Paano Hangarin ang Katotohanan (16) Ikatlong Bahagi
Katatalakay lang natin tungkol sa kakayahang makilatis ang tama sa mali sa pagkatao ng mga tao, ibig sabihin, kung matutukoy ba ng mga tao ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay. Kakaunti ang mga taong may kakayahan sa pagkilatis na ito, subalit sa kanilang mga buhay, madalas na kapwa nakakasalamuha ng mga tao ang mga positibo at negatibong bagay. Halimbawa, ang mga normal na damdamin ng mga tao—kagalakan, galit, kalungkutan, kaligayahan—ay mga positibo o negatibong bagay ba? (Mga positibong bagay.) Paano naman ang paghihimagsik ng mga tao laban sa Diyos? Positibo o negatibong bagay ba iyon? (Isang negatibong bagay.) At paano naman ang maluluhong pagnanais na inuukol ng mga tao sa Diyos? Mga positibo o negatibong bagay ba ang mga iyon? (Mga negatibong bagay.) Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang mga tao ay talagang walang kamalayan pagdating sa marami sa mga bagay na nakakasalamuha nila. Ang ilang positibong bagay ay palaging kasama ng mga tao sa kanilang buhay at pag-iral; gumaganap ang mga ito ng napakahalagang papel sa kanilang buhay, at ang positibong epekto ng mga ito sa pananatiling buhay ng tao ay hindi mapapalitan ng epekto ng anumang negatibong bagay. Gayumpaman, madalas na hindi pinapansin ng mga tao ang mga positibong bagay na ito, sa halip ay naniniwala sila na maraming negatibong bagay ang palaging kasama ng mga tao, nagpapanatili sa kanilang buhay, at sumasama sa kanila sa kanilang pag-iral. Mula rito, makikita na maraming tao ang talagang manhid sa mga positibong bagay. Hindi gaanong mahalaga kung wala kang pakiramdam para sa mga bagay na ito. Basta’t, sa sandaling malaman mong mga positibong bagay ang mga ito, ay hindi ka tutol sa mga ito, at kaya mo pa ngang hangarin at mahalin ang mga ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, pinapatunayan nito na ang iyong pagkatao ay naghahangad ng kung ano ang positibo. Ipagpalagay na alam mo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, ngunit hindi mo pa rin magawang magustuhan ang mga positibong bagay. Sa halip, mayroon kang pagkahilig sa iyong puso para sa mga negatibong bagay, lalo ka pa ngang interesado sa mga ito, at, higit pa riyan, tiyak na hahangarin at susubukan mong makamit ang mga ito kung tama ang mga kondisyon at may pagkakataon ka. Ipinapahiwatig nito na pagdating sa iyong oryentasyon sa mga positibo at negatibong bagay, mahal mo kung ano ang negatibo at hindi kung ano ang positibo. Kung hindi mo minamahal ang mga positibong bagay, ipinapakita nito na hindi ka isang positibong tao. Kung hindi ka isang positibong tao, tiyak na hindi ka isang taong may konsensiya at katwiran; isa kang negatibong tao. Kung hindi ka isang taong may konsensiya at katwiran, isa kang di-tao, hindi ka tao. Halimbawa, may isang taong nagtatanim ng mga kamatis. Narinig niya na kapag lumaki na ang mga kamatis, mapapapula ang mga ito mula sa pagiging berde sa loob lang ng isang gabi sa pamamagitan lang ng paglalagay ng kemikal na sangkap, at pagkatapos ay maaari nang ibenta kaagad. Pagkatapos ay iniisip niya, “Napakainam nito. Nagbebenta sa ganitong paraan ang lahat, kaya ganito na rin ang gagawin ko. Sa ganitong paraan, puwede akong yumaman, at mas maaga ko ring makakain ang mga kamatis. Perpekto ito!” Kaya ipinagbibili niya ang mga kamatis na ito, at kinakain din niya mismo ang mga ito. May isang taong nagpapaalala sa kanya na ang mga kamatis na pinahinog gamit ang mga kemikal na sangkap ay nakakapinsala sa mga tao, at na ang pagbebenta ng gayong mga bagay ay pamiminsala sa iba, ngunit tumatanggi siyang tanggapin ito, sinasabi, “Paano ito magiging pamiminsala sa mga tao? Bunga ito ng siyentipikong pananaliksik; isa itong positibong bagay. Naglilingkod ang agham sa sangkatauhan, at dahil naimbento ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng agham, dapat na malawakan itong gamitin sa buhay ng mga tao. Ang buhay ng mga tao ay hindi puwedeng walang agham; kailangan nating umasa rito.” Itinuturing pa nga ng ilang tao ang agham bilang ang katotohanan, at tinuturuan nila ang mga tao na mahalin, pag-aralan, at gamitin ang agham, pati na rin na ibatay ang lahat dito. Maaaring natuklasan na ngayon ng ilang tao na hindi naman talaga laging tama ang agham, at na ang ilang bagay na naimbento sa pamamagitan ng agham ay nakakapinsala sa mga tao—halimbawa, ang mga sandatang kemikal at mauunlad na sandata ay may kakayahang wasakin ang sangkatauhan, at sa partikular, ang mga pagkaing genetically modified ay isang walang katapusang salot sa sangkatauhan. Ngunit hindi ganoon ang iniisip ng maraming tao, sinasabi nila, “Maaari bang magkamali ang agham? Kung mali ang agham, susuportahan ba ito ng estado? Ang buong sangkatauhan ay nag-aaral at gumagamit ng agham—maaari bang magkamali ang buong sangkatauhan?” Tama ba ang pahayag na ito? Naniniwala sila na, dahil sinasamba at ginagamit ng buong sangkatauhan ang agham, at ito ang kalakaran sa lipunan, gaano man ito kanegatibo, maaari itong maging isang positibong bagay. Sila ba ay mga taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Ano ang mga salitang ito na sinasabi nila? (Mga maling kaisipan.) Ang mga iyon ay mga maling kaisipan, mga maling paniniwala, at baluktot na argumento. Bagama’t karamihan sa mga taong kabilang sa masamang sangkatauhan ay sumasang-ayon at kumikilala sa mga pahayag na ito, gaano man karaming tao ang kumikilala at sumasang-ayon sa mga ito, ang mali ay palaging magiging mali, ang mga negatibong bagay ay palaging magiging mga negatibong bagay, at ang baluktot na pangangatwiran ay palaging magiging baluktot na pangangatwiran. Imposibleng maging mga positibong bagay ang mga ito, ni hindi maaaring maging katotohanan ang mga ito kailanman.
Hindi ba’t ang mga taong palaging naghahabol ng mga kalakaran sa lipunan at mahilig magsalita ng mga maling kaisipan ay yaong mga lalong nagmamahal sa mga negatibong bagay? (Oo.) Matatanggap ba nila ang katotohanan at mga positibong bagay? (Hindi.) Hindi nila kayang tanggapin ang mga positibong bagay. Halimbawa, may ilang taong nagkakasakit, at ang totoo, ang kanilang karamdaman ay maaaring mapagaling sa pamamagitan ng ehersisyo at mga pagsasaayos sa kanilang pang-araw-araw na gawi, ngunit ipinipilit nilang gumamit ng mga makabago at high-tech na paraan at metodo para sa pagpapagamot. Maaari mong sabihin, “Bagama’t maunlad na ngayon ang medisina, at ang panggagamot na iyon ay may malilinaw na resulta, mayroon itong mga naiiwang epekto, na ang mga kahihinatnan ay hindi na maibabalik sa dati. Dapat kang gumamit ng isang natural na pamamaraan—gaya ng ehersisyo, pagsasaayos ng iyong pang-araw-araw na gawi, at pagsasaayos ng iyong mga gawi at pattern sa pagkain—upang unti-unting magkaroon ang iyong katawan ng isang normal at natural na takbo, at pagkatapos nito ay unti-unting mababawasan ang ilang sintomas.” Kayang tanggapin ng ilang tao ang ganitong uri ng pananaw, ngunit hindi ito kaya ng iba. Iniisip nila, “Isa iyang makalumang pamamaraan. Iyan ang paraan at pilosopiya ng panggagamot ng sangkatauhan sa mga sakit libo-libong taon na ang nakalipas. Ang ideya na ang paggaling ay tatlumpung porsiyentong gamutan at pitumpung porsiyentong pamamahinga ay hindi na epektibo ngayon! Maunlad na ang medisina ngayon, at ang mga high-tech na paggamot ay nagdudulot ng mabibilis na resulta. Pinapagaling ka ng mga gamot sa isang iglap!” Ayon sa kanilang mga pananaw, hangga’t maunlad ang medisina at kayang gamutin ang iba’t ibang sakit ng sangkatauhan at nagpapahintulot ito sa mga tao na mabuhay nang matagal, ang medisina ay naging isang positibong bagay na, at dapat maniwala ang mga tao sa medisina at maniwala sa agham, at hayaan ang agham na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang mga tadhana. Iniisip nila na gaano man karaming sakit ang dumapo sa mga tao, walang dapat ikatakot—sa pamamagitan ng mga high-tech na paraan, anumang komplikado at mahirap gamuting sakit ay maaaring malunasan, at na, kahit na may mga naiiwang epekto, hindi ito dapat ikabahala. Tumpak ba ang mga pananaw na ito? Ang mga iyon ay mga maling kaisipan. Sabihin mo sa Akin, kung kakausapin mo ang ganitong uri ng tao tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay, maipapaintindi mo ba sa kanila ang mga ito? Matatanggap ba nila ito? (Hindi, hindi namin maipapaintindi sa kanila ang mga ito.) Isang dahilan kung bakit hindi mo sila mapaiintindi ay dahil sila mismo ay hindi kayang tumanggap ng mga positibong pananaw. At ang isa pa ay dahil ang buong sangkatauhan sa buong mundo ay tinatangay ng masasamang kalakaran, nang walang kahit isang eksepsiyon. Bagama’t nananampalataya sila sa Diyos, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila tinatanggap ang mga positibong bagay, at hindi nila tinitingnan ang mga tao at mga bagay batay sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit pa rin nila ang mga pananaw ni Satanas at ang masasamang kalakaran ni Satanas bilang mga batayan sa pagtingin o pagtrato sa bawat usapin. Samakatwid, bagama’t ang ganitong uri ng tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, nakarinig na ng ilang sermon, at gumagawa na ng kanilang tungkulin, at sinasabi nilang handa silang tanggapin ang katotohanan, ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay sa totoong buhay ay nananatiling hindi nagbabago, at hindi rin sila nagbago sa kung ano ang pinipili nila sa pagitan ng mga negatibong bagay at mga positibong bagay. Ang mga negatibong bagay na tinanggap nila ay nakaugat na sa kanilang mga puso, at kahit pa alam nilang ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, panghahawakan pa rin nila ang mga ito. Lubos nitong ipinapakita na ang tunay na minamahal nila sa kanilang puso ay mga negatibong bagay, hindi ang katotohanan. Kahit na nabasa na nila ang mga salita ng Diyos at nakarinig na sila ng mga sermon tungkol sa katotohanan, at nauunawaan nila sa usapin ng doktrina na ang mga salitang ito ay tama at ang katotohanan, ayaw pa rin nilang isuko ang mga negatibong bagay na matagal na nilang tinanggap sa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi nila kailanman ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan upang makilatis ang mga negatibong bagay. Kapag humaharap sila sa mga partikular na usapin, sa kanilang puso, kumakapit pa rin sila sa kanilang orihinal at maling mga pananaw, at itinuturing pa rin nila ang mga negatibong bagay bilang mga positibong bagay, at ang mga maling pananaw bilang mga tamang pananaw. Pagdating naman sa mga positibong bagay, bagama’t hindi nila hayagang sinasabi na ang mga ito ay mga negatibong bagay, sa kanilang puso ay ayaw nilang isuko ang mga negatibong bagay at tanggapin ang mga positibong bagay, dahil pakiramdam nila ay, “Ang mga positibong bagay ay tila napakaliit ng impluwensiya, at napakakaunting tao ang makakatanggap sa mga ito. Hindi praktikal ang mga ito sa lipunan—isa itong obhetibong katunayan.” Pinapatunayan nito na wala silang abilidad na makilatis ang tama sa mali sa kanilang puso, at na may problema sa kanilang pagkatao. Ang ganitong uri ng tao ay hindi interesado sa mga positibong bagay, at madalas na gustong baguhin ang kalikasan, baguhin ang mga batas ng kalikasan para sa pananatiling buhay, baguhin ang mga batas ng pisyolohiya ng tao, at baguhin ang mga batas para sa pananatiling buhay ng tao, palaging gustong lupigin ang kalikasan at lupigin ang iba’t ibang nilalang na may buhay. Halimbawa, palagi nilang pinagninilayan ang mga bagay na tulad nito: “Paano natin mabibigyan ang mga aso ng mga gene ng pusa, para makahuli ang mga aso ng daga tulad ng ginagawa ng mga pusa? At hindi ba’t napakaganda sana kung ang mga pusa ay parehong makakahuli ng daga at makakapagbantay ng bahay tulad ng mga aso?” “Kung ang mga inahing manok ay parehong mangingitlog at makakatilaok, kailangan lang nating mag-alaga ng mga inahing manok—napakaganda niyon!” Nakikita mo, palagi silang nag-iisip-isip ng mga hindi wastong bagay. Kung ito ay isang taong nakakakilatis ng tama sa mali, iisipin niya, “Napakaganda ng mga hayop na nilikha ng Diyos! Tumitilaok ang mga tandang at sinasamahan ang mga inahing manok, at nangingitlog ang mga inahing manok at nagpapapisa ng mga sisiw, at parehong makakain ng mga tao ang karne ng mga tandang at inahing manok. Napoprotektahan ng mga aso ang tahanan at sinasamahan ang kanilang mga amo, at nakakahuli ng mga daga ang mga pusa, at kung minsan ay maaari din silang maging hindi kapansin-pansing mga miyembro ng pamilya. Napakaganda ng lahat ng ito, bawat isa ay may sarili nitong silbi—mabuti ang lahat ng nilikha ng Diyos!” Ngunit yaong mga hindi nakakaunawa sa mga positibong bagay ay gumagamit ng mga pananaw ni Satanas upang itanggi at kondenahin ang mga ito, at susubukan pa nga nila, batay sa mga pananaw ni Satanas, na baguhin ang mga batas sa pananatiling buhay ng iba’t ibang nilalang, na baguhin ang iba’t ibang batas ng kalikasan, at maging baguhin ang mga batas sa pananatiling buhay ng tao, lahat ay upang hayaan ang agham na magkaroon ng kapangyarihan. Ang gayong mga tao ay tiyak na walang normal na pagkatao. Ang kanilang pagkatao ay walang katangian ng kakayahan na makakilatis ng tama sa mali. Dagdag pa rito, hindi nila alam kung paano pamahalaan ang kanilang buhay ayon sa mga likas na batas, at palagi nilang gustong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kalooban ng tao, gamit ang mga teknolohikal na paraan o artipisyal na pamamaraan upang baguhin ang mga normal na batas ng pisikal na buhay. Halimbawa, kailangan ng isang normal na tao ng pito o walong oras ng pahinga sa isang araw upang mapuno ng lakas at kayaning maitaguyod ang isang araw ng pamumuhay at pagtatrabaho, ngunit ang ganitong uri ng tao ay nagbubulay-bulay, “Hindi ba’t napakaganda sana kung ang mga tao ay maaaring mamuhay at magtrabaho nang normal sa bawat araw nang hindi kinakailangang matulog o kumain? Anong mga high-tech na paraan kaya ang magagamit para makamit ito?” Ang mga katawa-tawa at kakatwang ideya ay maaaring basta na lang sumulpot sa kanilang isipan. Hindi nila pinagbubulayan kung paano umangkop at sumunod sa mga batas na ito mula sa perspektiba ng normal na pagkatao at sa gayon ay wastong harapin ang iba’t ibang pangangailangan at isyu ng laman, kundi sa halip ay palagi nilang gustong baguhin ang mga batas na ito, upang maging iba sa mga ordinaryong tao, upang malampasan ang kanilang mga pisikal na instinto, at upang hindi makontrol o mapigilan ng kanilang laman. Hindi ba’t nakakatakot ito? Palagi nilang gustong mamukod-tangi sa karamihan. Ang iba ay natutulog nang walong oras sa isang araw, ngunit gusto nilang matulog nang sampung minuto lamang, o sa pinakamahaba ay isa o dalawang oras, at magkaroon pa rin ng sapat na lakas para sa buong araw. Ito ay isang bagay na hindi kayang makamit ng mga normal na tao. Ang mga likas na batas ng katawan ng tao ay naitakda na sa ilalim ng pag-orden ng Diyos. Kung gaano kagana sa pagkain ang isang tao, kung ano ang mga batas ng paggana ng kanyang mga laman-loob, kung gaano karaming lakas mayroon ang isang tao, kung gaano karaming gawain ang magagawa niya sa isang araw, kung gaano karaming bagay ang kayang pag-isipan ng kanyang utak sa isang araw, at kung gaano katagal niya kayang pag-isipan ang mga ito—lahat ng ito ay nakatakda na. Mula sa perspektiba ng pagkatao, ang mga batas na ito ay talagang normal, at ang mga ito ay mga positibong bagay. Sa pamamagitan ng pagsunod sa ilang batas, saka lang maaaring magpatuloy na mabuhay taon-taon ang sangkatauhan, maaaring magpatuloy na magparami at mabuhay sa mga sunod-sunod na salinlahi, at maaaring patuloy na mabuhay ang sangkatauhan. Ganito ito para sa lahat ng nilalang na may buhay. Sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa ilang likas na batas at ilang batas ng buhay, at sa pagkakaroon ng mga panahon ng kapwa pamamahinga at aktibidad, mapapanatili ang pagpapatuloy ng kanilang buhay. Kung lalabagin ng isang tao ang mga likas na batas, magkakaroon ng mga problema ang pagpapatuloy ng kanyang buhay, at maaaring hindi siya mabuhay nang napakatagal. Kung magkaroon ng problema sa pisikal na kondisyon ng isang tao, ang kanyang normal na buhay, ang kanyang pang-araw-araw na pagkain, pati na rin ang kanyang normal na pag-iisip, normal na paghusga, at ang dami ng gawaing magagawa niya sa isang araw, at iba pa ay pawang maaapektuhan. Samakatwid, pinoprotektahan ng mga likas na batas ng sangkatauhan ang normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ang mga ito ay mga positibong bagay at hindi dapat hamakin ng mga tao, at hindi rin dapat maging tutol ang mga tao sa mga ito. Sa halip, dapat nilang igalang at sundin ang mga ito. Ang mga di-tao na kay Satanas ay palaging naiisip, “Ang pagsunod sa mga likas na batas na ito ng sangkatauhan ay nagpapamukha sa mga tao na lubos na walang kakayahan at walang silbi! Palagi tayong nililimitahan ng mga likas na batas na ito—kapag pagod ka, kailangan mong matulog; kapag gutom ka, kailangan mong kumain. Kung hindi mo gagawin ang mga bagay na ito, hindi makakasabay ang isip mo sa iyong bibig, magsisimulang manginig ang iyong mga kamay, magsisimulang kumabog ang iyong puso, at manghihina ang iyong mga binti at hindi ka makakatayo nang matatag. Napakaproblematiko nito! Isipin mo na lang, paano kung puwedeng uminom ka lang ng gamot at mamuhay nang normal, o kung puwede kang mapuno ng lakas kahit hindi nagpapahinga nang ilang araw, na gagawin kang mas kahanga-hanga pa kaysa sa isang robot. O isipin mo na kapag gutom ka, puwedeng pindutin mo lang ang isang partikular na acupoint at agad na hindi makaramdam ng gutom. O isipin mo, paano kung hindi ka kumain nang ilang araw at maayos ka pa rin, na hindi nangangayayat ang iyong laman, hindi nababawasan ang iyong lakas, at normal at malusog pa rin ang iyong katawan. Napakaganda niyon!” Palaging gustong baguhin ng mga tao ang mga likas na batas na ito. Hindi ba’t ito ay pagtanggi at pagsalungat sa mga positibong bagay? (Oo.) Tinitiyak ng pag-iral ng mga positibong bagay na ito ang normal na pag-iral ng sangkatauhan at pinapanatili nito ang normal na buhay ng sangkatauhan, kaya hindi lamang dapat sundin ng mga tao ang mga ito kundi dapat din nilang tratuhin nang makatwiran. Hindi nila dapat labagin ang mga ito, pigilan ang mga ito, o salungatin ang mga ito, at lalong hindi nila dapat tutulan ang mga ito. Sa kabilang banda, yaong mga bagay na lagpas sa mga likas na batas ng sangkatauhan, ang mga imahinasyon ng mga tao, ang ilan sa kanilang mga abnormal na ideya at ekstraordinaryong kilos ay pawang mga negatibong bagay. Dahil lahat ng iyon ay mga negatibong bagay, dapat kilatisin at talikuran ng mga tao ang mga ito, hindi tanggapin ang mga ito. Kung mayroon kang pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay, at kaya mong tratuhin nang wasto at harapin nang makatwiran ang mga ito habang namumuhay ka, kung gayon, normal ang iyong pagkatao. Kung madalas mong hindi nararamdaman ang mga positibong epekto ng mga positibong bagay na ito sa iyo, at madalas mong gustong salungatin ang mga ito at gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ito, at madalas mong sinusubukang baguhin ang mga positibong bagay na ito batay sa ilang negatibong pahayag at pananaw, sa paggawa niyon, nilalabag ang mga obhetibong batas ng mga bagay, kung gayon, pinapatunayan nito na, sa usapin ng iyong pagkatao, wala kang abilidad na makilatis ang tama sa mali. Matapos makapagbahaginan sa ganitong paraan, nauunawaan mo na ba ngayon? (Oo.)
Kung ang isang tao ay may pagkatao, hindi ba’t dapat niyang maunawaan kung ano ang mga positibong bagay at tanggapin ang mga ito? (Oo.) At hindi ba’t dapat din niyang makilatis ang mga negatibong bagay, habang kasabay nito ay kaya niyang kamuhian at talikuran ang mga ito mula sa kanyang puso? (Oo.) Kung gayon, ano pang ibang mga bagay ang hindi matukoy ng mga tao bilang positibo o negatibo? Ang pananampalataya at pagsunod ba sa Diyos ay isang positibo o negatibong bagay? (Isang positibong bagay.) Ang kataas-taasang kapangyarihan ba ng Diyos sa tadhana ng tao ay isang positibo o negatibong bagay? (Isang positibong bagay.) Ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tadhana ng tao ay isang positibong bagay. Kung gayon, ano ang mga pangunahing pananaw na pundasyon ng pagsalungat ng tiwaling sangkatauhan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot ng Diyos? (Naniniwala ang mga tao na ang tadhana ng isang tao ay nasa sarili niyang mga kamay, at na kayang baguhin ng kaalaman ang tadhana ng isang tao.) Ito ang mga pananaw na pundasyon ng pagkakaila ng tiwaling sangkatauhan sa Diyos at paglaban sa Diyos; ang mga ito ay tunay na mga negatibong bagay. Kung gayon, paano dapat arukin ng mga tao ang usapin ng pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao? Ang ilang tao, bagama’t bilang usapin ng doktrina ay kinikilala nila na ang pahayag na “Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao” ay tama at isang positibong bagay, ay naniniwala pa rin sa kanilang puso na kayang baguhin ng sariling pagsisikap ng tao ang kanyang tadhana, na ang kanyang tadhana ay maaaring nasa kanyang sariling mga kamay, at nasa kanya ang huling pasya. Pakiramdam nila, kung hindi sila mag-aaral nang mabuti at magsisikap, hindi sila makakapasok sa isang magandang unibersidad, at hindi magkakaroon ng magandang trabaho, magandang kinabukasan, o magagandang kondisyon sa pamumuhay. Sila ba ang uri ng mga taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Pagkatapos mabuhay nang dalawampu o tatlumpung taon, hindi pa rin nila alam kung ano ang kahulugan ng pahayag na “Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao.” Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos ngunit iniisip pa rin nila na ang kanilang tadhana ay nasa kanilang sariling mga kamay, na kayang baguhin ng kaalaman ang kanilang tadhana, at na kung gusto nila ng isang magandang destinasyon at magtamasa ng magagandang bagay at mamuhay ng magandang buhay, dapat silang umasa sa kanilang sariling pagsisikap—tulad nga ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kailangan mong itaya ang lahat para manalo.” Ito ba ang uri ng taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Ang isang tao ba na hindi makakilatis ng tama sa mali ay isang tao? (Hindi.) Nagtatamasa sila ng magandang buhay, kumakain at nagdadamit nang maayos, at lubos na iginagalang ng iba sa lipunan, at pakiramdam nila na ang buhay na mayroon sila ngayon ay pawang dahil sa kanilang sariling pagsisikap. Samakatwid, naniniwala sila na ang pahayag na “Kailangan mong itaya ang lahat para manalo, at ang tadhana ng tao ay nakasalalay sa kanyang sarili, hindi sa iba” ay totoo at isang tamang pananaw. Isa ba itong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Bago magkaroon ng kaalaman ang mga tao, hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito, ngunit sa sandaling magtamo na sila ng kaunting kaalaman, lubusan nilang itinatanggi ang pahayag na “Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan,” at sa halip ay iniisip, “Ang tadhana ng isang tao ay nasa kanyang kamay; kayang lumikha ng isang tao ng kaligayahan gamit ang sarili niyang mga kamay.” Ito ba ang uri ng taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng nilalang ang gayong tao? Hindi ba’t wala siyang pagkatao? (Oo.) Ang gayong tao ay isang taong walang konsensiya at katwiran, at ang isang taong walang konsensiya at katwiran ay hindi makakakilatis ng tama sa mali. Kahit na tunay na niyang naranasan ang mga katunayan ng buhay, hindi pa rin niya tunay na maaarok kung ano ang mga positibong bagay, ni tunay na mapapahalagahan kung ano ang diwa ng mga positibong bagay. Ipinapakita nito na hindi niya kayang makilatis ang tama sa mali. Ang gayong tao ay walang pagkatao; siya ay talagang hindi isang tao. Mayroon ding ilang tao na kayang bumigkas ng doktrina, na magsabing, “Ang mga batas ng lahat ng bagay ay mula sa Diyos, ang mga ito ay mga positibong bagay, ang mga ito ay kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, at ang mga ito ang dapat sundin ng sangkatauhan, at kung ano rin ang dapat hangarin at pagsumikapan ng sangkatauhan,” ngunit pagkatapos makasalamuha ng ilang high-tech na impormasyon at high-tech na bagay, nagbabago ang kanilang mga pananaw sa mga usaping ito. Magiging anong uri ng mga pananaw ang mga ito? Sinasabi nila, “Tayong mga mananampalataya sa Diyos ay palaging nagsasalita tungkol sa mga batas ng pamumuhay, mga batas ng lahat ng bagay, at mga batas ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at iniisip nating ang mga ito ay mga positibong bagay. Napakaatrasado niyan! Nagpapakita ito ng kawalan ng kaalaman, tulad ng pagkakaroon ng makitid na pananaw! Napakaunlad na ng teknolohiya ngayon; maraming bagay na hindi mo kailangang gawin ng ikaw mismo, dahil kayang gawin ng mga teknolohikal na produkto para sa iyo ang mga ito—iyan ang tinatawag na maunlad! Tingnan mo, umaandar ang ilang sasakyan kahit walang nagmamaneho. Pagkasakay mo sa kotse, itatakda mo ang destinasyon, at pagkatapos ay magsasabi ka lang ng isang salita at aandar na ang kotse. Iyan ay tunay na high-tech, labis na kahanga-hanga! Nakabuo na ang sangkatauhan ng maunlad na teknolohiya, at tayo ay naging mga panginoon na ng lahat ng bagay nang walang anumang ginagawa. Kaya, tanging agham lamang ang ganap na katotohanan! Ang mga taong kulang sa edukasyon at kaalaman at hindi nakakaunawa sa agham ay atrasado at walang pinag-aralan!” Nagbago na ang pananaw nila, hindi ba? Sa kanilang puso, hindi nila nakilatis ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Mayroon ding ilang tao na, pagkatapos bumisita sa isang museo ng aviation, ay napapabulalas, “Wow, nakakamulat naman ito, napakaunlad ng agham! Pakiramdam nating mga ordinaryong tao ay lubos na hindi iyon abot ng ating pang-unawa—wala tayong anumang maintindihan dito. Hindi mo man lang maiisip ang antas na narating na ng agham ngayon. Ni hindi pa nga tayo nakakagamit ng mga maunlad at makabagong teknolohikal na bagay na iyon! At nananampalataya pa rin tayo sa Diyos, at nagsasalita tungkol sa mga likas na tuntunin at batas—labis tayong atrasado!” Pagkatapos makita ang mga nakakasilaw na bagay na ito ng modernong lipunan, lubusang itinatanggi ng gayong mga tao mula sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga teorya tungkol sa mga positibo at negatibong bagay na dati nilang nauunawaan. Hindi nila mas malinaw na tinutukoy kung ano ang mga positibong bagay, sa halip ay naniniwala sila na ang mga positibong bagay ay atrasado at nahuhuli sa modernong teknolohiya at sa modernong takbo ng pag-unlad ng tao. Hindi lang iyan, kundi partikular din nilang sinasang-ayunan at hinahangad ang mga negatibong bagay na ito, umaasang maging isa sa mga bumubuo ng moderno at maunlad na teknolohiya. Ang ganitong uri ba ng tao ay isang taong nakakaunawa ng tama sa mali? (Hindi.) Dahil ang kakayahang makilatis ang tama sa mali ay isang katangian ng pagkatao, kasunod nito na ito ay isang bagay na likas at katutubo sa pagkatao, hindi isang bagay na nabubuo sa paglaon. Ibig sabihin, ang kakayahang makilatis ang tama sa mali, ang katangiang ito ng pagkatao, ay hindi magbabago sa paglipas ng panahon, o sa mga pagbabago sa heograpikal na kapaligiran o sa mga tao, pangyayari, at bagay. Walang sinuman ang makakapagbago nito, at walang anumang bagay ang makakapagbago o makakaalis nito. Sa kaibuturan ng puso ng mga taong nakakakilatis ng tama sa mali, ang mga positibong bagay ang palagi nilang hinahangad, habang ang mga negatibong bagay ang palagi nilang tinututulan at kinasusuklaman, at ang hindi kailangan ng kanilang pagkatao. Ano ang kailangan nila? Kailangan nila ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga batas ng pisikal na buhay at sa kanilang pisikal na pananatiling buhay, mga bagay na natural, na nagpapadama sa mga tao ng kapayapaan at katahimikan, at na umaayon sa mga pangangailangan ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, hindi mga bagay na engrande, matayog, at kahanga-hanga. Nakikita mo, pagdating sa kung paano umasal ang isang tao, gusto ng ilang tao na ang kanilang buhay ay medyo mas simple at hindi magarbo; ayaw nilang mamuhay ng buhay na kapansin-pansin, kundi gusto lang nila ang payapang buhay, at ang magkaroon ng kapayapaan at kagalakan, ang mamuhay nang napakatahimik. Gayumpaman, ang ibang mga tao ay hindi ito gusto; gusto nilang mamuhay ng buhay na kapansin-pansin, gusto nila ng mga bagay na engrande, matayog, at kahanga-hanga, gusto nilang magtanghal, gusto nilang maging katangi-tangi sa karamihan at maging tanyag, at hindi nila gusto ang pagiging simple o pagiging natural. Ipinapakita nito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkatao ng mga tao.