Paano Hangarin ang Katotohanan (17) Unang Bahagi
Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan
Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Tao
II. Pagkilatis ng Tama sa Mali at Pag-alam sa Kung Ano ang Wasto at Hindi Wasto
A. Pagkilatis ng Tama sa Mali
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas at katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga tao—ibig sabihin, nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran, at kaya nilang kilatisin ang tama sa mali at alamin kung ano ang wasto at ang hindi wasto. Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa paksa mula noong nakaraan. Bago iyan, magkukuwento muna Ako. Ilang taon na ang nakalipas, may narinig akong isang pangyayari. Isang magandang kabataang babae ang sumasailalim sa isang screen test, at may isang taong kaswal na nagkomento, “Napakalaki ng mga binti mo!” Naisip ng kabataang babaeng ito, “Sinasabi mong malaki ang mga binti ko, hindi ba’t sinasabi mo lang na mataba ako? Magiging maganda ba ang hitsura ko sa kamera kung mataba ako? Hindi ba’t magiging nakakahiya iyon?” Kaya, sinimulan niyang pag-isipan kung paano niya mababawasan ang kapal ng kanyang mga binti, para magmukha siyang balingkinitan at maganda sa kamera. Para makamit ang layong ito, pinagsumikapan niyang maghanap ng lahat ng uri ng impormasyon at sinubukan niya ang iba’t ibang paraan para magpapayat, tulad ng pagkain lang ng mga pagkaing pampapayat sa halip na kompletong pagkain o pagkain lang ng mga prutas at gulay araw-araw—sa madaling salita, kinain niya ang anumang makakatulong sa pagpapapayat. Narinig niya na ang pag-inom ng kape ay isang mabilis at epektibong paraan para magpapayat, kaya minsan ay umiinom lang siya ng kape. Sabi ng ilang tao, nakakatulong ang mas maiksing pagtulog para mabilis kang pumayat, kaya dalawa o tatlong oras lang ang tulog niya kada araw. Pagkatapos ng maraming pag-aabala at pagsusumikap, nakakita nga siya ng mga resulta. Pumayat siya, naging balingkinitan ang kanyang katawan, at numipis ang kanyang mga binti. Naging kaaya-aya siya sa paningin at presentable, pero nagsimula siyang magkaroon ng ilang masamang reaksyon sa katawan. Anong masasamang reaksyon? Madalas siyang nahihilo at mabigat ang ulo, at sa maghapon habang ginagawa ang kanyang tungkulin, palagi siyang lutang. Sumusuray-suray siya habang nakatayo, at nanghihina ang buong katawan habang nakaupo. Hindi niya makayanan ang buong araw, at nakaramdam siya ng matinding pisikal na paghihirap. Interesado ba ang karamihan ng tao na malaman ang kasalukuyang sitwasyon ng kabataang babaeng ito, at kung buhay pa ba siya at maayos ang kalagayan? Gusto ba ninyong marinig ang tungkol sa kanyang karanasan at mga saloobin sa pagpapapayat? (Hindi.) Sa pamumuhay sa mundong ito, hindi alam ng mga tao kung paano mamuhay nang wasto at nang may regularidad, kung paano tratuhin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Kapag nakakarinig sila ng isang komento o nakakaranas ng isang pangyayari, hindi nila alam kung aling paraan ng pagtrato rito ang angkop at makakaprotekta sa kanila mula sa kapahamakan para makapamuhay sila sa isang tunay na wasto at marangal na paraan. Hindi na kailangang banggitin pa ang mga walang pananampalataya, maging ang karamihan sa mga mananampalataya ay hindi rin alam ang mga bagay na ito. Kapag nahaharap sa impormasyon at balita, pati na rin sa iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya, at maling kaisipan, mula sa mundo sa labas, sadyang walang abilidad ang mga tao na kilatisin ang mga ito at wala silang anumang abilidad na salagin ang mga ito. Siyempre, wala rin silang mga wastong kaisipan at pananaw, lalo nang wala silang wastong paraan ng pagtrato sa mga ito mula sa isang positibong perspektiba. Samakatwid, namumuhay nang labis na kaawa-awa ang mga tao. Tingnan ang kabataang babaeng kababanggit ko lang. Sabihin ninyo sa Akin, nakakapagod ba ang buhay niya? Kaawa-awa ba ito? (Kaawa-awa ito.) Bakit kaawa-awa ito? Saan siya nagkamali sa pagkilos sa ganitong paraan? Hindi ba’t hinahangad ng lahat ng tao na maging maganda at mamuhay nang presentable? Mali bang naisin na maging kalugod-lugod ka sa iba at mapuri at mapahalagahan ka kapag nakakatagpo mo sila? Paano ninyo tinitingnan ang usaping ito? (Ang ginawa niya para sa panlabas na kagandahan at para mapuri ay nakapipinsala sa sarili niyang katawan. Dahil hindi niya sinunod ang mga batas na itinatag ng Diyos, sa huli ay humantong ito sa pinsala sa paggana ng kanyang buong katawan. Ang kanyang pagkahilo at pagbigat ng ulo ay mga resultang siya mismo ang nagdulot sa sarili niya. Sa tingin ko, magulo ang isip ng taong ito.) Ganoon nga ba? (Oo.) Ipinanganak ang mga tao na may sarili nilang kakarampot na talino, talas ng isip, at mga kaisipan bilang tao. Pagkatapos, nagkakamit sila ng kaunting kaalaman, nagkakaroon ng ilang kasanayan, at natututo nang kaunti kung paano magmukhang isang mabuting tao. Sapat na ba ang mga bagay na ito para harapin ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya, at maling kaisipan, at ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, na nagmumula sa mundo sa labas? Matutulungan ka ba ng mga ito na harapin nang wasto ang mga bagay na ito? (Hindi.) Hinding-hindi. Ganito kakaawa-awa at kalunos-lunos ang mga tao kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan; sa huli ay humahantong ito sa napakaraming kahindik-hindik na kahihinatnan. Wala silang pagkilatis sa anumang maling pananampalataya at maling kaisipan o mga kaisipan at pananaw mula sa mundo sa labas, at wala rin silang mga wastong kaisipan at pananaw pagdating sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay, nalilito sila at ang kanilang kahangalan ay nalalantad sa hindi mabilang na paraan. Kapag walang nangyayari sa kanila, tila nauunawaan nila ang ilang doktrina at mayroon silang kaunting wangis ng tao, pero kapag nangyayari nga sa kanila ang mga bagay, iba na ang kuwento—ang mga baluktot, pangit, at katawa-tawang kaisipan at pananaw sa kanilang mga puso ay nabubunyag. Kapag totoong tungkol na ito sa kung paano umasal, sa pananatiling buhay, o maging sa isang partikular na kaisipan o pananaw sa buhay, napakamangmang at napakapurol ng isip ng mga tao, at napakakatawa-tawa ng kanilang mga saloobin at pananaw. Kaya, maraming tao ang maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, maraming taon nang nakikinig sa mga sermon, at gumagawa rin ng kanilang mga tungkulin, at hindi sila kailanman sadyang gumawa ng anumang bagay na nakakagambala o nakakagulo, ni sadyang nagsalita ng anumang mga salitang sumasalungat o lumalapastangan sa Diyos—sa panlabas, walang maipipintas sa kanila, subalit kapag nahaharap sila sa iba’t ibang maling kaisipan at pananaw mula sa mundo sa labas, lalo na ang ilang medyo popular, sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi sila nasusuklam sa mga ito, at hindi rin nila nilalabanan o tinatanggihan ang mga ito, sa halip ay nagugustuhan at sinasang-ayunan pa nila ang mga ito, at sa sandaling magkaroon ng angkop na kapaligiran o pagkakataon, hindi nila namamalayang tatanggapin nila ang mga bagay na ito at ilalapat sa sarili nilang buhay. Hindi ba’t isang napakalinaw na halimbawa ang kabataang babaeng nabanggit kanina? (Oo.) Isa ba itong paraan ng pagsunod sa masasamang kalakaran? (Oo.) Hindi lang niya sinunod ang mga ito—lubusan niyang isinagawa ang mga ito. Hindi ba’t itinataguyod ng mundo ngayon ang pagiging seksi, kaakit-akit, balingkinitan, at pagkakaroon ng magandang hubog ng katawan? Popular ang mga ideyang ito sa bawat industriya, sa bawat grupo ng mga tao, at maging sa mga taong may pananalig. May ilang matandang babae na nananampalataya sa Panginoon, at sa kabila ng pagiging mahigit 60 anyos sa karaniwan, nagpapagandahan pa rin sila sa isa’t isa. Tinanong nila ang isang dalagita sa tabi nila, “Sino sa amin sa tingin mo ang pinakamagandang tingnan sa bestidang ito?” Sumagot ang dalagita, “Lahat po kayong mga ‘girls’ ay maganda sa bestidang iyan!” Kahit na mga sesenta anyos na sila, kailangan silang tawaging “girls”; ayaw nila at hindi sila masaya na tawaging “mga ginang.” Sa kanilang likuran, sinabi ng dalagita sa iba, “Mahigit sesenta anyos na sila; gaano kaganda pa ba sila kung titingnan?” Pero ang grupong ito ng matatandang babae ay natutuwa pa rin dito. Mayroon ba silang anumang pagkaramdam ng kahihiyan? (Wala.) Napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Panginoon, pero nakatuon pa rin sila sa mga bagay na iyon. Hindi ba’t abnormal ang kanilang pagkatao? Kapag walang konsensiya at katwiran ang mga tao, nakagagawa sila ng maraming bagay na katawa-tawa, maraming bagay na kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga tao, at maraming bagay na nagbubunyag sa kanilang mababang karakter. Bakit maraming tao ang walang pagkilatis tungkol sa mga bagay sa masasamang kalakaran, at walang anumang abilidad na salagin ang mga ito, at dahil dito ay nalilihis at natatangay ng mga ito? Ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila ito makilatis, at sa sandaling makaharap sila ng isang tukso, nabubunyag sila at nalulubog dito. Tingnan ninyo kung ano ang itinuturo at kung ano ang popular sa lahat ng antas ng lipunan ngayon. Isang reporter sa radyo ang nakapanayam ang isang batang lalaki at nagtanong dito, “Ano ang paborito mong pambatang kanta?” Kinamot ng bata ang kanyang ulo at sinabing, “‘The Moon Represents My Heart.’” Hindi malaman ng mga taong nakarinig nito kung matatawa ba sila o maiiyak. Bakit hindi nila malaman kung matatawa ba sila o maiiyak? Isa ba itong pambatang kanta? (Hindi, isa itong romantikong kanta.) Isa itong romantikong kanta, pero napagkamalan ng bata na isa itong pambatang kanta. Mula sa pangyayaring ito, makikita natin kung ano ang popular sa lipunan. Isa ito sa mga penomenon ng masasamang kalakaran sa lipunan, at ang matatanda at mga bata ay kapwa labis na napipinsala ng mga kalakarang ito at malalim na nalulubog sa mga ito. Sa mga sumusunod sa Diyos, nakakagulat na marami-rami ang sumusunod sa mga kalakarang ito, at inilalapat din ang mga kaisipang itinataguyod ng mga kalakarang ito sa kanilang sarili. At ano ang nangyayari sa huli? Nagbubunga ba ito ng mabubuting kahihinatnan o masasama? (Masasama.) Nagbubunga ito ng masasamang kahihinatnan—ito ang kahahantungan ng pagsunod sa masasamang kalakaran. Nalulubog ang mga tao sa pagnanasang seksuwal ng kanilang laman, sa mga damdamin ng laman, at sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, namumuhay sa isang mapagpasasang kalituhan. Wala silang mga wastong kaisipan o pananaw, at walang wastong saloobin sa pamumuhay para harapin ang buhay. Namumuhay sila sa ganitong kalagayan nang walang anumang kamalayan at walang kapangyarihang labanan ito. Sa huli, maaari lang silang lumubog nang lumubog, hindi magawang makaahon. At ano ang huling resulta? Sila ay ganap na nilalamon ni Satanas, at nagiging pagkain nito.
Para sa bawat taong namumuhay sa sangkatauhan, kung hindi mo alam kung paano kilatisin kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, kung gayon, sa magulong mundong ito, sa komplikadong mundong ito ng mga tao, magiging napakahirap para sa iyo na mahigpit na panghawakan ang mga wastong kaisipan at pananaw sa buhay, at napakahirap na mahigpit na panghawakan ang wastong landas sa buhay na hinahangad mo; hindi mo kailanman malalaman kung kailan ka labag sa loob na matatangay ng masasamang kalakaran dahil sa pagkarinig ng isang partikular na salita o pagkaharap sa isang partikular na pangyayari. Kung walang abilidad ang mga tao na kilatisin ang tama sa mali, hindi man lang nila mapapamahalaan nang maayos ang sarili nilang buhay, lalo na ang iba’t ibang malalaking isyu ng tama at mali na nakakaharap sa landas ng pananatiling buhay, na lalo pang mas mahirap para sa kanila na harapin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, hindi nila malalaman kung paano pamahalaan ang kanilang buhay at hindi sila magkakaroon ng wastong paraan ng pamumuhay. Kung makakakita sila ng iba’t ibang uri ng impormasyon tungkol sa malusog na pamumuhay, hindi nila malalaman kung paano kilatisin ang mga ito o kung alin ang tatanggapin at alin ang tatanggihan, kung paano tanggapin ang mga wasto at positibong pahayag, o kung paano tanggihan ang mga mali. Masasabi pa nga na hindi man lang mapangalagaan ng gayong mga tao ang sarili nilang pisikal na kalusugan. Ang ilang tao ay napupunta mula sa isang sukdulan patungo sa isa pa, habang ang iba naman ay palaging namumuhay sa isang sukdulan. Halimbawa, may ilang taong nakakarinig: “Ang pagkain ng maraming prutas ay mabuti sa kalusugan. Makakapagbigay ito ng mga bitamina, at gagawin nitong hydrated at makinis ang iyong balat, na magiging dahilan para mahalin ka ng lahat.” Kaya, naniniwala sila rito at nagsisimulang kumain ng lahat ng prutas na mahahanap nila, nagkakaroon ng abnormal na mga gawi sa pagkain. Pagkaraan ng ilang panahon, palaging masama ang pakiramdam nila, at natuklasan sa check-up sa ospital na mayroon silang mataas na blood sugar. Nagtataka sila: “Karaniwan naman akong kumakain nang napakamasustansiya, kaya bakit mataas ang blood sugar ko? Sabi ng iba, ang pagkain ng maraming prutas ay nagbibigay ng mga bitamina, kaya paanong nagkamali ako sa pagsunod sa pahayag na ito at pagkain ng maraming prutas?” Sabi ng doktor, “Naglalaman ng mga bitamina ang prutas, pero mataas ito sa asukal. Hindi nito mapapalitan ang mga pangunahing pagkain at hindi ito maaaring kainin bilang isang kompletong pagkain. Maaari mo itong kainin nang katamtaman o nang kaunti. Kahit hindi mo ito kainin, hindi ka magkukulang sa anumang sustansiya, dahil naglalaman na ang mga butil at gulay ng lahat ng sustansiyang ito.” Angkop ang pahayag ng doktor. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na may problema sa kanilang pamumuhay? (Oo.) Ito mismo ang uri ng pagkakamaling nagagawa ng ilang tao. Sa tingin mo, dapat ba nilang gawin ang pagkakamaling iyon? (Hindi.) Sabi ng ilang tao, “Hindi ako nagreklamo tungkol sa Diyos, kahit na mataas ang blood sugar ko.” Ano ang palagay ninyo sa pahayag na ito? Hindi ba’t wala itong katwiran? May kinalaman ba sa Diyos ang pagiging mataas ng blood sugar mo? Hindi ba’t ito ay isang bagay na ikaw mismo ang nagdulot sa sarili mo? Kumakain ka nang walang ingat at nang walang mga prinsipyo. Sa tingin mo, masarap ang prutas kaya hindi mo mapigilang kumain nito, o sa tingin mo, masarap ang karne kaya hindi ka kumakain ng anumang gulay, hindi nagpapakita ng anumang pagpipigil, at dahil dito, nagkakasakit ka. Hindi ba’t kagagawan mo mismo ito? Sa tingin mo ba, sa hindi pagrereklamo tungkol sa Diyos, tila marangal ka, na mahal mo ang Diyos, na dalisay ka? Ang totoo, ang ilang sakit ay kagagawan mismo ng isang tao at walang kinalaman sa Diyos, at ang mga ito ay idinulot ng sarili mong kahangalan at kamangmangan. Mayroon ding ilang tao na nagsasabing, “Ang mga itlog, karne, at mga produktong gatas ay masustansiya at maaaring makadagdag sa iyong protina. Kakaunti ang sustansiya ng kanin at harina, kaya dapat kumain ng mas maraming karne, itlog, at gatas.” Ang ilang tao, nang marinig ito, ay nagsasabing, “Mahilig nga akong kumain ng karne. Dahil sinasabing masustansiya ang karne, mas marami akong kakaining karne. Ang iba ay kumakain ng 4 na onsa sa isang araw, pero kakain ako ng kalahating libra bawat kain, nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw!” Kumakain sila nang walang pagpipigil na tulad nito, kumakain nang mas marami pa, kumokonsumo ng dalawa o tatlong beses na mas maraming pagkain kaysa sa iba araw-araw, may mga panghatinggabing meryenda pa. Sa paglipas ng panahon, nagsisimulang lumaki ang kapasidad ng kanilang tiyan, at habang lumalaki ang kapasidad ng tiyan, mas lumalakas ang gana nila sa pagkain. Ano ang nangyayari sa huli? Kumakain sila hanggang sa punto ng pagkakasakit, nagiging sobra sila sa timbang, at palagi silang inaantok at lutang. Wala silang pagpipilian kundi pumunta sa ospital para magpa-check-up, at ipinapakita ng mga resulta na mayroon silang mataas na presyon ng dugo, mataas na blood sugar, at mataas na blood lipids. Nag-iisip sila, “Hindi ba’t kumain lang ako ng ilang karagdagang piraso ng karne araw-araw? Hindi ba’t sinabi nila na ang pagkain ng mas maraming karne ay mabuti para sa katawan at magiging dahilan para maiwasan ng isang tao ang malnutrisyon? Kaya saan ako nagkamali? Bakit mataas ang presyon ng dugo ko? Napakahirap namang alagaan ng katawang-laman kong ito! Hindi man lang ako makakain ng ilang dagdag na piraso ng karne!” Kumakain ka ng kalahating libra ng karne bawat kain—ilang dagdag na piraso lang ba talaga iyon? At karaniwan kang nakaupo at hindi nag-eehersisyo, pero napakarami mong kinakain. Sa huli, nagkakaroon ka ng mga problema sa kalusugan, at nagsisimula kang makaramdam ng hindi magandang pakiramdam sa iyong puso. Iniisip pa nila, “Ito ay pagpipino sa akin ng Diyos. Walang anuman ito, magiging maayos din ako sa paglipas ng panahon. Hindi ako magrereklamo tungkol sa Diyos!” Anong karapatan mong magreklamo tungkol sa Diyos? Ang sakit mo ba ay paraan ng Diyos ng pagpipino sa iyo, o kagagawan mo mismo? Tumataba ka at nagkakasakit dahil sa pagkain ng karne at iniisip mong ito ay pagpipino sa iyo ng Diyos, at na sinusubok ng Diyos ang iyong pananalig. Pipinuhin ka ba ng Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Kaya paano naidulot ang resultang ito? (Naidulot ito ng kahangalan ng tao.) Ang mga tao mismo ay walang pagkilatis, hindi alam kung paano pamahalaan ang sarili nilang buhay, hindi nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, hindi alam kung paano tratuhin nang wasto ang kanilang pisikal na buhay, hindi alam kung paano sundin ang mga batas ng pananatiling buhay na itinatag ng Diyos para sa mga tao, at hindi alam kung paano sundin ang mga batas ng iba’t ibang likas na kondisyon ng katawan. Palagi silang gumagawa ng mga hangal at katawa-tawang gawain, palaging puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at hindi nagkukulang sa maluluhong pagnanais. Ano ang nangyayari sa huli? Palagi silang lumilihis ng landas, palaging nagkakamali, at patuloy na nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos. Hindi ba’t isa itong napakaproblematikong usapin? (Oo.)
Sa pamumuhay sa laman at sa materyal na mundo, makakaharap ng mga tao ang maraming impormasyon, maraming kaisipan at pananaw, at marami ring iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Kung hindi nila alam kung paano kilatisin kung ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay ay positibo o negatibo, hindi alam kung paano piliin kung ano ang tatanggapin at ano ang tatanggihan, hindi alam na panghawakang mahigpit ang mga positibong bagay at hindi alam kung bakit tama ang mga ito, at hindi alam na tanggihan ang mga negatibong bagay—lalong hindi nila namamalayan ang negatibong katangian ng mga bagay na ito—hindi ba’t napakamapanganib ng pamumuhay sa ganitong paraan? (Oo.) Hindi kalabisang sabihin na nanganganib silang mawalan ng buhay anumang oras. Hindi man lang mapamahalaan nang maayos ng mga tao ang sarili nilang pisikal na buhay at kalusugan, na mga simpleng bagay; kailangan pa nilang alalahanin sila ng iba, kailangan pa nila na protektahan at bantayan sila ng Diyos, kung hindi ay patuloy silang magkakamali, maaaring lumihis nang sobra tungo sa isang direksyon o sa kabila. Ang ilang babae, dahil tinanggap ang mga ideya ng masasamang kalakaran ng lipunan, ay nag-iisip nang husto ng mga paraan upang pagandahin ang kanilang sarili, nang hindi iniisip ang mga kahihinatnan. Ang ilan ay basta-basta na lang umiinom ng tradisyonal na gamot na Tsino, ang ilan ay basta-basta na lang umiinom ng Kanluraning gamot, ang ilan ay walang-pakundangang umiinom ng mga pampalakas, at ang ilan ay walang-pakundangang kumakain ng isang partikular na pagkain. Dahil dito, nagkakaroon sila ng mga problema sa tiyan, at ginugugol nila ang kanilang mga araw na nagbubuntong-hininga at mukhang masakitin at mahina. Hindi lang sila nabibigong pagandahin ang kanilang sarili, kundi nagiging nakakadiri pa silang tingnan. Ang ilang tao ay may napakagandang balat ngunit hindi pa rin kontento, at ipinipilit nilang pahiran ang kanilang sarili ng lahat ng uri ng kosmetiko. Sa isang punto, gumagamit sila ng mababang-kalidad na mga kosmetiko at sa huli ay nasisira ang kanilang mukha, na nagiging batik-batik at hindi pantay ang kulay, na nagiging nakakatakot tingnan. Ang ilang tao ay kapwa sumasailalim sa mga beauty treatment at plastic surgery—sinusubukan ng ilan sa kanila na patangusin ang kanilang ilong at hindi lang nabibigong patangusin ito, kundi sa huli ay nagiging abnormal pa ang hugis nito, at ang ilan ay nagpapalagay ng fillers sa baba na nagkakaproblema, at nagmumukha silang katawa-tawa sa tuwing sila ay ngumingiti o humihikab, na nagiging dahilan para matakot silang gawin ang alinman sa dalawa—labis itong miserable, labis itong nakakapagod na paraan ng pamumuhay! Hindi ba’t gumagawa sila ng problema para sa kanilang sarili sa paggawa nito? Ang ilang babae, na hindi kontento sa kanilang taas, ay pinababali ang kanilang mga binti at pagkatapos ay muling pinadudugtong at pinapahaba, ngunit nagkakaproblema sa proseso, na nagiging sanhi ng pagkalumpo ng dati nilang perpektong mga binti. Hindi ba’t kalunos-lunos iyon? (Oo.) Lahat ng uri ng masasamang kahihinatnan ay nangyari na—ang gayong mga tao ay hindi kailanman nagkakaroon ng magandang kahihinatnan. Anumang kaisipan o pananaw na itinataguyod ng masasamang kalakaran ay walang-katotohanan at buktot, ito ay tunay na lubhang nakapipinsala. Ang masasarap na pagkain at mga gawi sa pagpapaganda na kanilang itinataguyod ay hindi tunay na mabuti; lahat ng iyon ay buktot, at sa huli ay nakapipinsala at nakabibitag sa mga tao. Ang mga mangmang na babaeng ito ay handang magdusa ng pinsalang ito, at wala silang abilidad na salagin ang mga buktot na kaisipan at pananaw na ito. Kinakain nila ang anumang ipinakakain sa kanila at ginagawa ang anumang ipinapagawa sa kanila, nang hindi man lang kumikilatis kahit kaunti, pikit-mata lang na sumusunod. Napakamasunurin nila! At ano ang nangyayari sa huli? Halos wala sa kanila ang nagkakaroon ng magandang kalalabasan. Maliban na lang kung mamalayan nila ang kanilang pagkakamali sa kalagitnaan at bumalik sa tamang landas sa tamang oras upang maiwasan ang mas malaking pinsala, kung magpapatuloy silang sundin ang masasamang kalakarang ito at tanggapin ang mga buktot na kaisipan at pananaw na ito, sa huli ay lalo silang magiging tiwali, lalong hindi makikilatis ang mabuti sa masama, at lalong magiging katulad ng mga diyablo sa kanilang hitsura, na walang wangis ng tao. Masasabi na siyamnapu’t siyam na porsiyento ng mga tao ay walang pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay, at kusang-loob na tinatanggap ang masasamang kalakaran. Tingnan ninyo kung ano ang sinasabi ng mga babae kapag magkakasama silang namimili ng damit. Sabi ng ilan, “Hindi ito bagay sa iyo; hindi nito pinapaputi ang iyong mukha o ipinapakita ang iyong hubog. Hindi ito makakaagaw ng pansin. Sa tingin ko, iyong isang iyon ay mukhang seksi at makakaagaw ng pansin!” Sabi naman ng iba, “Hindi ito kaakit-akit. Kailangan mong magpakita ng kaunting balat, kailangan mong maging seksi at kaaya-aya sa paningin—iyon lang ang gagana. Kung palagi kang masyadong kagalang-galang at pormal, walang magkakagusto sa iyo.” Ipinipilit pa nga ng ilang ina na maging artista ang kanilang mga anak na babae. Sabi ng anak, “Napakagulo ng industriya ng showbiz! Ayaw kong maging artista.” Pagkatapos ay pinagagalitan siya ng kanyang ina: “Wala ka bang ambisyon? Sa tangkad, hitsura, at balat mo, napakaganda ng likas na mga katangian mo! Kung hindi ka kikita ng pera bilang artista, paano tayo mabubuhay? Hangga’t kaya mong sumikat at kumita ng pera, ayos lang na makipagtalik sa kahit sino. Kung hindi, masasayang lang ang magandang hitsura mo! Pinalaki ka namin hanggang sa edad na ito, at naghihintay kami ng tatay mo na magtamasa ng bunga ng tagumpay mo! Kung kahit iyon ay ipagkakait sa amin, para saan pa at isinilang ka namin?” Tama ba para sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa ganitong paraan? (Hindi.) Ano ang mga kahihinatnan ng pagtuturo sa mga anak sa ganitong paraan? (Napipinsala ang mga anak.) Balang araw, kapag nakaunawa na ang gayong anak, at dumaan na siya sa napakaraming pagdurusa at sakit, hindi maiiwasang mamuhi siya at sumama ang loob niya sa kanyang ina, sinasabi, “Kasalanan mo ang lahat ng ito! Hindi mo ako ginabayan sa tamang landas! Sinabi kong ayaw kong umarte, pero ipinilit mo. Tingnan mo ako ngayon—halos kuwarenta anyos na ako, hindi pa rin ako makahanap ng asawa, at walang may gusto sa akin. Ang mga nanligaw sa akin ay naglalaro lang at hindi kailanman nagbalak na pakasalan ako. Hindi ba’t nasira na ang buong buhay ko?” Labis na nagdurusa ang mga anak, at ang mga magulang ang salarin at ugat ng problema. Nagdulot sila ng pinsala sa kanilang mga anak.
Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay katulad lang ng mga walang pananampalataya sa kanilang kawalan ng kakayahang makaahon mula sa masasamang kalakaran, nagpapahiwatig ito ng isang problema. Kung wala kang pagkilatis sa anumang masasamang kalakaran, anumang buktot at negatibong pahayag, o sa alinman sa iba’t ibang gawi na ginagawa ng mga tao, anuman ang mga ito, at sinusunod mo pa ang mga ito at sinasadya mong subukan ang mga ito, kung gayon, sa mga mata ng Diyos, lahat ng ito ay mga tanda ng kahihiyan. Ano ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin Niya na bilang isang tao, wala kang abilidad na kilatisin ang tama sa mali, wala sa iyo ang realidad ng pagtanggap sa mga positibong bagay, at higit pa rito, hindi mo isinagawa ang mga kilos at gawi ng pagtanggi sa mga negatibong bagay. Sasabihin Niya na hindi ka tao, at na hindi mo natutugunan ang batayang kondisyon ng pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ng tao. Sasabihin Niya na hindi ka tao, at na hindi ka tatanggapin ng kaharian. Kung hindi ka tao, imposible para sa iyo na tanggapin ang katotohanan, dahil sa iyong puso, ang subhetibo mong kusang-loob na tinatanggap ay lahat ng buktot na bagay mula kay Satanas, at ang puso mo ay ganap na lumalaban, sumasalungat, at tumatanggi sa mga positibong bagay; hindi ka kailanman nagkaroon ng saloobin ng pagtanggap sa mga ito. Samakatwid, sinasabi ng Diyos na hindi ka tao, na wala kang pagkatao. Ayaw ng Diyos sa mga taong walang pagkatao. Huwag mong isipin, “Kung hindi ako tinatanggap ng Diyos, magdurusa na lang ako nang kaunti pa at magbabayad ng kaunti pang halaga para maantig ang Diyos, at mabago ang Kanyang saloobin sa akin.” Ang nais ng Diyos ay hindi ang isang partikular na pamamaraan ng paggawa ng mga bagay; ang nais ng Diyos ay magkaroon ka ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan mula sa kaibuturan ng iyong puso, pati na ng realidad ng pagtanggap sa katotohanan at ng katibayan ng pagsasagawa sa katotohanan. Dapat kang maging isang tao na tunay na may pagkatao—ang pagkataong ito ay hindi isang bagay na pagkukunwari. Kung tunay kang may ilang palatandaan ng normal na pagkatao, ibig sabihin, kung marami kang pagpapamalas ng pagkilatis sa tama at mali, kung ipinapakita ng mga katunayan na mahal mo ang mga positibong bagay, at kung may mga pagkakataon na tinanggap mo ang mga positibong bagay at tinanggihan ang mga negatibong bagay, at makikita na taglay mo ang pagpapamalas ng pagsasabuhay ng katotohanan, kung gayon, sasabihin ng Diyos na mayroon kang pagkatao at tatawagin kang isang tao. Kung sinasabi mo, “May pagkatao rin ako, kaya kong kilatisin ang mga positibo at negatibong bagay,” pero wala kang pagpapamalas ng pagsasabuhay ng katotohanang realidad, at ang mga salita mo ay hindi sinusuportahan ng katibayan, problema ito. Sa doktrina, inaamin mo na, “Ang sinasabi at ginagawa ng Diyos ay pawang mga positibong bagay at katotohanan, at ang sinasabi at ginagawa ni Satanas ay pawang buktot, pawang mga negatibong bagay; lahat ng nagmumula sa Diyos ay mga positibong bagay, lahat ng nagmumula kay Satanas ay mga negatibong bagay, at lahat ng nagmumula sa mga tao sa lipunan ay mga buktot at negatibong bagay”—ibig sabihin, sa doktrina, tama ang sinasabi mo, walang anumang problema, at walang maipipintas sa sinasabi mo—ngunit kapag nahaharap ka sa mga tunay na sitwasyon, hindi mo kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay, hindi ka kailanman naninindigan sa mga positibong bagay, at hindi sumusunod sa mga tuntunin at batas ng mga positibong bagay. Pinatutunayan nito na isa kang tao na hindi nakakakilatis ng tama sa mali. Malinaw sa puso ng mga tao mismo kung mayroon silang mga pagpapamalas na ito o wala. Kapag nakakarinig ka ng isang buktot at negatibong kaisipan o pananaw, o nakakarinig ng impormasyon tungkol sa isang masamang kalakaran, ano ang iyong saloobin? Ano ang iyong mga kaisipan at pananaw? Ano ang iyong inklinasyon? Sumasang-ayon ka ba rito o nasusuklam ka rito? Binabalak mo bang panatilihin ito sa iyong puso at gamitin kapag kinakailangan, o tinututulan mo ba ito at kinokondena sa iyong puso, at talagang tinatanggihang tanggapin ito? Sa iyong puso, dapat mong malaman kung ano mismo ang iyong saloobin. Kung may nagsasabing hindi niya alam, may puso ba siya? Hindi malinaw kahit ang sarili niyang saloobin—normal ba siyang tao? Kung alam mo sa iyong puso na hindi ka mabuti, at alam mo na interesado ka sa iba’t ibang masasamang kalakaran at mga buktot na pahayag, at palaging gustong sundin ang mga ito at makibahagi sa mga ito, ngunit napipilitan ka lang na pigilan nang kaunti ang iyong sarili dahil nalilimitahan ka ng iba’t ibang katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at ng sarili mong pride dahil sa iyong pananampalataya sa Diyos, gayong sa katunayan, sa kaibuturan ng iyong puso, kinasusuklaman at tinatanggihan mo ang mga positibong bagay, kung gayon, kahit pa sabihin mong gusto mo ang mga positibong bagay at ayaw mo sa masasamang kalakaran, labag iyon sa iyong tunay na mga damdamin. Narito ang isang halimbawa. Sinasabi ng ilang indibidwal, “Hindi maganda ang pagkain ng masyadong maraming karne, masama ito sa kalusugan. Dapat kang kumain ng kaunting karne, at kumain ng mas maraming kanin, mga pagkaing gawa sa trigo, at mga gulay.” Kaya itong tanggapin ng ilang tao. Hindi nila nararamdaman na ang pagkain ng mas kaunting karne ay labag sa kanilang kalooban; hindi ito nagdudulot sa kanila ng pagkadismaya o tunay na pagkaagrabyado. Sa halip, iniisip nila, “Ito ang tamang gawin. Matapos itong maranasan sa loob ng ilang panahon, pakiramdam ko ay mabuti ito para sa aking katawan. Bumuti ang pangkalahatang kalagayan ng kaisipan ko, at mas malusog ang katawan ko kaysa dati. Napakainam ng pagkain sa ganitong paraan!” Gayumpaman, ang pagtanggap ng ilang tao ay labag sa kanilang kalooban. Matagal na nilang napagpasyahan: “Paanong naging hindi mabuti sa kalusugan ang pagkain ng maraming karne? Ang pagkain ng mas maraming gulay ay hindi naman nangangahulugang magiging mas malusog ka. Paano mo man tingnan, mas masarap at mas nakakatakam ang karne! Ayos lang kumain ng ilang gulay kung walang karne—mas mabuti iyon kaysa magutom—pero kung may karne, dapat kang kumain ng marami nito. Mga hangal kayong lahat, at nagkukunwari lang kayong lahat. Ako lang ang hindi nagkukunwari. Walang sinuman sa inyo ang kasingtotoo ko. Sinasabi ko kung ano ang iniisip ko. Talagang masarap ang karne!” Sa bawat kainan, napakakaunti ng kinakain nilang gulay, ngunit napakarami nilang kinakaing karne. Sabihin ninyo sa Akin, tinatanggap ba nila sa kanilang puso ang mga positibong pahayag? (Hindi.) Hindi nila tinatanggap ang mga ito, ni kayang isagawa ang mga ito. Lubos silang nasusuklam sa mga ito sa kanilang puso. Sinasabi nila, “Paano magiging positibo ang mga pahayag na ito? Bakit hindi ko maramdaman na positibo ang mga ito? Ano ang mabuti sa mga ito? Ano ang mali sa pagkain ko ng mas maraming karne? Hindi naman ako namatay, at walang sinuman sa inyo ang namumuhay nang mas mahusay kaysa sa akin!” Hindi nila tinatanggap ang mga katunayan at hindi nila inaamin na masama sa kanilang kalusugan ang pagkain ng masyadong maraming karne. Hindi man lang nila matanggap ang mga wastong pahayag, kaya paano nila matatanggap ang mga katunayan? Mas lalong hindi iyon mangyayari. Para sa gayong mga tao, ang pagtanggap sa mga positibong bagay ay lubhang labag sa kanilang kalooban. Pakiramdam nila ay napakasakit at napakahirap gawin ito. Ipinapakita nito na may problema sa kanilang pagkatao, at na hindi nila mahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ang ilang tao, kapag nakakarinig sila ng mga wastong salita na mga positibong bagay, ay madali itong natatanggap, sinasabing, “Nag-aalala nga ako tungkol dito at hindi ko alam kung paano ito haharapin, wala akong landas ng pagsasagawa. Sa kabutihang-palad, binigyan mo ito ng liwanag. Sa sandaling marinig kita, naramdaman ko na tama ang ganitong pahayag sa mga bagay-bagay, na dalisay, obhetibo, at praktikal ang pananaw, at na umaayon ito sa pagkatao.” Pagkatapos itong marinig, agad nila itong maisasagawa. Bagama’t paminsan-minsan ay nagpapasasa sila sa sarili at nagiging sutil, mabilis silang bumabalik sa tamang landas. Gumagawa sila ng mga positibong bagay nang hindi kailangan na bantayan o kontrolin sila ng iba, at hindi nila nararamdaman na ang paggawa nito ay labag sa kanilang kalooban, at hindi rin ito nagdudulot sa kanila ng pagkabagabag. Ito ay tulad ng kung paanong gusto ng mga tupa na kumain ng damo. Kung bibigyan mo ng karne ang mga tupa, hindi nila ito kakainin, ngunit kung bibigyan mo sila ng damo, kakainin nila ito nang may kasiyahan, dahil sila ay mga kumakain ng halaman, at ang kailangan nila sa loob nila ay damo. Ngunit iba ang mga lobo. Partikular silang naghahanap ng karne na makakain; hindi sila kumakain ng damo, at pakiramdam nila ay walang kasingnakakatakam gaya ng karne. Ang mga ito ay mga likas na pagpapakita ng kanilang mga kalikasan, na walang sinumang makapagbabago. Hindi ito isang bagay na natatamo nila sa bandang huli, ni isang bagay na itinuturo sa kanila. Ipinanganak ang mga tupa para kumain ng damo, at ipinanganak ang mga lobo para kumain ng karne. Walang sinuman ang makapagtuturo sa isang tupa na maging isang hayop na kumakain ng karne o makapagtuturo sa isang lobo na maging isang hayop na kumakain ng damo. Ito ang pagpapamalas ng kanilang diwa. Ang kailangan mo at ang mahal mo ay itinatakda ng iyong pagkatao. Kung ang iyong pagkatao ay walang pangangailangan para sa mga positibong bagay, hindi mo mamahalin ang mga positibong bagay. Kung gusto mo ang mga negatibong bagay, nangangahulugan ito na kailangan ng iyong puso ang mga negatibong bagay. Ito ay itinatakda ng iyong kalikasang diwa, hindi ito kailangang ikintal sa iyo ng iba. Kung may gustong tumulong sa iyo na magbago at nakikipagbahaginan sa iyo ng ilang katotohanang prinsipyo, maaaring pansamantala mo itong matanggap dahil sa amor propyo o dahil gusto mong iwasan ang kahihiyan, at pasalitang ipahayag ang iyong pagsang-ayon, ngunit kung paano ka nag-iisip at nagsasagawa kapag walang nakakakita ay ganap na itinatakda ng iyong kalikasan. Hindi mo ito mapepeke, at hindi ka rin kayang baguhin ng iyong mga magulang. Kung ang iyong pagkatao ba ay may sangkap ng pagmamahal sa mga positibong bagay at pagkamuhi sa mga negatibong bagay ay hindi isang bagay na mapagpapasyahan ng sinuman; tanging ang sarili mong diwa ang nagpapasya nito. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.) Samakatwid, ang kakayahan ng isang tao na kilatisin ang tama sa mali ay maraming sinasabi tungkol sa kanyang pagkatao. Kung ang iyong pagkilatis sa tama at mali ay isang likas na pagpapakita, ipinanganak ka na partikular na interesado sa ilang positibong bagay. Handang-handa kang makinig kapag may nagsasabi ng isang bagay na wasto, at wala ka nang ibang gugustuhin pa kundi ang mas magsalita pa sila, para mas marami kang mapakinggan at mas marami kang matamo, at mas kaunting paglihis ang tahakin mo o ni wala man lang. At kapag nakakaharap ka ng ilang buktot at negatibong bagay, nasusuklam ka sa iyong puso, at iniiwasan mo ang mga ito at ayaw mong makisangkot—ayaw mo man lang marinig ang tungkol sa mga ito. Ikaw mismo ay hindi mo alam ang mga dahilan para dito; sadyang hindi mo magawang gustuhin ang mga negatibong bagay, ngunit handang-handa kang makinig kapag may nagsasabi ng isang bagay na wasto, at kahit na tuyain ka ng sinuman, wala kang pakialam—hindi mo alam kung saan nanggagaling ang sigasig na ito. Nakikita ng ilang tao ang taos-pusong sigasig na ito sa iyo at hinahamak at tinutuya ka, iniisip na isa kang hangal, ngunit hindi ka sumasang-ayon. Iniisip mo, “Hangga’t tama ang sinasabi ng isang tao, tinatanggap ko ito. Ano ba ang napakahirap doon?” Ito ay isang likas na pagpapakita ng pagkatao. Ang pagkakaroon ng likas na pakiramdam na ito ng pagmamahal sa mga positibong bagay at pagtutol sa mga negatibong bagay sa iyong pagkatao ay isang katangian at pagpapamalas ng normal na pagkatao. Tanging kapag taglay mo ang pakiramdam na ito at ang ganitong uri ng pagkatao saka ka maaaring maging matuwid at mabait, at masasabi mo ang dapat sabihin at magagawa ang dapat gawin mula sa wastong paninindigan at katayuan. Kapag taglay mo ang aspekto ng pagkatao na pagkilatis sa tama at mali, taglay mo ang batayang kondisyon para tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang iba’t ibang malinaw na pahayag mula sa Diyos na kinasasangkutan ng mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo taglay ang aspekto ng pagkatao na pagkilatis sa tama at mali, wala ang konsensiya at katwiran sa iyong pagkatao, at wala kang batayang kondisyon para tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang mga salita ng Diyos, at tanggapin ang lahat ng positibong gabay at mga wastong landas mula sa Diyos. Hindi mo man lang taglay ang batayang kondisyon para tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang mga positibong bagay, kaya ang sabihing kaya mong magpasakop ay katawa-tawa, at isang pantasya lamang.