay nag-iisa sa buong buhay nila, habang ang iba ay masayang napapalibutan ng kanilang mga anak at apo; ang ilang tao ay pinahihirapan ng sakit at kirot sa buong buhay nila, namumuhay sa matinding kapighatian, habang ang iba ay malakas at malusog, namumuhay ng komportable at malayang buhay, at sa huli ay namamatay nang payapa sa katandaan. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kapalaran ng iba’t ibang uri ng mga tao? (Oo.) Kung gayon, ang kapalaran ba ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila, “Dahil ang kapalaran ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dapat maging maganda lahat ang kapalaran ng mga tao. Bakit napakaraming masamang kapalaran?” Mayroon pang isang mas nakakalitong katunayan, at iyon ay na ang mga kapalaran ng karamihan sa mga tao ay hindi ayon sa kanilang nais. Tingnan mo—ilang tao ang hindi nagdurusa ng anumang hirap sa buong buhay nila, isinilang sa yaman at katayuan, at nakararanas ng labis na pagmamahal mula sa lahat ng dako? Ilan ang gayong mga tao? Tanging yaong mga isinilang sa mga elite na pamilya ang may gayong kapalaran. Karamihan sa ibang mga tao ay nagdurusa sa buong buhay nila at nagtitiis ng hindi mabilang na mga paghihirap, nakakasagupa ng mga hadlang sa bawat hakbang—lubhang mahirap para sa kanila ang mga bagay-bagay at hindi talaga nagiging maayos. Bagama’t sa teorya ay kinikilala mo na ang mga kapalaran ng mga tao ay pawang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay, hindi mo pa rin nauunawaan sa iyong puso: “Kung sinasabing isang positibong bagay para sa mga isinilang sa labis na pribilehiyo na magkaroon ng magagandang kapalaran, sa usapin ng doktrina, katanggap-tanggap ito. Pero para sa 80 hanggang 90 porsiyento ng mga tao, hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay at nagdurusa sila sa buong buhay nila—kaya bakit ang gayong mga kapalaran ay mga positibong bagay rin at nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Medyo hindi ito katanggap-tanggap. Maging dahil man sa moral na hustisya o dahil sa simpatiya, ang mga kapalarang tulad nito ay hindi maaaring iklasipika bilang mga positibong bagay. Hindi ito tumutugma. Maaari kayang mali ang depinisyong ito? Kung tunay ngang mali ito, dapat alisin ang bahagi tungkol sa kapalaran ng mga tao mula sa kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Pero kung aalisin ito, itatanggi niyon ang katunayan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Hindi ba’t magiging lubhang mapaghimagsik iyon? Pero paano natin dapat maunawaan ang katunayan na ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay, at na ang masasamang kapalaran ay mga positibong bagay rin?” Medyo nalilito ang mga tao. Naglalatag ito ng mahirap na tanong para sa inyo, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin. Tingnan natin kung sino ang makakapagpaliwanag nang malinaw sa usaping ito. (Sa tingin ko ay mali para sa mga tao na ituring ang pagharap sa mga paghihirap bilang isang masamang bagay. Ang totoo, ang kapalarang inorden ng Diyos para sa isang tao, ito man ay paghihirap o kaginhawahan, ay ang pinakakapaki-pakinabang para sa kanya. Ang pagdurusa, sa partikular, ay mas lalo pang may kakayahang humubog sa mga tao. Dagdag pa rito, ang mga bagay na ito ay may kaugnayan sa reinkarnasyon ng mga kaluluwa ng mga tao. Marahil dahil sa paggawa ng masama sa kanyang nakaraang buhay o dahil sa kung anong pagkakautang mula sa kanyang nakaraang buhay, kailangang magdusa ang isang tao sa buhay na ito para pagbayaran ito. Lahat ng ito ay napapasailalim sa pag-orden at pagsasaayos ng Diyos.) Kung gayon, ano ang positibong bagay rito? Maipapaliwanag mo ba ito nang malinaw? (Hindi.) Kita mo, kung may isang taong talagang magtatanong sa iyo tungkol dito, hindi mo ito maipapaliwanag nang malinaw; matitigilan ka rito. Kung hindi mo ito sineryoso, palalampasin mo lang ito, pero maaapektuhan nito ang iyong pagtanggap sa katotohanan na “ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay,” maaapektuhan nito ang iyong paggamit sa katotohanang ito para ilarawan kung aling mga bagay ang positibo, maaapektuhan nito ang iyong pagtanggap at pagkilala sa anumang positibong bagay, at maaapektuhan din nito ang iyong saloobin sa lahat ng bagay na nasa saklaw ng “kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos,” na, siyempre, ay nauugnay sa kung tatanggapin o kokondenahin mo ba ang mga ito—napakaseryoso ng isyung ito. Kung hindi mo matarok ang usapin ng kapalaran, malamang na ituring mo itong isang negatibong bagay at ilarawan mo ito bilang ganoon. Pero ang mga kapalaran ng mga tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at inorden ng Diyos. Kung ilalarawan mo ang mga kapalaran ng mga tao, na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at inorden ng Diyos, bilang mga negatibong bagay, ano ang kalikasan ng isyung ito? (Paglapastangan laban sa Diyos.) Ito ay pagkondena sa Diyos at paglapastangan sa Diyos. Sa pananalita ng tao, nangangahulugan itong “Nakagawa ka ng malaking kasalanan, kaya humayo ka at ipagtapat mo agad ang iyong mga kasalanan!” Hindi na tayo magsasabi pa ng marami tungkol dito.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa “ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay” at nabanggit natin ang mga kapalaran ng mga tao. Bagama’t malawak ang saklaw ng nilalamang ito, napakapartikular din nito; nauugnay ito sa buhay ng bawat tao at ng buong sangkatauhan. May iba’t ibang uri ng kapalaran ang mga tao, pero ang mga kapalaran ng karamihan sa mga tao, ayon sa nakikita ng mga tao o ayon sa nararanasan nila mismo, ay maaaring ilarawan sa isang salita: sawimpalad. Ang “sawimpalad” ay nangangahulugang puno ng mga bako-bakong daan at kabiguan ang kapalaran ng isang tao; namumuhay ang gayong tao ng isang napakahirap na buhay, at sa halos lahat ng oras ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa nais niya. Sumasailalim man sa maayos o mahirap na mga karanasan ang isang tao, anuman ang nakikita o natatanto niya, isang puntong hindi maikakaila ay na bagama’t nakikita ng halos lahat ng tao na ang kanilang mga kapalaran ay hindi ayon sa nais nila, ang kapalaran ng lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi ito dapat itanggi kailanman. Dahil ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay nagbunga ng gayong realidad na mahirap tanggapin para sa mga tao, kinakailangang magbahagi tungkol sa kung ano ang mga prinsipyo at ugat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao, at kung ano ang motibo ng Diyos sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao—ibig sabihin, kung bakit ganito ang paraan ng pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao, at kung bakit Niya isinasaayos ang gayong mga kapalaran para sa mga tao. Una, tingnan natin kung ano ang motibo ng Diyos sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Dumarating ba ang mga tao sa mundong ito para lang mamuhay nang walang direksyon o mag-aksaya ng kanilang panahon? (Parehong hindi.) Sa usapin ng motibo ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapalaran ng mga tao, ito ay hindi para pumarito sila sa mundo para lamang maglakad-lakad nang kaunti na parang mga naglalakad na bangkay at matapos na. Sa halip, ito ay para mamuhay sa laman ang mga tao at maranasan nila ang buhay, at pagdaanan nila ang lahat ng uri ng kapaligiran sa pamumuhay, pati na ang iba’t ibang kalagayan sa iba’t ibang panahon. Tungkol naman sa pagdanas ng buhay, ang laman ng tao ay may isang katangian: Kung ang isang tao ay namumuhay sa isang komportableng kapaligiran nang hindi dumaranas ng anumang bako-bakong daan, paghihirap, suliranin, o kabiguan, hindi madali para sa kanya na lumago at magkaroon ng hustong isip. Ito ay tulad ng isang halamang tumutubo sa isang greenhouse nang hindi nalalantad sa hangin at araw; napakarupok ng buhay nito, dahil hindi madali para dito na sumipsip ng iba’t ibang sustansya mula sa kalikasan. Sa sandaling malantad ito sa nakakapasong araw at malalakas na hangin, napakadali para dito na mabali at mamatay nang maaga, at pagkatapos ay hindi na makapagpapatuloy ang buhay nito. Samakatwid, sa usapin ng kalikasan at instinto ng laman ng tao, hindi dapat maging tulad ng mga bulaklak sa isang greenhouse ang sangkatauhan, mga bulaklak na hindi nakakaranas ng hangin at ulan, kundi ay dapat magtiis ito ng iba’t ibang suliranin, bako-bakong daan, at pagkadismaya mula sa mundo ng tao. Sa gayong kapaligiran sa pamumuhay, gagamitin ng sangkatauhan ang kanilang malayang kalooban at mga kaisipang bigay ng Diyos, at sila ay—sa lahat ng posibleng paraan, nang nagsasarili, nang buong tiyaga, at nang walang takot sa anumang paghihirap—magpapatuloy at mabubuhay. Pasisiglahin nito ang iba’t ibang instinto ng mga tao para sa buhay at pananatiling buhay, at magagamit ng mga tao ang kanilang instintong bigay ng Diyos para sa pananatiling buhay upang mamuhay nang nagsasarili at harapin ang bawat kapaligiran, pati na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid. Sa isang banda, mula sa perspektiba ng obhetibong instinto ng laman ng tao, kailangan ng mga tao ang pagpapasigla at tulak ng kapaligirang ito para makabuo ng pagnanais na manatiling buhay, upang sila ay makapamuhay nang may katatagan. Sa panlabas, tila mahirap ang ganitong pamumuhay, pero sa gitna ng pagpapasigla at mga dagok ng kapaligirang ito, nagkakaroon ang mga tao ng mas malakas na pagnanais na manatiling buhay, at kaya sila ay magpapatuloy, at unti-unti silang lalago tungo sa pagkakaroon ng hustong isip, unti-unting makikibagay sa pamumuhay kasama ng iba, at magiging hindi gaanong marupok, sa halip ay magkakaroon ng tiyaga, pagtitiis, at katatagan, na may kakayahang manatiling walang takot sa anumang paghihirap. Ito ang paunang motibo ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapalaran ng mga tao; ito ang pangunahing konsepto ng mga kapalaran ng mga tao na idinisenyo batay sa orihinal na anyo ng instinto ng kanilang laman. Isa itong aspekto. Ang isa pa ay na—batay sa pangunahing konseptong ito—kapag ang mga tao ay naglalakbay sa mundong ito, mula pagkabata hanggang pagtanda, sa proseso ng unti-unting pagtanda, nararanasan nila ang mga pangyayari sa buhay, nagkakamit sila ng karanasan sa buhay, at nagkakamit ng ilang prinsipyo at landas para sa pagharap sa iba’t ibang paghihirap sa buhay. Sa ganitong paraan, unti-unting lumalago ang mga tao tungo sa pagkakaroon ng hustong isip, at lalo silang nagiging may kakayahang mamuhay nang nagsasarili sa pagitan ng langit at lupa, at sa gitna ng iba. Hindi sila magiging gaanong marupok, at hindi sila makakaramdam ng panghihina ng loob o pagkadismaya—o makararamdam pa nga na walang pag-asa sa buhay—kapag nakakaranas sila ng kaunting kabiguan o pagkatalo. Sa halip, pagkatapos maranasan ang iba’t ibang mahirap na kalagayan, lalo silang magkakaroon ng kakayahang tingnan nang wasto ang buhay at kamatayan, at lalong magkakaroon ng kakayahang matanto kung aling mga tungkulin ang dapat nilang gampanan sa buhay at ang siyang pinakakailangan nila, at sa ganitong paraan, lalo silang makakaramdam ng kagaanan sa buhay. Sa prosesong ito, unti-unting lumalago ang mga tao tungo sa pagkakaroon ng hustong isip; ibig sabihin, unti-unti nilang nararating ang punto na hindi na sila natatakot sa mga hirap at panganib, hindi na natatakot sa kamatayan, at hindi na natatakot sa anumang paghihirap. Sa simula, kapag bata pa ang mga tao, umiiyak sila at hindi makatulog kapag nakakarinig sila ng ilang hindi kanais-nais na salita at mga salitang tumatagos sa puso o nakakaranas sila ng kaunting paghihirap o kabiguan, at pakiramdam nila ay walang pag-asa sa buhay. Unti-unti, nararating nila ang punto kung saan mayroon na silang kaunting katatagan ng kalooban at paglaban sa kanilang puso kapag nakakarinig sila ng mga salitang tumatagos sa puso at nakakaranas ng mga paghihirap, at hindi na nila nararamdaman na walang saysay ang mabuhay, ni iniisip ang kamatayan. Kalaunan, kapag nakakarinig sila ng salitang mas tumatagos sa puso at nakakaranas ng mga kabiguan at pagkatalo, kaya na nilang tiisin ang mga ito sa kanilang puso nang hindi gaanong naaapektuhan, at nararamdaman nila na napakanormal para sa mga tao na maranasan ang mga bagay na ito sa buhay, at hindi na nila kailangan ang pag-alo, pagpapalakas ng loob, o tulong ng iba para maipagpatuloy ang kanilang buhay. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nagkakamit ang mga tao ng lalo pang higit na katatagan? May kakayahan ang mga tao na manatiling buhay nang nagsasarili, at may motibasyon din sila na manatiling buhay nang nagsasarili. Dapat pagdaanan ng lahat ang yugto ng pagiging bata at walang muwang. Pagkatapos lamang ng edad na kuwarenta o singkuwenta sila unti-unting nakakarating sa isang kalagayan ng pagiging husto na ang isip at nagiging mga nasa hustong gulang na. Kahit na hindi pa nakapagsisimula ng pamilya, nakapagtatatag ng karera, o nagiging magulang ang isang tao, batay sa kung ano ang pinagdaanan niya sa buhay, mula sa mga salitang binibigkas niya, at mula sa mga natatanto, nauunawaan, at saloobin niya sa kanyang buhay, sa pamumuhay, sa mga paghihirap na kinakaharap niya, at sa mga bagay na nangyayari o hindi nangyayari ayon sa nais niya, makikita mo na ang taong ito ay lumaki na at naging husto na ang isip. Ano ang dahilan kaya naging posible ang lahat ng ito? Naging posible ito dahil sa iba’t ibang paghihirap, pagkadismaya, at maging ang mga kabiguan at pagkatalo na lumilitaw sa mga kapalaran ng mga tao gaya ng inorden ng Diyos. Samakatwid, mula sa perspektibang ito, walang duda na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, at dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanang ito nang lubusan. Masasabi ba rito na ang Diyos ay tunay na may masisidhing layunin sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao? (Oo.) Nananampalataya man ang isang tao sa Diyos o hindi, habang ang mga tao ay unti-unting nagkakaroon ng hustong isip mula sa kanilang pagsilang, yaong may mahusay na kakayahan ay maaari pa ngang makarating sa punto ng pagkaunawa na sila ay napapasailalim sa kapalaran at ng paghahanap sa Diyos. Batay sa katunayang ito, hindi ba’t isang positibong bagay ang orihinal na layunin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao? (Oo.) Kita mo, kapag sinasabi Ko ito, tumatango kayong lahat at kinikilala ninyo na isa itong positibong bagay. Bakit ganoon? Dahil ang sinasabi Ko ay isang katunayan, at naipaliwanag Ko na nang malinaw ang diwa ng usaping ito, at naranasan na rin ninyo ito, tama ba? (Oo.) Tunay ngang nakinabang ang sangkatauhan mula sa kapalarang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Anuman ang iyong pinagmulan, o saan ka man nanggaling, at anuman ang papel na ginagampanan mo sa lipunang ito, sa madaling salita, hangga’t nabubuhay ka sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nakatanggap ka na ng mga pakinabang mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi iyan tama. Dapat magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga kapalaran ng hinirang na mga tao ng Diyos, sa mga kapalaran ng mga tao. Walang kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga kapalaran ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo o hayop.” Wasto ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Anumang bagay na isang nilikha ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hangga’t ito ay isang nilikha, mayroon itong kapalaran. Ikaw ay isang nilikha, kaya mayroon kang kapalaran mo. Nagsaayos ang Diyos ng isang kapalaran para sa iyo, kaya ang iyong kapalaran ay hindi isang bagay na pinili mo, ni isang bagay na nilikha mo; nagmumula ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Samakatwid, anuman ang papel na ginagampanan mo, nagreinkarnasyon ka man mula sa isang tao, isang hayop, o isang diyablo, dahil ngayon ay mukha kang isang miyembro ng lahi ng tao, tiyak na mayroon kang kapalaran, at ang iyong kapalaran ay tiyak na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Batay sa puntong ito, hindi ba’t isang positibong bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao? (Oo.) Bakit natin sinasabi na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay? Dahil ang Diyos ay may masisidhing layunin sa likod ng kapalarang isinasaayos Niya para sa sinumang nilikha; lahat ng ito ay para makapamuhay nang normal at maayos sa mundong ito ang sangkatauhan, nang may iba’t ibang likas na kondisyong ipinagkaloob ng Diyos. Hindi tinatrato ng Diyos ang sinumang tao nang hindi patas. Tulad ng sinasabi, ang araw ay sumisikat sa mabubuti at sa masasama. Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi, bakit natin sasabihin na tanging ang Diyos ang Lumikha ng sangkatauhan, at tanging ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan? Dahil ito ang ginagawa ng Diyos, mayroon ang Diyos ng abilidad na ito, at taglay Niya ang diwang ito at ang awtoridad na ito. Nililinaw ito ng puntong ito—ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, at hindi ito maaaring itanggi o pagdudahan. Ibig sabihin, batay sa mga batas ng buhay sa laman ng sangkatauhan, ang mga kapalaran ng mga paghihirap at bako-bakong daan na isinasaayos ng Diyos para sa mga tao ay makakatulong sa kanila na unti-unting magkaroon ng hustong isip at makompleto nang maayos ang kanilang paglalakbay sa buhay na ito. Mula sa perspektibang ito, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay isang positibong bagay.

Sa pagtingin sa isa pang aspekto ng kapalaran ng mga tao, maraming tao ang namumuhay ng buhay na mahirap at nakakadismaya. Tila hindi naman sila gumawa ng anumang masama, ngunit mukhang pinarurusahan sila. Halimbawa, nawawalan ng ama ang ilang tao sa kanilang kabataan, ng asawa sa katanghalian ng kanilang buhay, at ng anak na lalaki sa kanilang katandaan, at nawawasak ang kanilang mga pamilya dahil sa kamatayan. May ilan na naaaksidente, tulad ng mga banggaan ng sasakyan o pagbagsak ng eroplano. May ilan na may mga kapansanan: Ang ilan ay bulag, ang ilan ay bingi, at ang ilan ay nawalan ng mga braso o binti. May ilan na lubos na naghihirap dahil sila ay naloko, at ang iba ay ginugugol ang buong buhay nila sa pagbabayad ng mga utang. Kapag dumarating sa mga tao ang iba’t ibang sawimpalad na bagay na ito, marami ang nagsasabi, “Hindi patas ang Langit. Tila hindi ito isang bagay na dapat gawin ng Langit. Kung ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, paano Niya nagagawang gawin silang ganito kamiserable? Paano Niya nagagawang hayaan ang mga inosenteng tao na magdusa ng gayong mga dagok at makaranas ng gayong kasawian?” Kung titingnan ito ng mga tao mula sa perspektiba ng orihinal na layunin ng Lumikha sa pag-orden ng kapalaran ng mga tao, masisidhi ang mga layunin ng Lumikha para sa sangkatauhan, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay. Ngunit kapag may ilang espesyal na bagay na nangyayari sa kapalaran ng mga tao na tila kalunus-lunos mula sa perspektiba ng konsensiya ng pagkatao, hindi maunawaan ng mga tao kung bakit isang positibong bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao, at hindi nila malaman kung ano ang nangyayari. Maraming tao ang naniniwala na may mga hindi patas na aspekto sa pagsasaayos ng Lumikha sa kapalaran ng mga tao, at pakiramdam nila ay hindi gaanong makatwiran na sabihing ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay. Samakatwid, may ilang tao na nakaisip ng isang karaniwang kasabihan: “Ang mga gumagawa ng mga tulay at nagkukumpuni ng mga daan ay nagiging bulag, habang ang mga gumagawa ng maraming masasamang gawa ay pinagpapala na magkaroon ng malalaking pamilya.” Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ito patas. Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng mga daan ay pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti. Ang mga taong gumagawa niyan ay dapat magkaroon ng malalaking pamilya at maging napakayaman. Paanong nagiging bulag sila? Maaari kayang ang gayong kapalaran ay nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at isa ring positibong bagay? Hindi ito makatwiran!” Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at wala silang pagkakilala sa Diyos, talagang hindi nila maiintindihan o mauunawaan ang mga bagay na ito. Palaging sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Pinahahalagahan ng Langit ang mga buhay na nilalang.” Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, kung mayroong isang Diyos, kung mayroong isang Langit, dapat magmalasakit ang Diyos sa Kanyang mga nasasakupan. Kung Siya ang Lumikha, dapat Siyang magmalasakit sa Kanyang mga nilikha at makitungo sa kanila nang may kabaitan; hindi Niya dapat hayaang danasin nila ang mga pasakit na ito. Sa paningin ng mga tao, kung nabubuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ng mga diyablo, kauna-unawa na maaari silang magdusa ng mga pasakit na ito, ngunit dahil ang sangkatauhan ay nabubuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila dapat danasin ang mga ito. Lalo na pagdating sa ganitong uri ng kapalaran na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lalong hindi maunawaan ng mga tao kung ano ang nangyayari. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, napakahirap para sa kanila na kilalanin na may kahulugan sa likod ng bawat bagay na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at na isinasaayos ng Diyos; hindi nila maunawaan ang ilang bagay, at hindi sila makausad sa mga espesyal na sitwasyong ito. Kung ang isang tao ay may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, sasabihin niya, “Kung hindi natin maipaliwanag ang bagay na ito, huwag na natin itong pag-usapan, hindi natin ito dapat husgahan nang basta-basta.” Maituturing siyang may kaunting katwiran. Ang ilang tao ay walang konsensiya o katwiran, lalong wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Sila ay mapangahas at may lakas ng loob na manghusga nang walang pakundangan kapag nakakaranas sila ng mga bagay na hindi naaayon sa kanilang kagustuhan, “Hmp! Sinasabi ng mga tao na pinahahalagahan ng Langit ang mga buhay na nilalang, kung gayon, bakit ang ilang tao na tila napakabuti ay namamatay sa murang edad? At marahas ang pagkamatay nila, nag-iiwan ng maraming anak. Labis na kaawa-awa, labis na kalunos-lunos! At sinasabi pa rin ng mga tao na isang positibong bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang pagkakaroon ng mga tao ng gayong kalunos-lunos na kapalaran ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng diyos, kung gayon, ang diyos ay hindi matuwid!” Ganoon na lang kawalang-pakundangan kung manghusga sa Diyos ang mga taong ito. Walang duda na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang kapalaran ng mga tao. Hindi ito kailanman maaaring pagdudahan o itanggi sa anumang oras. Ang pahayag na “Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng mga tao” ay wasto sa lahat ng panahon at isang katunayan sa lahat ng panahon, dahil ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, at hindi ito kailanman magbabago sa anumang oras. Kung gayon, bakit nakakaranas ang mga tao ng gayong kalunos-lunos na mga sitwasyon? May isang bagay na hindi alam ng mga tao, o maaaring nauunawaan nila ito sa usapin ng doktrina ngunit hindi nila ito maipaliwanag nang malinaw, at iyon ay na ang kapalaran ng bawat tao ay may sanhi at bunga. Kung anong uri ng kapalaran ang mayroon ka at kung anong mga bagay ang pinagdurusahan mo sa buhay na ito ay maaaring mga bunga ng iyong nakaraang buhay, at maaari ding maging mga sanhi sa iyong susunod na buhay. Katulad lang ito ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.” Sa iyong nakaraang buhay, maaaring naghasik ka ng ilang sanhi at bunga—kung isasaayos ng Diyos na ikaw ay magreinkarnasyon bilang isang tao at maging miyembro ng sangkatauhan sa buhay na ito, dapat mong pagbayaran ang mga sanhi at bungang inihasik mo; dapat kang makabawi para sa mga ito. Kung makababayad ka ba para sa mga ito at kung dapat mo ba itong gawin ay hindi ikaw ang magpapasya. Walang sinumang gumawa ng masama ang handang tumanggap ng kaparusahan. Tanging ang Lumikha ang makapagsasaayos ng bagay na ito, ang may awtoridad na gawin ito, at, siyempre, ang may kapangyarihang gawin ito. Kung gayon, ano ang prinsipyo ng Lumikha sa paggawa nito? Ito ay ang gantimpalaan ang mabuti at parusahan ang masama. Bagama’t ang sangkatauhan ay hindi nakakaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi kilala ang Diyos, at hindi naaarok ang mga pundamental at prinsipyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, para sa Diyos, dahil Siya ay may matuwid na disposisyon at dahil sa Kanyang pagkakakilanlan bilang ang Lumikha, nagtatag Siya ng mga makalangit na tuntunin at kautusan para sa sangkatauhan at para sa lahat ng bagay. Saan nakabatay ang mga makalangit na tuntunin at kautusang ito? Nakabatay ang mga ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan. Ang pagtatatag ng mga makalangit na tuntunin at kautusang ito ay nasasalamin sa isang penomenon sa mundo ng mga tao, at iyon ay ang reinkarnasyon ng mga tao. Ang proseso ng reinkarnasyon ng tao ay madalas na direktang nauugnay sa sanhi at bunga, at ang ugnayang ito ng sanhi at bunga ay nasasalamin at naipapamalas sa ilang espesyal na bagay sa kapalaran ng mga tao. Dagdag pa rito, sa proseso ng reinkarnasyon ng tao, tinatanggap ng mga tao ang mga gantimpala ng Diyos pati na rin ang Kanyang mga kaparusahan. Pinarurusahan ng Diyos ang mga gumagawa ng masama; ibig sabihin, hinahayaan Niya silang makaranas ng lahat ng uri ng kasawian at sakuna, at lahat ng uri ng kaparusahan na itinuturing ng mga tao na hindi nararapat at hindi makatwiran. Ang ilan sa mga kaparusahang ito ay talagang labis na kalunos-lunos pa nga sa paningin ng tao, ngunit mayroong dahilan kung bakit nangyayari sa kanila ang kalunos-lunos na sitwasyong ito. Hindi ito isang bagay na ipinataw sa kanila ng Diyos nang walang dahilan, kundi isang kaparusahan na dapat nilang danasin dahil nakagawa sila ng di-mabilang na masasamang gawa. Kapag hindi makilatis ng mga tao ang mga pasikot-sikot ng bagay na ito, nagsasalita sila nang walang katuturan at nagrereklamo, na napakahangal, tungkol sa Langit at sa Diyos. Kung gayon, ano ang sitwasyon ng mga nagtatamasa ng biyaya ng Diyos? Dahil nag-ipon sila ng merito at gumawa ng maraming kabutihan sa kanilang nakaraang buhay—maraming bagay na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, at maraming bagay na hindi nagdulot sa kanila ng pagkondena kundi nagbibigay-gantimpala ayon sa mga makalangit na tuntunin at kautusan ng Diyos, nagtatamasa sila ng maraming pagpapala sa buhay na ito. Bibigyan Ko kayo ng isang halimbawa. Sabihin nating may isang babaeng isinilang sa isang masayang pamilya—bagama’t hindi gaanong mayaman ang pamilya, marami itong anak na lalaki at walang anak na babae, at isinaayos ng Diyos na mapabilang siya sa pamilyang ito. Sa sandaling isilang ang sanggol na babaeng ito, siya ay itinuturing na yaman ng pamilya—napakahalaga na tila natatakot silang huminga malapit sa kanya sa takot na masaktan siya. Ang batang babaeng ito ay maganda, matalino, at kaibig-ibig, at gusto siya ng lahat ng kanyang mga magulang at mga nakatatanda. Ang buong buhay niya ay naging maayos at walang sagabal. Anuman ang gawin niya o anumang paghihirap ang maranasan niya, palaging may mababait na tao na tumutulong sa kanya, at lahat ng kanyang mga paghihirap ay nalulutas nang napakadali. Wala siyang mga alalahanin at namumuhay siya nang magaan at masaya. Tunay siyang pinagpala! Ano ang nangyayari dito? May kinikilingan ba ang Lumikha na ilang partikular na tao? (Wala.) Kung gayon, bakit nakakatamasa ang ilang tao ng gayon kalaking mga pagpapala? Nakasaad sa mga makalangit na tuntunin at kautusan na ang isang partikular na uri ng tao na gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay dapat gantimpalaan, at maaaring gayon siyang tao. Dahil tinanggap niya ang gantimpala mula sa Lumikha, nagtatamasa siya ng gayon kalaking mga pagpapala sa mundo ng mga tao. Hindi niya kailanman kailangang mag-alala tungkol sa pagkain at pananamit; saanman siya magpunta, may mababait na tao na tutulong sa kanya, at saanman siya magpunta, gusto siya ng mga tao. Kahit na siya ay nasa kwarenta o singkwenta anyos na at malalaki na ang kanyang mga anak, itinuturing pa rin siyang kayamanan ng kanyang mga magulang; tuwing mayroon silang magandang bagay, itinatabi nila iyon para sa kanya. Naiinggit ang iba kapag nakikita siyang nagtatamasa ng gayong mga pagpapala, at nararamdaman ng ilan na hindi ito patas dahil hindi nila matamasa ang gayong mga pagpapala. Kung gusto mo ring tamasahin ang gayong kapalaran na isinaayos ng Lumikha, at tamasahin ang suwerte at mga pagpapalang tulad ng sa kanya, dapat ka ring mag-ipon ng higit pang merito at gumawa ng higit pang kabutihan, at dapat ding higit mo pang gawin ang mga bagay na itinakda ng Langit bilang pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti—sa gayon, matatamasa mo rin ang gayong mga pagpapala. Ano ang ipinapaalam ng penomenon na ito, ng katunayang ito, sa mga tao? Anuman ang uri ng kapalaran ng isang tao sa mundo ng mga tao—nagtatamasa man siya ng mga pagpapala o nakakaranas ng mga sakuna, magaan man ang takbo ng kanyang buong buhay o nakakaranas siya ng maraming kasawian at kalamidad—mayroon itong tiyak na kaugnayan sa kanyang nakaraan at kasalukuyang buhay. Sa huli, kung gayon, kung ano ang kanyang kapalaran ay may kaugnayan sa mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinakda ng Diyos. Kung lahat ng ginawa niya sa kanyang nakaraang buhay ay naaayon sa mga probisyon ng mga makalangit na tuntunin at kautusan na nagreresulta sa pagtanggap ng gantimpala, kung gayon ang kanyang kapalaran sa buhay na ito ay maaaring, sa paningin ng mga tao, maging maningning, magaan ang takbo, at napakabuti. Kung ang ginawa niya sa kanyang nakaraang buhay ay lumabag sa maraming makalangit na kautusan, at nagkataon lang na tumugma sa mga probisyon ng mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinakda ng Diyos na nagreresulta sa kaparusahan, kung gayon, ang kapalaran na isinasaayos ng Diyos para sa kanya ay, sa paningin ng mga tao, magiging isang napakamiserable at kaawa-awang buhay, na para bang ang buhay na ito ay para lang pumarito siya at pagbayaran ang kanyang mga nakaraang utang. Hindi siya kailanman nagtatamasa ng anumang masarap na pagkain o magandang damit, at walang sinumang may gusto o nagmamalasakit sa kanya. Pakiramdam niya ay dahil sa kanyang masamang kapalaran kaya siya labis na nagdurusa sa buhay na ito. Nang manampalataya siya sa Diyos, saka lang niya naunawaan na ang buong buhay ng isang tao ay inorden ng Diyos. Kapag kinikilala niya na ang Diyos ang nag-oorden ng mga bagay-bagay, nagiging mas madali para sa kanya na magpasakop sa Diyos, at nagiging mas maayos ang kanyang pag-uugali at hindi na siya lumalaban sa kanyang kapalaran. Dati, may pagtutol siya sa kanyang kalooban: “Anong masasamang bagay ba ang nagawa ko? Malinis ang aking konsensiya sa buhay na ito. Hindi ko kailanman pininsala ang sinuman. Bakit ganitong kapalaran ang naranasan ko? Hindi patas ang Langit!” Pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos, nauunawaan niya: “Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Inudyukan ako ng Diyos na lumapit sa Kanyang harapan sa pamamagitan ng mga bagay na ito!” Tama ring mag-isip sa ganitong paraan, at ito ay isang katunayan. Ngunit isa ring katunayan na ang kaparusahang tinatanggap ng mga tao ay nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa ano nauuwi ang lahat ng ito—ang siklo ng mga sanhi at bunga, ang pagpaparusa sa masama at paggagantimpala sa mabuti, at ang mga makalangit na tuntunin at kautusan? Sa likod ng lahat ng ito ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos; ang matuwid na disposisyon ng Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Samakatwid, kahit na ang lahat ng uri ng bagay na hindi naaayon sa mga kuru-kuro, panlasa, o kagustuhan ng mga tao ay lumitaw sa kanilang kapalaran, ang usapin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay nananatiling isang positibong bagay. Hindi ba’t makatwiran ito? (Oo.) Dahil sa iyong kabutihang-loob bilang tao, kapag nakakakita ka ng mga taong nagdurusa, iniisip mo, “Labis na kaawa-awa ang taong iyon! Hindi ko kayang makita ang sinumang nagdurusa, at hindi ko kayang makita ang masasamang tao na nang-aapi ng iba.” Ang ilang tao ay palaging inaapi sa buhay na ito. Ano ang dahilan niyan? Ito ay dahil sa kanilang nakaraang buhay, palagi silang nang-aapi ng mga tao at nakakapinsala ng marami-raming tao, kaya sa buhay na ito, sila naman ang dapat apihin. Kung palagi kang nang-aapi ng mga tao, ang bungang aanihin mo sa huli ay ang ikaw naman ang aapihin. Ito ang pagiging matuwid ng Lumikha. Sa pamamagitan ng ganyang pag-asal, lumabag ka sa mga makalangit na kautusan, kaya dapat kang magbayad ng halaga at tiisin mo ang pasakit at pagdurusa para sa kasamaang ginawa mo sa iyong nakaraang buhay. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos, at hindi mo ito matatakasan. Samakatwid, ang katunayan na mayroong lahat ng uri ng kapalaran para sa mga tao ay lalong nagpapalinaw na ang mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinakda ng Diyos ay hindi maaaring baguhin ng sinumang tao, at walang sinuman ang eksepsiyon. Ang Lumikha ay hindi kailanman nagkaroon ng mga damdamin ng laman para sa sangkatauhan, at siyempre, ang diwa ng Lumikha ay ang hindi magkaroon ng mga damdamin ng laman. Siya ay mayroon lamang matuwid na disposisyon. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos, sa wika ng tao, ay makatwiran at matuwid. Kaya paano ito dapat tingnan mula sa perspektiba ng katotohanan? Ito ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Dapat itong tanggapin ng mga tao mula sa Diyos, at hindi sila dapat magkaroon ng anumang mga paghusga o pagtatasa sa Diyos na hindi naaayon sa realidad o hindi naaayon sa katotohanan. Kahit pa nakikisimpatiya ka at naaawa sa ilang tao mula sa perspektiba ng tao, bilang isang tagasunod ng Diyos na nakakaunawa ng ilang katotohanan, dapat mong purihin ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at dapat mo ring purihin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Napakainam na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa ganitong paraan! Dahil mismo sa pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao sa ganitong paraan kaya ang sangkatauhan ay nakapanatiling buhay nang maayos hanggang sa araw na ito. Kung si Satanas ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, matagal nang nagkagulo ang sangkatauhan, at naging imposible para sa kanila na mabuhay hanggang sa araw na ito. Tingnan ninyo kung ano ang hitsura ng kaharian ng diyablo; kung walang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mundo ng mga tao ay magiging katulad ng kaharian ng diyablo. Ano ang kaharian ng diyablo? Ang pinakamakatotohanang halimbawa ay ang mga panloob na alitan—na isinasagawa nang hayagan at nang palihim—sa loob ng awtokratikong pamumuno ng CCP, na puno ng pagdanak ng dugo at masidhing intensyon na pumatay. Iyon ang kaharian ng diyablo. Hindi ba’t magulo ang panloob na sitwasyon ng awtokratikong pamumuno ng CCP? Madalas na nawawala ang mga tao, at kahit na malinaw na pinaslang sila, walang nangangahas na ianunsyo ito. Ito ang kaguluhan ng kaharian ng diyablo, at ito rin ang kaguluhan ng masamang mundo ngayon.

Tiyak na walang duda na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay. Mula man sa perspektiba ng orihinal na layunin ng Diyos sa pagdidisenyo ng kapalaran ng mga tao o mula sa perspektiba ng mga resulta ng kapalaran ng mga tao na bunga ng mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinatag ng Diyos, dapat sabihin nang may lubos na katiyakan na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, hindi isang negatibong bagay. Kung mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa katotohanang ito, maaari mong hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos upang malutas ang iyong mga kuru-kuro, ngunit hindi mo maaaring sabihin batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, “Ang kapalaran ng mga tao sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay dapat na pawang mabuti at kapaki-pakinabang sa kanila. Bakit napakasama ng kinahihinatnan ng ilang tao dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hindi ito dapat na kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, tama ba?” Hindi mo dapat kailanman sabihin ang gayong bagay. Ang gayong sukdulang mapaghimagsik at mapaglapastangan na pahayag ay hindi dapat kailanman lumabas sa iyong bibig. Mula sa araw na ito, dapat mong tanggapin at pagtibayin ang katotohanan na “Ang kapalaran ng mga tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay isang positibong bagay.” Huwag mo itong pagdudahan. Gaano man kasalungat sa iyong mga kuru-kuro ang kapalaran ng mga taong nakikita ng iyong sariling mga mata o iyong nararanasan, o kahit na sa tingin mo ay hindi makatao ang mga ito, dapat kang maniwala at magpatibay na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay totoo, at isang positibong bagay. Ang puntong ito ay hindi maaaring pagdudahan. Malinaw bang nabahagi ang katotohanang ito? (Oo.) Ito ay isang napakahalagang isyu sa pagkilala sa Diyos, at nalutas na ito, tama ba? (Oo.) Kung gayon, tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!

Abril 6, 2024