Paano Hangarin ang Katotohanan (18) Unang Bahagi

Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan

Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Tao

II. Pagkilatis ng Tama sa Mali at Pag-alam sa Kung Ano ang Wasto at Hindi Wasto

Labis na espesyal ang nilalaman ng ating pagbabahaginan kamakailan. Sinaklaw nito ang mga pinagmulan ng mga tao, ang kanilang mga diwa, at ang kanilang mga klasipikasyon. Tinalakay natin ang mga pagpapamalas ng tatlong uri ng mga tao, bawat isa ay may naiibang klasipikasyon—nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, at nagreinkarnasyon mula sa mga tao. Para sa karamihan ng mga tao, nagkaroon ito ng kaunting epekto sa kanilang lagay ng loob. Ano ang nararamdaman ng karamihan sa inyo matapos marinig ang pagbabahaginan sa aspektong ito? Mayroon ba sa inyo na ayaw makinig sa nilalamang ito at nagsasabing, “Ang mga bagay na ito ay tila walang kaugnayan sa katotohanan. Mayroon bang anumang pakinabang sa pagkaalam sa mga bagay na ito?” Kapag naririnig ng mga bagong mananampalataya ang mga salitang ito, malamang ba na magkaroon sila ng mga kuru-kuro? Malamang ba na maging negatibo at manghina sila? Anuman ang maramdaman ng mga tao matapos marinig ang mga salitang ito—magkaroon man sila ng mga kuru-kuro o maging negatibo at manghina—ano’t anuman, ang pagbabahagi tungkol sa mga salitang ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao. Kahit papaano, binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na magkamit ng kaunting kabatiran at pagkilatis, na maunawaan ang mga tamang kaisipan at pananaw sa pag-asal, at na maunawaan ang mga pangunahing prinsipyo kung paano umasal. Labis itong kapaki-pakinabang sa mga tao sa usapin ng kung paano umasal at kung paano mamuhay. Sa partikular, tinutulungan nito ang mga tao na malaman kung paano tratuhin ang iba ayon sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, mababawasan nila ang paggawa ng maraming kahangalan at mababawasan ang kanilang mga paglihis. Sinaklaw ng nilalaman ng ating pagbabahaginan kamakailan ang mga pinagmulan ng mga tao at ang kanilang panloob na diwa, at nagtapos tayo sa pag-uusap tungkol sa mga pagpapamalas na taglay ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao ay pangunahing nagtataglay ng dalawang katangian. Ano ang mga iyon? (Pagkilatis ng tama sa mali, at pag-alam sa kung ano ang wasto at hindi wasto.) Ang mga ito ang dalawang pangunahing pagpapamalas at katangian na dapat taglayin ng pagkatao ng isang tao. Sa malawak na pananalita, ang mga ito ang madalas nating tinutukoy bilang konsensiya at katwiran. Gayumpaman, madalas na hindi alam ng mga tao kung paano makilatis kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, o kung ang isang tao ay tunay na mayroong konsensiya o katwiran, kung normal ang kanyang konsensiya at katwiran, o kung ang mga ito ay ang konsensiya at katwirang taglay ng normal na pagkatao. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga katunayang ito tungkol sa normal na pagkatao, ang kanilang mga pananaw o pagkaunawa sa konsensiya at katwiran ay labis na pangkalahatan lamang, kaya gumamit tayo ng dalawang aspekto ng mga partikular na pagpapamalas para ipaliwanag kung ano ang konsensiya at katwiran ng tao at para kumpirmahin kung ang isang tao ay may pagkatao. Ang una ay ang pagkilatis ng tama sa mali, at ang pangalawa ay ang pag-alam sa kung ano ang wasto at hindi wasto. Dalawang beses na nating napagbahaginan ang dalawang aspektong ito. Ang pagkilatis ng tama sa mali at pag-alam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay mga katangian ng pagkatao, mga naisabuhay na aspekto ng pagkatao, at mga partikular na pagbubunyag at pagpapamalas ng pagkatao na taglay ng mga tao. Para sa dalawang aspektong ito—ang pagkilatis ng tama sa mali at pag-alam sa kung ano ang wasto at hindi wasto—naglista Ako ng ilang naaayong tunay na halimbawa at tinalakay Ko ang ilang partikular na pagpapamalas ng mga tao sa loob ng dalawang aspektong ito, at ipinakilatis Ko sa inyo kung ang mga ito ba ay mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng pagkatao o hindi, at kung ang mga nagtataglay ng mga ito ay mga taong nakakakilatis ng tama sa mali at nakakaalam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto. Tungkol naman sa pagkilatis ng tama sa mali, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang kaso para himayin kung paano tinatrato ng mga tao ang mga positibo at negatibong bagay, at nagbahaginan din tayo kung paano kilatisin ang mga negatibong bagay at mga pagpapamalas ng mga hindi tao. Bagama’t hindi Ako nagbigay ng mas partikular na mga halimbawa para sabihin sa inyo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, sa pamamagitan ng paghihimay at paglalantad sa ilang pagpapamalas ng mga tao sa mga positibong bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ipinakita Ko kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang mga positibong bagay at kung anong mga saloobin ang dapat taglayin ng isang tao sa mga ito. Nagbigay rin Ako ng ilang halimbawa para ilantad ang mga saloobin at pagpapamalas ng mga tao sa mga negatibong bagay, para matutunan ninyong kilatisin kung ano ang kalikasan ng mga saloobin at pagpapamalas ng mga negatibong karakter na ito, kung ang kanilang pagkatao ba ay tunay na pagkatao o hindi, at kung ano ang diwa ng kanilang pagkatao. Sa ating huling dalawang pagbabahaginan, hindi natin partikular na ipinaliwanag kung ano ang mga positibo at negatibong bagay, pero batay sa mga katunayang inilantad, hindi ba’t dapat ay kaya na ninyong bigyang-depinisyon ang mga positibo at negatibong bagay? Matapos makinig sa pagbabahaginan, sinubukan ba ninyong unawain kung ano nga ba mismo ang mga positibo at negatibong bagay? Kung, matapos makinig sa partikular na nilalamang ito ng pagbabahaginan, mayroon ka nang depinisyon sa iyong puso, nalalaman mo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at nauunawaan mo ang katotohanan sa usaping ito, malalaman mo kung paano kilatisin at tratuhin ang mga positibo at negatibong bagay, tama ba? (Oo.)

C. Paano Kilatisin ang mga Positibong Bagay Mula sa mga Negatibong Bagay
Ang Kahulugan ng mga Positibong Bagay

Ano ang mga positibong bagay? Hindi ba’t isa itong isyu na dapat maunawaan? Marahil ay makapagbibigay kayo ng ilang halimbawa ng mga positibong bagay, tulad ng matuwid na disposisyon ng Diyos, pagiging kaibig-ibig ng Diyos, gawain ng Diyos, mga layunin ng Diyos para sa tao, mga hinihingi ng Diyos sa tao, pati na ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan, bawat detalyado at partikular na katotohanang prinsipyong nakapaloob sa katotohanan—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Makapagbibigay kayo ng ilang partikular na halimbawa ng mga positibong bagay, kaya makapagbibigay ba kayo ng ilang partikular na halimbawa ng mga negatibong bagay? Isang negatibong bagay ba ang tradisyonal na kultura? (Oo.) Mga negatibong bagay ba ang masasamang kalakaran? (Oo.) Isang negatibong bagay ba ang paghahangad ng opisyal na karera? (Oo.) Isang negatibong bagay ba ang paghahangad ng malaking kayamanan? (Oo.) Lahat ng ito ay mga negatibong bagay. Ano pa? (Iyon lang ang naiisip ko.) Hindi ninyo kailanman pinagninilayan ang mga bagay na ito sa inyong puso; palaging lumilipad ang isipan ninyo. Gayumpaman, karaniwan ninyong nararamdaman na matapos manampalataya sa Diyos at gawin ang inyong tungkulin sa loob ng maraming taon, yamang nakakain at nakainom na kayo ng maraming salita ng Diyos, marami na kayong naunawaang katotohanan. Kung gayon, bakit pagdating sa mga partikular na bagay, wala kang pananaw? Saan napunta ang lahat ng naunawaan mo? Kung hihilingin sa iyo na gamitin ang mga katotohanang nauunawaan mo para himayin ang diwa ng isang isyu at ipaliwanag nang malinaw ang diwa nito, at sa gayon ay matulungan ang mga tao na maunawaan ang mga katotohanang nasasangkot at ang mga layunin ng Diyos, para hindi lang nila makilatis ang mga negatibong bagay kundi malaman din kung ano ang mga positibong bagay at ang mga katotohanang prinsipyong nasasangkot, wala kang masabi, hindi mo alam kung ano ang sasabihin. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng hindi pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.) Kung gayon, ano ang lahat ng pagkaunawang iyon na karaniwan mong sinasabi? (Mga salita at doktrina.) Lahat ng iyon ay mga salita at doktrina. Ang ilang tao, kapag nagsusulat ng mga tala ng espirituwal na debosyon, ay nasusumpungan na ang kanilang mga kaisipan ay dumadaloy na parang bukal, at ang kanilang pagsulat ay tila ginabayan ng isang diyos; nagsusulat sila sa paraang napakaorganisado, at naaantig nila ang kanilang sarili hanggang sa puntong nangingilid ang luha sa kanilang mga mata at bumubuhos ito sa kanilang mga mukha. Gayumpaman, kapag hiniling sa kanilang ilapat ang kanilang isinulat sa tunay na buhay para kilatisin ang iba’t ibang tao, matalos ang iba’t ibang bagay, at lutasin ang iba’t ibang problema, hindi nila ito kaya. Marami silang nauunawaang doktrina, pero sadyang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Dahil dito, hindi nila matalos ang anumang bagay na kanilang kinakaharap, at hindi nila malutas ang anumang problemang kanilang natutuklasan. Ano ang silbi ng pagkaunawa nila sa napakaraming doktrina? Tunay na kahabag-habag ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan! Ang mga mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay nakakaunawa ng maraming doktrina subalit hindi makalutas ng anumang tunay na problema. Tunay na kahabag-habag ito. Bumalik tayo sa paksa, ipagpatuloy natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay. Dapat linawin ang aspektong ito ng katotohanan. Kung gagawa tayo ng pangkalahatang pahayag at sasabihin natin, “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay,” tama ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ang “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay” ay isang katotohanan, pero kung hindi mo nauunawaan kung ano ang partikular na tinutukoy ng pahayag na ito o kung ano ang tinutukoy ng katotohanan sa loob nito, ang nauunawaan mo ay doktrina. Kung sa maraming bagay ay mayroon kang pagkatanto at tunay na pagkaunawa sa pahayag na ito, at kaya mo ring magbahagi ng ilang detalye para patotohanan ang iyong pananaw, kung gayon, ang iyong pananaw ay may mga salita ng Diyos bilang batayan nito, at pinatutunayan nito na nauunawaan mo ang ilang katotohanan. Maraming tao ang nagsasabi, “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay.” Sa teorya, tama ang pahayag na ito, at isa rin itong aspekto ng katotohanan. Kaya, sa partikular, ano ang mga positibong bagay? Dapat magkaroon ng partikular na paliwanag para sa “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay.” Kung gayon, anong mga bagay ang mga positibong bagay? Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay: Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay. Tama ba ang paliwanag na ito? Ginagawa ba nitong partikular ito? (Oo.) Sa ganitong paraan, ang pahayag na “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay” ay hindi lang nananatili sa teoretikal na antas, kundi nagiging isang katotohanang prinsipyo. Malinaw ba ang pagkakasabi nito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, basahin ninyo ang pangungusap na ito na nagbibigay-kahulugan sa mga positibong bagay. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Ano ang nararamdaman ninyo matapos basahin ang pangungusap na ito? Nagsimula na bang maging malinaw sa inyong puso ang kahulugan o saklaw ng mga positibong bagay? (Oo.) Kung gayon, basahin ninyo itong muli. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Kapag nagbabasa kayo ng mga salita ng katotohanan, dapat ninyong matutunang basahin ang mga ito nang dahan-dahan at namnamin ang mga ito nang mabuti. Dapat ninyong matutunang basahin ang mga ito nang may wastong ritmo, binabasa ang mga ito nang seryoso at taimtim sa bilis na mauunawaan, para matapos marinig ng lahat ang mga ito, bawat salita at pangungusap ay nakaukit sa kanilang puso at nag-iiwan ng malalim na impresyon, at mula noon, ang pahayag na ito ay nagiging isang batayan at pamantayan ng mga salita ng Diyos kung saan nila sinusukat sa kalooban ang isang partikular na uri ng bagay. Magiging napakainam niyon. Basahin ninyo itong muli. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Medyo mabilis pa rin iyon. Sabihin ninyo sa Akin, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi ba’t dapat kayo ay maging seryoso, at maging maka-Diyos din? (Oo.) Kung babasahin ninyo ang mga salita ng Diyos nang hindi seryoso at nang kasimbilis ng pagbabasa sa isang artikulo ng isang walang pananampalataya, ano ang mararamdaman ng mga nakikinig? (Hindi sila makakaramdam ng anumang pagkamaka-Diyos.) Kung gayon, para basahin ang mga salita ng Diyos nang may pagkamaka-Diyos, paano ninyo dapat basahin ang mga ito? Ano ang dapat na maging bilis nito? (Dapat naming basahin ang mga ito nang seryoso at taimtim, basahin ang bawat salita, sa paraang madagundong at makapangyarihan.) Tama. Kung gayon, basahin ninyo itong muli, at sikaping gawin itong madagundong at makapangyarihan. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Ngayong nabasa na nang ilang beses ang pangungusap na ito, dapat ay naisaulo na ninyo ito, tama ba? (Oo.) Binibigyang-diin ng pangungusap na ito ang tatlong bagay. Ano ang una? (Kung ano ang nilikha ng Diyos.) Ano ang pangalawa? (Kung ano ang inorden ng Diyos.) At ano ang pangatlo? (Kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) At ano ang lahat ng bagay na ito? (Lahat ng ito ay mga positibong bagay.) Naisaulo na ninyo ito, tama ba? (Oo.) Ang pagsasaulo sa katotohanan at pag-ukit nito sa puso ng isang tao ay lubhang kapaki-pakinabang para sa pag-unawa sa lahat ng katotohanang prinsipyo, para sa pagkilatis sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at para sa pagkakaroon ng tamang paninindigan at pananaw sa mga ito, at para sa kakayahang piliin ang tamang landas at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo para mapalugod ang Diyos.

Lahat ng Bagay na Nilikha ng Diyos ay mga Positibong Bagay

Katatalakay lang natin kung ano ang mga positibong bagay. Lahat ng bagay at pangyayari sa loob ng saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay. Kung gayon, napakaraming positibong bagay. Una, lahat ng uri ng bagay na may buhay at walang buhay na nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay. Ang mga bagay na may buhay ay mga anyo ng buhay na may kakayahang kumilos, na nakakahinga, at nagtataglay ng sigla. Anuman ang istruktura ng buhay ng mga ito, o anuman ang mga batas at alituntunin ng buhay ng mga ito, hangga’t nilikha ng Diyos ang mga ito, hangga’t nagmula sa Diyos ang mga ito, ang mga ito ay mga positibong bagay. Kahit pa hindi mo gusto ang mga ito, kahit pa hindi nakaaayon sa iyong mga kuru-kuro ang mga ito, at kahit pa walang pakinabang sa mga tao o kaya pa ngang makapinsala sa kanila ang mga ito, hangga’t ginawa ng Diyos at inorden Niya ang mga ito, ang mga ito ay mga positibong bagay. Pero may mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol dito. Naniniwala sila na ang masasamang hayop at mga hayop na nakakapinsala sa mga tao—tulad ng mga soro, mga lobo, o mga hayop na kumakain ng tao—ay hindi mga positibong bagay kundi mga negatibong bagay. Ang pananaw na ito ay salungat sa mga pagnanais ng Diyos at ganap at lubos na mali. Sa katunayan, anuman ang nilikha ng Diyos, hangga’t hindi Niya ito kinokondena, ay isang positibong bagay. Hindi ito dapat idiskrimina ng mga tao, at hindi rin nila ito dapat kondenahin at hindi sila dapat gumamit ng pagpatay o anumang iba pang malupit na paraan para pakitunguhan ito dahil nasusuklam sila rito. Dapat hayaan ng mga tao ang likas na takbo nito. Kahit na hindi mo ito protektahan, dapat mo pa rin itong bigyan ng espasyo para mabuhay, at hindi mo ito dapat pinsalain, dahil nagmula ito sa Diyos. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa lahat ng iba’t ibang nilikha na ginawa ng Diyos. Hangga’t ang isang bagay ay nilikha ng Diyos, gusto mo man ito o hindi, kung ito man ay maganda o pangit, kung ito man ay palakaibigan o banta sa iyo, kung ito man ay hindi nakikita ng mga mata o nakikita mo ito, kung may epekto man ito sa iyong buhay, o anuman ang kaugnayan nito sa pananatiling buhay ng tao, dapat mong ituring ito at ang lahat ng gayong bagay nang pantay-pantay, tratuhin ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at igalang ang mga ito; bigyan mo ang mga ito ng espasyo para mabuhay, igalang mo ang mga paraan ng mga ito para mabuhay at ang mga batas ng mga ito para mabuhay, at igalang mo rin ang lahat ng mga aktibidad ng mga ito. Hindi mo dapat pinsalain ang mga ito. Sa pinakamababa, dapat mong magawang mamuhay kasama ng mga nilikhang ito, at hindi kayo dapat manghimasok sa isa’t isa. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan at maarok ng mga tao, at siyempre, ito ay lalo nang isang prinsipyo na dapat sundin sa pagtrato ng isang tao sa iba’t ibang nilikha; talagang hindi dapat pakitunguhan ng isang tao ang mga ito nang may mga kuru-kurong nagmumula sa kalooban ng tao o maging nang may pagkamainitin ng ulo. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan sa mga bagay na may kaugnayan sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos.