Paano Hangarin ang Katotohanan (18) Ikatlong Bahagi

May ilang taong nagtatanong, “Ang mga mansanas at peras ay parehong mga orihinal na prutas na inorden ng Diyos. Kung ihuhugpong ang mga sanga ng mga ito para makagawa ng apple-pear, isa ba iyong negatibong bagay? Dapat ba natin itong kainin o hindi?” Ito ay isang bagay na maaaring kaharapin sa pang-araw-araw na buhay, hindi ba? Sabihin ninyo sa Akin, dapat ba ninyo itong kainin o hindi? Kung kakainin mo ito, malalason ka ba? Magdudulot ba ito sa iyo ng pisikal na pinsala? Makakaapekto ba ito sa haba ng buhay mo? Makakaapekto ba ito sa kung ano ang tingin sa iyo ng Diyos? Makakaapekto ba ito sa iyong kalalabasan? Paano dapat tingnan ang usaping ito? Sinusubok nito kung nauunawaan mo ba ang mga katotohanang prinsipyo, at kung nauunawaan mo ba ang pinagbahaginan natin kanina. Kung nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan, at naarok mo na ang mga katotohanang prinsipyo sa usaping ito, kapag nakaharap ka ng mga bagay sa totoong buhay, malalaman mo kung paano magsagawa, malalaman mo kung anong mga kilos ang lumalabag sa katotohanan at kung anong mga kilos ang nagtataguyod sa katotohanan at nasa loob ng saklaw ng mga katotohanang prinsipyo. Dapat ba ninyong kainin ang mga apple-pear? (Hindi.) Dahil ba hindi kayo mangangahas na kainin ang mga ito, o dahil hindi dapat kainin ang mga ito? (Hindi kami mangangahas na kainin ang mga ito.) Sinasabi ninyong hindi kayo mangangahas na kainin ang mga ito, pero hindi ba’t nakakain na kayo ng marami nito sa inyong pang-araw-araw na buhay? At ano ang nangyari pagkatapos ninyong kainin ang mga ito? Napinsala ba ang katawan ninyo? Una, tukuyin natin kung ang isang apple-pear ay isang positibo o negatibong bagay. Sinabi ninyo na hindi ito dapat kainin. Ang nakatagong kahulugan sa pahayag na ito ay na ang apple-pear ay isang negatibong bagay, at kaya hindi ito dapat kainin. Iyon ba ang ibig ninyong sabihin? (Oo.) Kung gayon, tama ba ang pagkaunawang ito? Dapat bang tingnan sa ganitong paraan ang usapin ng mga apple-pear? Kung hindi Ko ibinigay sa inyo ang halimbawa para pagbahaginan, iisipin ninyo na hindi dapat kainin ang mga apple-pear, na ang pagkain sa mga ito ay makakalason sa inyo—tulad lamang na noong nilabag ni Eba ang utos ng Diyos at kinain niya ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama, ay natukso siya ni Satanas na gumawa ng kasalanan at nahulog siya sa mga kamay ni Satanas nang walang kawala. Iisipin ninyo na, lalo na ngayong ito ang kritikal na sandali ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at nauubos na ang oras, dapat kayong mag-ingat at huwag kumain ng mga bagay-bagay nang basta-basta, na kung gagawin ninyo ito, baka malabag ninyo ang mga prinsipyo at sumalangsang kayo sa mga atas administratibo, na mag-iiwan sa inyo na wala nang pagkakataong maligtas, at sa panahong iyon ay wala nang silbi ang pagsisisi. Hindi ninyo makilatis ang usaping ito; natigilan kayo sa isang napakaliit na bagay. Iniisip ninyo na hindi dapat kainin ang mga apple-pear at hindi kayo mangangahas na kainin ang mga ito, na ang paggawa nito ay paglabag sa mga prinsipyo at pagsalangsang sa mga atas administratibo, na magiging kahila-hilakbot! Hindi ba’t ito ang iniisip ninyong lahat? Kaya, dapat ba kayong kumain ng mga apple-pear o hindi? (O Diyos, katatalakay lang namin nito at sa tingin namin ay maaari naming kainin ang mga apple-pear, dahil pinapainam lang ng tao ang mga mansanas at peras at hindi binago ang mga batas na inorden ng Diyos para sa mga ito. Kaya ang pagkain ng mga apple-pear ay hindi kinabibilangan ng pagsalangsang sa mga atas administratibo.) Pagkatapos ng inyong pagbabahaginan, nagkamit kayo ng kaunting kalinawan, at nauunawaan na ninyo ngayon na ang mga batas na inorden ng Diyos, sa pangunahin, ay nananatili namang hindi nagbabago kaugnay sa apple-pear, kaya maaari ninyo itong kainin. Tumpak ang kasasabi lang ninyo; kaya lang ay hindi ninyo ito naipaliwanag nang malinaw. Huwag muna nating talakayin sa ngayon ang tanong kung maaari bang kainin ang mga apple-pear o hindi; pag-usapan muna natin kung bakit hindi nilalabag ng mga ito ang mga batas na inorden ng Diyos. Ang mga puno ng mansanas at puno ng peras ay parehong mga halamang nilikha ng Diyos, at maaaring kainin ng mga tao ang bungang ibinibigay ng mga ito. Kapag ang dalawang halamang ito ay nahugpong ang mga sanga o nag-cross-pollinate, isa pang uri ng prutas ang nalilikha. Artipisyal man itong ginawa o natural, sa pangkalahatan, ang pinagmulan ng prutas na ito, ang anyo ng pagpapatuloy ng buhay nito, at ang mga batas at panuntunan ng pananatiling buhay nito ay nananatiling hindi nagbabago mula sa kung ano ang orihinal na inorden ng Diyos. Kahit pa artipisyal na nahugpong ng tao ang mga sanga ng isang puno ng mansanas at isang puno ng peras, ito ay batay sa mga orihinal na batas at panuntunan ng mga ito para mabuhay, batay sa mga orihinal na anyo ng buhay ng mga ito, kaya ang isang prutas na may parehong mga katangian ng buhay ng dalawang ito ang nalilikha. Ang prutas na ito ay tinatawag na apple-pear. Ginagamit lang ng tao ang kanyang abilidad na mabuhay at ang kanyang paraan ng pag-iisip, ang kanyang talino at pagiging matalas, para ihugpong ang dalawang halaman upang makalikha ng isa pang uri ng prutas, ngunit ang prutas na ito, ang apple-pear, ay hindi lumalampas sa saklaw ng kung ano ang inorden ng Diyos. Isa itong aspekto. Sa kabilang banda, kahit walang pakikialam ng tao, kung ang mga puno ng mansanas at peras ay magkasamang tumubo sa iisang kagubatan, maiiwasan ba ng mga ito ang cross-pollination? Sa mga napakanatural na sitwasyon, pagdating ng panahon ng pamumulaklak, magkakaroon ng cross-pollination ang mga ito, at magkakabuhol-buhol din ang mga sistema ng ugat ng mga ito sa ilalim ng lupa. Ikinakalat man ng mga bubuyog ang pollen o kumakalat ito sa pamamagitan ng hangin at sirkulasyon ng hangin, tatanggapin ng mga mansanas at peras ang sustansya ng isa’t isa, at ang prutas na apple-pear ay malilikha nang napakanatural. Kung gayon, masasabi mo pa rin ba na gawa ng tao ang apple-pear na ito? (Hindi.) Isa itong bagay na may buhay na natural na tumutubo sa natural na kapaligirang inorden ng Diyos; ito ay isang bagay na nasa loob ng saklaw na pinahihintulutan ng Diyos, kaya ang apple-pear na ito ay hindi lumalabag sa anumang batas. Mayroon man itong mga katangian ng isang mansanas o isang peras, sa madaling salita, hindi ito isang negatibong bagay; isa pa rin itong uri ng prutas na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Maaari mo nang isantabi ang iyong mga alalahanin at kumain—tiyak na hindi ito magdudulot sa iyo ng anumang pisikal na pinsala. Gayumpaman, nang banggitin Ko lang na artipisyal na nahugpong ng tao ang mga sanga ng mansanas at peras, hindi ninyo matukoy kung ang isang apple-pear ay isa bang positibo o negatibong bagay, at hindi kayo mangangahas na kainin ito, iniisip na, “Ang mansanas ay mansanas, na walang mga gene ng peras, at ang peras ay peras, na walang mga sangkap ng mansanas; tanging ang mga ito ang tiyak na maaaring kainin!” Hindi ba’t baluktot ang ganitong paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay? (Oo.) Ito ay baluktot. Ang iba’t ibang bagay na may buhay ay magkakasamang umiiral sa isang pinagsasaluhang espasyo; hindi maiiwasan na maimpluwensiyahan at tustusan ng mga ito ang isa’t isa, kumukuha mula sa mga kalakasan ng isa’t isa para punan ang sariling mga kahinaan ng mga ito. Sa loob nito, maraming detalye, at may mga misteryo. Sa madaling salita, ang paglitaw, pag-iral, at epekto ng lahat ng ito ay para sa pananatiling buhay ng lahi ng taong nilikha ng Diyos. Ito ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng mga positibong bagay; sa huli, ito ay para mapanatili ang normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang pagpaparami at pagpapatuloy ng sangkatauhan. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.)

Susunod, talakayin natin ang isa pang usapin, isang bagay na madalas kaharapin ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Tingnan ninyo at pag-isipan kung paano ito dapat kilatisin at harapin. Para matugunan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, inimbento ng mga tao ang mga di-organikong butil, na nagpapataas ng ani sa pamamagitan ng pagbabago sa mga gene ng iba’t ibang binhi at prutas. Sa simula, ang layon talaga ay bawasan ang mga peste at sakit, iwasan ang paggamit ng mas maraming pestisidyo, at sa gayon ay magpatubo ng iba’t ibang halamang kailangan ng sangkatauhan habang binabawasan ang trabaho at iniiwasan ang panggugulo mula sa mga peste at sakit, at kasabay nito ay pataasin ang ani para matustusan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, na nagresulta sa pagkakagawa ng gayong produkto. Ano ang tawag sa produktong ito? Di-organikong pagkain. Ang paglitaw ng di-organikong pagkain ay labis na nakatugon sa pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain. Naniniwala ang mga tao na ang ani ng organikong pagkain ay medyo mababa at hindi kayang tugunan ang mga pangangailangan ng sangkatauhan. Mula nang lumitaw ang mga di-organikong butil, lubhang tumaas ang ani ng mga butil, tumaas din ang kita ng mga tao, at nalutas ang problema ng gutom para sa maraming tao. Kaya, ang sangkatauhan ay “mapalad” na nakakain ng di-organikong pagkain. Kung gayon, ang di-organikong pagkain ba ay isang positibong bagay o isang negatibong bagay? Nilalabag ba nito ang prinsipyo ng “kung ano ang inorden ng Diyos” o hindi? Dapat bang kainin ang di-organikong pagkain? Ano ang inyong mga pananaw at opinyon tungkol sa di-organikong pagkain? Paano ninyo binibigyang-kahulugan ang pagiging positibo at negatibo ng organiko at di-organikong pagkain? (Ang organikong pagkain ay natural, at inorden ng Diyos. Isa itong positibong bagay. Ang di-organikong pagkain ay ginagawa sa pamamagitan ng siyentipikong pagpoproseso at genetic modification. Labag ito sa mga orihinal na batas na nilikha ng Diyos. Kaya ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay.) (Ang mga orihinal na gene sa di-organikong pagkain ay nasira, at labag ito sa mga batas na nilikha ng Diyos. Bukod dito, ang orihinal na halagang pangnutrisyon ng pagkain ay nasira sa di-organikong pagkain; ang pagkain nito ay hindi nagbibigay ng benepisyo sa kalusugan ng mga tao. Sa panahon ngayon, laganap ang paglitaw ng mga problema sa kalusugan ng maraming taong maraming taon nang kumakain ng di-organikong pagkain, kaya sa tingin ko, kung pinahihintulutan ng mga kondisyon, dapat nating subukan ang lahat ng ating makakaya na huwag itong kainin. Ngunit sa lipunan ngayon, karamihan sa pagkain ay di-organiko, kaya para sa pananatiling buhay, tiyak na kailangan nating kumain ng di-organikong pagkain.) Ang lahat ng sinabi ninyo ay naaayon sa mga prinsipyo, at tama ang mahahalagang punto, ngunit ang sinabi ninyo ay masyadong nagpapasimple, at may ilang detalyeng hindi naipaliwanag nang malinaw. Sinasabi ng ilang tao, “Ang di-organikong pagkain at organikong pagkain ay magkatulad ang hitsura, at halos pareho ang lasa. Ang di-organikong pagkain, sa pangkalahatan, ay hindi naiiba sa mga orihinal na anyo ng pagkaing inorden ng Diyos. Ang ilang di-organikong pagkain ay mas maganda pa nga ang hitsura at may mas mataas na ani kaysa sa organikong pagkain, at ang lasa ay hindi tiyak na mas masama kaysa sa organikong pagkain. Kaya bakit ang organikong pagkain ay isang positibong bagay at ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay?” Bagama’t kasasabi lang ninyo na tiyak kayo na ang organikong pagkain ay isang positibong bagay at ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay, hindi ninyo nauunawaan kung bakit pinag-iiba ang mga ito sa ganitong paraan; hindi pa rin ninyo nauunawaan ang mga detalye rito. May isang mahalagang punto na dapat mong malaman: Bakit sa dalawang bagay na magkapareho ang hitsura, ang isa ay isang positibong bagay at ang isa naman ay isang negatibong bagay? Sinasabi ng ilang tao, “Iyon ay dahil ang di-organikong pagkain ay siyentipikong pinoproseso at nasira na ng siyensya.” Tama ba ang pahayag na ito? Sa usapin ng doktrina, tama ito. Mukhang ganito nga ang kaso. Ngunit hindi pa rin nauunawaan ng mga tao pagkatapos itong marinig. Kaya, sa usapin ng diwa ng mga ito, ano ba talaga ang pagkakaiba sa pagitan ng organiko at di-organikong pagkain na nagpapahintulot na mailarawan ang mga ito bilang mga positibo at negatibong bagay, ayon sa pagkakabanggit? Saan nakabatay ang depinisyong ito? Ano ang tingin dito ng Diyos? Ano ang katotohanan dito? Ito ang pinakadiwa ng isyu.

Ang mga organikong bagay ay nagmumula sa Diyos. Ang mga ito ang nilikha ng Diyos, at pinangalanan ang mga ito ng tao na “organiko.” Huwag muna nating alalahanin sa ngayon ang pinagmulan o pinanggalingan ng salitang “organiko” o kung bakit ganito ito pinangalanan ng mga tao. Kailangan pa rin nating tingnan ito mula sa perspektiba ng paglikha at pag-orden ng Diyos. Sa loob ng paglikha at pag-orden ng Diyos, mayroong isang di-halata ngunit napakahalagang punto, na noong lumikha ang Diyos ng isang binhi, inilagay Niya rito ang lahat ng sustansya at sangkap na dapat nitong taglayin, pati na rin ang mga papel nito. Ano ang batayan para sa mga prinsipyo ng pagtukoy kung anong mga bagay ang inilagay sa binhi? Nakabatay ang mga ito sa mga pangangailangan ng katawan ng tao, sa pagtanggap ng paggana ng mga laman-loob ng katawan ng tao at sa mga sangkap na pampalusog na kinakailangan ng mga organong ito. Dahil ang pagkaing tumubo mula sa gayong binhi ay para sa pagkonsumo ng tao, ang mga magiging epekto ng pagkaing ito sa katawan ng tao pagkatapos itong kainin, at ang mga sustansyang maaaring makuha ng mga tao mula rito para mapanatili ang kanilang normal na pisikal na paglaki at pananatiling buhay, at para pahabain ang buhay ng kanilang katawan, ay pawang mga bagay na dapat isaalang-alang ng Diyos kapag lumilikha ng isang binhi o ng isang uri ng pagkain. Hindi ito basta-bastang paglikha ng isang binhi na maaaring tumubo sa lupa at iyon na iyon, hindi ganoon, pinag-isipan ito ng Diyos. Tungkol naman sa kung anong mga epekto ang idudulot ng balat, laman, at embriyo ng ganitong uri ng binhi sa katawan ng tao, kung anong mga resulta ang maaaring makamit ng mga bagay na ito, kung ano ang kailangan ng katawan ng tao, at kung anong mga sustansya ang dapat makuha ng mga tao mula sa ganitong uri ng pagkain pagkatapos itong kainin, lahat ng ito ay mga bagay na dapat isaalang-alang ng Diyos. Dahil may gayong mga pagsasaalang-alang ang Diyos, kapag lumilikha Siya ng ganitong uri ng binhi, dapat Niya itong likhain ayon sa mga proporsyong pangnutrisyon na kailangan ng mga tao, at sa gayon, ang binhi na ito ay nabubuo sa mga kaisipan ng Diyos. Ito ay pagtingin sa epekto ng isang binhi sa mga tao mula sa perspektiba ng mga nutrisyonal na sangkap at istraktura nito; isa itong aspektong isinasaalang-alang ng Diyos kapag lumilikha ng binhing ito. Bukod pa rito, isinasaalang-alang ng Diyos ang laki at hugis ng ganitong uri ng binhi o prutas, ang haba ng panahon ng pag-usbong nito, ang anyo ng pananatiling buhay nito, ang uri ng lupa na angkop para sa pagtubo nito, kung gaano karaming sustansya ang nakukuha nito sa aling uri ng lupa, kung gaano karaming sustansya ang maaaring makuha ng mga tao mula rito kapag kinakain nila ito, at iba pa. Lahat ng detalyeng ito ay mga bagay na kailangang isaalang-alang ng Diyos. Ang iba’t ibang bagay na isinasaalang-alang ng Diyos kapag lumilikha ng isang binhi ay nauuwi sa huli sa isang punto, na para tustusan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, para makamit ang normal na pisikal na paglaki at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinakamahalagang punto. May isa pang punto na napakahalaga rin. Kung ang isang binhi ay walang puwersa ng buhay, at ito ay isang patay na bagay, tulad ng isang butil ng buhangin o isang bato, na hindi kayang umusbong kapag itinanim sa lupa, kung gayon nangangahulugan ito na pagkatapos kainin ng mga tao ang pagkaing ito sa isang pagkakataon, hindi na ito makukuhang muli. Ang gayong binhi ay malayong makatugon sa pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain. Samakatwid, bukod sa mga sangkap na dapat nitong taglayin, tulad ng balat at laman nito, dapat magkaroon ng embriyo ang binhing ito. Siyempre, ang embriyong ito ay maaaring hindi isang katangian ng buhay na taglay ng lahat ng binhi. Sa madaling salita, bukod sa balat at laman nito, dapat mayroong puwersa ng buhay ang binhing ito. Sa wika ng tao, tinatawag itong puwersa ng buhay, ngunit sa mga termino ng Diyos, nangangahulugan ito na dapat mayroong buhay ang binhing ito. Ano ang ibig sabihin ng “mayroong buhay”? Ibig sabihin nito ay maaari itong patuloy na magparami; sa pamamagitan ng pag-usbong at paglaki, dapat itong makapamunga. Ang isang binhi, sa pamamagitan ng pag-usbong, paglaki, at pamumulaklak, ay dapat makalikha ng marami pang bunga, at tulad ng mismong binhi, ang mga bunga nito ay dapat mayroon ding puwersa ng buhay, at makapagparami at makapamunga ng mas marami pa, dahil sa ganitong paraan lamang nito matutustusan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain nang walang katapusan. Ang mga ito ang dalawang pinakapangunahin at pinakamahalagang bagay sa paglikha at pag-orden ng Diyos sa isang binhi: Ang isa ay ang iba’t ibang sustansyang taglay nito at ang mga papel nito, at ang isa pa ay dapat mayroong puwersa ng buhay ang binhing ito, ibig sabihin, dapat buhay ang binhing ito. Sa mga termino ng tao, kung ang isang bagay ay “buhay,” tinatawag itong “organiko.” Ang organikong pagkaing ito, mula sa panahong nilikha ito ng Diyos, ay talagang may buhay. Kung ibabaon mo ito sa lupa, at didiligan at lalagyan ng pataba, ito ay uusbong, lalaki, mamumulaklak, at pagkatapos ay mamumunga, at bawat bunga nito ay may taglay na papel na pareho rito. Ang parehong papel na ito ay walang-tigil na nagtutustos sa pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, para sa pisikal na pananatiling buhay ng sangkatauhan, at para sa pagpaparami at pagpapatuloy ng sangkatauhan. Bukod pa rito, ang binhing ito ay nakikipag-isa sa lupa at namumunga, at ang mga bungang ito—tulad ng mismong binhi—ay namumunga ng mas marami pa para tustusan ang sangkatauhan, at dumaraan sa parehong proseso ng pagpaparami at pagyabong, sa sunod-sunod na mga henerasyon. Sa ganitong paraan, ang sangkatauhan ay may walang-katapusang panustos na pagkain. Sa pagkakaroon ng panustos na pagkain, sa pagkakaroon ng pinagkukunan ng pagkain, ang pisikal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan ay nagpapatuloy nang walang katapusan, at hindi sila kailanman mawawalan ng pagkain. Mula sa katunayang ito, makikita na para mabuhay ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito, hindi maaaring kaligtaan ang ambag ng iba’t ibang binhi na nilikha ng Diyos. Ang ugat ng kakayahan ng mga ito na makagawa ng gayong ambag sa sangkatauhan ay ang paglikha at pag-orden ng Diyos. Ngunit kung ang dalawang pinakamahalagang bagay na inorden ng Diyos para sa isang binhi ay masisira—ang isa ay ang mga sustansya at papel ng binhi, at ang isa pa ay ang orihinal na puwersa ng buhay nito—kung mawawala ang dalawang bagay na ito, kapag nahulog ang binhi sa lupa, hindi na ito uusbong, hindi na lalaki, hindi na mamumulaklak o mamumunga. Maaari lamang itong maglaho sa lupa, at ang pinagkukunan ng pagkain ng sangkatauhan ay mawawala na mula noon. Ano ang haharapin ng sangkatauhan kung magkagayon? (Kamatayan.) Haharapin nila ang gutom, taggutom, at pagkatapos ay kamatayan, at hindi sila makakapagparami at makakapagpatuloy. Isa itong aspekto, at napakaseryoso nito. Ang isa pang aspekto ay na, kapag ang isang binhi ay artipisyal na pinoproseso, ang mga sustansya nito ay lubhang nababawasan, mula sa orihinal na naglalaman ng maraming uri ng sustansya hanggang sa kakaunting sustansya na lamang. Bukod pa rito, nagbabago rin ang mga papel nito. Halimbawa, ang isang partikular na uri ng pagkain ay dating nakakapagbigay-sustansya sa utak, nakakapagpanumbalik ng pisikal na lakas, at nakapagbibigay ng sigla sa mga tao, ngunit ngayon, pagkatapos sumailalim sa artipisyal na pagpoproseso, ang mga papel na ito ay lubhang nababawasan, o nawawala pa nga. Kahit pa kumain ang isang tao ng maraming ganitong uri ng pagkain, nakakaramdam siya ng pagkahapo ng katawan, bumabagal ang kanyang pag-iisip, at humihina ang kanyang memorya. Bagama’t hindi pa siya matanda, nagiging tulad siya ng isang matandang tao. Mabigat ang pakiramdam ng kanyang mga binti, naninigas ang kanyang katawan, at tumatanda ang kanyang balat. Mukhang lumaki ang kanyang katawan, ngunit sa loob, iba ang pakiramdam niya kaysa sa mga kumakain ng organikong pagkain. Kung ang mga orihinal na papel ng isang pagkain ay humina o nawala pa nga, hindi lang ito walang positibong naidudulot na tulong o benepisyo sa katawan ng mga tao pagkatapos nilang kainin ito, kundi nagdudulot pa ito ng maraming negatibong epekto sa kanila. Ang iba’t ibang sustansyang kailangan ng katawan ay hindi napupunan sa tamang oras, at kasabay nito, maraming paggana ng katawan ang unti-unting humihina at nawawala. Bilang natural na resulta, batay sa negatibong siklong ito, bumabagal ang pag-iisip ng mga tao, at maaari pa nga silang magkaroon ng ilang sukdulang pag-uugali o ideya. Ang gayong mga pagpapamalas ay ilan sa mga negatibong epekto at kahihinatnan na idinudulot sa mga tao ng mga di-organikong pagkain. Nawala sa mga di-organikong pagkain ang mga sangkap na dapat taglayin ng mga ito bilang nilikha ng Diyos, at nawala na rin sa mga ito ang mga orihinal na papel ng mga ito. Naiiba ang mga ito sa mga orihinal na bagay na nilikha at inorden ng Diyos. Lahat ng ito ay artipisyal na naproseso at nabago.

Bagama’t lumilikha ang mga tao ng di-organikong pagkain para matugunan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, ang gayong pagkain ay nagdudulot ng lahat ng uri ng masasamang salik sa kalusugan at pagpaparami ng tao, na nakaaapekto sa pag-aanak at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Samakatwid, dapat kang magkaroon ng pagkilatis patungkol sa di-organikong pagkain. Sa loob ng libo-libong taon, tinatamasa na ng sangkatauhan ang organikong pagkain. Bakit natin sinasabi na ang organikong pagkain ay isang positibong bagay, habang ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay? Ano ang pinakamalaking punto ng pagkakaiba? Ano ang pinakabuod ng usapin? Ang pinakabuod ay na ang organikong pagkain ay inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan; ito ay inorden ng Diyos. Nagtataglay ito ng mga orihinal na sangkap at papel na nilikha ng Diyos, at ang pinakamahalaga, taglay nito ang puwersa ng buhay na ipinagkaloob dito ng Diyos, samantalang nawala na sa di-organikong pagkain ang mga orihinal na sangkap at papel na iyon, at wala rin itong buhay na kaloob ng Diyos. Dahil wala rito ang dalawang pinakamahalagang bagay na ito na inorden ng Diyos, lumalabag ito sa mga prinsipyo ng mga positibong bagay na nilikha at inorden ng Diyos. Ang di-organikong pagkain ay isang uri ng bagay na naproseso, napinsala, at nabago ng siyensya ng tao, at hindi na nagtataglay ng mga katangian ng isang positibong bagay. Ito ay dahil wala itong mga sangkap at diwa ng mga positibong bagay na nilikha at inorden ng Diyos, at sa halip ay sumasalungat ito sa mga papel at diwa ng mga positibong bagay na nilikha at inorden ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng sumalungat sa mga papel at diwa ng mga positibong bagay? Ibig sabihin nito, nang likhain ng Diyos ang isang partikular na binhi, ang papel nito ay para sa sangkatauhan, ito ay para maglingkod at maging pakinabang sa sangkatauhan, at para tustusan ang mga normal na pisikal na pangangailangan at pananatiling buhay ng sangkatauhan, samantalang pinipinsala at ginugulo ng di-organikong pagkain ang normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan, at kasabay nito ay nagdudulot ito ng isang serye ng hindi na mababawing negatibong mga epekto at kahihinatnan sa normal na buhay at pananatiling buhay ng mga tao. Kaya, hindi talaga kawalan ng katarungan na tawaging isang negatibong bagay ang di-organikong pagkain. Hindi ba’t ganoon? (Oo.) Malinaw na ba ang isyung ito ngayon? (Oo.) Bakit isang positibong bagay ang organikong pagkain, habang isang negatibong bagay naman ang di-organikong pagkain? Sa malawak na pananalita, ang organikong pagkain ay nagmumula sa Diyos, nagbibigay-pakinabang at naglilingkod sa sangkatauhan, at nag-aambag sa buhay at pananatiling buhay ng tao; mayroon itong isang di-mapapalitang papel sa buhay at pananatiling buhay ng tao—walang makapapalit sa papel na ginagampanan nito. Pero nakakabuti ba sa kalusugan ng tao ang di-organikong pagkain? (Hindi.) Labis na kabaligtaran ito: Hindi ito nakakabuti sa kalusugan ng tao; sa halip, pinipinsala nito ang kalusugan ng tao, at nagdudulot ito ng maraming pasakit at problema sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng mga tao. Halimbawa, nagdudulot ito ng iba’t ibang masamang pakiramdam sa katawan, tulad ng pagbagal ng sirkulasyon ng dugo, paninigas ng mga braso at binti, pagbigat ng mga binti, at pagkahilo, at humahantong sa maagang pagsisimula at pagsiklab ng maraming sakit; ang mga allergic reaction ng mga tao ay lumalala rin nang lumalala. Ang masasamang reaksyon na may iba’t ibang antas ay nakaaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa balat hanggang sa mga panloob na organo. Ang mga ito ang iba’t ibang problema at pasakit na idinudulot ng di-organikong pagkain sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Dahil ang katawan ng tao ay nilikha ng Diyos, ang Diyos lamang ang pinakanakakaunawa sa istruktura at mga pangangailangan nito. Kaya, lumikha ang Diyos ng lahat ng uri ng pagkain para sa sangkatauhan batay sa istruktura at mga pangangailangan ng katawan ng tao. Mula timog hanggang hilaga, mula silangan hanggang kanluran, lumikha ang Diyos ng iba’t ibang pagkain na nakabubuti sa buhay at pananatiling buhay ng mga lokal na tao. Ang mga orihinal na anyo ng lahat ng pagkaing nilikha ng Diyos ay naglalayong maglaan ng mga kinakailangang mapagkukunan ng pagkain para sa buhay at pananatiling buhay ng tao; lahat ng ito ay esensyal para sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng mga tao. Ibig sabihin, para mabuhay at mapanatili ang katawan ng isang tao, hindi ito mabubuhay kung wala ang mga halamang ito na nilikha ng Diyos. Hangga’t ang mga halaman at binhing ito ay nagmumula sa Diyos, nasa mga orihinal na anyo ang mga ito, nagtataglay ng mga kinakailangang papel at sangkap na nilikha ng Diyos, pati na rin ng puwersa ng buhay na kaloob ng Diyos. Kahit nasaan pa ang isang binhi—kahit pa mahulog ito sa mga bitak ng bato kung saan walang lupa—hangga’t mayroon itong puwersa ng buhay, maaari itong sumibol, lumago at gumulang nang normal, at magbunga ng mas marami pang binhi. Sa ganitong uri lamang ng mas malawak na kapaligiran kung saan ang lahat ng bagay ay nagpaparami at nabubuhay, na ang mga tao ay magkakaroon ng mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga katawan, patuloy na makagagawa ng iba’t ibang aktibidad, at patuloy na makapagpaparami at mabubuhay. Kung mawawala sa iba’t ibang halaman at binhi ang mga orihinal na papel na nilikha ng Diyos, katumbas ito ng pagkakait sa sangkatauhan ng pagkain, at pag-alis ng mapagkukunan ng pagkain ng sangkatauhan. Kahit pa lumikha at gumawa ang mga tao ng ilang pagkaing wala sa mga orihinal na anyo ng mga ito na pansamantalang makakapawi sa kanilang gutom, dahil nabago ang mga orihinal na anyo ng mga pagkain matapos sumailalim sa pagpoproseso at nawala ang mga orihinal na papel nito, pagkatapos kainin ng mga tao ang mga ito, magbabago rin ang mga pisikal na paggana at pandama ng mga tao dahil doon. Sa paglipas ng panahon, makararanas din ng ilang masamang reaksyon ang mga katawan ng mga tao; magkakaroon ang mga ito ng ilang sakit at pananakit, at maaari pa ngang magkaroon ng ilang malubhang kahihinatnan. Sumasalungat ito sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng pagkain para sa sangkatauhan, at sumasalungat din ito sa mga batas at tuntunin ng pananatiling buhay na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan. Kaya, paano mo man ito tingnan, hangga’t ang isang bagay ay sumasalungat sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng isang bagay na may buhay at sa mga batas at tuntuning inorden ng Diyos, nawala na rito ang papel na nilikha ng Diyos para dito at ang gampaning dapat nitong gampanan, pati na rin ang puwersa ng buhay na kaloob dito ng Diyos, at kaya nagbago na ang diwa nito. Ang paglitaw ng di-organikong pagkain ay sumasalungat sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng pagkain; kapag pinoproseso at binabago ng mga siyentipiko ang mga binhi ng pagkain sa pamamagitan ng siyensiya, nagiging sanhi ito ng pagbabago sa diwa ng pagkain. Kaya, ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay. Maging mas makulay at maganda man ang hitsura nito, o maging mas malaki man ito, o dumami man ang bilang nito—paano man ito magbago, hangga’t sumasalungat ito sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha nito at nawawala rito ang mga papel at puwersa ng buhay nito na bigay ng Diyos, isa itong negatibong bagay. Tiyak ito at hindi mapag-aalinlanganan. Kahit ano pa ito, at kahit sa anong panahon o kaninong kagagawan pa ito lumitaw, hangga’t hindi ito nilikha o inorden ng Diyos, kundi sumasalungat sa paglikha at pag-orden ng Diyos, isa itong negatibong bagay. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.)

Ngayong malinaw nang napagbahaginan ang usapin na ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay, may isa pang isyu na kailangang pagbahaginan. Nagtatanong ang ilang tao, “Dahil ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay na sumasalungat sa paglikha at pag-orden ng Diyos, paano natin ito dapat tratuhin? Dapat ba natin itong kainin? Dapat ba natin itong hindi kainin, o kumain lang tayo nang kaunti? Ano ang angkop na paraan para magsagawa?” Kakatukoy lang ng ilan sa inyo kanina, “Karamihan ng pagkain sa lipunan ngayon ay di-organiko, at hindi madaling makahanap ng organikong pagkain kung gusto mong bumili niyon—sa ilang bansa at rehiyon, ni hindi mo ito mabibili kahit sa mataas na halaga. Kahit pa alam natin ang mga benepisyo ng organikong pagkain at ang pinsala ng di-organikong pagkain, ano ang magagawa natin?” Ganito lang talaga ang mas malawak na kapaligiran. Ito ang mundo ni Satanas, at pinipigilan nito ang mga tao na kainin ang pagkaing may kaloob na puwersa ng buhay na nilikha ng Diyos. Sabi ng ilang tao, “Alam naming nakakapinsala sa aming katawan ang pagkain ng di-organikong pagkain, pero wala kaming kakayahang kumain ng organikong pagkain. Ano ang dapat naming gawin? Dapat ba kaming mamatay na lang sa gutom?” Hindi ka maaaring mamatay sa gutom. Para manatiling buhay, kailangan mo pa ring kumain ng di-organikong pagkain. Kahit pa nakakapinsala sa katawan ang pagkain nito, mas mabuti pa rin iyon kaysa mamatay sa gutom. Kahit pa magpatuloy kang mamuhay nang may gayong paghihirap, hangga’t hindi ka namamatay at natutupad mo nang maayos ang iyong tungkulin, kumakapit hanggang sa huling sandali at nakakamit ang kaligtasan kahit pa ikaw ay sakitin, kung gayon, nagtagumpay ka laban sa mundong ito at nanaig ka laban kay Satanas. Sabi ng iba, “Dahil napakamapaminsala ng di-organikong pagkain sa mga tao at ang mga epekto nito ay hindi na mababawi, hindi ko na lang ito kakainin. Hahanap ako ng paraan para magtanim ng organikong pagkain sa sarili kong bakuran.” Kung may kakayahan ka, siyempre ayos lang iyon. Pero paano kung ang bahay mo ay walang bakuran at hindi ka makapagtanim ng mga gulay at butil, at isa kang ordinaryong tao na hindi kayang bumili ng organikong pagkain? Kung gayon, ang magagawa mo lang ay kumain ng di-organikong pagkain. Sabi ng ilang tao, “Kung kakain ako ng di-organikong pagkain, kahit papaano ay mapapanatili ako nitong buhay sa loob ng ilang taon, at hindi ako mamamatay pagkatapos lang ng maikling panahon. Kahit na magkaroon ako ng ilang kakaibang sakit mula rito, wala nang magagawa tungkol dito.” Natatakot ba kayo na magkaroon ng lahat ng uri ng kakaibang sakit at umikli ang inyong buhay? (Oo.) Ano ang dapat gawin tungkol dito? Sabi ng ilang tao, “Kung gayon, magagawa lang nating gamitin ang huling paraan—pagtiyagaan kung ano ang mayroon tayo. Para mabuhay, wala tayong ibang mapagpipilian kundi ang kumain ng di-organikong pagkain.” Tama ba ang prinsipyong ito? (Oo.) Tama ba? Hindi ninyo makilatis kung ito ay tama o mali. Ang paggawa ba nito ay pagtitiyaga sa kung ano ang kaya mo, at hindi pagkakaroon ng ibang mapagpipilian? Hindi ito pagtitiyaga sa kung ano ang kaya mo, o hindi pagkakaroon ng ibang mapagpipilian. Sa halip, ito ay pamumuhay ayon sa pananalig. Hindi ba’t may isang linya mula sa mga salita ng Diyos? “Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay.” Ang buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung gaano katagal mabubuhay ang isang tao at ang kanyang pisikal na kondisyon ay nakadepende sa pag-orden ng Diyos, hindi sa kung ano ang kinakain niya. Sapat na na magkaroon ang mga tao ng mga tamang kaisipan at pananaw tungkol sa di-organikong pagkain at magkaroon ng pagkilatis dito. Gayumpaman, dapat tratuhin nang tama ng mga tao ang obhetibong kapaligiran na umiiral. Kung wala kang kakayahang pinansyal o mga kondisyon ng kapaligiran para sa pagtatanim ng sarili mong pagkain, kainin mo kung ano ang mayroon. Kaya, mag-aalala ka ba na magkakasakit o mamamatay ka? Hindi kailangang mag-alala. Bakit? Nasa ating puso ang katotohanan ng mga salita ng Diyos bilang ating suporta at batayan: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos,” at “Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay.” Ang buhay, pisikal na kondisyon, at haba ng buhay ng isang tao ay pawang hawak ng mga kamay ng Diyos. Kung magkakasakit ba ang isang tao, kung kailan siya magkakasakit, at kung kailan siya mamamatay—lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi kailangang mag-alala o matakot. Kung hindi ka makakakuha ng organikong pagkain at di-organikong pagkain lang ang makakain mo, kainin mo ito nang panatag ang isip. Kainin mo kung ano ang mayroon. Sabi ng ilang tao, “Kung sinabi Mo na ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay, bakit Mo sinasabi sa amin na kainin ito nang panatag ang isip?” Paano ka mabubuhay kung hindi ka kakain? Kung masyadong kakaunti ang kinakain mo, makukuha ba talaga ng katawan mo ang kailangan nito? Sinasabi na rin ngayon ng mga walang pananampalataya na ang di-organikong pagkain ay labis na mas mababa ang sustansya kaysa sa organikong pagkain; bagama’t marami kang kinakain, hindi ito nagbibigay ng gaanong sustansya. Isa rin itong katunayan. May isa pang puntong hindi nila alam: Ang proporsyon ng mga masustansyang sangkap sa organikong pagkain ay angkop. Pagkatapos mong kainin ito, tutulungan nito ang katawan mo na gumawa ng maraming sustansya, pabutihin ang sirkulasyon ng dugo, at gampanan ang mga orihinal na papel nito sa loob mo para matiyak ang magandang kalusugan. Gayumpaman, kulang sa masustansyang sangkap ang di-organikong pagkain, kaya hindi ito magagamit ng katawan mo para bumuo ng mga sustansya para matugunan ang mga pangangailangan nito. Ang pinakamahalaga, hindi nagtataglay ng puwersa ng buhay ang di-organikong pagkain at kulang ito sa maraming masustansyang sangkap; hindi ka nito mapalulusog. Pagkatapos itong kainin sa loob ng sampu o dalawampung taon, magkakaroon ang mga tao ng lahat ng uri ng sakit at kakaibang karamdaman, at mawawalan pa nga ng kakayahang mag-anak ang ilan. Masyadong malubha ang gayong mga kahihinatnan. Kaya naman nararamdaman ng ilang tao, “Marami naman akong kinain na pagkain at gulay, kaya hindi ako dapat kulang sa nutrisyon. Pero bakit nanghihina ang buong katawan ko?” Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng organiko at di-organikong pagkain; sa katunayan, naramdaman mo na ito. Bakit mo nararamdaman ito? Ito ay dahil walang puwersa ng buhay ang di-organikong pagkain. Marami kang kinakain nito, pero hindi ito nagbibigay ng maraming sustansya, kaya nanghihina ka at kulang sa sigla. Pero gayumpaman, kailangan mo pa ring kumain; kung hindi, magugutom ka at hindi makakapagtrabaho o mabubuhay. Hindi dapat gumawa ng mga kahangalan ang mga tao, ni hindi dapat sila kumilos nang sukdulan. Dapat nilang harapin ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos at isagawa ang lahat ng bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang dapat na maging malinaw sa mga tao at maunawaan nila. Sa madaling salita, nauuwi ang lahat sa kung paano dapat tratuhin ng mga tao ang di-organikong pagkain. Pagkatapos maunawaan ang mga negatibong epekto at kasunod na mga impluwensiyang idinudulot ng di-organikong pagkain, hindi nito dapat malimitahan ang mga tao, at hindi rin sila dapat mag-alala o matakot, dahil ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang buhay ng mga tao at ang lahat ng tungkol sa kanila ay pawang hawak ng mga kamay ng Diyos, napapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Tama ba? (Oo.) Kung ganito mo ito nauunawaan, tama ang iyong mga kaisipan at pananaw. Matapos marinig ang lahat ng ito, naliwanagan at napalaya ba ang inyong puso? (Oo.) Isa itong isyu sa totoong buhay na dapat makita ng mga tao. Kung hindi mo matarok ang usaping ito, masyado kang hangal. Patungkol naman sa kung dapat bang kainin o hindi ang di-organikong pagkain, katatalakay lang natin ng ilang prinsipyo ng pagsasagawa. Dapat mo itong tratuhin nang naaayon batay sa iyong obhetibong kapaligiran at aktuwal na mga kondisyon. Sa madaling salita, dapat mong tingnan ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at dapat ka ring kumilos ayon sa mga salita ng Diyos. Hangga’t ang iyong motibo ay tiyakin ang iyong normal na pisikal na pananatiling buhay at paggana, para magawa mo nang normal ang iyong tungkulin, hindi ka lumihis sa landas ng pagsunod sa Diyos, at matupad mo nang maayos ang iyong tungkulin at tahakin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tama ang ginagawa mo. Ito ang nilalaman ng ating pagbabahaginan tungkol sa aspekto ng kung ano ang inoorden ng Diyos.