Paano Hangarin ang Katotohanan (17) Ikalawang Bahagi

Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, subalit sinasabi pa rin niya, “May konsensiya ako, at napakatuwid at napakabait ko,” hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng kamalayan sa sarili? Saan nanggagaling ang iyong pagiging matuwid? Ang isipan mo ay puno lang ng mga negatibong bagay—ano ang magagamit mo para patunayan na ikaw ay matuwid? Nasaan ang iyong katibayan? Sa anong batayan mo sinasabi na isa kang taong matuwid? At paano mo maisasagawa ang iyong tinatawag na kabaitan? Ang nasa loob mo ay pawang buktot at negatibong mga kaisipan at pananaw. Maaari ka bang maging mabait? Mabuti na ang magagawa mo kung hindi ka mambibitag o mamiminsala ng mga tao. Ang ilang tao, para patunayan na mayroon silang pagkatao at sila ay matuwid at mabait, ay binibigyan ang kanilang sarili ng mga pangalang tulad ng Zheng Wang, Zheng Zhang, Zheng Zhou, Zheng Gang[a]—bagama’t “matuwid” nga pakinggan ang mga pangalan, nangangahulugan ba ang mga ito na ang isang tao ay tunay na matuwid? Saan nagmumula ang tunay na pagiging matuwid? Nagmumula ito sa pagkatao. Tanging kapag taglay ng pagkatao ng isang tao ang kakayahan o ang mga batayang kondisyon para kilatisin ang tama sa mali saka siya maaaring maging matuwid. Kung hindi mo man lang alam kung ano ang mga positibong bagay, o kung sadyang hindi mo mahal ang mga positibong bagay at hindi ka kailanman tumanggap ng kahit isang positibong bagay o positibong kaisipan at pananaw, subalit sinasabi mo pa ring ikaw ay matuwid, hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Sa anong batayan mo sinasabi na ikaw ay matuwid? Sabi ng ilan, “Tama ang lahat ng aking pananaw sa mundo, mga pinahahalagahan, at pananaw sa buhay.” Mayroon ba itong anumang kinalaman sa katotohanan? Ang pagkakaroon ba ng tamang pananaw sa mundo, mga pinahahalagahan, at pananaw sa buhay ay nangangahulugan na taglay ng isang tao ang katotohanan? Sabi ng iba, “Mayroon akong ‘positibong enerhiya.’ Ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ko ay praktikal at nagpapatibay sa mga tao. Hindi ako kailanman nagsasabi ng mga bagay na nagpapahina sa mga tao, hindi ako kailanman nagsasabi ng anumang nakasisira ng loob, at hindi ako nagsasabi ng mga bagay na nagpapahiya sa mga tao o nagdudulot sa kanila na maging negatibo at mahina, o na nagpapahina ng loob nila. Lahat ng sinasabi ko ay nanghihikayat, nag-uudyok, o nagbibigay-inspirasyon sa mga tao. Maituturing ba itong ‘positibong enerhiya’? Ang terminong ito, ‘positibong enerhiya,’ ay sikat na sikat sa lipunan ngayon. Kaydakila, kaysunod sa uso, at kay-elegante ng ideya ng ‘pagiging puno ng positibong enerhiya’!” Sabi ng iba, “Tingnan ninyo kung paano ako nag-uumapaw sa diwa ng katuwiran. Kapag nakatayo ako roon, mukha akong isang sundalo—maningning ang aking mga mata at matalas ang aking tingin, hindi ako pabasta-basta. Ang mga lokal na siga, kasuklam-suklam na kontrabida, at masasamang taong iyon ay hindi nangangahas na lumapit sa akin. Kapag nasa harapan ko sila, nabubunyag ang kanilang tunay na kulay, ipinapakita nila ang kanilang kaduwagan, at nagmumukha silang hamak. Kapag nasa paligid ko ang karaniwang tao, kailangan niyang umasal nang maayos at hindi siya nangangahas na kumilos nang walang ingat. Kita mo, kayang sugpuin ng matuwid na diwa kong ito ang kabuktutan!” Ito ba ay pagiging matuwid? (Hindi.) Sikat sa lipunan ang pagnakawan ang mayayaman para tulungan ang mahihirap, ang kumilos nang buong tapang para sa isang makatarungang layunin, ang maging mabait at mapagkawanggawa, at ang maging isang bayani sa pamamagitan ng pagsagip sa mga dalagang nasa panganib. Ang ilang tao, pagkatapos gawin ang mga bagay na ito, ay itinuturing ang kanilang sarili na mga bayani, at maraming iba pa ang yumuyukod sa harap ng mga bayaning ito. Sabi ng iba, “Hindi ako kailanman nanlalamang ng mga tao, puno ako ng diwa ng katuwiran, ako ay determinadong matuwid at walang kinikilingan, at kaya kong kilatisin ang tama sa mali. Kapag may dalawang taong nag-aaway at hinihiling sa aking mamagitan sa alitan, binibigyan ko ang magkabilang panig ng pantay na parusa at hindi ako nagpapakita ng pagkiling. Tingnan ninyo itong matuwid na diwang ito na pumupuno sa akin, hinahangaan ako ng lahat!” Maituturing ba itong pagiging matuwid? (Hindi.) Bagama’t ang mga nauna nang nabanggit na ideya ng “mga tamang pananaw sa mundo, mga pinahahalagahan, at pananaw sa buhay” at “positibong enerhiya” ay mga sikat na kasabihang Tsino, itong huli—ang pagiging mabait at mapagkawanggawa, pag-iipon ng merito at paggawa ng mabubuting bagay, at pagkilos nang buong tapang para sa isang makatarungang layunin—ay malamang na pangkalahatang iginagalang sa lahat ng bansa at sa gitna ng lahat ng tao. Kaya itinuturing ito ng mga tao na isang diwa ng katuwiran, na pagiging matuwid. Maging ang karamihan sa mga mananampalataya sa Diyos ay iniisip na ito ay napakatuwid, sinasabing, “Tingnan ninyo ang ating pambansang bayani, si Ganito-at-ganyan. Inialay niya ang kanyang buhay para sa matuwid at dakilang layunin ng bansa, isinakripisyo ang kanyang sarili para pasabugin ang isang bunker para protektahan ang bansa. Puno siya ng diwa ng katuwiran. Iyan ang tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng pagkatao!” Sa pagtingin dito ngayon, tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Paanong mali ito? Ang ganitong mga uri ng pagiging matuwid, na pinaniniwalaang gayon ng mga tao o na iginagalang ng mga tao, ay tinatasa sa pamamagitan ng mga pamantayang batay sa paghahangad ng tao para sa mga bagay na mabuti at medyo positibo. Dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng laman ng mga tao, at dahil hindi nila nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay, itinuturing nilang mabubuting tao ang mga kayang isakripisyo ang sarili nilang mga interes para sa iba at gumagawa ng mabubuting pag-uugali—o ang mga hindi aktibong nambibitag o namiminsala ng iba, walang banta sa iba, at hindi nagdulot ng anumang masasamang kahihinatnan—at iginagalang nila ang mga ito at inilalarawan bilang matuwid. Ang depinisyong ito ng “matuwid” ay batay sa mga kuru-kuro ng mga tao sa pagiging matuwid, pati na rin sa kanilang pagkamuhi sa masasamang kalakaran at sa buktot na sangkatauhan, at sa kanilang paghahangad para sa mabubuting bagay. Dahil ang karamihan sa mga tao sa lahi ng tao ay naniniil, nang-aapi, nambibitag, at namiminsala ng iba, at dahil ang mundong ito ay napakasama, napakadilim, at walang bakas ng pagiging patas o katuwiran na matatagpuan, kapag lumitaw ang gayong mga bayani o ang tinatawag na mabubuting Samaritano at mga tagagawa ng mabuti, may tendensiya ang mga tao na igalang ang mga ito, tinutukoy ang mga ito gamit ang pinakamaiinam na terminong posible. Tumpak ba ang mga prinsipyo ng kahulugang ito? (Hindi.) Ang mismong mga prinsipyo at batayan ng kahulugan ay hindi tumpak. Halimbawa, may isang tao sa isang grupo na inaapi ng karamihan sa iba, ngunit may isang partikular na indibidwal na hindi nang-aapi sa kanya. Sinasabi ng taong inaapi, “Iyong hindi nang-aapi sa akin ay isang mabuting tao.” Tumpak ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Lohikal ba ito? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mali rito? (Marahil iyong taong hindi nang-aapi sa kanya ay hindi lang siya kinaiinisan, o hindi siya nang-aapi dahil hindi angkop ang obhetibong sitwasyon at mga kalagayan. Hindi ito nangangahulugan na mabuting tao ito.) Ang kanyang pananaw ay naglalaman ng isang kamalian sa lohika. Ang ideya na ang mga taong nang-aapi sa iyo ay masasamang tao, kaya ang mga taong hindi nang-aapi sa iyo ay tiyak na mabubuting tao, ay isang kamalian sa lohika, hindi ba? (Oo.) Karamihan sa mga taong nang-aapi sa iba ay hindi mabubuting tao, ngunit ang iyong pamantayan sa pagtukoy kung ano ang ibig sabihin ng mang-api sa iba ay hindi naman tiyak na tumpak, kaya ang iyong pagtukoy na ang mga taong nang-aapi sa iyo ay masasamang tao ay hindi rin naman tiyak na tumpak, at hindi rin tumpak na sabihin na ang mga taong hindi nang-aapi sa iyo ay tiyak na mabubuting tao. Maaaring may ilang sitwasyon kung saan hindi ka inaapi ng isang tao. Marahil ay ayaw ka niyang pansinin, kaya hindi na siya nag-aabalang mang-api sa iyo. Marahil ay hindi ka niya kilala, kaya hindi ka niya maapi. Marahil ay pakiramdam niya na mas matigas ka kaysa sa kanya, kaya hindi siya nangangahas na mang-api sa iyo. May ilang posibleng sitwasyong tulad niyan. Ang iyong batayan sa paglalarawan sa kanya bilang isang mabuting tao ay nakasalalay sa pundasyon na hindi ka niya inapi, kaya ang batayan mismo ng kahulugang ito ay mali. Ano ang tunay na batayan sa pagtukoy sa isang tao bilang isang mabuting tao? Kung ang taong ito ay minamahal ang mga positibong bagay, tinatrato ang iba nang patas at nang may mga prinsipyo, at may mga prinsipyo rin sa kung paano siya gumagawa ng mga bagay-bagay, kung gayon, kahit na minsan ay prangka siyang magsalita sa iyo, nang may masakit na tono, o pinupuna ka niya, hindi ka niya inaapi. Kumikilos siya ayon sa mga prinsipyo at hinuhusgahan niya ang mga bagay-bagay batay sa mga katunayan. Kaya, siya ay tunay na isang mabuting tao, at kaya niyang tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo. Ngunit ang ilang tao ay hindi ganito. Kapag nakikita nilang may katayuan ka at matigas ka, sumisipsip sila sa iyo. Kapag nakikita nilang wala kang katayuan at dehado ka, inaapi ka nila, niyuyurakan ka, at palagi kang sinasaktan kapag nagsasalita sila. Kung may ginawa kang tama, naiinggit sila sa iyo. Kung may ginawa kang mali, tinutuya ka nila at minamaliit. Ang gayong mga tao ay masasamang tao. Kung sinusukat mo ang mabuti at masama batay sa mga positibong bagay at sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong mga pamantayan sa pagsukat ng mga bagay-bagay at ang mga resulta ng iyong mga pagsukat ay magiging wasto. Ang pagsusuri o kahulugan mismo ng mga positibo at negatibong bagay sa mundo at sa lipunan ay baligtad. Karamihan sa mga tao sa lipunan ay iniidolo ang mga lider na mahal nila, ang mga sikat na tao, o mga bituin. Anuman ang sabihin ng mga sikat na taong ito, ng mga bituin, at mga lider, iniisip nilang ito ay wasto, at walang naglalantad o sumasalungat dito. Paano man maghari-harian ang mga taong iyon sa mga karaniwang tao at mang-api sa kanila, magdiskrimina o mangikil sa mahihirap, o walang-pakundangan pa ngang kumitil ng buhay ng tao na para bang walang halaga ang mga ito, walang tumitindig para magprotesta o tumutol laban sa kanila. Kung gumawa sila ng ilang mabuting bagay para sa kanilang kapakinabangang pampulitika, marami ang pupuri sa kanila at dadakila sa kanila. Kung may isang taong lumalaban para sa katarungan na lilitaw at ilalantad ang satanikong rehimen, o ang mga sikat na tao at mga dakilang tao, sama-sama siyang aatakihin ng masa, na desperadong umaasang maalis siya at maglaho. Ano ang ipinapakita nito? Na ginagawa ng lipunan ang lahat ng bagay sa isang di-makatarungan at baluktot na paraan; binabaligtad nito ang tama at mali. Ang mga pamantayan ng pagtukoy ng tiwaling sangkatauhan sa mabuti at masama, at sa positibo at negatibo, ay pawang mali, kaya ang mga kongklusyong nabubuo nila ay hindi rin makatwiran.

Tingnan natin ang isang halimbawa. Mayroong mga nanloloob at nagnanakaw sa mga bahay—nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap. Pagkatapos nilang nakawan ang mayayaman ng mga pag-aari ng mga ito, nagbibigay sila ng tulong sa karaniwang mga tao. Kapag nakikinabang at nagsasamantala rito ang karaniwang mga tao, masaya sila, at pinupuri nila ang mga taong ito bilang mga bayani at matutuwid na taong may birtud. Pero kung susuriin mo ang mga bagay na ginawa ng mga tinatawag na matutuwid na taong may birtud na ito, talaga bang matuwid sila? Nakuha ng ilang mayamang tao ang kanilang yaman sa pamamagitan ng masigasig na pamamahala at pagsisikap, at mayroon pa ngang ilan na naipon lamang ang kanilang yaman sa pamamagitan ng ilang henerasyon ng pamamahala at pagsisikap. Anong karapatan mong nakawan sila ng kanilang mga pag-aari? Ninakawan mo sila ng kanilang pribadong ari-arian—mali iyan. Kung kaya mo, humayo ka at kumita ka ng pera nang ikaw mismo. Ang paggamit ng perang kinita mo para tulungan ang mahihirap—maituturing iyang pagkakawanggawa. Pero ninanakawan mo ang mayayaman ng kanilang mga pag-aari, kinukuha ang pag-aari ng iba para angkinin mo, at pagkatapos ay tinutulungan ang mahihirap. Sa mga mata ng mahihirap, itinuturing itong matuwid. Hindi ba’t ito ay isang lubos na katawa-tawang pananaw? Iginagalang ng mahihirap at ng karaniwang mga tao ang gayong mga tao bilang mga bayani, at tinatamasa ng “mga bayaning” ito ang titulong ito at ang karangalang ito na para bang nararapat ito sa kanila. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t lubos itong katawa-tawa? (Oo.) Sila mismo ay walang kakayahang kumita ng pera, at nagkikimkim sila ng sama ng loob sa mayayaman, kaya gumagamit sila ng dahas para nakawin ang yaman ng mayayaman at ipamahagi ito sa karaniwang mga tao, para purihin sila ng karaniwang mga tao. Ang totoo, ang mga bagay na kinukuha nila ay hindi talaga ang mga kinita nila sa pamamagitan ng sarili nilang pagtatrabaho, at ang tinatamasa ng mahihirap ay hindi mga bagay na pag-aari ng mga magnanakaw na ito, kundi mga bagay na pag-aari ng mayayaman. Kaya bakit dapat na, dahil lang dumaan sa mga kamay nila ang mga bagay na ito, kailangang magkaroon ng malaking utang na loob sa kanila ang karaniwang mga tao at ang mahihirap? At tama ba para sa karaniwang mga tao na tamasahin ang mga bagay na ito nang may hindi nababagabag na konsensiya? Ang mga bagay ba na ito ang nararapat sa iyo? Kinita mo ba ang mga ito sa pamamagitan ng sarili mong pagtatrabaho? Tinatamasa mo nang may hindi nababagabag na konsensiya ang mga ninakaw na bagay na hindi mo pinaghirapan, at pakiramdam mo pa nga ay dapat nakawan ang mayayaman, at na dapat mong tamasahin ang mga ninakaw na bagay. Nakukuha mo ang mga bagay na ito nang libre at nang walang anumang ibinabayad na halaga, at tinatamasa mo ang mga ito nang may hindi nababagabag na konsensiya. Hindi ba’t ito ay kawalan ng kahihiyan? (Oo.) Tinatamasa ng mga tinatawag na bayaning ito ang paghangang ito mula sa mga tao at ang karangalang ito. Ginagawa nila ang mga bagay na ito para bigyang-kasiyahan ang sarili nilang banidad. Habang lalo silang pinupuri at iniidolo ng mga tao, lalo silang nagiging parang mga baliw, at nanloloob na nga sila maging ng mga palasyo, ninanakaw ang kayamanan sa loob ng mga ito, ipinagbibili ito, at pagkatapos ay isinasaboy ang pera sa mga bakuran ng mahihirap. Ang paraan nila ng pagtulong sa mahihirap ay sa pamamagitan ng pagnanakaw sa mayayaman. Hindi ba’t lubos itong katawa-tawa? (Oo.) Hindi na natin pag-uusapan pa kung ang pagnanakaw ng mga pag-aari ng iba ay lumalabag ba sa batas, sa usapin ng moralidad at pagkatao, hindi ito katanggap-tanggap, at hindi ito ang tinatawag na pagiging matuwid. Ang mga bagay na ninakaw nila ay hindi talaga mga bagay na dapat nilang ariin. Ang mga ito ay mga bagay na nakuha sa pamamagitan ng mabababang-uri, marurumi, kaduda-duda, ilegal, at hindi ortodoksong mga paraan. Ipinagpapalit nila ang mga ito para sa ilang salapi at pagkatapos ay tinutulungan ang mga hindi naman talaga nangangailangan ng tulong o ang mga sa tingin nila ay dapat tulungan, at pagkatapos ay tumatanggap sila ng papuri mula sa mga taong ito, at tinatamasa nila ang karangalang ito. Hindi ba’t ito ay kawalan ng kahihiyan? Ngunit ipinagmamalaki pa nila ang kanilang sarili at tinatawag ang sarili nilang mga bayani na nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap. Ang gayong mga tao ay partikular na sikat sa lipunan. Noong unang panahon, may ilang tinatawag na “mga bayani” na tulad nito, at ang kanilang mga kuwento ay kumakalat pa rin hanggang sa ngayon. Hindi ba’t katawa-tawa ito? (Oo.) Sa buong sangkatauhan, labis na kakaunti ang tunay na nakakaunawa kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay. Hindi makilatis ng mga tao ang mga bagay na ito. Ilang araw matatamasa ng karaniwang mga tao ang mga bagay na ninakaw ng “mga bayani”? Iyan ba ang nararapat sa iyo? Pinaghirapan mo ba iyan? Iyan ay hindi mo pinaghirapan ni hindi nararapat sa iyo—iyan ay tinatawag na pagtanggap ng mga pakinabang na hindi nararapat sa iyo. Marangal ba para sa iyo na tamasahin ang mga bagay na ito? Mahirap ka dahil tamad ka o walang kakayahan. Ang isang taong may konsensiya at katwiran ay dapat makontento na sa pagkakaroon ng pagkain at damit, at dapat niyang tamasahin kung ano lang ang kaya niyang kitain. Binibigyan ka ng Diyos ng ikabubuhay, kaya dapat kang makontento. Kung makakita ka ng isang taong mayaman, na maraming ari-arian, na masagana, at palagi mong gusto ang pantay na bahagi ng kung anong mayroon siya, makatwiran ba ito? Ang kaisipang ito, sa ganang sarili, ay hindi makatwiran. Kinokontrol at pinaghaharian ni Satanas ang lipunan, kaya siyempre ay walang pagiging patas. Sa lipunan, marami ang mahihirap habang kakaunti ang mayayaman—anuman ang sanhi nito, ang katunayan ay, may mga taong mayaman at may mga taong mahirap. Ganito ang lipunan—maaaring hindi ka yumaman kahit pa may kakayahan ka, at maaari ka namang mamuhay bilang mayamang tao kahit pa wala kang kakayahan. Walang sinumang makapagpapaliwanag nang malinaw sa mga bagay na ito, pero anuman ang mangyari, naririto rin ang pag-orden ng Diyos. Ang mga bagay na ninakaw mula sa iba ay hindi sa iyo, at kahit matamo mo pa ang mga ito, hindi sa iyo ang mga ito, at sa malao’t madali ay mawawala rin sa iyo ang mga ito. Tingnan mo yaong mga, sa ilalim ng pagpapanggap ng kabayanihan at katarungan, nanloloob at nagnanakaw sa mga bahay, at nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap. Ginagawa nila ang lahat ng uri ng masasamang bagay nang palihim, tulad ng pagkain, pag-inom, pakikiapid, pagsusugal, paggamit ng droga, at may ilan pa ngang pumapatay o nanggagahasa. Pagkatapos, dahil lang sa ilang beses na pagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap, iginagalang na sila bilang mga bayani ng karaniwang mga tao. Hindi ba’t isang kaso ito ng pagtatagumpay ng mga taong ubod ng sama? Ang karaniwang mga tao—ang mga kasuklam-suklam, ang mga masang mababang-uri, at ang magulong pulutong—ay masaya na sa tuwing makakakuha sila ng kaunting pakinabang, at pinupuri nila ang sinumang magbigay sa kanila nito. At paano naman yaong “mga bayani”? Binibigyan sila ng karaniwang mga tao ng kaunting karangalan at ginagantimpalaan sila ng mga ito, at itinataas sila bilang mga bayani, kaya inaakala nilang isa na itong korona ng tagumpay, na sila ay tunay na mga bayani, at walang kapantay. Kaya, nagpapatuloy sila sa pagnanakaw, at ang resulta, nababaril sila at namamatay sa isang bala lang kapag nilooban nila ang isang palasyo. Akala talaga nila ay napakalaki ng kanilang kakayahan at sila ay mga superhuman, na sila ay pambihira at nakahihigit sa karaniwan, pero ang totoo, wala man lang silang abilidad na makailag sa bala, at sa huli ay namamatay sila. Hindi ba’t nararapat lang iyon sa kanila? (Oo.) Ang mismong pagnanakaw ay hindi marangal. Ito ay mababang-uri. Ang umasa sa pagnanakaw para makuha ang papuri ng mga karaniwang tao, para magkaroon ng magandang reputasyon, para magtamo ng kaunting karangalan—kasuklam-suklam na bagay ito. Sa huli, sila pa mismo ang pumupuri sa kanilang sarili: “Hindi makapamuhay nang maayos ang mga karaniwang tao, at labis silang nahihirapan, dahil lang sa mga opisyal. Tingnan ninyo kung gaano ako nagtataglay ng espiritu ng katuwiran; may malasakit ako sa mga karaniwang taong mababang-uri!” Matuwid ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Nagsasalita rin nang baliko ang karaniwang mga tao, at ngumingiti sila kapag nakakakuha ng kaunting pakinabang. Kung wala silang nakukuhang anumang pakinabang mula sa iyo, anuman ang paghihirap na dinaranas mo, hindi ka nila papansinin. Pero kung bibigyan mo sila ng mga pabor, na magdudulot sa kanila na magkamit ng isang bagay na praktikal, sasaya sila at sasabihin nila, “Napakabuti mong tao! Isang taong napakadakila ang pagkakawanggawa!” Napakagandang pakinggan ng kanilang mga sinasabi, pero wala ni isang salita roon ang totoo. Hindi man lang sila makapagsabi ng mga wastong salita. Paanong naging matuwid sila sa anumang paraan? Ang totoo, lahat ng sinasabi nila ay mapanlinlang.

Itinuturing ng ilang tao ang kanilang sarili na puspos ng espiritu ng katuwiran, bilang mga taong may konsensiya at pagkatao. Pero karapat-dapat man lang bang banggitin ang espiritu ng katuwiran nilang ito? Higit pa rito, talagang hindi ito isang espiritu ng katuwiran; isa itong uri ng pagiging matuwid na binuo nila sa kanilang imahinasyon, na walang kinalaman sa mga positibong bagay na sinasabi ng Diyos o sa alinman sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito pagiging matuwid; ito ay baluktot na pangangatwiran, mga maling paniniwala, at mga maling kaisipan. Masasabing ang mga kasabihang isinusulong nila, tulad ng positibong enerhiya, tamang pananaw sa mundo, mga pagpapahalaga, at pananaw sa buhay, at natatangi at matalas na kabatiran, ay tila matuwid at wasto, pero hindi tunay na gayon nga. Sa mas tumpak na pananalita, lahat ng iyon ay mapaminsalang mga kalakaran at masasamang impluwensiya, baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala; lahat ng iyon ay mga negatibong bagay, at lahat ng iyon ay mga maling paniniwala at mga maling kaisipan na ganap na kasalungat ng mga positibong bagay. Samakatwid, kung sumasang-ayon ka sa mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya at palaging kumakapit sa mga pananaw na ito sa iyong puso, pinapatunayan nito na tulad lang ng mga walang pananampalataya, hindi ka isang matuwid na tao, at na walang pagiging matuwid sa iyong pagkatao. Nais mong magpanggap bilang isang matuwid na tao, tulad ng pagtatangka ni Satanas na magpanggap bilang isang anghel ng liwanag. Nagsasabi si Satanas ng ilang bagay na magandang pakinggan, nais magpanggap bilang Diyos, bilang isang matuwid na taong may birtud, at bilang isang bagay na positibo. Nagpapanggap ka rin bilang isang bagay na hindi naman ikaw; palagi mong sinasabi na mayroon kang tamang pananaw sa mundo, mga pagpapahalaga, at pananaw sa buhay, na mayroon kang positibong enerhiya at matuwid na espiritu, na isa kang bayani, isang taong may matalas at natatanging kabatiran, o na ikaw ay matuwid at walang dapat ikatakot, na saan ka man magpunta, dala-dala mo ang espiritu ng katuwiran sa iyong pagsasalita at pakikitungo sa mga tao—palagi mong ipinepresenta ang iyong sarili sa ganitong paraan. Kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ay isang taong walang gaanong konsensiya, isang taong nais magpanggap na may espiritu ng katuwiran, na matuwid, at may pagkatao. Dahil ipinagkukunwari mo ang mga bagay na ito, nangangahulugan itong hindi mo taglay ang mga ito—kung hindi, kakailanganin mo pa bang ipagkunwari ang mga ito? Kung tunay kang may pagkatao, hindi mo kakailanganing ipagkunwari ito, at hindi mo rin matatanggap ang mga kasabihang tulad ng tinatawag na “tamang pananaw sa mundo, mga pagpapahalaga, at pananaw sa buhay,” “positibong enerhiya,” “pagkakaroon ng espiritu ng katuwiran,” at “pagkakaroon ng espiritu ng pagkabayani”; hindi mo tatanggapin ang mga negatibong bagay na ito—hindi na kailangang sabihin pa na matapos makarinig ng napakaraming sermon hanggang ngayon, dapat ay mayroon ka nang pagkilatis sa mga bagay na ito. Kung may pagkatao ka, matagal mo na sanang itinakwil ang mga negatibong bagay na ito. Kung may isang taong magpresenta ng mga kasabihan at argumentong ito, kahit pa wala kang pagkilatis, hindi mo tatanggapin ang mga ito mula sa kaibuturan ng iyong puso. Iisipin mong ang mga bagay na iyon ay masyadong hindi totoo, na ang mga bagay na isinusulong ng mga tinatawag na sosyologo, edukador, at intelektuwal, mga tinatawag na sikat na tao at dakilang personalidad, at yaong mga demonyo at mga haring diyablo ng mundo, ay pawang mga bagay na nagsasabi sa mga tao na magkunwari. Gaya ito ng isang kasabihang popular sa lipunan, “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo.” Nakikita mo, sinasabi ng masasamang diyablo na dapat magbigay ng kaunting pagmamahal ang lahat ng tao, na ibig sabihin, ang karaniwang mga tao ay lahat dapat magbigay ng pagmamahal, lahat dapat magmahal sa masasamang diyablo, lahat dapat masunuring makinig at sumunod sa kanilang partido, at huwag gumawa ng gulo o magdulot ng problema sa bansa at sa kanilang partido, at sa gayon ay magiging mapayapa ang mundo. Ang totoo, kailan ba naging ang karaniwang mga tao ang gumagawa ng gulo? Malinaw na mga diyablo ang nagsusulsol ng kaguluhan at nakikipag-agawan sa kapangyarihan at pakinabang. Iniligaw at ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; lahat sila ay sumusunod sa mga diyablo at kay Satanas, at lahat sila ay umiiwas at kumakalaban sa Diyos. Kaya, mararanasan ba ng lipunang ito ang kapayapaan? Sabihin ninyo sa Akin, may batayan ba ang kasabihang “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo”? Lahat ng ito ay mga salita para linlangin ang mga bata. Kung wala kang pagkilatis sa mga salitang ito, at naniniwala kang, “May pag-asa pa para sa mundo, mas marami pa ring mabubuting tao kaysa sa masasama sa sangkatauhang ito, magiging magandang lugar ang mundo sa hinaharap, at ang sangkatauhang ito ay tutungo sa isang magandang kinabukasan,” kung gayon, ang iyong mga kaisipan at pananaw ay walang ipinagkaiba sa mga kaisipan at pananaw ng pangkalahatang publiko, at ikaw ay isa lamang hindi tao. Ang isang katangian ng mga hindi tao ay na partikular silang mahilig magbalatkayo, gamit ang magagandang pakinggan, mabulaklak, at mapagpaimbabaw na mga kasabihan para ibalatkayo ang kanilang panlabas na hitsura, habang ang kaibuturan ng kanilang puso ay napakarumi at napakadilim, at sunod-sunod ang kanilang mga kasuklam-suklam at maruruming taktika. Wala silang anumang pagmamahal sa pagiging patas at sa katuwiran; mahilig lang silang gumamit ng mga taktika. Nagsasabi sila ng napakagagandang pakinggang bagay; nagtatago sila ng mga punyal sa likod ng kanilang mga ngiti at ginagawa nila ang lahat ng masamang gawang maiisip. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao. Ang mga ito mismo ang mga pagpapamalas ng mga taong walang pagkatao. Pagpapamalas ba ito ng pagiging matuwid? (Hindi.) Dahil hindi matuwid ang mga taong ito, sa tingin mo ba ay maaari silang maging mabait? (Hindi.) Huwag nang pag-usapan pa ang pagiging mabait, dapat nang ipagdiwang kung mabawasan man lang nang isa ang masasamang gawa nila, isang pagpapala para sa lahat sa lupa. Pero tinatawag pa rin nilang matuwid ang kanilang sarili! Pinupuri lang nila ang kanilang sarili! Hindi man lang nila alam kung ano ang mga positibong bagay, at kahit pa matapos makarinig tungkol sa mga positibong bagay, sa kanilang puso ay hindi nila gusto ang mga ito at nasusuklam at nandidiri pa sila sa mga ito. Pero sinasabi pa rin nilang sila ay matuwid at mabait. Sino sa akala nila ang niloloko nila? Ang tinatawag na pagiging matuwid, kabaitan, at katwiran ng sangkatauhan ay hindi nakabatay sa mga positibong bagay, ni hindi nakabatay sa mga katotohanang pamantayan. Kaya, ang pagiging matuwid, kabaitan, pagkamakatwiran, at ang konsensiya at katwiran ng mga tao, batay sa pagpapakahulugan ng sangkatauhan, ay pawang hindi tumpak, walang batayan sa katotohanan, at pawang mga baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala.

Kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, una, siya ay isang taong kayang kilatisin ang tama sa mali. Ikalawa, nalalaman niya kung ano ang wasto at ang hindi wasto. Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa pagkilatis ng tama sa mali. Suriin mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay suriin mo ang iyong mga magulang at ang iyong mga kapatid—mayroon ba sa inyo na mga taong kayang kilatisin ang tama sa mali? Ikaw ba ay gayong tao? Kung ikaw ay isang taong kayang kilatisin ang tama sa mali, kung gayon sa hinaharap, ang iyong pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan ay magiging isang natural na bagay na lamang. Sa pamamagitan ng kaunting pagsisikap, pagtitiis ng kaunting hirap, at pagbabayad ng kaunting halaga, magagawa mong makamit ito—kung gayon, may pag-asa para sa iyong kaligtasan. Kung hindi ka isang taong kayang kilatisin ang tama sa mali, at sa nakaraan ay tutol ka sa katotohanan, hindi mo ito matanggap at ayaw mong isagawa ito, at sa pagbanggit pa lang ng pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan ay lubos kang naiinis at pakiramdam mo ay parang naipit ang ulo mo sa isang gato, naghihirap at walang kalayaan, kung gayon sa hinaharap ay magkakaroon ka ng parehong pakiramdam tungkol sa pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan; hindi mo tatanggapin ang katotohanan. Ang iyong kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan at ang iyong pagtutol dito ay hindi dahil sa maikling panahon ka pa lang nananampalataya sa Diyos, ni dahil hindi ka dinisiplina ng Diyos o hindi ka Niya pinanagutan. Ang mga ito ay hindi ang tunay na ugat na mga dahilan. Ano ang tunay na ugat na dahilan? Wala kang abilidad na kilatisin ang tama sa mali, ang pangunahing kondisyong ito, kaya sa hinaharap ay hindi mo pa rin matatanggap ang katotohanan, at hindi mo makakamit ang pagpapasakop sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan o magpasakop dito, magkakamit pa rin ba ako ng kaligtasan?” At ano ang masasabi ninyo—makapagkakamit ba sila? (Hindi.) Ang sagot Ko ay, “Napakahirap sabihin.” Bakit napakahirap sabihin? Dahil sa dami ng nasabi Ko na ngayon at sa dami ng nailista Ko nang mga pagpapamalas, hindi tiyak kung maitutugma mo ba ang iyong sarili sa mga ito o makikilala mo ba ang mga ito sa iyong sarili. Bukod pa rito, hindi rin tiyak kung maaarok mo ba ang mga bagay na ito at ang mga aspektong ito ng katotohanan na Aking sinabi. Samakatwid, kahit hindi Ko sabihin sa iyo kung maliligtas ka ba, matitiyak ito ng bawat isa sa inyo batay sa inyong saloobin sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Hindi Ko na kailangang sabihin ito sa inyo nang napakalinaw at napakadiretsahan; alam na ninyo sa bawat puso ninyo.

Talababa:

a. Ang pangalang “Zheng” ay may konotasyon ng pagkakaroon ng matuwid na moralidad sa orihinal na tekstong Tsino.