Paano Hangarin ang Katotohanan (18) Ikaapat na Bahagi
Gumamit tayo ng dalawang halimbawa para magbahagi tungkol sa aspekto ng kung ano ang inoorden ng Diyos. Naipaliwanag na ba ito nang malinaw sa pangkalahatan? (Oo.) Kung gayon, kaya ba ninyong makilatis ang pagkakaiba ng mga positibo at negatibong bagay? Kaya mo bang gamitin ang aspektong ito ng katotohanan para tasahin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo? Kung hindi tayo nagbahagi tungkol sa dalawang halimbawang ito, magagawa ba ninyong gamitin ang aspektong ito ng katotohanan tungkol sa mga positibong bagay na binigyan natin ng kahulugan ngayon para sukatin ang mga ito? (Makikilatis ko siguro ang mga mas simple, pero hindi ko makikilatis ang dalawang medyo komplikadong halimbawa na sinabi ng Diyos.) Mabuti na lang at nagbahagi tayo tungkol dito, kung hindi ay baka napalampas ninyo ang pagkain ng masarap na pagkaing tulad ng apple-pear, tama ba? (Oo.) Ang ilang tao na mas malamang na sumunod sa mga regulasyon ay maaaring tumingin sa isang apple-pear at gustuhing kainin ito ngunit hindi mangahas, iniisip na ang pagkain nito ay lalabag sa mga prinsipyong inorden ng Diyos at sasalungat sa mga salita ng Diyos, kaya pinipigilan nila ang kanilang sarili at hindi ito kinakain, at dahil dito, napapalampas nila ang napakaraming pagkakataon na kumain ng masarap na pagkaing ito. Gayumpaman, para sa ilang halatang negatibong bagay, dahil walang pagkilatis ang mga tao, lubos nilang pinupuri at lubos na sinasang-ayunan at tinatanggap ang mga ito sa kanilang puso. Patungkol naman sa di-organikong pagkain, iniisip pa nga nila, “Lubos na natutugunan ng di-organikong pagkain ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, at kasabay nito, makakatulong itong bawasan ang mga pagkamatay mula sa gutom. Ito ay tunay na isang malaking ambag ng siyensya sa sangkatauhan sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao! Ito ay tunay na ginawa ng Diyos; ang Diyos ang nagpasulong ng usaping ito.” Ang gayong simpleng pahayag ay naglalantad ng isang katunayan. Anong katunayan? Na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Sekundaryo lang ito; mayroon pang mas malubhang problema rito, iyon ay na bumigkas ka ng mga salitang lubhang mapaghimagsik at mapanlapastangan sa Diyos, at dahil dito ay nakakaramdam ang Diyos ng pagkasuklam at pandidiri. Kung ang gayong problema ay maging napakalubha na sumasalungat ka na sa mga layunin ng Diyos at sinasadya mo nang labanan at lapastanganin ang Diyos, maaaring mawala sa iyo ang pag-asa mo na maligtas ka, at makakaapekto ito sa iyong hantungan. Samakatwid, napakahalaga na maunawaan ang katotohanan. Kung hindi tayo gumamit ng mga halimbawa sa ating pagbabahaginan, maaaring naisip ng ilan sa inyo, “Ang di-organikong pagkain ay bunga ng siyentipikong pananaliksik, at ang pag-unlad ng siyensya ay nag-aambag sa sangkatauhan, kaya ang gayong ambag ay malamang na inorden ng Diyos, malamang na pinamatnugutan ito ng Diyos.” Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, malinaw na ba ito ngayon? Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Dapat bang unawain ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Kung sinasabi ito ng isang tao, mapapahamak siya; ito ay lubhang mapaghimagsik! Bago ka magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kung ano talaga ang mga bagay-bagay at sa diwa ng mga ito, huwag mong basta-bastang tukuyin ang mga ito, at huwag mong basta-bastang tanggapin o gustuhin ang mga bagay na dumaan sa siyentipikong pagpoproseso. Lalo na pagdating sa mga bagay na iginagalang at popular sa masasamang kalakaran at gusto ng karamihan, dapat kang maging labis na mapagbantay—kilatisin mo ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at huwag na huwag mong tanggapin ang mga ito. Sabi ng ilang tao, “Mahina ang aming kakayahan. Kapag nakikita namin ang iba’t ibang uri ng impormasyong kumakalat online, iniisip namin na ito ay isang panlipunang kalakaran at hindi maaaring maging mali. Pagkatapos itong tingnan, may epekto ito sa aming puso. Kung namumuhay kami nang hiwalay sa lipunan, hindi kami malilihis.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Namumuhay ka sa totoong mundo, sa kasalukuyang lipunan, at hindi mo maiiwasang makarinig ng maraming kakaibang tinig at kakaibang kasabihan at teorya. Ang mga argumentong ito ay hindi maiiwasang pumasok sa iyong puso, kung saan magkakaroon ng epekto ang mga ito, na binabago ang iyong mga iniisip. Iniisip ng mga tao na hangga’t namumuhay sila sa lipunang ito, hangga’t namumuhay sila sa gitna ng mga tao, di-maiiwasang maiimpluwensiyahan sila, maliban na lang kung nakatira sila sa liblib na lugar sa mga bundok at kagubatan o ikinukulong nila ang kanilang sarili sa isang maliit na silid, hindi nakikinig, tumitingin, o nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito, na kung saan ay magiging malinis ang kanilang puso. Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Malinaw na hindi. Kung gayon, paano malulutas ang problemang ito? Dapat mong hangarin ang katotohanan at unawain ang katotohanan. Kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa lahat ng aspekto ng katotohanan, kapag nakaharap mo ang mga bagay na ito, malalaman mo kung ano ang pinagbabatayang diwa ng mga ito. Magagawa mong mabilis na kilatisin at tukuyin ang mga ito bilang mga positibo o negatibong bagay, at—batay sa pagkakaroon ng konsensiya at katwiran—mabilis mong tatanggapin ang mga positibong bagay, at lalabanan o tatanggihan, pupunahin, at kokondenahin ang mga negatibong bagay. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan ka, at hindi ka makakaramdam ng kawalang-magawa, at hindi mo rin kakailanganing mag-alala o matakot nang labis. Bakit? Dahil gamit ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan, magkakaroon ka ng pundamental na abilidad na makilatis ang mga positibo at negatibong bagay, ang iyong mga pananaw at opinyon sa iba’t ibang positibo at negatibong bagay ay magiging batay sa mga salita ng Diyos, at magagawa mong matukoy kung ang mga ito ay mga positibo o negatibong bagay; samakatwid, ang usapin kung ano ang dapat mong gawin ay magiging isang napakadaling bagay. Hindi ba’t ganoon? (Oo.)
Nauunawaan ba ninyo ang katatapos lang nating pagbahaginan? Kung hindi tayo nagbahagi tungkol dito sa ganitong paraan, magagawa ba ninyong maunawaan ito? (Hindi.) Kung gayon, kung makaranas kayo ng ilang taon pa, magagawa ba ninyong makilatis ang mga positibo at negatibong bagay? (Kung walang katotohanan, hindi namin makikilatis ang mga bagay na ito; kung minsan ay hinahangaan at itinataguyod pa nga namin ang mga negatibong bagay. Kaya, hindi naman sa magagawa na naming kumilatis dahil lang sa pagkakaroon ng mas maraming taon ng karanasan.) Ang mga usaping ito ba ay may kinalaman sa mga misteryo? (Hindi.) Kung ang mga ito ay walang kinalaman sa mga misteryo, bakit hindi nauunawaan ng mga tao ang mga ito? Ang mga ito ba ay mga panlabas na usapin? (Oo.) Kung mga panlabas na usapin lang ang mga ito, dapat ay madaling maunawaan ang mga ito, pero ang totoo, ang mga usaping ito ay may kinalaman din sa ilang katotohanan at sa mga pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Sa sandaling ang isang bagay ay kinasasangkutan ng mga pananaw sa mga bagay-bagay, at ang diwa at kalikasan ng mga isyu, may kinalaman ito sa katotohanan, at kapag may kinalaman ito sa katotohanan, hindi ninyo ito matarok, at kayo ay nalilito. Kaya, sa tingin ba ninyo ay kinakailangang magbahaginan sa ganitong paraan? (Oo, kailangan.) Sana, pagkatapos ninyong pakinggan ang pagbabahaginang ito, hindi ninyo itutuon ang inyong pansin sa mga usapin mismo o matututunang sumunod sa mga regulasyon, kundi sa halip, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, ay mauunawaan ninyo ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, magagawa ninyong kilatisin kung ano ang mga positibo at negatibong bagay, at lumago sa aspekto ng katotohanan, at bubuti ang inyong kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Mangangahulugan ito na may natamo kayo. Patungkol naman sa mga positibong bagay—lahat ng nasasaklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—kaya na ba ninyong kilatisin ang lahat ng ito ngayon matapos nating ilista ang dalawang espesyal na halimbawa kanina? O kaya ba ninyong kilatisin lamang ang mga bagay na magkakauri, at hindi pa rin ninyo kayang kilatisin ang mga bagay na naiiba sa dalawang halimbawang ito? (Marahil ay kaya kong kilatisin ang mga bagay na magkakauri hanggang sa isang antas, at pati na rin ang iba’t ibang bagay na medyo simple, pero hindi ko pa rin malinaw na makilatis ang mga bagay na masyadong komplikado.) Ito ay isang katunayan, hindi ba? Kung hindi pa rin kayo makakilatis, dapat ninyong maarok ang isang prinsipyo. Una, tingnan ninyo kung ang isang partikular na bagay ay sumasalungat sa papel na dapat nitong taglayin bilang nilikha ng Diyos o sa kahalagahan ng pag-iral nito na inorden ng Diyos; tingnan ninyo kung sumasalungat ito sa aspektong ito. Kung sumasalungat ito, isa itong negatibong bagay. Kung hindi ito sumasalungat sa paglikha at pag-orden ng Diyos, ngunit ang anyo ng pag-iral nito at ang halaga ng pag-iral nito ay hindi masasabing may positibo o negatibong epekto sa mga tao—nagsisilbi lamang ito ng isang layunin at nagbibigay ng kaunting kaalwanan sa buhay ng mga tao, na may kaunting benepisyo ngunit walang pinsala, ibig sabihin, hindi nito sinisira o ginugulo ang anyo ng pananatiling buhay at normal na pamumuhay ng sangkatauhang nilikha ng Diyos, at hindi rin ito nagdudulot ng anumang masasamang kahihinatnan, at ang pag-iral nito ay hindi maituturing na makabuluhan sa sangkatauhan, at maaari pa ring mamuhay nang maayos ang mga tao kung wala ito—kung gayon, hindi ito maituturing na isang positibo o isang negatibong bagay. Hindi ito nabibilang sa kategoryang iyon; isa lamang itong uri ng bagay o isang gamit, kaya hindi natin ito tinutukoy bilang positibo o negatibo. Halimbawa, ang isang karwaheng hila ng kabayo ay isang paraan ng transportasyon. Hinihila ito ng isang kabayo, na isang bagay na may buhay na nilikha at inorden ng Diyos. Ang karwaheng hila ng kabayo ay gawa ng tao, hindi nilikha ng Diyos; isa itong kagamitang ginawa ng tao gamit ang abilidad na mabuhay na kaloob ng Diyos. Maaari itong magdala ng mga kalakal at maghatid ng mga tao sa iba’t ibang lugar, na ginagawang mas maginhawa ang buhay at paglalakbay ng mga tao. Kaya, sa tingin ninyo, ang isang karwaheng hila ng kabayo na gawa ng tao ay isa bang positibo o negatibong bagay? Gumagamit ba ng enerhiya ang isang karwaheng hila ng kabayo? Naglalabas ba ito ng usok at nagpaparumi sa hangin? (Hindi.) Ang isang karwaheng hila ng kabayo ay hindi nagdudulot ng anumang masamang epekto sa buhay at pananatiling buhay ng mga tao, at ginagawa rin nitong mas maginhawa nang kaunti ang buhay ng mga tao. Gayumpaman, kung wala ito, maaari ding maglakbay ang mga tao nang naglalakad, na mas mabagal lang nang kaunti; hindi naman sa hindi mabubuhay ang mga tao kung wala ito. Ito ay isang bagay na hindi esensyal. Kaya, ang bagay bang ito ay isang positibo o negatibong bagay? (Ang pagkaunawa ko ay hindi ito isang negatibong bagay, pero hindi rin ito isang positibong bagay; hindi lang ito masasabing positibo o negatibo.) Nagmumula ito sa mga kamay ng tao, at hindi ito masasabing positibo o negatibo. Kung tatalakayin mo kung ang isang karwaheng hila ng kabayo ay isang positibo o negatibong bagay, halos katumbas na iyon ng pagpapalaki sa isang maliit na bagay, at paghahanap ng maliliit na mapupuna.
Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga puno ay nilikha at inorden ng Diyos, at ang mga panuntunan ng pananatiling buhay at anyo ng pag-iral ng mga ito ay mula sa Diyos, kaya mga positibong bagay ang mga ito. Kung gayon, kung ang isang puno ay pinutol at ginawang tabla, isa ba itong positibo o negatibong bagay?” Nagbibigay ng kaunting kaginhawahan ang tabla para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng sangkatauhan, tulad ng paggamit dito para gumawa ng iba’t ibang uri ng muwebles gaya ng mga mesa at upuan, at maaari din itong ipanggatong sa pagluluto. Nagbago ito mula sa pagiging isang halaman tungo sa pagiging isang bagay. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Hindi masasabing positibo o negatibo ito.) Tama iyan, ngayon nauunawaan mo na, nakuha mo na. Tanging ang mga bagay na nasa saklaw ng prinsipyong ito—kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ang mga positibong bagay. Anumang lumalabag sa prinsipyong ito ay isang negatibong bagay. Para sa mga bagay na nasa labas ng dalawang kategoryang ito, kung tatalakayin mo kung positibo o negatibo ang mga ito, para ka na ring nakikipagtalo tungkol sa maliliit na detalye, pinapalaki ang maliliit na bagay, at hindi inaasikaso ang iyong wastong gawain. Halimbawa, may ilang taong nagtatanong, “Ang mga kurtina bang gawa ng tao ay isang positibo o negatibong bagay?” Sinasabi ng ilang tao, “Depende iyan sa pinagmulan ng tela. Kung ang mga kurtina ay gawa sa pinrosesong natural na bulak, na hindi kinulayan o pinaputi, at walang idinagdag na mga kemikal, kung gayon ay positibong bagay ang mga ito. Kung ang mga ito ay kinulayan, pinaputi, at nilagyan ng disenyo, o may idinagdag na ilang kemikal, kung gayon ay negatibong bagay ang mga ito. Ang mga negatibong bagay ang dapat nating alisin at isantabi, kaya hindi natin maaaring gamitin ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang tayo sumusunod sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at nagiging mga taong nagmamahal sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Samakatwid, tinutuligsa natin ang lahat ng bagay na hindi produktong gawa sa bulak, at tinutuligsa natin ang lahat ng hindi nagmula sa natural na bagay.” Ano ang mga bagay na nagmula sa natural na bagay? Bulak, seda, at gayundin ang lino. Ayon sa opinyon ng mga indibidwal na ito, bukod sa iilang bagay na ito, wala nang iba pang puwedeng isuot ang mga tao—kung gusto mong iwasang labagin ang mga prinsipyo, at gusto mong makamit ang kakayahang mahalin ang mga positibong bagay at tanggihan ang mga negatibong bagay, kung gayon ay dapat mong isuot ang mga bagay na ito, dahil tanging ang mga bagay na ito ang nasa orihinal na anyo ng mga ito na nilikha ng Diyos. Wasto ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Sasabihin ng ilang tao, “Ayon sa pananaw na ito, kung gayon, sinumang nagsusuot ng mga telang dumaan sa siyentipikong proseso ay hindi isang taong nagmamahal sa mga positibong bagay, hindi isang taong nagsasagawa sa katotohanan, kundi isang taong walang pagkilatis at walang mga prinsipyo, isang taong lubhang mapaghimagsik at kinasusuklaman ng Diyos, at tapos na ang gayong tao!” Angkop ba ang pahayag na ito? (Hindi, pagpapalaki iyan ng maliit na bagay.) Ang gayong mga tao ay may mga natatagong motibo sa kanilang mga salita, at kaya pa nga nilang kondenahin ang iba, pinapalaki ang mga bagay-bagay. Anong uri sila ng mga tao? (Mga taong sumusunod sa mga regulasyon at walang espirituwal na pang-unawa.) Sila ay mga taong baligho, mga balighong uri. Sa pagpapahayag ng mga maling paniniwala at maling kaisipang ito, pinapalaki nila ang maliliit na bagay at ginagamit ang mga paksang tinatalakay para ipahayag ang sarili nilang mga opinyon. Puno ang kanilang mga isipan ng mga maling paniniwala at maling kaisipang ito, at walang-humpay nilang naibubulalas ang mga ito, pero kapag hinihiling mo sa kanilang magbahagi tungkol sa isang bagay na may kaugnayan sa katotohanan, wala silang masabi. Kapag hinihiling mo sa kanilang magbahagi tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay, sinasabi nila ang mga maling paniniwala at maling kaisipang ito. Hindi ba’t sa tingin mo ay nakakasuklam iyon? Maraming bagay ang hindi kaugnay sa mga positibong bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa istriktong pananalita, hindi nila nilalabag ang prinsipyo ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga anyo ng kanilang pag-iral ay hindi nagdudulot ng anumang masasamang epekto o pinsala sa kabuhayan at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Kaya, kapag nagsasalita ka, pinakamainam na magkaroon ng konsensiya at katwiran, at huwag mong palakihin ang maliliit na bagay at huwag kang basta-bastang magkondena. Ang mga bagay na nasa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay karapat-dapat nating pagbahaginan, at karapat-dapat nating tanggapin, unawain, sundin, pahalagahan, at protektahan. Bukod sa mga ito, para sa mga bagay na hindi saklaw ng kategoryang ito, pinakamainam na huwag palakihin ang maliliit na bagay at ituring ang mga ito bilang mahahalagang isyu na dapat ibahagi, nagbabahagi tungkol sa mga ito nang may labis na kasigasigan, at nagbabahagi pa nga nang napakaseryoso tungkol sa loob ng ilang pagtitipon. Hindi ito dapat gawin. Kadalasan, ang mga taong baligho, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa, ang masasamang tao, mga anticristo, at mga diyablo ay mahilig gawin ang mga bagay na ito para magpasikat, para ipakita sa mga tao kung gaano sila katalino. Iniisip ng mga taong walang pagkilatis na ito ay pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at kahit na hindi sila nakakakuha ng anumang pagpapatibay, napipilitan silang magtiis at makinig. Ang totoo, ang mga salita ng mga taong iyon ay pawang mga maling paniniwala at maling kaisipan, at walang kinalaman sa paksa ng mga positibong bagay na tinatalakay Ko. Samakatwid, kung maririnig mo ang ganitong uri ng mga tao na magbanggit ng mga paksa at argumentong ito na hindi kaugnay sa mga positibong bagay, maaari kang tumangging makinig. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at may pagkilatis ka, maaari mo silang pabulaanan at patigilin. Paano mo sila patitigilin? Sasabihin mo, “Tama na, manahimik ka! Ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi kaugnay sa katotohanan, ni kaugnay sa mga positibong bagay. Ang sinasabi mo ay mga maladiyablong salita, at walang gustong makinig sa mga iyan. Huwag mong guluhin ang lahat dito, at huwag mong gambalain ang paggawa ng lahat sa kanilang tungkulin!” Kung may mga natatago silang motibo sa kanilang mga salita, at basta-basta silang kumokondena at wala silang positibong epekto, dapat kayong tumindig at patigilin sila sa pagdudulot ng kaguluhan, habang inilalantad din ninyo sila para magkaroon ng pagkilatis ang lahat. Pagkatapos makinig, mauunawaan ng lahat na ang kanilang mga salita ay mga maling paniniwala at maling kaisipan, na walang kaugnayan sa katotohanan, na sila ay naghahanap ng maliliit na pagkakamali, nakikipagtalo tungkol sa maliliit na detalye, nanlilihis ng mga tao, nagsasabi ng mga salita at doktrina, at nagbubulalas ng matatayog-pakinggan na ideya, at na mayroon silang mga natatagong motibo at gusto nilang magdulot ng gulo, at dahil dito ay dapat silang paghigpitan at patahimikin. Ipagpalagay na karamihan sa mga taong naroroon sa oras na iyon ay mga taong magulo ang isip na walang pagkilatis sa masasamang tao at mga diyablo, at hindi matukoy na nagpapakalat sila ng mga maling kaisipan at nanlilihis ng mga tao. Kapag nagkakatipon ang mga indibidwal na ito na magulo ang isip at yaong masasamang tao at mga diyablo, lahat sila ay nagkakasundo na para bang pare-parehong masama ang uri nila. Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, hindi lang sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kundi nagpapakalat pa sila ng ilang maling kaisipan gamit ang mararangyang salita at talakayan na matatayog pakinggan ngunit hungkag. Sa ganoong sitwasyon, maaari kang tumindig at tahimik na umalis, nang hindi na kailangang magpahayag ng anumang pananaw. Hayaan mo ang mga diyablo na magpasikat at umarte. Huwag kang makipagdebate sa kanila, para hindi magulo ang isipan mo at maapektuhan ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Bakit? Dahil ang isang diyablo ay palaging isang diyablo; ang isang hayop ay palaging isang hayop. Wala silang pagkamakatwiran, hindi sila makakilatis ng tama sa mali, at hindi nila alam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto; gaano ka man makipagbahaginan, imposibleng maunawaan nila ang katotohanan. Ang mga diyablo ay palaging magsasabi ng mga salita at doktrina, sisigaw ng mga islogan, at magbubulalas ng matatayog-pakinggan ngunit hungkag na usapan, habang yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—mga taong walang espiritu—ay walang anumang pagkilatis. Saanman may panggugulo ng mga Satanas at diyablo, susunod sila at makikisangkot sa gulo. Kung tuturuan mo silang kumilatis, hindi nila ito matututunan. Tanging yaong mga nakakaunawa sa katotohanan ang nagtataglay ng katalinuhan at karunungan, at magtatago sila kapag nakakita ng gulo. Magagawa nilang kumilatis kapag nakakita sila ng isang diyablong nagdudulot ng kaguluhan, at hindi sila makikisangkot sa gulo, alam nilang lumayo sa kasamaan. Saanman umaarte ang mga diyablo, saanman nagtitipon ang mga hayop, aalingasaw sa kabahuan at kawalan ng kaayusan ang lugar na iyon. Pare-parehong masama ang uri nila at nasisiyahan silang magsama-sama. Sinuman ang magsabi ng ilang baligho at ubod ng samang salita, gusto nilang makinig, at sumasang-ayon pa sila sa mga ito nang may labis na kagalakan. Hindi ba’t pagtitipon ito ng mga diyablo? Kung ikaw ay isang matalinong tao, sa sandaling makita mo ang gayong sitwasyon, dapat kang agad na lumayo at huwag makihalo sa kanila. Bakit hindi ka dapat makihalo sa kanila? Bakit hindi ka dapat makipagdebate sa kanila? Dahil gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; gaano man karaming salita ang sabihin mo, lahat ng ito ay magiging walang kabuluhan. Yaong mga kay Satanas at sa mga diyablo ay hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, at yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi kayang maunawaan ang katotohanan, kaya gaano man karami ang sabihin mo, walang silbi ito. Binabasa ba nila ang mga salita ng Diyos? Nauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos? Hinanap na ba nila ang katotohanan kailanman? Hindi nga nila tinatanggap ang mga salitang sinasabi Ko, kaya, kaya ba silang pabulaanan ng iilang salitang naiisip mo? Kaya ba nitong baguhin ang kanilang isipan? Matatanggap ba nila ang mga salita mo? Kaya, huwag kang gumawa ng mga kahangalan. Ang tahimik na pag-alis ay isang matalinong pagpili. Kung tatanungin mo ang isang diyablo, “Bakit hindi mo isinasagawa ang katotohanan? Bakit ka palaging nagsisinungaling at gumagawa ng panlilinlang?” mapangahas kang pabubulaanan ng diyablo; makikipagtalo siya at gagamit ng baluktot na pangangatwiran para ipagtanggol ang kanyang sarili, at talagang hindi niya aaminin na siya ay nagsisinungaling at gumagawa ng panlilinlang. Kung tatanungin mo yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop kung bakit sila palaging sumusunod sa mga regulasyon, gagamit din sila ng baluktot na pangangatwiran para ipagtanggol ang kanilang sarili, sasabihing isinasagawa nila ang katotohanan. Kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, dapat mong malinaw na makita na ang mga diyablo at yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, kaya dapat mong itigil ang pakikipagbahaginan sa kanila at itigil ang paggawa ng mga kahangalan. Gaano man karaming salita ang sabihin mo o gaano man karaming bagay ang gawin mo, hindi mo mababago ang kanilang kalikasang diwa, kaya walang maitutulong ang anumang dami ng talakayan. Dapat kang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga kayang tumanggap ng katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang madaling tumanggap sa katotohanan—sa kanila ka lang maaaring magkaroon ng normal na pakikipag-uusap. Para sa mga diyablo at mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, gaano man karaming katotohanan ang ibahagi mo o gaano man karaming gawain ang gawin mo, lahat ng iyon ay walang kabuluhan. Sa sandaling iyon, maaari mo silang mapabulaanan hanggang sa puntong hindi na sila makaimik, at maaaring maramdaman nila na tama ang sinabi mo, pero pagkatapos, magbabago ang kanilang kalooban, at maghahanda pa nga sila ng ilang salita para pabulaanan ka at ipahiya ka. Nakikita ninyo, magagawa ba ng mga diyablo na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Talagang hindi. Yaong mga diyablo at yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Kahit pa tanggapin nila ito sa isang partikular na sandali, sa salita lamang iyon, at tatalikuran nila ang sinabi nila pagkatapos. Kaya, makakamit mo ba ang anumang resulta sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan? Gusto mo silang baguhin para magkaroon sila ng konsensiya at katwiran, at para malaman nila na hindi nila nauunawaan ang katotohanan at dapat nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ideyang ito at ang motibong ito mismo ay mali; hindi mo dapat kailanman taglayin ito. Nauunawaan mo na ba ngayon? (Oo.)
Bumalik tayo sa paksa ng mga positibong bagay. Ang saklaw ng mga positibong bagay ay tinutukoy bilang nasa loob ng kategorya ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Anuman ang ating kinakaharap, dapat nating isaalang-alang, “Nilikha ba ito ng Diyos? Paano ito nauugnay sa pag-orden ng Diyos?” Kung hindi ito nilikha ng Diyos at walang kinalaman sa pag-orden ng Diyos, dapat natin itong tratuhin nang may pag-iingat. Kung sumusunod pa rin tayo sa mga kalakaran ng mundo at pinupuri natin ito nang labis, hindi ba’t kahangalan iyon? Kung ang isang bagay ay wala sa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay hindi ito matatawag na positibo o negatibong bagay, at kaya walang saysay na talakayin ito. Kung tatalakayin mo man ito, dahil ba gusto mo itong tanggapin bilang isang positibong bagay? O dahil gusto mo itong ilarawan bilang isang negatibong bagay at tanggihan? Anong pakinabang ang maidudulot ng pagtanggap o pagtanggi rito sa iyong buhay at sa iyong sariling asal? Kapaki-pakinabang ba ito para sa iyong pagtanggap sa katotohanan? Kung walang pakinabang, walang saysay na ituring ito bilang isang paksa para sa pagbabahaginan at talakayan; kahangalan iyon at paggawa ng mga kahangalan, tama ba? (Oo.) Halimbawa, ang mga karwaheng hila ng kabayo, mga tela, mga kama, at mga upuan na katatalakay lang natin—kung palagi mong pinapalaki ang maliliit na bagay at gusto mong pag-usapan ang mga ito: “Isa ba itong positibo o negatibong bagay? Dapat ba natin itong tanggapin o tanggihan? Dapat ba natin itong pahalagahan o hamakin? Ano ang angkop na paraan para tratuhin ito?” isa itong pagpapamalas ng pagiging baluktot. Ang mga taong may tendensiyang maging baluktot ay hindi kayang maarok ang mahahalagang punto; palagi silang nagsisikap sa mga anyo, doktrina, at regulasyon, at hindi nila kailanman nauunawaan kung paano pagsikapan ang katotohanan. Dahil maraming bagay ang hindi kinasasangkutan ng isyu ng mga positibo at negatibong bagay, hindi na kailangang magbahagi tungkol sa mga ito. Ito ay dahil, palibhasa ay hindi mga positibo o negatibong bagay, maliit lang ang epekto ng mga ito sa iyong buhay pagpasok at sa landas ng buhay na tinatahak mo, at kaya hindi mo na kailangang pag-isipan pa nang husto ang mga ito. Gamitin mo ang mga ito kung magagamit mo, at ayos lang kung hindi. Kung may ilang produktong gawa sa kemikal na nakakaapekto sa kalusugan ng mga tao, at ang amoy o mga sangkap na kemikal ng mga ito ay magdudulot ng pinsala sa katawan ng mga tao, kung gayon ay dapat kang humanap ng paraan para layuan ang mga ito, at iwasan mo ang paggamit ng gayong mga pang-araw-araw na gamit hangga’t maaari o huwag mo na lang talagang gamitin ang mga ito. Sa ganitong paraan, maaari mong alisin o bawasan ang pinsalang idinudulot ng mga ito. Imposibleng tuluyang maiwasan ang mga pinsalang ito, pero hangga’t hindi pinipinsala ng mga ito ang inyong buhay sa ngayon, hindi ito nagiging sanhi ng pagkakasakit ninyo sa maikling panahon, at hindi naaapektuhan ng mga ito ang inyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, o ang paggampan ninyo sa inyong mga tungkulin at paghahangad sa katotohanan, sapat na iyon, dahil ganoon lang talaga ang totoong kapaligiran. Malinaw na ba ang prinsipyong ito ngayon? (Oo.)