Paano Hangarin ang Katotohanan (15) Ikalawang Bahagi
C. Pagiging Kakatwa
Pagkatapos magbahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng kalaswaan, kahalayan, at seksuwal na pang-aakit sa loob ng pagkalihis sa mga nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo, pagbahaginan natin ang isa pang pagpapamalas ng pagkalihis—ang pagiging kakatwa. Ang salitang “kakatwa” ay sumasaklaw sa maraming nilalaman, na tiyak na may ilang kaugnayan sa mga partikular na pagpapamalas ng pagiging kakatwa. Bukod sa pagiging kakatwa, mayroon ding mga pagpapamalas tulad ng pagiging higit sa likas, sukdulan, at hindi normal; ang lahat ng ito ay mga lihis na pagpapamalas ng mga taong mga Satanas at mga diyablo. Ang mga aspektong ito—ang pagiging kakatwa, higit sa likas, sukdulan, at hindi normal—ay mga bagay na nakikita ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay o sa kanilang mga pakikisalamuha sa iba paminsan-minsan. Magsimula tayo sa pinakamalulubhang kaso, pagkatapos ay talakayin ang mga hindi gaanong malubha. Ano’t anuman, paano man ito magpamalas, lahat ng ito ay kinasasangkutan ng kalikasang diwa ng pagkalihis. Ang pinakamalubhang sitwasyon ay ang madalas na pagsasalita sa maraming wika. Partikular ito lalo na sa panahon ng pananalangin sa mga pagtitipon, kung saan maaari silang magsalita ng maraming kakatwang wika na hindi wika ng anumang bansa at na walang sinumang makaintindi. Kapag nangyayari ito, hindi na ang tao mismo ang nagsasalita, kundi sa halip ay pinaghaharian na sila ng ibang espiritu. Maging sila mismo ay hindi alam kung ano ang sinasabi nila; hindi nila ito natutunan, ni walang sinumang nagturo sa kanila, ngunit sa isang partikular na sitwasyon, basta na lang nila itong sinasabi. Minsan ay kusa silang nagsasalita sa maraming wika, minsan ay pasibo; minsan ay namamalayan nila, minsan ay hindi nila namamalayan. Hindi ba’t napakakakatwa nito? Pagkatapos nilang magsalita, kung hihilingin mo sa kanilang gawin itong muli, hindi nila kaya. Kung tatanungin mo sila kung ano ang sinabi nila, hindi rin nila alam. Ito ay isang uri ng sitwasyon. Mayroon ding mga tao na madalas na nakakarinig ng mga boses na hindi naririnig ng mga normal na tao. Halimbawa, maaari nilang marinig ang isang taong malapit na nagsasalita sa kanila, pero walang sinumang nakikita o naririnig ang iba. Sa katunayan, nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan sila sa mga hindi kilalang nilalang. Nagsasalita sila nang may matinding sigasig, at hindi mo sila mapigilan sa pagsasalita o hindi ka makasingit ng salita. Higit pa rito, ang nilalaman ng kanilang pananalita ay walang-saysay; biglang lumalabas ang mga salita nang walang kaugnayan at walang dahilan. Bilang isang tagamasid, ang panonood dito ay nagdudulot sa iyo ng takot at nagpapakilabot sa iyo. Hindi ba’t napakakakatwa ng gayong mga pagpapamalas? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay madalas ding nakakakita ng mga kakatwang bagay, mga bagay na hindi nakikita ng mga mata sa materyal na mundo. Halimbawa, nakikita ng ilan ang mga yumaong kamag-anak na kumakaway, ngumingiti, o tumatango sa kanila, o binabati pa nga sila. Labis silang nasasabik pagkatapos makita ito. Mayroon pa ngang ilang tao na madalas na nakakakita ng mga taong nakaitim na lumalapit at gumagapos sa kanila; nagpupumiglas sila at napapasigaw, “Pakawalan ninyo ako! Hindi ako sasama! Hindi ako pupunta kahit saan!” Tinatanong sila ng mga tao sa paligid nila kung ano ang problema, pero hindi nila nararamdaman na may sinumang kumakausap sa kanila at patuloy lang sa pagpupumiglas, sumisigaw, “O Diyos, iligtas Mo ako! …” Natatakot at umaalis ang mga taong nakaitim, at pagkatapos ay bumabalik sila sa normal. Pagkatapos matauhan, tinatanong nila ang mga nasa paligid nila kung nakita ng mga ito ang mga taong nakaitim. Hindi nakikita ng mga normal na tao ang mga ito; magiging isang malubhang problema kung makikita nila ang mga ito. Pero ang mga indibidwal na ito ay nakakakita at nakakaramdam sa mga ito. Mayroon pang isang uri ng sitwasyon: Ang ilang tao ay karaniwang tahimik, hindi mahilig magbiro o mag-ingay, pero sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang silang nagsisimulang umikot sa kinatatayuan nila, umiiyak, tumatawa, gumagawa ng gulo, at pinagpapawisan nang husto. Mayroon pa ngang ilan na biglang gumagapang sa lupa na parang mga ahas, o ilan na lumalakad na parang mga pato. Ang isang buhay na tao ay biglang nagiging isang hayop; ang kanilang asal at kilos ay nagiging eksaktong tulad ng sa isang hayop, ganap na naiiba sa isang tao. Ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito paminsan-minsan. Hindi ba’t kakatwa ito? (Oo.) Hindi ba’t higit sa likas ang mga kakatwang pagpapamalas na ito? (Oo.) Ang mga pagpapamalas na ito ay lubos na higit sa likas. Ang higit sa likas ay nangangahulugang hindi normal, lampas sa natural o normal na mga sitwasyon—ito ay tinatawag na higit sa likas. Ito ay hindi pangkaraniwan, naiiba sa mga normal na pagpapamalas ng mga ordinaryong tao; ito ay hindi normal. Ito ay tinatawag na pagiging kakatwa, higit sa likas, hindi normal. Siyempre, walang kinalaman ang mga pagpapamalas na ito sa pagiging sukdulan, pero kung huhusgahan mula sa kalikasan ng pagiging kakatwa, higit sa likas, at hindi normal, ang mga pagpapamalas na ito ay may isang lihis na diwa at hindi umaayon sa mga pagpapamalas ng mga normal na tiwaling tao ng laman. Ang mga normal na tao ng laman ay nalilimitahan, napipigilan, at kinokontrol ng mga instinto ng tao, malayang kalooban, normal na pag-iisip, katwiran, at ng iba’t ibang normal na abilidad ng tao. Pero ang mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pagpapamalas na ito sa mga diyablo ay lumampas na sa saklaw ng mga normal na instinto ng tao, malayang kalooban, mga abilidad, normal na pag-iisip, at normal na katwiran. Ibig sabihin, hindi na sila kontrolado ng normal na pagkatao; wala na sila sa kontrol. Ang pagiging wala sa kontrol ay nangangahulugan ng pagkilos nang hindi normal. Nakikita sa kanila ang ilang di-pangkaraniwang pagpapamalas at pagsasagawa na hindi dapat ipakita ng mga normal na tao. Nangangahulugan ito na ang gayong mga tao ay hindi kontrolado ng normal na katwiran, normal na pag-iisip, o malayang kalooban, kundi kontrolado at pinakikilos ng isang bagay na panlabas o ng isang masamang espiritu, na nagiging sanhi para gumawa sila ng mga bagay na lumalampas sa normal na pagkatao, mga bagay na di-maarok, nakalilito, at nakakakilabot pa nga sa iba. Ito ay tinatawag na pagiging kakatwa, higit sa likas, hindi normal. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t lihis ang mga pagpapamalas na ito? (Oo.) Ang mga kakatwang pagpapamalas na ito ay tiyak na matatawag na lihis. Ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo ay may maraming kakatwang pagpapamalas. Halimbawa, madalas na nakakarinig ang ilang tao ng isang taong kumakausap sa kanila sa isang paraang hindi maipaliwanag, pero hindi ito naririnig ng iba. Madalas din silang nakakarinig ng isang tinig sa kanilang isipan na nakikipag-usap sa kanila, tinatagubilinan silang gawin ito o iyon. Palaging nakikita ng ilan ang mga bagay na hindi nakikita o nararamdaman ng mga normal na tao. Sinasabi nila, “Nakita ko ang isang pulutong ng mga sundalo na dumadaan sa kalsada, na may bilang na tatlo hanggang limang daan kung hindi man ay isa o dalawang libo, na may mga kanyon at tangke—napakalakas ng dagundong!” Hindi nakikita ng iba ang mga bagay na ito, pero nakikita nila. Hindi natin pinagtutuunan ng pansin kung ang nakikita nila ay batay sa katunayan o isang penomenon mula sa espirituwal na mundo; ang mismong katunayan na kaya nilang makita ang mga bagay na ito ay lubhang di-pangkaraniwan. Bakit Ko sinasabing ito ay di-pangkaraniwan? Bakit Ko sinasabing isa itong pagpapamalas ng pagkalihis? Dahil ang anumang organong pandama ng isang normal na taong nilikha ng Diyos ay may mga partikular na limitasyon sa kung ano ang kaya nitong maramdaman, maging ito man ay ang nakapalibot na kapaligiran o ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid niya. Lahat ng ito ay nararamdaman sa loob ng saklaw na kayang abutin ng mga instinto ng laman; ito man ay kung ano ang nakikita, naririnig, naaamoy, o nararamdaman ng laman, mayroong mga limitasyon. Ano ang tinutukoy ng mga limitasyong ito? Tumutukoy ang mga ito sa pagiging nalilimitahan sa saklaw ng materyal na mundo. Kung gayon, bakit binigyan ng Diyos ang mga tao ng gayong mga organong pandama? Ito ay para ang anumang bagay na hindi kabilang sa materyal na mundo, ito man ay isang positibo o negatibong bagay mula sa espirituwal na mundo, ay hindi makagambala sa buhay ng mga tao, hindi makagambala sa alinman sa mga organong pandama ng mga tao, at hindi makaapekto sa kaayusan at mga kalakaran ng buhay ng mga tao sa materyal na mundo. Samakatwid, ang mga tao ay nabubuhay sa materyal na mundong ito, at anuman ang iba pang umiiral sa labas ng materyal na mundo, hindi ka papayagan ng Diyos na makita, marinig, o maramdaman ang mga bagay na ito nang lampas sa saklaw ng iyong mga organong pandama ng laman. Ito ay para protektahan ang iyong isipan at katwiran mula sa panghihimasok ng anumang mga nilalang sa labas ng materyal na mundo, na nagpapahintulot sa iyong mamuhay nang normal. Hangga’t normal ang isipan at katwiran ng isang tao, normal na gagana ang kanyang malayang kalooban, magiging normal ang kanyang paghusga, at lahat ng aspekto ng kanyang mga likas na kondisyon ng tao ay mananatili sa orihinal na kalagayan ng mga ito, hindi napinsala. Ano ang tinutukoy ng hindi napinsala? Nangangahulugan ito na ang iyong sistema ng nerbiyos, ang iyong mga organong pandama, ang iyong kakayahan, at lahat ng iba pang aspekto ng iyong mga likas na kondisyon ay normal at maayos sa loob ng saklaw ng buhay sa laman. Kapag normal ang isipan at katwiran, magiging normal ang lahat ng aspektong ito ng isang tao at magagawang mapanatili ang kanilang orihinal na kalagayan. Kung ang kayang maramdaman ng mga organong pandama ng isang tao ay lumampas sa saklaw na kayang abutin ng laman at hindi na ito napipigilan ng limitasyong ito, lilitaw ang mga problema sa kanyang isipan at katwiran; maiimpluwensyahan, mapipinsala, at magugulo siya ng mga bagay mula sa labas ng materyal na mundo. Kung magkagayon, lilitaw ang mga problema sa kanyang mga nerbiyos, at masisiraan siya ng bait. Anong uri ng sitwasyon ang idudulot nito? Magkakaroon siya ng sakit sa pag-iisip; mababaliw siya, magsasalita nang walang katuturan, tatakbo sa paligid nang walang kahihiyan, iiyak at gagawa ng gulo. Ang gayong tao, kung magkagayon, ay ganap nang nawasak. Ano ang tinutukoy ng pagiging nawasak? Nangangahulugan ito na may ibang bagay na pumasok sa puso ng tao, ginugulo at pinipinsala ang kanyang isipan at katwiran, na nagiging sanhi para hindi makontrol ng normal na katwiran ang kanyang puso kundi ng ibang uri ng bagay. Sa sandaling makontrol ng ibang bagay na iyon ang isang tao, ang panlabas na pagpapamalas, sa medikal na pananalita, ay schizophrenia. Sa sandaling magkaroon ng schizophrenia ang isang tao, normal pa rin ba siyang tao? (Hindi.) Hindi na siya isang normal na tao, at hindi gagawa ang Diyos sa gayong mga tao. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.)
Anong papel ang ginagampanan para sa mga tao ng malayang kalooban, normal na pag-iisip, at konsensiya at katwiran na ibinibigay ng Diyos sa kanila? Hindi ba’t ginagampanan ng mga ito ang papel ng pagprotekta sa isipan at katwiran ng mga tao? (Oo.) Ang pagganap sa papel ng pagprotekta sa isipan at katwiran ng mga tao ay katumbas ng pagganap sa papel ng pagprotekta sa mga tao; tinitiyak ng mga ito na normal ang kalagayang pangkaisipan at katwiran ng mga tao, hindi pinanghihimasukan ng mga bagay sa labas ng materyal na mundo, ni ginugulo ng anumang mga tunog o imahe mula sa labas ng materyal na mundo. Nagpapahintulot ito sa mga tao na manampalataya sa Diyos nang payapa at mamuhay nang normal, at tinitiyak nito ang kanilang personal na seguridad. Isa itong mabuting bagay. Pero ang mga puno ng mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pagpapamalas ay hindi nagtataglay ng malayang kalooban, normal na pag-iisip, at konsensiya at katwiran ng mga normal na tao. Anumang oras, saanmang lugar, kaya nilang makakita ng mga kakatwang bagay o eksenang hindi nakikita ng mga ordinaryong tao, makarinig ng mga tunog na hindi naririnig ng mga ordinaryong tao, o gumawa ng mga bagay na hindi kayang gawin ng mga ordinaryong tao, na nagpapakita ng mga kakatwang pag-uugali. Hindi ito nauunawaan ng mga tao sa paligid nila, at hindi nila kayang makilatis ang diwa ng gayong mga usapin. Ang ganitong uri ng tao ay nagreengkarnasyon mula sa isang diyablo; hindi sila bahagi ng sangkatauhan. Hindi sa binihag sila ni Satanas sa kalaunan ng buhay; sa halip, ang ganitong uri ng tao, sa diwa, ay isang diyablo. Sa madaling salita, ang isipan at katwiran ng isang taong diyablo ay hindi normal mula sa kapanganakan; ibig sabihin, ang kanyang malayang kalooban, pag-iisip, at katwiran ay pawang hindi maayos. Kahit na makatanggap siya ng edukasyon, hindi niya taglay ang mga bagay na ito ng normal na pagkatao. Nakikita mo siyang nagsasalita nang medyo normal sa mga karaniwang sitwasyon kapag hindi siya sinusumpong, pero hindi ito nangangahulugang siya ay normal na tao. Ang pagkakaroon niya ng mga kakatwang pagpapamalas na ito ay nagpapakita na hindi siya normal na tao, kundi hindi-tao—diyablo. Ang mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pagpapamalas niyang ito ay hindi natutunan mula sa sinuman, ni hindi ito naipasa ng sinuman. Kung gayon, paano lumitaw ang mga ito? Ang mga ito ay likas; ang katangian ng gayong tao ay sa isang diyablo. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng katangian ng isang diyablo? Mayroong dalawang kahulugan. Ang unang kahulugan ay na ang ganitong uri ng tao ay nagreengkarnasyon mula sa isang diyablo. Ang pangalawa ay na ipinanganak sila nang walang espiritu ng tao at kalaunan ay sinaniban ng isang diyablo. Sa madaling salita, ang kalikasang diwa ng gayong mga tao ay sa isang diyablo, hindi sa isang tao. Dahil mismo sa hindi sila tao, ang kanilang mga organong pandama at lahat ng aspekto ng kanilang mga likas na kondisyon ay iba at naiiba mula sa mga normal na tao. Sa usapin ng mga organong pandama, madalas nilang nararamdaman ang mga bagay na hindi nararamdaman, nakikita, o naririnig ng mga normal na tao. Sa usapin ng mga instinto ng laman, ang mga bagay na ginagawa o sinasabi nila, ang ilan sa kanilang mga pagpapamalas, ay madalas na nagpaparamdam sa mga tao na lumalampas sila sa saklaw ng mga normal na instinto ng tao; sila ay lubos na higit sa likas. Ano ang ibig sabihin ng higit sa likas? Nangangahulugan ito ng paglampas sa mga instinto ng laman. Hindi kayang lampasan ng mga normal na tao ang saklaw na kayang abutin ng mga instinto ng laman, pero napakadali itong ginagawa ng mga indibidwal na ito; hindi sila kontrolado o nalilimitahan ng mga instinto ng laman, kaya natural na madalas silang nagpapakita ng mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pag-uugali o pagsasagawa. Malinaw na ba sa inyo ngayon ang tungkol sa diwa ng ganitong uri ng tao? (Oo.) Naiinggit ba kayo sa ganitong uri ng tao? (Hindi.) Mabuting bagay ba ang mainggit sa kanila? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Tingnan mo, kaya nilang magsalita ng maraming wika sa panahon ng pananalangin; hindi natin ito maintindihan o masalita. At alam nila ang ilang wika nang hindi nila ito pinag-aaralan. Hindi sila kailanman nagkakasakit, hindi nakakaramdam ng gutom pagkatapos ng ilang araw na walang pagkain, at hindi nakakaramdam ng pagod pagkatapos ng ilang araw na walang tulog.” Sinasabi ng iba, “May kakayahan ang taong ito; kaya niyang makita ang nakaraan at hulaan ang hinaharap, alam ang lahat mula sa astronomiya hanggang sa heograpiya, kayang basahin ang mga kapalaran ng mga tao mula sa kanilang mga mukha, at kayang manghula. Anuman ang hitsura ng isang tao, alam niya ang kapalaran nito sa isang sulyap lang. Talagang isa siyang dalubhasa! Sa gabi, nakikita mo siyang natutulog, pero ang totoo, nagpunta na siya sa Hades para magtrabaho bilang isang lingkod.” Naiinggit ang ilang tao sa ganitong uri ng tao dahil sa mga abilidad nito. Hindi ba’t kahangalan ang mainggit sa gayong mga tao? (Oo.) Nainggit na ba kayo kailanman sa mga taong ito na higit sa likas na may mga espesyal na kapangyarihan, na sinasabing, “Wala akong anumang mga espesyal na kapangyarihan. Kung sana ay may alam lang akong kaunting mahika; kung mainit at gusto ko ng ice cream, sa isang kumpas lang ng kamay ko ay makakapagmahika ako ng ilang ice cream bar—tsokolate, strawberry, anumang flavor ang gusto ko”? Nagkaroon na ba kayo kailanman ng gayong mga kaisipan? Lahat ng tao ay may mga isip-batang kaisipan; kapag malinaw na nakikita ng mga tao na mali ang mga kaisipang ito, natural na kaya nilang bitiwan ang mga ito. Nais talaga ng Diyos na danasin ng mga normal na tao ang buhay, lasapin ang buhay, danasin ang mga saya at lungkot ng buhay, ang iba’t ibang paghihirap at kabiguan nito, at sa proseso ng pagdanas, ay unawain ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kilalanin ang iba’t ibang maling saloobin na taglay ng mga nilikha patungkol sa Lumikha, at pagkatapos ay bumalik sa tamang landas, nagsasakatuparan ng pagsamba sa Diyos at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kapag mayroon ang mga tao ng mga karanasang ito sa buhay, matatanto nila ang katunayan na ang Lumikha ang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao, pagkatapos, sila ay kikilala, maniniwala, at magpapasakop sa katunayan na ang Lumikha ang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao. Pagkatapos, makakabalik sila sa tamang landas at magiging mga wastong nilikha. Huwag mamuhay ayon sa anumang mga hindi makatotohanang kaisipan; hindi kailanman magiging realidad ang mga bagay na iyon. Ang mga higit sa likas, kakatwa, at hindi normal na bagay na iyon ay eksklusibong pag-aari ng mga Satanas at diyablo magpakailanman; walang kinalaman ang mga iyon sa mga normal na tao. Samakatwid, kahit kailan, huwag na huwag mong iisiping maging isang higit sa likas na tao, isang taong puno ng mga espesyal na kapangyarihan, ni isiping lampasan ang sarili mong mga instinto, o ang sarili mong mga limitasyon. Maging isang ordinaryong tao ka lang na nakatapak sa lupa, manatili sa iyong nararapat na lugar, at tuparin ang iyong tungkulin. Ito ang nararapat gawin ng mga tao.
Sa pangkalahatan, malinaw na ba ngayon ang mga pagpapamalas ng pagiging kakatwa sa mga taong mga diyablo? Ang mga ito ay ilang pagpapamalas na pinakamalubha. Malinaw na ipinadarama at ipinauunawa ng mga ito sa mga tao na ang gayong mga tao ay hindi kauri ng mga normal na tao. Nagmumukha silang lubhang naiiba sa gitna ng mga normal na tao. Dahil sa pagiging naiiba, nararamdaman ng mga tao na ang kanilang pag-uugali at asal, pati na rin ang kanilang iba’t ibang pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay, ay partikular na kakatwa, higit sa likas, at hindi normal—naiiba lang talaga sila sa mga ordinaryong tao. Hindi sila nalilimitahan ng mga instinto ng laman, at hindi nila kayang pigilan ang kanilang mga hindi makatwirang pag-uugali, at tila wala silang anumang kamalayan, na para bang sinasaniban sila ng masasamang espiritu. Dapat itong ilarawan bilang isang aspekto ng lihis na kalikasang diwa ng mga diyablo, isang bagay na dapat tanggihan ng mga tao. Ang mga higit sa likas at hindi normal na bagay na ito ay hindi dapat kainggitan, lalong hindi dapat hangarin. Kung dati mong nilayon na hangarin ang pagiging isang higit sa likas na tao o gawin ang mahihiwagang bagay na ito, huminto ka na. Bumalik ka, at malapit na ang pampang. Huwag mong planuhing maging gayong tao. Sa sandaling tahakin mo ang landas na ito at pumasok ang isang diyablo sa iyong isipan, hindi ka na gugustuhin ng Diyos, at ikaw ay mawawasak. Bakit Ko sinasabing ikaw ay mawawasak? Dahil sa sandaling saniban ka ng isang diyablo at kontrolin nito ang iyong isipan, hindi magiging maganda ang kahihinatnan mo. Sa sandaling saniban ka ng isang diyablo, magsisimula itong manghimasok sa iyo, ginugulo ang iyong mga kaisipan at ang iyong utak. Nakikibahagi ito sa iyong pang-araw-araw na buhay, at nakikibahagi ito sa proseso ng iyong pag-iisip kapag isinasaalang-alang mo ang mga tao, pangyayari, at bagay. Kung hindi mo kayang tanggihan ang panghihimasok nito, unti-unti kang mawawalan ng sariling pagpapasya, at sa huli, maamo kang magpapasakop. Kapag ganap ka nang kontrolado ng isang diyablo, sa medikal na pananalita, mada-diagnose kang may schizophrenia, at sa sambahayan ng Diyos, hahatulan ka ng kamatayan. Matatapos ka na. Mawawasak. Ang isang tao bang na-diagnose na may schizophrenia ay isang normal na tao? (Hindi.) Gusto pa ba ng Diyos ang gayong tao? Sa mga mata ng Diyos, anong uri ng tao ito? (Isang hindi-tao.) Sa mga mata ng Diyos, nabihag ka na ni Satanas. Maaaring medyo abstrakto ito pakinggan. Sa madaling salita, nangangahulugan itong kinokontrol ni Satanas ang iyong puso. Nangangahulugan itong si Satanas ang naghahari at may hawak ng kapangyarihan sa iyong puso, at na naging papet ka na ni Satanas. Nangangahulugan itong nabihag ka na ni Satanas. Sa sandaling mabihag ni Satanas ang isang tao, nagiging katulad na siya ng mga taong mga diyablo, at mabilis siyang nagiging kakatwa, higit sa likas, at hindi normal. Ang gayong mga tao ay hindi na maililigtas. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Sinasabi Ko sa iyo na kailangan mong magkaroon ng pagkilatis tungkol sa mga kakatwang pagpapamalas ng mga taong mga diyablo. Pagkatapos magkamit ng pagkilatis, dapat mong layuan ang gayong mga tao at huwag kang lumapit sa kanila. Anuman ang sabihin o gawin nila, huwag kang makibahagi. Huwag mo silang seryosohin. Halimbawa, ipagpalagay na nagsalita sila tungkol sa isang bagay na hinding-hindi mo kayang makita o maramdaman. Ang layunin nila sa pagsasabi nito sa iyo ay para mapalapit sa iyo at para akitin ka. Kung nakakaramdam ka ng pagkamausisa at masidhi mo silang kinaiinggitan at sinusunod, kung gayon ay nasa malaking panganib ka. Bakit Ko sinasabing nasa panganib ka? Dahil ito ay si Satanas na nanlilihis at nang-aakit ng mga tao, at naghahanap ng mga kaluluwang malalamon nito. Kung wala ka man lang pagkilatis kay Satanas at nakakaramdam ka pa rin ng pagkamausisa at inggit, sumuko ka na sa tukso, at malamang na malamang na sasamantalahin ni Satanas ang pagkakataon para gumawa sa iyo. Samakatwid, nasa malaking panganib ka. Lumalapit ka kay Satanas nang walang anumang pagiging mapagbantay—hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Kapag nakita ni Satanas na wala kang anumang pagiging mapagbantay sa kanya, walang tigil ka nitong susubukang tuksuhin at akitin, na parang isang tampalasan. Kung hindi ka tatanggi, ipagpapalagay nitong nagbibigay ka ng tahimik na pahintulot, kaya magpapatuloy ito sa paggawa ng higit pa. Kung palagi kang nakakaramdam ng pagkamausisa tungkol sa mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na bagay na sinasabi ng mga taong mga Satanas, at nagtatanong at nag-uusisa pa nga tungkol sa mga ito, hindi ba’t pinatutunayan nito na interesado ka at hindi ka nasusuklam sa gayong mga bagay? Ang pagiging interesado sa gayong mga bagay ay hindi isang magandang senyales. Kung interesado ka sa mga bagay na ito, sa mga mata ni Satanas, nangangahulugan itong hindi ka interesado sa Diyos, sa katotohanan, o sa mga positibong bagay. Ikinatutuwa niya ito at, natural, masaya itong mag-aabot ng isang “palakaibigang” kamay sa iyo, na naglalayong magsimulang gumawa sa iyo. Sa ganitong paraan, nasa panganib ka. Samakatwid, kapag nakakatagpo ng gayong mga tao, huwag kang basta-basta lumapit sa kanila, at huwag kang maging interesado sa kanila. Sa halip, dapat kang magkaroon ng pagkilatis, magbantay laban sa kanila, at lumayo sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi kami lalapit o magiging interesado sa kanila, paano namin sila makikilatis? Gaya ng kasabihan, ‘Kilalanin mo ang iyong sarili at kilalanin mo ang iyong kaaway, at hindi ka kailanman matatalo.’ Kung hindi kami makikihalubilo sa kaaway, paano namin makikilala ang aming sarili at makikilala ang aming kaaway?” Tama ba ang pahayag na ito? Ito ay tulad ng kapag sumiklab ang isang pandemya, iginigiit ng ilang siyentipiko at mananaliksik na hawakan at pag-aralan ang virus, at bilang resulta, ang ilan ay sila mismo ang nahahawaan ng virus at namamatay. Samakatwid, dapat kang mahigpit na magbantay laban sa mga diyablong iyon na nagpapakita ng mga kakatwa at higit sa likas na pagpapamalas. Mas mabuting maging labis na mapagbantay kaysa bigyan sila ng pagkakataong pinsalain ka. Ito ang matalinong paraan ng pagsasagawa. Sa isang banda, huwag kang maging interesado sa kanila, at huwag kang makipag-ugnayan o lumapit sa kanila. Sa kabilang banda, huwag mong hangarin o tularan ang mga kakatwa at higit sa likas na pagpapamalas nila. Ganito ka rin dapat magsagawa. Kung madalas kang makipag-ugnayan sa mga higit sa likas, kakatwa, at hindi normal na taong ito, at sa iyong kawalan ng pagiging mapagbantay, naiimpluwensyahan ka nila, at palagi mong naririnig at nakikita ang kanilang mga pagpapamalas, nang hindi mo namamalayan, ang kanilang mga kakatwang pagpapamalas ay maitatatak sa iyong puso at alaala. Pagkatapos, nang hindi mo namamalayan, gugustuhin mo silang hangarin at gayahin. Isa itong mas mapanganib pang senyales. Sa sandaling gustuhin mo silang hangarin at gayahin, nangangahulugan iyon na ang mga pananggalang ng iyong puso ay ganap nang gumuho. Katumbas ito ng pagsang-ayon mong hayaan si Satanas na pumasok sa iyong puso para kontrolin at angkinin ka. Dito, isinusuko mo ang iyong sarili kay Satanas, at sa ganitong paraan, mabilis kang makokontrol ni Satanas. Kung gayon, hindi ba’t nawasak ka na? Talagang mahirap para sa mga tao na ibigay ang kanilang mga puso sa Diyos. Hindi madali para sa Diyos na humawak ng kapangyarihan sa puso ng mga tao. Hindi basta-bastang nangangasiwa at humahawak ng kapangyarihan ang Diyos sa mga puso ng mga tao. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa sangkatauhan ay kinabibilangan ng pagdidilig, pagpapastol, pagbibigay-liwanag, pagtanglaw, paggabay, at pagprotekta sa kanila batay sa kanilang mga likas na kondisyon. Dagdag pa rito, dinidisiplina, itinutuwid, kinakastigo, at hinahatulan sila ng Diyos, habang naghahanda rin ng lahat ng uri ng sitwasyon para sa mga tao. Nagpapahintulot ito sa kanila, habang sila ay tumatanda, na unti-unting magkamit ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos at sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan sa mga obhetibong sitwasyon. Pagkatapos, unti-unti—ayon sa pag-iisip ng normal na pagkatao—ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay pinag-uugat sa kanilang mga puso at nagiging kanilang buhay, at sa gayon, ang mga taong ito ay nakakamit ng Diyos. Mayroong proseso ang lahat ng ito. Pero iba ang panlilihis at pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Bakit natin sinasabi na ang diwa ni Satanas ay lihis? Sapilitan nitong inaangkin at kinokontrol ang mga tao. Sapat na ang aspektong ito para patunayan na ang diwa ni Satanas ay lihis. Ito ay kongkretong katibayan. Kapag gusto mong hangarin na maging ang uri ng tao na isang diyablo, at kapag hinahangad mo ang mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pagpapamalas, pag-uugali, at abilidad na ito, nagbubukas ang iyong puso kay Satanas. Para bang, sa iyong puso, sinasabi mo kay Satanas: “Pumasok ka, may inilaan akong lugar para sa iyo. Maaari mong kontrolin ang buo kong pagkatao.” Ano ang sasabihin sa iyo ni Satanas? “Kung makikinig ka sa akin at papayagan mo akong humawak ng kapangyarihan sa iyong puso, matututunan mo ang lahat ng gusto mong taglayin. Magkakaroon ka ng lahat ng kakatwa at higit sa likas na bagay, malalampasan mo ang mga ordinaryong tao, at mahihigitan mo ang mga karaniwang tao.” Ang paghahangad ng mga tao sa mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pag-uugali at pagpapamalas o abilidad na ito ay katumbas ng pakikipag-usap nila kay Satanas, at katumbas din ito ng pagyakap nila kay Satanas sa kanilang puso. Kung hahangarin mo ang mga kakatwa at higit sa likas na bagay na ito, mabilis na magsisimulang gumawa si Satanas sa iyong puso. Sa puntong ito, kapag muli kang makikinig sa mga salita ng Diyos, hindi ka na magkakaroon ng mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng isang normal na tao, kundi magkakaroon ng 180-degree na pagbaligtad. Ang iyong saloobin sa katotohanan ay magiging ganap na naiiba mula sa saloobin ng isang normal na tao. Ang ipapamalas mo ay pagtutol sa katotohanan at pagkamapanlaban sa katotohanan. Ganoon iyon. Kung tutol at mapanlaban ka sa katotohanan, makakamit mo pa ba ang katotohanan? Hindi. Nabihag ka na ni Satanas. Samakatwid, tungkol sa mga kakatwa, higit sa likas, at hindi normal na pagpapamalas ng mga nagreengkarnasyon mula sa mga taong mga diyablo, dapat mahigpit na magbantay ang mga tao laban sa mga ito, pakitunguhan ang mga ito nang may pag-iingat at dunong, at huwag ipagwalang-bahala ang mga ito. Ibig sabihin, dapat kang magkaroon ng pagkilatis sa mga pagpapamalas na ito. Huwag kang maging interesado sa mga ito o lumapit sa gayong mga tao, lalo namang huwag mong lihim na kainggitan, hangaan, o hangarin at tularan pa nga ang mga ito sa iyong puso. Sa halip, dapat kang lumayo sa ganitong uri ng tao, magkaroon ng pagkilatis sa kanila, magkaroon ng malinaw na paninindigan, at gumuhit ng malinaw na hangganan sa pagitan nila at ng iyong sarili. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.)