Paano Hangarin ang Katotohanan (17) Ikalimang Bahagi
Pag-usapan natin ang isa pang halimbawa. Isang araw, pumunta Ako sa isang bukid, at nagkataon lang na ang mga tao roon ay namimitas ng peras. May isang taong nagdala sa Akin ng iilan. Sa isang tingin ay nakita Ko na medyo berde ang mga peras na ito at hindi pa gaanong hinog, pero nakita Ko ang taong namimitas ng peras na may hawak na peras na matingkad ang pagkadilaw at kinakain ito, na sinasabi habang kumakain, “Kay tamis! Napakasarap ng peras na ito!” Itinabi niya ang mga hinog para siya mismo ang kumain, at ang mga pinitas niya para sa Akin ay halos puro hilaw. Isinasantabi ang usapin kung hinog ba ang mga peras o hindi, ang taong namimitas ng peras ay hindi hangal. Araw-araw siyang nasa tabi ng mga puno ng peras na iyon, at alam niya kung alin ang mga hinog at kung alin ang hindi. Nagkataon lang na pumunta Ako roon, at pinitas niya ang mga hilaw na peras mula sa puno at ibinigay ang mga ito sa Akin. Sa katunayan, hindi Ako mahilig kumain ng hilaw na prutas o prutas na malamig sa katawan, at lalo nang hindi Ako makakain ng hilaw na prutas, dahil sumasama ang Aking tiyan. Pero binigyan niya Ako ng mga hilaw na peras, habang kumuha siya ng isang hinog na peras at kinagatan ito. Nag-iwan ng malalim na impresyon sa Akin ang pangyayaring ito. Alam Ko na kaya niyang tukuyin ang pagkakaiba ng mga hilaw at hinog na peras. Ipinapalagay niyang hangal ang iba at hindi nila ito malalaman, at inisip niya, “Mabuti na ngang binigyan kita ng isang hilaw na peras. Binibigyan pa nga kita ng ilan. Hindi mo alam kung hinog ba ang mga peras o hindi, wala kang ganyang kaalaman! Bagama’t nangangaral ka ng katotohanan nang malinaw at lohikal, tiyak na iniisip mo pa rin na mabuti ako at tinatrato kita nang mabuti pagkatapos kong mamitas ng napakaraming hilaw na peras para sa iyo.” Inisip ng taong gumawa nito na hangal ang iba, at na sa partikular ay hangal Ako. May anumang kamalayan ba siya sa kanyang puso nang gawin niya ang kahangalang ito? (Wala.) Wala siyang kamalayan. Inisip niyang naloko niya ang iba at na napakatalino niya. Matalino ba siya? (Hindi.) Kung tunay siyang matalino, paano niya nagawa ang isang sukdulang kahangalan at wala pa rin siyang kamalayan? Pinatunayan nito na hindi siya matalino, at sa halip ay makitid ang isip niya. Pinitas niya ang mga hilaw na peras at ibinigay sa Akin para kainin, habang siya mismo ay may hawak na hinog na peras at kinain ito. Hindi ba’t mukhang katawa-tawa ang kilos na ito? Pinalampas Ko ito, pero ang ginawa niya ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa Akin. Ang katunayang nagawa sa Akin ng taong ito ang bagay na ito—hindi ba’t napakalubha ng kalikasan nito? Batay sa kanyang pananaw, prinsipyo sa pangangasiwa ng mga bagay, at pamamaraan sa usaping ito, anong klaseng pagkatao mayroon siya? Alam ba niya na mali ang ginawa niya, na mali ang ganitong pagtrato sa mga tao? (Hindi niya ito alam.) Inisip niyang napakatalino niya. “Tingnan mo kung gaano ako katalino, binigyan kita ng mga hilaw na peras at hindi mo man lang nalaman! Itinabi ko ang lahat ng hinog para sa sarili ko, at hindi ka makakakain ng kahit isang hinog! Kung babalik ka, hindi pa rin kita pipitasan ng mga hinog, bibigyan lang kita ng mga hilaw!” Ang mismong usapin ng pamimitas ng peras ay nagbunyag sa kanya. Hindi ba’t walang kuwenta ang taong ito? (Ganoon nga.) Wala siyang kuwenta at hindi niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng pagkatao ito? Sa Aking pananaw, isa siyang hayop, at mayroon lang siyang anyo ng isang tao, gayong sa realidad, hindi siya karapat-dapat na tawaging tao. Ang bagay na ginawa niya at ang pagkakamaling ito na nagawa niya ay sukdulang hamak, hindi mas mabuti kaysa sa gagawin ng isang hayop. Palaging sinasabi ng mga tao na ang mga tao ay mas mataas na uri ng hayop, pero sa nakikita Ko, maraming tao ang mas masahol pa kaysa sa mga hayop! Mula lang sa ginawa niya, mula sa mga prinsipyo at pamamaraan ng kanyang mga kilos, bukod sa walang pagkatao, hindi man lang siya kasingtapat ng isang asong bantay sa amo nito. Mayroon kaming aso sa bahay. Isang beses, kumakain ito ng tainga ng baboy, at tinukso Ko ito, sinabi Ko, “Talagang ninanamnam mo iyan, ano? Bakit hindi mo Ako pakagatin?” Ibinaba nito ang tainga ng baboy at itinulak ito papalapit sa Akin, na para bang sinasabing, “Sige na.” Ang karne at mga buto ang pinakamasasarap na bagay para sa isang aso. Kahit na gustuhin pa ito ng tuta nito, hindi nito ibibigay rito ang tainga ng baboy, pero sinabi Kong gusto Kong kumain nito, at agad nitong inialok ito sa Akin. Nakikita mo, kapag may alaga kang aso, makikita mo mula rito kung ano ang kaibig-ibig sa mga aso. Inaalagaan mo ito at tinatrato nang mabuti, at para dito, ikaw ang pamilya nito. Kung hihingin mo rito ang pinakamagandang bagay na mayroon ito, ibibigay nito ito sa iyo. May pagkagiliw ito sa iyo. Hindi ito kayang gawin ng mga tao—kaya paano sila naging mas mataas na uri ng hayop? Sinasabi ng mga diyablo na ang mga tao ay mas mataas na uri ng hayop. Ito ay ganap na maling kaisipan, isa itong baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala. Kung ang isang tao ay walang pagkatao, namumuhay sa satanikong mundong ito, makakagawa siya ng anumang masamang gawa—puwede siyang maging kasinsama ng pinakamasama, kasimbaba ng pinakamababa, kasimpangit ng pinakapangit, at kasingkasuklam-suklam ng pinakakasuklam-suklam. Kung wala siyang paggana ng konsensiya at hindi niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto, makakagawa siya ng anumang masamang gawa, at hahayaan niyang lumabas sa kanyang bibig ang anumang maling salita, baluktot na pangangatwiran, at mga maling paniniwala. Mas nakakatakot ang mga tao kaysa sa mga hayop. Ang mga hayop ay hindi naman talaga nakakatakot; napakasimple ng mga ito, napakadalisay, at napakatuwiran. Ang maliit na aso na alaga Ko, noong bata pa ito at kumakain ng tainga ng baboy, ay natuwa nang makita Ako kaya nagsimula itong igalaw-galaw ang ulo nito at kumawag-kawag ng buntot. Alam nitong pasayahin Ako. Pero kung tinukso Ko ito at hiningi ang pagkain nito, hindi nito ibibigay sa Akin ito, at mabilis itong magtatago at lalabas lang kapag tapos na itong kumain. Mula nang umabot ito ng dalawa o tatlong taong gulang, iba na ang ugali nito, may isip na ito ngayon. Kapag hinihingi Ko rito ang isang bagay na gusto nito, ibinibigay nito ito sa Akin. Taos-puso ito kapag ibinibigay nito ito sa Akin, walang hinihingi sa Akin at hindi nagkikimkim ng mga natatagong motibo laban sa Akin. At kapag hindi nito ibinibigay sa Akin ito, taos-puso rin ito, walang masamang hangarin laban sa Akin. Ibinibigay man nito ito sa Akin o hindi, taos-puso ito. Ito ang mga likas na katangian at instinto nito. Ang mga hayop ay walang mga tiwaling disposisyon. Walang taglay ang mga ito na anumang bagay na naproseso ni Satanas, at ang mga pagpapamalas ng mga ito ay pawang likas, at napakadirekta at napakasimple. Hindi mo kailangang hulaan ang mga intensyon ng mga ito, at hindi mo kailangang maging mapagbantay laban sa mga ito. Kung bibigyan ka ng isang hayop ng isang bagay, ibinibigay nito iyon sa iyo, at kung hindi, hindi. Kung masaya ito, masaya ito, at kung hindi, hindi. Hindi ito makokontrol ng mga damdamin nito, at hindi ito magkikimkim ng masasamang intensyon laban sa iyo. Iba ang mga tao. Nakakatakot ang mga tao. Nakasuot ng balat ng tao, kung hindi sila nagtataglay ng konsensiya o katwiran, imposible silang maging mas mabuti kaysa sa mga hayop, pero puwede silang maging kasinsama ng pinakamasama. Gaano sila kasama? Napakasama na mararamdaman mong nakakita ka ng isang buhay na demonyo, na magpaparamdam sa iyong ito ay hindi mahinagap, yayanigin nito ang iyong konsensiya, sasaktan at pahihirapan ang kaibuturan ng iyong puso. Kapag nararamdaman Ko ang mga bagay na ito, napapabuntong-hininga Ako sa loob-loob Ko, iniisip Ko, “Ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang tao? Paano nagiging ganito kasama ang mga tao? Nananampalataya siya sa Diyos, paanong nagagawa pa rin niya ang mga bagay na ito?” Sa sandaling mawalan ang isang tao ng kanyang konsensiya at katwiran, puwede siyang maging kasinsama ng pinakamasama. Hindi lang siya puwedeng maging kasinsama ng kung ano siya ngayon, kundi puwede pa siyang lalong sumama, at puwede siyang patuloy na masadlak. Ang hindi pagkaalam ng mga tao kung ano ang wasto at hindi wasto ang simula ng pagkasadlak ng sangkatauhan, ang simula ng pagbagsak ng sangkatauhan.
Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang wasto at hindi wasto, wala siyang konsensiya o katwiran, at sa gayon ay wala siyang pagkatao, at posibleng mayroon siyang kalikasan ng demonyo. Anuman ang ibunyag niya pagkatapos o anuman ang isabuhay niya sa kanyang buong buhay, sa madaling salita, hindi siya matutubos, hindi siya kailanman matutubos. Kung ang isang tao ay walang konsensiya at walang katwiran—sa tumpak na pananalita, walang pagkatao—kung gayon hindi na siya maitutuwid at hindi na matutubos. Ganito talaga iyon. Kung hindi man lang niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto, paano siya makakagawa ng anumang bagay na umaayon sa konsensiya at katwiran? Katawa-tawa na imungkahi iyan. Ang ilang tao ay madaling mainggit at makipag-away. Kung ito ay pakikipag-away sa ibang tao, maaaring isipin mo na hindi gaanong malubha ang kalikasan nito, pero ang ilang tao ay nakikipag-away sa Akin. Kung gayon, sino ba talaga ang sinasampalatayaan ng mga “mananampalataya sa Diyos” na ito? Dahil sa katunayang kaya nilang makipag-away sa Akin, nagiging malubha ang problemang ito. Hindi kailanman nakakalimot ang ilang tao kapag tinutukoy Ko ang ilang problema nila, at pagkatapos ay pinagbubulayan nila kung anong paraan ang magagamit nila para makahanap ng magagamit laban sa Akin at gumanti. Halimbawa, minsan Kong sinabi sa isang taong tulad nito, “Lagi kang nagluluto nang napakarami, bakit hindi mo gawing sakto lang ang dami?” Pinag-isipan niya ito, “Sinasabi mong hindi ko tantyado ang dami ng pagkaing ihahanda. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na hindi matalas ang isip ko, na sinasabi mong wala akong kuwenta? Bakit hindi ikaw ang magluto, kung gayon!” Pagkatapos Kong magluto at may natira ding kaunti, nanahimik siya, pero sa loob-loob niya ay inisip niya, “Hindi mo rin pala kayang magluto ng sakto, ano? Nakahanap ako ng pagkakataong gumanti sa iyo. Inilantad mo ang problema ko, kaya ilalantad din kita!” Palagi siyang sumusubok na humanap ng mga paraan para puntiryahin Ako. Sinasabi ng ilang tao, “Nagtatanim Ka ba ng sama ng loob sa sinumang pumupuntirya sa Iyo? Kaya ayos lang na puntiryahin ang iba, pero hindi Ikaw?” Tama ba sila sa pagsasabi niyon? (Hindi.) Sa isa pang pagkakataon, hiniling Ko sa isang tao na ayusin ang mesa, at sinabi niya, “Hindi naman ako ang nagkalat diyan!” Sinabi Ko, “Kahit hindi ikaw, puwede mo pa rin namang ayusin.” Sinabi niya, “Kahit ayusin ko pa, kailangan kong linawin na hindi ako ang nagkalat diyan.” Hiniling Ko sa kanya na ayusin ang mga gamit sa kabinet, at sinabi niya, “Ang mga gamit diyan ay hindi ako ang bumili!” Sinabi Ko, “Hindi ikaw ang bumili ng mga iyan, pero hindi mo ba puwedeng ayusin? Bakit ba kapag nagsasalita Ako, wala itong gaanong bigat? Kailangan mo pang alamin kung sino ang bumili bago mo ayusin ang mga ito?” Alam ba niya kung tama o mali ang sinasabi niya? Nagpapahayag siya ng baluktot na pangangatwiran, hindi ba? (Oo.) Sinabi Kong nagpapahayag siya ng baluktot na pangangatwiran, pero hindi pa rin siya kumbinsido sa kanyang puso, iniisip na dahil sa Aking espesyal na katayuan ay kailangang pagtiisan ng iba ang anumang sabihin Ko, na para bang naghahari-harian Ako. Tama ba ang pag-iisip niya? (Hindi.) Kalaunan, nakita Ko na hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan, at anuman ang sabihin Ko, hindi niya ito tinatanggap sa kanyang puso, kaya hindi Ko na sinayang ang laway Ko sa kanya—puwede niyang gawin anuman ang gusto niya, at palalampasin at pagtitiisan Ko siya. Bagama’t taglay Ko ang pagkakakilanlan at katayuang ito, napakaraming tao ang hindi nakikinig sa Akin at sumasalungat sa Akin. Personal Kong nakita ang maraming kapatid na walang galang sa Akin. Maraming tao ang suwail at puno ng sama ng loob sa Akin, maraming tao ang naiinggit at namumuhi sa Akin sa kanilang puso, maraming tao ang minamaliit at hinahamak Ako, maraming tao ang hinuhusgahan Ako sa Aking likuran, at maraming tao ang tinutuya at kinukutya Ako nang hayagan. Paano Ko sila tinrato? Sa mahigit tatlumpung taon ng Aking gawain, hindi Ako gumanti kahit sa isang tao. Wala Akong kinamuhiang sinuman, at hindi Ko rin sila pinahirapan pagkatapos Kong taglayin ang Aking katayuan dahil wala silang galang sa Akin noong hindi pa hayagang nabubunyag ang Aking pagkakakilanlan. Kahit minsan ay hindi Ako gumawa ng ganoong bagay. Bukod dito, ang mga taong ito ay gumawa ng ilang bastos o masakit na bagay sa Akin, at hindi Ko sila kailanman pinanagot. Gayumpaman, kailangan Kong makipagbahaginan tungkol sa mga ganitong uri ng problema sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga ito sa katotohanan upang matulungan ang lahat na magkaroon ng pagkilatis—ito ay kapaki-pakinabang sa lahat. Pero maraming tao ang walang pagkilatis tungkol sa mga bagay na ginawa ng mga taong ito. Hindi nila sineseryoso ang gayong mga bagay, na para bang hindi karapat-dapat banggitin ang mga ito. Hindi ba’t isa itong problema? Kaya kailangang-kailangan na makipagbahaginan tungkol sa gayong mga usapin upang matulungan ang lahat na magkaroon ng pagkilatis. Dahil sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, tinatrato kita bilang isang mananampalataya. Nagtatakda Ako ng mga kahingian sa iyo batay sa tungkuling ginagawa mo, kaya hindi ba’t dapat mo itong gawin? Hindi ba’t dapat kang magkaroon ng pagpapasakop? (Oo.) Taglay Ko ang pagkakakilanlang ito, at gumagawa Ako ng mga kahingian sa iyo gamit ang pagkakakilanlan at katayuang ito, kaya dapat mong tratuhin ang sinasabi Ko nang may saloobin ng isang nilikha. Ginagawa mo ang iyong tungkulin; hindi ka dapat bumigkas ng anumang ibang komento, hindi ka dapat magbitiw ng baluktot na pangangatwiran, at hindi mo Ako dapat kontrahin. Ito ang pinakamababang pagkamakatwiran at pagpapamalas ng pagkatao na dapat taglayin mo bilang isang nilikha. Pero ang taong ito ay hindi lang walang gayong saloobin, kundi gumamit pa siya ng baluktot na pangangatwiran. Alam ba niya kung ano ang wasto at hindi wasto? Hindi niya alam. Ang mga taong hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto ay walang pagkatao, hindi ba? (Oo.) Tiyak na masasabing wala silang pagkatao. Kung isang ordinaryong tao ang humiling sa iyo na ayusin ang mesa at organisahin ang kabinet, at ayaw mong gawin ito o iniisip mong ang kaharap mo ay isang ordinaryong tao at walang karapatang utusan ka, kung gayon puwede mong piliing huwag itong gawin. Pero ang dalawang bagay na sinabi mo, “Hindi naman ako ang nagkalat diyan!” at “Ang mga gamit sa kabinet ay hindi ako ang bumili!”—ito ba ang sasabihin ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi ba’t ito ay pagiging labis-labis na di-makatwiran? (Oo.) Nagiging suwail ka kapag isang ordinaryong tao ang nagsasalita sa iyo nang ganito, pero ngayong Ako na ang kausap mo, nangangahas ka pa ring gumamit ng baluktot na pangangatwiran sa Akin at ipagtanggol ang iyong sarili gamit ang mapanlinlang na lohika. Ano ang sinasabi nito tungkol sa iyong karakter na kaya mong gumamit ng baluktot na pangangatwiran nang ganito? Sinabi mo, “Hindi naman ako ang nagkalat diyan,” na ang ibig sabihin ay, “Kung sino man ang nagkalat, siya ang dapat mag-ayos; ano’t anupaman, hindi ko ito gagawin!” Tinanggihan mong gawin ang gampaning dapat mong ginawa, at gumamit ka pa ng baluktot na pangangatwiran. Ito ba dapat ang paraan ng pangangasiwa sa mga bagay ng isang taong may normal na pagkatao? Kung ang gampaning ito ang dapat mong gawin, hindi ba’t dapat ay hindi mo ito sinabi? Dahil nasabi mo ito, hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi mo alam kung ano ang wasto at hindi wasto? Upang tumanggi at hindi gawin ang bagay na ito, ibinulalas mo pa ang iyong personal na galit, sinasabing hindi ikaw ang nagkalat, ni ang bumili ng mga gamit, kaya hindi mo ito aayusin. Gumawa ka ng mga palusot at gumamit ng baluktot na pangangatwiran para iwasan itong gawin. Hindi ba’t masyadong baluktot ang iyong pangangatwiran? Hinayaan mong lumabas sa iyong bibig ang gayong baluktot na pangangatwiran, at ginawa mo ito nang may walang-kahihiyang kumpiyansa sa sarili at nang may pagiging dominante pa nga. Ang gayong tao ay hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, hindi ba? Wala siyang pagkatao, hindi ba? (Oo.) Hindi dahil sa taglay Ko ang pagkakakilanlan at katayuang ito at pinuntirya mo Ako kaya kita inilarawan nang ganito. Kahit pa ibang tao ang humiling sa iyo na gawin ito at tumanggi ka at sinubukan mong makipagtalo, bilang isang tagamasid, ganito pa rin ang magiging pagtatasa Ko sa iyo, dahil ang sinabi mo ay hindi naaayon sa pagkatao, ito ay mali, ito ay baluktot na pangangatwiran, ito ay maling paniniwala at maling kaisipan. Hindi mo inisip na ito ay mali, at itinuring mo pa nga itong tamang pangangatwiran; iyan ay sapat na para ipakita kung ano ang nasa loob ng iyong pagkatao. Hindi mo ito napigilan noon at bigla mo na lang itong ibinulalas. Ito ay isang likas na pagbubunyag, at ang isang likas na pagbubunyag ay kumakatawan sa pagkatao at diwa ng isang tao. Bakit Ko sinasabing kumakatawan ito sa diwa ng isang tao? Ang pagkikimkim mo ng gayong mga kaisipan at pananaw ay hindi isang bagay na pansamantala, at ang mga ito ay hindi naidulot ng isang bagay na sinabi Ko; sa halip, ang mga kaisipan at pananaw na ito ang iniisip mo na sa loob ng mahabang panahon, sa loob ng maraming araw at buwan—dagdag pa rito, dahil ang ilang bagay ay hindi ayon sa gusto mo, nagkaroon ka ng mga kuru-kuro, at napuno ang puso mo ng kawalang-kasiyahan at pagsuway. Nawalan ka ng kontrol sa loob ng isang sandali at nalantad ang mga nilalaman ng iyong puso. Ano ang nalantad? Na wala kang konsensiya at katwiran, at na ang iyong pagkatao ay masyadong masama, masyadong nakakatakot. Kung hihilingin mo sa nabanggit na tao na tanggapin ang katotohanan, hindi niya ito magagawa. Kung hihilingin mo sa kanya na kilalanin ang kanyang mga tiwaling disposisyon, mas lalong hindi iyon posible para sa kanya. Ang isang taong walang pagkatao ay kapareho ng antas ng isang hayop. Hindi dahil sa hindi niya sinasadyang gumawa ng mali sa Akin o magsabi ng isang bagay na walang-katotohanan sa Akin kaya Ko siya inilarawan sa ganitong paraan; ito ay dahil sadyang ito ang kalikasan ng kanyang ginawa. Ang ilarawan siya sa ganitong paraan ay hindi di-patas o di-makatarungan. Kahit na ibang tao pa ang pinuntirya niya ng mga salitang ito, ganito Ko pa rin siya tatasahin kung nakita Ko ito. Ito ay isang obhetibo at patas na pahayag. Kaya niyang magsabi ng gayong mga katawa-tawang bagay, magbitiw ng gayong hibang na pangangatwiran, at ang paggawa niya nito ay isang likas na pagbubunyag. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t isa itong paglalantad ng kanyang kalikasang diwa? Hindi ba’t isa itong paglalantad ng kanyang tunay na pagkatao? Ibinunyag siya nito. Ano ang ibinunyag nito? Ibinunyag nito na wala siyang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at kaya nilang magbitiw ng anumang baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala, sinasabi ang mga bagay na ito nang may gayong walang-kahihiyang kumpiyansa sa sarili. Pagkatapos nilang magsalita, hindi nila kailanman nalalaman na mali ang kanilang mga salita, at hindi nila kailanman inaamin kung ano ang mali sa kanilang mga salita. Hindi sila kailanman nagninilay sa kanilang sarili o tumatanggap ng pagpupungos, at sa huli, ano ang sinasabi nila? “Hindi ko naman sinadyang sabihin iyon. Hindi ba’t nadulas lang ako sa isang sandali ng pagkagalit?” Kailangan pa bang sadya iyon? Likas mo na itong ibinunyag, at kung anong uri ng pagkatao mayroon ka ay nalantad na. Ang katunayang kaya mong sabihin ito nang hindi ito pinag-iisipang mabuti ay nagpapatunay na ang mga salitang ito ay matagal nang nananahan sa iyong puso, at kapag nakatagpo ka ng ganitong uri ng kapaligiran, likas itong nabubunyag. Lubusan nitong kinakatawan ang iyong karakter. Kung pinag-isipan mo muna ito bago mo ito sinabi, maaaring hindi ito tiyak na totoo, at maaari pa ngang isa itong pagkukunwari, samantalang mas inilalantad nito ang iyong karakter. Ang mga taong walang pagkatao ay hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at binabaligtad pa nila ang tama at mali, at nagpapahayag sila ng baluktot na pangangatwiran na para bang ito ay tamang pangangatwiran. Paano mo man ipresenta ang mga katunayan at paano ka man mangatwiran sa kanila, talagang hindi nila aaminin na nagkamali sila. “Paanong mali ako? Kayo ang mali! Minamaliit ninyo ako, nakikita ninyong maamo ako, walang mga kaloob, at walang impluwensiya o katayuan sa lipunan, at inaapi ninyo ako!” Naglilitanya sila ng sandamakmak na baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala, pero hindi kailanman sinasabi ang kalikasan ng mga maling bagay na ginawa nila at ang baluktot na pangangatwirang binitiwan nila. Gaano man karaming maling bagay ang gawin nila, hindi nila inaamin ang mga ito. Magkakaroon ba ng ganitong uri ng pagpapamalas ang isang taong may normal na pagkatao? Ni hindi na natin kailangang banggitin pa ang mga taong napakahusay ng konsensiya at katwiran—sinumang may kahit kaunting konsensiya at katwiran ay tiyak na matatanto na ang mga tao ay nakagagawa ng maraming pagkakamali sa kanilang buong buhay. Sa partikular, ang ilang tao ay nagsasabi o gumagawa ng ilang bagay na hindi nila dapat gawin, at pagkatapos ay nakakaramdam ng pagsisisi at paghihinagpis sa buong buhay nila, nakakaramdam ng panunumbat at paninisi sa sarili sa kanilang konsensiya. Habang naaabot nila ang edad ng may higit na sensibilidad at pagiging hinog ng isipan, lalo nilang nalalaman kung anong mga salita ang dapat sabihin at anong mga bagay ang dapat gawin, at anong mga salita ang hindi dapat sabihin at anong mga bagay ang hindi dapat gawin. Patuloy na pamamahalaan ng kanilang konsensiya at katwiran ang kanilang pag-uugali at mga pag-iisip. Lalo na kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, pagkatapos niyang tumanggap ng ilang katotohanan, uunlad ang kanyang konsensiya at katwiran sa isang positibong direksyon, at ang mga maling salitang dati niyang sinabi, ang mga pananaw na walang-katotohanan na dati niyang ipinahayag, at ang mga maling bagay na dati niyang ginawa ay unti-unting patuloy na lilitaw sa kanyang isipan. Patuloy niya itong pagninilayan, pag-iisipan, at pagbubulayan, at pagkatapos ay hahanapin niya ang mga salita ng Diyos at ihahambing ang kanyang sarili sa mga salita ng Diyos, at lalo niyang mararamdaman na isa lang siyang ordinaryong tao, na marami siyang nagawang pagkakamali at nasabing maling salita, na marami siyang kaisipan at pananaw na walang-katotohanan, at na marami siyang nagawang hangal, mangmang, at tunggak na bagay, at mga bagay na kinasusuklaman ng mga tao, sa kanyang nakaraan. Nang hindi man lang ito tinitingnan mula sa antas ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at sa pagtingin lang dito gamit ang pagkaunawang natamo ng isang tao mula sa maraming taon ng karanasan, kaya rin niyang patuloy na ibuod ang mga problemang ito sa kanyang pagkatao, at ang mga pagkakamali at pagsalangsang na ito. Normal ito, at ito ang karanasan at mga natamo na dapat taglayin sa huli ng isang taong may pagkatao na alam kung ano ang wasto at hindi wasto pagkatapos umabot sa isang partikular na edad at tumanggap ng ilang katotohanan. Pero yaong mga hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, kahit na umabot pa sila sa edad na animnapu o pitumpu, ay nananatiling gayong mga hangal, mangmang, at matitigas ang ulo na tao, at hindi sila magbabago. Kung umaasa kang magbabago ang gayong mga tao, para ka na ring umaasang lilipad ang isang baboy. Sadyang hindi ito mangyayari kailanman. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman magbabago, dahil hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kung hihilingin mo sa isang taong hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto na tanggapin ang katotohanan, pinahihirapan mo siya, dahil sadyang hindi ito abot ng kanyang kakayahan, at hindi niya alam kung ano ang katotohanan. Imposible para sa kanya na tanggapin ang katotohanan. Parang sinasabihan mo ang isang taong color-blind na magpinta ng isang larawan. Makakapagpinta ba siya ng isang larawan na may normal na mga kulay? (Hindi.) Kung hihilingin mo sa isang taong sintunado na kumanta, palagi siyang magiging wala sa tono. Paano man siya kumanta, hindi niya kayang kumanta nang nasa tono, pero iniisip pa rin niya na ang kanyang pagkanta ay nasa tono at na ang iba ang wala sa tono. Hindi tama ang kanyang pamantayan sa pagsukat, kaya hindi niya kailanman malalaman kung ano ang wasto at hindi wasto. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.)
Anong katunayan ang sinasabi sa mga tao ng nilalaman na napagbahaginang ito? Sinasabi nito sa kanila na dahil ang mga taong walang pagkatao ay walang konsensiya at katwiran, walang pundamental na kondisyong ito, wala silang pundamental na pamantayan para sa pagsukat at pamamahala sa kanilang pagkatao. Dahil dito, ang kanilang mga pagpapamalas ay tila labis na kakaiba para sa mga may konsensiya at katwiran. Palagi silang nagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala, at nagpapahayag ng mga pananaw na walang batayan. Hindi mo kayang unawain kung ano ba talaga ang nangyayari. Nahanap mo na ang sagot ngayon, hindi ba? (Oo.) Kung ang ganitong uri ng tao ay umabot sa punto na imposible na siyang makasama, kung gayon ay hindi mo na siya dapat pang pakisamahan. Kung hindi pa siya umaabot sa puntong ito at kaya mo pa siyang pakisamahan sa isang katanggap-tanggap na antas, kung gayon, sikapin mong bawasan hangga’t maaari ang pakikipag-usap sa kanya upang maiwasan ang pagkasuya. Sa ngayon, mabigat ang trabaho sa lahat ng aspekto ng gawain, maraming gampanin ang nangangailangan ng lakas. Naiisip ng ilang tao na masyado silang abala at walang panahon na mag-abala sa mga maling paniniwala at maling kaisipang ito. Mali rin ang pananaw na ito, dahil hindi ito nakakatulong sa pagkakamit ng pagkilatis. Kapag nakarinig ka ng isang maling paniniwala o maling kaisipan at nararamdaman mong may mali rito, dapat mo itong itala. Pagkatapos, hanapin mo ang katotohanan para makilatis mo ito nang malinaw at malaman kung ano mismo ang mali sa maling kaisipang ito. Kung magsasanay at magsasagawa ka sa ganitong paraan, magkakamit ka ng pagkilatis. Pero para sa ganitong uri ng tao, hindi na kailangang makipagbahaginan ng katotohanan sa kanya para itama ang kanyang mga pananaw, dahil sadyang hindi niya ito kayang unawain. Ito ay tulad ng isang taong nakakita ng isang itlog na nahulog mula sa isang puno at pagkatapos ay sinabing ang mga itlog ay tumutubo sa mga puno. Ang totoo, may isang inahing manok sa puno na nangingitlog. Hindi niya nakita ang inahing manok, tanging ang itlog na nahulog, kaya niya nabuo ang ganitong kongklusyon. Anuman ang sabihin mo sa kanya, hindi niya ito naiintindihan, at iginigiit niya na ang mga itlog ay tumutubo sa mga puno. Hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Mapapaunawa mo ba ang gayong tao? (Hindi.) Kung hindi mo siya mapapaunawa, huwag ka nang magsalita pa. Huwag mong sayangin ang iyong laway. Sa paglipas ng mga taon, nakakita na Ako ng napakaraming taong katawa-tawa. Karamihan sa mga taong ito ay medyo masigasig; kaya nilang gumawa ng ilang tungkulin, at hindi naman lubhang taksil o masama. Kaya kaswal Akong nagsasabi ng isang bagay sa kanila, at ano ang resulta? Kung magsasabi Ako ng ilang salita ng katotohanan, hindi ito abot ng kanilang pang-unawa. Kung tatalakayin Ko ang mga panlabas na usapin, hindi nila matiis na makinig. Kaya ayaw Ko nang magsabi pa ng anuman sa mga taong ito, dahil sobrang nakakapagod makipag-usap sa kanila, at napakarami Kong kailangang gawin, napakaraming wastong paksang dapat talakayin. Hindi Ko man lang matapos ang lahat ng wastong paksa, kaya paano pa Ako mag-aabala sa mga taong ito? Ngayong nakapagbahaginan na tungkol sa katotohanan hanggang sa antas na ito, maraming bagay na ang naging malinaw, nabunyag na ang mga totoong katunayan, at ang iba’t ibang uri ng mga tao ay tunay na mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri. Para sa ganitong uri ng taong katawa-tawa, hayaan na lang silang mabukod-bukod at iyon na iyon. Wala tayong panahon na mangatwiran sa kanila o itama ang kanilang mga pananaw na walang-katotohanan, tama ba? (Oo.) Kung gayon, tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!
Marso 16, 2024