Paano Hangarin ang Katotohanan (18) Ikalawang Bahagi
Lahat ng Bagay na Inorden ng Diyos ay mga Positibong Bagay
Ang isa pang aspekto tungkol sa kahulugan ng mga positibong bagay ay may kaugnayan sa kung ano ang inorden ng Diyos, at ang saklaw ng inorden ng Diyos ay napakalawak. Sa pangkalahatan, halimbawa, ang haba ng buhay, anyo, likas na kalikasan, at mga gene ng iba’t ibang bagay na may buhay, pati na ang mga paraan ng pamumuhay ng mga ito, ang mga pattern ng aktibidad ng mga ito, ang mga pamamaraan sa pagkuha ng pagkain at pagpaparami ng mga ito, at ang mga pattern ng pamumuhay ng mga ito para umangkop sa apat na panahon, na kinabibilangan ng mga direksyon ng migrasyon at mga saklaw ng aktibidad ng mga ito; bukod pa rito, ang apat na panahon, mga lokasyon ng mga bundok, ilog, at lawa, at mga anyo ng pag-iral ng iba’t ibang bagay na may buhay o walang buhay sa lupa na inorden ng Diyos, at iba pa—dapat ding igalang ng mga tao ang mga bagay na ito na nasa loob ng saklaw na ito, bigyan ang mga ito ng espasyo para mabuhay, at huwag gumamit ng kalooban ng tao o mga panghihimasok ng tao para puksain, pakialaman, o pinsalain ang mga ito. Halimbawa, ang mga tigre ay ipinanganak para kumain ng mga erbiboro; ang mga zebra, antelope, elk, at ilang maliit na hayop ay pawang biktima ng mga tigre. Ito ay paraan ng isang nilikha sa pagkuha ng pagkain, at ang saklaw kung saan ginagawa nito ito; ito ay isang alituntunin ng pamumuhay nito. Kaya, ano ang nasasangkot sa alituntuning ito ng pananatiling buhay? Nasasangkot dito ang pag-orden ng Diyos. Dahil inorden ito ng Diyos, anuman ang tingin dito ng mga tao mula sa isang perspektibang batay sa kuru-kuro—nakikita man nila ito bilang kahanga-hanga, o bilang madugo at malupit—tiyak na isa itong positibong bagay. Ito ay ganap na tiyak, at hindi mo ito maipagkakaila. Kahit pa nararamdaman mo sa iyong puso na ang isang tigreng nanghuhuli ng mga hayop ay napakamadugo at napakalupit, at hindi mo man lang matiis na makitang nangyayari ang gayong kalunus-lunos na eksena, dapat mong igalang ang paraan ng pamumuhay sa mundo ng mga hayop. Hindi mo dapat hadlangan o limitahan ito, lalo nang hindi mo ito dapat pakialaman gamit ang paraan ng tao o pinsalain ang ekolohikal na kapaligirang ito. Sa halip, dapat mong hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito, at protektahan ang kapaligirang pinamumuhayan ng mundo ng mga hayop. Hindi mo dapat alisan ang iba’t ibang hayop ng kanilang karapatang manatiling buhay. Ang panghuhuli at pagkain ng mga karniboro ng mga erbiboro o iba pang hayop ay isang alituntunin ng pamumuhay ng mga ito, at ang alituntuning ito ng pamumuhay ay nilikha ng Diyos at inorden ng Diyos. Hindi ito dapat pakialaman o pinsalain ng sangkatauhan kundi dapat hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito? Ibig sabihin nito, kapag nakakita ka ng isang tigre o anumang iba pang karniboro na nanghuhuli ng isang antelope o iba pang biktima, kung may sapat kang lakas ng loob, maaari kang manood mula sa malayo at huwag makialam. Kung mahina ang loob mo at hindi mo kayang panoorin ang eksenang ito ng madugo at nakamamatay na labanan, huwag kang manood, pero hindi mo dapat kondenahin ang instinto ng mga karniborong ito na manghuli ng hayop dahil hindi mo kayang makita ang madugong eksena, lalo nang hindi ka dapat magreklamo na isang pagkakamali para sa Diyos na likhain ang mga karniboro na ito; ito ay isang pagkilos na walang katwiran. Normal na hindi mo ito nauunawaan, pero hindi mo dapat alisan ang mga karniboro ng kanilang karapatang manatiling buhay. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung gayon, tayo bang mga tao ay dapat makialam sa pagprotekta sa mga ito?” Sa hindi paggawa ng anuman para makialam o magdulot ng pinsala, natupad mo na ang responsabilidad ng isang tao. Hindi na kailangang makialam ng mga tao sa pagprotekta sa mga ito, dahil ang mga hayop ay mga nilikha ring ginawa ng Diyos; at dahil nilikha ng Diyos ang mga ito, pinagkalooban na ng Diyos ang mga ito ng kakayahang mabuhay—hindi kailangan ng mga ito ang iyong pakikialam o tulong. Bukod pa rito, matutulungan mo ba ang mga ito? Kaya mo bang gayahin ang kabangisan ng mga ito sa paghuli ng mga biktima ng mga ito? Walang ganitong kakayahan ang mga tao. Sa pinakamainam, kaya lamang gumamit ang mga tao ng mga sandata para pumatay ng ilang biktima, na malayo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga hayop. Bukod dito, hindi kinakain ng ilang hayop ang patay na biktima; kumakain lamang ang mga ito ng buhay at sariwang karne. Hindi mo dapat pakialaman o pinsalain ang mga karapatang manatiling buhay ng mga karniboro, at hindi mo rin dapat protektahan ang mga erbiboro mula sa kapahamakan; sapat nang hindi mo pinipinsala o hinuhuli ang mga ito. Ang pananatiling buhay ng lahat ng uri ng hayop ay may mga sariling batas, at ang mga ito ay magpaparami at mamumuhay ayon sa mga alituntuning inorden ng Diyos at sa mga batas na itinatag ng Diyos. Mayroong sariling mga batas ng pamumuhay ang mga ito, at sariling mga kakayahang mabuhay, at sa maraming paraan, ang mga kakayahan ng mga ito na manatiling buhay ay mas nakahihigit pa kaysa sa kakayahan ng mga tao. Bagama’t hindi makagawa o makagamit ng mga sandata at kasangkapan ang mga ito, ang kakayahang mabuhay ng mga ito nang walang tulong ay nakahihigit pa rin kaysa sa kakayahan ng mga tao sa ilang aspekto. Kung ang mga tao ay mamumuhay sa ilang, magiging mahirap para sa kanila na manatiling buhay; ang ilan ay mamamatay pa nga sa uhaw, gutom, o lamig, o kakainin ng mababangis na hayop. Malinaw na ang kakayahan ng mga tao na mabuhay sa ilang nang sila lang ay mas mababa kaysa sa kakayahan ng mga hayop. At bakit ganito? Ito ay may kaugnayan din sa pag-orden ng Diyos.
Tungkol naman sa kung ano ang inorden ng Diyos, ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao ay ang huwag pakialaman o pinsalain ito gamit ang paraan ng tao. Gamitin nating halimbawa ang pagtrato sa mga hayop: Hindi kailangang protektahan ng mga tao ang mga ito dahil sa kabaitan. Hangga’t hindi mo ginugulo ang mga ito, pinipinsala ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga ito, o sinisira ang mga alituntunin at batas ng pamumuhay ng mga ito, natupad mo na ang responsabilidad ng isang tao. Kung ang isang hayop ay nasugatan o nakaranas ng kung anong paghihirap at humingi ng tulong sa mga tao, dapat bang tulungan ng mga tao ang mga ito? (Oo.) Ang tulong na ito ay hindi itinuturing na artipisyal na pakikialam, kundi isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Bakit ito isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao? Dahil ito ay isang bagay na kayang gawin ng mga tao. Sa sitwasyong ito, dapat magpakita ng pagmamahal ang mga tao at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para tumulong, dahil parehong mga nilikha ang mga tao at hayop. Sadya lamang na sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan ang pakay ng Kanyang pagliligtas, isang mas mataas na antas na nilikha, na naiiba sa iba. Dahil lahat ay sama-samang namumuhay sa materyal na mundong ito, sa espasyong ito, ang pagtulong sa isa’t isa sa mga oras ng pangangailangan ay hindi lumalabag sa anumang prinsipyo. Ito ay isang karakter na kahit papaano ay dapat taglayin ng mga tao, at ito ay isang bagay na dapat kaya nilang makamit. Kung mayroon talagang nasugatang hayop na lumapit sa iyo para humingi ng tulong, ginagawa lamang nito iyon dahil mataas ang pagtingin nito sa iyo at nagtitiwala ito sa iyo. Ang katunayan na kaya nitong humingi ng iyong tulong ay nagpapatunay na hindi ito hangal; may kakayahan itong mag-isip, at alam nito na bagama’t naiiba ang mga tao sa mga ito, may mga paraan ang mga tao para tulungan itong manatiling buhay. Dahil napakataas ng pagtingin ng ibang mga bagay na may buhay sa mga tao, hindi ba’t dapat gampanan nang maayos ng mga tao ang papel ng panginoon ng lahat ng bagay at tuparin ang mga obligasyong dapat nilang gawin? (Oo.) Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Para magampanan nang maayos ang papel ng panginoon ng lahat ng bagay, hindi sapat na magkaroon lamang ng pagnanais na ito—nangangailangan ito ng praktikal na pagkilos. Kapag nahaharap sa mga paghihirap o may mga pangangailangan ang ibang mga bagay na may buhay, dapat kang mag-abot ng tulong para tulungan ang mga ito. Kung nakatadhana ang mga ito na mamatay o humarap sa kung anong malaking kalamidad, at hindi mo kayang tulungan ang mga ito, kung gayon ay walang magagawa, at dapat mo na lang hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito—kailangan mo lang gawin ang lahat ng iyong makakaya. Kung makita mo ang mga ito na makaranas ng mga paghihirap o panganib, iyon ang panahon na dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon. Kung hindi mo ito nakikita, hindi na kailangang magpakahirap na hanapin ito—hindi mo iyon responsabilidad. Mayroong sariling tadhana ang mga ito, at hindi mo kailangang kusang magsikap sa bagay na ito. Sa kabaligtaran, kung nahaharap sa paghihirap ang mga ito at humihingi ng iyong tulong, tungkulin mong tumulong; mas makabubuting huwag kang tumanggi. Halimbawa, kung makasalubong ka ng isang ligaw na gansa sa daan na humaharang sa iyong daraanan at sinusubukan kang pigilang umalis, kung may mapagmahal kang puso, dapat mong mapagtanto na ang gansa ay may problema at lumapit sa iyo para humingi ng tulong. Ano ang dapat mong gawin sa oras na ito? (Sundan ang gansa para makita kung ano ang problema, at tumulong kung kaya namin.) Tama iyan. Sundan ang gansa, tingnan kung saan ka nito dadalhin, at kung anong paghihirap o panganib ang naranasan nito na nangangailangan ng tulong ng tao. Dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para tulungan ito—hindi mo ito maaaring basta na lang iwan sa alanganin. Ito ang pagpapahalaga sa pasanin na dapat taglayin ng mga tao. Ang pahalagahan ang iba’t ibang bagay na may buhay na nilikha ng Diyos, ang pahalagahan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—ito ang karakter ng pagmamahal sa mga positibong bagay na dapat taglayin ng mga tao. Nagtatanong ang ilang tao, “Ito ba ay pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti?” Hindi. Ang kasabihang “pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti” ay hindi balido. Hindi na kailangang magsalita ng gayong salita na matayog pakinggan. Sa prangkang pananalita, ang buong ideya ng pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti ay kalokohan! Ito ay pagtupad sa mga obligasyon ng isang tao; ito ang pinakapangunahing pagpapahalaga sa pasanin na dapat taglayin ng mga tao. Sa sandaling natulungan mo na ang gansa, natupad na ang iyong responsabilidad. Hindi mo kailangan na pasalamatan ka nito, ni hindi mo kailangang suklian nito ang iyong kabaitan—ang ginawa mo ay isang bagay na obligadong gawin ng mga tao. Ang tuparin ang obligasyong ito at magkaroon ng ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos—lahat ng bagay na nilikha at inorden ng Diyos ay mga positibong bagay, at dapat nating pahalagahan ang mga ito. Ang atas ng Diyos ay pahalagahan ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Ito ay bahagi ng sentido komun ng sangkatauhan na dapat taglayin ng mga tao, bilang mga panginoon ng lahat ng bagay, kahit papaano. Sa partikular, ito ang pagpapahalaga sa pasanin na dapat nilang taglayin kahit papaano. Huwag kayong makialam sa ibang mga bagay na may buhay, huwag ninyong sirain ang mga alituntunin ng pananatiling buhay ng mga ito, at huwag ninyong alisan ang mga ito ng karapatang manatiling buhay; bukod pa rito, hindi na kailangang tulungan ang mga ito, gamit ang paraan ng tao, na mamuhay sa isang partikular na paraan o gabayan at ayusin ang mga ito para mamuhay sa isang partikular na paraan. Sa halip, igalang ninyo ang mga batas ng pananatiling buhay ng mga ito at ang mga alituntunin ng pananatiling buhay ng mga ito. Kapag kailangan ng tulong ng mga ito, kung nakita mo ito, hindi mo dapat iwasan ang mga ito o magbulag-bulagan, na nanonood lamang habang napipinsala at namamatay ang mga ito, kundi dapat kang tumulong para tuparin ang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin ng mga tao. Sa pagtulong sa mga ito, inililigtas mo ang mga ito. Hindi ka mapapagod dahil dito, at hindi rin nito kakailanganin na magsakripisyo ka nang malaki o gumugol ng maraming lakas, lalo nang hindi na ibuwis mo ang iyong buhay para protektahan ang mga ito. Wala namang mawawala sa iyo rito; ito ay isang bagay na dapat mong gawin bilang isang tao. Kung hihilingin sa iyong protektahan ang mga ito nang buong lakas mo, hindi iyon madaling makakamit, pero dapat mong magawang hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito—hindi nakikialam sa mga ito, hindi pinipinsala ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga ito o sinisira ang mga alituntunin ng pananatiling buhay ng mga ito, at hindi inaalisan ang mga ito ng karapatang manatiling buhay. Kung hindi mo man lang ito magawa, ikaw ay hindi tao, hindi ka reinkarnasyon ng isang tao, at wala kang pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng pagkatao? Ibig sabihin nito ay wala ka man lang konsensiya at katwiran para protektahan ang mga hayop, alagaan ang mga ito, at igalang ang mga bagay na may buhay na ginawa ng Diyos. Kung palagi mong iniisip na pinsalain ang mga ito, kainin ang mga ito, at alisan ang mga ito ng karapatang manatiling buhay, kung gayon, hindi ka isang tao kundi isang mabangis na hayop. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo.)
Patungkol sa kung ano ang inorden ng Diyos, may iba pang mga sitwasyon. Halimbawa, ang mga panuntunan para manatiling buhay ang ilang hayop ay medyo naiiba o kabaligtaran pa nga sa mga panuntunan ng ibang mga bagay na may buhay, tulad ng mga kuwago, paniki, at iba pang hayop na ang panuntunan para manatiling buhay ay ang matulog sa araw at maging aktibo sa gabi. Inorden ito ng Diyos, at kahit pa may mga espesyal na pagkakataon na paminsan-minsan ay nagiging dahilan para pansamantalang baguhin ng mga hayop na ito ang nakagawiang ito, sa ilalim ng mga normal na kondisyon, ang mga batas at panuntunan ng mga ito para manatiling buhay, sa pangunahin, ay hindi naman nagbabago. Palaging iniisip ng mga tao na baguhin ang mga panuntunan ng mga hayop na ito, na gawin ang mga ito na aktibo sa araw tulad ng mga tao. Nagsasagawa sila ng pananaliksik sa mga gene at blood serum ng mga hayop na ito, sa mga pattern ng pagkilos ng mga ito, at iba pa, nag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para baguhin at sirain ang mga panuntunan para manatiling buhay at mga pattern ng aktibidad ng mga ito. Mabuti ba ito? (Hindi.) Ang ganitong uri ba ng pag-uugali, ang ganitong uri ba ng pag-iisip, ay isang positibong bagay? (Hindi.) Isa itong negatibong bagay, at isang bagay na ginagawa ng mga di-tao. Sa pamamagitan ng siyentipikong pananaliksik, medyo nababago nga ang mga bagay na may buhay na ito, ngunit nauuwi sila sa pamumuhay nang lubhang nagdurusa at nang di-normal. Hindi ito matiis na makita ng mga normal na tao. Mayroon ding ilang tao na nagsasabing, “Napakarami nang daga ngayon; napakainam sana kung makakahuli ng daga ang mga aso. Mababantayan ng mga aso ang bahay, at makakatipid tayo sa pagkain ng aso dahil kakainin nila ang mga daga, at hindi na natin kakailanganing mag-alaga ng mga pusa. Makakapukol tayo ng tatlong ibon gamit lang ang isang bato. Hindi ba’t magiging napakainam niyon?” Pagkatapos ay nagsasaliksik sila kung paano pagsasamahin ang mga gene ng mga pusa at aso, para magkaroon ang mga aso ng parehong gene ng aso at pusa at maging isang pinaghalong aso-pusa na parehong kayang magbantay ng bahay at manghuli ng mga daga. Maganda ba ang ideyang ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil palagi nilang gustong sirain ang inorden ng Diyos at labagin ang mga batas na inorden ng Diyos. Ito mismo ang ginagawa ni Satanas at ng tiwaling sangkatauhan.) Ang gayong mga ideya ay buktot. Saan nagmumula ang buktot na mga ideya? Ganap na nagmumula ang mga ito kay Satanas at sa masasamang espiritu. Kaya, ang gayong mga tiwaling tao ay mga di-tao. Palagi nilang gustong baguhin ang mga positibong bagay na inorden ng Diyos, at baguhin ang mga orihinal na papel, orihinal na mga pattern ng aktibidad, at mga batas para manatiling buhay ng iba’t ibang bagay na may buhay na inorden ng Diyos. Palagi nilang gustong sirain ang mga anyo ng pananatiling buhay ng mga bagay na may buhay na inorden ng Diyos, palagi silang nagkakaroon ng ilang buktot at sukdulang mapaghimagsik na mga ideya, kaisipan, at pananaw, at palagi nilang gustong sirain ang iba’t ibang bagay na inorden ng Diyos. Ang gayong mga tao ay mga di-tao; wala silang pagkatao. Ang kanilang pag-iisip o mga kilos ay hindi kailanman nasa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran, bagkus, palagi nilang gustong lumampas sa saklaw ng normal na pagkatao—ito ay isang pagpapamalas ng pagiging di-tao. Hindi nila, sa loob ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, iginagalang o itinataguyod ang mga panuntunan para manatiling buhay at ang mga anyo ng pag-iral ng lahat ng bagay na inorden ng Diyos. Sa halip, palagi nilang gustong sirain, guluhin, at baguhin ang mga panuntunan para manatiling buhay na inorden ng Diyos, na baguhin ang mga paraan ng pamumuhay ng ibang mga bagay na may buhay. Gusto nilang gawin na ang mga pusa ay hindi na mga pusa at ang mga aso ay hindi na mga aso, na gawing mga abnormal na nilalang at mga buktot na bagay ang lahat ng ito, na gawin ang mga ito tungo sa isang buktot na direksyon. Palagi nilang gustong sirain ang pag-iral ng mga positibong bagay, at palagi nilang gustong sirain ang mga anyo ng pananatiling buhay ng mga positibong bagay. Hindi ba’t sila ay mga di-tao? (Oo.) Ang mga kaisipan at pananaw na nililikha at tinataglay ng mga di-tao ay mga negatibong bagay, at salungat ang mga ito sa mga positibong bagay. Dahil ang kanilang mga pananaw ay mga negatibong bagay at salungat sa mga positibong bagay, hindi ba’t mga negatibong bagay ang mga produktong ginagawa nila at ang mga resultang naidudulot nila sa kanilang mga propesyon? (Oo.) Ang mga bagay na ito ay mga negatibong bagay. Bagama’t ang ilang bagay ay hindi direktang nagdudulot ng anumang masamang epekto o pinsala sa sangkatauhan, hangga’t salungat ang mga ito sa inorden ng Diyos, hangga’t nilalabag ng mga ito ang mga batas at panuntunang inorden ng Diyos, at hangga’t mayroon ang mga ito ng ibang paraan para manatiling buhay o ibang batas at panuntunan na lumitaw bilang resulta ng artipisyal na panghihimasok, pagpoproseso, at pagsira ng tao batay sa mga batas at panuntunang inorden ng Diyos, kung gayon, ang mga bagay na ito ay mga negatibong bagay. Gaano man karaming tao ang tumatanggap at kumikilala sa pag-iral ng gayong bagay, o gaano man karaming buhay o pananatiling buhay ng tao ang binibigyan nito ng pisikal na kaluguran, kung hindi ito nasa orihinal na anyo na inorden ng Diyos, at kung hindi ito nasa orihinal na kalagayan na inorden ng Diyos, bagkus ang inorden na istruktura, anyo, o ang mga batas at panuntunan nito para manatiling buhay ito ay nabago at nasira, kung gayon, isa itong negatibong bagay. Ito ay dahil pinroseso, pininsala, at binago ito ni Satanas, at hinaluan ito ng mga konsepto, kaisipan, at pananaw mula kay Satanas, at maging ng ilan sa mga lason ni Satanas o mga pakana ni Satanas. Kahit pa hindi ito makilatis ng mga tao, isa pa rin itong negatibong bagay. Sa madaling salita, hangga’t ito ay isang bagay na labag sa orihinal na bagay na inorden ng Diyos, isang bagay na ang orihinal na anyo, istruktura, o ang mga batas at panuntunan para manatiling buhay na inorden ng Diyos—buhay man o di-buhay na bagay—ay nasira at nabago, at kasabay nito ay may iba’t ibang karagdagang bagay mula kay Satanas na naihalo o naidagdag dito, kung gayon, isa itong negatibong bagay, at nagbago na ang kalikasan nito. Anuman ang uri ng kantidad na epekto nito sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan, hangga’t sumailalim ito sa isang pagbabago sa kalidad, at nabago ang kalidad nito, kung gayon, isa itong negatibong bagay. Ito ay absoluto, at hindi talaga mali. Hangga’t ang isang bagay ay isang negatibong bagay, gaano man ito katagal nang umiiral sa mundong ito o gaano man ito katagal nang tinatanggap ng sangkatauhan at lipunan, kung hindi ito ang orihinal na bagay na inorden ng Diyos, hindi Niya ito kinikilala, at kung hindi ito kinikilala ng Diyos, isa itong negatibong bagay.